Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 9: Ang Ating Tungkuling Pangmisyonero


Kabanata 9

Ang Ating Tungkuling Pangmisyonero

Humahayo ang mga misyonero sa lahat ng dako ng daigdig upang magpatotoo kay Jesucristo at ihasik ang mahalagang binhi ng buhay na walang hanggan.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Pagkarating na pagkarating niya sa Hawaii noong ika-20 ng Oktubre 1854, lumiham si Joseph F. Smith sa pinsan ng kanyang ama na si George A. Smith, ang miyembro ng Korum ng Labindalawa na siyang nag-ordena sa kanya bilang elder. Ipinangako ng batang misyonero ang kanyang sarili sa gawain ng Panginoon, sinasabing, “Masaya kong ibinabalita na handa na akong umalis sa ginhawa at hirap man para sa layuning ito kung saan ako ay nangako; at tunay akong umaasa at nanalangin na mapatunayan akong tapat hanggang wakas.”1 Sinubukan ang kanyang pananampalataya nang maraming ulit.

Nang minsan, tinupok ng apoy ang halos lahat ng kanyang kagamitan, kabilang ang “damit, mga kopya ng unang edisyon (sa wika ng mga taga-Europa) ng Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, na siyang ibinigay bilang regalo sa Patriyarkang si Hyrum Smith. Inilagay ni Elder Joseph F. Smith sa isa sa mga aklat na ito ang kanyang sertipiko ng pagiging Elder. Nang matupok ang bahay kasama ang lahat ng naroon, ang maleta ni Elder Smith, at lahat ng bagay na nasa loob nito ay naabo maliban sa kanyang sertipiko bilang misyonero. Sa ilang di-karaniwang kaparaanan ito ay napangalagaan nang buo, maliban sa ang mga gilid niyon ay nasunog nang bahagya, subalit ni isang salita ay hindi nabura kahit na natupok ang buong aklat na pinaglagyan niyon. Hindi lamang ang mga aklat na yaon ang natupok gayon din ang mga talaarawang pinakaiingatan niya.”

Mula sa karanasang ito nagkaroon ng isang nakatatawang pangyayari, na hindi biro-biro noon. Natupok ang mga damit ng mga misyonero, kaya si Joseph F. Smith at ang kanyang kasama ay pansamantalang naghihiraman ng isang terno. Ang isang elder ay mananatili lamang sa tahanan samantalang ang isa ay nakasuot ng terno at dadalo sa mga pulong. At pagkatapos mababaligtad ang situwasyon at ang isang elder naman ang mananatili sa tahanan samantalang dadalo naman ang kanyang kasama sa mga pulong. “Siyempre pa, hindi naman ito nagpatuloy nang matagal, ngunit nakatatawang kuwento ito na madalas isalaysay sa mga nagdaang panahon, nang dumating na ang oras na inilipat na sa malayo ang mga nagsipagtiis na Elder mula sa pinangyarihan ng kanilang pagkapahiya at mga paghihirap.”2

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ang mga misyonero ay dapat na mamuhay nang matuwid nang sa gayon ay magkaroon sila sa tuwina ng pakikipag-ugnayan sa Espiritu ng Diyos.

Ang isa sa mga kailangang-kailangang katangian ng mga elder na humahayo sa daigdig upang mangaral ay kababaang-loob, kaamuan at pag-ibig na di-mapagkunwari, para sa kapakanan at kaligtasan ng mag-anak ng sangkatauhan, at hangaring itatag ang kapayapaan at kabutihan sa mga tao sa mundo. Hindi natin maipangangaral ang ebanghelyo ni Cristo na wala ang espiritung ito ng kababaang-loob, kaamuan, pananampalataya sa Diyos at pagtitiwala sa kanyang mga pangako at salita sa atin. Maaari ninyong matutuhan ang lahat ng karunungan ng tao, subalit ang mga iyon ay hindi nagpapaging-marapat sa inyo na gawin ang mga bagay na ito katulad ng ginagawa ng mapagkumbaba, maimpluwensiyang paggabay ng Espiritu ng Diyos. “Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang mapagmataas na diwa ay sa pagkabuwal.” [Mga Kawikaan 16:18.]

Kinakailangan para sa mga elder na humahayo sa daigdig upang mangaral, na pag-aralan ang diwa ng ebanghelyo, na siyang espiritu ng kababaang-loob, espiritu ng kaamuan at tunay na pagmamahal sa anumang layuning inyong itinalaga na gagawin ng inyong kamay o isipan. Kung ito ay upang ipangaral ang ebanghelyo, dapat nating iukol ang ating mga sarili sa mga tungkulin ng ministeryong yaon, at dapat tayong magpunyagi sa abot ng ating kakayahan upang maging marapat ang ating mga sarili na isagawa ang partikular na gawaing iyon, at ang paraan upang magawa ito ay mamuhay nang matwid nang sa gayon ang Espiritu ng Diyos ay magkakaroon ng pakikipag-ugnayan at naroroon sa tuwina kasama natin upang gabayan tayo sa bawat sandali at oras ng ating ministeryo, gabi at araw.3

Mga kapatid ko, kayo ay gumagawa sa gawain ng Diyos; kayo ay masigasig na gumagawa, natatanggap ninyo nang lubusan ang Espiritu ng Ebanghelyo sapagkat wala na kayong iba pang gawain maliban dito. Kayo ang mga nangangasiwa ng walang hanggang tipan. Manalangin kayo; natitiyak kong hindi ninyo nakaliligtaan ang inyong mga panalangin. Hindi maaaring kaligtaan ng isang Elder ang kanyang panalangin; hindi niya maaaring kalimutan ang Panginoon; walang alinlangang maaalaala niya Siya kung siya ay nasa pagtupad ng kanyang tungkulin. Kung inilalagay niya ang kanyang sarili sa kalagayang makagagawa siya nang higit na mainam, hindi niya maaaring kaligtaan ang Panginoon sa umaga, tanghali at gabi. Siya ay nanalangin sa Panginoon, at nagpapakumbaba ng kanyang sarili sa harapan Niya at kinikilala Siya. Kung kayo ay nasa paggawang ito, matatamasa ninyo ang Kanyang Espiritu.4

Ang isang misyonero ay kailangang magkaroon sa kanyang sarili ng patotoo ng Espiritu ng Diyos—ang patotoo ng Espiritu Santo.… Hindi napapagbalik-loob ng mahusay na pagsasalita o pagtatalumpati ang mga tao; napapaniwala sila kapag nasiyahan sila na nasa inyo ang katotohanan at Espiritu ng Diyos.5

Nararapat na maging tunay, malinis, at tapat sa kanilang mga tipan ang mga misyonero.

Ipinalagay na di naaayon na isugo ang mga kalalakihan sa sanlibutan upang ipangako sa iba sa pamamagitan ng ebanghelyo ang mga yaong hindi mismo natanggap ng kanilang mga sarili. Ni pinalagay na tama na isugo ang mga kalalakihan upang baguhin sila. Magbago muna sila sa loob ng kanilang tahanan kung hindi nila mahigpit na sinusunod ang mga kautusan ng Diyos. Tumutukoy ito sa Salita ng Karunungan gayon din sa lahat ng iba pang batas ng langit. Walang ibinibigay na pagtutol sa mga kalalakihang tinawag, na sa mga naunang panahon ay maaaring naging masama o suwail, kung sa kalaunan ay namuhay sila nang maka-Diyos at nakapagdala ng mahahalagang bunga ng pagsisisi.6

Nais namin ang mga kabataang lalaki … na napag-ingatan ang kanilang sariling walang-bahid-dungis mula sa sanlibutan at maaaring humayo sa mga bansa ng mundo at sabihin sa mga tao, “Sumunod kayo sa akin, katulad ng pagsunod ko kay Cristo.” Pagkatapos nanaisin naming matuto silang umawit at manalangin. Inaasahan namin silang maging tunay, malinis, at tapat hanggang kamatayan sa kanilang mga tipan, sa kanilang mga kapatid sa pananampalataya, sa kanilang mga asawa, sa kanilang mga ama at ina, sa kanilang mga kapatid, sa kanilang mga sarili at sa Diyos. Kung makatatagpo kayo ng mga kalalakihang kagaya nito upang mangaral ng ebanghelyo sa sanlibutan, kahit na marami pa silang nalalaman o wala kung paano ito simulan, ilalagay ng Panginoon ang Kanyang Espiritu sa kanilang mga puso, at sila ay bibiyayaan niya ng katalinuhan at kapangyarihan upang iligtas ang mga kaluluwa ng mga tao. Sapagkat ang pinagmulan ng kanilang mga buhay ay nasa mga kalalakihang ito na humahayo upang ipangaral ang ebanghelyo. Hindi ito napapawalang-bisa o nasisira; hindi ito makukuha sa kanila.7

Hindi na kinakailangan pang malaman ng ating mga kabataan ang tungkol sa kasamaang lumalaganap saanmang lugar. Ang kaalamang iyon ay hindi nakapagdadakila, at malamang na mahigit pa sa isang kabataang lalaki ang makatunton sa unang hakbang ng kanyang pagbagsak dahil sa pagkamausisa na nagdala sa kanya sa nakapag-aalinlangang pook. Ipaiwas sa mga kabataang lalaki ng Sion, maging sila ay nasa mga misyon o nasa tahanan man, ang lahat ng pook na masasama o may masamang reputasyon. Hindi na kinakailangan pa na malaman nila kung ano ang nangyayari sa mga pook na iyon. Walang taong mas magaling o malakas sa gayong kaalaman. Ipaalaala sa kanila na “ang kaalaman sa kasalanan ay tumutukso sa paggawa nito,” at pagkatapos iwasan ang yaong mga tukso na sa hinaharap ay maaaring maging mapanganib sa kanilang kalinisan at katayuan sa Simbahan ni Cristo.8

Ang mga katangian ng isang mahusay na misyonero ay mga: Isang taong may pakikipagkapwa—na ang pakikipagkaibigan ay nagtatagal at masigla—na maipagmamapuri ang kanyang sarili sa pagtitiwala at pagtatangi ng mga taong nasa kadiliman. Hindi magagawa ang mga ito nang hindi pinaghahandaan o pinag-iisipan. Kailangan ninyong kilalanin ang isang tao, alamin ang tungkol sa kanya at kunin ang kanyang pagtitiwala at iparamdam at ipaalam sa kanya na ang tangi ninyong hangarin ay gawan siya nang mabuti at pagpalain siya; pagkatapos maaari na ninyong sabihin sa kanya ang inyong mensahe, at ibigay ang mabubuting bagay na mayroon kayo para sa kanya, nang buong giliw at pagmamahal. Samakatuwid, sa pagpili ng mga misyonero, piliin ang mga yaong may pakikipagkapwa, na may pakikipagkaibigan at hindi pagkapoot sa mga tao; at kung wala ang gayon sa inyong mga purok, sanayin at gawing karapat-dapat ang ilang kabataang lalaki para sa gawaing ito.9

Ituturo ng mga misyonero ang ebanghelyo ng buhay sa pamamagitan ng Espiritu nang may kapayakan.

Tinagubilinan ang ating mga elder dito, at sila ay tinuruan mula pagkabata hanggang sa paglaki, na hindi sila hahayo at makikipaglaban sa mga samahang panrelihiyon ng daigdig kapag tinawag sila na humayo upang ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo, subalit hahayo at dadalhin nila sa kanila ang mensaheng ibinigay sa atin sa pamamagitan ni Propetang Joseph, sa huling dispensasyong ito, upang malaman ng mga tao ang katotohanan, kung nanaisin nila.

Sila ay isinugo upang ihandog ang sanga ng olibo ng kapayapaan sa daigdig, upang ihandog ang kaalaman na ang Diyos ay muling nangusap mula sa kalangitan sa kanyang mga anak dito sa lupa, na ang Diyos sa kanyang awa ay ipinanumbalik sa daigdig ang kabuuan ng ebanghelyo ng kanyang Bugtong na Anak, na nagkatawang tao, na inihayag at pinanumbalik ng Diyos sa sangkatauhan ang kapangyarihan at karapatan mula sa kanyang sarili, upang sila ay makakilos at maisagawa nang may karapatan ang mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo na kinakailangan para sa kanilang kaligtasan; at ang pagsasagawa ng mga ordenansang ito ay dapat na maging karapat-dapat upang tanggapin ng Diyos na siyang nagbigay sa kanila ng karapatan upang isagawa ang mga ito sa kanyang pangalan.

Isinusugo ang ating mga elder upang mangaral ng pagsisisi ng kasalanan, upang mangaral ng kabutihan, upang ipangaral sa sanlibutan ang ebanghelyo ng buhay, ng pakikipagkapatiran, at ng pakikipagkaibigan sa sangkatauhan, upang ituro sa mga kalalakihan at kababaihan na gawin ang yaong tama sa paningin ng Diyos at sa harapan ng lahat ng tao, upang ituro sa kanila ang katotohanang itinatag ng Diyos ang kanyang Simbahan, ang Simbahang siya, ang kanyang sarili, ang may-akda at nagtatag.10

Ang katanungan na madalas nasasaisip ng mga kabataang lalaki na nasa misyon ay, “Ano ang sasabihin ko?” At ang isa pang pinakamalapit na katanungan ay, “Paano ko ito sasabihin?” … Bagama’t walang partikular na patakaran ang maibibigay, itinuturo ng karanasan na ang pinakapayak na paraan ang pinakamainam. Dahil natutuhan ang mga alituntunin ng ebanghelyo, sa pamamagitan ng madasaling espiritu at maingat na pag-aaral, ang mga ito ay maipahahayag sa mga tao nang may kababaangloob, sa pinakapayak na anyo ng pananalita, nang walang kapangahasan at kapalaluan at sa diwa ng misyon ni Cristo. Hindi ito maisasagawa kung sinasayang lamang ng batang misyonero ang kanyang pagpupunyagi sa pagtatangka nang may kayabangan na maging maingay na mananalumpati. Ito ang puntong nais kong ikintal sa mga elder, at ipayo na ang lahat ng mahuhusay na pagsasalita sa publiko ay italaga sa tamang panahon at lugar. Ang lugar kung saan nagmimisyon ay hindi pook para sa gayong pagsusumigasig. Hindi matagumpay na maituturo ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagmamayabang sa pagpaparinig ng mga salita at pagtatalu-talo, subalit sa pagpapahayag nang may pagpapakumbaba at nang may makatwirang paglalahad ng payak nitong katotohanan, binibigkas sa paraang masasaling nito ang puso at makalulugod din sa isipan at pandinig.

… Ang espiritu ay dapat na mapasa misyonero muna, kung magtatagumpay siya sa pagpukaw ng tugon nito sa kanyang mga tagapakinig; at siyang tunay maging sa mga salitang binabanggit sa pag-uusap nang harapan, o sa mga pagtitipong pampubliko. Hindi ipahahayag ng espiritu ang kanyang sarili sa taong itinutuon ang kanyang oras upang makapagtalumpati ng mga dapat niyang sabihin sa mga salitang may pagmamataas o pagmamalaki o sa pagpapakita ng kahusayan sa pagsasalita. Inaasahan niyang masisiyahan sila sa kanyang pagmamarunong at hindi sa pagsasalita nang mabisa sa pamamagitan ng puso.11

Walang sinumang tao ang makapangangaral ng Ebanghelyo ni Jesucristo nang sarili lamang niya; dahil ang mga bagay ng Diyos ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban sa ang Espiritu ng Diyos ay nasa kanya [tingnan sa 1 Mga Taga-Corinto 2:11]. Sapagkat ang sinumang taong magtangka na ipangaral ang salita ng Panginoon sa pamamagitan lamang ng kanyang karunungan at kaalaman, sariling inspirasyon, ay tunay na panunuya lamang. Walang sinuman ang mangangaral ng tungkol sa Diyos at kabanalan at ng katotohanan na, na kay Jesucristo maliban sa siya ay bibigyang-inspirasyon ng Banal na Espiritu. Kasamang lumakad at nakipag-usap ang mga disipulo noong sinaunang panahon sa Tagapagligtas sa panahon ng kanyang misyon sa mga anak ng tao ngunit … sila ay inutusang magsipanatili sa Jerusalem at huwag humayo upang mangaral, hanggang sa sila’y masangkapan ng kapangyarihan, galing sa itaas; sa madaling salita, hanggang sa maibuhos ang Banal na Espiritu sa kanila, na sa pamamagitan nito mapasisigla ang kanilang isipan, mapalalawak ang kanilang mga pang-unawa, maitatanim sa kanilang mga puso ang patotoo kay Jesucristo upang sila ay makapagpatotoo niyon sa mga yaong kanilang mapupuntahan.12

Ang bawat elder ay lubusang naiiwan sa patnubay ng diwa ng kanyang tungkulin na kung saan nararapat siyang mapuspos nito. Kung mabibigo siyang pagyamanin ang diwang yaon, na siyang diwa ng pagsusumigasig at pagsasagawa, hindi maglalaon mawawalan siya ng sigasig o sigla, magiging tamad at malungkutin. Ang bawat misyonero ay dapat na nagsisikap na ituon ang isang bahagi ng bawat araw sa pag-aaral at pinag-iisipan nang may panalangin ang mga alituntunin ng ebanghelyo at teolohiya ng Simbahan. Kailangan niyang magbasa at magbulay-bulay at manalangin. Totoo, na tayo’y tutol sa paghahanda ng mga itinakdang mga talumpating bibigkasin, na iniisip ang bisa ng mahusay na pagsasalita at pagpapakita ng pagiging bihasa sa paggamit ng pananalita; gayunman kapag tumayo ang isang elder upang magsalita sa kongregasyon sa sariling purok o sa iba, dapat siyang maging lubusang handa para sa kanyang talumpati. Dapat na puno ang kanyang isipan ng mga kaisipang karapat-dapat bigkasin, karapat-dapat pakinggan, karapat-dapat alalahanin; at pagkatapos dadalhin ng espiritu na nagbibigay ng inspirasyon ang mga katotohanan na kinakailangan ng kanyang mga tagapakinig at magpapatotoo sa mga salitang kanyang binigkas.13

Taos-pusong ipinapayo sa mga elder na nasa mga misyon sa ibang bansa, sa katunayan sa lahat ng mga Banal sa mga Huling araw, na iwasan ang pakikipagtalo hinggil sa mga paksa sa doktrina. Ang katotohanan ng ebanghelyo ay hindi kinakailangang ipakita sa pamamagitan ng mainit na pakikipagtalo o pakikipagtalakayan; ang mensahe ng katotohanan ay mas mabisang maipababatid kapag ipinahahayag sa mga salitang may kapayakan at may damdamin.

… Ang patotoo ng katotohanan ay higit pa sa pagsang-ayon lamang ng isipan, ito ay isang matibay na pananalig ng puso, isang kaalamang pumupuno sa buong kaluluwa ng tumanggap niyon.

Isinusugo ang mga misyonero upang ipangaral at ituro ang mga unang alintuntunin ng ebanghelyo, si Cristo, at siya na napako sa krus, at tunay na wala ng iba pa sa kaparaanan ng pagtuturo ng doktrina hinggil sa teolohiya. Hindi sila inatasang ipaliwanag ang kanilang sariling mga pananaw sa masasalimuot na katanungan tungkol sa teolohiya, ni papagtakhin ang mga nakikinig sa kanila sa pagpapakita ng malalim na kaalaman. Sila ay mga guro at dapat na maging mga guro, kung matutugunan nila sa anumang antas ang mga responsibilidad ng kanilang mataas na katungkulan; subalit dapat silang magturo sa abot ng kanilang makakaya nang halos o malapit sa kaparaanan ng Panginoon— hinahangad na akayin ang kanilang kapwa sa pamamagitan ng pag-ibig, nang payak na pagpapaliwanag at paghihikayat; hindi tinatangkang papaniwalain sa pamamagitan ng pamimilit.

Mga kapatid, iwan ang mga paksang ito ng di kapaki-pakinabang na pagtatalo; manatiling malapit sa mga turo ng inihayag na salita, na ginawang malinaw sa mga pamantayang banal na kasulatan ng Simbahan at sa mga salita ng mga buhay na propeta; huwag ipahintulot na ang pagkakaiba ng mga pananaw sa mga mahihirap na unawaing paksa ng doktrina ang siyang pagtuunan ng inyong pansin, na baka dahil dito kayo ay maging malayo sa isa’t isa at humiwalay mula sa Espiritu ng Panginoon.14

Ang paglilingkod ng misyonero ay kinakailangan sa sariling bayan gayundin sa ibang bansa.

Nakapanghihinayang na matapos magtungo sa ibang bansa ang marami sa ating kabataan at maayos na nakatapos sa kanilang mga misyon at nagsibalik na, sila sa wari’y nakaligtaan o hindi napansin ng mga namumunong may-karapatan ng Simbahan at hinayaang muling matangay palayo ng kapabayaan at pagwawalang-bahala, at sa malaon, marahil, ay tuluyang lumihis mula sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan. Dapat silang panatilihing gumagawa upang isakatuparan ang kanilang mga tungkulin, dapat na gawin silang aktibo sa gawain ng ministeryo, sa ilang paraan, nang sa gayon ay higit nilang mapanatili ang diwa ng ebanghelyo sa kanilang mga isipan at sa kanilang mga puso at maging kapaki-pakinabang sa sarili nilang bansa gayon din sa iba.

Walang pag-aalinlangan sa katotohanang ang paglilingkod ng misyonero ay kinakailangan at mahalaga rin sa Sion, o dito sa ating bayan, gayon din sa ibang bansa. Nakikita natin ang napakaraming mga batang lalaki na nahuhulog sa labis na kapabayaan, kung hindi man sa masasamang gawi at pag-uugali. Ang bawat misyonerong lalaki na bumalik na mula sa kanyang misyon na puno ng pananampalataya at mabuting hangarin ay nararapat taglayin sa kanyang sarili na maging tagapagligtas hangga’t maaari ng kanyang mga nakababata at wala pang gaanong karanasan ng kasamahan sa sariling purok. Kapag nakikita ng bumalik na misyonero ang isang batang nalululong sa masasamang gawi at nagiging sanay na sa masasamang pag-uugali, dapat niyang maramdaman na tungkulin niyang akayin siya, na may pakikipag-ugnayan sa mga namumunong may-karapatan ng istaka o purok kung saan siya nakatira, at ginagamit ang lahat ng kakayahan at impluwensiya sa abot ng kanyang makakaya para sa kaligtasan ng yaong naligaw na kabataan na hindi pa nararanasan ang mga naranasan ng ating mga elder sa ibang bansa, at sa gayon maging daan sa pagliligtas ng marami at sa pagtatatag sa kanila nang mas matibay sa katotohanan.15

Sa sandaling ang pagpapagal sa misyon ay nakapagpalawak ng kanyang pananaw, nakapagpasigla ng kanyang mga lakas, nakapagpalawak ng kanyang kakayahan sa paggawa nang mabuti kahit saanmang dako at napalakas siya sa lahat ng kaparaanan at naging higit na kapakipakinabang na mamamayan, gayon din sa pagiging higit na matapat na miyembro ng Simbahan. Habang tunay na gumagawa ang isang misyonero sa lugar kung saan siya itinalaga dapat na maging ganap siyang misyonero, inilalaan ang pinakamahusay niyang kakayahan sa mga atatanging tungkuling iaatas sa kanya. Kapag bumalik na siya sa kanyang sariling komunidad, misyonero pa rin siya sa pangkalahatang diwa nito; subalit dapat niyang alalahanin na bumalik na siyang muli sa kalipunan ng mga taong gumagawa upang mabuhay, upang kainin ang kanilang tinapay sa pamamagitan ng pawis ng kanilang kilay … ang mga bumalik na misyonero kakailanganin kung saan may nangangailangan ng malalakas na loob, matatatag na isipan at mga nakahandang kamay. Ang henyo ng ebanghelyo ay hindi tungkol sa negatibong kagalingan—hindi kawalan lamang ng kung ano ang masama; naninindigan ito sa masiglang kakayahan na nagabayan nang husto, para sa positibong kagalingan—sa madaling salita, para sa paggawa.16

Bilang mga may-dala at tagahasik ng mahalagang binhi ng walang hanggang buhay, iayon natin ang ating mga buhay sa ating mga pagpapahayag, ang ating mga salita ay dapat na naaayon sa katotohanang taglay natin, at ang ating mga kilos ay sang-ayon sa inihayag na kalooban ng Diyos; sapagkat [maliban kung] ang mga bungang ito ay sumusunod sa alinmang antas, ng ating pagpapahayag ng pananampalataya, tayo, bilang mga Elder o Banal, ay hadlang lamang sa pag-unlad ng gawain, sagabal sa matatalinong pag-iisip ng mga nagmamasid, at hindi tumutulong sa mga pag-aasam ng kaligtasan ng iba, subalit inilalagay lamang sa panganib ang ating sariling kaligtasan.17

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Bakit ang “kababaang-loob, kaamuan at di-mapagkunwaring pag-ibig” ang mga kailangang-kailangang katangian ng mga misyonero? Ano pa ang ibang mga katangian na makatutulong sa mga elder at sa mga kapatid na babae na maging mga mabisang misyonero? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 4.) Paano nakatutulong sa atin ang gayon ding mga katangian na maging mga mabisang misyonerong miyembro?

  • Bakit mahalaga na ingatan ng mga misyonero ang kanilang mga sarili na “walang-bahid dungis mula sa sanlibutan”? Paano pinagpapala ng Panginoon ang yaong mga misyonero na gumagawa nito?

  • Paano natin makukuha ang pagtitiwala ng ating mga di-miyembrong kaibigan at kapitbahay at matulungan silang malaman na ang ating “tanging hangarin ay gumawa [sa kanila] ng mabuti at pagpalain [sila]”? Paano natin mas mabisang maibabahagi ang ebanghelyo sa ating mga kaibigang hindi pa miyembro ng Simbahan?

  • Anong mga katotohanan ang dapat na paghandaang ituro ng mga misyonero?

  • Ano ang mga panganib ng paggamit ng mga misyonero ng argumento, debate at walang pakinabang na pagtatalo-talo kapag nagtuturo ng ebanghelyo? Bakit may mas malakas na kapangyarihan ang pagtuturo lamang nang may Espiritu? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 100:5–8.)

  • Paano mapauunlad ng misyonero “ang diwa ng kanyang tungkulin”? Paano natin matatamo at mapauunlad bilang mga miyembro ang “diwa ng pagsusumigasig at pagsasagawa” sa pagbabahagi ng ebanghelyo?

  • Paano mananatili “sa paggawa” ang mga bumalik na misyonero? Ano ang magagawa ng mga pinuno ng Simbahan at ibang miyembro ng Simbahan upang matulungan ang mga bumalik na misyonero na manatiling “aktibo sa gawain ng ministeryo”? Sa papaanong paraan ang bumalik na misyonero ay “naging daan sa pagliligtas ng marami at pagtatatag sa kanila nang mas matibay sa katotohanan”?

Mga Tala

  1. George Albert Smith Papers, 1834–75, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3; binago ang pagkabaybay at bantas.

  2. Life of Joseph F. Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1938), 183–43.

  3. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 356.

  4. “Discourse by President Joseph F. Smith,” Millennial Star, ika-25 ng Okt. 1906, 674.

  5. Gospel Doctrine, 357.

  6. Gospel Doctrine, 355.

  7. Gospel Doctrine, 356.

  8. Gospel Doctrine, 373–74.

  9. Gospel Doctrine, 356–57.

  10. Gospel Doctrine, 357; idinagdag ang pagtatalata.

  11. Gospel Doctrine, 358–59.

  12. “Discourse by President Joseph F. Smith,” Millennial Star, ika-19 ng Set. 1895, 593.

  13. Gospel Doctrine, 363.

  14. Gospel Doctrine, 364.

  15. Gospel Doctrine, 369.

  16. “Counsel to Returning Missionaries,” Millennial Star, ika-2 ng Okt. 1913, 646–47.

  17. Life of Joseph F. Smith, 231–32.

Joseph F. Smith

Si Joseph F. Smith ay mga 19 na taong gulang pagkabalik niya mula sa misyon sa Hawaii noong 1858.