Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 2: Isang Personal na Patotoo kay Propetang Joseph Smith


Kabanata 2

Isang Personal na Patotoo kay Propetang Joseph Smith

Pinili ng Diyos ang Propetang Joseph Smith upang ipanumbalik ang kabuuan ng ebanghelyo sa mundo.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Sa kanyang kabataan, nakatanggap ng patotoo si Joseph F. Smith na ang Propetang Joseph Smith ay pinili upang ipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo sa huling dispensasyong ito. Ilang taon na ang lumipas, naalaala ni Pangulong Smith: “Bata pa lamang ako, kilala ko na ang Propetang Joseph Smith. Bata pa lamang ako, nakinig na ako sa pangangaral niya ng ebanghelyo na ipinagkatiwala sa kanya upang ipalaganap at pangalagaan. Bata pa lamang ako kilala na ako ng mga tao sa kanyang tahanan, katulad ng pagkakakilala sa akin ng mga tao sa sariling tahanan ng aking ama. Napanatili ko ang patotoo ng Espiritu na tumimo sa akin, bata pa lamang ako at nakatanggap ako sa aking may pagkabanal na ina ng matibay na paniniwala na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos; na siya lamang ang namumukod-tanging binigyang-inspirasyon sa lahat ng kalalakihan sa kanyang henerasyon o sa mga nagdaang siglo; na siya ang pinili ng Diyos upang itatag ang mga saligan ng Kaharian ng Diyos.”1

Habang naglilingkod bilang Pangulo, binigyang-karapatan ni Joseph F. Smith ang pagbili ng mga lugar na mahalaga sa buhay ng Propetang Joseph Smith at sa pag-unlad ng Simbahan, kabilang dito ang lugar sa Sharon, Vermont kung saan ipinanganak ang Propeta; ang piitan sa Carthage, Illinois; at ang sakahan ni Joseph Smith, Sr. sa Manchester, New York.

Ang sabi ni Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa gawain ng Propeta: “Nagpapatotoo ako sa inyo at sa sanlibutan, na si Joseph Smith ay ibinangon ng kapangyarihan ng Diyos upang ilatag ang mga saligan ng dakilang gawain ng huling araw, upang ihayag ang kabuuan ng ebanghelyo sa sanlibutan sa dispensasyong ito, upang ipanumbalik ang Pagkasaserdote ng Diyos sa daigdig, na sa pamamagitan nito ay makakikilos ang mga kalalakihan sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, at ito ay tatanggapin ng Diyos; at ito ay gagawin sa pamamagitan ng kanyang karapatan. Pinatototohanan ko ito; alam ko na totoo ito.”2

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ang Propetang Joseph Smith ang piniling instrumento ng Diyos upang ipanumbalik ang ebanghelyo ng kaligtasan.

Si Joseph Smith ang piniling instrumento ng Diyos at pinagkalooban ng kanyang karapatan upang ipanumbalik ang banal na Pagkasaserdote, ang kapangyarihan ng Diyos na magbuklod sa lupa at sa langit, ang kapangyarihan ng Pagkasaserdote kung saan maisasagawa ng mga kalalakihan ang mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ni Joseph Smith naipanumbalik ang ebanghelyo ng pagsisisi, pagbibinyag sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ang pagbibinyag ng Espiritu Santo at ng apoy, at ang kaalaman na si Jesus ang Cristo, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ay ipinaaalam sa pamamagitan ng espiritu ng katotohanan. Tayo ay may utang na loob sa mapagkumbabang tagapaglingkod na ito na pinili ng Panginoon upang ilatag ang saligan ng gawaing ito para sa mga ordenansa ng ebanghelyo ng Anak ng Diyos, na noon at hanggang sa ngayon ay hindi pa nalalaman ng sanlibutan, na sa pamamagitan nito ay maaari tayong magsama-sama bilang mga pamilya, angkan, sa ilalim ng mga pagbibigkis ng bago at walang hanggang tipan, sa panahon at sa lahat ng kawalang-hanggan.

Tayo ay may utang na loob sa Propetang Joseph Smith, na siyang instrumento sa kamay ng Panginoon, dahil sa kaalamang natamo natin hinggil sa gawaing mahalagang maisagawa sa bahay ng Diyos, para sa kaligtasan ng mga buhay at katubusan ng mga patay, at para sa walang hanggang pagsasama ng mga kaluluwang pinagsama sa buhay na ito ng kapangyarihan ng Diyos, sa ilalim ng pagbibigkis ng walang hanggang tipan. Tayo ay may pagkakautang o may utang na loob kahit papaano sa Propetang Joseph Smith, bilang instrumento sa kamay ng Diyos, sa kaalamang natamo natin ngayon na ang tao ay di magkakaroon ng kadakilaan sa kinaroroonan ng Diyos at ganap na pagtamasa ng kanyang kaluwalhatian nang nag-iisa. Hindi itinalaga ang lalaki na mag-isa, sapagkat ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae sa Panginoon.3

Buhay ang Diyos, at si Jesus ang siyang Cristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Si Joseph Smith ay propeta ng Diyos—buhay at hindi patay; dahil ang kanyang pangalan ay hindi maglalaho. Ang anghel na dumalaw sa kanya at nagpahayag ng mensahe ng Diyos sa kanya ay nagsabing ang kanyang pangalan ay makikilala sa kabutihan at kasamaan sa buong daigdig [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33]. Ginawa ang pagbabadyang ito sa panahon ng kanyang kabataan, bago naitatag ang Simbahan at bago magkaroon ng anumang pag-asam sa mga yaon, na naisagawa na mula noon. Ang pagpapahayag ay nasabi na, sa kabila ng tila noon ay imposibleng-imposible itong mangyari; subalit mula sa araw na sinabi ito hanggang sa araw na ito, at mula ngayon hanggang sa mga huling araw ng mundo, ang pangalan ni Joseph Smith, ang propeta ng ikalabing-siyam na siglo, ay ipinahayag, ipinahahayag, at ipahahayag sa lahat ng bansa ng mundo at babanggitin sa pagpuri o paglapastangan ng mga tao sa daigdig … ; sapagkat ginawa at ginagawa niya ang gawain ng Panginoon. Inilatag niya ang mga saligan sa dispensasyong ito para sa pagpapanumbalik ng mga alituntunin na itinuro ng Anak ng Diyos; na dahil sa alintuntuning ito ay nabuhay, nagturo, at namatay at bumangon mula sa mga patay.4

Kung saan [ang pangalan ni Joseph Smith] ay binabanggit sa kabutihan, ito ay nanggagaling sa mga yaong nagkaroon ng pribilehiyo na mapakinggan ang ebanghelyo na dumating sa mundo sa pamamagitan niya, at may mga hustong katapatan at kababaang-loob upang tanggapin ang ebanghelyo. Sila ay nagsasalita ng tungkol sa kanya nang may kaalaman na kanilang natanggap sa pamamagitan ng inspirasyon ng Banal na Espiritu, sa pamamagitan ng pagsunod nila sa mga alituntunin na kanyang itinuro, bilang isang propeta at bilang isang taong binigyan ng inspirasyon. Pinupuri nila siya, pinararangalan nila siya, at binabanggit ang kanyang pangalan sa dakilang pag-alaala. Siya ay iginagalang at minamahal nila nang higit kaninuman, dahil nalalaman nila na siya ang piniling instrumento sa mga kamay ng Pinakamakapangyarihan sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo ng buhay at ng kaligtasan sa kanila, ng pagbubukas ng kanilang mga pang-unawa sa hinaharap, ng pag-aalis ng tabing ng kawalanghanggan, na maaaring sabihing mula sa kanilang mga mata. Nalalaman ng mga yaong tumanggap ng mga alituntuning ipinahayag niya, na ang mga ito ay hindi lamang para sa sarili nilang kaligtasan, kaligayahan at kapayapaan, espirituwal at temporal, subalit para rin sa kapakanan, kaligayahan, kaligtasan at kadakilaan ng kanilang angkan na namatay nang hindi pa nalalaman ang katotohanan.

Ang gawaing ginampanan ni Joseph Smith ay hindi lamang para sa buhay na ito, subalit ito rin ay nauugnay sa buhay na darating pa lamang, at sa buhay na natapos na. Sa madaling salita ito ay nauugnay sa mga taong nabuhay noon, sa mga taong nabubuhay sa kasalukuyan at sa mga yaong mabubuhay pa sa paglisan natin sa mundong ito. Hindi ito isang bagay na may kaugnayan lamang sa tao habang siya ay nabubuhay sa mundo at may katawang mortal, subalit para sa mag-anak ng buong sangkatauhan mula sa kawalang-hanggan patungo sa kawalang hanggan. At hindi lamang ito para sa isang nayon ni sa isang estado, ni sa isang bansa, subalit ipinaaabot ito sa bawat bansa, lahi, wika at tao.5

Para sa akin, tunay at lubhang nakapagtataka na labis ang kasamaang ipinakikita ng sanlibutan laban kay Joseph Smith. Naging matuwid siya sa lahat ng tao. Saksi ako sa pangyayaring iyon, dahil alam ko ang naging buhay niya. Nakita ko siya nang harapan at nabasa ko ang kanyang mga sinabi! Nabasa ko ang mga paghahayag na ibinigay ng Panginoon sa kanya. Pamilyar ako sa kanyang gawain, at alam ko na naging makatwiran siya sa lahat ng nabubuhay na kaluluwa. Hindi niya pininsala ang kanyang kapwa, subalit gumawa siya nang labis upang madakila sila. At gayon pa man, ang nakapagtatakang bahagi niyon ay na ang mga taong walang nalalaman tungkol sa kanya ay nagkaroon ng pinakamapait, mapaghiganti at masasamang damdamin na maaaring madama ng mga tao sa kanya. Tinanong ko ang aking sarili, Bakit ganito? Hindi ganoon ang dapat na madama ng mga tao, sa pangkalahatan, sa mga mapagbalatkayo, o sa tagapagsulong ng bago, mga samahang panrelihiyon na ginawa lamang ng tao. Subalit, nakagugulat sabihin, nang mabanggit ang pangalan ng Propetang Joseph Smith, muntik na silang magsiklab sa galit! Samantalang, gayunman, ito ay kakaiba sa likas na pamantayan, ito’y alinsunod lamang sa pangakong ibinigay sa kanya sa simula pa lang ng isa sa mga makalangit na sugo na ipinadala upang tagubilinan siya.…

… Ang saligan ng gawain na inilatag sa pamamagitan ng Propetang Joseph Smith ay inilatag sa walang hanggang katotohanan. Hindi ito mapababagsak. Katulad ito ng isang bahay na itinayo sa ibabaw ng bato. Maaaring hagupitin ito ng mga bagyo, lumagpak ang ulan, bumaha, at humihip ang mga hangin, mapukaw sa galit ang mga puso ng tao at usigin ito; subalit ito ay kasingtatag ng mga walang hanggang burol, sapagkat itinayo ito sa katotohanan [tingnan sa Mateo 7:24–25]. Katapatan, kabaitan, kalinisan ng buhay, pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli, pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, ang mga pangunahing alituntunin ng ating paniniwala. Alam nating ang doktrina ay totoo.6

Ang Unang Pangitain ni Joseph Smith ang pinakadakilang pangyayaring naganap simula sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.

Ang pinakadakilang pangyayaring naganap sa daigdig, simula sa Pagkabuhay na mag-uli ng Anak ng Diyos mula sa libingan at pag-akyat niya sa langit, ay ang pagpapakita ng Ama at ng Anak sa batang si Joseph Smith, upang ihanda ang daan sa paglalatag ng saligan ng kanyang kaharian—hindi kaharian ng tao—na kailanman ay hindi na mapipigilan ni maibabagsak pa. Nang tanggapin ko ang katotohanang ito, nalaman ko na madali pa lang tanggapin ang iba pang katotothanan na kanyang sinabi at ipinahayag.… Hindi siya kailanman nagturo ng doktrinang hindi totoo. Hindi niya kailanman isinagawa ang doktrina na hindi iniutos sa kanya na isagawa. Hindi niya kailanman itinaguyod ang kamalian. Hindi siya nalinlang. Nakita niya; narinig niya; ginawa niya ang iniutos sa kanyang gawin; at, samakatuwid, ang Diyos ang may pananagutan sa mga gawaing nagawa sa pamamagitan ni Joseph Smith—hindi si Joseph Smith. Ang Panginoon ang may pananagutan dito, at hindi ang tao.7

Sa tagsibol ng 1920, nakatanggap [si Joseph Smith] ng unang di-maipaliwanag na pangyayari o makalangit na pagpapakita. Labing-apat na gulang lamang siya noon. Pangkaraniwan nang hindi tayo umaasa ng isang napakalaking bagay sa isang labingapat na gulang na bata, at di-marapat sabihin na ang isang batang lalaki na may murang edad ay maging napakamabisyo o masama, lalo na kung siya ay ipinanganak at pinalaki sa nayon, malayo sa masasamang bisyo ng malalaking lungsod at malayo sa pakikipag-ugnayan ng nakasisirang impluwensiya ng masasamang asosasyon. Di-marapat sabihin na ginugol niya sa katamaran ang maraming oras sa panahong nagsisimula na siyang magtrabaho, hanggang sa gulang na labing-apat; sapagkat ang kanyang ama ay kailangang gumawa para sa kanyang ikabubuhay at kumita mula sa pagbubungkal ng lupa sa pamamagitan ng paggawa ng sarili niyang mga kamay, bilang isang mahirap na tao, na may malaking pamilyang itinataguyod.8

Hinggil sa espirituwal na pagpapakita sa kanya, may kadahilanan ba na ipalagay na nagkaroon ng binalak na panlilinlang sa panig ng bata, at lalo na sa batang katulad niya, sa kanyang simpleng pahayag ng kung ano ang nakita at narinig niya? Wala; ni sa sagot na ibinigay ng makalangit na sugo sa kanya, na ipinalalagay na kinatha sa sariling isipan lamang ng bata. Ang patotoo ni Joseph Smith hinggil sa makalangit na pagpapakita sa kanya, sa mga huling panahon ng kanyang buhay, ay kasing simple, deretso, payak at tunay, katulad ng kanyang patotoo noong siya’y bata pa; ang katapatan, katapangan at pagmamahal na naitanim sa kanya at ang katangian ng kanyang buhay sa pagkabata ay hindi natinag ni nabago sa kanyang pagtanda. Nanggagaling ang kanyang karunungan sa mga paghahayag ng Diyos sa kanya.9

Sinasabi ng ating mga kritiko na ilusyon lamang ang nakita ng Propetang Joseph Smith, subalit hindi gayon ang kanyang sinabi. Sinabi niya na ang mga personaheng nagpakita sa kanya ay tunay na mga tao.… Napasaatin ang ulat ng kapanganakan, buhay at gawain ni Cristo, at wala sa mga ulat na ito ang makapagpapaniwala sa atin kaagad kaysa sa kuwentong iyon ng Propetang Joseph Smith. Lumakad at nakipag-usap at nagpayo si Cristo sa kanyang mga kaibigan nang siya’y bumaba mula sa langit mahigit 1900 taon na ang nakalipas. Mayroon bang dahilan kung bakit hindi siya makapaparitong muli, kung bakit hindi niya madadalaw minsan pa ang mundo at makipag-usap sa mga tao ngayon? Kung mayroon ngang dahilan, handa akong pakinggan ito. Nais kong itanim sa inyong isipan na ang Diyos ay totoo, may katawang may laman at mga buto, katulad rin ng sa iyo at sa akin. Ganoon din si Cristo, subalit ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu.10

Isinalin ng Propetang Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.

Nang [si Joseph Smith] ay nasa pagitan ng edad 17 at 18, nakatanggap siya ng isang makalangit na pagpapakita, at ilang dakila at mga maluwalhating bagay ang inihayag sa kanya, at sa loob ng apat na taon pagkatapos ng panahong iyon, nakatanggap siya ng mga pagdalaw mula sa isang makalangit na sugo.… Ang personaheng ito, ang sabi niya, ay inihayag sa kanya ang isipan at kalooban ng Panginoon, at ipinakita sa kanya ang mahahalagang katangian ng dakilang gawain na siya, sa mga kamay ng Diyos ay magiging instrumento sa pagtatatag sa mundo kapag dumating na ang takdang panahon. Ito ang gawaing isinagawa ng anghel na si Moroni, sa loob ng apat na taon sa pagitan ng 1823 at 1827. Noong 1827 natanggap niya mula sa mga kamay ng anghel na si Moroni ang mga laminang ginto kung saan nagmula ang aklat na ito (Ang Aklat ni Mormon) na isinalin niya sa pamamagitan ng inspirasyon ng Pinakamakapangyarihan, at ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos na ibinigay sa kanya.…

Nagkaroon ba ng pagkakataon si Joseph Smith na maging masama o tiwali sa loob ng tatlong taon sa pagitan ng 1827 at 1830, habang gumagawa siya sa pamamagitan ng kanyang mga kamay para sa kanilang kaunting ikabubuhay, umiiwas sa kanyang mga kaaway at sinusubukang tumakas sa mga taong nagnanais na wasakin siya at hadlangan ang pagsasakatuparan ng kanyang misyon, patuloy na nakikipaglaban sa napakaraming hadlang at sa mga nakapanghihinang paghamak upang mabuo ang pagsasalin ng aklat na ito? Sa aking palagay, hindi siya nagkaroon ng pagkakataon. Nang matapos niya ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, isa pa rin siyang bata, subalit sa paggawa ng aklat na ito, nakagawa siya ng mga katotohanan hinggil sa kasaysayan, propesiya, paghahayag, pagbabadya, patotoo at doktrina, kautusan at alituntunin na napakalaki para sa kapangyarihan at karunungan ng mga marurunong o nakapag-aral ng daigdig upang gayahin o pabulaanan. Si Joseph Smith ay hindi nakapag-aral sa kanyang kabataan, kung pag-uusapan ang pag-aaral dito sa daigdig. Tinuruan siya ng anghel na si Moroni. Natanggap niya ang edukasyon mula sa itaas, mula sa Pinakamakapangyarihang Diyos, at hindi mula sa mga institusyong ginawa lamang ng tao; subalit ang paratangan siyang mangmang ay di makatwiran at di-wasto; walang tao o pagsasama-sama ng mga taong mas may katalinuhan kaysa kanya ni ang pinagsamang karunungan at katusuhan ng mga taong nabubuhay sa panahon ni Joseph Smith, ang makagagawa ng katulad sa ginawa niya. Hindi siya mangmang sapagkat siya ay tinuruan niya, na kung kanino nagmumula ang lahat ng katalinuhan. Nakamtan niya ang kaalaman tungkol sa Diyos at sa kanyang batas, at sa kawalang-hanggan.11

Isinalin ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, ng isang batang lalaki; hindi ng isang marunong na tao, ng isang taong nakapag-aral, subalit ng isang hindi nakapag-aral, walang karanasan, inosenteng bata! At ang batang iyon na hindi nakapag-aral, walang karanasan at inosente ay walang iba kundi si Joseph Smith. Wala siyang karunungan, talino, ni kasanayan sa kanyang sarili upang isalin sa wikang Ingles ang mga nakaukit sa mga lamina na itinago ng mga sinaunang nanirahan sa lupalop ng Amerika. Hindi niya kailanman inangkin na naisinalin niya ang mga yaon ng kanyang sariling karunungan. Sa kabilang dako, palagi niyang sinasabi na nagawa niya ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos na nasa sa kanya.12

Ang Propeta ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng sangkatauhan, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito sa daigdig.

[Si Joseph Smith] ang nagbukas ng komunikasyon sa kalangitan sa kanyang kabataan. Inilabas niya ang Aklat ni Mormon na naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo; at ang mga pahayag na nasa aklat ng Doktrina at mga Tipan; ipinanumbalik ang banal na Pagkasaserdote sa tao; itinayo at itinatag ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, isang organisasyon na walang katulad o kaparis sa buong daigdig, at kung saan ang lahat ng kaalaman at karunungan ng mga tao nang mahabang panahon ay nabigong tuklasin o makagawa at hindi kailanman nakagawa. Itinatag niya ang mga kolonya sa mga estado ng New York, Ohio, Missouri at Illinois, at itinuro ang daan para sa pagtitipon ng mga Banal sa Rocky Mountains; ipinadala ang ebanghelyo sa Europa at sa mga isla na nasa Dagat Pasipiko; itinatag ang bayan ng Kirtland, Ohio, at doon nagtayo ng isang templo na nagkakahalaga ng maraming libong dolyar; itinatag niya ang lungsod ng Nauvoo sa gitna ng pag-uusig; tinipon sa Nauvoo at sa kalapit purok ang mga 20,000 tao, at pinasimulan ang pagtatayo ng templo roon, na nang matapos ay nagkakahalaga na ng isang milyong dolyar; at sa paggawa niya ng lahat ng ito ay kailangan niyang mapaglabanan ang pamiminsala sa kanyang panahon, matinding pag-uusig na pinamumunuan ng isang pangkat ng mandurumog, masasamang paratang at paninira, na ibinunton sa kanya nang walang pasubali ng marami at ibat ibang tao o grupo ng mga tao. Nakagawa siya nang higit pa maliban lamang kay Jesus mula sa kanyang ikalabing-apat hanggang sa ika-dalawampung taon para sa kaligtasan ng tao kaysa sa sinumang tao na nabuhay sa daigdig [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 135:3], at magkagayon pa man, pinararatangan pa rin siya ng kanyang mga kaaway na isang taong tamad at walang pakinabang!

Saan tayo maaaring pumunta upang makahanap ng isang tao na makagagawa ng ika-isang libong bahagi ng nagawa ni Joseph Smith? … Walang sinumang tao sa ikalabing siyam na siglo, maliban kay Joseph Smith, ang naghayag sa sanlibutan ng isang sinag ng liwanag tungkol sa mga susi at kapangyarihan ng banal na pagkasaserdote o mga ordenansa ng ebanghelyo, sa buhay man o sa patay. Sa pamamagitan ni Joseph Smith, naghayag ang Diyos ng maraming bagay na itinago mula pa sa pagkakatatag ng daigdig patungo sa katuparan ng mga salitang sinabi ng mga propeta.… At ito ay sa mahigpit na pagtatago ng mga bagay at katangian ng dakilang gawaing ito sa huling araw, na nakatalaga na upang gawin ang mga dakilang layunin at plano ng Diyos hinggil sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon.13

Si Joseph ang Propeta ay naging instrumento, sa pangangalaga ng Diyos, upang ipanumbalik ang matagal ng katotohanan ng walang katapusang ebanghelyo ni Jesucristo, ang plano ng kaligtasan, na mas matanda pa kaysa sa mga lahi ng mga tao. Tunay nga na ang kanyang mga turo ay bago sa mga tao ng kanyang panahon dahil tumalikod sila mula sa katotohanan—subalit ang mga alituntunin ng ebanghelyo ang pinakamatandang katotohanan na umiiral. Ang mga ito ay bago sa henerasyon ni Joseph, katulad din nang ito’y ibinahagi sa atin, sapagkat ang mga tao ay nangaligaw, nangaiwang walang patnubay o direksyon, napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabi-kabila ng lahat ng hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao—na tinatawag na pagiging makabago, naniniwala sa pagbabago-bago at sa mga bagong ideya. Ginawa nitong tagapanumbalik ang Propetang Joseph, hindi tagawasak ng matatagal ng katotohanan. At hindi ito nakapagbibigay-katwiran sa atin sa pagwawalang-halaga sa simple, mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo at maniwala sa mga makabagong uso at opinyon tungkol sa doktrina.14

Ipinahahayag ko sa inyo nang buong katapatan at buong kataimtiman ng kaluluwa, na buong puso akong naniniwala sa banal na misyon ni Joseph Smith, ang Propeta, na naniniwala ako, sa bawat himaymay ng aking pagkatao na ibinangon siya ng Diyos upang ipanumbalik sa mundo ang ebanghelyo ni Cristo, na siyang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya. Nagpapatotoo ako sa inyo na si Joseph Smith ay naging instrumento sa kamay ng Panginoon sa pagpapanumbalik ng katotohanan sa daigdig, at gayon din sa banal na pagkasaserdote na kanyang karapatan at kapangyarihang ibinigay sa mga kalalakihan. Alam kong totoo ito, at pinatotohanan ko ito sa inyo. Para sa akin ito ang lahat-lahat; ito ang aking buhay; ito ang aking pagasa at ang aking kagalakan; nagbibigay ito sa akin ng natatanging katiyakan para sa kadakilaan, sa pagkabuhay kong mag-uli mula sa kamatayan, kasama ang yaong aking mga inibig at minahal sa buhay na ito, at kung kanino nakisalamuha ako sa daigdig na ito—mga taong mararangal, dalisay, mapagpakumbaba, na mga masunurin sa Diyos at sa kanyang mga kautusan, hindi ikinahihiya ang ebanghelyo ni Cristo, ni ang kanilang paniniwala o kaalaman sa katotohanan ng ebanghelyo; mga taong nilikha na may gayon ding katangian katulad ng mga martir na handa sa anumang oras upang ibigay ang kanilang mga buhay alang-alang kay Cristo, at sa ebanghelyo kung kinakailangan, na tinanggap nila nang may patotoo ng Banal na Espiritu sa kanilang mga puso. Nais kong makasamang muli ang mga taong ito kapag natapos ko na ang aking layunin dito sa mundo. Kapag natapos na ang misyon ko rito, umaasa ako na patutungo ako sa daigdig ng mga espiritu kung saan sila naroroon, at nang makasama silang muli. Ang ebanghelyong ito ng Diyos ang nagbibigay sa akin ng pag-asa na mangyari ito at sa katuparan ng aking hangarin sa bahaging ito. Itinutuon ko ang lahat sa ebanghelyong ito, at hindi ko ito ginawa nang walang kabuluhan. Alam ko kung kanino ako magtitiwala. alam ko na buhay ang aking Manunubos, at siya’y tatayo sa lupa sa mga kahuli-hulihan.15

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Sa paanong paraan naging instrumento sa kamay ng Panginoon “Ang Propetang Joseph Smith? Sa paanong paraan kayo nabiyayaan ng mga bagay na inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ng Propetang Joseph Smith?

  • Bakit mahalagang magkaroon ng patotoo na si Joseph Smith ang propeta ng Diyos sa dispensasyong ito?

  • Anong mahahalagang katotohanan ang natutuhan ni Joseph Smith mula sa Unang Pangitain? Ano ang mahahalagang katotohanan ang natutuhan ninyo sa unang pangitain? Paanong ang pagtanggap sa Unang Pangitain ay isang pundasyon sa pagtanggap ng iba pang katotohanan ng ebanghelyo?

  • Bakit mahalagang malaman na ang Aklat ni Mormon ay “isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos”?

  • Ano ang ilang mga paraan kung saan gumawa nang higit pa ang Propetang Joseph Smith “para sa kaligtasan ng tao kaysa sa sinumang tao, maliban lamang kay Jesus”?

  • Bakit mahalagang malaman na ang Propetang Joseph Smith ay “tagapanumbalik hindi tagapagwasak, ng matatagal ng katotohanan”?

  • Paano kayo napalalakas ng inyong pakikisalamuha sa mga kalalakihan, kababaihan, o mga bata na may mga matitibay na patotoo at hindi “ikinahihiya ang ebanghelyo ni Cristo”? Paano natin mapalalakas ang iba ng ating mga patotoo?

  • Ano ang labis na nakapagpahanga sa inyo sa mga patotoo ni Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa Propeta? Ano ang sarili ninyong pagpapatotoo sa banal na misyon ng Propetang Joseph Smith?

Mga Tala

  1. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 493.

  2. Gospel Doctrine, 168–69.

  3. Gospel Doctrine, 478–79; idinagdag ang pagtatalata.

  4. Gospel Doctrine, 479.

  5. Gospel Doctrine, 480–81.

  6. Mga kaganapan sa Pagtatalaga ng Munumento ng Alaala ni Joseph Smith: Sa Sharon, Windsor County, Vermont, ika-23 ng Disyembre 1905, 41–42.

  7. Gospel Doctrine, 495–96.

  8. Gospel Doctrine, 482.

  9. Gospel Doctrine, 488–89.

  10. Gospel Doctrine, 478.

  11. Gospel Doctrine, 483–84.

  12. Mga kaganapan sa Pagtatalaga ng Monumento ng Alaala ni Joseph Smith, 38–39.

  13. Gospel Doctrine, 484–85.

  14. Gospel Doctrine, 489.

  15. Gospel Doctrine, 501.

Joseph Smith

Ipinahayag ni Joseph F. Smith na ang Propetang Joseph Smith ang siyang “piniling instrumento ng Diyos at pinagkalooban ng kanyang karapatan upang ipanumbalik ang banal na Pagkasaserdote” (Gospel Doctrine, 478).