2010–2019
Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo
Abril 2014


14:45

Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo

Elder Jeffrey R. Holland

Maging matatag. Tapat na ipamuhay ang ebanghelyo kahit hindi ito ginagawa ng ibang nasa paligid ninyo.

Pangulong Monson, mahal namin kayo. Ibinigay ninyo ang inyong puso’t kalusugan sa bawat tungkuling ipinagkaloob sa inyo ng Panginoon, lalo na sa sagradong katungkulan ninyo ngayon. Nagpapasalamat sa inyo ang buong Simbahan sa inyong matatag na paglilingkod at walang-maliw na katapatan sa tungkulin.

May paghanga at panghihikayat sa lahat ng kakailanganing maging matatag sa mga huling araw na ito, sinasabi ko sa lahat at lalo na sa mga kabataan ng Simbahan na kung hindi pa kayo natatawag, balang-araw ay kakailanganin ninyong ipagtanggol ang inyong pananampalataya o tiisin pa ang ilang harapang pang-aabuso dahil lamang sa miyembro kayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga sandaling iyon ay mangangailangan kapwa ng tapang at paggalang ninyo.

Halimbawa, isang sister missionary ang sumulat sa akin kamakailan: “Nakita namin ng kompanyon ko ang isang lalaki sa isang upuan sa liwasang-bayan na nanananghalian. Habang papalapit kami, tumingin siya at nakita niya ang aming missionary name tag. Bakas ang galit sa kanyang mukha, lumundag siya at umakmang sasampalin ako. Nakailag ako kaagad, pero idinura naman niya sa akin ang kinakain niya at pinagsalitaan kami ng masama. Lumakad kami palayo na walang kibo. Sinikap kong punasin ang pagkain sa mukha ko, nang bigla kong maramdaman ang tama ng isang tumpok ng mashed potato sa likod ng ulo ko. Kung minsan mahirap maging missionary dahil noon din ay gusto kong bumalik, pitserahan ang maliit na lalaking iyon, at sabihing, ‘ANO’NG SABI MO?’ Pero hindi ko ginawa iyon.”

Sa tapat na missionary na ito sinasabi ko, anak, sa sarili mong mapagpakumbabang paraan ay pumasok ka sa isang samahan ng kilalang-kilalang kababaihan at kalalakihan na, tulad ng sinabi ng propetang si Jacob sa Aklat ni Mormon, “[isinaalang-alang ang] kamatayan [ni Cristo], at [binata] ang kanyang krus at [tiniis] ang kahihiyan ng sanlibutan.”1

Tunay ngang isinulat ng kapatid ni Jacob na si Nephi tungkol kay Jesus mismo: “At ang sanlibutan, dahil sa kanilang kasamaan, ay hahatulan siyang isang bagay na walang saysay; anupa’t kanilang hahagupitin siya, at titiisin niya ito; at kanilang sasampalin siya, at titiisin niya ito. Oo, kanilang luluraan siya, at titiisin niya ito, dahil sa kanyang mapagkandiling pagmamahal at mahabang pagtitiis sa mga anak ng tao.”2

Kahalintulad ng naranasan ng Tagapagligtas, maraming kuwento na tinanggihan at nagsakripisyo nang malaki ang mga propeta at apostol, missionary at miyembro sa bawat henerasyon—lahat ng nagsikap na igalang ang panawagan ng Diyos na iangat ang sangkatauhan sa “higit na mabuting paraan.”3

“At ano pa ang aking sasabihin [tungkol sa kanila]?” tanong ng manunulat ng aklat na Sa mga Hebreo.

“[Sila na] … nangagtikom ng mga bibig ng mga leon,

“Nagsipatay ng bisa ng apoy, nangakatanan sa talim ng tabak … naging mga makapangyarihan sa pakikipagbaka, nangagpaurong ng mga hukbo …

“[Nakita] ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli [samantalang] ang iba’y nangamatay sa hampas, …

“At … nagkaroon ng pagsubok sa pagkalibak at pagkahampas, … sa mga tanikala at bilangguan naman:

“Sila’y pinagbabato, pinaglalagari, pinagtutukso, pinagpapatay sa tabak: … nagsilakad na paroo’t parito na may balat ng mga tupa’t kambing; na mga salat, nangapipighati, [at] tinatampalasan;

“([Sa kanila] ay hindi karapatdapat ang sanglibutan:) … na nangaliligaw sa mga ilang at sa mga kabundukan at sa mga yungib, at sa mga lungga ng lupa.”4

Tiyak na tumangis ang mga anghel ng langit nang itala nila ang halagang ito ng pagiging disipulo sa isang mundong madalas kumalaban sa mga utos ng Diyos. Ang Tagapagligtas mismo ay lumuha dahil sa mga tao na sa loob ng daan-daang taon ay tinanggihan at pinaslang sa paglilingkod sa Kanya. At ngayon Siya naman ang tinatanggihan at papatayin.

“Oh Jerusalem, Jerusalem,” ang sigaw ni Jesus, “na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya! makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ay ayaw kayo!

“Narito, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak.”5

At naroon ang isang mensahe para sa bawat kabataang lalaki at babae sa Simbahang ito. Maaaring isipin ninyo kung sulit bang ipagtanggol nang buong tapang ang moralidad sa high school o magmisyon para lamang laitin ang inyong itinatanging mga paniniwala o sikaping labanan ang marami sa lipunan na kung minsan ay kinukutya ang katapatan sa relihiyon. Oo, sulit iyon, dahil ang alternatibo o pagpipilian ay ang ating “mga bahay” ay iiwanan sa ating “wasak”—wasak na mga tao, wasak na pamilya, wasak na sambayanan, at wasak na bansa.

Ipinapakita rito na tungkulin nating dalhin ang mensahe ng Mesiyas. Bukod sa pagtuturo, paghikayat, at paghimok sa mga tao na magpatuloy (iyan ang kasiya-siyang bahagi ng pagkadisipulo), minsan tinatawag ang mga sugo ring ito para mag-alala, magbabala, kung minsan para umiyak lang (iyan ang masaklap na bahagi ng pagkadisipulo). Alam na alam nila na ang landas patungo sa lupang pangako na “binubukalan ng gatas at pulot”6 ay kailangang dumaan sa Bundok ng Sinai, na sagana sa “dapat gawin” at “hindi dapat gawin.”7

Sa kasamaang-palad, ang mga sugo ng mga banal na kautusan ay karaniwang hindi tanggap ng nakararami ngayon tulad noong unang panahon, na mapapatunayan ng dalawang sister missionary na dinuraan ng pagkain at tinapunan ng mashed potato. Ang poot ay pangit na salita, subalit may mga tao ngayon na makikiisa sa sinabi ng tiwaling si Ahab na, “kinapopootan ko [ang propetang si Micheas]; sapagka’t kailan man ay hindi siya [nagpropesiya] ng mabuti tungkol sa akin, kundi laging [nagpopropesiya ng] kasamaan.”8 Buhay ni Abinadi ang naging kapalit ng gayong pagkapoot sa katapatan ng propeta. Tulad ng sinabi niya kay Haring Noe: “Dahil sa sinabi ko sa inyo ang katotohanan kayo ay nagagalit sa akin. … Dahil sa sinabi ko ang salita ng Diyos, hinatulan ninyo ako na ako ay baliw”9 o, maidaragdag natin, probinsyano, pumapanig sa lalaki, walang pasensya, masungit, makitid ang utak, makaluma, at matanda.

Katulad iyon ng panaghoy ng Panginoon mismo sa propetang si Isaias:

“[Ang mga batang ito ay] hindi didinig ng kautusan ng Panginoon:

“[Sinasabi nila] sa mga tagakita, Huwag kayong [tumingin]; at sa mga propeta, Huwag kayong [magpropesiya] sa amin ng mga matuwid na bagay, magsalita kayo sa amin ng mga malubay na bagay, [magpropesiya] kayo ng mga magdarayang bagay:

“Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas, [paalisin] ninyo ang Banal ng Israel sa harap namin.”10

Ang malungkot, mga kaibigan kong kabataan, normal sa panahon natin na kung gusto man ng mga tao ng mga diyos, gusto nila ng mga diyos na walang maraming utos, mga panatag na diyos na hindi nanliligalig o nanggugulo, mga diyos na tinatapik tayo sa ulo, pinapatawa tayo, pagkatapos ay sinasabi sa atin na humayo at mamitas ng mga bulaklak.11

Ganyan talaga ang taong nililikha ang Diyos sa kanyang sariling larawan! Kung minsan—at tila ito ang kakatwa sa lahat—ginagamit ng mga taong ito ang pangalan ni Jesus bilang ganitong uri ng “panatag” na Diyos. Talaga bang iyan ang akala nila? Siya na nagsabing hindi lang natin dapat sundin ang mga kautusan, kundi hindi natin dapat isipin man lang na suwayin ang mga ito. At kung iisipin nga nating suwayin ang mga ito, nasuway na natin ang mga ito sa puso natin. Mukha bang “panatag” na doktrina iyan, masarap pakinggan at tanggap sa payapang pagtitipon sa nayon?

At paano ang mga gusto lang tumingin sa kasalanan o hipuin ito mula sa malayo? Biglang sinabi ni Jesus, kung magkasala ang iyong mata, dukutin ito. Kung magkasala ang iyong kamay, putulin ito.12 Hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi [ng] tabak,”13 ang babala Niya sa mga taong puro walang kabuluhan ang sinasabi. Kaya pala, pagkaraan ng bawat sermon, ang mga komunidad sa lugar ay “[n]agsipamanhik sa kaniya na siya’y umalis sa kanilang mga hangganan.”14 Kaya pala, pagkaraan ng bawat himala, hindi ipinatungkol sa Diyos ang Kanyang kapangyarihan kundi sa demonyo.15 Kitang-kita na ang tanong sa bumper sticker na “Ano ang gagawin ni Jesus?” ay hindi laging maghahatid ng sagot na tanggap ng nakararami.

Sa tugatog ng Kanyang mortal na ministeryo, sinabi ni Jesus, “Mangagibigan sa isa’t isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo.”16 Para matiyak na naunawaan nila nang husto kung anong uri ng pag-ibig iyon, sinabi Niya, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos,”17 at “sinomang sumuway sa isa sa kaliitliitang mga utos … at ituro ang gayon sa mga tao, ay [magiging] kaliitliitan sa kaharian ng langit.”18 Ang pag-ibig na tulad ng kay Cristo ang pinakamalaking pangangailangan natin sa planetang ito dahil kabutihan dapat ang laging kaakibat nito. Kaya’t kung pag-ibig ang magiging sawikain natin, dahil iyon ang nararapat, na sinabi Niya na simbolo ng pag-ibig, kailangan nating talikuran ang paglabag at anumang pahiwatig ng pagtangkilik dito sa iba. Malinaw na naunawaan ni Jesus ang tila nalilimutan ng marami sa ating makabagong kultura: na may malaking pagkakaiba ang utos na patawarin ang kasalanan (na kaya Niyang gawin nang walang katapusan) at ang babala laban sa pagkunsinti dito (na ni minsa’y hindi Niya ginawa).

Mga kaibigan, lalo na ang mga kaibigan kong kabataan, manalig. Ang dalisay na pag-ibig ni Cristo na dumadaloy mula sa tunay na kabutihan ay kayang baguhin ang mundo. Pinatototohanan ko na ang tunay at buhay na ebanghelyo ni Jesucristo ay nasa lupa at kayo ay mga miyembro ng Kanyang tunay at buhay na Simbahan, na nagsisikap na ibahagi ito. Pinatototohanan ko ang ebanghelyo at Simbahang iyon, nang may partikular na patotoo sa ipinanumbalik na mga susi ng priesthood na nagbubukas ng kapangyarihan at bisa ng nakapagliligtas na mga ordenansa. Mas natitiyak ko na naipanumbalik na ang mga susing iyon at na muling makakamtan ang mga ordenansang iyon sa pamamagitan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kaysa sa katiyakan ko na nakatayo ako sa harapan ninyo sa pulpitong ito at nakaupo kayo sa harapan ko sa kumperensyang ito.

Maging matatag. Tapat na ipamuhay ang ebanghelyo kahit hindi ito ginagawa ng ibang nasa paligid ninyo. Ipagtanggol ang inyong mga paniniwala nang may paggalang at habag, ngunit ipagtanggol pa rin ito. Maraming kuwento tungkol sa mga inspiradong tinig, kabilang na ang mga maririnig ninyo sa kumperensyang ito at ang tinig na narinig ninyo sa katauhan ni Pangulong Thomas S. Monson, na nagtuturo sa inyo sa landas ng pagiging disipulo ni Cristo. Ito’y makipot at makitid na landas na di-gaanong maluwang, ngunit maaaring nakatutuwa at matagumpay na matatahak, “nang may katatagan kay Cristo, … may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.”19 Sa matapang na pagtahak sa gayong landas, makasusumpong kayo ng matatag na pananampalataya, kaligtasan laban sa malalakas na hangin, maging mga palaso sa buhawi, at mararamdaman ninyo ang matinding lakas ng ating Manunubos kung saan kung magiging tapat kayo bilang disipulo, kayo ay hindi maaaring bumagsak.20 Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.