Ang Piling Henerasyon
Kayo ay piniling makibahagi sa Kanyang gawain sa panahong ito dahil tiwala Siya na pipiliin ninyo ang tama.
Mga kabataang lalaki, marahil ay narinig na ninyo noon na kayo ay isang “lahing hirang,” ibig sabihin pinili at inihanda kayo ng Diyos na pumarito sa lupa sa panahong ito para sa dakilang layunin. Alam kong ito ay totoo. Ngunit ngayong gabi gusto kong tawagin kayo na “pumipiling henerasyon” dahil ngayon lamang sa kasaysayan ng mundo nagkaroon ng napakaraming pagpipilian ang mga tao. Kapag mas maraming pagpipilian mas maraming oportunidad; kapag mas maraming oportunidad mas maraming kabutihang magagawa at, ang nakakalungkot, mas marami ring kasamaan. Naniniwala ako na ipinadala kayo ng Diyos sa panahong ito dahil tiwala Siya sa inyo na mahihiwatigan ninyo ang iba’t ibang magagandang pagpipilian.
Noong 1974, sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Naniniwala ako na masayang maglalaan ang Panginoon sa atin ng teknolohiya na halos hindi maiisip natin na mga pangkaraniwang tao” (“When the World Will Be Converted,” Ensign, Okt. 1974, 10)
At naglaan nga Siya! Lumaki kayo na nariyan na ang isa sa pinakamahuhusay na kasangkapan para sa kapakinabangan ng tao: ang Internet. Dahil diyan, napakarami nating pagpipilian. Ang pagkakaroon ng napakaraming pagpipilian, gayunman, ay may kalakip na pananagutan. Naaakses ninyo sa Internet kapwa ang pinakamabuti at pinakamasama na nasa mundo. Sa paggamit nito makagagawa kayo ng mabubuting bagay sa maikling panahon, o kaya’y maaari kayong mabitag sa di mahahalagang bagay na sasayang sa inyong oras at magpapahina ng inyong kakayahang gumawa ng mabuti. Sa pagklik ng mouse, maaakses ninyo ang anumang naisin ng inyong puso. Iyan ang mahalaga—ano ang nais ng inyong puso? Ano ang nakakaakit sa inyo? Saan hahantong ang inyong mga naisin?
Alalahanin na “ipinagkakaloob [ng Diyos] sa mga tao ang naaayon sa kanilang naisin” (Alma 29:4) at Kanyang “hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso” (D at T 137:9; tingnan din sa Alma 41:3).
Sinabi ni Elder Bruce R. McConkie: “Sa makatotohanan bagama’t matalinghagang kahulugan, ang aklat ng buhay ay talaan ng mga ginawa ng mga tao na nakatala sa sarili nilang katawan. … Gayon nga, lahat ng iniisip, salita, at gawa ay may [epekto] sa katawan ng tao; lahat ng ito ay nag-iiwan ng mga marka, mga marka na mababasa Niya na Diyos na Walang Hanggan nang napakadali gaya ng mga salitang mababasa sa isang aklat” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1996], 97).
Inirerekord rin ng Internet ang inyong mga naisin, na ipinahayag sa pagsasaliksik at pagklik ng mouse. Napakaraming resources ang naghihintay para tugunan ang mga naising iyon. Kapag nag-surf kayo sa Internet, nag-iiwan kayo ng mga marka—ang sinabi ninyo, anong web page ang tiningnan ninyo, gaano kayo katagal doon, at mga bagay na interesado kayo. Sa ganitong paraan, ang Internet ay gumagawa ng cyber profile para sa inyo—ibig sabihin, ang inyong “aklat ng buhay online.” Tulad ng nangyayari sa tunay na buhay, lalo pang ibibigay sa inyo ng Internet ang anumang hinahanap ninyo. Kung dalisay ang inyong hangarin, pag-iibayuhin ito ng Internet, padadaliin nito ang inyong pakikibahagi sa mga makabuluhang aktibidad. Ngunit totoo rin ang kabaligtaran nito.
Ganito ang sinabi ni Elder Neal A. Maxwell:
“Anuman ang palagi nating hinahangad, sa paglipas ng panahon, ay ang siyang kahihinatnan natin sa huli at matatamo sa kawalang-hanggan. …
“… Sa pagkakaroon lamang ng mabubuting hangarin tayo hindi mapapahamak!” (“According to the Desire of [Our] Hearts,” Ensign, Nob. 1996, 21, 22).
Mga bata kong kapatid, kung hindi kayo magkakaroon ng mabubuting naisin, ang mundo ang gagawa nito para sa inyo. Araw-araw hangad ng mundo na impluwensyahan ang inyong mga naisin, inaakit kayo na bumili ng isang bagay, manood online, maglaro, o magbasa. Sa huli, kayo pa rin ang pipili. May kalayaan kayo. Ito ay kakayahang hindi lamang gawin ang inyong nais kundi pabanalin, dalisayin at pagbutihin din ang inyong mga naisin. Ang kalayaan ang gagamitin ninyo kung ano ang gusto ninyong kahinatnan ninyo. Bawat pagpili ay naglalapit o naglalayo sa inyo sa dapat ninyong kahinatnan; bawat pagklik ng mouse ay mahalaga. Palaging tanungin ang inyong sarili, “Saan hahantong ang pagpiling ito?” Magkaroon ng kakayahang maunawaan ang ibubunga ng inyong gagawin.
Gusto ni Satanas na kontrolin ang inyong kalayaan upang mahadlangan niya kayo sa dapat ninyong kahinatnan. Alam niya na ang isa sa pinakamahuhusay na paraan para magawa ito ay mabitag kayo sa adiksyon. Ang inyong pagpili ang magpapasiya kung nakakabuti o nakakasama ang teknolohiya sa inyo.
Magbibigay ako ng apat na alituntuning tutulong sa inyo, kayong piling henerasyon, na magpapabuti sa inyong mga naisin at gagabay sa paggamit ninyo ng teknolohiya.
Una: Ang Malaman Kung Sino Talaga Kayo ay Mas Nagpapadali sa Pagpapasiya
May kaibigan ako na nalaman ang katotohanang ito sa napaka-personal na paraan. Ang kanyang anak ay lumaki sa ebanghelyo, ngunit tila lumilihis siya rito. Madalas niyang tanggihan ang mga pagkakataon na gamitin ang priesthood. Nalungkot ang kanyang mga magulang nang ipasiya niya na hindi siya magmimisyon. Taimtim na nagdasal ang aking kaibigan para sa kanyang anak, umaasang magbabago ang puso nito. Ang pag-asang iyon ay naglaho nang sabihin ng kanyang anak na magpapakasal na siya. Nakiusap ang ama na kunin ng kanyang anak ang patriarchal blessing nito. Sa huli ay pumayag ang anak pero iginiit na mag-isa siyang makikipagkita sa patriarch.
Nang umuwi siya pagkatapos ng basbas, napaka-emosyonal niya. Isinama niya ang kanyang nobya palabas, kung saan makakausap niya ito nang sarilinan. Dumungaw ang ama sa bintana at nakita ang magkasintahan na pinapahid ang luha ng isa’t isa.
Kalaunan ikinuwento ng anak sa kanyang ama ang nangyari. Madamdaming ikinuwento niya na nang binabasbasan siya, naunawaan niya kahit paano kung sino siya sa premortal na daigdig. Nakinita niya kung gaano siya katapang at kalakas sa paghihikayat sa iba na sundin si Cristo. Dahil alam niya kung sino talaga siya, paanong hindi siya magmimisyon?
Mga kabataan, alalahanin kung sino kayo. Alalahanin na taglay ninyo ang banal na priesthood. Hihikayatin kayo nito na pumili ng tama sa paggamit ninyo ng Internet at sa buong buhay ninyo.
Pangalawa: Kumonekta sa Pinagmumulan ng Lakas
Sa cell phone na hawak mismo ng inyong kamay naroon ang karunungan ng lahat ng panahon—higit sa lahat, ang mga salita ng propeta, mula sa Lumang Tipan hanggang kay Pangulong Thomas S. Monson. Ngunit kung hindi ninyo regular na nire-recharge ang inyong cell phone, wala itong silbi, at hindi kayo makakakonekta at makakausap. Hindi ninyo iisiping umalis nang hindi nire-recharge ang inyong baterya.
Kung mahalagang naka-full charge ang inyong cell phone sa pag-alis ninyo sa bahay araw-araw, higit na mahalaga na lubos kayong handa sa espirituwal. Tuwing ipa-plug-in ninyo ang inyong cell phone, gamitin ito bilang paalala na tanungin ang inyong sarili kung naka-plug-in kayo sa pinakamahalagang pinagkukunan ng espirituwal na lakas—panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan, na magbibigay sa inyo ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo (tingnan sa D at T 11:12–14). Tutulong ito na malaman ninyo ang isipan at kalooban ng Panginoon upang makagawa ng maliit ngunit mahalagang pagpili araw-araw na magpapasiya sa inyong patutunguhan. Marami sa atin ang agad na humihinto sa ating ginagawa para magbasa ng text message—hindi ba’t dapat nating mas pahalagahan ang mga mensaheng mula sa Panginoon? Huwag nating kalimutan na kumonekta sa kapangyarihang ito (tingnan sa 2 Nephi 32:3).
Pangatlo: Ang Pagkakaroon ng Smartphone ay Hindi Nagpapahusay sa Inyo, ngunit ang Paggamit Nito nang Matalino ang Nagpapahusay sa Inyo
Mga kabataan, huwag gamitin sa masama ang inyong smartphone. Alam ninyo ang ibig kong sabihin (tingnan sa Mosias 4:29). Napakaraming paraan na mailalayo kayo ng teknolohiya mula sa mga bagay na pinakamahalaga. Sundin ang lumang kasabihan “Kung ano ang ipinagagawa sa iyo, iyon ang gawin mo.” Kapag nagmamaneho kayo, magmaneho lang. Kapag nasa klase kayo, pagtuunan ang aralin. Kapag kasama ang mga kaibigan, pagtuunan ninyo sila ng pansin. Ang utak ninyo ay hindi mapagsasabay ang dalawang bagay. Ang sabay-sabay na paggawa ng maraming bagay ay agad nagpapawala ng inyong pansin sa isang bagay. Ayon sa lumang kasabihan, “Kapag dalawang kuneho ang hinuhuli mo, ni isa ay wala kang mahuhuli.”
Ikaapat: Ang Panginoon ay Naglaan ng Teknolohiya para Maisakatuparan ang Kanyang mga Layunin
Ang banal na layunin ng teknolohiya ay pabilisin ang gawain ng kaligtasan. Bilang mga miyembro ng piling henerasyon, alam ninyong gamitin ang teknolohiya. Gamitin ito upang mapabilis ang inyong pag-unlad tungo sa kasakdalan. Dahil biyaya sa inyo ay kayrami, sa inyong kapwa’y dapat magbahagi (tingnan sa “Dahil Biyaya sa Akin ay Kayrami,” Mga Himno, blg. 133). Inaasahan ng Panginoon na gagamitin ninyo ang mga kasangkapang ito para mapabilis ang Kanyang gawain, maibahagi ang ebanghelyo sa paraang ni sa hinagap ay hindi inakala ng aking mga ka-henerasyon. Noon, naiimpluwensyahan ng mga tao ang kanilang mga kapitbahay at bayan, ngunit ngayon may kakayahan kayong makipag-ugnayan sa mga tao saanmang lugar at impluwensiyahan ang buong mundo.
Pinatototohanan ko na ito ang Simbahan ng Panginoon. Kayo ay piniling makibahagi sa Kanyang gawain sa panahong ito dahil tiwala Siya na pipiliin ninyo ang tama. Kayo ang piling henerasyon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.