Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 47: Integridad: Buong Pusong Pamumuhay ng Ating Relihiyon


Kabanata 47

Integridad: Buong Pusong Pamumuhay ng Ating Relihiyon

Ang mga nakapagpapanatili ng kanilang integridad sa pamamagitan ng paggawa nang una ng mga bagay ng Diyos araw-araw at sa pagtitiis ng kanilang mga pagsubok ay makatatamo ng buhay na walang hanggan.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Noong ika-10 ng Nobyembre, ang ika-17 anibersaryo ng aarw ng sang-ayunan siya bilang Pangulo ng Simbahan, tinipon ni Joseph F. Smith ang kanyang pamilya at nagkuwento tungkol sa kanyang buhay at kung ano ang natutuhan niya. Lahat nang pumunta sa pagkakataong ito nag-aayuno at may diwa ng panalangin. Sinabi ni Pangulong Smith, “Kung mayroong mang bagay sa mundo na sinikap kong gawin sa hanggang sa abot ng aking makakaya, ito ay ang tuparin ko ang aking salita, ang aking pangako, ang aking integridad, at gawin kung ano man ang aking tungkulin.”1

Ito ang huli niyang pormal na payo. Pagkalipas ng siyam na araw, noong ika-19 ng Nobyembre 1918, pumanaw si Pangulong Joseph F. Smith. Dahil sa isang epidemya ng trangkaso ay hindi nagkaroon ng pormal na serbisyong pang-madla para sa kanyang libing. Bilang parangal sa dakilang pinunong ito, lahat ng pagtitipung-pampubliko, libangan, at opisyal na pulong ay itinigil. Ang mga teatro at maraming lokal na kalakalan ay nakasara. Libu-libong mamamayan ng Lungsod ng Salt Lake, mga miyembro ng Simbahan at hindi mga miyembro, ay nagdagsaan sa mga daan upang parangalan si Joseph F. Smith habang dumaraan sa South Temple hanggang sa Sementeryo ng Lungsod ng Salt Lake ang prosisyon ng libing. Sa pagdaan ang prosisyon sa Katedral ng Katoliko sa Madeleine, tumugtog ang mga kampana sa tore ng katedral bilang parangal sa kapita-pitagang pinunong ito na nakaimpluwensiya ng marami.

Minahal ni Pangulong Joseph F. Smith ang tama; ipinagtanggol niya ang layunin ng katotohanan; ganap niyang ipinamuhay ang mga alituntuning ipinangaral niya; at siya ay iginalang at pinagpitaganan dahil sa ganyang integridad.

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ipinapakita natin ang ating integridad sa pamamagitan ng pag-una natin sa mga bagay ng Diyos sa araw-araw.

Ang relihiyong ating niyakap ay hindi pang-Linggong relihiyon lamang; hindi ito pagsasabi ng pinaniniwalaan lamang. … Ito ang pinakamahalagang bagay sa daigdig para sa atin, at ang mangyayari sa ating sa daigdig na ito at sa daigdig na darating ay nakasalalay sa ating integridad sa katotohanan at sa ating tuluytuloy na pagtupad sa mga tuntunin nito, pagsunod sa mga alituntunin nito, at mga pangangailangan nito.2

Isang kagalakan para sa akin ang magkaroon ng natatanging pagkakataon na makilala ang mga kalalakihan at kababaihan na yumakap ng katotohanan at nananatiling tapat sa kanilang pangaraw-araw na buhay, dahil alalahanin, binubuo natin ang pamantayan ng ating integridad at ng ating katapatan sa katotohanan sa pamamagitan ng mga gawain natin sa araw-araw. Nakikilala ang puno sa mga bunga nito, hindi tayo nakakukuha ng mga ubas sa mga tinikan o ng mga igos sa mga dawagan. Kapag makakikita kayo ng ilang bilang mga tao, sa pamayanan, o isang buong mamamayan, na yumakap ng ebanghelyo ni Jesucristo, ginagawa ang kanilang mga pinaniniwalaan, tapat sa kanilang mga tipan, tapat sa lahat ng bagay sa kanilang pananampalataya, ay makakikita kayo ng mga kalalakihan at kababaihan na nakagagawa ng mabuting gawa at karapat-dapat sa lahat ng bagay. 3

Tungkulin nating ipamuhay ang ating relihiyon araw-araw. Paglingkuran natin ang Panginoon sa kabutihan tuwina at Siya ay ating magiging Ama at Kaibigan, at mawawalan ng kapangyarihan ang ating mga kaaway laban sa atin.4

Kailangan nating lahat ng pagmamahal sa ating puso, at lahat ng oras: una, para sa ating Diyos ang ating Ama sa langit, ang tagapagbigay ng lahat ng mabuti—ang pag-ibig na pumapalibot sa ating kaluluwa, ating iniisip, ating puso, ating isipan, ating lakas, hanggang sa maging handa tayo, kung kanyang hihilingin, na ibigay ang ating buhay gayon din ang ating panahon, talento, at kayamanan sa mundong ito para sa paglilingkod sa buhay na Diyos na nagbibigay sa atin ng lahat ng mayroon tayo. … [Dapat] tayong may pag-ibig na ganito sa ating puso, kung kaya’t mamahalin natin ang Diyos nang higit pa kaysa ating negosyo, higit pa sa salapi, higit pa sa aliw na maibibigay ng mundo; ang matamo ang higit na kasiyahan sa pagsamba at pagmamahal sa Diyos kaya sa anupamang bagay sa daigdig.5

Sa lahat ng dako ay maririnig natin ang mga taong nag-uusap tungkol sa tagumpay na para bagang ang tagumpay na mabibigyang kahulugan sa pamamagitan ng isang salita, at waring ang pinakamataas na ambisyon ng mga kalalakihan at kababaihan ay ang maabot ang kayang abutin ng anumang makamundong ambisyon … Ang tagumpay ng isang tao ay kailangan higit na mabatay sa walang hanggan (gayon din ng pangkasalukuyan) pangangailangan ng taong iyo, kaysa sa pansamantalang pamantayan ng ginawa ng tao sa tinatangka nilang maabot ang tanyag na mithiin ng panahon na kanilang pinamumuhayan. Tiyak na wala nang makasasawi pa ng ating mabuting kalagayan kaysa ang paniniwala na ang ating pangkasalukuyan at walang hanggang kapakanan ay nakasalalay sa kayamanan at karangalan sa daigdig na ito.

Ang dakilang katotohanan na binanggit ng Tagapagligtas ay waring karaniwang nakalilimutan ng salinlahing ito, sapagkat ano ang pakikinabangan ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay [tingnan sa Mateo 16:26]. Ang pamantayang ito ng tagumpay gaya ng ipinahayag sa pamamagitan ng salita ng Diyos, ay ang kaligtasan ng kaluluwa.6

Ang diwa ng tunay na pagkakasapi sa Simbahan ni Jesucristo ay ito—na ikaw at ako, walang inaasahang sinuman sa mundo, ay ipamumuhay ang ating relihiyon at gagawin ang ating tungkulin, anuman ang ginagawa ng ibang tao. Tulad ng pagpapahayag ni Josue noong sinaunang panahon, “Saganang akin at sa aking sanbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.” [Josue 24:15.]… Ang tunay sa sukatan ng ating katayuan sa Simbahang ito ay ang gagawin natin ang tama, sinuman ang gumagawa ng tama o mali. Samakatwid sikapin nating matamo ang diwang ito sa ating sarili at mamuhay sa panuntunang ito.7

Ang una at pinakamataas na pamantayan ng tamang pamumuhay ay makikita sa mga indibiduwal na pananagutan na nagpapanatili sa mga taong mabuti para sa kapakanan ng katotohanan. Hindi mahirap sa mga taong tapat sa kanilang sarili ang maging tapat sa iba. Ang mga taong gumagalang sa Diyos sa kanilang sariling buhay ay hindi kailangan ang pagbabawal ng palagay ng madla na maaaring maging hindi lamang walang malasakit, kundi tiyak na mali. Pananagutang nadarama nang bawat indibiduwal ang nagsasabi sa kanila na dalhin ang kanilang sarili sa tama sa lahat ng katanungang pangmadla. Ang mga nakalilimot sa espirituwal na bahagi ng kanilang buhay ay umaasa ng patnubay ng madla na nagdadala sa kanila sa kung saang uri ng bagu-bagong karu-kuro. 8

Ang mga bunga ng Espiritu ng Diyos—ang mga bunga ng tunay na relihiyon—ay kapayapaan at pag-ibig, kabuthihan at katapatan, at integridad, katapatan sa lahat ng kabutihang makukuha sa batas ng Diyos.9

Tungkulin nating magpatuloy—sa landas na tinandaan ng Makapangyarihang Panginoon upang bagtasin natin. Manampalataya; igalang ang pangalan ng Diyos sa inyong puso; igalang at mahalin ang pangalan Niya na nagbuhos ng dugo para sa kapatawaran ng mga kasalanan sa sanglibutan; igalang at bigyan na mataas na pagtingin siya na pinili ng Diyos sa kanyang pagkabata na maglagay ng saligan ng dakilang gawain na ito sa mga huling araw. 10

Ang ating integridad ay susubukin.

Ang aking pagkabata at kabataan ay nagugol sa paggala-gala na kasama ng mga tao ng Diyos, sa hirap at kaligayahan kasama nila. Ang buo kong buhay ay kasama ko ang mga taong ito, at sa pangalan at tulong ng Diyos ito ay magwawakas dito. Wala akong ibang samahan o lugar na pinaninirahan. Ako ang nasa kalagayan nang tulad kay Pedro nang itanong sa kanya ng Tagapagligtas nang makita nitong tumalikod ang mga tao sa Kanya, Ibig baga ninyong magsialis din naman? Sinabi ni Pedro, Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang mga salita ng buhay na walang hanggan. [Tingnan sa Juan 6:67–68.] Wala tayong dapat gawin kundi ang manatili sa makipot na daan pabalik sa Diyos na ating Ama. Ito ang daan na tinandaang niyang dapat nating bagtasin, at tungkulin nating magpatuloy dito; hindi tayo dapat lumihis, hindi tayo dapat magdaan sa ibang daan, wala nang iba pang daan, “nag-iisa lamang na daan ito at ang hahantungan nito ay nakatakda na.

Dapat nating harapin ang oposisyon kapag dumating ito sa atin, magkikipaglaban dito sa pamamagitan ng mga sandata ng katotohanan na inilagay ng Diyos sa ating mga kamay. At kailangan nating itanim sa isipan na ang mundong ito lakip ang lahat ng aliw na maibibigay nito ay taing bakal kung ihahalintulad sa kamahalan ng kaalaman ng Diyos. Binabalak ng Panginoon na subukin tayo, at may karapatan Siyang gawin ito, maging hanggang sa kamatayan kung kailangan, at yaon lamang na makapagtitiis hanggang sa wakas, yaong hindi umuurong, bagkus na napapanatili ang kanilang integridad sa panganib at sakripisyo ng lahat ng mayroon sila, kung kailangan, ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, o magiging karapat-dapat sa gantimpala ng mga matatapat.11

Tuwina ay dalangin ko, hindi upang hindi ako magkaroon ng mga pagsubok, kundi na magkaroon ako ng karunungan at pagpapasiya, pasensiya at pagtitiis, upang makayanan ang mga pagsubok na maaaring pagdaanan ko. Samantalang hindi masasabi nang matapat na sinubukan na ang aking pananampalataya sa Ebanghelyo ni Cristo, ganoon pa man matapat kong masasabi na sinubukan na ako sa maraming paraan. Ang pasensiya ko ay sinubukan na, ang pagmamahal ko ay sinubukan na, at ang integridad ko ay sinubukan na rin.12

Naniniwala ako na ang [ating mga tagabunsod na mga ninuno] ay nakapagtatag nang mas mahusay kaysa sa batid nila. Naniniwala akong inakay sila ng kapangyarihan ng Diyos, sa bawat hakbang, at tinuruan tuntunin sa tuntunin, taludtod sa taludtod. Sa paraang ito napatunayan Niya ang kanilang integridad. Napatunayan Niya sila hanggang sa kamatayan; oo, at maging hanggang sa ibayo ng kamatayan; sapagkat ang kamatayan para sa marami sa kanila ay mas matamis pa, mas mapayapa pa, maligayang pagpapahinga, kaysa sa hirap at suliraning kinailangan nilang pagtiiisan.13

Marami sa kanila ang pinatay dahil sa kanilang pagsunod, tulad ng paniniwala niya, sa mga kautusan ng Diyos. Wala ni isa sa mga sinaunang disipulo na pinili ni Jesucristo ang nakaligtas sa pagiging martir, maliban kina Judas at Juan. Pinagkanulo ni Judas ang Panginoon, at sinakripisyo niya ang kanyang sariling buhay; at tinanggap ni Juan ang pangako ng Panginoon na mabubuhay siya hanggang dumating na muli Siya sa mundo. Lahat na ng iba ay pinatay, ang ilan ay ipinako sa krus, ang ilan ay kinaladkad sa mga daan ng Roma, ang ilan ay inihulog sa mga matataas na lugar, at ang iba ay binato hanggang mamatay. Para saan? Sa pagsunod sa Diyos at pagpapatotoo ng alam nilang tama. Kaya’t ngayon ay maaaring gayon din. Tumimong ganap nawa ang diwa ng ebanghelyong ito sa aking kaluluwa nang sa gayon dumaan man ako sa kahirapan, sa matinding pagdurusa, sa paguusig, o kamatayan, makapaglingkod nawa ako at ang aking sambahayan sa Diyos at matupad ang kanyang mga batas.14

Ipinakikita natin ang ating integridad sa pamamagitan ng paglilingkod sa Panginoon, anuman ang mangyari sa atin.

Sinabi ng Panginoon sa kabataang lalaki na nagmamahal sa mundo, na kung nais niyang maging ganap, dapat niyang ipagbili ang lahat ng mayroon siya at ipamigay ito sa mga mahihirap, pagkatapos ay sinabi ng Panginoon, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.” [Mateo 19:21.] Maaaring napakadaling sabihin ito, ngunit may napakalaking katotohanan ang nakapaloob dito, mayroong mahalagang alituntuning nakalakip dito. ito ay ang pag-uuna natin sa lahat ng sagrado at makalangit, mga maka- Diyos, mga bagay na naghahatid ng kapayapaan at kaligayahan sa mga kaluluwa ng tao, bago sa ating kayamanan, bago pa ang mga parangal at ari-arian sa mundo. Hinihingi ito ng Makapangyarihang Panginoon sa mga Banal sa mga Huling Araw; at ang bawat lalaki at babae na yumakap sa Ebanghelyo ay dapat itong madama sa kanyang puso ngayon, at sa kanilang kaluluwa ay sasabihin nila na, “anuman ang hingiin sa akin ng Panginoon, gagawin ko,” o ibibigay ko anuman ito.15

Kung kakailanganin Niyang hingin sa aking ang lahat ng mayron ako, sana’y maramdaman kong gawin ito nang maligaya at ako’y maging handa, tulad ng naramdaman ni Job, at tulad din ni Abraham, nang hilingin ng Panginoon na ipahayag nila ang kanilang pananamplataya. Hinilingan si Abraham na ialay niya ang kanyang anak na lalaki—ang anak ng pangako–tumigil ba siya ay nangatwiran o nakipagtalo sa Makapangyarihan? Hindi, nagsimula siya, nang walang angal o bulong, na gawin ang ipinag-uutos sa kanya. Maaaring may kaiba siyang nadarama, walang alinlangang sinubukan siya hanggang sa kaibuturan ng kanyang pagkatao; ang kanyang pagmamahal ay sinubukan, ngunit sa lahat ng ito ay naghanda siyang sundin ang pinag-uutos ng Makapangyarihan. Gayunman, hindi naman nagawa ni Abraham ang pinag-uutos, nang makita ng Panginoon ang kanyang integridad at kahandaang sumunod, hindi niya pinahintulutang mangyari ito. [Tingnan sa Genesis 22:1–18.] …

Ngayon, ilan sa atin ang may tiwala sa Panginoon nang tulad ni Abraham? Sakaling, hilingin Niya sa inyo ang inyong panganay na anak, o sinuman sa inyong mahal sa buhay, o ang inyong kayamanan, mapagtitiisan ba ninyo ito nang walang angal? … Maaasahan ba nating matamo ang kahariang selestiyal kung sa isang sulok—may itinatago tayong bagay na kung saan nakatuon ang ating puso at pagmamahal? Tanungin ang inyong sarili, kung karapat-dapat ba kayong tumanggap ng kadakilaan sa kahariang selestiyal ng Diyos.16

Si Job ay isang mabuting tao, perpekto sa lahat ng bagay. Walang tao sa mundo na katulad niya … Hindi niya sinumpa ang mga Saboe sa pagnanakaw ng mga baka niya, ni ang apoy mula sa langit sa pagtupok ng kanyang mga kawan, ni ang hangin sa pagwasak ng kanyang tirahan at mga anak. Hindi siya nagmura o nanglapastangan at itinakwil ang Panginoon dahil sa mga ito. Kundi sinabi niya, “Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon din ang nagalis; purihin ang pangalan ng Panginoon.” [Job 1:21.] …

… Dito ipinakita ang alituntunin na dapat maging batayan ng lahat ng pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa tao, pagmamahal, gawain, at naisin ng sangkatauhan—na paglilingkuran nila ang Diyos anuman ang mangyari sa kanila. Bagaman makaranas sila ng pagkabilanggo, bagaman makaranas sila ng paguusig, bagaman makaranas sila ng kahirapan, bagaman subukin sila ng Diyos hanggang sa kaibuturan ng kanilang pagkatao, at ilagay sila sa napakahirap na pagsubok upang patunayan ang kanilang integridad, dapat nilang sabihan ang sinabi ni Job, “Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad babalik ako roon; ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon din ang nagalis; purihin ang pangalan ng Panginoon.” [Job 1:21.] Kaya’t pahalagahan ang Diyos, iibigin ninyo Siya ng buo ninyong puso, at ng buo ninyong kaluluwa, at ng buo ninyong pag-iisip; pagkatapos ay ibigin ninyo ang kapwa ninyo gaya ng inyong sarili, na kapag dumating ang mga pagsubok maaari nating pagtiisian ang mga ito ng walang angal, bagkus ay maghihintay hanggang matapos ng Diyos ang Kanyang mga layunin. Pagkatapos ay makikita natin na walang hihigit pang pagmamahal ng tulad ng pagmamahal ng Diyos para sa kanyang naghihirap na mga anak; walang awang napakalawak, walang layuning napakadakila, na kasing dakila at marangal tulad ng layunin ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Kung gagawin natin ito, matututuhan din natin ito sa kalaunan at pasasalamatan natin ang Diyos nang buo nating puso.17

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Ano ang integridad? Paano natin binubuo “ang pamantayan ng ating integridad … sa pamamagitan ng mga gawain natin sa araw-araw”? Anu-anong mga sitwasyon sa inyong pang-arawaraw na buhay na nagpapapili sa inyo na unahin ang mga bagay ng Diyos?

  • Paano tayo nagkakaroon ng kalayahang “tamasahin ang higit na kaligayahan sa pagsamba at pagmamahal sa Diyos” kaya sa pagmamahal natin sa ating negosyo, salapi, o iba pang pinagkakaaliwan sa mundo? Kailan kayo humarap sa mga pagsubok?

  • Ano ang tunay na pamantayan ng tagumpay sa ating buhay? Ano ang ibang pagbibigay ng kahulugan na minsan ay humahadlang sa atin sa paggamit ng tunay na pamantayang ito? Paano naiiba ang pagkilos ayon sa inihayag na katotohanan sa pagkilos ayon sa “patnubay ng madla”?

  • Bakit madalas nahaharap tayo sa mga pagsubok at oposisyon kapag sinisikap nating ipamuhay ang ebanghelyo? Sa anuanong mga paraan kayo nasubukan at napatunayan sa inyong pagpupunyaging gawin ang kalooban ng Diyos? Paano kayo tumugon?

  • Paano nakatutulong ang mga halimbawa ng mga matatapat na disipulong katulad nina Abraham at Job upang higit na maunawaan natin kung paano “paglingkuran ang Diyos, anuman ang mangyari sa atin”? Paano napalakas ang inyong patotoo ng kanilang mga halimbawa? Anu-anong mga bagay na maaaring makapaghanda sa ating paglingkuran ang Panginoon sa paraan ito sa panahong may pagsubok tayo sa buhay ?

  • Paano ang pagkakaroon at pagpapanatili ng personal na integridad ay nakapagpapala sa nakapagpapalakas sa ating mga pamilya? Sa ating pamayanan?

Mga Tala

  1. Life of Joseph F. Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1938), 477.

  2. Gospel Doctrine, ika-5 ed. (1939), 107.

  3. Sa Conference Report, Okt. 1916, 2.

  4. Deseret News: Semi-Weekly, ika-8 ng Ago. 1884, 1.

  5. Sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo (1965–75), 5:91.

  6. Gospel Doctrine, 123–25; binago ang ayos ng mga talata.

  7. Deseret News: Semi-Weekly, ika-21 ng Mar. 1893, 2.

  8. Gospel Doctrine, 253.

  9. Gospel Doctrine, 75.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1904, 3.

  11. Deseret News: Semi-Weekly, ika-25 ng Apr. 1882, 1; idinagdag ang pagtatalata.

  12. Deseret News: Semi-Weekly, ika-27 ng Abr. 1897, 1.

  13. Deseret News: Semi-Weekly, ika-9 ng Ago. 1898, 1.

  14. Gospel Doctrine, 251.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1909, 4–5.

  16. Sa Collected Discourses Delivered by Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostles, and Others, tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo (1987–92), 2:279.

  17. Deseret News: Semi-Weekly, ika-19 ng Dis. 1893, 1; binago ang ayos ng mga talata.

Beehive House

Ang Beehive House sa Lungsod ng Salt Lake, kung saan si Pangulong Smith ay nanirahan sa loob ng maraming taon. Dito siya namatay noong ika-19 ng Nobyembre, 1918.