Ano ba ang Nasa Isip Mo?
Nakikiusap ako sa inyo na ugaliing itanong, nang may pagsasaalang-alang sa mga karanasan ng iba, ang: “Ano ba ang nasa isip mo?”
Apatnapu’t isang taon na ang nakalilipas nagmaneho ako ng 18-wheeler semitruck kasama ang maganda kong asawang si Jan, at ang sanggol na anak naming si Scotty. Maghahatid kami ng mabigat na kargada ng materyales sa konstruksyon sa ilang estado.
Noong mga panahong iyon wala pang mga paghihigpit sa paggamit ng seat-belt o infant car seat. Kalong ng asawa ko ang mahal naming anak. Nang sabihin niyang “Ang taas naman natin,” dapat ay naramdaman ko nang nag-aalala siya.
Nang pababa na kami sa makasaysayang Donner Pass, isang matarik na bahagi ng lansangan, bigla at di-inaasahang napuno ng makapal na usok ang kinauupuan namin. Halos wala kaming makita, at nahirapan kaming huminga.
Sa ganitong klaseng trak, hindi kayang pabagalin kaagad ng preno ang takbo. Gamit ang preno at kambyo, tarantang sinubukan kong huminto.
Tumatabi pa lang ako sa gilid ng daan, bago pa man kami nakahinto nang lubusan, binuksan na ng asawa ko ang pinto ng sasakyan at tumalon habang yakap-yakap ang aming anak. Wala akong nagawa nang makita kong nagpagulung-gulong sila sa lupa.
Nang maihinto ko na ang sasakyan, dali-dali akong bumaba mula sa umuusok na trak. Humahangos na tumakbo ako sa batuhan at mga talahib at mahigpit ko silang niyakap. Bugbog at nagdurugo ang mga braso at siko ni Jan, ngunit salamat at buhay pa silang dalawa ng aming anak. Niyakap ko lang sila nang mahigpit habang unti-unting napawi ang alikabok.
Nang kalmado na ako at nakahinga na nang maluwag, bigla akong bumulalas, “Ano ba ang pumasok sa isip mo? Alam mo ba kung gaano kadelikado ang ginawa mo? Muntik na kayong mamatay!”
Tiningnan niya ako, habang dumadaloy ang luha sa marungis niyang pisngi, at may sinabi siyang tumagos sa puso ko at hindi ko malimut-limutan: “Gusto ko lang iligtas ang anak natin.”
Natanto ko sa sandaling iyon na akala niya ay umaapoy ang makina, at natakot siya na baka sumabog ang trak at mamatay kami. Gayunman, alam kong may aberya lang sa kawad ng kuryente—mapanganib ngunit hindi nakamamatay. Tiningnan ko ang mahal kong asawa, habang magiliw kong hinahaplos ang ulo ng aming sanggol, at inisip ko kung anong klaseng babae ang gagawa ng gayon katapang na bagay.
Ang sitwasyong ito ay nakasakit sana ng damdamin na katulad ng literal na pagtirik ng makina ng aming sasakyan. Mabuti na lang, makalipas ang ilang oras ng hindi pagkikibuan, na bawat isa ay naniniwala na hindi siya ang nagkamali, nasabi rin namin sa wakas kung bakit hindi namin napigilan ang silakbo ng aming damdamin. Ang pagmamahal at pag-aalala sa kaligtasan ng isa’t isa ang tumulong para hindi masira ng mapanganib na pangyayaring iyon ang maganda naming pagsasama.
Nagbabala si Pablo, “Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi [tanging] ang mabuti [at] ikatitibay …, upang makinabang ng biyaya ang mga nagsisipakinig” (Mga Taga-Efeso 4:29). May kadalisayang ipinahihiwatig ang kanyang mga salita.
Ano ang kahulugan sa inyo ng mga katagang “[walang] salitang mahalay”? Lahat tayo ay laging dumaranas ng napakatinding galit—natin at ng iba. Nakakita na tayo ng mga taong hindi nakapagpigil ng galit sa mga pampublikong lugar. Naranasan na natin ito bilang isang matinding “silakbo ng damdamin” sa isports, sa pulitika, at maging sa sarili nating tahanan.
Ang mga anak kung minsan ay nakapagbibitiw ng matatalim na salita sa minamahal na mga magulang. Ang mga mag-asawa, na nagmamahalan at nagsusuyuan, ay nawawalan ng direksyon at pasensya sa isa’t isa at nagbubulyawan. Lahat tayo, bagama’t mga pinagtipanang anak ng mapagmahal na Ama sa Langit, ay nagsisi na sa pabigla-biglang paghusga sa ating kapwa at nakasambit na ng masasakit na salita bago unawain ang sitwasyon ayon sa pananaw ng iba. Naipaalam na sa ating lahat kung paano pinalalala ng di-magandang pananalita ang isang sitwasyon.
Malinaw na nakasaad sa isang liham mula sa Unang Panguluhan, “Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagtuturo sa atin na mahalin at tratuhin ang lahat ng tao nang may kabaitan at paggalang—kahit magkakaiba tayo ng pananaw” (liham ng Unang Panguluhan, Ene. 10, 2014). Napakagandang paalala na maaari at dapat tayong patuloy na makipag-usap nang may paggalang, lalo na kung magkakaiba ang mga pananaw natin sa mundo.
Ipinayo ng sumulat ng Kawikaan: “Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot: nguni’t ang mabigat na salita ay humihila ng galit” (Mga Kawikaan 15:1). Ang “malubay na sagot” ay isang makatwirang tugon—mahinahong mga salitang nagmumula sa mapagpakumbabang puso. Hindi ibig sabihin ay magpaliguy-ligoy tayo o ikompromiso natin ang katotohanan ng doktrina. Ang mga salitang sinabi nang tapatan ay maaaring may magandang layunin.
Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng pambihirang halimbawa ng tapatang pananalita na ibinigay rin sa konteksto ng di-pagkakasundo ng isang mag-asawa. Ang mga anak nina Saria at Lehi ay pinapunta sa Jerusalem para kunin ang mga laminang tanso at hindi pa nakabalik. Inisip ni Saria na napahamak ang mga anak niya, at galit na galit siya at kinailangan niya ng masisisi.
Pakinggan ninyo ang kuwento sa pananaw ng anak niyang si Nephi: “Sapagkat inakala [ng aking ina] na kami ay nangasawi sa ilang; at siya rin ay dumaing laban sa aking ama, sinasabi sa kanya na siya ay isang mapangitaing tao; sinasabing: Masdan inilayo mo kami sa lupaing ating mana, at ang aking mga anak ay wala na, at tayo ay masasawi sa ilang” (1 Nephi 5:2).
Ngayon, isipin natin kung ano ang maaaring nasa isip ni Saria. Alalang-alala siya sa pagbalik ng palaaway niyang mga anak sa lugar kung saan pinagbantaan ang buhay ng kanyang asawa. Ipinagpalit na niya ang kanyang magandang tahanan at mga kaibigan sa isang tolda sa liblib na ilang sa edad na maaari pa siyang magkaanak. Dala ng matinding takot, parang tumalon si Sariah nang buong tapang, kung hindi man makatwiran, mula sa humaharurot na trak sa pagtatangkang iligtas ang kanyang pamilya. Ipinahayag niya sa kanyang asawa ang bumabagabag sa kanya sa pananalitang may galit at pagdududa at paninisi—isang pananalitang tila alam na alam gamitin ng buong sangkatauhan.
Pinakinggan ng propetang si Lehi ang takot na pinagmulan ng galit ng kanyang asawa. Pagkatapos ay sumagot siya nang mahinahon sa pananalitang may pag-unawa. Una, tinanggap niya ang katotohanan ng mga sinabi ni Saria ayon sa pananaw nito: “At … ang aking ama ay nangusap sa kanya, sinasabing: Alam ko na ako ay isang mapangitaing tao; … [ngunit kung ako ay] namalagi na lamang sa Jerusalem, [nasawi na sana tayo] kasama ang aking mga kapatid” (1 Nephi 5:4).
Pagkatapos ay pinawi niya ang pag-aalala ng kanyang asawa sa kapakanan ng kanilang mga anak, ayon sa tiniyak sa kanya ng Espiritu Santo, na nagsasabing:
“Ngunit masdan, aking natamo ang isang lupang pangako, at sa bagay na ito ako ay nagagalak; oo, at alam kong ililigtas ng Panginoon ang aking mga anak mula sa mga kamay ni Laban. …
“At sa ganitong pamamaraan ng pananalita inaliw ng aking amang si Lehi ang aking ina … hinggil sa amin” (1 Nephi 5:5–6).
Kailangang-kailangan ngayon na igalang ng kalalakihan at kababaihan ang isa’t isa kahit lubhang magkakaiba ang kanilang paniniwala at ugali at mga layunin sa buhay. Imposibleng malaman ang lahat ng pumapasok sa ating puso’t isipan o lubos pang maunawaan ang dahilan ng mga pagsubok at pagpapasiyang kinakaharap natin.
Gayunpaman, ano ang mangyayari sa “salitang mahalay” na binanggit ni Pablo kung isasaalang-alang at makikiramay muna tayo sa nararanasan ng iba? Batid na ako man ay may mga pagkukulang at pagkakamali, nakikiusap ako sa inyo na ugaliing itanong ito, nang may pagsasaalang-alang sa mga karanasan ng iba, ang: “Ano ba ang nasa isip mo?”
Naaalala ba ninyo noong sorpresahin ng Panginoon sina Samuel at Saul sa pagpili sa hamak na batang pastol na si David ng Betlehem bilang hari ng Israel? Sinabi ng Panginoon sa Kanyang propeta, “Sapagka’t hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagkat ang tao ay tumitingin sa mukha, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.” (1 Samuel 16:7).
Nang mapuno ng usok ang loob ng trak namin, kumilos nang buong tapang ang aking asawa para protektahan ang aming anak. Pinrotektahan ko rin sila nang itanong ko kung bakit niya ginawa iyon. Ang nakakagulat, hindi naging mahalaga kung sino ang mas tama. Ang naging mahalaga ay pinakinggan at inunawa namin ang pananaw ng isa’t isa.
Ang kahandaang unawain ang mga bagay-bagay sa pananaw ng iba ay gagawing “[mapakikinabangang] biyaya” ang “salitang mahalay.” Naunawaan ito ni Apostol Pablo, at kahit paano’y mararanasan din ito ng bawat isa sa atin. Maaaring hindi nito mabago ang sitwasyon o malutas ang problema, ngunit maaaring ang mas mahalagang posibilidad ay kung mababago ba tayo ng mapakikinabangang biyaya.
Mapakumbaba kong pinatototohanan na maaari tayong maging “biyaya” sa iba sa pamamagitan ng maunawaing pananalita kapag tumimo sa ating puso ang nilinang na kaloob na Espiritu Santo nang may pagdamay sa damdamin at pananaw ng iba. Dahil dito magagawa nating mga banal na lugar ang mga mapanganib na sitwasyon. Pinatototohanan ko ang mapagmahal na Tagapagligtas na “tumitingin sa [ating] puso” at nagmamalasakit sa ating iniisip. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.