2010–2019
Mamuhay nang Tapat sa Pananampalataya
Abril 2014


11:6

Mamuhay nang Tapat sa Pananampalataya

Elder William R. Walker

Bawat isa sa atin ay lubhang pagpapalain kung alam natin ang mga kuwento ng pananampalataya at sakripisyong humantong sa pagsapi ng ating mga ninuno sa Simbahan ng Panginoon.

Gustung-gusto ko ang kasaysayan ng Simbahan. Marahil gaya ng marami sa inyo, tumitibay ang sarili kong pananampalataya kapag nalalaman ko ang pambihirang katapatan ng ating mga ninuno na tumanggap sa ebanghelyo at namuhay nang tapat sa pananampalataya.

Isang buwan na ang nakararaan, ipinagdiwang ng 12,000 mababait na kabataan mula sa Gilbert Arizona Temple District ang pagkatapos ng kanilang bagong templo sa masiglang pagtatanghal, na nagpamalas ng kanilang katapatang mamuhay nang matwid. Ang tema ng kanilang pagdiriwang ay “Mamuhay nang Tapat sa Pananampalataya.”

Tulad ng ginawa ng matatapat na kabataang iyon ng Arizona, bawat Banal sa mga Huling Araw ay dapat mangakong “mamuhay nang tapat sa pananampalataya.”

Sabi sa mga titik ng himno, “Sa katotohana’y may katapatan [ang ating magulang)” (“Tapat sa Pananampalataya,” Mga Himno, blg. 156).

Maidaragdag natin, “Sa katotohana’y may katapatan (ang ating mga ninuno).”

Inisip ko kung alam kaya ng bawat isa sa mga masigasig na kabataang iyon ng Arizona ang kasaysayan ng kanilang Simbahan—kung alam nila kung paano naging mga miyembro ng Simbahan ang kanilang pamilya. Maganda sana kung alam ng bawat Banal sa mga Huling Araw ang mga kuwento ng pagsapi ng kanilang mga ninuno.

Inapo man kayo ng mga pioneer o hindi, ang pamana ng pananampalataya at sakripisyo ng Mormon pioneer ay inyong pamana. Ito ang marangal na pamana ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Isa sa pinakamagagandang kabanata sa kasaysayan ng Simbahan ang naganap noong itinuro ni Wilford Woodruff, isang Apostol ng Panginoon, ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa buong Great Britain noong 1840–10 taon lang matapos itatag ang Simbahan.

Itinuon ni Wilford Woodruff at ng iba pang mga Apostol ang kanilang gawain sa Liverpool at Preston sa England, na naging malaking tagumpay. Si Elder Woodruff, na kalauna’y naging Pangulo ng Simbahan, ay palaging nagdarasal sa Diyos na gabayan siya sa napakahalagang gawaing ito. Ang kanyang mga dalangin ay humantong sa inspirasyong magpunta sa ibang lugar para ituro ang ebanghelyo.

Itinuro sa atin ni Pangulong Monson na kapag nagkaroon tayo ng inspirasyon mula sa langit na gawin ang isang bagay, ginagawa natin iyon agad—hindi tayo nagpapaliban. Iyan mismo ang ginawa ni Wilford Woodruff. Sa malinaw na patnubay ng Espiritu na “magpunta sa timog,” halos agad-agad na umalis si Elder Woodruff papunta sa isang bahagi ng England na tinatawag na Herefordshire—ang bayang sakahan sa timog ng England. Dito niya nakilala ang maunlad na magsasakang si John Benbow, at dito’y tinanggap siya “nang may galak at pasasalamat” (Wilford Woodruff, sa Matthias F. Cowley, Wilford Woodruff: History of His Life and Labors as Recorded in His Daily Journals [1909], 117).

Isang grupo ng mahigit 600 katao, na ang tawag sa kanilang sarili ay United Brethren, ang matagal nang “nagdarasal … para sa liwanag at katotohanan” (Wilford Woodruff, sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2005], 99). Ipinadala ng Panginoon si Wilford Woodruff bilang sagot sa kanilang mga dalangin.

Ang pagtuturo ni Elder Woodruff ay agad nagbunga, at marami ang nabinyagan. Sumunod sa kanya sina Brigham Young at Willard Richards sa Herefordshire, at kahanga-hanga ang tagumpay ng tatlong Apostol.

Sa loob lamang ng ilang buwan, nakabuo sila ng 33 mga branch para sa 541 na mga miyembrong sumapi sa Simbahan. Nagpatuloy ang kahanga-hanga nilang gawain, at sa huli halos bawat miyembro ng United Brethren ay nagpabinyag sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Isa ang aking lola-sa-talampakan na si Hannah Mariah Eagles Harris sa mga unang nakinig kay Wilford Woodruff. Ipinaalam niya sa kanyang asawang si Robert Harris Jr., na narinig na niya ang salita ng Diyos at balak niyang magpabinyag. Hindi nasiyahan si Robert sa ulat ng kanyang kabiyak. Sinabi niya rito na sasamahan niya ito sa susunod na sermon na ibibigay ng Mormon missionary, at itutuwid niya ito.

Nakaupo malapit sa harapan ng grupo, na may matibay na pasiyang hindi patatangay, at marahil ay para kantiyawan ang bisitang mangangaral, agad inantig ng Espiritu si Robert, na tulad ng nangyari sa kanyang kabiyak. Nalaman niya na ang mensahe ng Panunumbalik ay totoo, at nabinyagan silang mag-asawa.

Ang kuwento ng kanilang pananampalataya at debosyon ay kahalintulad ng libu-libo pang iba: nang marinig nila ang mensahe ng ebanghelyo, nalaman nila na ito’y totoo!

Gaya ng sabi ng Panginoon, “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin” (Juan 10:27).

Nang marinig ang tinig ng Pastol, lubos nilang inilaan ang kanilang buhay sa pamumuhay ng ebanghelyo at pagsunod sa patnubay ng propeta ng Panginoon. Nang tumugon sa tawag na magtipon sa Sion, iniwan nila ang kanilang tahanan sa England, tinawid ang Atlantic, at nakipagtipon sa mga Banal sa Nauvoo, Illinois.

Tinanggap nila ang ebanghelyo nang buong puso. Habang sinisikap na maitatag ang bago nilang tahanan, tumulong sila sa pagtatayo ng Nauvoo Temple sa pamamagitan ng pagbibigay ng ikapu ng kanilang trabaho—na ginugugol ang bawat ika-10 araw sa pagtulong sa pagtatayo ng templo.

Labis silang nalungkot sa balita na namatay ang pinakamamahal nilang propetang si Joseph Smith, at ang kapatid nitong si Hyrum. Ngunit nagpatuloy sila! Nanatili silang tapat sa pananampalataya.

Nang usigin at palayasin ang mga Banal sa Nauvoo, nadama nina Robert at Maria na napakapalad nilang matanggap ang kanilang mga endowment sa templo bago sila tumawid ng Mississippi River at magpakanluran. Bagaman hindi nila tiyak kung ano ang magiging kinabukasan nila, natitiyak naman nila ang kanilang pananampalataya at mga patotoo.

May anim na anak, mabagal silang umusad sa putik nang tawirin nila ang Iowa pakanluran. Nagtayo sila ng pansamantalang kanlungan sa tabi ng Missouri River na tinawag kalaunan na Winter Quarters.

Ang grupong ito ng matatapang na pioneer ay naghintay sa patnubay ng apostol kung paano at kailan sila hahayo sa banda pa roon ng kanluran. Nagbago ang mga plano ng lahat nang manawagan sa kalalakihan si Brigham Young, Pangulo ng Korum ng Labindalawa noon, na boluntaryong maglingkod sa United States Army sa kalauna’y nakilala bilang Mormon Battalion.

Si Robert Harris Jr. ang isa sa mahigit 500 kalalakihang Mormon pioneer na tumugon sa panawagang iyon ni Brigham Young. Nagpalista siya, kahit pa ibig sabihin niyon ay iiwanan niya ang buntis na asawa at anim na maliliit na anak.

Bakit niya gagawin iyon at ng iba pang mga lalaki?

Ang sagot ay maibibigay sa sariling mga salita ng aking lolo-sa-talampakan. Sa isang liham niya sa kanyang asawa nang tumigil sandali ang battalion malapit sa Santa Fe, isinulat niya, “Napakalakas ng aking pananampalataya tulad ng dati [at kapag naiisip ko ang mga sinabi sa amin ni Brigham Young], naniniwala ako rito na para bang ang Dakilang Diyos ang nagsabi sa akin.”

Sa madaling salita, alam niyang nakikinig siya sa isang propeta ng Diyos, tulad ng ibang mga lalaki. Kaya nila ginawa iyon! Alam nila na pinamumunuan sila ng isang propeta ng Diyos.

Sa liham ding iyon, ipinahayag niya ang kanyang pagmamahal sa kanyang asawa’t mga anak at ikinuwento na lagi niyang ipinagdarasal na mapagpala ito at ang kanilang mga anak.

Kalaunan sa liham, isinulat niya ang makapangyarihang pahayag na ito: “Huwag nating kalimutan ang mga bagay na ating narinig at [naranasan] sa Templo ng Panginoon.”

Kasama ng kanyang naunang patotoo na “pinamumunuan tayo ng isang Propeta ng Diyos,” ang dalawang sagradong payo na ito ay naging parang banal na kasulatan sa akin.

Labingwalong buwan matapos sumama sa battalion, ligtas na nakabalik si Robert Harris sa kanyang pinakamamahal na si Maria. Nanatili silang tapat at nananalig sa ipinanumbalik na ebanghelyo habambuhay. Sila ay may 15 anak, at 13 ang nabuhay hanggang sa tumanda. Ang lola kong si Fannye Walker, ng Raymond, Alberta, Canada, ay isa sa kanilang 136 na mga apo.

Ipinagmamalaki ni Grandma Walker ang katotohanan na ang kanyang lolo ay naglingkod sa Mormon Battalion, at gusto niyang malaman ito ng lahat ng kanyang mga apo. Ngayong lolo na ako, nauunawaan ko na kung bakit ito mahalaga sa kanya. Gusto niyang ibaling ang mga puso ng mga anak sa kanilang mga ama. Gusto niyang malaman ng kanyang mga apo ang kanilang mabuting pamana—dahil alam niya na pagpapalain nito ang kanilang buhay.

Kapag lalo nating iniugnay ang ating nararamdaman sa ating mabubuting ninuno, mas malamang na makagawa tayo ng matatalino at mabubuting pasiya.

Totoo ito. Bawat isa sa atin ay lubhang pagpapalain kung alam natin ang mga kuwento ng pananampalataya at sakripisyong humantong sa pagsapi ng ating mga ninuno sa Simbahan ng Panginoon.

Mula nang unang marinig nina Robert at Maria ang pagtuturo at patotoo ni Wilford Woodruff tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo, nalaman nila na ang ebanghelyo ay totoo.

Nalaman din nila na anumang mga pagsubok o paghihirap ang dumating sa kanila, pagpapalain sila sa pananatiling tapat sa pananampalataya. Halos parang narinig na nila ang mga salita ng ating propeta ngayon, na nagsabing, “Walang sakripisyong napakalaki … upang matanggap [ang] mga pagpapala [ng templo]” (Thomas S. Monson, “Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Liahona,Mayo 2011, 92).

Nakaukit sa gilid ng dalawang-librang barya ng United Kingdom ang mga katagang “Nakatuntong sa mga Balikat ng mga Higante.” Kapag naiisip ko ang ating mga dakilang ninunong pioneer, nadarama ko na tayong lahat ay nakatuntong sa mga balikat ng mga higante.

Bagaman ang payo ay nagmula sa isang liham ni Robert Harris, naniniwala ako na napakaraming ninunong magpapadala ng mensahe ring iyon sa kanilang mga anak at apo: Una, huwag nating kalimutan ang mga naranasan natin sa templo, at huwag nating kalimutan ang mga pangako at pagpapalang dumarating sa bawat isa sa atin dahil sa templo. Ikalawa, huwag nating kalimutan na tayo ay pinamumunuan ng isang propeta ng Diyos.

Pinatototohanan ko na tayo ay pinamumunuan ng isang propeta ng Diyos. Ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa mga huling araw sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, at huwag nating kalimutan na tuloy-tuloy ang pamumuno sa atin ng mga propeta ng Diyos mula kay Joseph hanggang kay Brigham at sa bawat sumunod na Pangulo ng Simbahan hanggang sa ating propeta ngayon—si Thomas S. Monson. Kilala ko siya, iginagalang ko siya, at mahal ko siya. Pinatototohanan ko na siya ang propeta ng Panginoon sa lupa ngayon.

Hangad ng puso ko, kasama ang aking mga anak at apo, na igalang namin ang pamana ng aming mabubuting ninuno—yaong matatapat na Mormon pioneer na handang ilagak ang lahat sa altar upang magsakripisyo para sa at ipagtanggol ang kanilang Diyos at pananampalataya. Dalangin ko na bawat isa sa atin ay mamuhay nang tapat sa pananampalataya na itinangi o pinahalagahan ng ating mga magulang. Sa banal at sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.