2010–2019
Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo
Abril 2014


15:42

Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo

Elder D. Todd Christofferson

Si Jesus ng Nazaret ang nabuhay na mag-uling Manunubos, at pinatototohanan ko ang lahat ng iba pang bunga ng katotohanan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.

Nakadama ng matinding panlulumo at pagkagapi ang mga disipulo ni Jesus nang Siya ay mamatay sa krus at ihimlay ang Kanyang walang buhay na katawan sa libingan. Sa kabila ng paulit-ulit na sinabi ng Tagapagligtas na Siya ay mamamatay at muling babangon kalaunan, hindi nila ito naunawaan. Gayunman, ang lungkot na dulot ng Kanyang Pagkapako sa Krus noong hapong iyon ay sinundan kaagad ng masayang umaga ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Ngunit ang kagalakang iyon ay nadama lamang nang masaksihan mismo ng mga disipulo ang Pagkabuhay na Mag-uli, dahil kahit ang pahayag ng mga anghel na babangon Siyang muli ay hindi nila naunawaan noong una—hindi nila inakalang mangyayari ito.

Maagang dumating si Maria Magdalena at ang ilang tapat na kababaihan sa libingan ng Tagapagligtas noong umaga ng Linggong iyon, dala ang mga pabango at ungguento para tapusin ang pagpapahid ng langis na sinimulan nang madaliang ihimlay ang katawan ng Tagapagligtas sa libingan bago mag-Sabbath. Sa napakaespesyal na umagang ito, nakita nila pagdating doon ang bukas na libingan, na naigulong na ang takip na bato, at ang dalawang anghel na nagsabing:

“Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay?

“Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon: alalahanin ninyo ang salita niya sa inyo nang siya’y nasa Galilea pa,

“Na sinasabi, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay ibigay sa mga kamay ng mga taong makasalanan, at ipako sa krus, at magbangong muli sa ikatlong araw.”1

“Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang dakong kinalagyan ng Panginoon.

“At magsiyaon kayong madali, at sa kaniyang mga alagad ay sabihin ninyo, Siya’y nagbangon sa mga patay.”2

Ayon sa utos ng mga anghel, tiningnan ni Maria Magdalena ang loob ng libingan, ngunit tila ang napansin lang niya ay wala roon ang katawan ng Panginoon. Dali-dali siyang nag-ulat sa mga Apostol, at nang matagpuan sina Pedro at Juan ay sinabi niya sa kanila, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin maalaman kung saan nila siya inilagay.”3 Tumakbo sina Pedro at Juan sa lugar at natiyak nila na wala ngang laman ang libingan, nang makitang “nangakalatag ang mga kayong lino … at ang panyo na nasa kaniyang ulo, ay … bukod na natitiklop sa isang tabi.”4 Tila si Juan ang unang nakaunawa sa maringal na mensahe ng pagkabuhay na mag-uli. Isinulat niya na “siya’y nakakita, at sumampalataya,” samantalang ang iba sa puntong iyon, ay “hindi pa nila napag-uunawa ang kasulatan, na kinakailangang [si Jesus ay] muling magbangon sa mga patay.”5

Umalis sina Pedro at Juan, ngunit nagpaiwan si Maria na nananangis pa rin. Samantala, nagbalik ang mga anghel at magiliw na nagtanong, “Babae, bakit ka umiiyak? Sinabi niya sa kanila, Sapagka’t kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko maalaman kung saan nila inilagay siya.”6 Sa sandaling iyon nagsalita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, na nakatayo na sa likuran niya, “Babae, bakit ka umiiyak? sino ang iyong hinahanap? Siya, sa pagaakalang yao’y maghahalaman, ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at akin siyang kukunin.”7

Isinulat ni Elder James E. Talmage: “Si Jesus ang kanyang kausap, ang pinakamamahal niyang Panginoon, ngunit hindi niya alam. Sa isang salitang namutawi sa Kanyang buhay na mga labi, nauwi sa kagalakan ang kanyang pagdadalamhati. ‘Sinabi sa kaniya ni Jesus, Maria.’ Ang tinig, ang tono, ang magiliw na puntong narinig at minahal niya sa nagdaang mga panahon ay inahon siya mula sa kalaliman ng kawalang-pag-asa na kanyang kinasadlakan. Lumingon siya, at nakita ang Panginoon. Sa kanyang kagalakan iniunat niya ang kanyang mga kamay para yakapin Siya, na ang tanging sinasambit ay ang mapagmahal at sumasambang salitang, ‘Raboni,’ na ibig sabihi’y Mahal kong Panginoon.”8

Kaya nga ang mapalad na babaeng ito ang naging unang tao na nakita at nakausap ang nabuhay na mag-uling Cristo. Sa araw ding iyon kalaunan nagpakita Siya kay Pedro sa Jerusalem o sa malapit dito;9 sa dalawang disipulo sa daan patungong Emaus;10 at sa gabi sa 10 sa mga Apostol at iba pa ay bigla Siyang nagpakita sa kanila, na nagsasabing, “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka’t ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”11 Pagkatapos para makumbinsi pa sila “samantalang hindi pa sila nagsisisampalataya dahil sa galak, at nagsisipanggilalas,”12 kumain Siya ng inihaw na isda at pulot-pukyutan sa harapan nila.13 Kalaunan tinagubilinan Niya sila, “Kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.”14

Bukod pa sa tiyak na mga saksing ito sa Jerusalem, mayroon tayong walang-katulad na ministeryo ng nagbangong Panginoon sa mga sinaunang nanirahan sa Kanluraning Hemisphere. Sa lupaing Masagana, bumaba Siya mula sa langit at inanyayahan ang mga 2,500 taong sama-samang nagtitipon, na isa-isang lumapit hanggang sa lahat ay makalapit, at hipuin ng kanilang mga kamay ang Kanyang tagiliran at damhin ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay at paa.15

“At nang lahat sila ay makalapit at makasaksi para sa kanilang sarili, sila ay sumigaw sa iisang tinig, sinasabing:

“Hosana! Purihin ang pangalan ng Kataas-taasang Diyos! At sila ay nagsiluhod sa paanan ni Jesus, at sinamba siya.”16

Ipinapakita ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo na ang buhay Niya ay sarili Niya at ito ay walang hanggan. “Sapagka’t kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili, ay gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili”17 Sinabi ni Jesus:

“Dahil dito’y sinisinta ako ng Ama, sapagka’t ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli.

“Sinoma’y hindi nagaalis sa akin nito, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong kumuhang muli.”18

Ang Tagapagligtas ay hindi umaasa sa pagkain o tubig o oxygen o iba pang sustansya o kapangyarihan o tao para mabuhay. Kapwa bilang si Jehova at ang Mesiyas, Siya ang dakilang Ako Nga, ang Diyos na nabubuhay ayon sa Kanyang kagustuhan at kapangyarihan.19 Siya ay nabubuhay at patuloy na mabubuhay.

Sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, nadaig ni Jesucristo ang lahat ng aspeto ng Pagkahulog. Ang pisikal na kamatayan ay magiging pansamantala, at maging ang espirituwal na kamatayan ay may katapusan, dahil lahat ay babalik sa kinaroroonan ng Diyos, kahit pansamantala lamang, para mahatulan. Lubos tayong makapagtitiwala sa Kanyang kapangyarihang daigin ang lahat ng iba pa at pagkalooban tayo ng buhay na walang hanggan.

“Sapagka’t yamang sa pamamagitan ng tao’y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din naman ng tao’y dumating ang pagkabuhay na maguli sa mga patay.

“Sapagka’t kung paanong kay [Adan] ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.”20

Sa mga salita ni Elder Neal A. Maxwell: “Winakasan ng pagtatagumpay ni Cristo sa kamatayan ang mahirap na kalagayan ng tao. Ngayo’y mayroon lamang kani-kanyang mahirap na kalagayan, at maliligtas din tayo mula rito sa pagsunod sa mga turo niya na sumagip sa atin mula sa pangkalahatang pagkalipol.”21

Dahil natugunan ang mga hinihingi ng katarungan, si Cristo ngayon ang lulugar sa katarungan; o masasabi nating Siya ang katarungan, tulad ng Siya ang pag-ibig.22 Gayundin, maliban pa sa pagiging isang “ganap, makatarungang Diyos,” Siya ay isang ganap, maawaing Diyos.23 Sa gayon, itinatama ng Tagapagligtas ang lahat. Ang kawalang-katarungan sa mortalidad ay pansamantala lamang, maging ang kamatayan, dahil muli Niyang ipinanunumbalik ang buhay. Walang pinsala, kapansanan, pagkakanulo, o pag-abusong hindi pinagbabayaran sa huli dahil sa Kanyang lubos na katarungan at awa.

Gayundin, lahat tayo ay mananagot sa Kanya para sa ating buhay, mga pagpapasiya, at mga kilos, maging sa ating mga iniisip. Dahil tinubos Niya tayo mula sa Pagkahulog, ang ating buhay ay totoong sa Kanya. Ipinahayag Niya:

“Masdan, naibigay ko na sa inyo ang aking ebanghelyo, at ito ang ebanghelyo na aking ibinigay sa inyo—na ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama.

“At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; at matapos na ako ay maipako sa krus, upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin, at katulad ng pagtataas sa akin ng mga tao gayundin ang mga tao ay ibabangon ng aking Ama, upang tumayo sa harapan ko, upang hatulan sa kanilang mga gawa.”24

Isipin sandali ang kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli sa pagpapasiya sa huli sa tunay na pagkatao ni Jesus ng Nazaret at sa mga pilosopikong argumento at mga tanong sa buhay. Kung totoong si Jesus ay literal na nabuhay na mag-uli, kung gayo’y isa Siyang banal na nilalang. Walang mortal ang may kapangyarihang buhayin ang kanyang sarili matapos mamatay. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, hindi maaaring si Jesus ay naging isa lamang karpintero, guro, rabbi, o propeta. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, si Jesus ay dapat maging Diyos, maging ang Bugtong na Anak ng Ama.

Samakatwid, ang itinuro Niya ay totoo; ang Diyos ay hindi maaaring magsinungaling.25

Samakatwid, Siya ang Lumikha ng daigdig, tulad ng sinabi Niya.26

Samakatwid, totoong may langit at impiyerno, tulad ng itinuro Niya.27

Samakatwid, may daigdig ng mga espiritu na pinuntahan Niya pagkamatay Niya.28

Samakatwid, paparito Siyang muli, tulad ng sabi ng mga anghel,29 at “maghahari … sa mundo.”30

Samakatwid, may huling Paghuhukom at Pagkabuhay na Mag-uli para sa lahat.31

Dahil totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, ang mga pag-aalinlangan tungkol sa lubos na kapangyarihan, kaalaman, at kabaitan ng Diyos Ama—na ibinigay ang Kanyang Bugtong na Anak para matubos ang sangkatauhan—ay walang katotohanan. Ang mga pag-aalinlangan tungkol sa kahulugan at layunin ng buhay ay walang batayan. Katunayan, pangalan ni Jesucristo lamang ang daan para maligtas ang sangkatauhan. Ang biyaya ni Cristo ay totoo, na kapwa nagpapatawad at naglilinis sa nagsisising makasalanan. Tunay ngang ang pananampalataya ay higit pa sa imahinasyon o kathang-isip. May mahalagang katotohanan para sa lahat, at may layunin at di-nagbabagong mga pamantayang moral, tulad ng itinuro Niya.

Dahil totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, ang pagsisisi sa anumang paglabag sa Kanyang batas at mga utos ay posible at dapat gawin agad. Ang mga himala ng Tagapagligtas ay totoo, tulad ng Kanyang pangako sa Kanyang mga disipulo upang gawin din nila iyon at ang mas dakila pang mga gawain.32 Ang Kanyang priesthood ay talagang totoong kapangyarihan na “nangangasiwa ng ebanghelyo at humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos. Samakatwid, sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.”33 Dahil totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, hindi kamatayan ang ating wakas, at bagaman “magibang ganito ang [ating] balat, [g]ayon ma’y makikita [natin] ang Dios sa [ating] laman.”34

Ikinuwento ni Pangulong Thomas S. Monson ang tungkol kay Robert Blatchford na, 100 taon na ang nakalilipas ay “tinuligsa nang husto sa kanyang aklat na God and My Neighbor, ang mga paniniwala ng mga Kristiyano, sa Diyos, kay Cristo, sa panalangin, at sa imortalidad. Hayagan niyang sinabi, ‘Ipinahahayag ko na napatunayan ko ang lahat ng bagay na gusto kong patunayan nang lubos at natitiyak ko na walang Kristiyano, marunong man o may kakayahan, na makasasagot o magpapahina sa aking paniniwala.’ Nilukuban niya ang kanyang sarili ng pag-aalinlangan. Pagkatapos ay may nangyaring nakakagulat. [Naglaho] ang kanyang [pag-aalinlangan]. … Unti-unti siyang bumalik sa pananampalatayang kanyang nilait at hinamak. Ano ang sanhi ng malaking pagbabagong ito sa kanyang pananaw? Namatay ang kanyang asawa. Sa paghihinagpis, nagpunta siya sa silid na kinahihimlayan ng labi nito. Minasdan niyang muli ang mukhang minahal niya nang labis. Paglabas niya, sinabi niya sa isang kaibigan: ‘Siya nga iyon, subalit hindi na siya iyon. Lahat ay nabago. May isang bagay na dating naroon na nawala. Hindi na siya katulad ng dati. Ano pa ang mawawala sa kanya kundi ang kaluluwa?’”35

Talaga bang namatay at muling nagbangon ang Panginoon? Oo. “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”36

Habang palapit ang ipinropesiyang pagsilang ni Jesus, may ilang sinaunang Nephita at Lamanita na naniwala, bagamat karamiha’y nag-alinlangan. Sa bandang huli, dumating ang tanda ng Kanyang pagsilang—isang araw at isang gabi at isang araw na hindi nagdilim—at lahat ay nakaalam.37 Kahit ngayon, naniniwala ang ilan sa literal na Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, at maraming nag-aalinlangan o hindi naniniwala. Ngunit alam ng ilan. Sa bandang huli, makikita at malalaman ng lahat; tunay ngang “ang bawat tuhod ay magsisiluhod, at ang bawat dila ay magtatapat sa kanyang harapan.”38

Hanggang sa sandaling iyon, naniniwala ako sa maraming saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas na ang mga karanasan at patotoo ay matatagpuan sa Bagong Tipan—si Pedro at ang kanyang mga kasama sa Labindalawa at ang minamahal at dalisay na si Maria ng Magdala, bukod pa sa iba. Naniniwala ako sa mga patotoong matatagpuan sa Aklat ni Mormon—ni Nephi na Apostol at ng hindi pinangalanang mga tao sa lupaing Masagana, bukod pa sa iba. At naniniwala ako sa patotoo nina Joseph Smith at Sidney Rigdon na, matapos ang marami pang patotoo, ay nagpahayag ng dakilang pagsaksi sa huling dispensasyong ito “na siya ay buhay! Sapagkat siya ay aming nakita.”39 Sa sulyap ng Kanyang matang nakakakita sa lahat, sumasaksi ako na si Jesus ng Nazaret ang nabuhay na mag-uling Manunubos, at pinatototohanan ko ang lahat ng iba pang bunga ng katotohanan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Nawa’y maniwala at mapanatag kayo sa patotoong iyan, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.