2010–2019
Wanted: Mga Kamay at mga Pusong Magpapabilis sa Gawain
Abril 2014


10:28

Wanted: Mga Kamay at mga Pusong Magpapabilis sa Gawain

Linda K. Burton

Maiaalok natin ang ating mga kamay para tumulong at mga puso para mapabilis ang dakilang gawain ng Ama sa Langit.

Mga kapatid, mahal na mahal namin kayo! Habang pinapanood natin ang magandang video na iyon, nakita ba ninyo ang sarili ninyong kamay na tumutulong sa isang tao sa pagtahak sa landas ng tipan? Naisip ko ang batang babae sa Primary na si Brynn na iisa lamang ang kamay, subalit ginagamit niya ang kamay na iyon sa pagtulong na mapagpala ang kanyang pamilya at mga kaibigan—na mga Banal sa mga Huling Araw at di-miyembro ng Simbahan. Maganda siya, ‘di ba? At kayo rin! Mga kapatid, maiaalok natin ang ating mga kamay para tumulong at mga puso para mapabilis ang dakilang gawain ng Ama sa Langit.

Tulad ng alam ng matatapat na kapatid natin sa mga banal na kasulatan, na sina Eva, Sara, Maria, at marami pang iba, ang kanilang pagkatao at layunin, alam ni Brynn na siya ay anak ng Diyos.1 Maaari din nating malaman ang ating banal na pamana bilang minamahal na mga anak ng Diyos at ang mahalagang gawaing ipinagagawa Niya sa atin.

Itinuro ng Tagapagligtas, “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo.”2 Ano ang kailangan nating malaman at gawin “nang Siya’y makapiling”?3 Maaari tayong matuto mula sa kuwento tungkol sa mayamang binata na nagtanong kay Jesus kung ano ang kailangan niyang gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Sinagot siya ni Jesus, “Kung ibig mong pumasok sa buhay, [sundin] mo ang mga utos.”

Tinanong Siya ng binata kung alin doon ang dapat niyang sundin. At ipinaalala ni Jesus sa kanya ang ilan sa Sampung Utos na pamilyar sa ating lahat.

Sumagot ang binata, “Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko: ano pa ang kulang sa akin?”

Sinabi ni Jesus, “Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.”4

Tinawag siya ni Jesus na maging bahagi ng Kanyang gawain—ang gawain ng disipulo. Iisa ang ating gawain. Kailangan nating “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig, … tuparin ang [ating] mga tipan,”5 at lumapit kay Cristo at sundin Siya. Iyan ang ginagawa ng mga disipulo!

Ngayon, mga kapatid, huwag tayong malungkot sa sinabi ng Tagapagligtas sa mayamang binata tungkol sa pagiging sakdal. Ang salitang sakdal sa salaysay na ito ay isinalin mula sa salitang Griyego na ibig sabihin ay “ganap.” Kapag ginawa natin ang lahat para makasulong sa landas ng tipan, nagiging mas ganap at sakdal tayo sa buhay na ito.

Gaya ng mayamang binata sa panahon ni Jesus, kung minsa’y natutukso tayong sumuko o bumalik sa dating gawi dahil maaaring iniisip natin na hindi natin ito kayang gawing mag-isa. At tama tayo! Hindi natin magagawa ang mahihirap na bagay na ipinagagawa sa atin nang walang tulong. Dumarating ang tulong sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, sa patnubay ng Espiritu Santo, at sa pagtulong ng iba.

Nagpatotoo ang isang tapat na dalaga kamakailan na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, nagkaroon siya ng lakas na tumulong at buong-puso niyang pinalaki ang apat na batang naiwan ng kanyang kapatid na namatay sa kanser. Ipinaalala niyon sa akin ang sinabi ni Elder Neal A. Maxwell: “Lahat ng madadaling bagay na dapat gawin ng Simbahan ay nagawa na. Mula ngayon, mas mahirap ang gawain, at ang pagsunod ay susubukan sa ilang nakatutuwang paraan.”6 Ipinadala kayo sa mundo sa dispensasyong ito dahil sa inyong pagkatao at sa gawaing inihanda para sa inyo! Anuman ang sikaping ipaisip sa atin ni Satanas tungkol sa kung sino tayo, ang tunay nating pagkatao ay bilang disipulo ni Jesucristo!

Si Mormon ay isang tunay na disipulong nabuhay sa panahon na “bawat puso ay tumigas, … at hindi kailanman nagkaroon ng gayon kalaking kasamaan sa lahat ng anak ni Lehi.”7 Gugustuhin ba ninyong mabuhay sa panahong iyon? Subalit matapang na ipinahayag ni Mormon, “Masdan, ako ay disipulo ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos.”8

Hindi ba kaibig-ibig si Mormon? Alam niya kung sino siya at kung ano ang kanyang misyon at hindi siya nalito sa kasamaang nakapalibot sa kanya. Katunayan, itinuring niyang kaloob ang pagtawag sa kanya.9

Isipin kung gaano kapalad tayong matawag upang ipagkaloob araw-araw ang ating pagkadisipulo sa Panginoon, na ipinapahayag sa salita at sa gawa, “Masdan, ako’y disipulo ni Jesucristo!”

Gusto ko ang kuwento ni Pangulong Boyd K. Packer tungkol sa mabait na babaeng pinagtawanan dahil sinunod niya ang payo ng propeta na mag-imbak ng pagkain. Ipinahiwatig ng pumuna na kung sakaling dumating ang taghirap, hihilingin sa kanya ng kanyang mga lider na ibahagi ang imbak niyang pagkain sa iba. Ang simple at matigas niyang tugon bilang tunay na disipulo ay, “Kahit paano may madadala ako.”10

Mahal ko ang kababaihan ng Simbahan, mga bata at matanda. Nakita ko na ang inyong katatagan. Nakita ko na ang inyong pananampalataya. May maibibigay kayo at handa kayong ibigay ito. Ginagawa ninyo ito nang hindi ipinaaalam sa publiko, na nakatuon sa Diyos na ating sinasamba, hindi sa inyong sarili, at hindi iniisip kung ano ang kapalit nito.11 Iyan ang ginagawa ng mga disipulo!

Kamakailan ay nakilala ko ang isang dalagita sa Pilipinas na ang pamilya’y naging di-gaanong aktibo sa Simbahan noong siya ay 7 taong gulang, at mag-isa siyang naglalakad sa mapanganib na kalsada papunta sa Simbahan linggu-linggo. Sinabi niya na sa edad na 14 nagpasiya siyang manatiling tapat sa kanyang mga tipan para maging karapat-dapat siyang magkaroon ng sariling pamilya sa isang tahanang “pagkasaserdote ang gabay.”12 Ang pinakamainam na paraan para mapatatag ang pamilya, ngayon o sa hinaharap, ay tuparin ang mga tipan, ang mga pangako natin sa isa’t isa at sa Diyos.

Iyan ang ginagawa ng mga disipulo!

Bumisita ang isang matapat na miyembrong Haponesa at kanyang asawa sa mission namin sa Korea. Hindi siya nagsasalita ng Korean at kakaunti ang alam niyang Ingles, ngunit kusang-loob niyang ginamit ang kanyang kakaibang mga talento at tumulong sa gawain ng Panginoon. Iyan ang ginagawa ng mga disipulo! Itinuro niya sa mga missionary namin kung paano gumawa ng simpleng origami—isang bibig na bukas-sara. Noon niya ginamit ang iilang salitang Ingles na alam niya para ituro sa mga missionary na “buksan ang kanilang mga bibig” para ibahagi ang ebanghelyo—isang aral na hinding-hindi nila malilimutan, at hindi ko rin malilimutan.

Ilarawan sa isipan na sama-sama tayong nakatayo kasama ang milyun-milyon pang mga babae’t lalaki sa Kanyang Simbahan, na humahayo nang buong tapang, at ginagawa ang gawain ng mga disipulo—naglilingkod at nagmamahal na gaya ng Tagapagligtas. Ano ang kahulugan sa inyo ng maging disipulo ni Jesucristo?

Ang mga tsaleko at kamisetang may tatak na Mormon Helping Hands ay naisuot na ng libu-libong di-makasariling disipulo ni Jesucristo na sinamantala ang pagkakataong maglingkod. Ngunit may iba pang mga paraan ng paglilingkod bilang matatapat na disipulo. Wariin natin ang ilang posibleng espirituwal na mga karatulang “help wanted” na may kaugnayan sa gawain ng kaligtasan:

  • Help wanted: mga magulang na palalakihin ang kanilang mga anak sa liwanag at katotohanan

  • Help wanted: mga anak, kapatid, tita at tito, pinsan, lolo’t lola, at matatapat na kaibigang magtuturo at mag-aalok ng tulong sa pagtahak sa landas ng tipan

  • Help wanted: mga nakikinig sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo at kumikilos ayon sa mga pahiwatig na natanggap

  • Help wanted: mga namumuhay sa ebanghelyo araw-araw sa maliliit at mga simpleng paraan

  • Help wanted: mga family history at temple worker na mag-uugnay sa mga pamilya sa kawalang-hanggan

  • Help wanted: mga missionary at miyembro na magpapalaganap ng “mabuting balita”—ang ebanghelyo ni Jesucristo

  • Help wanted: mga tagasagip na maghahanap sa mga naligaw ng landas

  • Help wanted: mga tumutupad ng tipan na maninindigan para sa katotohanan at tama

  • Help wanted: mga tunay na disipulo ng Panginoong Jesucristo

Ilang taon na ang nakalipas, malinaw ang panawagan ni Elder M. Russell Ballard sa kababaihan ng Simbahan nang sabihin niyang:

“Mula ngayon hanggang sa araw na muling pumarito ang Panginoon, kailangan Niya ng kababaihan sa bawat pamilya, sa bawat ward, sa bawat komunidad, sa bawat bansa na susulong sa kabutihan at sasabihin sa pamamagitan ng kanilang salita at kilos na, ‘Narito ako, isugo ako.’

“Ang tanong ko’y, ‘Magiging isa ka ba sa mga babaing iyon?’”13

Umaasa ako na bawat isa sa atin ay makakasagot ng malakas na “Oo!” Magtatapos ako sa mga titik ng isang awit sa Primary:

Nakipagtipan tayong [kababaihan na] ipamuhay,

Ebanghelyo na sa ‘ti’y ibinigay.

Sa gawa’t kilos magpapatotoo:

Nananalig tayo kay Cristo.14

Bilang tunay na mga disipulo, nawa’y kusang-loob tayong tumulong para mapabilis ang Kanyang gawain. Hindi mahalaga kung iisa lang, gaya ni Brynn, ang kamay natin. Hindi mahalaga kung hindi pa tayo sakdal at ganap. Tayo’y matatapat na disipulong nagtutulungan sa pagtahak sa landas ng buhay. Ang ating kapatiran ay umaabot sa mga henerasyon hanggang sa matatapat na kababaihang nauna sa atin. Sama-sama, bilang magkakapatid at nakikiisa sa buhay na mga propeta, tagakita, at tagapaghayag na may ipinanumbalik na mga susi ng priesthood, maaari tayong magkaisa, bilang mga disipulo, bilang mga lingkod na kusang-loob na tumutulong para mapabilis ang gawain ng kaligtasan. Sa paggawa nito, magiging katulad tayo ng Tagapagligtas. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.