Kabanata 21
Samahang Damayan: Buong Kabanalang Itinatag para sa Ikabubuti ng mga Banal
Itinatag ang Samahang Damayan sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan upang makapagdulot ng aliw sa mga taong nangangailangan at itaguyod ang espirituwal na kapakanan ng mga kababaihan ng Sion.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Nasabi ni Pangulong Joseph F. Smith na ang Samahang Damayan ay “buong kabanalang itinayo, binigyang kapahintulutan, pinasimulan, inorden ng Diyos.” 1 Nakasama siya sa maraming pagdiriwang at espesyal na okasyon ng Samahang Damayan, nangungusap ng mga pagmamahal at paghanga sa gawain ng mga kababaihan. Noong 17 Marso 1892, ipinagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag at paglilingkod ng Samahang Damayan. Sa Tabernakulo ng Salt Lake at sa mga sangay, purok at istaka ng buong Simbahan, pinapurihan ng mga may katungkulan sa Samahang Damayan at namumunong mga saserdote ang pagkakatatag dito at ang maraming taong paglilingkod na ibinigay ng mga kababaihan ng Simbahan.
Tinagubilinan ang mga kongregasyong ito sa buong daigdig na makiisa sa sabay-sabay na pag-aalay ng panalangin. Si Pangulong Joseph F. Smith na noo’y Tagapayo ni Pangulong Woodruff, ang nag-alay ng espesyal na panalangin ng papuri at pasasalamat sa Tabernakulo: “Binigyan ninyo kami ng kaunting liwanag na nagpasaya sa kanilang mga puso at natulungan kaming makapaglingkod sa inyo. … Binigyan ninyo kami ng pagnanais na itatag ang inyong Simbahan sa mundo, at hanapin ang kabutihan,” and sabi niya. “Pagpalain po ninyo ang … mga miyembro ng Samahang Damayan sa buong mundo, sa Sion at sa mga nasa ibang bayan, ang mga nasa pulo ng karagatan at saanman sila sama-samang nagtitipon. … Nawa’y makasama nila ang inyong espiritu upang biyayaan sila, na magsaya ang kanilang mga puso sa inyong harapan.”2
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Ang Samahang Damayan ay Itinatag ng Diyos.
Kaylakas, kaydakila at makapangyarihan ang organisasyon ng Samahang Damayan ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at kaylaking responsibilidad ang nakaatang sa kanila! 3
Walang ibang samahan ng mga kababaihan sa mundong ito na nagtataguyod sa mataas na simulain ng dakilang kapangyarihan na siyang katayuan ngayon ng samahang ito. Ang ibang samahan ay gawang tao o gawang kababaihan lamang. … Ang samahang ito ay buong kabanalang itinayo, binigyang kapahintulutan, pinasimulan, inorden ng Diyos para sa kaligtasan ng mga kababaihan at kalalakihan. Kaya nga, walang ibang samahan ang maihahambing dito, na kailanma’y makapapalit sa gayon ding ipinaglalaban at simulain kaysa sa samahang ito, maliban na lamang kung magtatayo ang Panginoon ng panibago. At kung gagawin niya ito, padadaanin Niya ito sa pamamagitan ng pagkasaserdote, ng yaon ding pagkasaserdote kung paano ito itinatag, at hindi sa anumang paraan.4
Ang mga kababaihan ay maaaring magtayo ng mga kapisanan, at maaari silang makapagtayo ng mga pamayanan, at makapagpasa ng mga tuntunin, magbalangkas ng mga artikulo ng kasunduan at magtatag ng mga patakaran para sa kanilang pamahalaan, at mga ganoong klase ng bagay. Huwag kalimutan, wala sa mga iyon ang maihahambing ninyo sa isang maayos na itinatag na Samahang Damayan ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. … Hindi kayo dapat padala sa mga kababaihan ng sanlibutan; dapat na pamunuan ninyo ang sanlibutan at lalung-lalo na ang mga kababaihan ng sanlibutan sa lahat ng bagay na maipagkakapuri, maka-Diyos, makapagpapaunlad at makapagpapalinis sa mga anak ng tao. … Unahin ninyo ang [Samahang Damayan], iluklok ito sa itaas, gawing pinakamahusay at pinaka may lalim sa anumang samahang nakatayo ngayon sa mundo. Tinawag kayo ng tinig ng Propeta ng Panginoon para gawin ito, na manguna, maging pinakamagaling at pinakamahusay, pinakamalinis at pinakamatapat sa paggawa ng tama, at tungkulin ninyong tamasahin ang inyong mga pribilehiyo at kamtan ang lahat ng nakalaan sa inyong tungkulin at dapat ninyong mamana mula sa Panginoon at sa Kanyang mga kaloob.5
Ang Samahang Damayan ay kakalinga sa mga nangangailangan, magbibigay aliw at liwanag.
Naniniwala ako na kahanga-hanga ang nagagawa ng ating Samahang Damayan sa mga tao. … Ang mga ito ay mahalagang samahan na para sa ikabubuti ng Israel, para sa kapakanan ng mga kababaihan, ina at anak na babae na nasa Sion.6
Ilang bagay tungkol sa Samahang Damayan. Itinatag ito ni Propetang Joseph Smith. Kaya nga, ito ang pinakamatagal nang samahang pantulong ng Simbahan, at nangunguna ito sa kahalagahan. Hindi lamang ito tumutukoy sa mga pangangailangan ng mahihirap, maysakit at nangangailangan, kundi bahagi pa rin ng tungkulin nito—ang mas malaking bahagi nito—ang pangalagaan ang espirituwal na kapakanan at kaligtasan ng mga ina at anak na babae ng Sion; tiyakin na walang napababayaan, sa halip lahat ay nababantayan laban sa kasawiang-palad, kalamidad, kapangyarihan ng kadiliman, at kasamaan na nagbabanta sa kanila sa mundo. Tungkulin ng mga Samahang Damayan na pangalagaan ang kanilang sariling kapakanan at kapakanan ng lahat ng babaing miyembro ng Simbahan.7
Saan sa mundo natin hahanapin ang kabutihan, diwa ng katotohanan, katapatan, dakilang pagmamahal, pagtitiyaga at mahabang pagtitiis at pagpapatawad at pagtitiis hanggang wakas at kawanggawa at lahat ng sagradong bagay, kung ito ay hindi natin hahanapin sa mga samahang nagpapaunlad sa mga ina at anak na babae ng Sion. Anong kapangyarihan ang taglay ninyo, mga kapatid na babae, sa pagtupad ng inyong mga tungkulin, sa pagsasagawa ng inyong mga gawain bilang mga anghel ng awa sa mga nagdurusa at naaapi at nadapa, sa mga nagkasala at nanghihina at humihingi ng tulong, kapangyarihang magagamit ninyo sa mga tao ng Diyos at sinumang pahintulutang makahalubilo ninyo!
Saan man may pangangailangang maaliw, ang samahang ito ay itinatag, o nasa malapit lamang at handang magdulot ng aliw na siyang kailangan. Saan man may sakit, ang samahang ito na nasa iba’t ibang sangay ay naroon upang maglingkod na siyang kinakailangan. Saan man may kakulangan sa kaalaman sa mga alituntunin ng buhay, tamang pamumuhay, ang samahang ito ay nasa malapit lamang para magbahagi ng katalinuhan, magbigay liwanag, at magtagubilin sa pamamagitan ng kanilang mga halimbawa at turo sa mga tao na nangangailangan ng gayong klase ng tulong at kalinga.
Saan man may kamangmangan o kaunti mang kakulangan sa kaalaman tungkol sa pamilya, mga tungkulin sa pamilya na nauukol sa mga obligasyon at umiiral sa pagitan ng mga mag-asawa at sa pagitan ng mga magulang at anak, doon may nakatatag na samahang ito at nasa malapit lamang. Sa pamamagitan ng likas na katangian at inspirasyon na nauukol sa samahan, ang mga ito ay handang magbahagi ng tagubilin kaugnay ng mga tungkulin niyon. Saan man may bagong ina na wala pang karanasan sa pagaaruga at pagkalinga sa kanyang anak, o gawing kaaya-aya at maganda at kanais-nais ang kanyang tahanan para sa kanya at sa kanyang asawa, naroroon din ang samahang ito, sa ilang bahagi ng samahang ito, para magbigay ng tagubilin doon sa bagong ina at tulungan siyang gawin ang kanyang tungkulin at gawin iyon nang maayos. At saan man may kakulangan sa karanasan sa paglilingkod sa natural at pagpapalaki at wastong pagpapakain sa mga bata, o kung saan may pangangailangan sa pagbibigay nang wastong espirituwal na tagubilin at pagkain sa mga bata, naroroon ang dakilang samahan ng mga Kababaihan na Samahang Damayan ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at samahan ng mga ina at anak na babae ng Sion, sila na may kakayahang magbahagi ng tagubiling iyon.8
Higit na masigasig na alagaan ang mga nangangailangan. … Natatakot kami na may mga tahimik na naghihirap na kailangan ng tulong. Nasa inyong pook ang una ninyong tungkulin. Alalahanin ang matatanda at alagaan ang mga ulila at balo.9
Hindi pa natatagalan nang magkaroon ako ng pribilehiyong dumalaw sa isa sa mga panirahan sa isang liblib na Istaka ng Sion kung saan may laganap na sakit nang panahong iyon, at bagaman maraming araw kaming naglakbay at gabi na nang marating namin ang lugar, kami ay nahilingang samahan ang pangulo sa pagdalaw sa ilang may sakit. Natagpuan namin ang isang kapatid na babae na nakaratay sa banig ng karamdaman, na nasa malubhang kalagayan. Alalang-alalang nakaupo sa kanyang tabi ang asawa dahil sa sakit nito na ina ng maliliit na anak na nasa paligid lamang. Ang pamilya ay mukhang walang-wala sa buhay.
Isang butihing ginang ang pagdaka’y pumasok sa bahay, bitbit ang isang basket na naglalaman ng masusustansiyang pagkain at ilang piling pagkain para sa naghihirap na pamilya. Sa pagtatanong nalaman namin na naitalaga siya ng Samahang Damayan ng purok para tingnan-tingnan at alagaan ang maysakit na babae sa buong magdamag. Naroon siya at handang alagaan ang maliliit na bata, tiyakin na nalilinis sila nang wasto at napapakain at pinapatulog; linisin ang bahay at gawing komportable ang lahat ng bagay hangga’t maaari para sa maysakit at sa kanyang pamilya. Nalaman din namin na may isa pang kapatid na papalit sa kanya sa pag-aaruga kinabukasan; magpapatuloy ito sa araw-araw. Natanggap ng kaawa-awa at naghihirap na pamilyang ito ang pinakamahusay na pag-aaruga at atensiyon mula sa mga kapatid sa Samahang Damayan hanggang sa muling gumaling ang maysakit at maibsan ang paghihirap nito.
Nalaman din namin na ang Samahang Damayang ito ay ayos na ayos at disiplinado kaya ang lahat ng maysakit sa lugar na iyon ay nakatatanggap ng ganoon ding atensiyon at paglilingkod para sa kanilang ikagiginhawa. Kailanma’y hindi ko pa nakita nang ganito kalinaw ang kahalagahan at kagandahan ng maringal na samahang ito dahil sa halimbawang nasaksihan namin, at naisip kong kaydakila ng bagay na ito na binigyan ng inspirasyon ng Panginoon si Propetang Joseph Smith na magtatag ng gayong samahan sa Simbahan.10
Dapat hangarin ng mga kapatid sa Samahang Damayan na pagyamanin ang pananampalataya at espirituwal na lakas ng kanilang sarili at sila na mga pinaglilingkuran nila.
Sino ang makapagsasabi kung gaano ang kabutihang maisasagawa ng isang maayos ang pagkakatatag at talagang disiplinadong Samahang Damayan, hindi lamang temporal kundi sa espirituwal ding pananaw. Ang gawain ay mapagkawanggawa at marahil ay wala nang lalakas pa o hihigit sa impluwensiya ng maayos na pinatnubayang kawanggawa, upang makuha ang tiwala at pagmamahal ng ating kapwa. At matapos makuha ang kanilang tiwala sa pamamagitan ng mga simpleng gawa ng pagkahabag, ang pintuan ay mabubuksan para makuha at akayin ang kanilang mga kaluluwa sa mas mataas na antas ng pananampalataya at espirituwal na kagalingan; at, tandaan, mas mahalaga ang bahaging espirituwal kaysa temporal. …
Sa bandang huli, mas mabuti pang magutom o mamatay dahil sa kakulangan ng temporal na pagkain kaysa maghirap at mamatay nang dahil sa kakulangan sa intelektuwal at espirituwal na kaalaman na mahalaga para matamo natin ang kaloob na buhay na walang hanggan na siyang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos. Mas mahalaga sa akin ang magkaroon ng kaalaman sa mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan kaysa pagkain o damit. Gayunman ibig natin kapwa ang temporal at espirituwal na pagkain at inorden ng Diyos na kapwa madaling makuha ng buong sangkatauhan ang mga ito sa kondisyong susundin nila ang Kanyang mga batas at patuloy na mamuhay na sumusunod sa mga ito.
Pribilehiyo ng mga manggagawa sa Samahang Damayan na arugain ang maliliit na bata sa kanilang kamusmusan at tumulong sa pagtuturo sa kanila na maging matapat at malinis, maniwala sa Diyos ang Amang Walang Hanggan at sa dakilang misyon ng Kanyang Anak; at bigyang tagubilin ang mga ina at turuan sila na palakihin ang kanilang maliliit na anak sa ganitong paraan. Ito ay isang mahalagang tungkulin, higit pa, kung maaari, sa simpleng paglilingkod sa mga temporal na pangangailangan na isinalin sa inyo, mga kapatid. Totoong walang limitasyon ang inyong mga pribilehiyo o kaukulang karapatan na gumawa ng mabuti sa lahat ng paraan at saanman naroroon na nasa inyong kakayahan.11
Malaking bahagi ng gawain ng Samahang Damayan ang nauukol sa mga materyal na bagay sa buhay na ito, sa mga temporal na pangangailangan ng mga tao ng Simbahan, at magkagayunman, ang impluwensiya ng kanilang mga pagsisikap ay makaaabot hanggang sa kabilang buhay habang nakatutulong sila sa espirituwal na pag-unlad at maging sa mga temporal na pangangailangan. … Bahagi ng tungkulin ninyo ang alagaan ang mga ulila at mahina. Sa lahat ng mabuting gawaing ito ang Simbahan ay nakatayo sa inyong likuran upang tulungan kayo.12
Ang mga mas dakilang bagay ay yaong mga espirituwal, yaong mga bagay na nakapagpapatibay sa pananampalataya ng mga kalalakihan at kababaihan, mga bagay na nagbibigay liwanag at talino at lakas na paglabanan ang masama at mga tukso, kakayahang matukoy ang mga panloloko ng tao at ang katusuhan at pandaraya na nakaabang para makapanlinlang. Yaong katalinuhan, espirituwal na kaalaman, espirituwal na katalinuhan na makatutulong sa inyo na matukoy ang katotohanan sa kamalian, at matukoy ang liwanag at kadiliman at mabuti at masama, ito ang dakilang bagay na dapat nating hangarin at matamo.13
Ilarawan sa inyong isipan si Tiya Em [Emmeline B. Wells, ang pangkalahatang pangulo ng Samahang Damayan] … na nagpupunta sa Simbahan noong bata pa siya, dinaranas ang mga pagsubok at hirap at kabiguan at lahat ng nagdudulot ng pagkabahala at pag-aalala na kaugnay ng unang takbo ng buhay ng mga Banal sa Huling Araw, ang kanilang exodo mula sa Missouri at mula sa Nauvoo hanggang sa mga Lambak ng kabundukan, sa mga disyerto na walang maapakan ang mga paa at walang mahigaan ang kanilang mga ulo. Pinanghinaan ba siya ng loob? Ang akin bang ina ay pinanghinaan ng loob? Si Tiya Vilate Kimball ba ay pinanghinaan ng loob? Hindi; itinuring nila ang lahat ng ito na walang alaga kung ihahambing sa liwanag na nasa kanilang mga kaluluwa para sa Diyos at sa Kanyang katotohanan. Magagawa ba ninyong baguhin ang paniniwala ng isa man lamang sa mga kababaihang ito tungkol sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw? Magagawa ba ninyong padilimin ang kanilang isipan tungkol sa misyon ni Propetang Joseph Smith? Magagawa ba ninyong bulagin sila kung tungkol din lamang sa dakilang misyon ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos ang pag-uusapan? Hindi, kailanman sa mundong ito hindi ninyo ito magagawa. Bakit? Sapagkat alam nila ito. Ipinahayag ito ng Diyos sa kanila, at naunawaan nila ito, at walang kapangyarihan sa mundo ang makapagbabago sa kanila sa alam nilang katotohanan. Walang halaga sa kanila ang kamatayan. Walang halaga ang maghirap sila. Walang halaga sa kanila ang ginaw o pag-ulan, o init ng araw. Ang nadarama lamang nila at nalalaman at ninanais ay magtagumpay sa kaharian ng Diyos at sa katotohanan na ibinigay ng Panginoon sa kanila.
O kaluluwa ko, nasaan na ang mga kababaihang ito ngayon? Kasama natin ngayon ang ilan sa kanila, ang marami sa kanila, salamat sa Diyos. Ngunit may ilan sa kanila na mayroon tayo dito na hindi totoo. … Alamin ninyo ang kanilang buhay, ang kanilang mga puso at ugali at mga ginagawa sa kani-kanya nilang pamamahay, at hindi ito ang hinahanap natin, hindi ito ang uri ng ebanghelyo na makagagawang tanggapin at ipamuhay ng mga kababaihan o kalalakihan sapagkat sila mismo ay hindi alam ang ebanghelyo ni hindi nila ito ginagawa. Gayunman sa paimbabaw ay akalain ninyong ang lahat ay taglay nila, at nasa kanila ang lahat ng liwanag at pananampalataya at dunong at kaalaman; ngunit wala ito,—wala ito. Kapag tumigil na sa pagdarasal sa Diyos ang mga babae’t lalaki, ibig sabihin nito ay may kulang. … Wala sa kanila ang katatagan, pananampalataya, pagmamahal sa kanilang mga puso na dapat sana’y taglay nila.14
Ang salita at batas ng Diyos ay mahalaga para sa mga kababaihan na makarating sa matalinong pagpapasiya, gayundin naman ito sa mga kalalakihan; at dapat pag-aralan at isaalang-alang ng mga kababaihan ang mga suliranin ng dakilang gawain sa mga huling araw ayon sa pananaw sa paghahayag ng Diyos at habang sila’y binubunsuran ng kanyang Espiritu, na karapatan nilang matanggap sa pamamagitan ng taimtim at panalanging mula sa puso.15
Magsikilos tayo para sa temporal at espirituwal na kapakanan ng Simbahan, at lalo pa tayong magsikap sa paggawa para sa espirituwal na ikauunlad, pakinabang at buhay at kaligtasan ng Simbahan.16
Ang Samahang Damayan ay hindi makakikilos nang malaya sa pagkasaserdote ng Anak ng Diyos.
Naroon ang respeto at ganap na tiwala natin … sa mga kapatid na abala sa Samahang Damayan; mapapasa kanila ang mga biyaya ng Panginoon. Ginawa na Niya ito noon at patuloy Niyang bibiyayaan sila yamang sinusuportahan nila ang Pagkasaserdote ng Diyos na ibinigay sa mundo para gabayan ang Simbahan at magbigay payo sa mga gawain ng kaharian ng Diyos.17
Nais kong sabihin … sa Samahang Damayan … at sa lahat ng iba pang samahan sa Simbahan, na wala sa kanila ang malayang makakikilos sa Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos, wala alinman sa kanila ang mananatiling katanggap-tanggap sa Panginoon kapag lumayo sila sa tinig at payo ng mga may hawak ng Pagkasaserdote at pamunuan sila. Napapasailalim sila sa bisa at kapangyarihan ng Simbahan, at hindi sila makakikilos nang malaya dito; ni hindi sila makapagpapatupad ng anuman sa kanilang mga organisasyon nang walang pahintulot sa Pagkasaserdote at Simbahan.18
Mula sa kaibuturan ng aking kaluluwa, isa lamang ang hangad ko para sa lahat ng mabubuting babae na abala sa marangal na gawaing ito, at iyon ay, nawa’y pagpalain sila ng Diyos, iligtas ang kanilang buhay, tulungan silang maging matatag at tunay sa kanilang integridad sa layunin ng Sion; at tulungan silang madama sa kanilang mga kaluluwa na walang ibang bagay ang dapat na ipagpauna sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at walang makahihigit sa Simbahan sa ilalim ng selestiyal na kaharian. Taglay ng Simbahan ang kapangyarihan, kabutihan, katotohanan at dakilang awtoridad ng Diyos, para gawin ang kanyang kalooban sa mundo.19
Mga Mungkahi Para sa Pagtuturo
-
Sa anong kapangyarihan itinatag ang Samahang Damayan? Paano nakatutulong ang kaalaman na itinatag ang Samahang Damayan sa atas ng Diyos para magampanan ng mga kababaihan ang kanilang mga responsibilidad? Paano nakatutulong ang kaalamang ito para tulungan ang mga may hawak ng pagkasaserdote na suportahan ang Samahang Damayan?
-
Paano “pamumunuan … ang mga kababaihan ng sanlibutan” ng Samahang Damayan sa lahat ng bagay na maipagkakapuri, makapagpapaunlad at makapagpapalinis? (Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13.)
-
Paano matutupad ng mga kapatid sa Samahang Damayan ang kanilang “mga tungkulin bilang mga anghel ng awa sa mga nagdurusa at naaapi”? Paano tayo maaakay patungo sa mga “tahimik na naghihirap”?
-
Paano makapagdudulot ng aliw ang Samahang Damayan bilang isang organisasyon? Paano nito maituturo ang mga alituntunin ng tamang pamumuhay? Paano nito madaragdagan ang pang-unawa ng mga kababaihan sa kanilang mga responsibilidad sa pamilya?
-
Bakit mas dakilang bagay yaong mga espirituwal? Paano nakatutulong ang “maayos na pinatnubayang kawanggawa” at “simpleng gawa ng pagkahabag” na akayin ang mga kaluluwa sa “mas mataas na antas ng pananampalataya at espirituwal na kagalingan”?
-
Ano ang umantig sa inyo tungkol sa mga kapatid sa Samahang Damayan na inilarawan sa kabanatang ito?
-
Paano binibiyayaan ang Samahang Damayan ng pamamatnubay ng pagkasaserdote?
-
Paano napagpala ang inyong buhay ng “marangal na layunin” ng Samahang Damayan?