2010–2019
Maamo at Mapagpakumbabang Puso
Abril 2018


2:3

Maamo at Mapagpakumbabang Puso

Ang pagiging maamo ay isang pangunahing katangian ng Manunubos at nakikita sa pamamagitan ng matuwid na pagtugon, kahandaang magpasakop, at malakas na pagpipigil sa sarili.

Nagpapasalamat ako sa sagradong pagkakataon na masang-ayunan ang mga lider ng ating Simbahan, at lubos akong nagagalak na makasama sina Elder Gong at Elder Soares sa Korum ng Labindalawang Apostol. Ang paglilingkod ng matatapat na lalaking ito ay magpapala sa mga indibidwal at pamilya sa buong mundo, at nasasabik akong maglingkod kasama sila at matuto mula sa kanila.

Dalangin ko na turuan at bigyan tayo ng kaliwanagan ng Espiritu Santo sa sama-sama nating pag-aaral ng tungkol sa isang mahalagang aspeto ng banal na katangian ng Tagapagligtas1 na dapat tularan ng bawat isa sa atin.

Magbibigay ako ng ilang halimbawa na malinaw na magpapakita ng katangiang ito na katulad ng kay Cristo bago ko tukuyin ang natatanging katangian kalaunan sa aking mensahe. Mangyaring pakinggang mabuti ang bawat halimbawa at sama-sama nating isipin ang mga posibleng sagot sa aking mga itatanong.

Halimbawa #1. Ang Mayamang Binata at si Amulek

Sa Bagong Tipan, natutuhan natin ang tungkol sa isang mayamang binata na nagtanong kay Jesus ng, “Guro, ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako’y magkaroon ng buhay na walang hanggan?”2 Una, pinayuhan siya ng Tagapagligtas na sundin ang mga kautusan. Pagkatapos ay binigyan ng Panginoon ang binata ng dagdag na kailangang gawin na angkop sa kanyang mga partikular na natatanging pangangailangan at kalagayan.

“Sinabi ni Jesus sa kanya, Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.

“Datapuwa’t nang marinig ng binata ang ganitong pananalita, ay yumaon siyang namamanglaw, sapagka’t siya’y isang may maraming pagaari.”3

Ihambing ang tugon ng mayamang binata sa karanasan ni Amulek, na inilarawan sa Aklat ni Mormon. Si Amulek ay isang masipag at mayamang lalaki na maraming kamag-anak at kaibigan.4 Inilarawan niya ang kanyang sarili na bilang isang lalaking tinawag nang maraming ulit ngunit tumangging makinig, isang lalaking nalalaman ang hinggil sa mga bagay ng Diyos ngunit piniling hindi makaalam.5 Si Amulek ay isa talagang mabuting tao ngunit siya ay naligalig ng mga bagay na nauukol sa makamundong alalahanin tulad ng mayamang binata na inilarawan sa Bagong Tipan.

Bagama’t pinatigas ang kanyang puso noong una, sinunod ni Amulek ang tinig ng isang anghel, tinanggap ang propetang si Alma sa kanyang tahanan, at binigyan ito ng makakain. Siya ay espirituwal na nahikayat na kumilos noong bumisita si Alma at tinawag siya na mangaral ng ebanghelyo. Pagkatapos ay iniwan ni Amulek ang “lahat ng kanyang ginto, at pilak, at kanyang mahahalagang bagay …para sa salita ng Diyos, [at siya ay] itinakwil ng mga yaong minsan ay kanyang mga kaibigan at gayon din ng kanyang ama at kanyang kaanak.”6

Ano sa palagay ninyo ang dahilan kung bakit magkaiba ang mga tugon ng mayamang binata at ni Amulek?

Halimbawa #2. Pahoran

Noong mapanganib na panahon ng digmaan na inilarawan sa Aklat ni Mormon, sumulat sa isa’t isa sina Moroni, ang kapitan ng mga hukbo ng mga Nephita, at Pahoran, ang punong hukom at gobernador ng lupain. Si Moroni, na may hukbong naghihirap dahil sa kakulangan ng suporta mula sa pamahalaan, ay sumulat kay Pahoran “sa paraang may panunumpa”7 at inakusahan siya at ang kapwa niya mga kapwa-pinuno ng kapabayaan, katamaran, kawalan ng pagmamalasakit, at pati na rin maging ng pagtataksil sa bayan.8

Maaaring madali lamang para kay Pahoran na maghinanakit kay Moroni at sa mga maling mga paratang nito, subalit hindi siya nagalit. Tumugon siya nang may habag at ikinuwento ang nangyaring paghihimagsik laban sa pamahalaan na hindi alam ni Moroni. At pagkatapos ay sinabi ni Pahoran:

“Masdan, sinasabi ko sa iyo, Moroni, na hindi ako nagagalak sa masidhi ninyong mga paghihirap, oo, ipinagdadalamhati ito ng aking kaluluwa. ….

“… Sa iyong liham ay hinatulan mo ako, subalit hindi ito mahalaga; hindi ako nagagalit, kundi nagagalak sa kadakilaan ng iyong puso.”9

Ano sa palagay ninyo ang dahilan ng mahinahong tugon ni Pahoran sa mga pagpaparatang ni Moroni?

Halimbawa #3. Pangulong Russel M. Nelson at Pangulong Henry B. Eyring

Sa pangkalahatang kumperensya anim na buwan na ang nakalilipas, inilarawan ni Pangulong Russel M. Nelson ang kanyang tugon sa paanyaya ni Pangulong Thomas S. Monson na pag-aralan, pagnilayan, at ipamuhay ang mga katotohanang nilalaman ng Aklat ni Mormon. Sinabi niya, “Sinikap kong sundin ang kanyang payo. Kabilang sa maraming bagay, gumawa ako ng listahan kung ano ang Aklat ni Mormon, ano ang pinagtitibay nito, ano ang pinabubulaanan nito, ano ang isinasakatuparan nito, ano ang nililinaw nito, at ano ang inihahayag nito. Kapag pinag-aralan natin ang Aklat ni Mormon sa gayong paraan marami tayong matututuhan at mahihikayat tayong ipamuhay ito! Hinihikayat kong gawin din ninyo ito.”10

Binigyang-diin din ni Pangulong Henry B. Eyring ang kahalagahan sa kanyang buhay ng kahilingan ni Pangulong Monson. Sinabi niya:

“Binasa ko ang Aklat ni Mormon araw-araw sa loob ng mahigit 50 taon. Kaya marahil maaari ko nang isipin na para sa iba ang mga salita ni Pangulong Monson. Ngunit, tulad ng marami sa inyo, nadama ko ang panghihikayat ng propeta at nahimok ako ng kanyang pangako na mas magsumikap pa. …

“Ang magandang resulta para sa akin, at para sa karamihan sa inyo, ay ang ipinangako mismo ng propeta.”11

Ano sa tingin ninyo ang dahilan ng mabilis at taos-pusong pagtugon sa paanyaya ni Pangulong Monson ng dalawang lider na pinunong ito ng Simbahan ng Panginoon?

Hindi ko sinasabing ang malalakas na espirituwal na pagtugon nina Amulek, Pahoran, Pangulong Nelson at Pangulong Eyring ay maipapaliwanag lamang ng iisang katangian na katulad ng kay Cristo. Tiyak na maraming mga magkakaugnay na mga katangian at karanasan ang dahilan ng kahustuhan sa espirituwalidad na makikita sa mga buhay ng apat na dakilang tagapaglingkod na ito. Subalit binigyang-diin ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga propeta ang isang mahalagang katangian na kailangan nating lahat upang mas lubos na maunawaan at pagsikapan na taglayin ang mga ito sa ating buhay.

Kaamuan

Mangyaring pansinin ang katangiang ginamit ng Panginoon para ilarawan ang Kanyang sarili sa sumusunod na banal na kasulatan: “Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.”12

Mayroon tayong matututuhan sa pagpili ng Tagapagligtas na bigyang-diin ang pagiging maamo mula sa lahat ng mga katangian at kabutihan na maaari Niyang piliin.

Makikita ang kaparehong huwaran sa isang paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph Smith noong 1829. Ipinahayag ng Panginoon, “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin.”13

Ang pagiging maamo ay isang pangunahing katangian ng Manunubos at nakikita sa pamamagitan ng matuwid na pagtugon, kahandaang magpasakop, at malakas na pagpipigil sa sarili. Ang katangiang ito ay tumutulong sa atin na mas lubos na maunawaan ang bawat tugon nina Amulek, Pahoran, Pangulong Nelson, at Pangulong Eyring.

Halimbawa, matuwid at mabilis na tumugon sina Pangulong Nelson at Pangulong Eyring sa panghihikayat ni Pangulong Monson na basahin at pag-aralan ang Aklat ni Mormon. Bagama’t ang dalawang lalaking ito ay naglilingkod sa mahalaga at mataas na tungkulin sa Simbahan at masusi nang napag-aralan ang mga banal na kasulatan sa loob ng maraming dekada, ipinakita nila sa kanilang mga pagtugon na hindi sila nag-alinlangan o hindi nila inisip na napakaimportante nila para sumunod.

Si Amulek ay handang nagpasakop sa kalooban ng Diyos, tumanggap ng tawag na mangaral ng ebanghelyo, at iniwan ang maginhawang buhay at ang pamilya at mga kaibigan. At si Pahoran ay biniyayaan ng kakayahang makaunawa at malakas na pagpipigil sa sarili para kumilos sa halip na gumanti nang ipaliwanag niya kay Moroni ang mahihirap na kalagayan na bunga ng mga pagsubok dahil sa naging pag-aklas laban sa pamahalaan.

Ang pagiging maamo na katangian ni Cristo ay madalas na hindi nauunawaan ng tama sa ating mundo ngayon. Ang pagiging maamo ay kalakasan, hindi kahinaan; kumikilos, at hindi pinakikilos; matapang, at hindi nahihiya; may pagpipigil, at hindi mapagmalabis; mapagpakumbaba, at hindi mapagmataas; at mabait, at hindi lapastangan. Ang maamong tao ay hindi madaling magalit, hindi mapagkunwari, o mapanupil at handang kilalanin ang mga nagawa ng iba.

Datapwat ang pagiging mapagpakumbaba ay karaniwang nangangahulugan ng pagtitiwala sa Diyos at patuloy na palagiang pangangailangan ng Kanyang paggabay at suporta, ang isang natatanging aspeto na ipinapakita ng katangian na pagiging maamo ay isang partikular na espirituwal na kahandaang matuto mula sa Espiritu Santo at mula sa mga taong tila mas kakaunti ang kakayahan, karanasan, o edukasyon, o maaaring walang importanteng katungkulan, o kaya naman ay tila walang gaanong nalalaman para makapagbahagi nang marami. Alalahanin kung paano napagtagumpayan ni Naaman, ang punong kawal ng hukbo ng hari ng Siria, ang kanyang kapalaluan at tinanggap nang may kaamuan ang payo ng kanyang mga tagapaglingkod na sundin ang propetang si Eliseo at maghugas sa ilog ng Jordan nang pitong beses.14 Ang kaamuan ay pangunahing pananggalang mula sa mapagpalalong pagkabulag dahil sa kapalaluan na kadalasang nagmumula sa katanyagan, katungkulan, kapangyarihan, kayamanan, at mga papuri ng tao.

Ang Pagiging Maamo—Isang Katangiang Katulad ng Kay Cristo at Isang Espirituwal na Kaloob

Ang pagiging maamo ay isang katangiang nabubuo sa pamamagitan ng paghahangad na magkaroon nito, matuwid na paggamit ng ating moral na kalayaan sa pagpili, at pagsisikap na palaging panatilihin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.15 Ito ay isa ring espirituwal na kaloob na maaari nating hangarin.16 Gayunman, dapat din nating tandaan na ang mga layunin kung bakit ipinagkakaloob ang pagpapalang ito ay upang pagpalain at paglingkuran ang mga anak ng Diyos.17

Sa ating paglapit at pagsunod sa Tagapagligtas, tayo ay mas binibigyan at unti-unting dinaragdagan ng kakayahan na mas maging tulad Niya. Binibigyan tayo ng lakas ng Espiritu na magkaroon ng pagpigil sa sarili at ng matatag at mahinahong pag-uugali. Dahil dito, nagiging maamo tayo bilang mga disipulo ng Panginoon at hindi ito isang bagay lang na ating ginagawa.

“Si Moises ay tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio: at siya ay makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa.”18 Gayunpaman siya ay “totoong maamong loob, na higit kay sa lahat ng lalaking nasa ibabaw ng lupa.”19 Ang kanyang kaalaman at kagalingan ay maaaring maging dahilan ng kanyang kapalaluan. Sa halip, ang katangian at espirituwal na kaloob ng pagiging maamo na biyaya sa kanya ang nakabawas sa pagmamataas sa kanyang buhay at nagpahusay sa kakayahan ni Moises bilang kasangkapan upang maisagawa ang mga layunin ng Diyos.

Ang Panginoon Bilang isang Halimbawa ng Kaamuan

Ang pinakamaganda at makahulugang halimbawa ng pagiging maamo ay makikita sa mismong buhay ng Tagapagligtas.

Ang Dakilang Manunubos, na “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay”20 at nagdusa, nagbuhos ng dugo, at namatay para “tayo’y [linisin] sa lahat ng kalikuan,”21 ay magiliw na hinugasan ang maalikabok na mga paa ng Kanyang mga disipulo.22 Ang ganitong kaamuan ay isang katangian na makikita sa Panginoon bilang isang tagapaglingkod at pinuno.

Si Jesus ay nagbigay ng pinakadakilang halimbawa ng matuwid na pagtugon at kahandaang magpasakop nang Siya ay magdanas ng matinding pagdurusa sa Getsemani.

“At nang siya’y dumating sa dakong yaon, ay sinabi niya sa [Kanyang mga disipulo], Magsipanalangin kayo nang huwag kayong magsipasok sa tukso.

“At … siya’y nanikluhod, at nanalangin,

“Na sinasabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.”23

Ang kaamuan ng Tagapagligtas sa karanasang ito na mahalaga sa buong kawalang-hanggan at pinagdusahan nang napakatindi ay nagpapakita sa bawat isa sa atin ng kahalagahan ng paglalagay sa karunungan ng Diyos sa ibabaw ng ating sariling karunungan.

Ang patuloy na kahandaang magpasakop at malakas na pagpipigil sa sarili ng Panginoon ay kahanga-hanga at nagtuturo sa ating lahat. Nang dumating ang isang hukbo ng mga kawal sa templo at mga sundalong Romano sa Getsemani para hulihin at dakpin si Jesus, binunot ni Pedro ang kanyang tabak at tinagpas ang kanang tainga ng alipin ng mataas na saserdote.24 Pagkatapos ay hinipo ng Tagapagligtas ang tainga ng alipin at pinagaling siya.25 Pansinin na tinulungan at pinagaling Niya ang taong nagtangkang dumakip sa Kanya gamit ang kapangyarihan mula sa langit na maaari Niyang gamitin para hindi Siya madakip at maipako sa krus.

Pagnilayan din kung paano inakusahan at kinondena ang Panginoon sa harapan ni Pilato para ipako sa krus.26 Ipinahayag ni Jesus nang Siya ay ipagkanulo: “O inaakala mo baga na hindi ako makapamamanhik sa aking Ama, at padadalhan niya ako ngayon din ng mahigit sa labingdalawang pulutong na mga anghel?”27 Subalit, ang “Walang Hanggang Hukom ng kapwa buhay at patay”28 ay kabalintunaang hinatulan ng isang taong pansamantalang itinalaga sa katungkulan sa pamahalaan. “At hindi siya sinagot [ni Jesus], ng kahit isang salita man lamang: ano pa’t nanggilalas na mainam ang gobernador.”29 Ang pagiging maamo ng Tagapagligtas ay makikita sa Kanyang pagtugon nang may disiplina, malakas na pagpipigil, at kawalan ng hangaring kagustuhan na gamitin ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan para sa sariling kapakinabangan.

Pangako at Patotoo

Itinuro ni Mormon na ang kaamuan ang saligan na nagbubunga ng lahat ng espirituwal na kakayahan at kaloob.

“Kaya nga, kung ang isang tao ay may pananampalataya siya ay kinakailangang magkaroon ng pag-asa; sapagkat kung walang pananampalataya ay hindi magkakaroon ng kahit na anong pag-asa.

“At muli, masdan, sinasabi ko sa inyo, na hindi siya maaaring magkaroon ng pananampalataya at pag-asa, maliban kung siya ay maging maamo at may mapagpakumbabang puso.

“Kung sakali man, ang kanyang pananampalataya at pag-asa ay walang saysay, sapagkat walang isa mang katanggap-tanggap sa Diyos, maliban sa mababang-loob at may mapagpakumbabang puso; at kung ang isang tao ay maamo at may mapagpakumbabang puso, at kinikilala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo, kailangang magkaroon siya ng pag-ibig sa kapwa-tao; sapagkat kung wala siyang pag-ibig sa kapwa-tao ay wala siyang kabuluhan; anupa’t kailangan niyang magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao.”30

Ipinahayag ng Tagapagligtas, “Mapapalad ang mga maamo, sapagkat mamanahin nila ang lupa.”31 Ang pagiging maamo ay mahalagang aspeto ng banal na katangian at maaaring matanggap at mapasaating buhay dahil at sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating nabuhay na mag-uli at buhay na Manunubos. At ipinapangako ko na tayo ay Kanyang gagabayan, poprotektahan, at palalakasin kapag tayo ay lumakad sa kaamuan ng Kanyang Espiritu. Ipinapahayag ko ang aking tiyak na patotoo sa mga katotohanang ito at pangakong ito sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.