Pagbati sa Kumperensya
Tayo ngayon … ay nagkakaisa sa ating pananampalataya at sa hangarin nating makinig at matuto mula sa mga mensaheng ibibigay sa atin.
Mahal kong mga kapatid, malugod ko kayong binabati sa pandaigdigang kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Natitipon tayo ngayon bilang isang malaking pamilya, higit pa sa 15 milyon ang dami natin, nagkakaisa sa ating pananampalataya at sa hangarin nating makinig at matuto mula sa mga mensaheng ibibigay sa atin.
Mabilis na lumipas ang anim na buwan habang sumusulong nang walang balakid ang gawain ng Simbahan. Nagkaroon ako ng pribilehiyo, mahigit isang buwan na ang nakalipas, na ilaan ang Gilbert Arizona Temple, isang kahanga-hangang istruktura. Noong gabi bago ang paglalaan, isang kultural na pagtatanghal ang idinaos sa kalapit na Discovery Park. Labindalawang libong kabataan ang nagtanghal sa 90-minutong programa. Ang mga sayaw, pag-awit, at mga musikal na pagtatanghal ay napakaganda.
Ang lugar na ito ay nakararanas ng tagtuyot, at naniniwala ako na maraming panalangin na sinambit patungong langit nitong mga nakaraang linggo para sa kinakailangang ulan. Sa kasamaang-palad, dumating ito bago pa magsimula ang programa at patuloy na umulan sa buong pagtatanghal! Sa kabila ng pagkabasa ng mga kabataan dahil sa ulan at ginaw na nadama nila sa malamig na temperatura, nadama naming lahat ang Espiritu ng Panginoon. Ang tema ng programa, “Mamuhay nang Tapat sa Pananampalataya,”—isipin ninyo iyan: “Mamuhay nang Tapat sa Pananampalataya,”—ay ganap na nakita sa nakangiti at masisiglang kabataang lalaki at babae. Sa kabila ng lamig at ulan, ito ay karanasang puno ng pananampalataya at inspirasyon na pahahalagahan at ikukuwento ng mga kabataan sa kanilang mga anak at apo sa mga darating na taon.
Kinabukasan, ang paglalaan ng Gilbert Arizona Temple ay ginanap. Ito ang ika-142 gumaganang templo sa Simbahan. Hindi tulad nang nagdaang gabi, maganda at masikat ang araw sa maghapong iyon. Ang mga sesyon ay tunay na nagbigay-inspirasyon. Kasama ko roon sina Pangulong Henry B. Eyring, Elder at Sister Tad R. Callister, Elder at Sister William R. Walker, at Elder at Sister Kent F. Richards.
Sa Mayo ang Fort Lauderdale Florida Templo ay ilalaan. May iba pang mga templo na nakaiskedyul na makukumpleto at ilalaan sa taong ito. Sa 2015 inaasahan nating matatapos at mailalaan ang mga bagong templo sa maraming panig ng mundo. Magpapatuloy ang prosesong ito. Kapag tapos na ang lahat ng dating ibinalitang mga templo, magkakaroon tayo ng 170 mga templong gumagana sa buong mundo.
Bagama’t nakatuon ngayon ang ating mga pagsisikap sa pagtapos sa mga dating ibinalita nang templo at hindi na muna magbabalita ng anumang bagong templo sa malapit na hinaharap, patuloy pa rin tayo sa proseso ng pag-alam sa mga pangangailangan at paghahanap ng mga lugar para sa mga templo na itatayo pa natin. Magbabalita tayo ng iba pa sa mga darating na pangkalahatang kumperensya. Tayo ay mga taong laging nagtatayo ng templo at mga taong mapagdalo sa templo.
Ngayon, mga kapatid, nasasabik tayong makinig sa mga mensahe na ibibigay sa atin ngayon at bukas. Ang mga magsasalita sa atin ay hiningi ang tulong at patnubay ng langit habang inihahanda ang kanilang mga mensahe.
Nawa tayo—lahat tayo, dito at saanmang dako—ay mapuspos ng Espiritu ng Panginoon at mapasigla at mabigyang-inspirasyon habang nakikinig tayo at natututo. Sa pangalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas, amen.