Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 8: Ang Espiritu Santo


Kabanata 8

Ang Espiritu Santo

Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa Ama at sa Anak at kumikilos bilang tiyak na gabay sa lahat ng katotohanan.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Sa pangkalahatang kapulungan ng Simbahan noong Abril 1854, tinawag ni Pangulong Brigham Young si Joseph F. Smith upang maglingkod sa misyon sa Sandwich Islands (Hawaii). Si Joseph ay 15 taon gulang pa lamang. Ang kanyang ina ay kamamatay lang, na iniwan siyang ulila. Ipinakikita sa kanyang talaarawan mula sa panahong yaon na natutuhan niyang umasa sa Espiritu Santo para maalo at mapatnubayan.

Noong ika-8 ng Pebrero 1856, matapos magsalita sa mga Banal ng Hawaii, sinulat niya, “Nagkaroon nang di-kakaunting pagdaloy ng Espiritu.” Noong ika-19 ng Marso 1856, kasunod ng isa pang pagtatalumpati, itinala niya, “Sa kauna-unahang pagkakataon [ang mga Banal] ay lumuha.” Noong ika-30 ng Marso isinulat niya, “Ako ay tumayo at nagtangkang magsalita, subalit nadaig ng pagluha.… Nakiisa sa akin ang mga Banal sa saglit at taos-pusong pagluha.” Noong ika-29 ng Hunyo ng taon ding yaon ipinakikita ng kanyang tala na nagsisimula na niyang maramdaman ang ganap na kapangyarihan ng kanyang ministeryo: “Ang Espiritu ng Diyos ay nasa amin nang buong araw.… Ako ay nagalak, sapagkat nagpatotoo ang Espiritu sa akin tungkol sa gawin ng Panginoon.”1

Pagkaraan ng mga panahon, bilang isang miyembro ng Korum ng Labindalawa, sinabi ni Joseph F. Smith: “Sa una kong misyon nagsimula akong matuto ng ilang bagay sa aking sarili; naniniwala ako hanggang ngayon sa mga patotoo ng mga tagapaglingkod ng Diyos na narinig kong nakipag-usap at nangaral, gayon din ang mga tagubilin na natanggap ko mula sa pinakamabait at pinakamagiliw na ina, katulad din sa mga bagay na naunawaan ko sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon, ng Doktrina at mga Tipan, at ng Biblia. Subalit sa ministeryo kung saan ako masigasig na nagpagal, nagsimulang ganap na maunawaan ko, sa pamamagitan ng inspirasyon ng Banal na Espiritu, kung ano ang aking binabasa at naituro na sa akin, at sa gayon ang mga ito ay naging mga nakatanim na katotohanan sa aking isipan, kung saan lubos akong nakatitiyak katulad sa pagkakaroon ko ng buhay.”2

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ang kaloob na Espiritu Santo ay isang palagiang saksi.

Ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu, siya ang bumubuo sa ikatlong katauhan sa Trinidad, ang Panguluhang Diyos. Ang kaloob o paghahandog ng Espiritu Santo ay gawaing nararapat sundin sa pagkakaloob sa kanya sa tao. Maaaring dalawin nang personal ng Espiritu Santo ang mga tao at dalawin ang mga yaong karapat-dapat at magpapatotoo sa kanilang espiritu tungkol sa Diyos at kay Cristo, subalit hindi maaaring manatili sa kanila [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:22–23].3

“Ang kaloob na Espiritu Santo,” ay isang natatanging pagpapala na ibinuklod sa mga sumampalataya kay Jesucristo na nagsisi at nabinyagan, at “isang palaging saksi.” Maaaring tamasahin ang espiritu ng Diyos bilang pansamantalang impluwensiya kung saan dumarating ang banal na liwanag at kapangyarihan sa sangkatauhan para sa mga natatanging layunin at pangyayari. Subalit ang kaloob na Espiritu Santo, na … ipinagkaloob sa pagpapatibay, ay isang palaging saksi at mas mataas na kaloob.4

Paano natin matatamo ang Espiritu Santo? Ang paraan o pamamaraan ay maliwanag na ipinakita. Sinabihan tayo na magkaroon ng paniniwala sa Diyos, na sumampalatayang may Diyos, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya’y nagsisihanap; na magsisi ng ating mga kasalanan, supilin ang mga silakbo ng ating damdamin, kahangalan, at di-magagandang asal; na maging banal, matapat, at matwid sa lahat ng ating pakikitungo sa isa’t isa, at makipagtipan sa Diyos na susundin natin mula ngayon ang mga alituntunin ng katotohanan, at susundin ang kautusan na kanyang ibinigay sa atin, at pagkatapos ay mabinyagan para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan, sa pamamagitan ng isang taong binigyan ng karapatan; at kapag nasunod na ang ordenansang ito ng ebanghelyo, maaari na nating matanggap ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong binigyan ng karapatan ng Pagkasaserdote. Sa gayon ang Espiritu at kapangyarihan ng Diyos—ang Mangaaliw—sa atin ay magiging isang balon ng tubig na bumubukal tungo sa buhay na walang hanggan. Siya ang magpapatotoo sa Ama, magpapatotoo kay Jesus, at “dinadala ang mga bagay na tungkol sa Ama at inihahayag ang mga ito sa atin,” pinagtitibay ang ating pananampalataya, itinatatag tayo sa katotohanan, na hindi na tayo napapahapay pa dito’t doon ng lahat ng hangin ng aral; subalit “makikilala ang turo” kung ito’y sa Diyos o sa tao [tingnan Mga Taga-Efeso 4:14; Juan 7:17].5

Ang Espiritu Santo, na nagpapatotoo sa Ama at sa Anak, na siyang nagdadala ng mga bagay na tungkol sa Ama at ipinakikita ang mga ito sa mga tao, na nagpapatotoo kay Jesucristo, at sa walang hanggang Diyos, ang Ama ni Jesucristo, at siyang nagpapatotoo sa katotohanan—ang Espiritung ito, ang Katalinuhang ito, ay hindi ipinagkakaloob sa lahat ng tao hanggang sa sila ay magsisi ng kanilang mga kasalanan at marating ang kalagayan ng pagiging karapat-dapat sa harapan ng Panginoon [tingnan sa 3 Nephi 28:11]. At pagkatapos matatanggap nila ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong binigyan-karapatan ng Diyos upang ipagkaloob ang kanyang pagpapala sa uluhan ng mga anak ng mga tao.6

Ang paghahandog o “kaloob” na Espiritu Santo ay pagkakaloob lamang ng karapatan sa tao na matanggap anumang oras, kapag siya ay karapat-dapat dito at hinahangad ito, ang kapangyarihan at liwanag ng katotohanan ng Espiritu Santo, bagaman maaari siyang madalas maiwan sa kanyang sariling espiritu at paghahatol.7

Ang Espiritu Santo ay isang ilawan na tumatanglaw sa patuloy nating paglalakad.

Ang tungkulin ng Espiritu Santo ay magpatotoo kay Cristo, at pagtibayin ang naniniwala sa katotohanan, sa pamamagitan ng pagdadala sa kanyang alaala ng mga bagay na lumipas, at pagpapakita o paghahayag sa kanyang isipan ng mga bagay sa kasalukuyan at sa darating na panahon. “Datapuwa’t ang mang-aaliw, samakatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ay magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi.” [Juan 14:26] “Papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan.” [Juan 16:13.]8

Tungkulin ng mga Banal sa mga Huling Araw na turuan ang kanilang mga anak … ang pangangailangan ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, na siyang aakay sa kanila sa lahat ng katotohanan, at siyang maghahayag sa kanila ng mga bagay na lumipas at ng mga bagay na darating, at siyang magpapakita sa kanila nang mas malinaw ng mga yaong bagay na nasa kanila, upang kanilang maunawaan ang katotohanan, at upang sila ay magsilakad sa liwanag gaya ni Cristo na nasa liwanag; upang magkaroon sila ng pakikipagkapatiran sa kanya at nang malinis sila ng kanyang dugo mula sa lahat ng kasalanan.9

Mayroong tiyak na daan na ipinakita sa atin upang tahakin— iyon ang yaong makipot at makitid na daan na naghahatid sa atin pabalik sa kinaroroonan ng Diyos; ang ilawan na tumatanglaw sa patuloy nating paglalakad ay ang Espiritu Santos, na natanggap natin nang oras ding iyon o matapos ang ating panibagong pagsilang. Kung tayo ay manghihina at tatabi, ang ating ilawan ay magiging malamlam at sa huli ay maglalaho, nang sa aba, ang Mang-aaliw, ang pinagkukunan ng pahayag, ay iiwan tayo, at kadiliman ang hahalili dito; at gaano kalaki ang kadilimang yaon! Bilang katumbas sa liwanag na taglay natin dadaigin tayo ng kadiliman, at maliban na magsisi kaagad, ang kadiliman na nasa atin ay lalaki hanggang sa hindi na natin pagtutuunan ng pansin ang ating tungkulin at kalilimutan Siya na tumubos sa atin at umangkin sa atin na kanya.10

Ang tungkulin ng Banal na Espiritu ay liwanagin ang mga isipan ng mga tao hinggil sa mga bagay ng Diyos, hikayatin sila kasabay ng kanilang pagbabalik-loob na gawin nila ang kalooban ng Ama, at mapasasakanila ang isang palaging patotoo na makakasama sa buong buhay, kumikilos bilang tiyak at mapagkakatiwalaang tagapagpatnubay sa lahat ng katotohanan at pinupuspos sila sa araw-araw ng kagalakan at kaligayahan, na may pagpapasyang gagawa nang mabuti sa lahat ng tao, na magdadanas ng kamalian ng iba kaysa makagawa ng mali, maging mabait at maawain, mapagtiis at may pag-ibig sa kapwa. Ang lahat na nagtataglay ng dimatatayang kaloob na ito, ang mahalagang perlas na ito, ay may patuloy na pagkauhaw sa katwiran. Kung walang tulong ng Banal na Espiritu walang mortal ang makalalakad sa makipot at makitid na daan, na hindi nakikilala ang tama mula sa mali, ang tunay mula sa huwad, na ginagawang halos magkatulad sa pagpapakita nito. Samakatuwid kinakailangang mamuhay nang dalisay at matwid ang mga Banal sa mga Huling Araw, nang sa gayon manahan ang Espiritu sa kanila; sapagkat ito ay nakakamtan lamang sa alituntunin ng kabutihan. Hindi ko ito matatanggap para sa inyo, ni kayo para sa akin; ang bawat isa ay kinakailangang tumayo sa kanyang sarili, maging siya man ay isinilang na mayaman o mahirap, matalino o mangmang, at pribilehiyo ito ng lahat ng uri ng tao na makibahagi nito.11

Ang Espiritu Santo ay bumababa lamang sa mga matwid at sa mga yaong ang kasalanan ay pinatawad na.… Hangga’t ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nalulugod na sundin ang mga kautusan ng Diyos, na pasalamatan ang mga pribilehiyo at biyaya na natatamasa nila sa Simbahan, at gagamitin ang kanilang oras, ang kanilang kabuhayan, sa pagpuri sa pangalan ng Diyos, upang itatag ang Zion, at upang itatag ang katotohanan at kabutihan sa mundo, samantalang ang ating Ama sa Langit ay nakatali sa kanyang sumpa at tipan na pangangalagaan sila mula sa lahat ng kaaway, at na tutulungan sila na pagtagumpayan ang lahat ng hadlang na maaaring iniayos laban sa kanila, o inihagis sa kanilang daraanan; subalit sa sandaling ang mga tao sa isang komunidad ay magsimulang mabahala lamang sa kanilang mga sarili, maging sakim, maging abala sa mga bagay na temporal sa buhay, at ilagay ang kanilang pananampalataya sa mga kayamanan, sa sandaling yaon magsisimulang lumisan sa kanila ang kapangyarihan ng Diyos, at kung hindi sila magsisisi lubusang lilisan ang Banal na Espiritu mula sa kanila, at maiiwan sila sa kanilang sarili.12

Kayo na mga sinusunod ang mga hinihingi ng walang hanggang Ebanghelyo, at pinili mula sa daigdig, na tinanggap ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagkakataon na ninyo ito na matanggap ang patotoo ng Espiritu sa inyong sarili; pagkakataon na ninyo na malaman ang isipan at kalooban ng Ama hinggil sa inyong sariling kapakanan, at hingil sa katapusang pagtatagumpay ng gawain ng Diyos.13

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, tayo ay ipinanganak muli.

Ang wika ng Tagapagligtas kay Nicodemo, “Maliban na ang tao’y ipanganak muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios,” [tingnan sa Juan 3:3] at yaon ay totoo ngayon. Ang tao ay dapat na ipanganak mula sa kamangmangan tungo sa katotohanan, ngayon.… Kung hindi siya ipinanganak nang gayon, siya ay mas higit na bulag kaysa sa bulag na pinagaling ni Cristo, sapagkat mayroon siyang mga mata, hindi siya nangakakakita, at mayroong mga tainga, hindi nangakakarinig.14

Ang pagbabagong yaon ay dumarating sa bawat anak na lalaki at babae ng Diyos na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, na nagpakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Panginoon, at naghangad ng kapatawaran ng kasalanan sa pagpapabinyag sa pamamagitan ng paglubog, sa pamamagitan ng isang taong may karapatan upang pangasiwaan ang banal na ordenansang ito ng ebanghelyo ni Jesucristo. Sapagkat ito ang yaong panibagong kapangyarihan na binanggit ni Cristo kay Nicodemo na kailangangkailangan upang makita ng mga tao ang kaharian ng Diyos, at kung wala ang yaon walang taong makapapasok sa kaharian. Naaalaala pa ng bawat isa sa atin, marahil, ang pagbabagong dumating sa ating mga puso nang tayo’y binyagan para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Mangungusap ako hinggil sa impluwensiya at kapangyarihan ng Banal na Espiritu na naranasan ko nang ako ay binyagan para sa kapatawaran ng aking mga kasalanan. Ang damdaming dumating sa akin ay yaong dalisay na kapayapaan, ng pag-ibig at ng liwanag.…

O! na sana ay napanatili ko ang gayon ding espiritu at ang gayon ding masigasig na hangarin sa aking puso sa bawat sandali ng aking buhay mula nang araw na iyon hanggang ngayon. Gayunman marami sa atin na nakatanggap ng gayong patotoo, ng yaong panibagong kapanganakan, ng yaong pagbabago ng puso, bagaman maaaring magkamali tayo sa paghatol o makagawa ng maraming kamalian, at marahil madalas mabigong mamuhay nang naaayon sa tunay na pamantayan sa ating buhay, ay pinagsisihan natin ang kasamaan, at hinahangad natin oras-oras ang kapatawaran sa kamay ng Panginoon; upang hanggang sa araw na ito ang gayon ding hangarin at layunin na lumaganap sa ating kaluluwa noong tayo ay binyagan at matanggap ang kapawaran ng ating mga kasalanan, ang siya pa ring nagmamay-ari ng ating mga puso, at mananatiling namamayaning damdamin at hangarin ng ating mga kaluluwa. Bagaman may mga panahon na tayo ay napupukaw sa galit, at ang ating poot ang siyang umaakay sa atin na magsalita at gumawa ng mga bagay na hindi kalugod-lugod sa paningin ng Diyos, gayon pa man sa pagbabalik ng ating kahinahunan at makabawi mula sa ating pagkahulog sa kapangyarihan ng kadiliman, nagpapakumbaba tayo, nagsisisi, at humihingi ng kapatawaran para sa nagawa nating kamalian sa ating sarili, at marahil sa iba. Ang dakila, masigasig, puspos na hangarin, na isinilang sa katotohanan at sa patotoo ng Banal na Espiritu sa mga puso ng mga tao na sinusunod ang katotohanan, ay siyang nagdadala at muling nagmamay-ari ng ating mga kaluluwa, upang gabayan tayo sa landas ng tungkulin. Ito ang aking patotoo at alam ko na totoo ito.15

Ang kasalanang walang kapatawaran ay ang kusang pagkakaila at pagsuway sa Espiritu Santo matapos makatanggap ng Kanyang patotoo.

Walang sinumang tao ang magkakasala laban sa liwanag hanggang sa magkaroon siya nito; ni laban sa Espiritu Santo, hanggang sa matapos niyang matanggap ito sa pamamagitan ng kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng itinakdang daan. Ang magkasala laban sa Espiritu Santo, ang Espiritu ng Katotohanan, ang Mang-aaliw, ang saksi sa Ama at sa Anak, ay kusang pagkakaila sa kanya at pagsuway sa kanya, matapos siyang matanggap, ay bumubuo [ng kasalanang walang kapatawaran].16

Walang sinumang tao ang maaaring makagawa ng kasalanang walang kapatawaran sa kamangmangan. Ang tao ay kailangang dalhin sa kaalaman kay Cristo, kailangan niyang tumanggap ng patotoo kay Cristo sa kanyang puso, at magkaroon ng liwanag at kapangyarihan, kaalaman at pang-unawa, bago siya maaaring makagawa ng gayong kasalanan. Subalit kapag ang isang tao ay tumalikod mula sa katotohanan, nilabag ang kaalamang tinanggap niya, niyuyurakan ito sa ilalim ng kanyang mga paa, at inilalagay muli si Cristo sa hayag na kahihiyan, ipinagkakaila ang Kanyang pagbabayad-sala, ipinagkakaila ang kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli, ipinagkakaila ang mga himala na Kanyang ginawa para sa kaligtasan ng mag-anak ng tao, at sinasabi sa kanyang puso, “Hindi ito totoo,” at nananatili sa gayong pagkakaila ng katotohanan, matapos makatanggap ng patotoo ng Espiritu, siya ay nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran.17

[Kasunod ng Pagpapako sa krus sa Tagapagligtas,] bakit nalimutan at sa wari’y walang nalalaman [ang mga Apostol] sa lahat ng itinuro sa kanila ng Tagapagligtas tungkol sa mga layunin ng kanyang misyon sa mundo? Sapagkat kulang sila ng isang mahalagang katangian, hindi pa sila “nasangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas.” [Tingnan sa Lucas 24:49.] Hindi pa nila natamo ang kaloob na Espiritu Santo.…

Kung ang mga disipulo ay napagkalooban ng “kaloob na Espiritu Santo,” o “ng kapangyarihan mula sa itaas,” sa panahong ito, ang kanilang landasin ay kaiba sa kabuuan … , na labis na pinatunayan ng sumunod na pangyayari. Kung si Pedro, na siyang namumunong apostol, ay tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at ang kapangyarihan at patotoo niyon bago ang nakakikilabot na gabi kung saan nanungayaw at sumumpa at ipinagkaila niya ang kanyang Panginoon. [ tingnan sa Mateo 26: 69–75 ], ang ibinunga ay lubhang kaiba sa kanya, sapagkat sa sandaling iyon ay maaari siyang magkasala laban sa dakilang “liwanag at kaalaman,” at “laban sa Espiritu Santo,” kung saan ay walang kapatawaran. Ang katotohanan, samakatuwid, na siya ay pinatawad, matapos ang mapapait na luha ng pagsisisi, ay isang patunay na wala siyang patotoo ng Espiritu Santo, na kailanman ay hindi ito natanggap. Ang iba pang disipulo o apostol ni Cristo ay tiyak ding nasa gayong kalagayan, at hindi ito nakamtan hanggang sa kinagabihan ng araw na lumabas si Jesus mula sa libingan na ipinagkaloob niya sa kanila ang di-matatayang kaloob na ito [tingnan sa Juan 20:22.]18

Ilang sandali bago lumisan sa mundo ang nabuhay na Manunubos inutusan niya ang kanyang mga disipulo na magsipanatili sa bayan ng Jerusalem hanggang sa sila’y masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas. Ginawa nila ang gayon, at alinsunod sa pangako, dumarating ang Mang-aaliw sa sandaling sila ay sama-samang nagtitipon, pinupuspos ang kanilang mga puso ng di-mailarawang kagalakan, hanggang sa sila’y mangusap sa mga wika at magpropesiya, at ang nakapagpapasiglang impluwensiya ng banal na katauhang ito ay sinamahan sila sa lahat ng kanilang mga tungkuling pang-ministeryo na dahil dito ay naisagawa nila ang dakilang misyon kung saan sila tinawag ng Tagapagligtas.19

Si Saulo, na taga-Tarso, na nagtataglay ng pambihirang katalinuhan at kaalaman, pinag-aral sa paanan ni Gamaliel, ay nagturo alinsunod sa ganap na pamamaraan ng batas, pinag-uusig ang mga Banal hanggang mamatay, iginagapos at ipinapasok sa bilangguan kapwa ang kalalakihan at kababaihan; at nang ang dugo ng Martir na si Esteban ay dumanak, si Saulo ay pumanig sa pamamagitan ng pag-iingat ng mga kasuotan ng mga yaong pumaslang sa kanya, at sumang-ayon sa kaniyang pagkamatay. At “pinuksa niya ang iglesia, na pinapasok ang bahay-bahay, kinakaladkad ang mga lalaki’t babae, at sila’y ipinapasok sa bilangguan.” [Ang mga Gawa 8:3.] At nang sila ay ipapapatay na ibinigay niya ang kanyang pagsang-ayon laban sa kanila, at kanyang “pinarusahan sila nang madalas sa lahat ng sinagoga, at pinipilit silang magsipamusong; at sa totoong pagkagalit sa kanila, pinag-uusig sila hanggang sa mga bayan ng ibang lupain,” [Ang mga Gawa 26:11] at gayon pa man ang taong ito ay hindi nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran, sapagkat hindi niya nakikilala ang Espiritu Santo.20

Kung mayroon mang mga taong makagagawa ng kasalanang walang kapatawaran, matatagpuan ninyo sila sa kalipunan ng mga yaong dumating, o darating pa lamang sa kaalaman ng katotohanan.… Kayo at ako ay nakatanggap ng liwanag. Natanggap natin ang Banal na Pagkasaserdote. Natanggap natin ang patotoo ng Banal na Espiritu, at dinala mula sa pagkamatay tungo sa pagkabuhay. Samakatuwid, tayo ngayon ay nasa napakaligtas o nasa napakamapanganib na katayuan,—mapanganib kung ating lalapastanganin ang mga bagay na banal na ipinagkatiwala sa ating pangangalaga. Dahil dito binabalaan ko kayo, mga kapatid ko, lalung-lalo na ang mga kapatid kong lalaki, laban sa paglapastangan ng inyong [pagkasaserdote].… Kung gagawin ninyo ito, yamang buhay ang Diyos aalisin Niya ang Kanyang Espiritu mula sa inyo, at darating ang panahon na kayo ay matatagpuang lumalaban sa liwanag at kaalaman na inyong natanggap, at maaari kayong maging mga anak na lalaki ng kapahamakan. Samakatuwid, mas makabubuting mag-ingat kayo na baka sumapit sa inyo ang ikalawang kamatayan.21

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Ano ang kaibahan sa pagitan ng panandaliang impluwensiya o pagpapakita ng Espiritu Santo at ang kaloob na Espiritu Santo? (Tingnan sa Moroni 10:4.) Paano natin matatanggap ang kaloob na Espiritu Santo? Anong mga biyaya ang darating sa atin kapag ikinararangal natin ang kaloob na ito?

  • Paano tayo ginagabayan ng Espiritu Santo sa lahat na katotohanan? (Tingnan sa Juan 16:13.) Anong mga katotohanan ang napatotohanan na sa inyo ng Espiritu Santo?

  • Bakit ang ilawan ay magandang sagisag upang kumatawan sa Espiritu Santo? Ano ang magagawa natin upang matiyak na ang ilawang ito ay magniningas nang maliwanag sa ating mga buhay?

  • Ano ang magagawa natin upang maragdagan ang impluwensiya ng Espiritu Santo sa ating mga buhay? Paano natin matutulungan ang iba na maunawaan kung paano pinagpapala ng Espiritu Santo ang ating mga buhay?

  • Ano ang kinakailangan nating gawin upang matanggap ang panibagong Kapanganakan na binabanggit ng Tagapagligtas? (Tingnan sa Juan 3:5.) Anong mga damdamin ang kaakibat ng panibagong Kapanganakang ito? Paano natin mapananatili ang mga damdaming ito? (Tingnan sa Alma 5:14–16, 26.)

  • Ano ang kasalanang walang kapatawaran? Ano ang ibig sabihin ng paglapastangan sa “mga banal na bagay na ipinagkatiwala sa ating pangangalaga”?

Mga Tala

  1. Talaarawan ni Joseph F. Smith, 1856, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw; ginawang makabago ang pagkabaybay ng mga salita.

  2. Deseret News: Semi-Weekly, ika-29 ng Ene. 1878, 1.

  3. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 61.

  4. Sa Messages of the First Presidency of the Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo (1965–75), 5:4.

  5. Gospel Doctrine, 59–60.

  6. Gospel Doctrine, 67.

  7. Gospel Doctrine, 60–61.

  8. Gospel Doctrine, 101.

  9. Gospel Doctrine, 291.

  10. Deseret News: Semi-Weekly, ika-28 ng Nob. 1876, 1.

  11. Deseret News: Semi-Weekly, ika-28 ng Nob. 1876, 1.

  12. Gospel Doctrine, 50–51.

  13. Deseret News: Semi-Weekly, ika-22 ng Abr. 1884, 1.

  14. Gospel Doctrine, 97.

  15. Gospel Doctrine, 96–97.

  16. Gospel Doctrine, 434.

  17. Deseret Evening News, ika-9 ng Peb. 1895, 9.

  18. Gospel Doctrine, 20–21.

  19. Gospel Doctrine, 92.

  20. Gospel Doctrine, 433–34.

  21. Deseret Evening News, ika–9 ng Peb. 1895, 9.