“Huwag Kang Matakot; Ako’y Sumasaiyo”
Kapag nagkaroon tayo ng mas malaking tiwala at pananampalataya sa Panginoon, maaari tayong humiling sa Kanya na pagpalain at iligtas tayo.
Iilang damdamin ang maihahalintulad sa pagmamahal na taglay ng pagiging magulang. Wala nang sasaya pa sa pagkakaroon ng anak, na bigay ng langit. Ganito ang naramdaman ng isa sa mga kapatid kong lalaki sa espesyal at nakaaantig na paraan. Ang panganay niyang anak na lalaki ay isinilang na kulang sa buwan at may timbang lamang na 2 libra at 14 na onsa (1.3 kg). Ginugol ni Hunter ang unang dalawang buwan ng kanyang buhay sa neonatal intensive care unit ng ospital. Ang mga buwang iyon ay emosyonal na panahon sa buong pamilya habang umaasa at sumasamo kami na tulungan kami ng Panginoon.
Maraming suporta ang kailangan ng munting si Hunter. Sinikap niyang magkaroon ng lakas na kailangan para mabuhay. Madalas hawakan ng malakas na kamay ng mapagmahal na ama ang munting kamay ng kanyang mahinang anak para palakasin ang loob nito.
At ganito rin sa lahat ng anak ng Diyos. Hinahawakan ng ating Ama sa Langit ang bawat isa sa atin taglay ang Kanyang walang-hanggang pagmamahal. Siya ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay at hangad na tulungan tayo na matuto, umunlad, at bumalik sa Kanya. Nililinaw nito ang layunin ng ating Ama: “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”1
Kapag nagkaroon tayo ng mas malaking tiwala at pananampalataya sa Panginoon, maaari tayong humiling sa Kanya na pagpalain at iligtas tayo.
Nakatala sa lahat ng pahina ng Aklat ni Mormon ang napakagandang layuning ito ng kapangyarihan ng Panginoon na iligtas ang Kanyang mga anak. Inilahad ito ni Nephi sa pinakaunang kabanata ng aklat. Sa talata 20, mababasa natin, “Masdan, ako, si Nephi, ay magpapatunay sa inyo na ang magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, upang gawin silang malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas.”2
Maraming taon na ang nakararaan nalaman ko mismo ang katotohanang nakasaad sa talatang ito. Nalaman ko kung gaano talaga kalapit ang ating Ama sa Langit at gaano ang pagnanais Niya na tulungan tayo.
Isang hapon habang papadilim na, nagmamaneho ako kasama ang aking mga anak nang mapansin ko ang isang batang lalaki na naglalakad sa mapanglaw na kalsada. Nang malagpasan ko siya, nakadama ako ng malakas na impresyon na bumalik at tulungan siya. Ngunit nag-alala ako na baka matakot siya na may estrangherong huminto sa kanya, kaya’t nagpatuloy ako sa pagmamaneho. Dumating muli sa isipan ko ang malakas na impresyon: “Tulungan mo ang batang iyon!”
Binalikan ko siya at tinanong, “Kailangan mo ba ng tulong? Naramdaman ko na dapat kitang tulungan.”
Bumaling siya sa amin at dumadaloy ang mga luha sa kanyang pisngi na nagsabing, “Talaga po? Nagdarasal po ako na sana ay may tumulong sa akin.”
Ang panalangin niya na tulungan siya ay nasagot sa inspirasyon na ibinigay sa akin. Ang karanasang ito na makatanggap ng gayon kalinaw na tagubilin mula sa Espiritu ay hindi ko nalimutan kailanman.
At ngayon makaraan ang 25 taon at dahil sa magiliw na awa, nakausap ko muli ang batang ito sa unang pagkakataon ilang buwan pa lang ang nakalipas. Nalaman ko na ang karanasang iyon ay hindi lamang kuwento ko—kuwento rin niya iyon. Si Deric Nance ay isa nang ama at may sarili nang pamilya. Hindi rin niya nalimutan ang karanasang iyon. Nakatulong ito sa amin na magkaroon ng matibay na pananampalataya na naririnig at sinasagot ng Diyos ang ating mga dalangin. Pareho naming ginamit iyon para ituro sa aming mga anak na binabantayan tayo ng Diyos. Hindi tayo nag-iisa.
Nang gabing iyon, nagpaiwan si Deric pagkatapos ng klase para sa isang aktibidad at hindi niya naabutan ang huling bus. Dahil tinedyer na, naisip niya na kaya niyang umuwi, kaya’t nagsimula siyang maglakad.
Isang oras at kalahati ang lumipas sa paglalakad sa mapanglaw na kalsadang iyon. Dahil ilang milya pa ang layo niya sa kanyang tahanan at walang makitang mga bahay sa dinaraanan, natakot siya. Sa kawalan ng pag-asa, nagpunta siya sa likod ng salansan ng mga bato, lumuhod, at humingi ng tulong sa Ama sa Langit. Ilang minuto pagkatapos makabalik ni Deric sa kalsada, huminto ako para ibigay ang tulong na ipinagdasal niya.
At ngayon makalipas ang maraming taon, nagugunita ni Deric: “Iniisip ako ng Panginoon, isang batang patpatin at hindi handa. At sa kabila ng lahat ng nangyayari sa mundo, alam Niya ang aking sitwasyon at nagpadala ng tulong dahil mahal Niya ako. Sinagot ng Panginoon ang aking mga panalangin nang maraming beses mula noon sa mapanglaw na tabing-daang iyon. Ang Kanyang mga sagot ay hindi palaging mabilis at malinaw, ngunit ang pag-aalala Niya sa akin ay nakikita ngayon tulad noong malungkot na gabing iyon. Sa tuwing may kadiliman sa aking buhay, alam ko na palagi Siyang may plano na tulungan ako na muling ligtas na makauwi.”
Tulad ng sabi ni Deric, hindi lahat ng panalangin ay kaagad nasasagot. Ngunit talagang kilala tayo ng ating Ama at naririnig ang mga pagsamo ng ating puso. Nagsasagawa Siya ng mga himala sa bawat panalangin, sa bawat tao.
Maaari tayong magtiwala na tutulungan Niya tayo, hindi sa paraang gusto natin kundi sa paraang pinakamainam na tutulong sa ating pag-unlad. Ang pagpapasakop ng ating kalooban sa Kanya ay maaaring mahirap, ngunit kinakailangan ito upang maging tulad Niya at madama ang kapayapaang ibinibigay Niya sa atin.
Madarama natin, ang gaya ng sinabi ni C. S. Lewis: “Nagdarasal ako dahil hindi ko kayang tugunan ang sarili kong mga pangangailangan. … Nagdarasal ako dahil dama ko sa tuwina na kailangan ko ito, sa paggising at pagtulog. Hindi nito binabago ang Diyos. Ako ang binabago nito.”3
Maraming tala sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa mga taong nagtiwala sa Panginoon at Kanyang natulungan at nailigtas. Isipin ang batang si David, na nakaligtas sa tiyak na kamatayan sa kamay ng napakalakas na si Goliat dahil sa pagtitiwala sa Panginoon. Isipin si Nephi, na ang pagsusumamo sa Diyos nang may pananampalataya ay nagligtas sa kanya mula sa kanyang mga kapatid na ang hangad ay patayin siya. Alalahanin ang batang si Joseph Smith, na mapanalanging humingi ng tulong sa Panginoon. Siya ay nailigtas sa kapangyarihan ng kadiliman at tumanggap ng kamangha-manghang sagot. Bawat isa ay naharap sa totoo at mahirap na mga pagsubok. Bawat isa ay kumilos nang may pananampalataya at nagtiwala sa Panginoon. Bawat isa ay tumanggap ng Kanyang tulong. At sa panahon din natin, ang kapangyarihan at pagmamahal ng Diyos ay ipinapakita sa buhay ng Kanyang mga anak.
Nakita ko ito kamakailan sa buhay ng mga nananampalatayang Banal sa Zimbabwe at Botswana. Sa pulong ng pag-aayuno at patotoo sa isang maliit na branch, ako ay napakumbaba at napasigla ng mga patotoong ibinahagi ng marami—mga bata, kabataan, at matatanda. Bawat isa ay nagbahagi ng malakas na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Sa mga pagsubok at mahirap na mga kalagayang nakapalibot sa kanila, nabubuhay sila sa bawat araw na nagtitiwala sa Diyos. Kinikilala nila ang Kanyang kamay sa kanilang buhay at madalas itong ipahayag sa mga katagang “Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos.”
Ilang taon na ang nakalipas ipinakita ng isang tapat na pamilya sa mga miyembro ng aming ward ang gayon ding tiwala sa Panginoon. Sina Arn at Venita Gatrell ay maligaya sa kanilang buhay may-pamilya nang masuring may malalang kanser si Arn. Nakapanlulumo ang resulta—isang linggo na lang siyang mabubuhay. Nais ng pamilya na magtipun-tipon sa huling pagkakataon. Kaya’t lahat ng mga anak ay tinipon, ang ilan ay mula sa malalayong lugar. Mayroon na lamang silang mahalagang 48 oras para gugulin nang magkakasama. Maingat na pinili ng mga Gatrell ang pinakamahalaga sa kanila—retrato ng buong pamilya, pagsasalu-salo sa pagkain ng pamilya, at sesyon sa Salt Lake Temple. Sinabi ni Venita, “Nang lumabas kami sa pinto ng templo, ito na ang huling pagkakataon na magkakasama-sama kami sa buhay na ito.”
Ngunit umalis sila roon na nakatitiyak na may higit pang nakalaan para sa kanila kaysa sa buhay na ito. Dahil sa mga sagradong tipan sa templo, umaasa sila sa mga pangako ng Diyos. Sila ay magsasama-sama magpakailanman.
Ang sumunod na dalawang buwan ay puno ng mga pagpapala na di kayang banggitin pa. Mas lumakas ang pananampalataya at tiwala nina Arn at Venita sa Panginoon, na mapapatunayan sa mga salita ni Venita: “Ako ay pinasan. Nalaman ko na makadarama ka ng kapayapaan sa gitna ng kaguluhan. Alam kong binabantayan kami ng Panginoon. Kung magtitiwala ka sa Panginoon, talagang makakayanan mo ang anumang pagsubok sa buhay.”
Idinagdag ng isa sa kanyang mga anak: “Nakamasid kami sa aming mga magulang at nakita ko ang kanilang halimbawa. Nakita namin ang kanilang pananampalataya at kung paano nila ito pinalakas. Hindi ko hihilingin kailanman ang pagsubok na ito, ngunit hindi ko rin ito tatalikuran. Napalibutan kami ng pagmamahal ng Diyos.”
Siyempre, ang pagpanaw ni Arn ay hindi inasam na mangyari ng mga Gatrell. Ngunit ang paghihirap nila ay hindi nagpahina sa kanilang pananampalataya. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi tseklist ng mga bagay na gagawin; sa halip, ito ay nananatiling buhay sa ating puso. Ang ebanghelyo “ay hindi pasanin; ito ay nagpapagaan ng pasanin.”4 Pinapasan tayo nito. Pinasan nito ang mga Gatrell. Nakadama sila ng kapayapaan sa gitna ng unos. Mahigpit silang kumapit sa isa’t isa at sa mga tipan sa templo na kanilang ginawa at tinupad. Tumibay ang tiwala nila sa Panginoon at napalakas sila sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Saanman natin matagpuan ang ating sarili sa landas ng pagkadisipulo, anuman ang ating mga problema at pagsubok, hindi tayo nag-iisa. Hindi kayo kinalilimutan. Tulad ni Deric, ng mga Banal sa Africa, at ng pamilya Gatrell, mapipili nating humingi ng tulong sa Diyos para sa ating mga pangangailangan. Mahaharap natin ang ating mga pagsubok nang may panalangin at tiwala sa Panginoon. At sa paggawa nito tayo ay magiging higit na katulad Niya.
Nangungusap sa bawat isa sa atin, sinasabi ng Panginoon, “Huwag … matakot; … ako’y sumasaiyo: huwag kang manglupaypay, sapagka’t ako’y iyong Diyos; aking palalakasin ka; … aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.”5
Ibinabahagi ko ang simple ngunit tiyak kong patotoo na personal tayong kilala ng ating Diyos Ama at tinutulungan Niya tayo. Sa pamamagitan ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo makakayanan natin ang mga pagsubok ng mundong ito at ligtas na makakauwi. Nawa’y magkaroon tayo ng pananampalataya na magtiwala sa Kanya, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.