Kabahagi Ba Kayo sa Gawain ng Panunumbalik?
Napakalaki ng naghihintay sa atin bilang mga indibiduwal, pamilya, at Simbahan ni Cristo para hindi natin ibigay ang buong pagsisikap sa sagradong gawaing ito.
Halos 200 taon na ang nakalipas, ang maikling kuwentong Amerikano na “Rip van Winkle” ay biglang naging bantog. Ang bidang si Rip ay isang taong walang ambisyon na napakahusay umiwas sa dalawang bagay: sa trabaho at sa kanyang asawa.
Isang araw, habang pagala-gala sa kabundukan kasama ang aso niya, natuklasan niya ang isang grupo ng kalalakihang kakaiba ang kasuotan na nag-iinuman at naglalaro. Matapos lumagok nang kaunti ng alak nila, inantok si Rip at pumikit sandali. Nang muli siyang magmulat, nagulat siyang malaman na wala na ang aso niya, kinalawang ang baril niya, at mahaba na ang balbas niya.
Naglakbay si Rip pabalik sa kanyang nayon para lamang matuklasan na nagbago na ang lahat. Namatay na ang asawa niya, wala na ang mga kaibigan niya, at ang larawan ni King George III sa bahay-tuluyan ay napalitan na ng larawan ng isang taong hindi niya kilala—si General George Washington.
Si Rip van Winkle ay nakatulog nang 20 taon! At habang natutulog, nalagpasan niya ang isa sa mga kapana-panabik na panahon sa kasaysayan ng kanyang bansa—nakatulog siya sa buong panahon ng American Revolution.
Noong Mayo ng 1966, ginamit ni Dr. Martin Luther King Jr. ang kuwentong ito para ilarawan ang kanyang talumpati na “Don’t Sleep Through the Revolution.”1
Ngayon, gusto ko ring gamitin ang temang ito at magtanong sa lahat ng mayhawak ng priesthood ng Diyos: kabahagi ba kayo sa gawain ng Panunumbalik?
Nabubuhay Tayo sa Panahon ng Panunumbalik
Kung minsan iniisip natin na ang Panunumbalik ng ebanghelyo ay isang bagay na kumpleto, na tapos na—isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon, tinanggap niya ang mga susi ng priesthood, inorganisa ang Simbahan. Ang totoo, ang Panunumbalik ay tuluy-tuloy na proseso; nabubuhay tayo rito ngayon mismo. Kasama rito ang “lahat ng [inihayag] ng Diyos, [at] lahat ng Kanyang [inihahayag] ngayon,” at ang “maraming dakila at mahahalagang bagay” na ihahayag pa Niya.2 Mga kapatid, ang kapana-panabik na mga nangyayari ngayon ay bahagi ng matagal nang ipinropesiyang panahon ng paghahanda na magwawakas sa maluwalhating Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Isa ito sa mga pinaka-pambihirang panahon sa kasaysayan ng mundo! Inasam ng mga propeta noon na makita ang ating panahon.
Kapag nagwakas na ang buhay natin sa mundo, anong mga karanasan ang maibabahagi natin tungkol sa sarili nating kontribusyon sa mahalagang panahong ito ng ating buhay at sa pagsusulong ng gawain ng Panginoon? Masasabi kaya natin na nagsumikap at nagpakapagod tayo nang buong puso, kakayahan, isipan, at lakas? O aaminin natin na ang naging papel natin ay tagamasid lamang?
Sa palagay ko maraming dahilan kung bakit madali tayong antukin kapag pagtatayo ng kaharian ng Diyos ang pinag-uusapan. Babanggit ako ng tatlong pangunahing dahilan. Habang ginagawa ito, pagnilayan ninyo kung may aakma sa inyo. Kung may makita kayong kailangang baguhin, isipin ninyo kung ano ang magagawa para mabago ito.
Pagkamakasarili
Una, pagkamakasarili.
Ang mga makasarili ay walang ibang iniisip kundi ang sarili nilang kapakanan at kasiyahan. Ang mahalagang tanong para sa taong makasarili ay “Ano ang mapapala ko rito?”
Mga kapatid, tiyak kong nakikita ninyo na ang pag-uugaling ito ay malinaw na salungat sa diwang kailangan sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Kapag hinangad nating paglingkuran ang ating sarili kaysa sa iba, natutuon ang ating mga prayoridad sa sarili nating katanyagan at kasiyahan.
Ang nakaraang mga henerasyon ay nahirapan sa iba’t ibang uri ng kahambugan at pagkamakasarili, ngunit ngayon ay mas malala pa tayo. Nagkataon lang ba na ipinahayag kamakailan ng Oxford Dictionary na “selfie” ang salita ng taon?3
Natural, hangad nating lahat na purihin tayo, at hindi masamang magrelaks at magpakasaya. Ngunit kapag “yaman at papuri ng sanlibutan”4 mismo ang hangad natin, malalagpasan natin ang mapagtubos at masasayang karanasang hatid ng bukas-palad na pag-uukol ng ating sarili sa gawain ng Panginoon.
Ano ang lunas?
Ang sagot, sa tuwina, ay nasa mga salita ni Cristo:
“Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin niya ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.
“Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin at sa evangelio ay maililigtas yaon.”5
Ang mga taong buong pusong ipinauubaya ang kanilang buhay sa ating Tagapagligtas at naglilingkod sa Diyos at sa kanilang kapwa ay natutuklasan ang kayamanan at kaganapan ng buhay na hinding-hindi mararanasan ng mga makasarili o hambog. Ibinibigay ng mga di-makasarili ang kanilang sarili. Maaaring ito ay mga mumunting pagkakawanggawa na napakabuti ng epekto: isang ngiti, pakikipagkamay, yakap, panahong makinig, magiliw na panghihikayat, o pagmamalasakit. Lahat ng kabaitang ito ay mapagbabago ang mga puso at buhay. Kapag sinamantala natin ang napakaraming pagkakataong mahalin at paglingkuran ang ating kapwa, pati na ang ating asawa at pamilya, lubhang mag-iibayo ang kakayahan nating mahalin ang Diyos at paglingkuran ang iba.
Yaong mga naglilingkod sa iba ay hindi matutulog sa panahon ng Panunumbalik.
Mga Adiksyon
Ang isa pang maaaring sanhi ng hindi natin pakikibahagi sa mahalagang panahong ito ng mundo ay ang adiksyon.
Ang mga adiksyon kadalasan ay nagsisimula nang paunti-unti. Ang mga adiksyon ay maliliit na hakbang na kapag inulit-ulit ay nagiging mga ugali na kokontrol sa atin. Ang mga negatibong ugali ay maaaring makalulong sa tao.
Ang mga adiksyong ito na kumokontrol sa atin ay maraming anyo, gaya ng pornograpiya, alak, seks, droga, tabako o sigarilyo, sugal, pagkain, trabaho, Internet, o virtual reality. Si Satanas, na kaaway nating lahat, ay maraming ginagamit na paraan para mawala ang ating banal na potensyal na isagawa ang ating misyon sa kaharian ng Panginoon.
Nalulungkot ang ating Ama sa Langit na makita kung paano nagpapakontrol ang ilan sa Kanyang magigiting na anak sa mga nakapipinsalang adiksyon.
Mga kapatid, taglay natin ang walang-hanggang priesthood ng Diyos na Maykapal. Tayo’y mga anak ng Kataas-taasan at pinagkalooban ng napakalaking potensyal. Itinakda tayong mamayagpag at maabot ang ating potensyal. Hindi itinakdang limitahan ang ating banal na potensyal dahil sa mga makamundong hangarin at pagpapakontrol sa mga adiksyon.
Ano ang lunas?
Ang unang kailangan nating maunawaan ay na mas madaling iwasan kaysa lunasan ang mga adiksyon. Sa mga salita ng Tagapagligtas, “Huwag ninyong pahintulutan ang mga bagay na ganito na pumasok sa inyong mga puso.”6
Ilang taon na ang nakalipas, kami ni Pangulong Thomas S. Monson ay binigyan ng pagkakataong libutin ang Air Force One—ang kagila-gilalas na eroplanong nagsasakay sa pangulo ng Estados Unidos. Dumaan kami sa masusing pagsisiyasat ng Secret Service, at napangiti ako nang bahagya nang kapkapan ng mga agent ang mahal nating propeta bago kami sumakay sa eroplano.
Pinaupo ako ng pinunong piloto sa upuan ng kapitan. Napakagandang karanasan ang muling maupo sa unahan ng napakagandang eroplanong katulad ng napalipad ko sa loob ng maraming taon. Mga alaala ng paglipad patawid sa mga karagatan at kontinente ang pumasok sa puso ko’t isipan. Nakinita ko ang kapana-panabik na mga pagtaas at paglapag sa mga airport sa buong mundo.
Halos hindi ko namalayan, naipatong ko pala ang kamay ko sa apat na balbula ng 747. Bigla, isang magiliw at pamilyar na tinig ang nagsalita sa likuran—ang tinig ni Thomas S. Monson.
“Dieter,” sabi niya, “huwag mong gawin ‘yan.”
Wala naman akong sinabing gagawin, pero siguro nabasa ni Pangulong Monson ang nasa isip ko.
Kapag natutukso tayong gawin ang mga bagay na hindi natin dapat gawin, pakinggan natin ang magiliw na babala ng mapagkakatiwalaang pamilya at mga kaibigan, ng mahal nating propeta, at ng Tagapagligtas sa tuwina.
Ang pinakamainam na depensa laban sa adiksyon ay ang huwag na itong simulan.
Ngunit paano na ang mga taong lulong na sa adiksyon?
Dapat ninyong malaman, una sa lahat, na may pag-asa pa. Humingi ng tulong sa mga mahal sa buhay, mga lider ng Simbahan, at mahuhusay na tagapayo. Ang Simbahan ay tumutulong sa paggaling mula sa adiksyon sa pamamagitan ng mga lokal na lider, ng Internet,7 at sa ilang lugar, sa pamamagitan ng LDS Family Services.
Palaging tandaan na sa tulong ng Tagapagligtas, maaari kayong makalaya sa adiksyon. Maaaring matagal at mahirap ang landas, ngunit hindi kayo pababayaan ng Panginoon. Mahal Niya kayo. Pinagdaanan ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala upang tulungan kayong magbago, para makalaya kayo sa pagkabihag sa kasalanan.
Ang pinakamahalaga ay patuloy na magsikap—kung minsan kailangan ng ilang beses bago magtagumpay ang mga tao. Kaya’t huwag kayong susuko. Huwag mawalan ng pananalig. Manatiling malapit sa Panginoon, at bibigyan Niya kayo ng kapangyarihang makaligtas. Palalayain Niya kayo.
Mahal kong mga kapatid, palaging lumayo sa mga ugaling maaaring humantong sa adiksyon. Yaong mga gagawa nito ay mailalaan ang kanilang puso, kakayahan, isipan, at lakas sa paglilingkod sa Diyos.
Makikibahagi sila sa gawain ng Panunumbalik.
Mga Nagpapaligsahang Prayoridad
Ang ikatlong hadlang sa lubos na pakikibahagi natin sa gawaing ito ay ang maraming nagpapaligsahang prayoridad na nakakaharap natin. Masyadong abala ang ilan sa atin kaya pakiramdam natin ay para tayong kariton na hila ng isang dosenang hayop na pangtrabaho—bawat isa ay humahatak sa ibang direksyon. Maraming enerhiyang nasasayang, ngunit walang pinatutunguhan ang kariton.
Kadalasan napakahusay nating maghangad ng isang libangan, isport, bokasyon, at makilahok sa mga isyu sa komunidad at pulitika. Lahat ng ito ay maaaring mabuti at marangal, ngunit may natitira pa ba tayong oras at lakas para sa dapat nating bigyan ng pinakamataas na prayoridad?
Ano ang lunas?
Minsan pa, nagmumula ito sa mga salita ng Tagapagligtas:
“Ibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.
“Ito ang dakila at pangunang utos.
“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”8
Lahat ng iba pang bagay sa buhay ay dapat pumangalawa lamang sa dalawang malalaking prayoridad na ito.
Maging sa serbisyo sa Simbahan, madaling mag-ukol ng oras sa paggawa ng mga bagay-bagay nang hindi ito isinasapuso o walang sangkap ng pagkadisipulo.
Mga kapatid, tayo bilang mga mayhawak ng priesthood ay nangakong mamahalin ang Diyos at ating kapwa at handang ipakita ang pagmamahal na iyon sa salita at gawa. Iyan ang tunay na kahulugan ng kung sino tayo bilang mga disipulo ni Jesucristo.
Ang mga sumusunod sa mga alituntuning ito ay makakabahagi sa gawain ng Panunumbalik.
Isang Panawagan na Gumising
Isinulat ni Apostol Pablo, “Gumising kang natutulog, at magbangon ka sa gitna ng mga patay, at liliwanagan ka ni Cristo.”9
Mahal kong mga kaibigan, kayo ay mga anak ng liwanag.
Huwag payagan ang pagkamakasarili! Huwag payagan ang mga kaugalian na hahantong sa adiksyon! Huwag payagan ang nagpapaligsahang mga prayoridad na akayin kayo sa pagwawalang-bahala o paglayo sa banal na pagkadisipulo at marangal na paglilingkod ng priesthood!
Napakalaki ng naghihintay sa atin bilang mga indibiduwal, pamilya, at Simbahan ni Cristo para hindi natin ibigay ang buong pagsisikap sa sagradong gawaing ito.
Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay hindi gawaing minsan lang sa isang linggo o minsan lang sa isang araw. Ito ay dapat nating gawin palagi.
Ang pangako ng Panginoon sa Kanyang matatapat na mayhawak ng priesthood ay halos napakaringal para maunawaan.
Ang matatapat sa Aaronic at Melchizedek Priesthood at ginagampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin “ay pababanalin sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan.” Kaya nga, lahat ng mayroon ang ating Ama ay ibibigay sa kanila.10
May patotoo ako na ang nakalilinis na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang nakapagpapabagong kapangyarihan ng Espiritu Santo ay makapagpapagaling at makapagliligtas sa sangkatauhan. Pribilehiyo natin, sagradong tungkulin natin, at kagalakan natin ang pakinggan ang tawag ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya nang may handang isipan at buong-puso. Ating “iwagwag ang mga tanikalang gumagapos sa [atin], at lumabas mula sa karimlan, at bumangon mula sa alabok.”11
Manatili tayong gising at huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat tayo “ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain,”12 maging ang paghahanda para sa pagbabalik ng Tagapagligtas. Mga Kapatid, kapag idinagdag natin ang liwanag ng ating halimbawa bilang saksi sa kariktan at kapangyarihan ng ipinanumbalik na katotohanan, makikibahagi tayo sa gawain ng Panunumbalik. Ito ang aking patotoo at iniiwan ko sa inyo ang aking basbas sa pangalan ni Jesucristo, amen.