2010–2019
Nagpapasalamat Anuman ang Kalagayan
Abril 2014


16:59

Nagpapasalamat Anuman ang Kalagayan

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Wala ba tayong dahilan upang mapuspos ng pasasalamat, anuman ang ating kalagayan?

Sa buhay ko, nagkaroon ako ng sagradong pagkakataon na makilala ang maraming tao na ang kalungkutan ay tila tagos hanggang kaluluwa. Sa mga sandaling ito, nakinig ako sa aking mahal na mga kapatid at nakidalamhati sa kanilang mga pasanin. Inisip kong mabuti ang sasabihin sa kanila, at sinikap kong malaman kung paano sila papanatagin at tutulungan sa kanilang mga pagsubok.

Madalas ang pagdadalamhati nila ay sanhi ng isang bagay na para sa kanila ay walang katapusan. Ang ilan ay dumaranas ng pagwawakas ng isang magandang pagsasamahan, gaya ng pagpanaw ng isang mahal sa buhay o pagkahiwalay sa miyembro ng pamilya. Dama naman ng ilan na parang nawawalan sila ng pag-asa—pag-asang makapag-asawa o magkaanak o gumaling sa karamdaman. Ang iba ay maaaring pinanghihinaan ng pananampalataya, kapag ang nakalilito at nagsasalungatang mga tinig sa mundo ay tinutukso silang pag-alinlanganan, talikuran, ang bagay na dati ay alam nilang totoo.

Sa malao’t madali, naniniwala ako na daranas tayong lahat ng panahon na tila ba gumuguho ang mundo sa atin, naiiwan tayong nag-iisa, bigo, at nalilito.

Maaari itong mangyari kaninuman. Walang hindi makararanas nito.

Maaari Tayong Magpasalamat

Magkakaiba ng sitwasyon ang lahat, at ang mga detalye ng bawat buhay ay iba-iba. Gayunpaman, natutuhan ko na may isang bagay na mag-aalis sa kapighatian na maaaring dumating sa ating buhay. May isang bagay tayong magagawa upang ang buhay ay maging mas kasiya-siya, maligaya, at maluwalhati.

Maaari tayong magpasalamat!

Maaaring salungat sa karunungan ng mundo na imungkahi na ang taong puno ng pighati ay dapat magpasalamat sa Diyos. Ngunit ang mga taong inaalis ang bote ng kapighatian at sa halip ay itinataas ang kopita ng pasasalamat ay makasusumpong ng nakadadalisay na inumin na nagpapagaling, pumapayapa, at umuunawa.

Bilang mga disipulo ni Cristo, iniuutos sa atin na “pasalamatan … ang Panginoon [nating] Diyos sa lahat ng bagay,”1 na “magsiawit sa Panginoon ng pagpapasalamat,”2 at “hayaang ang [ating] puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos.”3

Bakit iniutos ng Diyos na magpasalamat tayo?

Ang lahat ng Kanyang mga kautusan ay ibinigay upang makamtan natin ang mga pagpapala. Ang mga kautusan ay mga pagkakataon para magamit ang ating kalayaan at tumanggap ng mga pagpapala. Alam ng ating Ama sa Langit na ang pagpiling ugaliin na magpasalamat ay magdudulot ng totoong kagalakan at malaking kaligayahan.

Pagiging Mapagpasalamat para sa Lahat ng Bagay

Ngunit maaaring sabihin ng ilan, “Ano ang dapat kong ipagpasalamat gayong gumuguho na ang mundo ko?”

Marahil ang pagtutuon sa mga bagay na ipagpapasalamat natin ay maling paraan. Mahirap magpasalamat kung nakabatay lang ang pasasalamat natin sa dami ng pagpapala na mayroon tayo. Totoong mahalaga na ang “mga pagpapala ay bilangin” nang madalas—at alam ng gumawa na nito na marami ito—ngunit hindi ako naniniwala na inaasahan ng Panginoon na hindi tayo gaanong magpapasalamat sa panahon ng pagsubok kumpara sa panahon na maunlad tayo at payapa. Sa katunayan, karamihan sa mga banal na kasulatan ay hindi nagbabanggit ng pasasalamat para sa lahat ng bagay kundi nagmumungkahi ng lubos na pasasalamat o ng ugaling mapagpasalamat.

Madaling magpasalamat para sa lahat ng bagay kapag tila maayos ang takbo ng ating buhay. Ngunit paano ang mga panahon na ang mga pinapangarap natin ay tila hindi natin makamtan?

Maaari bang imungkahi ko na ugaliin nating magpasalamat, isang paraan ng pamumuhay na hindi naaapektuhan ng kasalukuyang kalagayan? Sa madaling salita, iminumungkahi ko na sa halip na magpasalamat para sa lahat ng bagay, magtuon tayo sa pagpapasalamat sa ating mga kalagayan—anuman ang mga ito.

May lumang kuwento tungkol sa isang weyter na nagtanong sa isang kustomer kung nasiyahan siya sa pagkain. Sumagot ang kustomer na ayos naman ang lahat, pero mas maganda sana kung mas maraming tinapay ang isinilbi nila. Nang sumunod na araw, nang bumalik ang lalaki, dinoble ng weyter ang tinapay, binigyan siya ng apat na piraso ng tinapay sa halip na dalawa, pero hindi pa rin nasiyahan ang lalaki. Nang sumunod pang araw, dinoble muli ng weyter ang tinapay, pero gayon pa rin ang nangyari.

Sa ikaapat na araw, talagang determinado ang weyter na mapasaya ang lalaki. Kaya’t kumuha siya ng siyam-na-talampakang (3-m) haba ng tinapay, hinati ito sa dalawa, at nakangiting inihain ito sa kustomer. Halos hindi makapaghintay ang weyter sa reaksyon ng lalaki.

Pagkatapos kumain, tumingala ang lalaki at sinabing, “Tulad ng dati masarap pa rin. Pero napansin ko na dalawang tinapay na uli ang ibinibigay mo.”

Pagpapasalamat sa Ating mga Kalagayan

Mahal kong mga kapatid, tayo ang pipili. Maaari nating piliing limitahan ang ating pasasalamat, batay sa mga pagpapala na sa palagay natin ay wala sa atin. O maaari nating piliing maging tulad ni Nephi, na ang mapagpasalamat na puso ay hindi kailanman natitinag. Nang igapos siya ng kanyang mga kapatid habang nakasakay sa barko—na ginawa niya para maihatid sila sa lupang pangako—ang kanyang mga bukung-bukong at kamay ay sobrang namaga at “labis ang pananakit niyon,” at isang malakas na unos ang nagbabanta na lamunin siya sa kalaliman ng dagat. “Gayunpaman,” sabi ni Nephi, “ako ay umasa sa aking Diyos, at pinapurihan siya sa buong maghapon; at hindi ako bumulung-bulong laban sa Panginoon dahil sa aking mga paghihirap.”4

Maaari nating piliing maging tulad ni Job, na tila nasa kanya na ang lahat pero nawala pa rin ang mga ito. Subalit tumugon si Job sa pagsasabing, “Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad na babalik ako … : ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nagalis; purihin ang pangalan ng Panginoon.”5

Maaari nating piliing maging tulad ng mga Mormon pioneer, na nagpasalamat pa rin sa mahaba at mahirap na paglalakbay patungo sa Great Salt Lake, nagsiawit at nagsayawan at niluwalhati ang kabutihan ng Diyos.6 Marahil marami sa atin ang aalis, magrereklamo, at magdadalamhati sa hirap ng paglalakbay.

Maaari nating piliing maging tulad ni Propetang Joseph Smith, na, habang nakakulong sa kaaba-abang kalagayan sa Liberty Jail, ay isinulat ang nagbibigay-inspirasyong mga salitang ito: “Mga minamahal na kapatid, ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag.”7

Maaari nating piliing magpasalamat, anuman ang mangyari.

Ang ganitong pasasalamat ay iiral anuman ang mangyari sa paligid natin. Dinadaig nito ang kalungkutan, pagkabigo, at pagkasiphayo. Namumukadkad ito sa mayelong lupa sa taglamig na kasing-ganda ng pamumukadkad nito sa tag-init.

Kapag nagpapasalamat tayo sa Diyos sa ating mga kalagayan, makadarama tayo ng magiliw na kapayapaan sa gitna ng paghihirap. Sa kapighatian, maitataas pa rin natin ang ating mga puso sa pasasalamat. Sa mga pasakit, maaari nating luwalhatiin ang Pagbabayad-sala ni Cristo. Sa labis na kapighatian, maaari nating madama ang init at pagmamahal ng yakap ng langit.

Minsan iniisip natin na ang pasasalamat ay ginagawa lang natin matapos malutas ang ating mga problema, iyan ay napakakitid na pananaw. Gaano ang nawawala sa buhay natin sa paghihintay na makita ang bahaghari bago pasalamatan ang Diyos para sa ulan?

Ang pasasalamat sa oras ng kapighatian ay hindi nangangahulugang natutuwa tayo sa ating kalagayan. Ibig sabihin nito ay sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya ay natatanaw natin ang hinaharap sa kabila ng mga pagsubok sa kasalukuyan.

Hindi ito pasasalamat na nagmula sa mga labi kundi mula sa kaibuturan ng kaluluwa. Ito ay pasasalamat na nagpapahilom ng puso at nagpapalawak ng pag-unawa.

Pasasalamat bilang Pagpapakita ng Pananampalataya

Ang pagpapasalamat sa ating mga kalagayan ay pagpapakita ng pananampalataya sa Diyos. Kailangan dito ang pagtitiwala natin sa Diyos at pag-asa sa mga bagay na maaaring hindi natin nakikita ngunit totoo.8 Sa pagiging mapagpasalamat, tinutularan natin ang halimbawa ng ating mahal na Tagapagligtas, na nagsabing, “Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.”9

Ang taos-pusong pasasalamat ay pagpapakita ng pag-asa at patotoo. Ito ay pagkilala na hindi natin palaging nauunawaan ang mga pagsubok sa buhay ngunit nagtitiwalang mauunawaan ito balang-araw.

Anuman ang kalagayan, ang diwa ng pagpapasalamat natin ay nag-iibayo dahil sa marami at sagradong mga katotohanan na alam natin: na binigyan ng ating Ama ang Kanyang mga anak ng dakilang plano ng kaligayahan; na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak na si Jesucristo ay makakapiling natin ang ating mga mahal sa buhay magpakailanman; na sa huli, tayo ay magkakaroon ng maluwalhati, perpekto, at imortal na katawan, wala nang karamdaman o kapansanan, at ang ating mga luha ng kalungkutan at kawalan ay mapapalitan ng napakalaking kaligayahan at kagalakan, “takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw.”10

Marahil ganitong uri ng patotoo ang nagpabago sa mga Apostol ng Tagapagligtas, mula sa takot at mapag-alinlangang kalalakihan sila ay wala nang takot at masayang mga emisaryo ng Panginoon. Sa mga oras kasunod ng Pagpako sa Kanya sa Krus, sila ay lubos na nawalan ng pag-asa at namighati, hindi nauunawaan ang katatapos lang na pangyayari. Ngunit isang kaganapan ang nagpabago sa lahat ng iyan. Nagpakita ang Panginoon sa kanila at sinabi, “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga.”11

Nang makilala ng mga Apostol ang nagbangon na Cristo—nang makita nila ang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli ng kanilang pinakamamahal na Tagapagligtas—sila ay nagbago. Walang anumang nakahadlang sa kanila sa pagtupad ng kanilang misyon. Tinanggap nila nang may tapang at determinasyon ang pagpapahirap, pagpapahiya, at maging ang kamatayan na dumating sa kanila dahil sa kanilang patotoo.12 Hindi sila napigilan sa pagpuri at paglilingkod sa Panginoon. Binago nila ang buhay ng mga tao sa lahat ng dako. Binago nila ang mundo.

Hindi na ninyo kailangan pang makita ang Tagapagligtas, tulad ng mga Apostol, para maranasan ang gayong pagbabago. Ang inyong patotoo tungkol kay Cristo, na mula sa Espiritu Santo, ay makatutulong sa inyo na hindi na isipin pa ang nakalulungkot na wakas sa mortalidad at tanawin na lamang ang magandang hinaharap na inihanda ng Manunubos ng daigdig.

Hindi Tayo Nilikha para Magwakas

Sa nalalaman natin tungkol sa ating walang hanggang tadhana, nakapagtataka ba na kapag nahaharap tayo sa masaklap na wakas ng buhay ay tila hindi natin matanggap ang mga ito? Hindi matanggap ng kalooban natin na magwawakas tayo.

Bakit ganito? Dahil nilikha tayo mula sa walang hanggang elemento. Tayo ay mga walang hanggang nilalang, mga anak ng Makapangyarihang Diyos, na ang pangalan ay Walang Katapusan13 at siyang nangako ng walang hanggang mga pagpapala. Hindi natin tadhana ang magwakas.

Kapag lalo nating nalalaman ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, mas lalo nating nauunawaan na ang pagpanaw sa mortalidad na ito ay hindi ang wakas natin. Ang mga ito ay pagkaantala lamang—pansamantalang paghinto kaya’t ang isang araw ay sandali lang kumpara sa walang hanggang kagalakang naghihintay sa matatapat.

Lubos akong nagpapasalamat sa aking Ama sa Langit na ang Kanyang plano ay totoong walang wakas, mga simula lamang na hindi kailanman magwawakas.

Ang mga Nagpapasalamat ay Luluwalhatiin

Mga kapatid, wala ba tayong dahilan upang mapuspos ng pasasalamat, anuman ang kalagayan natin?

Kailangan pa ba natin ng mas malaking dahilan upang ang ating puso ay “mapuspos ng pasasalamat sa Diyos”?14

“Hindi ba may malaking dahilan upang tayo ay magsaya?”15

Mapalad tayo kung kinikilala natin ang impluwensya ng Diyos sa ating napakagandang buhay. Ang pasasalamat sa ating Ama sa Langit ay nagpapalawak ng ating pananaw at pag-unawa. Humihikayat ito ng pagpapakumbaba at pagdamay sa ating kapwa at sa lahat ng nilalang ng Diyos. Ang pasasalamat ay mahalagang bahagi ng lahat ng katangiang taglay ni Cristo! Ang mapagpasalamat na puso ay bahagi ng lahat ng mabubuting katangian.16

Nangako ang Panginoon sa atin na yaong “tumatanggap ng lahat ng bagay nang may pasasalamat ay gagawing maluwalhati; at ang mga bagay sa mundong ito ay idaragdag sa [kanila], maging isandaang ulit, oo, higit pa.”17

Nawa tayo ay “mabuhay na nagpapasalamat araw-araw”18—lalo na sa tila hindi maipaliwanag na wakas na bahagi ng mortalidad. Nawa’y puspusin natin ang ating kaluluwa ng pasasalamat sa ating mahabaging Ama sa Langit. Nawa’y patuloy at palagi tayong magpasalamat at ipakita sa salita at gawa ang ating pasasalamat sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Ito ang dalangin ko, at iniiwan ko sa inyo ang aking patotoo at basbas, sa pangalan ng ating Panginoon na si Jesucristo, amen.