Mga Anak na Babae sa Tipan
Ang landas … na kailangan nating tahakin pabalik sa ating Ama sa Langit … ay minarkahan ng mga sagradong pakikipagtipan sa Diyos.
Naturuan tayo nang may espirituwal na kapangyarihan sa gabing ito. Dalangin ko na ang mga salitang binigkas ng mga dakilang babaing lider na ito ay tumimo sa inyong puso tulad sa akin.
Makasaysayan ang pulong na ito. Lahat ng kababaihan ng Simbahan na edad walo pataas ay naanyayahang makiisa sa atin sa gabing ito. Marami sa atin ang nanalangin na mapasaatin ang Espiritu Santo. Ipinagkaloob ang pagpapalang iyan nang marinig natin ang pagsasalita ng kababaihang ito at mapakinggan natin ang nakasisiglang musika. Dalangin ko na patuloy na mapasaatin ang Espiritu habang naghihikayat at nagpapatotoo ako bilang karagdagan sa nasabi na—at lalo na para magpatotoo na ang nasabi sa atin ay ang nais ng Panginoon na marinig natin.
Magsasalita ako ngayong gabi tungkol sa landas—na sa napakagagandang paraan ay nailarawan ngayon—na tatahakin natin pabalik sa ating Ama sa Langit. Ang landas na iyan ay minarkahan ng mga sagradong pakikipagtipan sa Diyos. Magsasalita ako sa inyo tungkol sa kagalakan ng paggawa at pagtupad ng mga tipang iyon at pagtulong sa iba na tuparin ang mga iyon.
Ang ilan sa inyo ay nabinyagan kamakailan at natanggap ang kaloob na Espiritu Santo sa pagpapatong ng mga kamay. Sa inyo ay sariwa pa ang alaalang iyon. Ang iba naman ay matagal nang nabinyagan, kaya’t ang alaala ng nadama ninyo nang makipagtipan kayo ay maaaring hindi na ganoon kalinaw, ngunit bumabalik ang damdaming iyon tuwing pinakikinggan ninyo ang mga panalangin sa sakramento.
Wala sa atin ang magkakapareho ang alaala tungkol sa araw na ginawa natin ang sagradong tipang iyon sa binyag at tinanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo. Ngunit nadama ng bawat isa sa atin ang pagsang-ayon ng Diyos. At nadama natin ang hangaring magpatawad at mapatawad at ang higit na determinasyong gawin ang tama.
Ang tindi ng epekto ng damdaming iyon sa puso ninyo ay batay sa paraan ng paghahanda sa inyo ng mapagmahal na mga tao. Sana kayong mga sumapi sa Simbahan kamakailan ay pinagpalang makatabi sa upuan ang inyong ina. Kung magkatabi kayo, bigyan ninyo siya ng ngiti ng pasasalamat ngayon din. Naaalala ko na nakadama ako ng kagalakan at pasasalamat habang nakaupo ako sa likuran ng nanay ko pauwi mula sa binyag ko sa Philadelphia, Pennsylvania.
Ang nanay ko ang naghandang mabuti sa akin sa paggawa ng tipang iyon at sa lahat ng iba pang kasunod niyon. Naging tapat siya sa utos na ito ng Panginoon:
“At muli, yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag, na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang.
“Sapagkat ito ay magiging batas sa mga naninirahan sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag.
“At ang kanilang mga anak ay bibinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan pagsapit ng walong taong gulang, at tatanggapin ang [Espiritu Santo].”1
Ginawa ni Inay ang kanyang bahagi. Naihanda niya ang kanyang mga anak sa mga salitang tulad ng kay Alma, na nakatala sa Aklat ni Mormon:
“At ito ay nangyari na, na kanyang sinabi sa kanila: Masdan, narito ang mga tubig ng Mormon (sapagkat sa gayon ang mga yaon ay tinawag) at ngayon, yamang kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan;
“Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, nang kayo ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan—
“Ngayon, sinasabi ko sa inyo, kung ito ang naisin ng inyong mga puso, ano ang mayroon kayo laban sa pagpapabinyag sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi sa harapan niya na kayo ay nakikipagtipan sa kanya, na siya ay inyong paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan, nang kanyang ibuhos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa inyo?
“At ngayon, nang marinig ng mga tao ang mga salitang ito, ipinalakpak nila ang kanilang mga kamay sa kagalakan, at nagbulalas: Ito ang mga naisin ng aming mga puso.”2
Maaaring hindi kayo pumalakpak nang una ninyong marinig ang paanyayang makipagtipan sa binyag, ngunit tiyak na nadama ninyo ang pagmamahal ng Tagapagligtas at mas nangako kayong pangalaan ang iba para sa Kanya. Masasabi ko na “tiyak” na dahil ang mga damdaming iyon ay nasa kaibuturan ng puso ng lahat ng mga anak na babae ng Ama sa Langit. Bahagi iyan ng inyong banal na pamana mula sa Kanya.
Tinuruan Niya kayo bago kayo pumarito sa buhay na ito. Tinulungan Niya kayong maunawaan at tanggapin na magkakaroon kayo ng mga pagsubok at pagkakataon na pinili para lamang sa inyo. Nalaman ninyo na ang ating Ama ay may plano ng kaligayahan para malampasan ninyo ang mga pagsubok na iyon at na tutulungan ninyo ang iba na malampasan ang kanilang mga pagsubok. Ang planong ito ay minarkahan ng mga pakikipagtipan sa Diyos.
Malaya tayong pumili kung gagawin at tutuparin natin ang mga tipang iyon. Iilan lamang sa Kanyang mga anak na babae ang may pagkakataon sa buhay na ito na malaman ang tungkol sa mga tipang iyon. Kabilang kayo sa ilang mapapalad. Kayong minamahal na mga kapatid, bawat isa sa inyo ay anak sa tipan.
Tinuruan kayo ng Ama sa Langit bago kayo isinilang tungkol sa mga mararanasan ninyo sa paglisan ninyo sa Kanyang piling at pumarito kayo sa lupa. Itinuro sa inyo na ang landas pabalik sa Kanya ay hindi magiging madali. Alam Niya na lubha kayong mahihirapang maglakbay nang walang tulong.
Mapalad kayo na hindi lamang makita ang paraan para magawa ang mga tipang iyon sa buhay na ito kundi mapalibutan din kayo ng iba pang tutulong—na, tulad ninyo, ay mga anak sa tipan ng Ama sa Langit.
Nadama ninyong lahat ang pagpapala na makasama ang mga anak na babae ng Diyos ngayong gabi na nakipagtipan din na tumulong at patnubayan kayo tulad ng ipinangako nilang gawin. Nakita ko na ang nakita ninyo habang tinutupad ng mga pinagtipanang babae ang pangakong iyon na mang-alo at tumulong—at gawin ito nang nakangiti.
Naaalala ko ang ngiti ni Sister Ruby Haight. Siya ang asawa ni Elder David B. Haight, na miyembro noon ng Korum ng Labindalawang Apostol. Noong binata pa siya naglingkod siya bilang pangulo ng Palo Alto Stake sa California. Ipinagdasal niya, at nag-alala siya, tungkol sa mga batang babae sa Mia Maid class sa kanyang ward.
Kaya nabigyang-inspirasyon si Pangulong Haight na hilingin sa bishop na tawagin si Ruby Haight para magturo sa mga batang babaing iyon. Alam niya na magiging saksi si Ruby ng Diyos na magpapasigla, aalo, at magmamahal sa mga batang babae sa klaseng iyon.
Mga 30 taon ang tanda ni Sister Haight sa mga batang babaing tinuruan niya. Subalit 40 taon matapos niya silang turuan, tuwing magkikita sila ng asawa ko, isa siya noon sa mga bata sa klase niya, ay iaabot niya ang kanyang kamay, ngingiti, at sasabihin kay Kathy, “Ah! Ang Mia Maid ko.” Hindi lang iyon magiliw na pagbati. Nadama ko rin ang matinding pagmamahal niya sa isang babaeng pinagmalasakitan pa niya na parang sarili niyang anak. Ang kanyang ngiti at mainit na pagbati ay dahil sa nakikita niya na ang isang kapatid at anak na babae ng Diyos ay nasa tamang landas pa rin pauwi.
Nginingitian din kayo ng Ama sa Langit tuwing makikita Niya na tinutulungan ninyo ang isa Niyang anak na babae na sumulong sa landas ng tipan tungo sa buhay na walang hanggan. At natutuwa Siya tuwing sisikapin ninyong piliin ang tama. Nakikita Niya hindi lamang kung ano kayo ngayon kundi ang maaari ninyong kahinatnan.
Maaaring inisip ng magulang ninyo sa lupa na higit pa sa inaakala ninyo ang kaya ninyong abutin. Ganyan ang nanay ko.
Ang hindi ko alam noong bata pa ako ay na nakikita ng aking Ama sa Langit, na inyong Ama sa Langit, ang mas malaking potensyal ng Kanyang mga anak kaysa nakikita natin o kahit ng ating mga ina sa lupa. At tuwing susulong kayo paakyat para maabot ang inyong potensyal, nagpapaligaya ito sa Kanya. At madarama ninyo ang Kanyang pagsang-ayon.
Nakikita Niya ang dakilang potensyal sa lahat ng Kanyang mga anak na babae, saanman sila naroon. Ngayon, malaking responsibilidad ang dulot niyan sa bawat isa sa inyo. Umaasa Siya na ituturing ninyong anak ng Diyos ang bawat taong makikilala ninyo. Iyan ang dahilan kaya Niya tayo inuutusang mahalin ang ating kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili at patawarin sila. Ang inyong kabaitan at pagpapatawad sa iba ay banal na pamana Niya sa inyo bilang Kanyang anak. Bawat taong makilala ninyo ay Kanyang minamahal na espiritung anak.
Kapag nadama ninyo ang dakilang kapatirang iyon ng kababaihan, naglalaho ang inaakala nating naghihiwalay sa atin. Halimbawa, ipinapaalam ng nakababata at nakatatandang mga babae ang kanilang damdamin na umaasang sila ay mauunawaan at tatanggapin. Mas magkakatulad kayo kaysa magkakaiba bilang mga anak na babae ng Diyos.
Sa ganitong pananaw, dapat ituring ng mga dalagita ang pagpasok nila sa Relief Society na isang pagkakataon para dumami ang mga miyembrong babae na makikilala, hahangaan, at mamahalin nila.
Ang kakayahan ding iyon na makita ang maaari nating kahinatnan ay nag-iibayo sa mga pamilya at sa Primary. Nangyayari ito sa mga family home evening at programa sa Primary. Ang maliliit na bata ay nabibigyang-inspirasyong magsabi ng dakila at kagila-gilalas na mga bagay, tulad noong kalagan ng Tagapagligtas ang kanilang mga dila nang turuan Niya sila matapos Siyang mabuhay na mag-uli.3
Bagama’t maaaring sinasalakay ni Satanas ang mga babae sa murang edad, lalong higit na dinaragdagan ng Panginoon ang antas ng espirituwalidad ng kababaihan. Halimbawa, tinuturuan ng mga dalagita ang kanilang mga ina kung paano gamitin ang FamilySearch para hanapin at iligtas ang kanilang mga ninuno. Ang ilang dalagitang kakilala ko ay pinipiling umalis nang napakaaga para magsagawa ng mga proxy baptism sa mga templo nang walang naghihikayat maliban sa Espiritu ni Elijah.
Sa mga mission sa iba’t ibang panig ng mundo, ang kababaihan ay tinatawag na maglingkod bilang mga lider. Nilikha ng Panginoon ang pangangailangan sa kanilang paglilingkod sa pamamagitan ng pag-antig sa puso ng maraming kababaihan na maglingkod. Hindi lang iilang mission president ang nakakita na nagiging mas mabisa ang mga sister missionary bilang mga proselyter at lalo na bilang mapag-arugang mga lider.
Full-time missionary man kayo ngayon o hindi, magkakaroon din kayo ng kakayahang pagyamanin ang pagsasama ninyong mag-asawa at magpalaki ng mararangal na anak sa pagsunod sa mga halimbawa ng mga dakilang babae.
Tingnan ninyo si Eva, ang ina ng lahat ng nabubuhay. Ganito ang sabi ni Elder Russell M. Nelson tungkol kay Eva: “Tayo at ang buong sangkatauhan ay pinagpala magpakailanman dahil sa tapang at karunungan ni Eva. Dahil siya ang naunang kumain ng bunga, ginawa niya ang kailangang gawin. Sapat ang talino ni Adan para gawin din iyon.”4
Bawat anak ni Eva ay may potensiyal na ihatid ang pagpapala ring iyon sa kanyang pamilya gaya ng ginawa ni Eva. Napakahalaga niya sa pagbuo ng mga pamilya kaya’t narito ang ulat sa atin tungkol sa paglikha sa kanya: “At sinabi ng mga Diyos: Gumawa tayo ng makakatuwang ng lalaki, sapagkat hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa, kaya nga, tayo ay huhubog ng makakatuwang niya.”5
Hindi natin alam ang lahat ng naitulong ni Eva kay Adan at sa kanilang pamilya. Ngunit alam natin ang isang dakilang kaloob na ibinigay niya, na maibibigay din ng bawat isa sa inyo: tinulungan niya ang kanyang pamilya na makita ang landas pauwi noong tila mahirap ang landas papunta roon. “At si Eva, na kanyang asawa, ay narinig ang lahat ng bagay na ito at natuwa, nagsasabing: Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin.”6
Nakita na ninyo ang kanyang halimbawang susundan ninyo.
Sa pamamagitan ng paghahayag, natanto ni Eva ang landas pauwi sa Diyos. Nalaman niya na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, naging posible ang buhay na walang hanggan sa mga pamilya. Natiyak niya, at matitiyak din ninyo, na kapag tinupad niya ang kanyang mga tipan sa kanyang Ama sa Langit, ang Manunubos at Espiritu Santo ay papatnubayan siya at ang kanyang pamilya anumang mga kalungkutan at pighati ang dumating. Alam niyang mapagkakatiwalaan niya Sila.
“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo; at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.
“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.”7
Alam kong naharap si Eva sa mga kalungkutan at pighati, ngunit alam ko rin na nagalak siya sa kaalaman na siya at ang kanyang pamilya ay makababalik sa piling ng Diyos. Alam ko na marami sa inyo na narito ngayon ang dumaranas ng mga kalungkutan at pighati. Iniiwan ko sa inyo ang aking basbas na nawa’y madama ninyo, gaya ni Eva, ang kagalakang nadama niya sa inyong paglalakbay pauwi.
Tiyak ang aking patotoo na binabantayan kayo ng Diyos Ama nang buong pagmamahal. Mahal Niya ang bawat isa sa inyo. Kayo ang Kanyang mga anak sa tipan. Dahil mahal Niya kayo, ibibigay Niya ang tulong na kailangan ninyo upang iangat ang inyong sarili at ang iba pabalik sa Kanyang kinaroroonan.
Alam ko na binayaran ng Tagapagligtas ang halaga ng lahat ng ating kasalanan at na sumasaksi ang Espiritu Santo sa katotohanan. Nadama ninyo ang kapanatagan na iyan sa pulong na ito. Pinatototohanan ko na lahat ng susing nagbibigkis sa mga sagradong tipan ay naipanumbalik na. Hawak at ginagamit ang mga ito ngayon ng ating buhay na propetang si Pangulong Thomas S. Monson. Iniiwan ko ang mga salitang ito ng kapanatagan at pag-asa sa inyo, na Kanyang pinakamamahal na pinagtipanang mga anak, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.