Kabanata 38
Paglilingkod sa Simbahan
Matapat tayong maglingkod sa ating mga tungkulin sa ilalim ng tagubilin ng kapangyarihan ng pagkasaserdote.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
May 44 na taon nang naglilingkod si Pangulong Joseph F. Smith bilang isang Apostol at 9 na taon na bilang Pangulo ng Simbahan, nang tumindig siya noong Oktubre 1910 sa pangkalahatang komperensiya at nagsabi, “Nadarama ko ang kaligayahan sa umagang ito dahil sa pribilehiyong masabi ko sa inyo na sa mga taon ng aking kamusmusan at kabataan, ako ay nangako sa Diyos at sa kanyang mga tao na magiging tapat ako sa kanila.” Ipinaliwanag niya na magmula noon ay naging tapat siya sa paglilingkod sa bawat tungkuling ibigay sa kanya:
“Kapag naaalala ko ang mga naging karanasan ko sa buhay, wala akong maisip ngayon at maalaala na isang pagkakataon sa mga naging karanasan ko sa mundo na nakadama ako kahit sandali man lamang na panghihina o pamamahinga sa sumpa at pangakong binitiwan ko sa Diyos at sa mga Banal sa mga Huling Araw noong aking kabataan.… Bilang isang Elder ng Israel sinikap kong maging tapat sa tungkuling iyon; ginawa ko ang lahat upang igalang at gampanang mabuti ang tungkuling iyon. Nang maging kaisa ako sa korum ng pitumpu, nadama ko sa aking puso na kailangan kong maging tapat sa tungkuling iyon, at nagsumikap ako nang buong talino at sigla ng aking kaluluwa na maging tapat dito. Wala akong nalalaman ni naaalaalang ginawa ko, o mga pagkakataon sa buhay ko na nasubukan kong hindi maging tapat sa mga tungkuling ito ng Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos. Kalaunan sa buhay ko, nang tawagin akong maglingkod bilang isang apostol at naordenang maging apostol, at naitalaga bilang isa sa Labindalawa, sinikap kong maging tapat sa tungkuling iyon, at sa aking mga kapatid, sa sambahayan ng pananampalataya, at sa mga tipan at obligasyong napapaloob sa pagtanggap ng banal na Pagkasaserdoteng ito na alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos. Wala akong nalalamang naging paglabag ko kahit kailan sa aking mga obligasyon o sumpang ginawa sa tungkuling ito kung saan ako tinawag. Sinikap kong maging tunay at tapat sa lahat ng bagay na ito.” 1
Pinayuhan ni Pangulong Smith ang mga Banal na ibigay ang sarili sa gawain ng Panginoon at maglingkod nang buong tapat—sa mga tungkulin sa pagkasaserdote, samahang pantulong ng Simbahan, at sa iba pang uri ng bukas-palad na paglilingkod—iginagalang sa tuwina ang kapangyarihan ng pagkasaserdote kung saan sila tinawag at tinagubilinan.
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Ipinagkaloob ang pagkasaserdote para sa ministeryo ng paglilingkod.
Hindi ipinagkaloob ang pagkasaserdote para parangalan o purihin ang tao, kundi para sa ministeryo ng paglilingkod nila na mga may hawak ng banal na atas na iyon kung saan sila tinawag na maglingkod. Alalahanin natin na maging ang ating Diyos at Panginoon, matapos mag-ayuno nang matagal, nang ang panghihina ng katawan dahil sa sobrang pagod sa pagtatanod at patuloy na di pagkain, ay napaglabanan ang mungkahi ng diyablo na gamitin ang bisa at kapangyarihan ng kanyang pagiging Mesiyas para lamang tustusan ang mga agad niyang pangangailangan.
Ang mga titulo ng karangalan at higit pang pagtatangi sa sangkatauhan na bigay ng Diyos na kaugnay ng ilang katungkulan at orden ng Banal na Pagkasaserdote ay hindi dapat gamitin o ituring na tulad ng mga titulong pinasimulan ng tao; hindi palamuti ang mga ito o pagpapakita ng kataasan kaysa iba, higit pa riyan, ito ay pagkakatalaga sa mapagkumbabang paglilingkod sa gawain ng isang Panginoon na sinasabi nating siya nating pinaglilingkuran.2
Marami na akong nakilalang mga Elder na sa buong buhay nila ay mga handang maglingkod anumang oras; kailanman ay hindisila huminto kahit isang saglit para mag-alinlangan sa pagkakatawag sa kanila, ni hindi sila huminto para isaalang-alang ang kanilang pansariling interes, nagparoo’t parito sila sa hiling ng kanilang mga kapatid sa paglilingkod sa mga tao ng Panginoon.… Lagi silang handa, tulad ng nakatalagang tagabantay, na halos hindi na humihinto para isipin ang kanilang sarili. Ginawa nila ito nang buong puso nila, at hindi itinuring ang kanilang pagpapagal na isang pasanin; sa kabaligtaran, nakapagdulot ito sa kanila ng galak at kasiyahan.… Handa pa rin silang pumaroo’t parito o gawin anuman ang hinihingi sa kanila sa lahat ng oras, pinahahalagahan ang kanilang mga tungkulin sa pagkasaserdote, nang higit pa kaysa anumang personal na pagsasaalang-alang.3
Ang mga lingguhang pulong ng mga korum sa pagkasaserdote … ay hindi lamang makadaragdag sa kaalaman tungkol sa pagkasaserdote dahil sa mga bagay na nalalaman at natututuhan doon, kundi sa pamamagitan nito, sinasanay ang mga kapatid sa regular na gawain bilang mga lingkod ng Panginoon upang ito’y maging gawi nila.4
O Diyos ko, basbasan po ninyo ang Banal na Pagkasaserdote, ang mga lalaking marangal, dalisay, makatwiran, mga lalaking may dignidad, integridad na mula pa sa iba’t ibang bayan na natipon dahil sa pagmamahal sa ebanghelyo; at marami sa kanila ang isinilang sa ilalim ng tipan ng Banal na Pagkasaserdote, at nawa’y pagpalain kayo ng Diyos, mga kapatid ko ng kasaganaan ng Kanyang kabutihan, ng Kanyang awa at mapagkalingang pagmamahal, nang magsiunlad kayo sa lupain, upang matawag kayong mga tunay na lingkod ng Diyos.5
Sa mga pantulong na samahan binibigyan ng pagkakataon ang lahat na makapaglingkod sa ilalim ng namumunong awtoridad sa pagkasaserdote.
Ang Pagkasaserdote ang nakatayong nangunguna. Sila ang namumuno sa lahat ng bagay. Tungkulin ng lahat ng may pagkasaserdote na pangalagaan ang lahat ng samahan ng Simbahan; hindi lamang ang mga samahan sa Pagkasaserdote, kundi pati na rin ang mga samahang itinayo para sa kapakanan ng lahat ng tao—ang ating Samahang Damayan, Asosasyon ng Damayan sa Pag-unlad [Mga Kabataang Lalaki at Mga Kabataang Babae], Primarya, … at lahat ng samahan natin na binuo para sa pagpapatatag sa mga tao ng Diyos at paglaganap ng katotohanan at kabutihan sa lupain. Lahat ng ito ay kailangang pangasiwaan at pangalagaan na gaya ng isang ama at bigyan ng malalim at matatag na atensiyon ng mga may awtoridad sa Simbahan, maging ito man ay sa mga purok o sa pangkalahatang awtoridad ng Simbahan, sapagkat interesado ang Pagkasaserdote sa kapakanan ng mga tao ng Diyos at sa pagtatayo at pagtatatag ng Sion sa mundo. At lahat ng binalangkas na samahang ito na itinatag at inorden ng Diyos ay dapat na pasakop sa mga namumunong awtoridad na ito at makiisa sa kanila; iginagalang sila sa kanilang katayuan.6
Walang pamahalaan sa Simbahan ni Jesucristo na hiwalay o nakatataas o di sakop ng banal na Pagkasaserdote o ng kapangyarihan nito. Mayroon tayong Samahang Damayan, Asosasyon ng Damayan sa Pag-unlad, Primarya at Panlinggong Paaralan, … ngunit ang mga samahang ito ay hindi mga korum o konseho ng Pagkasaserdote, kundi mga pantulong at nasasakupan nito; binuo sa pamamagitan ng kabanalan ng banal na Pagkasaserdote. Ang mga samahang ito ay hindi labas dito, o mas nakatataas o hindi nito kayang abutin. Kinikilala nito ang alituntunin ng Pagkasaserdote. Saanman naroon ang mga ito, ito’y laging nakatayo para sa paggawa ng ilang kabutihan; ilan sa mga ito ang pagliligtas ng kaluluwa, temporal o espirituwal.7
Gusto kong sabihin na inaasahan sa Samahang Damayan, lalung-lalo na sa pangkalahatang [nanunungkulan] sa malaking samahang iyon, na sila ang tagapangalaga sa lahat ng samahang pangkababaihan sa Sion. Nakatayo sila sa unahan ng lahat ng ito; dapat silang manguna, at dapat nilang gampanang mabuti ang kanilang tungkulin.8
Sa pamamagitan ng mga pantulong na samahang ito nagawa nating abutin ng mapagpalang kamay, at maimpluwensiyahan para sa kabutihan ang marami sa ating mga kabataang lalaki at babae, na mahirap sanang abutin ng mga samahan ng Pagkasaserdote. Hanggang sa ngayon, naisasagawa ng mga samahang ito ang isang napakahusay na pangunahing gawain.9
Nawa’y pagpalain ng Diyos ang lahat ng pantulong na samahan, mula sa una hanggang sa huli, nang sa gayon ay magawa nila ang kanilang tungkulin, na hindi sila umuupo na lamang na walang ginagawa at pabayaan ang gawain nila.… Ligtas lamang tayo kung tayo’y gumagawa, nagtatrabaho, nagsisikap, abala sa pagtupad sa tungkulin, at kapag nagaganap ang mga bagay na ito sa atin ay ligtas tayo, sapagkat sa gayon tayo nalalagay sa kamay ng Diyos at hindi sa kamay ng kaaway.10
Tayong lahat ay dapat na gumawa para sa kapakanan at kaligtasan ng iba.
Kapag nasa pagtupad tayo ng ating mga tungkulin, tayo ay abala sa isang dakila at maluwalhating layunin. Napakahalaga para sa kapakanan ng bawat lalaki’t babae na pumasok sa tipan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsisisi at binyag, na madama nila bilang mga indibiduwal, na tungkulin nilang gamitin ang kanilang talino at kalayaang pumili na ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon, para sa pagtataguyod ng interes ng Sion at pagtatatag ng kanyang layunin sa mundo.11
Lahat tayo ay dapat na handang gumawa para sa kapakanan at kaligtasan ng lahat ng tao—isakripisyo ang sarili nating mga naisin at damdamin para sa sa kabutihan ng lahat, na ganap na handang gawin ang utos ng Pinakamakapangyarihan, na hindi iniisip ang sarili kundi tuparin ang mga layunin ng Panginoon.… Gumagawa tayo para sa kaligtasan ng ating mga kaluluwa, at dapat na madama natin na ito ang pinakamahalagang tungkuling ipinagkatiwala sa atin. Kaya nga, dapat na madama natin na handa tayong isakripisyo ang lahat, kung kinakailangan, dahil sa pagmamahal sa Diyos, sa kaligtasan ng tao at tagumpay ng kaharian ng Diyos sa lupa.12
Inaasahan nating makita ang panahon … kung kailan ang lahat ng kapulungan ng Pagkasaserdote sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay maunawaan ang katungkulan nito; babalikatin at gagampanang mabuti nito ang sariling tungkulin nito, at pupunuin ang lugar nito sa Simbahan sa kadulu- duluhan alinsunod sa talino at kakayahang taglay nito.… Ang Panginoon ang nagplano nito at nalalaman ito mula pa sa simula, at gumawa siya ng mga paghahanda sa Simbahan na kung saan ang lahat ng pangangailangan ay matutugunan at mabibigyang-kasiyahan ng regular na mga samahan ng Pagkasaserdote. Tunay na minsan nang nasabi na ang Simbahan ay perpektong binuo. Ang problema lamang ay hindi pa ganap na gising ang mga samahan nito sa mga obligasyong nakaatang sa kanila. Kapag tunay na itong nagising sa mga hinihingi sa kanila, magagampanan nito nang buong tapat ang mga katungkulan nito, at ang gawain ng Panginoon ay higit na lalakas at mas makapangyarihan at maimpluwensiya sa daigdig.13
Dapat na madama ng bawat tao sa kanilang mga puso ang pangangailangang gawin ang papel niya sa dakilang gawaing ito sa mga huling araw. Dapat hangarin ng lahat na maging kasangkapan sa pagpapalaganap nito. Higit sa lahat, tungkulin ng bawat may taglay ng anumang bahagi ng awtoridad ng banal na Pagkasaserdote na gampanang mabuti at igalang ang katungkulang iyon, at walang mas mabuting lugar para simulang gawin ito kundi sa mismong sarili natin at kapag nalinis na natin ang ating kalooban, nalinis na ang ating mga puso, inayos ang sarili nating mga buhay, itinuon ang ating mga isipan sa pagganap sa lahat ng tungkulin natin sa harapan ng Diyos, tayo ay magiging handang maimpluwensiyahan ang buong miyembro, sambayanan at lahat ng tao anuman ang antas nito sa buhay, para sa kabutihan.14
Ang mga lalaki’t babae na tapat sa harapan ng Diyos, na mga mapagkumbabang nagpapatuloy sa pagsulong, ginagawa ang kanilang mga tungkulin, nagbabayad ng kanilang ikapu at namumuhay sa tunay na relihiyon at walang bahid-dungis sa harapan ng Diyos, ang ibig sabihin ay dalawin ang mga ulila at balo sa kanilang mga paghihirap at panatilihing malinis ang sarili mula sa kasalanan ng mundo [tingnan sa Santiago 1:27], sila na mga tumutulong sa mahihirap; at sila na iginagalang ang banal na Pagkasaserdote, na mga hindi mapang-aksaya, na mga madasalin sa kanilang mga miyembro, at sila na kinikilala ang Diyos sa kanilang mga puso, sila ay makapagtatayo ng isang saligan na maging ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig dito; at kapag sumapit ang pagbaha at mga unos sa kanilang mga bahay, ito ay hindi babagsak sapagkat ito ay matatayo sa bato ng walang hanggang katotohanan [tingnan sa Mateo 7:24–27].15
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Ano ang itinuturo sa atin ng mga halimbawa ni Jesucristo tungkol sa paggamit ng kapangyarihan ng pagkasaserdote?
-
Paanong naging “pagkakatalaga sa mapagpakumbabang paglilingkod” ang pag-oorden sa pagkasaserdote?
-
Anu-ano ang layunin ng mga pantulong na samahan ng Simbahan? Paano nito pinagpapala ang mga miyembro ng Simbahan? Bakit mahalagang malaman na kumikilios ang mga pantulong na samahan ng Simbahan sa ilalim ng tagubilin ng pagkasaserdote?
-
Anu-anong biyaya ang matatanggap natin sa pagsuporta at paggalang natin sa isa’t isa sa ating kani-kaniyang responsibilidad at tungkulin sa Simbahan?
-
Ano ang dapat nating madama tungkol sa “paggawa para sa kaligtasan ng mga kaluluwa”? Ano ang ilan sa mga sakripisyong ginawa ng iba para sa iyong kaligtasan? Ano ang handa ninyong isakripisyo para sa kapakanan ng iba?
-
Ano ang ibig sabihin ng “ganap na magising” sa ating mga obligasyon? Ano ang magiging resulta kung mangyayari ito?
-
Ano ang ibig sabihin ng “mapagkumbabang magpapatuloy sa pagsulong”? Anu-anong pagpapala ang natatanggap ng mga gumagawa nito?