2010–2019
Pag-Follow Up
Abril 2014


16:2

Pag-Follow Up

Elder M. Russell Ballard

Tayong lahat ay maaaring palaging makibahagi sa gawaing misyonero kapag inalis natin ang ating takot at pinalitan ito ng tunay na pananampalataya.

Animnapu’t apat na taon na ang nakalipas ngayong Setyembre, mula nang makauwi ako galing sa misyon sa England. Tatlong araw matapos akong makauwi, dumalo ako sa Hello Day dance sa University of Utah kasama ang aking kaibigan. Sinabi niya sa akin ang tungkol sa magandang sophomore na si Barbara Bowen, na sa palagay niya ay dapat kong makilala. Dinala niya si Barbara sa akin at ipinakilala kami sa isa’t isa, at nagsayaw na kami.

Ang malungkot, ito ang dating tinatawag na “tag dance,” na ibig sabihin maisasayaw mo lang ang isang dalaga hanggang sa tapikin ka ng iba. Si Barbara ay masayahin at popular, kaya wala pang isang minuto ko siyang naisayaw nang tapikin ako ng isang binata.

Hindi iyon katanggap-tanggap para sa akin. Dahil natutuhan ko ang kahalagahan ng pag-follow-up sa aking misyon, hiningi ko ang numero ng kanyang telepono at tinawagan ko siya kinabukasan at niyaya ko siyang lumabas, pero abala siya sa paaralan at sa mga kaibigan. Salamat na lang at naituro sa akin sa misyon na magtiyaga kahit nasisiraan na ng loob, at sa wakas ay nai-deyt ko siya. At nasundan pa ang mga deyt na iyon. Kahit paano habang nagdedeyt kami nakumbinsi ko siya na ako lang ang tanging karapat-dapat na returned missionary—na may pagtatangi sa kanya. Ngayon, makalipas ang 64 na taon, mayroon na kaming pitong anak, maraming apo at apo-sa-tuhod na ebidensya ng mahalagang katotohanan na gaano man kabuti ang iyong mensahe, baka hindi mo ito maiparating kung walang patuloy at matiyagang pag-follow-up.

Ito siguro ang dahilan kaya’t nadama ko ang malinaw na impresyon na mag-follow up ngayon sa dalawa sa nakaraan kong mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya.

Sa kumperensya noong Oktubre 2011, ipinayo ko na alalahanin natin ang mahahalagang salitang ito ng Panginoon: “Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”1

Sa mga salitang ito, nilinaw ng Panginoon na hindi lamang ito pormal na titulo kundi pangalan na itatawag sa Kanyang Simbahan. Dahil ibinigay ang Kanyang malinaw na pahayag, hindi natin dapat tukuyin sa ibang pangalan ang Simbahan, gaya ng “Simbahang Mormon” o “Simbahang LDS.”

Ang katagang Mormon ay angkop na magagamit sa ilang konteksto sa pagtukoy sa mga miyembro ng Simbahan, gaya ng mga Mormon pioneer, o sa mga institusyon, tulad ng Mormon Tabernacle Choir. Ang mga miyembro ng Simbahan ay kilala bilang mga Mormon, at sa pakikisalamuha sa mga hindi natin kamiyembro, maaari nating tukuyin ang sarili natin bilang mga Mormon, basta sasamahan natin ito ng buong pangalan ng Simbahan.

Kung matututuhan ng mga miyembro na gamitin ang tamang pangalan ng Simbahan kaugnay ng salitang Mormon, mabibigyang-diin nito na tayo ay mga Kristiyano, mga miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas.

Mga kapatid, mag-follow up tayo at ugaliin na palaging linawin na miyembro tayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang pangalawang mensahe na dama kong dapat kong i-follow up ay ibinigay noon lang nakaraang pangkalahatang kumperensya nang hikayatin ko ang mga miyembro na manalangin na maakay sa kahit isang tao man lang na maaanyayahan nila para alamin ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo bago sumapit ang Pasko. Maraming miyembro ng Simbahan ang nagkuwento sa akin ng ilang espesyal na karanasan bunga ng paghiling sa Panginoon ng mga pagkakataon na maging missionary.

Isang returned missionary, halimbawa, ang nagdasal na akayin siya sa “isang taong” matutulungan niya. Ang pangalan ng dating kaklase sa kolehiyo ang pumasok sa kanyang isipan. Nakipag-ugnayan siya sa kanya sa Facebook, at nalaman niya na nagdarasal ang babae para malaman ang layunin at kahulugan ng kanyang buhay. Nag-follow up siya sa sandali na naghahanap ang babae ng katotohanan, at pagsapit ng Disyembre siya ay nabinyagan.

Maraming ganito ring mga paanyaya ang inireport sa akin, ngunit ilan lamang ang na-follow up na gaya ng ginawa ng lalaking ito.

Naniniwala talaga ako sa alituntunin ng pag-follow-up. Gaya ng nakasaad sa gabay ng missionary na Mangaral ng Aking Ebanghelyo, “ang pag-iimbita nang walang follow up ay tulad ng biyaheng sinimulan pero hindi tinapos o kaya’y pagbili ng tiket sa isang konsiyerto pero hindi naman nagpunta sa teatro. Kung hindi kumpleto ang gagawing hakbang, ang pangako ay walang kuwenta.”2

Itinuturo ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa lahat hindi lamang kung paano mag-imbita kundi kung paano rin mag-follow-up sa ating mga paanyaya. Ang layunin ng gawaing misyonero ay binigyang-kahulugan bilang pag-anyaya sa “iba na lumapit kay Cristo sa pagtulong sa kanila na matanggap ang ibinalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.”3

Ang pag-anyaya ay talagang bahagi ng gawaing misyonero. Ngunit mapapansin ninyo na ang gawaing misyonero ng mga miyembro ay hindi lang simpleng paanyaya sa mga tao na pakinggan ang mga missionary. Kasama rin dito ang pag-follow up sa mga missionary upang matiyak na ang mga taong iyon ay nagkakaroon ng pananampalataya, nahihikayat na magsisi, naghahanda sa paggawa ng mga tipan, at nagtitiis hanggang wakas.

Ang alituntuning ito ng pag-follow-up ay inilarawan sa aklat ng Mga Gawa:

“Si Pedro at si Juan nga ay nagsisipanhik sa templo. …

“At isang lalake na pilay buhat pa sa tiyan ng kaniyang ina ay dinadala roon, na siya’y inilalagay nila araw-araw sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa nagsisipasok sa templo;

“Ito, pagkakita kay Pedro at kay Juan na magsisipasok sa templo, ay namanhik upang tumanggap siya ng limos.

“At pagtitig sa kaniya ni Pedro, na kasama si Juan, ay sinabi, Tingnan mo kami.

“At kaniyang pinansin sila, na umaasang tatanggap sa kanila ng anomang bagay.

“Datapuwa’t sinabi ni Pedro, Pilak at ginto ay wala ako; datapuwa’t ang nasa akin, ay siya kong ibinibigay sa iyo: Sa pangalan ni Jesucristong taga Nazaret, lumakad ka.”

Iyan ay isang napakamakapangyarihang paanyaya mula sa isang lingkod ng Panginoon, hindi ba? Ngunit si Pedro ay hindi tumigil sa pag-anyaya. Sinasabi sa atin sa kasunod na talata na “kaniyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya’y itinindig: at pagdaka’y nagsilakas ang kaniyang mga paa at mga bukong-bukong.

“At paglukso, siya’y tumayo, at nagpasimulang lumakad, at pumasok na kasama nila sa templo, na lumalakad, at lumulukso, at nagpupuri sa Dios.”4

Sa madaling salita, hindi lamang ginamit ni Pedro ang kanyang awtoridad ng priesthood at inanyayahan ang lalaki na tumindig at lumakad. Nag-follow up din siya sa kanyang paanyaya sa pamamagitan ng pagtulong sa lalaki, sa paghawak sa kanyang kanang kamay, pag-angat sa kanya, at paglalakad na kasama niya papasok sa templo.

Sa diwa ng halimbawa ni Pedro, masasabi ko na tayong lahat ay maaaring palaging makibahagi sa gawaing misyonero kapag inalis natin ang ating takot at pinalitan ito ng tunay na pananampalataya, pag-anyaya sa kahit isang tao bawat quarter—o apat na beses sa bawat taon—na maturuan ng mga full-time missionary. Sila ay handang magturo sa pamamagitan ng Espiritu, na may tapat at taos-pusong inspirasyon mula sa Panginoon. Maaaring magkakasama nating i-follow up ang ating mga paanyaya, hawakan sa kamay ang tao, iangat sila, at lumakad na kasama nila sa kanilang espirituwal na paglalakbay.

Para tulungan kayo sa gawaing ito, inaanyayahan ko ang lahat ng miyembro, anuman ang inyong calling ngayon o antas ng pagiging aktibo sa Simbahan, na magkaroon ng kopya ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Mabibili ito sa ating mga distribution center at makukuha rin online. Ang online version ay maaaring mabasa o mai-download nang libre. Ito ay gabay na aklat sa gawaing misyonero—na ibig sabihin ito ay gabay na aklat para sa ating lahat. Basahin ito, pag-aralan ito, at pagkatapos ay isabuhay ang natututuhan ninyo para matulungan kayong maunawaan kung paano magdala ng mga kaluluwa kay Cristo sa pamamagitan ng pag-anyaya at pag-follow-up. Gaya ng sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Panahon na para ang mga miyembro at missionary ay magsama-sama, magtulungan, magsigawa sa ubasan ng Panginoon upang magdala ng mga kaluluwa sa Kanya.”5

Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo:

“Ang aanihin ay marami, datapuwa’t kakaunti ang mga manggagawa;

“Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.”6

Sinagot ng Panginoon ang panalangin na iyan sa ating panahon sa pinakamalaking bilang ng mga full-time missionary sa kasaysayan ng mundo. Sa bagong pagdagsang ito ng matatapat na manggagawa, binigyan tayo ng Panginoon ng isa pang pagkakataon na tulungan Siya sa malaking pag-ani ng mga kaluluwa.

May mga praktikal na paraan para makatulong ang mga miyembro at suportahan ang kahanga-hanga nating mga missionary. Halimbawa, maaari ninyong sabihin sa mga missionary na pinag-aaralan ninyo ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo at sabihing ituro nila sa inyo ang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral. Sa pagbabahaginan ninyo, madaragdagan ang tiwala ng mga miyembro at mga full-time missionary sa isa’t isa, gaya ng iniutos ng Panginoon:

“Bagkus ay makapangusap ang bawat tao sa pangalan ng Diyos, ang Panginoon, maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”7

At “Masdan, isinugo ko kayo upang magpatotoo at balaan ang mga tao, at nababagay lamang na bawat tao na nabigyang-babala na balaan ang kanyang kapwa.”8

Mga kapatid, nakikinita ba ninyo ang magiging epekto kung isasama ng pamilya at mga kaibigan ang mga natututuhan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa mga sulat at email nila sa kanilang mga full-time missionary? Nakikinita ba ninyo ang mga pagpapala na darating sa mga pamilya kapag nalaman at mas naunawaan nila ang pag-aaralan at ituturo ng kanilang mga anak sa kanilang misyon? At naaarok ba ninyo ang pambihirang pagbuhos ng biyayang hatid ng pagbabayad-sala sa atin, sa bawat isa at sa lahat, ayon sa pangako ng Tagapagligtas sa lahat ng nagpapatotoo habang inaanyayahan ang mga kaluluwa na lumapit sa Kanya—at pagkatapos ay pag-follow up sa mga paanyayang iyon?

“Kayo ay pinagpala,” sabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, “sapagkat ang patotoo na inyong sinabi ay nakatala sa langit upang tingnan ng mga anghel; at sila ay nagagalak sa inyo, at pinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan.”9

“Sapagkat akin kayong patatawarin sa inyong mga kasalanan sa kautusang ito—na kayo ay manatiling matatag … sa pagpapatotoo sa buong sanlibutan ng mga bagay na yaon na aking sinabi sa inyo.”10

Kung magpa-follow up tayo, hindi tayo bibiguin ng Panginoon. Nakita ko ang di-maipaliwanag na galak na dulot ng pag-anyayang nahikayat ng patotoo at ng masigasig na pag-follow-up ng mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo. Habang nasa Argentina kamakailan, hinikayat ko ang mga miyembro na mag-imbita ng isang tao sa simbahan bago ang pangkalahatang kumperensya na ito. Ang walong taong gulang na batang si Joshua ay nakinig at inimbita ang kanyang matalik na kaibigan at pamilya nito sa isang open house sa kanilang ward sa Buenos Aires. Hayaang basahin ko mula sa liham na katatanggap ko lang ang nangyari sa imbitasyon ni Joshua at sa kanyang masigasig na pag-follow-up:

“Bawat ilang minuto [si Joshua] ay tumatakbo sa gate para tingnan kung parating na sila. Sinabi niya na alam niyang [darating] sila.

“Lumipas ang mga oras at hindi dumating ang kaibigan ni Joshua, pero hindi sumuko si Joshua. Palagi niyang tinitingnan ang gate sa harapan bawat ilang minuto. Oras na para simulang iligpit ang mga gamit nang biglang magtatalon si Joshua at sinabing, ‘Narito na sila! Narito na sila!’ Pag-angat ko ng ulo ko nakita ko ang buong pamilya na papalapit sa simbahan. Tumakbo palabas si Joshua para batiin sila at yakapin ang kaibigan niya. Pumasok silang lahat at tila nasiyahang mabuti sa open house. Kumuha sila ng ilang polyeto at matagal ding nakipag-usap sa ilang bagong kaibigan. Nakatutuwang makita ang pananampalataya ng munting batang ito at malaman na ang mga bata sa Primary ay maaari ding maging mga missionary.”11

Pinatototohanan ko na kapag nagtulungan tayo, sa paghahanap sa isang tao, pag-iimbita, at pag-follow up nang may tiwala at pananalig, ang Panginoon ay ngingiti sa atin at matatagpuan ng libu-libo sa mga anak ng Diyos ang layunin at kapayapaan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nawa’y pagpalain tayong lahat ng Panginoon sa ating pagsisikap na mapabilis ang Kanyang gawain, ang mapagpakumbaba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.