Kung Kayo ay Nagkukulang ng Karunungan
Ihahayag ng Diyos ang katotohanan sa mga yaong naghahangad nito tulad ng nakasaad sa mga banal na kasulatan.
Noong isang araw, pinag-aaralan ng aking 10-taong-gulang na anak ang tungkol sa utak ng tao sa Internet. Gusto niyang maging surgeon balang-araw. Madaling mapansin na mas matalino siya kaysa sa akin.
Natutuwa kami sa Internet. Sa bahay nakikipag-ugnayan kami sa pamilya at mga kaibigan sa pamamagitan ng social media, e-mail, at iba pang mga paraan. Ginagawa ng mga anak ko ang karamihan sa kanilang homework gamit ang Internet.
Anuman ang tanong, kung kailangan namin ng mas maraming impormasyon, sinasaliksik namin ito online. Segundo lang ay marami na kaming nakukuhang impormasyon. Kahanga-hanga ito.
Ang Internet ay naglalaan ng maraming pagkakataong matuto. Gayunpaman, hangad ni Satanas na maging kaaba-aba tayo, at pinapasama niya ang tunay na layunin ng mga bagay-bagay. Ginagamit niya ang magandang kasangkapang ito upang magdulot ng pag-aalinlangan at takot at wasakin ang pananampalataya at pag-asa.
Dahil maraming makukuha sa Internet, dapat nating isiping mabuti kung saan tayo magsasaliksik. Gagawin tayong abala ni Satanas, lilituhin, at dudumihan sa pamamagitan ng pagsasaliksik ng impormasyon, na karamihan ay talagang basura.
Hindi dapat galugarin ang basura.
Makinig sa patnubay na ito na ibinigay ng mga banal na kasulatan: “Ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama; samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo … na iyon ay sa Diyos.”1
Ang totoo, nararanasan din natin ang naranasan ni Joseph Smith sa kanyang kabataan. Madalas din nating matagpuan ang ating sarili na nagkukulang ng karunungan.
Sa kaharian ng Diyos, ang paghahanap ng katotohanan ay pinahahalagahan, hinihikayat, at hindi kailanman pinipigilan o kinatatakutan. Ang mga miyembro ng Simbahan ay mahigpit na pinayuhan ng Panginoon na maghanap ng kaalaman.2 Sinabi Niya, “Masigasig na maghanap … ; oo, maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.”3 Gayunman, paano natin makikilala ang katotohanan sa daigdig na lalo pang nagiging hayagan sa pag-atake nito sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos?
Itinuro sa atin ng mga banal na kasulatan ang paraan:
Una, malalaman natin ang katotohanan sa mga bunga nito.
Sa Kanyang dakilang Pangaral sa Bundok, sinabi ng Panginoon:
“Gayon din naman ang bawa’t mabuting punong kahoy ay nagbubunga ng mabuti; datapuwa’t ang masamang punong kahoy ay nagbubunga ng masama. …
“Kaya’t sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila.”4
Itinuro ni Propetang Mormon ang ganito ring alituntunin nang sabihin niya, “Sa pamamagitan ng kanilang mga gawa inyo silang makikilala; sapagkat kung ang kanilang mga gawa ay mabubuti, kung gayon, sila ay mabubuti rin.”5
Inaanyayahan namin ang lahat na pag-aralan ang mga bunga at gawain ng Simbahang ito.
Yaong mga interesado sa katotohanan ay makikilala ang kaibhang nagawa ng Simbahan at ng mga miyembro nito sa mga komunidad kung saan sila naroroon. Mapapansin din nila ang pagbuti ng buhay ng mga tao na sumusunod sa mga turo nito. Matutuklasan ng mga sumusuri sa mga bungang ito na ang bunga ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kalugud-lugod at kasiya-siya.
Pangalawa, mahahanap natin ang katotohanan sa pagsubok natin mismo sa salita.
Itinuro ni Propetang Alma:
“Ating ihahalintulad ang salita sa isang binhi. … Kung kayo ay magbibigay-puwang, na ang binhi ay maitanim sa inyong mga puso, masdan, kung iyon ay isang tunay na binhi, [at] … kung hindi ninyo ito itatapon dahil sa inyong kawalang-paniniwala, … masdan, ito ay magsisimulang lumaki sa loob ng inyong mga dibdib; at … kayo ay magsisimulang magsabi sa inyong sarili—Talagang ito ay mabuting binhi, … sapagkat sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging masarap para sa akin. …
“… At ngayon, … ito ba ay hindi makapagpapalakas sa inyong pananampalataya? Oo, ito ay makapagpapalakas sa inyong pananampalataya. …
“… Sapagkat ang bawat binhi ay magbubunga ng kanyang katulad.”6
Ito ay napakagandang paanyaya ng isang propeta ng Panginoon! Maaari itong ikumpara sa isang eksperimento sa siyensya. Inaanyayahan tayo na subukan ang salita, ibinigay na sa atin ang pamamaraan, at sinabi sa atin ang kalalabasan ng pagsubok kung susundin natin ang mga tagubilin.
Kaya nga itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na malalaman natin ang katotohanan sa pagsuri sa mga bunga nito o sa pagsubok nito mismo, nagbibigay ng puwang sa ating puso at pinangangalagaan ito tulad ng isang binhi.
Gayunman, may pangatlo pang paraan upang malaman ang katotohanan, at iyon ay sa pamamagitan ng personal na paghahayag.
Itinuturo sa Doktrina at mga Tipan bahagi 8 na ang paghahayag ay kaalaman—“kaalaman ng anumang bagay na [ating] hihilingin nang may pananampalataya, nang may tapat na puso, naniniwala na matatanggap [natin].”7
At sinabi ng Panginoon kung paano tayo tatanggap ng paghahayag. Sabi Niya, “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso.”8
Sa ganitong paraan, itinuro sa atin na ang paghahayag ay matatamo lamang sa pamamagitan ng paghiling nang may pananampalataya, nang may tapat na puso, at naniniwalang matatanggap natin ito.
Ngunit pansinin na nilinaw ito nang lubos ng Panginoon nang magbabala Siya, “Tandaan na kung walang pananampalataya ay wala kang magagawa.”9 Ang pananampalataya ay nangangailangan ng paggawa, tulad ng pag-aralan ito sa inyong isipan, at pagkatapos ay itanong sa panalangin kung ito ay tama.
Wika ng Panginoon:
“Kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama.
“Subalit kung ito ay hindi tama wala kang madaramang gayon, kundi ikaw ay magkakaroon ng pagkatuliro ng pag-iisip na magiging dahilan upang makalimutan mo ang bagay na mali.”10
Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.11 Kung gayon, “humingi [nang] may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan.”12
May kaibigan ako, na hindi miyembro, na nagsabi sa akin na hindi siya espirituwal na tao. Hindi siya nag-aaral ng mga banal na kasulatan o nagdarasal dahil ayon sa kanya hindi niya nauunawaan ang mga salita ng Diyos, ni nakatitiyak kung may Diyos. Ang ugaling ito ay nagpapaliwanag ng kawalan niya ng espirituwalidad at hahantong sa kabaligtaran ng paghahayag, na ipinaliwanag ni Alma: Sabi niya, “At kaya nga, siya na magpapatigas ng kanyang puso, siya rin ang tatanggap ng higit na maliit na bahagi ng salita.”
Ngunit, idinagdag ni Alma, “siya na hindi magpapatigas ng kanyang puso, sa kanya ay ibibigay ang higit na malaking bahagi ng salita, hanggang sa ibigay sa kanya na malaman ang hiwaga ng Diyos, hanggang sa kanyang malamang ganap ang mga ito.”13
Si Alma at mga anak ni Mosias ay mga halimbawa ng alituntunin na ang pananampalataya ay nangangailangan ng paggawa. Sa Aklat ni Mormon mababasa natin:
“Sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos.
“Subalit hindi lamang ito; itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag.”14
Ang paghiling nang may tapat na puso ay mahalaga rin sa paraang ito. Kung tapat nating hinahanap ang katotohanan, gagawin natin ang lahat upang mahanap ito, na maaaring kapalooban ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagsisimba, at lubos na pagsisikap na sundin ang mga utos ng Diyos. Ibig sabihin din nito ay handa tayong gawin ang kalooban ng Diyos kapag nalaman natin ito.
Ang ginawa ni Joseph Smith noong naghahanap siya ng karunungan ay perpektong halimbawa ng kahulugan ng pagkakaroon ng tapat na puso. Sinabi niya na gusto niyang malaman kung alin sa mga sekta ang totoo upang “malaman kung alin ang sasapian [niya].”15 Bago pa man siya manalangin, handa siyang kumilos sa sagot na matatanggap niya.
Dapat tayong humiling nang may pananampalataya at tapat na puso. Ngunit hindi lamang ito. Dapat din tayong maniwala na tatanggap tayo ng paghahayag. Dapat tayong magtiwala sa Panginoon at umasa sa Kanyang mga pangako. Alalahanin ang nasusulat: “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.”16 Napakagandang pangako nito!
Inaanyayahan ko ang lahat na hanapin ang katotohanan sa alinman sa mga paraang ito ngunit lalo na sa Diyos sa pamamagitan ng personal na paghahayag. Ihahayag ng Diyos ang katotohanan sa mga yaong naghahangad nito tulad ng nakasaad sa mga banal na kasulatan. Kailangan ang higit pang pagsisikap kaysa sa pagsasaliksik lamang sa Internet, at sulit ito.
Nagpapatotoo ako na ito ang totoong Simbahan ni Jesucristo. Nakita ko na ang mga bunga nito sa mga komunidad at sa buhay ng libu-libo, pati sa mga miyembro ng aming pamilya, kaya alam kong totoo ito. Sinubukan ko ang salita sa aking buhay sa loob ng maraming taon, at nadama ko ang epekto nito sa aking kaluluwa, kaya alam kong totoo ito. Ngunit higit sa lahat, nalaman ko ang katotohanan nito mismo sa aking sarili sa pamamagitan ng paghahayag na dala ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; kaya alam kong totoo ito. Inaanyayahan ko kayong lahat na gawin din ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.