2010–2019
Ang mga Kapangyarihan ng Priesthood
Abril 2018


2:3

Ang mga Kapangyarihan ng Priesthood

Mahalaga sa gawain ng Panginoon ang gampanang mabuti ang banal na priesthood na taglay ninyo sa inyong mga pamilya at sa inyong mga tungkulin sa Simbahan.

Mga minamahal kong mga kapatid, napakinggan natin ang isang paghahayag mula kay Pangulong Russell M. Nelson. Napakinggan natin ang mahahalagang dagdag na paliwanag nina Elder Christofferson at Elder Rasband at ni Pangulong Eyring. Ang mga sasabihin pa, kabilang na ang mga magmumula pa kay Pangulong Nelson, ang magpapaliwanag sa inyo, na mga lider at mga maytaglay ng priesthood ng Panginoon, sa mga gagawin ninyo ngayon sa inyong mga responsibilidad. Para makatulong sa bagay na iyan, rerepasuhin ko ang ilang mahahalagang alituntuning may kaugnayan sa priesthood na taglay ninyo.

I. Ang Priesthood

Ang Melchizedek Priesthood ay banal na awtoridad na ipinagkatiwala ng Diyos para maisagawa ang Kanyang gawaing “isakatuparan ang … buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Noong 1829, ito ay iginawad kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ng mga Apostol ng Tagapagligtas na sina Pedro, Santiago, at Juan (tingnan sa D at T 27:12). Ito ay sagrado at makapangyarihan na higit pa sa kaya nating ilarawan.

Ang mga susi ng priesthood ay mga kapangyarihang nangangasiwa sa paggamit ng awtoridad ng priesthood. Kaya nga, nang igawad ng mga Apostol ang Melchizedek Priesthood kina Joseph at Oliver, ibinigay din nila sa kanila ang mga susi para pangasiwaan ang paggamit nito (tingnan sa D at T 27:12–13). Ngunit hindi iginawad ang lahat ng susi ng priesthood noong panahong iyon. Ang lahat ng susi at kaalamang kinakailangan para rito sa “dispensasyon ng kaganapan ng panahon” (D at T 128:18) ay ibinigay nang “taludtod sa taludtod” (talata 21). Ang mga karagdagang susi ay ibinigay sa Kirtland Temple makalipas ang pitong taon (tingnan sa D at T 110:11–16). Ibinigay ang mga susing ito para pangasiwaan ang awtoridad ng priesthood sa mga karagdagang asignaturang ibinigay nang panahong iyon, gaya ng binyag para sa mga namatay na.

Ang Melchizedek Priesthood ay hindi isang katayuan o isang tatak. Ito ay isang banal na kapangyarihang ipinagkakatiwala para gamitin sa kapakinabangan ng gawain ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Dapat nating tandaan palagi na ang mga lalaking maytaglay na priesthood ay hindi “ang priesthood.” Hindi wastong sabihin “ang priesthood at ang kababaihan.”Dapat ang sabihin natin, “ang mga maytaglay na priesthood at ang kababaihan.”

II. Isang Ministeryo ng Paglilingkod

Pag-usapan natin ngayon kung ano ang inaasahan ng Panginoong Jesucristo mula sa mga maytaglay ng Kanyang priesthood—paano tayo magdadala ng mga kaluluwa sa Kanya.

Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith: “Tunay na minsan nang nasabi na ang Simbahan ay perpektong binuo. Ang problema lamang ay hindi pa ganap na gising ang mga samahan nito sa mga obligasyong nakaatang sa kanila. Kapag tunay na itong nagising sa mga hinihingi sa kanila, magagampanan nito nang buong tapat ang mga katungkulan nito, at ang gawain ng Panginoon ay higit na lalakas at mas makapangyarihan at maimpluwensiya sa daigdig.”1

Nagbabala rin si Pangulong Smith:

“Ang mga titulo ng karangalan … na kaugnay ng ilang katungkulan at orden ng Banal na Pagkasaserdote [Priesthood] ay hindi dapat gamitin o ituring na tulad ng mga titulong pinasimulan ng tao; hindi palamuti ang mga ito o pagpapakita ng kataasan kaysa iba, higit pa riyan, ito ay pagkakatalaga sa mapagkumbabang paglilingkod sa gawain ng isang Panginoon na sinasabi nating siya nating pinaglilingkuran. …

“… Gumagawa tayo para sa kaligtasan ng ating mga kaluluwa, at dapat na madama natin na ito ang pinakamahalagang tungkuling ipinagkatiwala sa atin. Kaya nga, dapat na madama natin na handa tayong isakripisyo ang lahat, kung kinakailangan, dahil sa pagmamahal sa Diyos, sa kaligtasan ng tao at tagumpay ng kaharian ng Diyos sa lupa.”2

III. Ang mga Katungkulan sa Priesthood

Sa Simbahan ng Panginoon, ang mga katungkulan sa Melchizedek Priesthood ay may iba’t ibang tungkulin. Sa Doktrina at mga Tipan, tinukoy ang mga high priest bilang “tumatayong mga pangulo o tagapaglingkod sa iba’t ibang istaka [na] nagkalat sa ibang bansa” (D at T 124:134). Tinutukoy nito ang mga elder bilang “tumatayong mangangaral sa simbahan [ng Panginoon]” (D at T 124:137). Narito ang iba pang mga turo tungkol sa magkahiwalay na mga tungkuling ito.

Ang isang high priest ay namumuno at nangangasiwa sa mga bagay na espirituwal (tingnan sa D at T 107:10, 12). Gayundin, gaya ng itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith,”Yamang siya ay inorden bilang isang high priest, dapat na maramdaman [niya] na may obligasyon siyang … magpakita ng magandang halimbawa sa matatanda at bata na dapat tularan, at ilagay ang sarili sa katayuan ng pagiging isang guro ng katwiran, hindi lamang sa pananalita kundi lalo na sa pamamagitan ng halimbawa—ibinabahagi sa mga nakababata ang pakinabang na dulot ng karanasan, at sa gayon bawat isa ay nagsisilbing kapangyarihan sa gitna ng pamayanan kung saan siya naninirahan.”3

Tungkol sa mga tungkulin ng isang elder, itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawa: “Ang Elder ay isang tagapaglingkod ng Panginoong Jesucristo. … Siya ay inatasang humarap at kumatawan sa kanyang Panginoon … sa paglilingkod sa kanyang kapwa-tao. Siya ang katiwala ng Panginoon.”4

Pinulaan ni Elder McConkie ang ideya ng pagiging “isang elder lamang.” “Taglay ng bawat elder ng Simbahan ang katumbas na priesthood na taglay ng Pangulo ng Simbahan … ,” sabi niya. “Ano ang isang elder? Siya ay isang pastol, isang pastol na naglilingkod sa kawan ng Mabuting Pastol.”5

Sa mahalagang tungkuling ito ng paglilingkod sa kawan ng Mabuting Pastol, walang pagkakaiba sa pagitan ng mga katungkulan ng high priest at elder sa Melchizedek Priesthood. Sa kahanga-hangang bahagi 107 ng Doktrina at mga Tipan, ipinahayag ng Panginoon, “Ang matataas na saserdote [high priest] alinsunod sa orden ng Pagkasaserdoteng Melquisedec [Melchizedek Priesthood] ay may karapatang gumanap sa kanilang sariling katungkulan, sa ilalim ng tagubilin ng panguluhan, sa pangangasiwa sa mga bagay na espirituwal, at gayon din sa katungkulan ng isang elder [o anumang katungkulan sa Aaronic Priesthood]” (D at T 107:10; tingnan din sa talata 12).

Ang pinakamahalagang alituntunin para sa lahat ng maytaglay na priesthood ay yaong alituntuning itinuro ng propetang si Jacob sa Aklat ni Mormon. Matapos na ilaan siya at ang kanyang kapatid na si Joseph bilang mga priest at teacher ng mga tao, ipinahayag niya: “At tinupad namin ang aming mga tungkulin sa Panginoon, sa pagtanggap ng pananagutan, sa pagsagot sa mga kasalanan ng mga tao sa aming sariling mga ulo kung hindi namin sila tuturuan ng salita ng Diyos nang buong pagsusumigasig” (Jacob 1:19).

Mga kapatid, ang mga responsibilidad natin bilang mga maytaglay ng priesthood ay seryosong bagay. Maaaring nasisiyahan ang ibang organisasyon sa pagbabahagi ng kanilang mga mensahe at pagsasagawa ng kanilang tungkulin ayon sa pamantayan ng mundo. Ngunit may banal na kapangyarihan tayo na mga may priesthood ng Diyos na pamahalaan maging ang pasukan patungo sa selestiyal na kaharian ng Diyos. May layunin at responsibilidad tayo na tinukoy ng Panginoon sa ipinahayag na paunang salita sa Doktrina at mga Tipan. Ihahayag natin sa mundo:

“Bagkus ay makapangusap ang bawat tao sa pangalan ng Diyos, ang Panginoon, maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan;

“Nang ang pananampalataya rin ay maragdagan sa mundo;

“Nang ang aking walang hanggang tipan ay mapagtibay;

“Nang ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay maihayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig” (D at T 1:20–23).

Upang maisakatuparan ang banal na utos na ito, dapat tayong maging tapat sa “pagganap” sa ating mga tungkulin at mga responsibilidad sa priesthood (tingnan sa D at T 84:33). Ipinaliwanag ni Pangulong Harold B. Lee kung ano ang ibig sabihin ng gampanang mabuti ang priesthood: “Kapag ang isang lalaki ay nagtaglay ng pagkasaserdote, siya’y nagiging kinatawan ng Panginoon. Dapat niyang isipin ang kanyang katungkulan na tila ba nasa paglilingkod siya ng Panginoon. Iyan ang ibig sabihin ng gampanang mabuti ang pagkasaserdote.”6

Kaya nga, mga kapatid, kung sasabihin sa atin mismo ng Panginoon na tulungan ang isa sa Kanyang mga anak na lalaki o mga anak na babae—na ginagawa Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod—ito ba’y gagawin ninyo? At kung gagawin ninyo ito, magsisikilos ba kayo bilang mga katiwala Niya, na mga “nasa paglilingkod ng Panginoon,” nagtitiwala sa tulong na ipinangako Niya?

May isa pang turo si Pangulong Lee tungkol sa pagganap na mabuti sa priesthood: “Kapag may hawak kang magnifying glass sa pagtingin sa isang bagay, pinalalaki nito ang tingin natin sa bagay na iyon kaysa kung pagmamasdan natin ito gamit lamang ang ating mga mata; ganyan ang magnifying glass. Ngayon … kung gagampanang mabuti ng sinuman ang kanilang priesthood—ibig sabihin, palalakihin ito kaysa sa una nilang tingin dito at mas pahahalagahan ito kaysa sa inaakalang pagpapahalaga ninuman—iyan ang paraan ng pagganap na mabuti sa inyong priesthood.”7

Narito ang isang halimbawa ng isang taong maytaglay na priesthood na ginagampanang mabuti ang kanyang mga responsibilidad sa priesthood. Napakinggan ko ito mula kay Elder Jeffrey D. Erekson, na nakasama ko sa isang stake conference sa Idaho. Noong siya ay isang bagong kasal na elder, dahil sa labis na kahirapan at sa pakiwari’y hindi siya makakapagtapos sa kanyang huling taon sa kolehiyo, nagpasiya si Jeffrey na tumigil at tanggapin ang isang nakakaengganyong trabaho na inalok sa kanya. Pagkalipas ng ilang araw, pumunta sa bahay niya ang kanyang elders quorum president. “Nauunawaan mo ba ang kahalagahan ng mga susi ng priesthood na hawak ko?” ang tanong ng president. Nang sabihin ni Jeffrey na nauunawaan niya ito, sinabi sa kanya ng president na magmula noong mabalitaan niya ang tungkol sa intensiyon niyang tumigil sa kolehiyo, ilang gabing hindi siya pinatulog ng Panginoon at hinikayat siya na sabihin kay Jeffrey ang mensaheng ito: “Bilang elders quorum president mo, pinapayuhan kitang huwag tumigil sa pag-aaral sa kolehiyo. Iyan ay mensahe sa iyo mula sa Panginoon.” Nagpatuloy si Jeffrey sa pag-aaral. Lumipas ang mga taon at isa na siyang matagumpay na negosyante nang magkita kami, at narinig kong ibinahagi niya sa harapan ng mga maytaglay ng priesthood, “Ang [payo na] iyon ang gumawa ng malaking kaibhan sa buhay ko.”

Ginampanang mabuti ng isang maytaglay ng priesthood ang kanyang priesthood at calling, at iyon ang gumawa “ng malaking kaibhan” sa buhay ng isa sa mga anak ng Diyos.

IV. Priesthood sa Pamilya

Mula pa kanina, tungkol sa mga tungkulin ng priesthood sa Simbahan ang sinasabi ko. Ngayon naman ay magsasalita ako tungkol sa priesthood sa pamilya. Magsisimula ako sa mga susi. Ang alituntunin na ang awtoridad ng pristhood ay magagamit lamang sa ilalim ng atas ng isang nagtataglay ng mga susi para sa tungkuling iyon ay saligan ng Simbahan ngunit hindi ito sumasaklaw sa paggamit ng awtoridad ng priesthood sa pamilya.8 Ang isang ama na may priesthood ay namumuno sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood na taglay niya. Hindi na kailangang atasan pa siya o bigyan ng pahintulot ng may mga susi ng priesthood para magbigay ng payo sa mga kapamilya niya, magdaos ng pagpupulong ng pamilya, magbigay ng mga basbas ng priesthood sa kanyang asawa’t mga anak, o magbigay ng basbas ng pagpapagaling sa mga kapamilya o sa iba.

Pamilya na magkakasamang nag-aaral

Kung gagampanang mabuti ng mga ama ang kanilang priesthood sa sarili nilang pamilya, isinusulong nito ang misyon ng Simbahan gaya ng anupamang bagay na magagawa nila. Dapat na sumunod sa mga kautusan ang mga ama na may Melchizedek Priesthood nang sa gayon ay matamo nila ang kapangyarihan ng priesthood sa pagbibigay ng mga pagpapala sa mga miyembro ng kanilang pamilya. Dapat ding pagyamanin ng mga ama ang pagmamahal sa loob ng pamilya nang sa gayon ay naisin ng mga miyembro ng pamilya na hingin ang basbas ng kanilang mga ama. At dapat hikayatin ng mga magulang ang paghingi ng mga basbas ng priesthood sa pamilya.

Basbas ng priesthood, mga

Mga ama, kumilos na “may pantay na pananagutan” sa inyong mga asawa, gaya ng itinuturo sa pagpapahayag sa mag-anak.9 At, mga ama, kapag nagkaroon kayo ng pribilehiyong gamitin ang kapangyarihan at impluwensiya ng inyong awtoridad sa priesthood, gawin ito “sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig” (D at T 121:41). Ang mataas na pamantayang iyan ng paggamit ng awtoridad ng priesthood ay napakahalaga sa pamilya. Ibinigay ni Pangulong Harold B. Lee ang pangakong ito noong bago pa lamang siyang naging Pangulo ng Simbahan: “Ang kapangyarihan ng pagkasaserdote na inyong taglay ay higit na kahanga-hanga kapag may krisis sa inyong tahanan, may mabigat na karamdaman, o may ilang malalaking desisyon na kailangang gawin. … Nakapaloob sa kapangyarihan ng pagkasaserdote, na siyang kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos, ang kapangyarihang gumawa ng mga himala kung kalooban ng Diyos ang gayon, ngunit upang magamit natin ang pagkasaserdoteng iyon, kailangang karapat-dapat tayo na gamitin ito. Ang kabiguang maunawaan ang alituntuning ito ay kabiguang tumanggap ng mga pagpapala ng pagtataglay ng dakilang pagkasaserdoteng iyon.”10

Mga minamahal kong kapatid, mahalaga sa gawain ng Panginoon ang gampanang mabuti ang banal na priesthood na taglay ninyo sa inyong mga pamilya at sa inyong mga tungkulin sa Simbahan.

Pinatototohanan ko Siya na nagkaloob ng priesthood na ito. Sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa sa pagbabayad-sala at sakripisyo at pagkabuhay na mag-uli, lahat ng lalaki at babae ay nakatitiyak na matatamo nila ang immortalidad at may pagkakataon para sa buhay na walang hanggan. Dapat na maging matapat at masigasig ang bawat isa sa atin sa pagtupad ng bahagi natin sa dakilang gawaing ito ng Diyos na Ama nating Walang Hanggan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.