2010–2019
Proteksyon Laban sa Pornograpiya—Tahanang Nakatuon kay Cristo
Abril 2014


12:13

Proteksyon Laban sa Pornograpiya—Tahanang Nakatuon kay Cristo

Linda S. Reeves

Pinatototohanan ko na ang pinakamatinding filter sa mundo … ay ang sariling filter sa ating kalooban na nagmumula sa malalim at matibay na patotoo.

Mahal kong mga kapatid, napakapalad ko na narito ngayon sa kongregasyon ang aking 13 pinakamatatandang apo. Dahil dito naitanong ko, “Ano ang gusto kong malaman ng aking mga apo?” Ngayong umaga tuwiran akong magsasalita sa aking pamilya at sa inyong pamilya.

Tayo bilang mga lider ay labis na nag-aalala sa pinsalang dulot ng pornograpiya sa buhay ng mga miyembro ng Simbahan at kanilang mga pamilya. Napakatindi ng pag-atake ni Satanas.

Isang dahilan kaya tayo narito sa lupa ay upang matutuhang pigilan ang silakbo ng damdamin at emosyon ng ating mortal na katawan. Ang mga damdaming ito na bigay ng Diyos ay tumutulong para hangarin nating magpakasal at magkaanak. Ang intimasiya sa pagitan ng mag-asawa na nagbubunga ng mga anak na isinisilang sa mortalidad ay nilayon din na maging maganda at masayang karanasan na nagbibigkis sa dalawang pusong nagmamahalan, pinag-iisa ang espiritu at katawan, at dulot ay galak at kaligayahan kapag natutuhan nating unahin ang isa’t isa. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball na sa pagsasama ng mag-asawa, “ang asawa ang … nagiging pangunahin sa buhay ng mag-asawa, at … ang ibang interes o tao o bagay ay hindi dapat mauna sa asawa. …

“Kailangan sa pag-aasawa ang ganap na pagpisan at lubos na katapatan.”1

Maraming taon na ang nakalipas, isa sa mga anak namin ang halatang balisa. Pumasok ako sa silid niya, at doon sinabi niya sa akin ang nasasaloob niya at ipinaliwanag na galing siya sa bahay ng isang kaibigan at hindi inaasahang nakakita siya ng nakabibigla at nakababagabag na mga imahe at aksyon sa telebisyon ng lalaki at babae na walang suot na damit. Nagsimula siyang umiyak at sinabi kung gaano ang takot na nadama niya sa nakita niya at hinangad na mawala ito sa kanyang isipan. Lubos ang pasasalamat ko na nagtapat siya sa akin, nabigyan ako ng pagkakataon na payapain ang kanyang walang-muwang at nasaktang puso at tulungan siya kung paano mapanatag sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas. Naaalala ko ang sagradong damdaming nadama ko nang magkasama kaming lumuhod, kaming mag-ina, at humingi ng tulong sa ating Ama sa Langit.

Maraming bata, kabataan, at matatanda ang walang-muwang na nalalantad sa pornograpiya, ngunit dumarami ang bilang ng kalalakihan at kababaihan na pinipiling panoorin ito at binabalik-balikan hanggang sa malulong sila rito. Maaaring naisin ng mga taong ito nang buong puso na kumawala sa bitag na ito ngunit kadalasan ay hindi nila ito madaig nang mag-isa. Lubos ang pasasalamat natin kapag ang mga mahal natin sa buhay ay nagtapat sa atin bilang mga magulang o lider sa Simbahan. Dapat maging matalino tayo na huwag mabigla, magalit, o tumalikod, na magiging sanhi upang muli silang hindi kumibo.

Tayo bilang mga magulang at lider ay dapat palaging nakikipag-usap sa ating mga anak at kabataan, nakikinig nang may pagmamahal at pag-unawa. Kailangan nilang malaman ang mga panganib ng pornograpiya at kung paano nito kinokontrol ang buhay, nagiging dahilan ng pagkawala ng Espiritu, ng di-magagandang damdamin, panlilinlang, sirang pagsasama, kawalan ng pagpipigil sa sarili, at halos inuubos nito ang panahon, pag-unawa, at kasiglahan.

Ang pornograpiya ay lalong mahalay, masama, at lantad sa panahong ito. Sa pagkausap natin sa ating mga anak, maaari tayong sama-samang gumawa ng plano ng pamilya na may mga pamantayan at limitasyon, maging maagap na protektahan ang ating mga tahanan gamit ang mga filter at setting sa mga electronic device. Mga magulang, alam ba natin na ang mga mobile device na nakakakonekta sa Internet, hindi mga computer, ang nagdudulot ng pinakamalaking problema?2

Mga kabataan at matatanda, kung kayo ay nahuli sa bitag ng pornograpiya ni Satanas, alalahanin na napakamaawain ng ating mahal na Tagapagligtas. Natatanto ba ninyo kung gaano kalaki ang pagmamahal at malasakit ng Panginoon sa inyo, maging sa ngayon? Ang ating Tagapagligtas ay may kapangyarihang linisin at pagalingin kayo. Maaalis Niya ang sakit at lungkot na nadarama ninyo at malilinis kayong muli sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Kami bilang mga lider ay labis na nag-aalala sa mga asawa at pamilya ng mga taong dumaranas ng adiksyon sa pornograpiya. Nanawagan si Elder Richard G. Scott: “Kung wala kayong malubhang kasalanan, hindi ninyo kailangang pagdusahan ang bunga ng mga kasalanan ng iba. … Mahahabag kayo. … Gayunma’y hindi ninyo dapat akuin ang responsibilidad sa mga pagkakasalang iyon.”3 Dapat ninyong malaman na hindi kayo nag-iisa. Mayroong tutulong. Mayroong mga pulong tungkol sa pagdaig sa adiksyon para sa mga asawa, kabilang ang mga phone-in meeting, na nagtutulot sa asawa na gumamit ng telepono sa isang miting at makibahagi mula sa sarili nilang tahanan.

Mga kapatid, paano natin pinoproteksyunan ang ating mga anak at kabataan? Ang mga filter ay mga tool na nakatutulong, ngunit ang pinakamatinding filter sa mundo, ang tangi at talagang magpoprotekta, ay ang sariling filter sa ating kalooban na nagmumula sa malalim at matibay na patotoo sa pagmamahal ng ating Ama sa Langit at nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin.

Paano natin aakayin ang ating mga anak na magkaroon ng malalim na pananalig at magkaroon ng epekto sa kanila ang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas? Gusto ko ang sinabi ni Propetang Nephi tungkol sa ginawa ng kanyang mga tao para palakasin ang mga kabataan sa kanyang panahon: “Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, [at] nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo … upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”4

Paano natin magagawa ito sa ating mga tahanan? Narinig na ng ilan sa inyo na sinabi ko kung gaano kami nag-alala ng asawa kong si Mel bilang mga magulang ng apat naming maliliit na anak. Habang nararanasan namin ang mga hamon ng pagiging magulang at pagtupad sa lahat ng kailangang gawin, talagang nangailangan kami ng tulong. Nagdasal at sumamo kami para malaman ang gagawin. Malinaw ang sagot na dumating: “OKAY lang kung magulo ang bahay at naka-padyama pa ang mga bata at hindi pa nagagawa ang ilang responsibilidad. Ang tanging kailangan talagang magawa sa tahanan ay araw-araw na pagbabasa ng banal na kasulatan at pagdarasal at lingguhang family home evening.”

Sinikap naming gawin ang mga ito, ngunit hindi palaging ito ang priyoridad at, sa gitna ng kaguluhan, ay nakakaligtaan kung minsan. Binago namin ang aming pokus at sinikap na huwag mag-alala sa mga bagay na di-gaanong mahalaga. Ang pokus naming ito ay humantong sa pag-uusap, pagkagalak, pangangaral, at pagpapatotoo tungkol kay Cristo sa pagsisikap na araw-araw na magdasal at mag-aral ng mga banal na kasulatan sa tahanan at mag-family home evening linggu-linggo.

Isang kaibigan ang nagpaalala kamakailan, “Kapag hiniling mo sa kababaihan na dagdagan pa ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdarasal, mahihirapan sila niyan. Dama nila na napakarami na nilang ginagawa.”

Mga kapatid, dahil nalaman ko ito mula sa sarili kong mga karanasan, at sa karanasan ng asawa ko, dapat akong magpatotoo tungkol sa mga pagpapala ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdarasal at family home evening linggu-linggo. Ang mga kaugaliang ito mismo ang tumutulong para maalis ang pagkabalisa, nagbibigay ng patnubay sa ating buhay, at nagdaragdag ng proteksyon sa ating mga tahanan. At, kung nahihirapan ang ating pamilya dahil sa pornograpiya o iba pang mga pagsubok, makahihingi tayo ng tulong sa Panginoon at makakaasang papatnubayan ng Espiritu, nalalamang ginawa natin ang ipinagagawa sa atin ng ating Ama.

Mga kapatid, kung hindi natin ginagawa ang mga ito sa ating tahanan, masisimulan nating lahat ito ngayon. Kung medyo may edad na ang ating mga anak at ayaw nang sumama sa atin, magsimula tayo sa ating sarili. Kapag ginawa natin ito, mapupuno ng impluwensya ng Espiritu ang ating mga tahanan at buhay at, sa pagdaan ng mga araw, maaaring makibahagi na rin ang mga anak.

Alalahanin na ang buhay na mga Apostol ay nangako rin na kapag sinaliksik natin ang ating mga ninuno at inihanda ang mga pangalan ng ating kapamilya para sa templo, tayo ay poprotektahan ngayon at sa buong buhay natin kapag pinanatili nating karapat-dapat ang ating sarili para sa temple recommend.5 Napakagandang pangako!

Mga kabataan, maging responsable sa kapakanan ng inyong espiritu. Patayin ang inyong mga cell phone kung kinakailangan, kumanta ng mga awitin sa Primary, magdasal na matulungan, isipin ang isang talata sa banal na kasulatan, lumabas sa sinehan, isipin ang Tagapagligtas, makibahagi sa sakramento nang karapat-dapat, pag-aralan ang Para sa Lakas ng mga Kabataan, maging halimbawa sa inyong mga kaibigan, magtapat sa magulang, kausapin ang inyong bishop, humingi ng tulong, at humingi ng payo sa dalubhasa, kung kinakailangan.

Ano ang nais kong malaman ng aking mga apo? Gusto kong malaman nila at ninyo na alam ko na ang Tagapagligtas ay buhay at mahal tayo. Binayaran Niya ang halaga para sa ating mga kasalanan, ngunit dapat tayong lumuhod sa harap ng ating Ama sa Langit, nang buong pagpapakumbaba, na nagtatapat ng ating mga kasalanan, at sumasamo sa Kanya na patawarin tayo. Dapat nating hangaring baguhin ang ating puso at mga naisin at lubos na magpakumbaba na humingi ng tulong at kapatawaran sa mga taong maaaring nasaktan o tinalikuran natin.

Alam ko na nakita ni Joseph Smith ang Diyos, na ating Ama sa Langit, at ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Nagpapatotoo ako na mayroon tayong buhay na propeta sa lupa, si Pangulong Thomas S. Monson. Nagpapatotoo rin ako na hindi tayo maliligaw ng landas kung pakikinggan natin ang payo ng propeta ng Diyos. Pinatototohanan ko ang bisa ng ating mga tipan at mga pagpapala sa templo.

Alam ko na totoo ang Aklat ni Mormon! Hindi ko kayang ipaliwanag ang kapangyarihan ng napakagandang aklat na ito. Ang alam ko lamang ay, kapag nilakipan ng panalangin, ang Aklat ni Mormon ay may kapangyarihang protektahan ang ating pamilya, patatagin ang ating mga ugnayan, at nagbibigay ng tiwala sa sarili sa harap ng Panginoon. Pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Teachings of Presidents of the Church: Spencer W. Kimball (2006), 199–200.

  2. Tingnan sa Clay Olsen, “What Teens Wish Parents Knew” (mensaheng ibinigay sa Utah Coalition Against Pornography Conference, Mar. 22, 2014), utahcoalition.org.

  3. Richard G. Scott, “Upang Maging Malaya sa Mabibigat na Pasanin,” Liahona, Nob. 2002, 88.

  4. 2 Nephi 25:26.

  5. Tingnan sa David A. Bednar, “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Liahona, Nob. 2011, 24–27; Richard G. Scott, “Ang Kagalakan ng Pagtubos sa mga Patay,” Liahona, Nob. 2012, 93–95; Neil L. Andersen, “Find Our Cousins!” (mensaheng ibinigay sa RootsTech 2014 Family History Conference, Peb. 8, 2014); lds.org/prophets-and-apostles/unto-all-the-world/find-our-cousins.