Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 44: Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Cristo


Kabanata 44

Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Cristo

Naniniwala kami sa literal na Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas na si Jesucristo, na umakyat sa langit, at muling darating upang maghari bilang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Nagbigay ng malakas na patotoo si Pangulong Joseph F. Smith sa katotohanan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Pinayuhan niya ang mga Banal na pag-aralan ang mga salita ng mga propeta ng Diyos hinggil sa Ikalawang Pagparito at ihanda ang kanilang mga sarili para sa kaganapang iyon sa pamamagitan ng pagtupad sa kanilang mga tipan. Itinuro niya na ang Simbahan ay isang “natatanging palatandaan ng ikalawang pagparito ng Tagapagligtas” 1 at inihahanda nito ang mundo para sa paghahari Niya sa Milenyo. Ang pagdating ng Tagapagligtas ay “hindi na nalalayo,” ang pahayag ni Pangulong Smith, “sapagkat ang mga tanda ng Kanyang pagdating ay sadyang malinaw na malinaw.” Hinikayat niya at ng iba pang mga miyembro ng Unang Panguluhan ang mga Banal na “gumawa nang may takot sa Diyos upang tayo ay makasama ng Kanyang banal na mga alagad kapag siya ay dumating. Sapagkat siya ay paparito na sumasa alapaap at ililigtas ang mga banal habang gagapasin ng Kanyang mga anghel ang mundo at lilinisin ito mula sa kasalanan.”2

Sa diwa ng pag-asa at kagalakan sinabi ni Pangulong Smith: “Ang mga ulap ng kamalian na bumalot sa Sangkakristiyanuhan sa loob ng mga panahon ng mga maling palagay at pagtatalu-talo ay nahahawi na, at ang malaking pag-asa ay unti-unti nang nasisilayan tungo sa mabilis na pagdating ng dakilang Milenyo na ibinadya ng lahat ng binigyang-inspirasyon na mga propeta noong nakalipas na panahon. Binabati namin ang buong daigdig sa liwanag at kaluwalhatian ng pagbubukang-liwayway ng araw ng milenyo, at ang pagkalat ng mga sinag nito sa buong mundo.”3

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ibinadya ng mga propeta ng Diyos ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ni Cristo.

Tungkol sa … paghatol ng Diyos na malapit nang ibuhos sa lahat ng bansa, kung ang mga tao ay … makababasa ng mga pagbabadya ng mga propeta tungkol sa mga ito, lalo na ang mga tinukoy ng anghel na si Moroni, noong nakikipag-usap siya kay Propetang Joseph Smith, sa pagbubukas ng dispensasyong ito, sa palagay ko ay labis silang masisiyahan at makukumbinsi, kung sila ay may pananampalataya man lamang, na ang pagdating ng mga paghatol na ito ay mga bagay na hindi lamang pala-palagay o haka-haka, ni hindi rin ito mga nakaugalian na ipinasa-pasa mula pa noong mga sinaunang panahon, subalit ang mga ito ay pawang mga katotohanan, o hindi na magtatagal ay tatapusin na ng Diyos ang kanyang hangarin laban sa masasama at hindi maka-Diyos sa daigdig. Sapagkat hindi lamang ipinahayag ng mga propeta at ng mga taong binigyang-inspirasyon ang mga bagay na ito, subalit ipinahayag ang mga ito ng tinig ng Panginoon at ng mga banal na sugo na ipinadala mula sa kinaroroonan ng Diyos, kapwa sa makabago at sinaunang mga panahon.

Bumanggit ang Anghel na si Moroni, na dumalaw kay Joseph Smith noong ika-21 ng Setyembre, 1823, sa Banal na mga Kasulatan hinggil sa mga paghatol na ito, at ipinahayag na ang mga pagbabadya ng mga propeta ay hindi pa nagaganap, ngunit ang mga ito ay matutupad sa dispensasyong ito, at ang pagsisimula ay nalalapit na, maging nasa mga pintuan na. Sa mga sipingbanggit na ito ay nais kong tawagin ang inyong pansin kay Malakias, [ikatlong] kabanata: “Narito, aking sinusugo ang aking sugo, at siya’y maghahanda, ng daan sa harap ko,” atbp. “Ngunit sino ang makatatahan sa araw ng kaniyang pagparito? At sino ang tatayo pagka siya’y pakikita? Sapagka’t siya’y parang apoy ng mangdadalisay, at parang sabon ng mga tagapagpaputi, at siya’y mauupong gaya ng mangingintab at mangdadalisay ng pilak,” atbp. “At aking lalapitan kayo sa kahatulan; at ako’y magiging maliksing saksi laban sa mga manghuhula, at laban sa mga mangangalunya, at laban sa mga sinungaling na manunumpa, at laban doon sa nagsisipighati sa manga araw sa kaniyang mga kaupahan, sa babaing balo, at sa ulila, at sa nagliligaw sa taga ibang lupa mula sa matuwid, at hindi natatakot sa akin, sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.” [Malakias 3:1–3, 5.]

At muli, kay Malakias, ikaapat na kabanata—kung saan ang lahat ay binanggit ni Moroni— “Sapagkat, narito, ang araw ay dumarating, na nagniningas na parang hurno; at ang lahat na palalo, at ang lahat na nagsisigawa ng kasamaan ay magiging parang dayami, at ang araw na dumarating ay susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga Hukbo, na anopa’t hindi mag-iiwan sa kanila ng kahit ugat ni sanga man.” [Malakias 4:1.] Muli, binanggit ni Moroni ang ika-11 kabanata ng Isaias, kung saan ang mga salitang ito ay may kaugnayan sa paksang ito: “Kundi hahatol siya ng katuwiran sa dukha, at sasaway na may karampatan dahil sa mga maamo sa lupa: at sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kaniyang bibig, at ng hinga ng kaniyang mga labi ay kaniyang papatayin ang masama.” [Isaias 11:4.]

Muli, sa Mga Gawa, ikatlong kabanata, ika-22 at 23 mga talata—binanggit ni Moroni habang sila ay nagbabasa sa Bagong Tipan—“Ang panginoong Dios ay magtitindig sa inyo ng isang propeta.… Siya ang inyong pakinggan sa lahat ng mga bagay na sa inyo’y sasalitain niya, at mangyayari, na ang bawa’t kaluluwa na hindi makinig sa propetang yaon, ay pupuksaing lubos mula sa gitna ng bayan.” Ito ay talagang mabigat na salita, at napakalinaw. Ipinahayag ni Moroni na ang propetang ito ay si Cristo sa kanyang ikalawang pagparito; na ang banal na kasulatang ito ay hindi pa natupad, kundi ito ay malapit nang matupad sa literal na pagparito ng Anak ng Tao upang maghari sa lupa at upang hatulan ang daigdig. Bumanggit din si Moroni sa Joel, ikalawang kabanata, ika-28 hanggang 32 na mga talata, ipinahahayag na ang banal na kasulatang ito ay malapit na ring matupad: “At ako’y magpapakita ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa, dugo, at apoy, at mga haliging usok, atbp. At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas, sapagka’t sa Bundok ng Sion at sa Jerusalem doroon yaong nangakatanan, gaya ng sinabi ng Panginoon, at sa nangalabi ay yaong mga tinatawag ng Panginoon.” [Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:36–41.]

Ngayon, sa tingin ko ay walang maganda o mahalagang bagay ang nawala sa napakahalagang paksang ito dala ng patunay na hindi tayo umaasa lamang sa mga tradisyon ng ating mga ninuno ni sa mga salitang naisulat lamang, ni sa anumang walang-katiyakang pamamaraan upang mabigyang-linaw ang mga hulang ito, subalit dapat na mapukaw ang ating interes mula sa katotohanan na isang anghel mula sa langit, isang tunay na sugo na nagbuhat sa kinaroroonan ng Diyos, ang muling bumanggit ng mga hulang ito mismo sa tao sa mundo sa salinlahing ito.

Ang ilan sa mga talatang ito sa banal na mga kasulatan na binanggit ng anghel ay inakalang natupad na sa panahon ng mga sinaunang apostol. Kaya nga ang daigdig ay mangmang hinggil sa mga bagay na ito. Ang lahat ng pag-aalinlangan sa paksang ito sa ngayon, gayunman, ay naglaho, at ang katotohanan ay naging malinaw sa lahat. Sapagkat ipinahayag ni Moroni kay Joseph Smith na ang banal na mga kasulatang ito ay hindi pa natutupad, subalit ang takdang sandali ay darating na kung saan ang mga ito ay matutupad na, maging ang kaliit-liitan, at ang pagparito ni Cristo, ang pagbibigay ng hatol, at ang pagsisimula ng huling paghahari ng kapayapaan na tinutukoy rito, ay dapat na maganap na lahat sa dispensasyong ito. Ang kapangyarihan ng masasamang bansa ng daigdig ay maglalaho. Ang mga trono ng kapangyarihan ay mayayanig, at ang mga kaharian ay babagsak, habang ang Sion ay babangon at magniningning, at isusuot ang kanyang magagarang damit, at madaramitan ng kapangyarihan, karunungan, kamahalan at pamamahala sa ibabaw ng lupa. Ang Babilonya ay babagsak upang hindi na muling bumangon.4

Ang mabubuti ay tatalima sa mga palatandaan at ihahanda ang kanilang mga sarili sa pagparito ng Tagapagligtas.

Ang mga pagputok ng bulkan, lindol at napakalalaking alon (tidal wave) na naganap … ay mga tanda na ipinahayag ng Tagapagligtas na nagsisilbing babala sa kanyang ikalawang pagparito, bagama’t sinabi niya na ang kanyang pagparito ay tulad ng isang magnanakaw sa gabi, nagbibigay pa rin siya ng mga tiyak na tanda na magpapahiwatig ng kanyang tiyak na pagparito tulad ng pag-usbong ng mga puno sa pagsapit ng tag-araw. Ang matatalino at mapaghanda ay tatalima sa babala at ihahanda ang kanilang mga sarili upang hindi sila datnan nang walang kamalay-malay. Ang hindi maituturing na hindi gaanong mahalaga sa mga tanda ng panahon ay ito, na ang ebanghelyo ay ipinangangaral sa mga dukha bilang saksi sa lahat ng bansa.5

Ang mga Banal sa mga Huling Araw … ay naniniwala sa mga pahayag ng mga Banal na Kasulatan, na ang mga kalamidad ay darating sa mga bansa bilang mga tanda ng pagparito ni Cristo na dala ang paghatol. Naniniwala sila na ang Diyos ang nakapangyayari sa apoy, sa lindol, sa napakalalaking alon, sa pagputok ng bulkan at sa unos. Siya ay kanilang kinikilala bilang Guro at Hari ng kalikasan at ng kanyang mga batas, at malaya siyang kinikilala sa lahat ng bagay. Naniniwala kami na ang kanyang mga paghatol ay ibinubuhos upang mapaalaala sa sangkatauhan ang taglay niyang kapangyarihan at ang kanyang mga layunin, upang sila ay magsisi ng kanilang mga kasalanan at ihanda ang kanilang mga sarili sa ikalawang pagparito ni Cristo upang maghari sa kabutihan sa ibabaw ng lupa.

Matibay ang aming paniniwla na ang Sion—ang may dalisay na puso—ay makatatakas kung kanyang tutuparin ang lahat ng bagay na ipinag-uutos ng Diyos; subalit, sa kabilang pangyayari, kahit na ang Sion ay dadalawin “nang may matinding pagpapahirap, ng peste, ng salot, ng espada, ng paghihiganti, ng mapanglamong apoy” (Doktrina at mga Tipan 97:26). Ang lahat ng ito ay upang maturuan ang kanyang mga tao na lumakad sa liwanag ng katotohanan at sa pamamaraan ng Diyos ng kanilang kaligtasan.

Naniniwala kami na ang matitindi at natural na mga kalamidad na ito ay ipinadadala ng Panginoon sa mga tao para sa kabutihan ng kanyang mga anak, upang muli silang makapagpakita ng pagmamalasakit sa iba, at upang maging mas mabubuti sila, upang siya ay mahalin at paglingkuran nila. Naniniwala kami, bilang karagdagan, na sila ang mga tagapagbalita at sagisag ng kanyang huling paghuhukom, at ang mga tagapagturo upang turuan ang mga tao na ihanda ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay para sa pagparito ng Tagapagligtas upang maghari sa ibabaw ng lupa, kung saan ang bawat tuhod ay magsisiluhod, at ang bawat dila ay magtatapat na si Jesus ang Cristo.

Kung ang mga aral na ito ay titimo sa atin at sa mga tao sa ating bansa, ang pighati, at ang pagkawala ng buhay at paghihirap, kalungkutan, malaki man at nakapangingilabot ang mga ito, ay hindi mapagtitiisan nang gayon na lamang.6

Ako … ay nagpapatooo, na maliban na ipamuhay ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang relihiyon, tuparin ang kanilang mga tipan sa Diyos at sa kanilang mga kapatid, igalang ang pagkasaserdoteng kanilang tinataglay, at matapat na sikaping maipasailalim ang kanilang sarili sa mga batas ng Diyos, sila ang kauna-unahang haharap sa mga paghatol ng Pinakamakapangyarihan, sapagka’t ang kanyang mga paghatol ay mag-uumpisa sa kanyang sariling bahay.

Dahil dito, sila na mga nakipagtipan sa Panginoon sa pamamagitan ng pagbibinyag, at sumira sa tipang iyon, na nagsasabing sila ay mga banal at hindi naman, kundi mga makasalanan at hindi tumutupad sa mga tipan, at karamay sa mga kasalanan ng Babilonia, ay halos tiyak na, “tatanggap ng kaniyang mga salot,” sapagkat nasusulat na ang mabubuti ay bahagyang makatatakas [tingnan sa Apocalipsis 18:4; Doktrina at mga Tipan 63:34]. Ito ang aking patotoo hinggil sa mga bagay na ito. Tayo ay nanghahawakan sa salita ng Panginoon sa mga bagay na ito, at hindi sa salita ng tao, sapagkat hindi lamang ang mga anghel, kundi ang Diyos na Pinakamakapangyarihan ang nagsalita mula sa kalangitan sa sariling panahon nating ito sa mundo, at alam natin na ang kanyang salita ay totoo.

Na tayo ay maging handa bilang mga tao hindi lamang para sa paghuhukom, kundi para sa kaluwalhatian at pagparito ng ating Panginoon, upang tayo ay makatakas sa mga kalamidad na ibubuhos sa masasama, at makatanggap ng taos-pusong pagbati bilang isang matapat na tagapaglingkod, at maging karapat-dapat na tumayo sa kinaroroonan ng Panginoon sa kanyang maluwalhating kaharian, ang samo ng aking panalangin.7

Naririnig natin ang tungkol sa mapanganib na panahon. Tayo ay nasa mapanganib na panahon, subalit hindi ko nadarama ang matinding takot. Wala ako nito. Hinahangad kong mabuhay na hindi ito dumating sa akin. Hinahangad kong mabuhay na maging ligtas mula sa mga panganib sa daigdig, kung magagawa kong mamuhay nang naaayon, sa pamamagitan ng pagsunod sa ma kautusan ng Diyos at sa kanyang mga batas na inihayag para sa aking patnubay. Anuman ang mangyari sa akin, kung ako lamang ay gumaganap sa aking tungkulin, kung ako ay umaayon sa Diyos, kung ako ay karapat-dapat sa kapatiran ng mga kapatid, kung makatatayo akong walang bahid-dungis sa daigdig, nang walang-dungis, nang hindi lumalabag sa mga batas ng Diyos, mahalaga ba kung anuman ang mangyari sa akin? Ako ay laging handa, kung ako ay nasa ganitong estado ng pang-unawa at paguugali. Hindi mahalaga kung anuman ito. Samakatwid hindi ako nag-aalala sa mga bagay na hindi ko dapat alalahanin ni nakadarama ng matinding takot.

Ang kamay ng Panginoon ay nasa lahat, at kinikilala ko ang kanyang kamay sa bagay na iyon. Hindi ito makikita sa mga taong nakikipagdigmaan, hindi sa bansa na sinisikap wasakin ang ibang bansa, hindi sa mga taong nakikipagsabwatan laban sa kalayaan ng kanilang kapwa, hindi sa mga bagay na may kinalaman sa mga ito; subalit ang mga kamay ng Diyos ay hindi naging maiksi. Mapipigil niya ang mga susunod na mangyayari. Nakapangingibabaw siya sa mga ito sa paraang hindi natin kayang unawain, o hindi natin kayang matukoy, para sa tiyak na kabutihan.8

Ang pagsunod sa ebanghelyo ay maghahanda sa daigdig sa pagparito ng Tagapagligtas.

Ang pagsunod sa Ebanghelyo ay makapagliligtas sa daigdig mula sa kasalanan, makapagwawakas sa digmaan, alitan at usapin, at magsisimula sa pamamahala ng milenyo. Ipanunumbalik nito ang mundo sa tunay na may-ari nito, at ihahanda ito upang manahin ng mabubuti. Ang lahat ng mga ito ay mga alituntunin [ng] Ebanghelyo ni Cristo, at ang mga bunga na magmumula sa pagtanggap at pagsunod ng sangkatauhan sa mga ito.9

Ang ebanghelyo ay kaligtasan, at kung wala ito ay hindi na mahalaga pang magkaroon ng ibang bagay. Dumating tayo sa daigdig nang hubad at lilisanin natin ito nang hubad. Kung mapapasaatin ang kalahati ng daigdig, wala tayong mapakikinabang kung ihahambing ang pagkakaroon ng mahabang buhay rito, o pagtatamo ng buhay na walang hanggan sa kabilang buhay. Subalit itinuturo ng ebanghelyo sa mga tao kung paano maging mapagpakumbaba, matapat, tapat at matwid sa harap ng Panginoon at sa bawat isa, at katumbas ng pagsasagawa sa mga alituntunin nito ay maipaparating at maitatatag ang kapayapaan at kabutihan sa mundo, at ang kasalanan, pagtatalu-talo, pagdanak ng dugo at kabulukan ng lahat ng uri ay hindi na iiral pa, at ang mundo ay magiging dalisay at magiging angkop na tirahan ng mga makalangit na nilalang; at dito sa lugar na ito magtutungo at mananahan ang Panginoon nating Diyos, na kanyang gagawin sa panahon ng Milenyo.10

Itinuturing ito ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw … bilang bahagi ng misyon nito na ihanda ang daan para sa literal at maluwalhating pagparito ng Anak ng Diyos sa lupa, upang siyang maghari rito at makapiling ang Kanyang mga tao. Bilang bahagi ng gawaing ito ng paghahanda ang mga Banal ay naniniwala na ang Israel, sa haba ng panahon na sila ay ikinalat sa mga bansa ng daigdig, ay sama-samang titipunin at ipanunumbalik sa mga lupain na ipinangako sa kanilang mga ninuno bilang walang hanggang mana.…

… Sila na tumanggap ng Ebanghelyo sa daigdig … ay may bahagi sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos. Sila ay magiging katuwang na mga manggagawa Niya upang hindi lamang isakatuparan ang kanilang sariling kaligtasan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan, kundi ang kaligtasan ng lahat ng Israel at ng mga Gentil na tatanggap sa Ebanghelyo. Sila ang tutupad ng sinaunang mga propesiya. Nakita ni Isaias, bunga ng inspirasyon ng Diyos, ang mga ito at ang kanilang mga paggawa nang sabihin niyang: “Mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon” (Isaias 2:2—3). Sila ang binabanggit ni Jeremias nang ulitin niya ang pangako ng Diyos sa Israel na matutupad sa mga huling araw: “Kukuha ako sa inyo ng isa sa isang bayan, at dalawa sa isang angkan, at dadalhin ko kayo sa Sion, at bibigyan ko kayo ng mga pastor ayon sa aking kalooban, na kakandili sa inyo ang kaalaman at unawa” (Jeremias 3:14—15).11

Ang Panginoon … ay nag-utos ng isang utos na sinabi Niyang dapat maunawaan ng Kanyang mga tao na: Nararapat silang magsimula sa oras na yaon na manaig laban sa lahat ng kanilang mga kaaway at, kung sila ay patuloy na magiging matapat sa Kanyang mga batas na ibinigay Niya sa kanila, tinitiyak na sila ay mananaig, hanggang sa ang lahat ng mga kaaway ay malupig—hindi sa pamamagitan ng dahas o ng diwa ng pagtatalo o ng digmaan kundi nagapi ng kapangyarihan ng walang hanggang katotohanan, sa pamamagitan ng kamahalaan at kapangyarihan ng Diyos na Pinakamakapangyarihan.… Ang lumalakas na kapangyarihan ng mabubuti, at ng matwid na mga pinagtipanang tao ng Diyos ay dapat na mapalakas at maragdagan, hanggang sa yumukod ang daigdig at kilalanin na si Jesus ang Cristo, at may mga taong naghahanda para sa Kanyang muling pagparito na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian sa lupa [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 103:5–8].12

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang Simbahan na walang kinikilalang partido. Hindi ito sekta. Ito Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito lamang ang nag-iisang umiiral ngayon sa daigdig na lehitimong makapagtataglay at nagtataglay ng pangalan ni Jesucristo at ng kanyang banal na awtoridad. Ginagawa ko ang pahayag na ito nang buong kababaang-loob at katapatan sa inyong harapan at sa buong daigdig, mapait man ang katotohanan sa mga sumasalungat at sa mga walang dahilan sa ganitong uri ng pagsalungat. Gayunman ito ay totoo at mananatiling totoo hanggang sa siya na may karapatang mamuno sa mga bansa ng mundo at sa indibiduwal na mga anak ng Diyos sa lahat ng panig ng daigdig ay pumarito at humawak sa pamumuno ng gobyerno at tanggapin ang kasintahang babae na ihahanda para sa pagparito ng kasintahang lalaki.13

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Bakit mahalaga sa atin na ang mga propeta ng Diyos “sa makabago at sinaunang mga panahon” ay ibadya ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?

  • Bakit binigyan tayo ng mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito? Sino ang makatutukoy ng mga ito bilang mga palatandaan ng pagparito ng Tagapagligtas? Paano natin magagamit ang impormasyon sa ating buhay tungkol sa mga palatandaang ito?

  • Sa anong mga paraan maaaring maging “para sa kabutihan ng mga anak ng [Diyos]” ang natural na mga kalamidad? Ano ang dapat nating maging reaksiyon kapag dumating ang mga ito sa atin?

  • Ano ang dapat nating gawin upang “makatakas sa mga kalamidad na ibubuhos sa masasama”?

  • Anong mga biyaya ang maaaring dumating sa daigdig kung susundin ng mga tao ang

  • Sa anong mga paraan “nakapangingibabaw” ang Diyos sa mga bunga ng kasamaan “para sa tiyak na kabutihan”?

  • Paano malulupig ng mga Banal sa dakong huli ang lahat ng kanilang mga kaaway?

  • Bakit kapwa “dakila” at “kakila-kilabot” na araw ang Ikalawang Pagparito? (Doktrina at mga Tipan 110:16.)

  • Ano ang magagawa ng bawat isa sa atin upang makatulong na maihanda ang daigdig sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?

Mga Tala

  1. Sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latterday Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo (1965–75), 4:154.

  2. Sa Messages of the First Presidency, 3:287.

  3. Sa Messages of the First Presidency, 4:294.

  4. Sa Conference Report, Abr. 1880, 95–96; idinagdag ang pagtatalata.

  5. Sa Messages of the First Presidency, 4:132.

  6. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 55.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1880, 96.

  8. Gospel Doctrine, 89.

  9. Deseret News: Semi-Weekly, ika-19 ng Peb. 1878, 1.

  10. Gospel Doctrine, 84–85.

  11. “President Joseph F. Smith on ‘Mormonism,’” Millennial Star, ika-19 ng Hunyo, 1902, 385–86.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1902, 2.

  13. Gospel Doctrine, 137.

the Second Coming

Ang Ikalawang Pagparito, ni Harry Anderson. Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na ang Tagapagligtas na si Jesucristo ay muling paparito sa lupa taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.