2010–2019
“Kayo’y Binigyan Ko ng Halimbawa”
Abril 2014


14:58

“Kayo’y Binigyan Ko ng Halimbawa”

Elder Richard G. Scott

Ang pinakadakilang halimbawang nabuhay sa mundo ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. … Inaanyayahan Niya tayong tularan ang Kanyang sakdal na halimbawa.

Habang pinagninilayan ko ang aking tungkuling ibahagi ang ebanghelyo, naisip ko ang mga mahal ko sa buhay na dahil sa kanilang magiliw na impluwensya ay nagkaroon ako ng banal na patnubay na nakatulong sa aking espirituwal na pag-unlad. Sa mahahalagang sandali ng aking buhay, biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng isang taong nagmalasakit sa akin nang sapat para gabayan ako sa pagpapasiya nang tama. Sinunod nila ang mga salitang ito ng Tagapagligtas: “Sapagka’t kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.”1

Noong bata pa ako, hindi miyembro ng Simbahan ang aking ama at di-gaanong nagsisimba ang aking ina. Nakatira kami noon sa Washington, D.C., at ang mga magulang ng aking ina ay nakatira sa estado ng Washington 2,500 milya (4,000 km) ang layo mula sa amin. Ilang buwan pagkaraan ng ikawalong kaarawan ko, lumuwas si Lola Whittle para bisitahin kami. Nag-alala si Lola na hindi pa ako nabinyagan ni ang kuya ko. Hindi ko alam ang sinabi niya sa mga magulang ko tungkol dito, ngunit alam ko na isang umaga ay isinama niya kami ng kuya ko sa parke at sinabi sa amin ang kanyang damdamin tungkol sa kahalagahan ng mabinyagan at dumalo nang regular sa mga pulong ng Simbahan. Hindi ko maalala ang mga detalye ng sinabi niya, ngunit umantig sa puso ko ang mga salita niya, at di-nagtagal ay nabinyagan kami ng kuya ko.

Patuloy kaming sinuportahan ni Lola. Naaalala ko na tuwing maaatasan kami ng kuya ko na magsalita sa simbahan, tinatawagan namin siya para humingi ng ilang mungkahi. Sa loob lang ng ilang araw ay dumarating na ang isang sulat-kamay na mensahe mula sa koreo. Nang magtagal-tagal ang mga mungkahi niya ay napalitan ng isang outline na nangailangan ng mas malaking pagsisikap namin.

Gumamit si Lola ng sapat na lakas ng loob at paggalang para maipaunawa sa aming ama na mahalagang ihatid niya kaming magkapatid sa simbahan para sa aming mga pulong. Sa lahat ng angkop na paraan, ipinadama niyang kailangan namin ang ebanghelyo sa aming buhay.

Higit sa lahat, alam namin na mahal kami ni Lola at mahal niya ang ebanghelyo. Isa siyang napakabuting halimbawa! Malaki ang pasasalamat ko sa patotoong ibinahagi niya sa akin noong bata pa ako. Binago ng impluwensya niya ang direksyon ng buhay ko para sa aking walang-hanggang kabutihan.

Kalaunan, nang malapit na akong magtapos sa unibersidad, umibig ako sa isang magandang dalagang nagngangalang Jeanene Watkins. Akala ko nagsisimula na rin siyang umibig sa akin. Isang gabi habang nag-uusap kami tungkol sa hinaharap, maingat niyang binanggit sa pag-uusap namin ang isang pahayag na nagpabago sa buhay ko magpakailanman. Sabi niya, “Kapag nag-asawa ako, ikakasal ako sa templo sa isang tapat na returned missionary.”

Hindi ko gaanong naisip na magmisyon bago iyon. Nang gabing iyon ang nakahikayat sa akin na isiping magmisyon ay lubhang nagbago. Umuwi ako, at wala na akong iba pang maisip. Magdamag akong gising. Hindi ako lubos na makatuon sa pag-aaral ko kinabukasan. Matapos ang maraming panalangin nagpasiya akong kausapin ang bishop ko at simulang mag-aplay sa misyon.

Hindi hiniling sa akin ni Jeanene kailanman na magmisyon ako para sa kanya. Inibig niya ako nang sapat para ibahagi ang kanyang pananalig at bigyan ako ng pagkakataong piliin ang direksyon ng sarili kong buhay. Kapwa kaming nagmisyon at kalaunan ay ibinuklod kami sa templo. Ang lakas ng loob at katapatan ni Jeanene sa kanyang paniniwala ang nakagawa ng lahat ng kaibhan sa aming pagsasama. Tiyak ko na hindi kami liligaya kung hindi malakas ang kanyang pananampalataya sa alituntuning paglingkuran muna ang Panginoon. Isa siyang kahanga-hanga at mabuting halimbawa!

Sapat ang pagmamahal sa akin nina Lola Whittle at Jeanene para ibahagi ang paniniwala nila na pagpapalain ng mga ordenansa ng ebanghelyo at paglilingkod sa Ama sa Langit ang buhay ko. Walang isa man sa kanila na pumilit sa akin o nagpadama sa akin na masama akong tao. Minahal lang nila ako at ang Ama sa Langit. Alam nila pareho na mas marami Siyang magagawa sa buhay ko kaysa magagawa kong mag-isa. Bawat isa sa kanila ay lakas-loob akong tinulungan sa mapagmahal na mga paraan na hanapin ang landas tungo sa lubos na kaligayahan.

Paano magiging gayon kalaking impluwensya ang bawat isa sa atin? Kailangan nating tiyakin na taos nating mahalin ang mga taong gusto nating impluwensyahan sa kabutihan nang sa gayon ay magkaroon sila ng tiwala na mahal sila ng Diyos. Para sa napakarami sa mundo, ang unang hamon sa pagtanggap ng ebanghelyo ay ang manampalataya sa Ama sa Langit, na sakdal ang pagmamahal sa kanila. Mas madaling magkaroon ng pananampalatayang iyan kapag may mga kaibigan o kapamilya sila na nagmamahal sa kanila nang gayon.

Kapag nakuha ninyo silang magtiwala sa inyong pagmamahal, magkakaroon sila ng pananampalataya na mahal sila ng Diyos. Sa gayon sa inyong mapagmahal at maalalahaning pakikipag-usap, mapagpapala ang buhay nila sa pagbabahagi ninyo ng mga aral na inyong natutuhan, mga karanasan, at mga alituntuning sinunod ninyo para malutas ang sarili ninyong mga paghihirap. Ipakita na tunay kayong nagmamalasakit sa kanilang kapakanan; pagkatapos ay patotohanan sa kanila ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Makakatulong kayo sa mga paraang nakabatay sa alituntunin at doktrina ng ebanghelyo. Hikayatin ang mga mahal ninyo sa buhay na hangaring maunawaan ang nais ipagawa sa kanila ng Panginoon. Ang isang paraan para magawa ito ay tanungin sila ng mga bagay na magpapaisip sa kanila at bigyan sila ng sapat na panahon—ilang oras man iyon, araw, buwan, o mahigit pa—na pagbulayan at pagsikapang hanapin nila mismo ang mga sagot. Maaaring kailangan ninyo silang tulungan kung paano manalangin at matukoy ang mga sagot sa kanilang mga dalangin. Tulungan silang malaman na malaking tulong ang mga banal na kasulatan sa pagtanggap at pagtukoy sa mga sagot na iyon. Sa gayon matutulungan ninyo silang paghandaan ang mga darating na oportunidad at hamon.

Ang layunin ng Diyos ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”2 Iyan ang naghihikayat sa lahat ng ginagawa natin. Kung minsan ay labis tayong nagagambala ng mga bagay na kawili-wili sa atin o masyado tayong abala sa mga responsibilidad natin sa mundo kaya nalilimutan natin ang layunin ng Diyos. Kapag palagi ninyong itinuon ang inyong buhay sa mga pinakapangunahing alituntunin, mauunawaan ninyo ang dapat ninyong gawin, at mas marami kayong magagawa para sa mga layunin ng Panginoon at magiging mas maligaya kayo.

Kapag itinuon ninyo ang inyong buhay sa mga pangunahing alituntunin ng plano ng kaligtasan, mas makapagtutuon kayo sa pagbabahagi ng nalalaman ninyo dahil nauunawaan ninyo ang walang-hanggang kahalagahan ng mga ordenansa ng ebanghelyo. Ibabahagi ninyo ang nalalaman ninyo sa paraang nakahihikayat sa inyong mga kaibigan na espirituwal na mapalakas. Tutulungan ninyo ang inyong mga mahal sa buhay na maging tapat sa pagsunod sa lahat ng Kanyang kautusan at taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo.

Alalahanin na ang pagbabalik-loob ng bawat tao ay bahagi lamang ng gawain. Laging hangaring patatagin ang mga pamilya. Ituro nang may walang-hanggang pananaw na mahalagang mabuklod ang mga pamilya sa templo. Para sa ilang pamilya maaring matagalan ito. Ganito ang nangyari sa mga magulang ko. Makalipas ang maraming taon matapos akong mabinyagan, nabinyagan ang aking ama, at kalaunan ay nabuklod sa templo ang aming pamilya. Naglingkod ang aking ama bilang tagapagbuklod sa templo, at kasama niyang naglingkod doon ang aking ina. Kapag may walang-hanggang pananaw kayo tungkol sa mga ordenansa ng pagbubuklod sa templo, makakatulong kayo sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa.

Tandaan, ang mabisang paraan para maimpluwensyahan ang mga taong nais ninyong tulungan ay mahalin sila. Nawalan sana ng saysay ang impluwensya ng aking Lola Whittle at ng asawa kong si Jeanene kung hindi ko nalaman muna na mahal nila ako at gusto nila ang pinakamabuti para sa akin.

Kasabay ng pagmamahal na iyon, magtiwala sa kanila. Sa ilang pagkakataon ay maaaring tila mahirap magtiwala, ngunit humanap ng paraan para pagtiwalaan sila. Ang mga anak ng Ama sa Langit ay makakagawa ng kahanga-hangang mga bagay kapag nadarama nila na pinagtitiwalaan sila. Bawat anak ng Diyos sa buhay na ito ay pinili ang plano ng Tagapagligtas. Magtiwala na kung may pagkakataon, gagawin nila itong muli.

Magbahagi ng mga alituntunin na tutulong sa inyong mga minamahal na patuloy na tumahak sa landas tungo sa buhay na walang hanggan. Tandaan, umuunlad tayo nang taludtod sa taludtod. Nasunod na ninyo ang gayong huwaran sa pag-unawa ninyo sa ebanghelyo. Gawing simple ang pagbabahagi ninyo ng ebanghelyo.

Ang personal ninyong patotoo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay isang mabisang impluwensya. Ang iba pang makakatulong ay ang panalangin, ang Aklat ni Mormon at iba pang mga banal na kasulatan, at ang katapatan ninyo sa mga ordenansa ng priesthood. Lahat ng ito ay makakatulong sa inyo na mapatnubayan ng Espiritu, na napakahalaga na inyong asahan.

Para maging epektibo at magawa ninyo ang ginawa ni Cristo,3 magtuon sa pangunahing alituntuning ito ng ebanghelyo: ginagawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na maging mas katulad tayo ng ating Ama sa Langit nang sa gayon ay magkasama-sama tayo bilang pamilya magpakailanman.

Walang doktrinang mas mahalaga pa sa ating gawain kaysa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa bawat angkop na pagkakataon, patotohanan ang Tagapagligtas at ang kapangyarihan ng Kanyang Nagbabayad-salang sakripisyo. Gumamit ng mga talata sa banal na kasulatan na nagtuturo tungkol sa Kanya at kung bakit Siya ang sakdal na halimbawa para sa lahat sa buhay na ito.4 Kailangan ninyong pag-aralan ito nang husto. Huwag masyadong magtuon sa mga bagay na hindi mahalaga na nagiging dahilan para hindi ninyo matutuhan ang doktrina at mga turo ng Panginoon. Kapag matatag kayong nakasalig sa doktrina, malaki ang maitutulong ninyo sa pagbabahagi ng mahahalagang katotohanan sa mga taong labis na nangangailangan nito.

Napaglilingkuran natin nang husto ang ating Ama sa Langit sa matwid na pag-impluwensya sa iba at paglilingkod sa kanila.5 Ang pinakadakilang halimbawa na nabuhay sa mundo ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang kanyang ministeryo sa mundo ay puno ng pagtuturo, paglilingkod, at pagmamahal sa iba. Nakihalubilo Siya sa mga taong itinuring ng iba na hindi karapat-dapat na makasama Siya. Minahal Niya ang bawat isa sa kanila. Nahiwatigan Niya ang mga pangangailangan nila at itinuro sa kanila ang Kanyang ebanghelyo. Inaanyayahan Niya tayong tularan ang Kanyang sakdal na halimbawa.

Alam ko na ang Kanyang ebanghelyo ang landas tungo sa kapayapaan at kaligayahan sa buhay na ito. Nawa’y alalahanin nating gawin ang Kanyang nagawa sa pagbabahagi ng ating pagmamahal, tiwala, at kaalaman tungkol sa katotohanan sa mga taong hindi pa natatanggap ang maniningning na liwanag ng ebanghelyo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.