2010–2019
Mga Espirituwal na Buhawi
Abril 2014


15:54

Mga Espirituwal na Buhawi

Elder Neil L. Andersen

Huwag kayong magpahila pababa sa mga buhawi ng pagsubok. Ito ang inyong panahon—ang manatiling matatag bilang mga disipulo ng Panginoong Jesucristo.

Binabati ko kayo ngayong umaga—lalo na ang mga kabataang narito sa Conference Center at sa iba’t ibang panig ng mundo. Kabilang kayo sa isang piling henerasyon na may tiyak na tadhana, at ako ay nagsasalita lalo na sa inyo.

Maraming taon na ang nakakaraan nang bisitahin namin ang aming pamilya sa Florida, isang buhawi ang nanalasa sa di-kalayuan sa amin. Nagtago sa banyo ang isang babaeng naninirahan sa isang mobile home para makaligtas. Nagsimulang umalog ang mobile home. Lumipas ang ilang sandali. Pagkatapos ay narinig niya ang boses ng kanyang kapitbahay: “Narito ako sa harapan.” Paglabas niya ng banyo, laking gulat niya nang makitang binuhat at tinangay ng buhawi ang kanyang mobile home, at inilapag ito nang patihaya sa ibabaw ng mobile home ng kapitbahay niya.

Mga kaibigan kong kabataan, hindi magiging payapa ang mundo habang palapit tayo nang palapit sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ipinahayag sa mga banal na kasulatan na “lahat ng bagay ay magkakagulo.”1 Sabi ni Brigham Young, “Inihayag sa akin sa pagsisimula ng Simbahang ito, na ang Simbahan ay lalaganap, uunlad, lalago at lalawak, at na ayon sa paglaganap ng Ebanghelyo sa mga bansa ng daigdig, mag-iibayo rin ang kapangyarihan ni Satanas.”2

A tornado.

Ang mas nakapag-aalala kaysa mga ipinropesiyang lindol at digmaan3 ay ang mga espirituwal na buhawi na maaaring bumunot sa inyo mula sa inyong mga espirituwal na pundasyon at ilapag ang inyong kaluluwa sa mga sitwasyong hindi ninyo sukat-akalain, na kung minsan ay halos hindi ninyo namamalayan na naalis na pala kayo sa inyong pundasyon.

Ang pinakamalalakas na buhawing tatangay sa inyo ay ang mga tukso ng kaaway. Noon pa man ay bahagi na ng mundo ang kasalanan, ngunit ngayon lang ito naging mabilis gawin, mahirap iwaksi, at katanggap-tanggap. Mangyari pa, may isang makapangyarihang puwersang daraig sa mga buhawi ng kasalanan. Ang tawag dito ay pagsisisi.

Hindi lahat ng paghihirap sa buhay ay kayo ang may gawa. Nangyayari ang ilan dahil sa mga maling pagpili ng iba, at ang ilan ay dahil lamang sa nabubuhay tayo sa mundong ito.

Noong bata pa si Pangulong Boyd K. Packer, dinapuan siya ng malubhang sakit na polio. Noong pitong taong gulang si Elder Dallin H. Oaks, biglang namatay ang kanyang ama. Noong tinedyer pa si Sister Carol F. McConkie ng Young Women general presidency, nagdiborsyo ang kanyang mga magulang. Darating sa inyo ang mga hamon, ngunit kapag nagtiwala kayo sa Diyos, palalakasin nito ang inyong pananampalataya.

Cutaway showing the roots of a tree growing in windy conditions.

Sa [batas ng] kalikasan, ang mga punong lumalaki sa mahanging kapaligiran ay mas matibay. Kapag hinahampas ng hangin ang batang puno, may mga puwersa sa loob ng puno na gumagawa ng dalawang bagay. Una, pinasisigla nito ang mga ugat para mas mabilis itong lumago at gumapang. Ikalawa, ang mga puwersa sa puno ay nagsisimulang lumikha ng selula na nagpapakapal sa katawan at mga sanga nito para mas makayanan ang lakas ng hangin. Ang mas matitibay na ugat at sangang ito ay pinoprotektahan ang puno mula sa mga hangin na siguradong babalik.4

Kayo ay lalong mas mahalaga sa Diyos kaysa sa isang puno. Kayo ay Kanyang anak na lalaki o babae. Ginawa Niyang malakas at matibay ang inyong espiritu laban sa mga pagsubok sa buhay. Ang mga buhawi sa inyong kabataan, tulad ng hanging humahampas sa isang batang puno, ay magpapaibayo sa inyong espirituwal na lakas, at inihahanda kayo sa darating na mga taon.

Paano ninyo pinaghahandaan ang mga buhawi sa inyong buhay? “Tandaan … na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, … ang kanyang mga palaso sa buhawi, … kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan … na hilahin kayong pababa … dahil sa bato kung saan kayo nakasandig.”5 Ito ang magliligtas sa inyo sa buhawi.

Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Noon halos lahat ng pamantayan ng Simbahan at ng lipunan ay magkatugma, ngayo’y may malawak na puwang sa ating pagitan, at lumalawak pa ito.”6 Ang puwang na ito, para sa ilan, ay lumilikha ng matitinding espirituwal na buhawi. Magbibigay ako ng halimbawa.

Nitong nakaraang buwan ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa ay naglabas ng isang liham sa mga lider ng Simbahan sa buong mundo. Sabi sa bahagi ng liham: “Ang mga pagbabago sa batas ng tao ay hindi binabago, at hindi maaaring baguhin ang batas ng moralidad na itinatag ng Diyos. Inaasahan ng Diyos na ating aayunan at susundin ang Kanyang mga utos magkakaiba man ang opinyon o kalakaran sa lipunan. Ang Kanyang batas sa kadalisayan ng puri ay malinaw: ang seksuwal na relasyon ay nararapat lang mamagitan sa lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas. Hinihikayat namin kayong repasuhin … ang doktrinang nakapaloob sa ‘Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.’”7

Bagama’t ang daigdig ay lalo pang lumalayo sa batas ng Panginoon sa kadalisayan ng puri, tayo ay hindi. Sinabi ni Pangulong Monson: “Inilarawan ng Tagapagligtas ng sangkatauhan ang Kanyang sarili bilang nasa mundo ngunit hindi makamundo. Tayo man ay magiging gayon kung tatanggihan natin ang mga maling konsepto at turo at mananatili tayong tapat sa ipinag-uutos ng Diyos.”8

Bagama’t maraming pamahalaan at mabubuting tao ang nagbago ng kanilang pananaw sa kasal, ang Panginoon ay hindi. Sa simula pa lamang, pinasimulan na ng Diyos ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae—kina Adan at Eva. Itinakda Niya na ang mga layunin ng pag-aasawa ay hindi lang para magtuon sa pansariling kasiyahan ng mag-asawa, kundi ang mas mahalaga, ay magbigay ng angkop na kapaligiran para sa pagsilang, pagpapalaki, at pag-aaruga ng mga anak. Ang mga pamilya ang yaman ng langit.9

Bakit natin patuloy na pinag-uusapan ito? Tulad ng sabi ni Pablo, “Kami ay nagsisitingin hindi sa mga bagay na nangakikita, kundi sa mga bagay na hindi nangakikita.”10 Bilang mga Apostol ng Panginoong Jesucristo, responsibilidad naming ituro ang plano ng Lumikha para sa Kanyang mga anak at balaan sila sa mga ibubunga ng pagbabalewala sa Kanyang mga utos.

Kamakailan, nakausap ko ang isang Laurel na mula sa Estados Unidos. Ito ang sinabi niya sa email:

“Nitong nakaraang taon ilan sa mga kaibigan ko sa Facebook ang nagsimulang mag-post ng opinyon nila tungkol sa kasal. Marami ang pabor sa kasal ng parehong kasarian, at isinaad ng ilang kabataang LDS na ‘gusto’ nila ang mga posting. Hindi ako nagbigay ng komento.

“Nagpasiya akong ipahayag sa maingat na paraan na naniniwala ako sa tradisyunal na kasal.

Screenshot of a Facebook message taken on 4-14-14

“Sa profile picture ko, idinagdag ko ang caption na ‘Naniniwala ako sa kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.’ Agad akong nakatanggap ng mga mensahe. ‘Makasarili ka.’ ‘Mapanghusga ka.’ Ikinumpara pa ako ng isa sa isang taong may alipin. At natanggap ko ang post na ito mula sa isang matalik na kaibigan na matatag na miyembro ng Simbahan: ‘Kailangan mong tumigil sa pagiging makaluma. Nagbabago ang lahat at dapat ay ikaw rin.’

“Hindi ako lumaban,” sabi niya, “pero hindi ko binawi ang sinabi ko.”

Sabi niya sa huli: “Kung minsan, tulad ng sabi ni Pangulong Monson, ‘Kailangan [mong] manindigang mag-isa.’ Umaasa ako na bilang mga kabataan, sama-sama tayong maninindigan sa pagiging tapat sa Diyos at sa mga turo ng Kanyang mga buhay na propeta.”11

Dapat tayong magmalasakit lalo na sa mga taong naaakit sa kapareho nila ang kasarian. Napakatindi ng pagsubok na iyan. Gusto kong iparating ang aking pagmamahal at paghanga sa mga taong buong tapang na hinaharap ang pagsubok na ito ng pananampalataya at nananatiling tapat sa mga utos ng Diyos!12 Ngunit lahat, anuman ang kanilang mga pagpapasiya at paniniwala, ay nararapat sa ating kabaitan at pagsaalang-alang.13

Itinuro sa atin ng Tagapagligtas na mahalin hindi lamang ang ating mga kaibigan kundi pati ang mga di umaayon sa atin—maging yaong mga nagtatakwil sa atin. Sabi Niya: “Sapagka’t kung kayo’y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin? … At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong babatiin, ano ang kalabisan ng inyong ginagawa?”14

Binigyang-babala tayo ni Propetang Joseph Smith na “mag-ingat sa pagmamapuri ng inyong sarili” at pakamahalin pa ang lahat ng tao hanggang sa madama natin na “nais natin silang pasanin.”15 Sa ebanghelyo ni Jesucristo, walang lugar ang pangungutya, pang-aabuso, o paninira.

Kung may tanong kayo tungkol sa payo ng mga lider ng Simbahan, sabihin lamang nang tapatan ang inyong mga problema sa inyong mga magulang at lider. Kailangan ninyo ang lakas na dulot ng pagtitiwala sa mga propeta ng Panginoon. Sabi ni Pangulong Harold B. Lee: “Ang tanging kaligtasan natin ngayon bilang mga miyembro ng simbahang ito ay … matutong makinig sa mga salita at kautusan na ibibigay ng Panginoon sa Kanyang propeta. … May ilang bagay na mangangailangan ng pagtitiis at pananampalataya. Maaaring hindi ninyo magustuhan ang [sinasabi nila]. … Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa pulitika … sa pananaw ninyo sa lipunan … humadlang … sa inyong pakikisalamuha. Ngunit kung pakikinggan ninyo ang mga bagay na ito, na tila nagmula mismo sa bibig ng Panginoon, … ‘ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo … at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo …’ (D at T 21:6).”16

Ang isa pang proteksyon laban sa mga buhawi ng buhay ay ang Aklat ni Mormon.

Noong tinedyer si Pangulong Henry B. Eyring, lumipat ang kanyang pamilya sa isang bagong lungsod. Ikinalungkot niya noong una ang paglipat na iyon at iilan lang ang naging kaibigan niya. Pakiramdam niya ay hindi niya makabagayan ang mga estudyante sa kanyang paaralan. Nagsisimulang maranasan niya ang mga buhawi ng buhay. Ano ang ginawa niya? Ibinuhos niya ang kanyang pansin sa Aklat ni Mormon, at binasa ito nang maraming beses.17 Ilang taon pagkaraan, nagpatotoo si Pangulong Eyring: “[Gustung-gusto] kong balik-balikan ang Aklat ni Mormon at madalas na matuto mula rito.”18 “[Ito] ang pinakamakapangyarihang nakasulat na patotoo sa atin na si Jesus ang Cristo.”19

Binigyan na kayo ng Panginoon ng isa pang paraan para manatiling matatag, isang espirituwal na kaloob na mas makapangyarihan kaysa sa mga buhawi ng kaaway! Sinabi Niya, “Tumayo … sa mga banal na lugar, at huwag matinag.”20

Noong tinedyer pa ako, 13 lang ang templo ng Simbahan. Ngayon ay 142 na. Walumpu’t limang porsiyento ng mga miyembro ng Simbahan ang nakatira sa loob ng 200 milya (320 km) mula sa isang templo. Mas inilapit ng Panginoon ang inyong henerasyon sa Kanyang mga banal na templo kaysa iba pang henerasyon sa kasaysayan ng mundo.

Nakapasok na ba kayo sa loob ng templo, na nakaputing damit, at naghihintay na magsagawa ng pagbibinyag? Ano ang nadama ninyo? Matindi ang mararamdamang kabanalan sa templo. Ang kapayapaan ng Tagapagligtas ay dinadaig ang umiikot na mga buhawi ng mundo.

Ang nadarama ninyo sa templo ay huwaran ng nais ninyong madama sa buhay ninyo.21

Hanapin ang inyong mga lolo’t lola at malalayong pinsan na naunang nabuhay kaysa sa inyo. Dalhin ninyo ang kanilang mga pangalan sa templo.22 Kapag nalaman ninyo ang tungkol sa inyong mga ninuno, makikita ninyo ang mga huwaran ng buhay, pag-aasawa, mga anak, kabutihan; at paminsan-minsan ay mga bagay na nanaisin ninyong iwasan.23

Kalaunan sa templo malalaman ninyo ang iba pa tungkol sa Paglikha ng mundo, tungkol sa mga huwaran sa buhay nina Adan at Eva, at higit sa lahat, tungkol sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Mga kapatid kong kabataan, mahal namin kayo, hinahangaan, at ipinagdarasal. Huwag kayong magpahila pababa sa mga buhawi ng pagsubok. Ito ang inyong panahon—ang manatiling matatag bilang mga disipulo ng Panginoong Jesucristo.24

Itayo nang mas matatag ang inyong pundasyon sa bato na inyong Manunubos.

Pahalagahan pa nang lubusan ang Kanyang walang-kapantay na buhay at mga turo.

Mas masigasig na tularan ang Kanyang halimbawa at sundin ang Kanyang mga utos.

Tanggapin pang lalo ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang awa at biyaya, at ang makapangyarihang mga kaloob ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Kapag ginawa ninyo ito, ipinapangako ko na makikita ninyo ang tunay na anyo ng mga buhawi ng buhay—mga pagsubok, tukso, panggagambala, o mga hamon upang tulungan kayong umunlad. At kapag namuhay kayo nang matwid sa paglipas ng mga taon, tinitiyak ko sa inyo na muli’t muling pagtitibayin sa inyo ng inyong mga karanasan na si Jesus ang Cristo. Ang espirituwal na bato sa ilalim ng inyong mga paa ay magiging matibay at matatag. Magagalak kayo na inilagay kayo ng Diyos dito sa mundong ito upang maging bahagi ng huling mga paghahanda para sa maluwalhating pagbabalik ni Cristo.

Sabi ng Tagapagligtas, “Hindi ko kayo iiwang mag-isa: ako’y paririto sa inyo.”25 Ito ang Kanyang pangako sa inyo. Alam ko na ang pangakong ito ay totoo. Alam ko na Siya ay buhay, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Doktrina at mga Tipan 88:91.

  2. Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe (1954), 72.

  3. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Liahona, Mayo 2004, 7–10.

  4. Tingnan sa A. Stokes, A. H. Fitter, at M. P. Coutts, “Responses of Young Trees to Wind and Shading: Effects on Root Architecture,” Journal of Experimental Botany, tomo 46, blg. 290 (Set. 1995), 1139–46.

  5. Helaman 5:12.

  6. Thomas S. Monson, “Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2011, 66.

  7. Liham ng Unang Panguluhan, Mar. 6, 2014; tingnan din sa David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 41–44; Dallin H. Oaks, “Walang Ibang mga Diyos,” Liahona, Nob. 2013, 72–75; Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 35–37.

  8. Thomas S. Monson, Liahona, Mayo 2011, 67.

  9. Sabi ni Elder Russell M. Nelson: “Ang kasal ang pinagmumulan ng kaayusan sa lipunan. … Ang pagsasamang iyon ay hindi lang sa pagitan ng lalaki at babae; katuwang nila rito ang Diyos” (“Pangangalaga sa Kasal,” Liahona, Mayo 2006, 36–37). Tingnan din sa Mateo 19:5–6.

  10. II Mga Taga Corinto 4:18.

  11. Personal na liham at pag-uusap, Mar. 17, 2014; tingnan din sa Thomas S. Monson, “Tapang na Manindigang Mag-isa,” Liahona, Nob. 2011, 60–67.

  12. Tingnan sa Jeffrey R. Holland, “Pagtulong sa mga Taong May Problema sa Pagkaakit sa Kanilang Kapwa Lalaki at Kapwa Babae,” Liahona, Okt. 2007, 40–43.

  13. Kahit hinangad ng anti-Kristong si Korihor na sirain ang pananampalataya ng mga tao, pinrotektahan siya ng mga batas ng Diyos laban sa legal o pisikal na kaparusahan: “Walang batas laban sa paniniwala ng isang tao; sapagkat mahigpit itong sumasalungat sa mga utos ng Diyos na magkaroon ng isang batas na makapaglalagay sa mga tao sa di pantay na katayuan. … Kung nais ng isang tao na maglingkod sa Diyos, ito ay kanyang pribilehiyo; … subalit kung hindi siya naniniwala sa kanya ay walang batas upang siya’y parusahan” (Alma 30:7, 9). Nakasaad sa ikalabing-isang saligan ng pananampalataya na, “Inaangkin namin ang natatanging karapatang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos alinsunod sa mga atas ng aming sariling budhi, at pinahihintulutan ang lahat ng tao ng gayon ding karapatan, hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila.”

  14. Mateo 5:46–47.

  15. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 501, 503.

  16. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee (2001), 100; tingnan din sa Robert D. Hales, “Pangkalahatang Kumperensya: Nagpapalakas ng Pananampalataya at Patotoo,” Liahona, Nob. 2013, 6–8.

  17. Tingnan sa Robert I. Eaton at Henry J. Eyring, I Will Lead You Along: The Life of Henry B. Eyring (2013), 40.

  18. Henry B. Eyring, Choose Higher Ground (2013), 38.

  19. Henry B. Eyring, To Draw Closer to God (1997), 118.

  20. Doktrina at mga Tipan 87:8; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 45:32.

  21. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 52:14.

  22. Tingnan sa Neil L. Andersen, “Find Our Cousins!” (mensaheng ibinigay sa RootsTech 2014 Family History Conference, Peb. 8, 2014); lds.org/prophets-and-apostles/unto-all-the-world/find-our-cousins.

  23. Tingnan sa David A. Bednar, “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Liahona, Nob. 2011, 24–27.

  24. Tingnan sa Helaman 7:9.

  25. Juan 14:18.