Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Nawa’y sumaatin ang Espiritung nadama natin nitong nakaraang dalawang araw at manatili sa atin habang ginagawa ang ating mga tungkulin sa araw-araw.
Mga kapatid, napakagandang kumperensya nito. Nabusog ang ating espiritu sa pakikinig sa inspiradong mga salita ng mga lalaki’t babaeng nagsalita sa atin. Napakaganda ng musika, ang mga mensahe ay naihanda at naiparating ayon sa mga pahiwatig ng Banal na Espiritu, at ang mga dalangin ay naglapit sa atin sa langit. Napasigla tayo sa lahat ng paraan sa sama-sama nating pakikibahagi.
Umaasa ako na pag-uukulan natin ng oras na basahin ang mga mensahe sa kumperensya kapag nasa LDS.org na ito sa loob ng ilang araw at kapag nailimbag na ang mga ito sa mga magasing Ensign at Liahona, dahil marapat basahin nating mabuti at pag-aralan ang mga ito.
Alam ko na kasama ko kayo sa taos na pasasalamat sa mga kapatid nating lalaki at babae na na-release sa kumperensyang ito. Nakapaglingkod sila nang maayos at nakapagbigay ng mahalagang kontribusyon sa gawain ng Panginoon. Naging lubos ang kanilang dedikasyon.
Nasang-ayunan din natin, sa pagtataas ng mga kamay, ang mga kapatid na tinawag sa mga bagong katungkulan. Binabati namin sila at nais naming malaman nila na inaasam naming makasama sila sa paglilingkod sa gawain ng Panginoon.
Habang pinagninilayan natin ang mga mensaheng ating narinig, nawa’y maging determinado tayong maging mas mabuti kaysa rati. Nawa’y maging mabait at mapagmahal tayo sa mga hindi natin katulad ang paniniwala at mga pamantayan. Nagdala ang Tagapagligtas sa daigdig na ito ng mensahe ng pagmamahal at kabutihang-loob sa lahat ng lalaki at babae. Nawa’y sundan natin ang Kanyang halimbawa.
Nahaharap tayo sa maraming matitinding hamon sa mundo ngayon, ngunit tinitiyak ko sa inyo na iniisip tayo ng ating Ama sa Langit. Gagabayan at bibiyayaan Niya tayo kapag sumampalataya at nagtiwala tayo sa Kanya at tutulungan tayo sa ating mga paghihirap.
Nawa’y mapasa bawat isa sa atin ang mga pagpapala ng langit. Nawa’y mapuspos ng pagmamahal at paggalang at ng Espiritu ng Panginoon ang ating mga tahanan. Nawa’y patuloy nating pangalagaan ang ating patotoo sa ebanghelyo, nang maging proteksyon ito sa atin laban sa mga pananakit ng kaaway. Nawa’y sumaatin ang Espiritung nadama natin nitong nakaraang dalawang araw at manatili sa atin habang ginagawa ang ating mga tungkulin sa araw-araw, at nawa’y lagi tayong maging abala sa gawain ng Panginoon.
Pinatototohanan ko na ang gawaing ito ay totoo, na ang ating Tagapagligtas ay buhay, at Siya ang gumagabay at pumapatnubay sa Kanyang Simbahan dito sa ibabaw ng lupa. Iniiwan ko sa inyo ang aking pagsaksi at patotoo na ang ating Diyos Amang Walang Hanggan ay buhay at mahal Niya tayo. Tunay na Siya ang ating Ama, at Siya ay personal at totoo. Nawa’y matanto natin kung gaano Siya kahandang mapalapit sa atin, kung gaano Niya tayo gustong tulungan, at kung gaano Niya tayo kamahal.
Mga kapatid, nawa’y pagpalain kayo ng Diyos. Nawa’y sumainyo ang Kanyang pangakong kapayapaan ngayon at magpakailanman.
Paalam hanggang sa muli nating pagkikita pagkaraan ng anim na buwan, at ginagawa ko ito sa pangalan ni Jesucristo, na ating Panginoon at Tagapagligtas, amen.