Kabanata 19
Pagtitipid, ang Saligan ng Kaunlaran
Dapat nating bayaran ang ating mga utang at mag-impok upang makapaglingkod tayo nang higit na mabuti sa kaharian ng Diyos.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Noong 1918, sumulat si Joseph F. Smith sa kanyang anak na lalaki kung saan ay kanyang binalikan sa alaala ang isang karanasan minsan isang Pasko noong kabataan niya, noong panahong “wala siya kahit isang kusing.” Sinabi niya ang tungkol sa mga unang bahagi ng kanyang buhay may asawa: “Wala akong sinumang pinagkautangan sa mga panahong iyon, at kinailangan kong magtrabaho—hindi maaari sa akin ang walang ginagawa.” Sinabi niya na siya at ang kanyang pamilya ay nagtrabaho nang puspusan, sa abot ng kanilang makakaya, upang sila’y mabuhay. Sa ganitong kalagayan ay umalis siya ng bahay bago mag-Pasko na naghahangad na makapagbigay ng isang bagay na espesyal para sa kanyang mga anak. Sinabi niya, “Nais ko ng isang bagay na makapagpapasaya sa kanila, at upang ipagdiwang ang araw ng Pasko nang naiiba sa pangkaraniwang mga araw—ngunit wala ako kahit isang sentimo upang magawa ito! Naglakad ako sa Main Street, na tumitingin sa mga tindahan … at nagkubli mula sa napakaraming tao at umupo at umiyak na parang isang bata, hanggang sa ang nailabas kong kalungkutan ay nagpagaan sa aking dibdib; pagkaraan ng ilang sandali ay umuwi na ako, na walang dala katulad nang umalis ako, at nakipaglaro sa aking mga anak, at nagpapasalamat at masaya dahil lamang sa kanila. …
“Pagkaraan ng pagsubok na ito, naging maayos ang aking landas. Nagsimula akong makabangon; sa pamamagitan ng masikap na pagtatrabaho, mahigpit na pagtitipid, pagkakait sa sarili, at pag-ibig sa Diyos, umunlad ako.”1
Si Obispo Charles W. Nibley, na naglingkod kasama ni Pangulong Smith, ay nagsabi: “Palagi siyang maingat sa kanyang mga gastusin. … Kinasuklaman niya ang utang, at wala akong kilalang taong kasing bilis sa pagbabayad hanggang sa huling kusing. … Matatag niyang iniwasan na magkautang; at hindi, kahit sa anumang pagkakataon, ipinasok ang Simbahan sa ganitong bagay. Ni siya man sa kanyang pamumumuhay ay hindi rin pumasok sa pagkakautang, sa halip ay matatag na namuhay ayon sa kawikaang, ‘Magbayad kaagad.’”2
Binigyang-diin ni Pangulong Smith ang pagiging praktikal ng ebanghelyo nang magturo siya, “Palagian nang pangunahing turo sa mga Banal sa mga Huling Araw, na ang isang relihiyon na walang kapangyarihang iligtas ang mga tao sa buhay temporal, at gawin silang maunlad at maligaya dito, ay hindi maaasahang mailigtas sila sa espirituwal, at dakilain sila sa susunod na buhay.”3
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Umiwas sa pagkakautang at kayo ay magiging malaya sa pananalapi at sa espirituwal.
Ngayon, lubos akong naniniwala na ang isa sa pangunahing dahilan ng paghihirap na sumasaatin—at naniniwala akong ito ay totoo sa pangkalahatan sa buong lupain—ay sapagkat ang mga tao ay gumugugol ng salapi nang higit sa kanilang kinikita. Nangutang sila nang malaki, isinangla ang kanilang mga bahay, at mga sakahan, at halos lahat ng bagay na mayroon sila, upang mapantayan ang kanilang mga kapitbahay, nagpapaligsahan sa isa’t isa sa pagpapasikat at sa pagpapalakad sa kanilang mga negosyo sa pamamagitan ng pangungutang na usung-uso sa mundo. …
… Ang karamihan sa atin ay may pagkakautang … upang mapalabas natin na kahit paano ay pantay tayo sa ating kapitbahay. Kung hindi natin ginawa ito, at sa halip ay nabuhay ayon sa ating kakayahan, at nakapag-ipon pa ng kaunti para sa panahon ng kahirapan, sa ngayon ay tayo ang pinakamalayang tao sa lupalop na ito. … Para sa akin, nais kong makita … na kapag tayo ay bumibili ng mga bagay na nagkakahalaga ng isang dolyar, babayaran natin ito ng isang dolyar o anumang kapantay nito, at ginagawa natin ito nang hindi pinahihina ang ating sarili sa pamamagitan ng pagsasangla na sasagutin natin at ng ating mga anak. Ang taong nabubuhay sa pagkakautang ay nagtatali ng mga tanikala sa kanyang sarili at sa kanyang mga anak. …
Nakakita na ba kayo ng tao na nagkautang at nagsangla at ipinanagot ang kanyang ari-arian, na naging malaya, at naging maligaya katulad ng isang tao na binayaran kaagad ang kanyang mga pinamili? Dapat tayong mabuhay ayon sa ating kinikita, at maglatag ng pundasyon upang makatayo tayo, at kung saan ay makatatayo ang ating mga anak pagkatapos natin, nang hindi nagbabayad ng tubo sa mga pananagutan na pinasok natin. Batid ko na hindi ko ipinangangaral ang ebanghelyo ng pananalapi ng sanglibutan. Marahil ay inilalagay ko ang sarili upang bansagan akong labis na makaluma, hindi progresibo, at kung anu-ano pa. Ang lahat ng katawagang ito ay ipinupukol sa mga taong may katapangang nagsasabi sa mga tao na mamuhay ayon sa kanilang kakayahan. … Kung minsan ay nalalagay tayo sa katayuang kinakailangan nating mangutang. Kung kinakailangan ito, maaaring gawin ito. … Ngunit hindi ako kailanman nakukumbinsi na kinakailangan para sa kagalingan ng ating salinlahi sa kasalukuyan at sa hinaharap na ang aking mga anak ay aalipinin ng aking mga ginawa.4
Anong pinagpalang kalagayan ang mangyayari sa Sion kapag ang kasamaan ng pangungutang … ay maliwanag na maituturo sa bawat Banal sa mga Huling Araw, bata o matanda man! Tunay na magaling kapag ang bigat ng pagkakautang at ang kaakibat na mga kalungkutan nito ay madama at maunawaan ng bawat tao na nagbabalak na isangla ang kanyang tahanan at lupa upang magkapera—upang maunawaan niya ang pang-aalipin at ang paninindak nito—nang napakaliwanag bago niya gawin ito sapagkat ito ang tiyak na mararanasan niya.5
Sa kapanahunan ng kasaganaan, … ganap na angkop para sa mga Banal sa mga Huling Araw na umalis sa pagkakautang. … Sasabihin ko, tungkol sa paksang ito, na ang isa sa pinakamainam na paraan upang makabayad sa aking mga pananagutan sa aking kapatid, kapitbahay, o kasosyo sa negosyo, ay ang bayaran ko muna ang pananagutan ko sa Panginoon. Higit na maraming pagkakautang akong mababayaran sa aking mga kapitbahay, kung nagkautang man ako, pagkatapos kong bayaran nang tapat ang pananagutan ko sa Panginoon, kaysa magagawa ko kapag pinabayaan ko ang huli; at maaari ninyong gawin ang ganito rin. Kung naghahangad kayong umunlad, at maging malayang kalalakihan at kababaihan at malayang mga tao, unahin muna ninyo ang inyong pananagutan sa Diyos, at pagkaraan ay bayaran ninyo ang inyong pananagutan sa inyong kapwa-tao.6
Ngayon ang panahon para sa lahat ng tao na pag-aralan ang tunay na ekonomiya, at magsimulang magtipid at palayain ang kanilang sarili mula sa utang, at maging malaya at hindi umaasang mga tao. … Kung gagawin lamang natin ang ating mga tungkulin bilang mga Banal sa mga Huling Araw at maging marunong sa paggamit ng ating salapi, ang mga paghihirap ya malalampasan natin, bibiyayaan ang ating mga gawain, at ang ating lupain ay gagawing mayaman, at gagapas tayo nang sagana at magagalak sa mga ito; sapagkat ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang kaluguran sa Kanyang matapat na mga anak. … Ngayon ang panahon ng pagbawas sa mga gugulin. Ngayon ang panahon sa pagbawas sa kagarbuhan at ipagkait sa ating sarili ang ilan sa mga layaw ng mundo. Ngunit maging mapagkawang-gawa tayo. Huwag hahatulan ang bawat isa. … Huwag hahayo at sisingilin ang kapwa ninyo tagapaglingkod na nagkautang sa inyo ng ilang kusing, at kapag nakiusap siya sa inyo na maghintay ng ilang panahon, ito ay parang ipakukulong ninyo siya, sa matalinghagang pananalita. Tandaan ang talinghaga ng Tagapagligtas sa paksang ito, at maging mapagkawang-gawa at mahabagin sa bawat isa [tingnan sa Mateo 18:23—35].7
Ingatan ang inyong mga ari-arian na maging ligtas sa pagkakautang. Lumabas sa pagkakautang sa pinakamabilis na panahong magagawa ninyo, at manatiling malaya sa pagkakautang, sapagkat sa ganitong paraan matutupad ang pangako ng Diyos matutupad sa kanyang mga tao sa kanyang Simbahan, na sila ang magiging pinakamayaman sa lahat ng tao sa mundo. Ngunit hindi mangyayari ang ganito kung isinasangla ninyo ang inyong mga tahanan at mga sakahan, o pumapasok sa mga pagkakautang na higit pa sa inyong kakayahang makapagbayad; at dahil dito ay sinisira ninyo ang inyong pangalan at mabuting katayuan sa pananalapi dahil lumabis ang pagkakautang ninyo.8
Ang mga Banal sa mga Huling-araw ay madalas na binigyang babala at sa ngayon ay masigasig na pinapayuhan na huwag isusugal ang kanilang mga bahay, at kasama nito ay ang kanilang mga kabiyak at mga anak sa pagbabakasakali sa pananalapi. … Kapag ang mga Banal sa mga Huling Araw ay makikinig sa matalinong mga payo at mga turo ng nakaraan, mag-aatubili sila sa harapan ng mapang-akit na mga tuksong iniaalok sa kanila, upang isangla ang kanilang mga bahay, ang kanilang mga negosyo, ang kanilang mga patubig, ang kanilang mga sakahan, para sa salaping ipangbabakasakali upang yumanan. …
Ang mga payong ibinibigay dito ay iniuukol lalung-lalo na sa mga yaong mahilig sa pagsasangla para sa layuning pagbabakasakali, at hindi para sa mga yaong naghahangad na magtayo ng mga pamayanan o magkaroon ng mga tahanan sa pamamagitan ng buwanan o hulugang pagbabayad. Ang panghuling gawain ay maaaring magbuo ng mga kaugaliang pananalapi, samantalang ang pagbabakasakali ay madalas na lumikha ng diwa ng kagarbuhan.9
Nalulungkot akong sabihin na marami ang tila pumapasok sa pagbabakasakali hanggang sa antas na tila ang kanilang kaluluwa ay tila nababalot sa pagmamahal sa mundo. … Habang ang mga tao ay pinaliligiran ang kanilang sarili ng kayamanan at natutuon sa mga alalahaning kaakibat nito, madalas na makalimot sila … sa Diyos na kung kanino sila umaasa maging sila man ay mayaman o nasa pinakadahop na kahirapan.10
Kapag mayroon mang isa rito na nagbabalak na mangutang upang magbakasakali, … papayuhan ko siyang mag-isip-isip, ipagdasal ito, at maingat na pag-aralan ito bago siya pumasok sa pananagutan sa pangungutang ng salapi. Sa madaling sabi, huwag mangungutang kung kinakailangan. Bayaran ang inyong utang sa pinakamaagang pagkakataon.11
Ang salapi ay isang bagay na dapat na mapangalagaan ng isang tao at gugulin nang may katalinuhan kapag mayroon siya nito; kapag hindi siya marunong mag-ingat dito, ito ay lalayas mula sa kanyang mga bulsa, ito ay magagasta nang kasing bilis ng paglipad ng isang umaga.12
Muli kong pinapakiusapan ang mga Banal sa mga Huling Araw at maghangad at masikap na gumawa upang gawing malaya ang kanilang mga sarili sa pagkakautang. Umalis sa pagkakautang at huwag magkakautang, at kayo ay magiging malaya sa pananalapi at sa espirituwal.13
Dapat nating ibigin ang Diyos kaysa salapi at paghahangad ng kasiyahan.
May isang kahinaan ang tao—at … ito ay isang nakalululong na kahinaan—ang paglingkuran ang kanyang sarili, ang pagbigyan ang sarili niyang mga pagnanasa, ang isakatuparan ang sarili niyang mga layunin, kahit ano man ang maging bunga nito sa iba. Kahit na anong kasamaan ang ibubunga sa ibang tao, hahangarin niyang pagbigyan ang sarili niyang mga ambisyon, ang kanyang pagnanasa sa sarili niyang kasikatan, at ang pagsulong ng makasarili niyang mga interes. Ito ang isa sa mga pagkakamali ng ating panahon. Ito ang isa sa mga kahinaan na gumagawa sa mga tao na maging iba sa kanyang Maestro, na naghihiwalay sa kanya mula sa Diyos at sa katotohanan, at ginagawa siyang sumunod sa sarili niyang mga nais. Mali ito.14
Ang taong marunong ay … ilalayo ang kanyang sarili mula sa nakamamatay na paghahangad ng kasiyahan. Hindi siya papasok sa pagkaalipin o pangungutang upang makabili ng mga kotse at iba pang mamahaling karwahe upang makasunod sa takbo ng nauusong kalayawan. …
Ang ibinubunga ng paghahanap na ito ng layaw at katuwaan at pagsunod sa uso na tanging ang pinakamayayaman lamang ang makagagawa, ngunit hindi naman dapat gawin, ay napipilitan ang marami na gumawa ng mga sistemang labag sa batas upang magkaroon ng salapi para masunod ang uso. Kaya’t lumalaki ang imoralidad sa pananalapi. Maraming mapanlinlang na pamamaraan ang ginagawa upang magkaroon ng salapi, at maging ang pandaraya at pagsisinungaling at panloloko sa mga kaibigan at kapitbahay ay madalas na gamitin upang makakuha ng salapi para mapagbigyan ang labis na paghahangad ng layaw.15
Kinaaawaan ko ang taong mayaman na iniibig ang kanyang salapi nang higit sa kanyang pag-ibig sa Diyos. … Pagdating ng araw, tayo ay titimbangin, at kanyang mababatid kung iniibig natin ang mundo nang higit sa Diyos. … Sinabi ng Panginoon na mahirap para sa taong mayaman na makapasok sa kaharian ng langit. Hindi ito dahil mayaman ang tao—sapagkat nilayon ng Diyos na tayo ang maging pinakamayaman sa lahat ng tao. Dahil dito, walang krimen sa pagiging mayaman. Ang krimen ay wala sa pagkakaroon ng salapi. Madalas nating marinig na binabanggit na “ang salapi ang ugat ng lahat ng kasamaan.” Ngunit hindi ito ganito. Hindi ganito ang sinasabi ng banal na kasulatan. Sinasabi nila na ang pag-ibig sa salapi ang siyang ugat ng lahat ng kasamaan [tingnan sa 1 Timoteo 6:10].16
Ang tanging totoong panganib na nakikita ko sa landas ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang mga bunga na likas na sumusunod sa pagkakaroon ng kayamanan—kapalaluan at kahambugan, pagpapasasa sa sarili at pagkakalimot sa Diyos, at pagwawalang bahala sa mga banal na pananagutan at tungkulin na dapat nating gawin sa Kanya at sa isa’t isa; at ito ay dahil sa kasaganaan ng makalupang biyaya na ipagkakaloob Niya sa atin dahil sa Kanyang kabutihan. Sinasabi na sa kaguluhan ay inaapuhap natin ang Panginoon, ngunit sa kasaganaan ay hindi natin Siya naaalala. Para sa akin ay ito ang pinakamalaking panganib na kinakaharap natin sa ngayon.17
Higit na malaking biyaya ang magkaloob ng ginhawa at kagalakan sa ating kapwa nilalang kaysa sila ang magkaloob sa atin. Ngunit sa ilalim ng diwa at impluwensiya na sumasaklaw sa mundo ngayon, hindi ito ang pananaw na tinatanggap ng karamihan. Ang mga tao sa mundo ay nagmamadali na matamo ang mga yaong inaakala nilang makapagdaragdag sa sarili niyang layaw. Hindi mahalaga kung paano nila nakukuha ang layaw basta’t makuha lamang nila ito. Sa pangkalahatan, ang ginto o salapi ang siyang bagay na nagbibigay ng karamihan sa kanilang mga layaw at kagalakan. Gayunman, pagkaraan ng ilang taon ay lilisan na sila sa mundong ito, sa panahong ang kanilang kayaman at lahat ng bagay na kanilang pinahalagahan ay maiiwan. Hindi nila maisasama ang kanilang ginto, dahil ito ay para sa mundo. Kapag humantong na sila sa likod ng tabing, ang mga yaong nagbigay sa kanila ng kaligayahan ay hindi na nila maabot. Ang pinagmumulan ng kanilang layaw ay wala na. …
Anong bagay mayroon pa sa mundo ang makapagdudulot ng ganap na kagalakan o ganap na kasiyahan kaysa mabatid na pinatawad ang ating mga kasalanan; na tayo ay tumatayong katanggap-tanggap sa Diyos, ang ating Ama sa Langit; na wala tayong sinaktan sa ating mga kapwa nilalang; na malaya tayo mula sa ano mang pagkakautang o sagutin; na hindi tayo alipin ng mundo, o ng ating mga kapwa nilalang? Ito ay makapagdudulot ng kasiyahan nang higit sa anupamang bagay na maibibigay ng mundo. Hindi ito maibibigay ng salapi. Hindi maipagkakaloob ng kayamanan ng mundo ang kasiyahang ito sa tao.18
Gumamit tayo ng katalinuhan sa ating mga gawaing temporal upang maitayo nating higit na mabuti ang kaharian ng Diyos.
Isang bagay ang natitiyak ko, at ito ay dapat na maghangad tayo na makaunawa sa mga alituntunin ng ekonomiya. Nararapat natin gamitin ang pinakamahusay na karunungan, pagpapasiya at pagkakaunawa na maaari nating makuha sa ating mga gawain at alalahaning espirituwal at temporal. … Labis tayong makasarili. Hindi dapat na “magkanya-kanya,” ngunit marami sa atin ang mapag-imbot. Naghahangad tayo sa ating puso na magkaroon ng lahat ng bagay na mayroon ang ating kapitbahay, kailangan man natin ito o hindi. Upang maging katulad ng ating kapitbahay; upang makapaghalubilo tayo sa kanya, upang makipaghalubilo ang ating mga anak na babae sa kanyang mga anak na babae, at ang ating mga anak na lalaki sa kanyang mga anak na lalaki, dapat magkaroon tayo ng bahay na kasing ganda, ng kagamitan na kasing mahal … at lahat ng karangyaan na makakaya natin, na makakaya man o hindi ng ating kapitbahay. Ngayon, ito ay labis na kalokohan. Mali ito. …
… Dapat na mabatid ng bawat Banal sa mga Huling Araw—at dapat na mabatid ng kabataan sa Israel lalung-lalo na—na ang bawat isa sa kanila ay dapat na pagsikapang gawing higit na mabuti ang kalagayan ng mundo dahil sa kanilang pananatili rito, kung magagawa nila. Tayong lahat ay dapat na magsumikap na gumawa ng kabutihan. Kung gagawin natin ito, samakatuwid ay kinakailangan ang mga buhay natin. Bibiyayaan tayo ng Diyos sa ating mga gawain at pagsusumikap; at kung magsasama-sama tayo sa ating mga gawaing temporal at patakbuhin ang ating mga negosyo sa tumpak na mga alituntunin, ang mundo ay magiging higit na mabuti para sa atin, at magiging higit na mabuti tayo dito sa mundo. Magkakaroon tayo ng higit na malaking kakayahan na maitayo ang kaharian ng Diyos; magkakaroon tayo ng higit na maraming magagamit para sa pagtitipon ng mahihirap, sa pagtatayo ng Sion, para sa kapakinabangan ng mga Banal, at para sa sarili nating kapakinabangan.19
Nawa ay tuparin natin ang mga kautusan ng Diyos, mag-impok ng salapi … , bayaran ang ating mga utang, maging malayang kalalakihan at kababaihan, at hindi mga aliping lalaki at aliping babae, na kagaya ng karamihan sa atin ngayon. Ang karamihan sa atin ay nasa pagkaalipin ng utang, at maaaring mahirap para sa atin ang lumaya mula dito; ngunit kung magagawa nating lumaya mula dito nang may karangalan, ituon natin ang lahat ng ating pagsusumikap sa layuning ito; na kapag tayo ay tinawag na maglingkod sa mga misyon, maaari nating sabihin, “Opo nakahanda at nais kong maglingkod,” at higit pa dito, “Wala akong pinagkakautangan, at may kakayahan akong mabuhay, at tustusan ang aking pamilya.”20
Naniniwala ako na gawain natin ang maghanda laban sa panahon ng taggutom, ng salot, ng mga unos at mga lindol, at sa panahon kapag ang mga dagat ay umalon nang higit sa mga hangganan nito. Paano natin magagawa ito? … Sa pamamagitan ng pag-aaral at paggawa ng mga alituntunin ng tunay na ekonomiya sa ating mga buhay, at sa sistema ng kapatiran at pag-ibig kung saan ang isa ay tutulong sa kanyang kapatid, at tatayo ang lahat nang iisa, upang walang sinuman ang maghihikahos kung ito ay nasa kakayahan ng iba na maparam. Ang isa sa mga pinakadakilang pangako na ibinigay ng Panginoon hinggil sa Kanyang mga tao, na nilalaman ng Aklat ng Doktrina at mga Tipan, ay sila ang magiging pinakamayaman sa lahat ng tao [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:39]. Ngayon, paano maisasakatuparan ito kung sa bawat araw ay ginagasta natin ang ating kinikita, at bukod dito ay humihiram pa ng kaunti sa ating kapitbahay? …
… Maging masipag tayo at matipid, at mag-impok ng salapi. Hindi dahil ibinabatay natin ang ating pag-asa sa ating kayamanan, hindi dahil ginagawa natin ito na ating diyos; ngunit para sa anong dahilan? Upang magawa natin, kapag dumarating ang mga panahon ng kagipitan, upang matugunan ang mga pangangailangan ng panahon at ang mga sagutin na nakaatang sa mga tao ng Diyos upang maisakatuparan ang mga layunin ng Makapangyarihan sa lupain.21
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Kung naghahangad tayo na umunlad sa espirituwal at sa temporal, ano ang dapat nating gawin? Paano sinisira ng pag-iimbot ang kaunlaran?
-
Anu-anong biyaya ang dumarating sa pag-iwas sa utang? Anuanong suliranin ang dumarating sa mga yaong nangungutang nang basta-basta na lamang? Anu-anong dahilan ang ginagamit ng tao kung minsan sa pagkakaroon ng maraming utang?
-
Ano ang maaari nating gawin sa “panahon ng kasaganaan” upang mapalaya ang ating sarili sa pagkakautang? Anu-ano ang ating mga pananagutang pananalapi sa Panginoon? Bakit dapat na una muna nating bayaran ang mga ito?
-
Bagamat ang mga tahanan ay madalas na mabili sa pamamagitan ng mga “hulugang pagbabayad,” anu-anong mga pagiingat ang dapat nating gawin hinggil sa mga pagsasangla? Paano ang “diwa ng kagarbuhan” nagdadala sa mga tao na maisapanganib ang kanilang mga tahanan at kaseguruhan sa pananalapi? Paano natin maiiwasan ang mga bagay na ito?
-
Paano ang pagiging makasarili at paghahangad sa kasiyahan nagpapahiwalay sa atin sa Diyos? Anu-ano ang panganib ng pag-ibig sa salapi nang higit sa Diyos?
-
Paano tayo makapaghahanda sa temporal at sa espirituwal “laban sa araw ng taggutom”?
-
Paano natin magagamit ang ating salapi “upang maisakatuparan ang mga layunin ng Makapangyarihan”? Paano ginagawa ng kahandaan sa pananalapi na makapaglingkod tayo?
-
Paano natin matuturuan ang ating mga anak sa mga alituntunin ng matalinong pamamahala ng salapi?