Pambungad
Si Pangulong Joseph F. Smith ay nanungkulan sa loob ng 52 taon bilang Pangkalahatang Awtoridad ng Simbahan—bilang isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, bilang isang Tagapayo sa apat na Pangulo ng Simbahan, at bilang Pangulo ng Simbahan sa loob ng 17 taon. Itinuro niya ang ebanghelyo ni Jesucristo nang may kaliwanagan, pagmamahal, at lubos na paniniwala, na nanawagan sa mga tao na “mamuhay nang naaayon sa mga layunin ng ating Ama sa Langit.”1 Ang kanyang ministeryo ay kinakitaan ng kanyang matibay na patotoo kay Jesucristo: “Tinanggap ko ang patotoo ng Espiritu sa sarili kong puso, at nagpapatotoo ako sa harapan ng Diyos, mga anghel at mga tao … na batid kong buhay ang aking Manunubos.”2
Sa ngayon, ang kanyang mga mensahe at mga sermon ay patuloy na nagbibigay ng banal na paggabay sa ating landas ng walang hanggang pag-unlad. Ang ating gawain sa mundong ito, wika ni Pangulong Smith, “ay gumawa ng mabuti, wakasan ang kasamaan, dakilain ang katuwiran, kadalisayan, at kabanalan sa mga puso ng tao, at itanim sa isipan ng ating mga anak, higit sa lahat ng bagay, ang pag-ibig sa Diyos at sa kanyang salita.”3 Kanyang ipinahayag na “ang maging isang Banal sa mga Huling Araw ay nangangailangan ng pagsasakripisyo ng mga makamundong pagnanasa at aliw; nangangailangan ito ng katapatan, tatag ng pagkatao, pag-ibig sa katotohanan, integridad sa prinsipyo, at masigasig na hangaring makita ang matagumpay at patuloy na pagsulong ng katotohahan.”4
Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpasimula sa seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan upang tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na mapalalim ang kanilang pagkakaunawa sa mga doktrina ng ebanghelyo at lalong mapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga turo ng mga propeta sa dispensasyong ito. Ang aklat na ito ay kakikitaan ng mga turo ni Pangulong Joseph F. Smith na nagsabing: “Upang maging mga Banal sa mga Huling Araw, ang kalalakihan at kababaihan ay dapat na nag-iisip at gumagawa; dapat silang maging kalalakihan at kababaihang maingat na pinagiisipan ang mga bagay-bagay, kalalakihan at kababaihang maingat na pinag-aaralan ang takbo ng kanilang buhay at ang mga alituntuning kanilang tinatanggap. … Kapag nauunawaan ng mga tao ang ebanghelyo ni Jesucristo, makikita ninyo silang naglalakad nang matapat, alinsunod sa salita ng Panginoon, at sa batas ng Diyos, nang mahigpit alinsunod sa yaong matatag, makatarungan, matwid, at sa bawat diwa ay katanggap-tanggap sa Panginoon.”5
Ang bawat kabanata sa aklat na ito ay kinabibilangan ng apat na bahagi: (1) isang pahayag na ibinubuod nang maikli ang paksa ng kabanata; (2) “Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith,” na naglalarawan sa mga turo ng kabanata sa pamamagitan ng isang halimbawa mula sa buhay o karunungan ni Joseph F. Smith; (3)“Mga Turo ni Joseph F. Smith,” na naglalahad ng mahahalagang doktrina mula sa marami niyang mensahe at sermon; at (4) “Mga Mungkahi Para sa Pag-aaral,” na, sa pamamagitan ng mga tanong, ay naghihikayat ng personal na pagbabalik-aral at pag-aaral, karagdagang talakayan, at paggamit ng mga ito sa ating buhay.
Paano Gamitin ang Aklat na Ito
Para sa Pansariling Pag-aaral. Ang aklat na ito ay nilayon na makaragdag sa pagkakaunawa ng bawat miyembro sa mga alituntunin ng ebanghelyo na mahusay na itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith. Sa pamamagitan ng pagbabasa nang may panalangin at ng mapag-isip na pag-aaral, ang bawat miyembro ay maaaring makatanggap ng pansariling patotoo sa mga katotohanang ito. Makadaragdag din ang aklat na ito sa aklatang pang-ebanghelyo ng bawat miyembro at magsisilbing isang mahalagang sanggunian sa pagtuturo sa pamilya at pag-aaral sa tahanan.
Para sa talakayan sa mga Panlinggong pagpupulong. Ang aklat na ito ang teksto para sa pagpupulong ng korum ng Pagkasaserdoteng Melquisedek at Samahang Damayan. Dapat na pagtuunan ng mga guro ang nilalaman ng teksto at kaugnay na mga kasulatan, na gumagamit ng mga tanong sa katapusan ng kabanata upang mahikayat ang talakayan sa klase. Ang pagbabalikaral sa mga tanong bago pag-aralan ang mga salita ni Pangulong Smith ay maaaring makapagbigay ng karagdagang ideya tungkol sa kanyang mga turo.
Ang mga Panlinggong pagpupulong ay dapat na nakatuon sa mga alituntunin ng ebanghelyo, pansariling karanasan na nagtuturo sa mga alituntuning ito, at patotoo sa katotohanan. Kung mapagpakumbabang hahangarin ng mga guro ang Espiritu sa paghahanda at pangangasiwa sa aralin, ang lahat ng makikibahagi ay mapalalakas sa kanilang kaalaman sa katotohahan. Dapat na paalalahanan ng mga guro ang mga miyembro ng klase na dalhin ang kanilang mga aklat sa mga pagpupulong at dapat na kilalanin ang paghahanda ng mga miyembro sa pamamagitan ng pagtuturo mula sa mga salita ni Pangulong Joseph F. Smith. Kapag nabasa nila ang kabanata bago magklase, magiging handa ang mga miyembro ng klase na maturuan at mapatibay ang bawat isa.
Hindi kinakailangan o iminumungkahi na bumili ang mga miyembro ng klase ng karagdagang mga teksto ng komentaryo o sanggunian upang suportahan ang mga materyal sa tekstong ito. Hinihikayat ang mga miyembro na magbasa ng mga banal na kasulatan na iminungkahi para sa karagdagang pag-aaral ng doktrina.
Dahil ang tekstong ito ay nilayon para sa pansariling pag-aaral at sangguniang pang-ebanghelyo, maraming kabanata ang napakahaba upang mailahad nang buo sa klase. Samakatuwid, kinakailangan ang pag-aaral sa bahay upang matamo ang kabuuan ng mga turo ni Joseph F. Smith.
Sa inyong pag-aaral, nawa ay makilala ninyo ang mapagpakumbaba, matapat, at magiting na propetang ito ng Diyos, si Pangulong Joseph F. Smith. Nawa ay tanggapin ninyo ang kanyang payo “na piliin ang tama dahil ito ang tama, at dahil iniibig ng inyong mga puso ang tama, at dahil ito ang mapipiling higit sa anumang bagay.”6 Nawa ay samahan ninyo si Pangulong Smith sa kanyang pagpapatotoo sa kapangyarihan ng ebanghelyo ni Jesucristo: “Ang ating pananampalataya sa mga doktrinang pinanumbalik … ay nagpapatibay at nagpapalakas sa atin at itinatatag nang lagpas sa anumang katanungan o pag-aalinlangan, ang ating pananampalataya at paniniwala sa banal na misyon ng Anak ng Diyos.”7