Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 35: Hangaring Matuto sa Katotohanan


Kabanata 35

Hangaring Matuto sa Katotohanan

Masigasig na hanapin natin ang katotohanan at magsumikap na matuto at umunlad araw-araw.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Bagaman iilan lamang ang naging pagkakataon ni Pangulong Joseph F. Smith na magkaroon ng pormal na edukasyon, siya ay malakas na naimpluwensiyahan ng doktrina na ang: ‘kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan” (Doktrina at mga Tipan 93:36), at hinikayat niya ang mga Banal na magtamo ng edukasyon sa abot ng makakaya kapwa sa espirituwal at temporal na mga katotohanan. Patuloy na sinuportahan ni Pangulong Smith ang mga programang pang-akademiya ng Simbahan, na nagbigay pagsasanay sa paaralang sekundaryo at edukasyong pang-relihiyon sa maraming Banal. Inilatag din niya ang saligan para sa ngayong malawakang Sistemang Pang-edukasyon ng Simbahan sa pamamagitan ng pagtatatag ng programang seminaryo. Ang unang seminaryo ay binuksan noong 1912 malapit sa Granite High School sa lunsod ng Salt Lake, Utah.

Bilang Pangulo ng Simbahan, hinikayat niya ang mga pantulong na samahan ng Simbahan—ang Samahang Damayan, Panlinggong Paaralan, ang Primarya, at ang Asosasyon ng Damayan sa Pag-unlad (ang mga programa ng Mga Kabataang Lalaki at Mga Kabataang Babae)—sa misyon ng mga ito na ituro ang ebanghelyo. Sa panahon ng paglilingkod niya ay naitatag ang unipormadong kurso ng pag-aaral para sa mga bata at matanda sa mga pinatulong na samahan ng Simbahan, at ang mga babasahing inilalathala ng Simbahan ay naglalaman ng mga plano para sa mga lingguhang pag-aaral. Naglingkod siya nang maraming taon bilang patnugot ng Improvement Era, na sinundan ng Ensign magasin; at ng Juvenile Instructor na inilathala para sa samahan ng Panlinggong Paaralan na sumusulat ng maraming artikulo at editoryal na nagbibigay linaw sa doktrina ng Simbahan. “Gustung-gusto niya ang pagsusulat,” ang naaalala ng isa sa mga kaibigan niya, “at madalas na sabihin niya ang hiling na sana’y magkaroon pa siya ng maraming oras na makapagsulat para sa New Era.1

Gaya nang naipahayag ni Pangulong Smith, “Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang kaligtasan, sa ilalim ng pagbabayad-sala ni Cristo ay isang patuloy na edukasyon.… Ang kaalaman ay isang paraan ng pag-unlad na walang hanggan.2

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Lahat ng katotohanan ay napapaloob sa ebanghelyo.

Walang katotohanan sa alinmang lipunan o samahang pangrelihiyon na hindi napapaloob sa ebanghelyo ni Jesucristo gaya nang itinuro ni Propetang Joseph Smith at ng mga pinuno at elders ng Simbahan na humalili sa kanya; ngunit nangangailangan ng pagsisikap sa parte natin, kaunting pagpupunyagi, debosyon, na matutuhan ang tungkol sa at matamasa ang mga bagay na ito. Kung magpapabaya tayo sa mga ito, siyempre pa hindi tayo makatatanggap ng mga biyaya na bunga ng pagsisikap at nagmumula sa lubos na pagkaunawa sa mga alituntuning ito. Kaya nga maaaring may ibang taong makakasama natin at naghahayag ng kanilang mga ideya, na bagaman hindi maikukumpara ang mga ideyang ito sa atin sa kalinawan, tagubilin at katotohanan ay napakikinggan pa rin ito ng mga tao na mga napapaniwala na bago at hindi napapaloob sa ebanghelyo ni Jesucristo ang mga ito gaya nang itinuturo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ay isang nakatatakot na pag-aakala, at isang bagay na kailangang pag-ingatan ng lahat ng nagmamahal sa ebanghelyo.3

Kung mahal ninyo ang katotohanan, kung natanggap ninyo ang ebanghelyo sa inyong mga puso at mahal ito, ang inyong katalinuhan ay madaragdagan; lalawak ang inyong pang-unawa sa katotohanan nang higit pa sa maaaring matamo sa ibang paraaan. Sa lahat ng bagay sa mundo, ang katotohanan ang nagbibigay kalayaan sa mga tao—kalayaan mula sa katamaran at kawalang-ingat, kalayaan mula sa nakatatakot na bunga ng kapabayaan, sapagkat nakatatakot ang ibubunga ng kapabayaan natin sa ating tungkulin sa harapan ng Diyos. Kung malalaman ninyo ang katotohanan at lumalakad sa liwanag nito, kayo ay makalalaya mula sa mga kamalian ng tao …; kayo ay mananaig sa paghihinala at lahat ng uri ng kamalian. Kakasihan kayo ng Diyos at bibiyayaan kayo at ang inyong mga mana, at pauunlarin kayo at payayabungin gaya ng luntiang puno ng laurel.4

Siya na nagkaroon ng pribilehiyong matuto at yakapin ang kaalaman tungkol sa Diyos, at ang landas ng buhay … ay higit na mapalad kaysa sa kanya na nakahanap ng kasaganahan, o natatagong yaman ng mundo.… Malaya ang kanyang isipan na tanggapin ang malilinaw at mahahalagang katotohanang inihayag para sa kaligtasan at buhay ng tao mula sa bukal ng katotohanan, at ang kanyang puso ay … o dapat na … iukol sa dakila at maluwalhating layunin ng kaligtasan ng sangkatauhan.5

Saan ninyo papupuntahin ang mga tao na hindi nakatitiyak sa katotohanan? Simple lamang ang sagot. Hindi sila masisiyahan sa mga doktrina ng tao. Hayaan ninyo silang maghanap sa nasusulat na salita ng Diyos; hayaan ninyo silang magdasal sa kanya sa kanilang mga tagong lugar, kung saan walang taong makaririnig, at sa kanilang maliliit na silid ay magsumamo para sa liwanag; hayaan ninyong sundin nila ang mga doktrina ni Jesus, at kaagad silang magsisimulang umunlad sa kaalaman ng katotohanan. Ang landas na ito ay magdudulot ng katiwasayan sa kanilang mga kaluluwa, kagalakan sa kanilang mga puso, at isang tiyak na pananalig na hindi matitinag ng pagbabago. Sila ay mabibigyang kasiguruhan na “Siya na nakaririnig sa lihim ay gagantihin ka” [tingnan sa Mateo 6:6.].6

Di tulad ng mga teoriya ng tao, ang salita ng Diyos ay laging totoo, laging tama.

Ang ating mga kabataan ay masisigasig na estudyante. Sinasaliksik nila ang katotohanan at kaalaman sa kapuri-puring sigla, at sa paggawa niyon, di maiiwasang panandaliang kupkupin nila ang maraming teoriya ng tao. Gayunman, hangga’t batid nilang panandaliang sandigan lamang ito na kapaki-pakinabang sa layunin ng pananaliksik ay wala itong maidudulot na natatanging pinsala sa kanila. Magkakaroon lamang ng mga suliranin kapag ang mga teoriyang ito ay tanggaping mga pangunahing katotohanan, at ang nagsasaliksik ay nabibingit sa panganib na matangay palayo at walang pag-asang makabalik sa tamang landas.…

Pinanghahawakan ng Simbahan ang tiyak na awtoridad ng dakilang paghahayag na siyang dapat na maging pamantayan; at na, sapagkat ang tinatawag na “Siyensiya” ay nagbabago ng pangangatwiran sa paglipas ng mga taon, at sapagkat ang dakilang paghahayag ay katotohanan at mananatili magpakailanman, ang pananaw ng siyensiya ay dapat na umayon sa positibong paglalahad ng dakilang paghahayag, at, dagdag pa rito, ang mga tagapagturo sa mga institusyon at iba pang sangay ng edukasyon na itinatag ng Simbahan para sa pagtuturo ng teolohiya ay dapat na namumuhay nang alinsunod sa kanilang mga turong alituntunin at doktrina.…

Ang relihiyon ng mga Banal sa Huling Araw ay hindi salungat sa anumang katotohanan o siyentipikong pananaliksik para sa katotohanan. “Yaong mga napatotohanan na ay tinatanggap natin nang may galak.” sabi ng Unang Panguluhan sa kanilang bating Pamasko sa mga Banal, “ngunit ang mga walang kabuluhang pilosopiya, teoriya ng tao at haka-haka lamang ay hindi natin tinatanggap, ni kinukupkop ang anumang bagay na salungat sa dakilang paghahayag o katwiran, sa halip ay sinasang-ayunan natin ang lahat ng bagay na gumagawi sa tamang asal, na umaayon sa mabuting moralidad at nagpapalakas ng pananampalataya sa Diyos, saanman ito matagpuan.” [Words in Season mula sa Unang Panguluhan, ” Deseret Evening News, ika-17 ng Dis. 1910, 3.]

Isang mabuting salawikain para kupkupin ng mga kabataan, na interesadong pakausisain ang mga pilosopikong teoriya ay saliksikin ang lahat ng bagay. Ngunit maingat na mangunyapit lamang doon sa totoo. Mananaig ang katotohanan, samantalang ang mga teoriya ng mga pilosopo ay nagbabago at nagugupo. Ang ginagamit na sandigan ng mga tao ngayon para sa mga siyentipikong layunin sa paghahalughog sa mga bagay na hindi nalalaman para sa katotohanan ay maaaring gumuho kinabukasan, matapos gamitin ito; samantalang ang pananampalataya ay isang walang hanggang alituntunin kung saan makatatamo ng walang katapusang kaginhawahan ang mapagkumbabang tao na sumasampalataya. Ito ang tanging paraan upang matagpuan ang Diyos.7

Sa paglipas ng panahon, ang siyensiya at pilosopiya ay sumailalim sa mga pagbabago. Hindi pa halos lumilipas ang isang siglo gayunman ang mga ito ay nagpalabas na ng mga bagong teoriya sa siyensiya at pilosopiya na pinapalitan ang mga lumang tradisyon, pananampalataya at doktrina na isinaalang-alang ng mga pilosopo at siyentipiko. Ang mga bagay na ito ay maaaring sumailalim sa patuloy na pagbabago, ngunit ang salita ng Diyos ay palaging totoo, palaging tama.8

Ang edukasyon na ang pinakamimithi ay makalupang ambisyon ay salat doon sa malaya at di mapigil na daloy ng espiritu na nagbubukas sa higit na kalayaan at buhay na kapaki-pakinabang. Habang tumatanda tayo sa edad at karanasan, lalong nagkakaroon ng kinalaman ang espirituwal na buhay natin sa ating tunay na kaligayahan. Mas madalas na nababaling ang ating isipan sa nasasaloob natin habang mataman nating pinag-iisipan ang nalalapit na wakas ng ating buhay dito sa mundo at kabilang buhay na higit na dakila.9

Kailangan nating umunlad at sumulong sa antas ng katalinuhan.

Hindi tayo “laging nagsisipag-aral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkakaalam ng katotohanan.” [Tingnan sa 2 Timoteo 3:7.] Sa kabaliktaran, tayo ay tumatalino at lalong napapalapit sa isang wastong pang-unawa sa katotohanan, sa tungkulin at responsibilidad na iginawad sa mga miyembro ng Simbahan na tinawag sa mga posisyon. Hindi lamang tumutukoy ito sa mga tinawag na kumilos sa mga responsableng posisyon, kundi sa … [lahat] ng miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.…

Sino, sa mga bagay-bagay na nangyayari sa paligid natin, ang hindi umuunlad? Sino sa atin ang walang natututuhang anuman sa araw-araw? Sino sa atin ang hindi nagkakaroon ng karanasan habang lumalakad tayo, at inaasikaso ang mga tungkulin ng pagiging miyembro ng Simbahan, at mga tungkulin bilang mga mamamayan …? Sa palagay ko ay magiging napakalungkot na komentaryo sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa kanyang mga tao na sumandaling akalaing tayo’y ganito pa rin, na tumigil na tayo sa pag-unlad at tumigil nang sumulong sa antas ng katalinuhan, at sa matapat na pagganap sa tungkulin saan man tayo naroroon bilang mga tao at miyembro ng Simbahan ni Cristo.10

Isa sa pinakamasamang bagay na nangyayari ngayon … ay ang pagiging mangmang at pagwawalang bahala. Ipinalalagay ko na kung ang mga mangmang ay hindi magwawalang bahala sa mga katotohanang ito at sa kalagayan nila ay maaari silang maudyukang matuto nang higit sa nalalaman nila. Ang problema sa mga lalaki’t babae ay kadalasang sarado ang kanilang mga mata sa katotohanan sa paligid nila, at para bang napakahirap para sa maraming tao na matutuhan at isabuhay nila ang mga simpleng katotohanang ito na dapat sana’y bukambibig ng lahat at panuntunan ng bawat Banal sa mga Huling Araw at kanilang mga tahanan. Paano natin pipigilin ang kasamaang ito, ang pagwawalang bahalang ito, ang kamangmangang ito? Sa tingin ko ang taning paraan para gawin ito ay gumising at maging interesado, o gawin nating interesado ang sarili natin sa mga bagay na napakahalaga at kinakailangan para sa kaligayahan at ikabubuti ng mga anak ng tao, lalung-lalo na yaong mga bagay na kailangan natin mismo para sa ikabubuti at kaligayahan natin.

Hindi lamang ito ang kinakailangan, na malaman ang katotohanan o tumigil sa pagiging mangmang. Kasunod niyon ang pagsasagawa ng mga bagay na naunawaan at natutuhan natin, doon sa mga bagay na kailangan para sa ating proteksiyon at para sa proteksiyon ng ating mga anak, kapit-bahay, tahanan, kaligayahan.11

Saliksikin ang katotohanan sa mga nasusulat; pakinggan at tanggapin ang katotohanang inihayag ng mga buhay na propeta at guro; pagyamanin ang inyong isipan ng pinakamahuhusay na kaalaman at katotohanan. Sila na mga nagsasalita para sa kanyang pangalan, hinihingi ng Panginoon ang pagpapakumbaba, at hindi kamangmangan. Katalinuhan ang kaluwalhatian ng Diyos; éat walang taong maliligtas sa kamangmangan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:36; 131:6].12

Ang maglingkod para sa Panginoon ay paraan ng pagtanggap ng tunay na edukasyon, at ang edukasyon ay matatawag na edukasyon kung nadagdagan ang kapakinabangan ng taong nagkaroon nito, at may sigla at lakas sa lahat ng ginagawa niya.13

Itanim sa isipan ninyo ang mga dakilang kaisipan, linangin ang mariringal na paksa, gawing mataas ang inyong mga layunin at mithiin. Matutong umasa sa sarili; tungo sa kapakinabangan, pagiging matulungin, at may tiwala sa sarili, bagaman walang taong makapag-iisa at walang makapagsasabing hindi nila kailangan ang Ama sa Langit. Hangaring maging maalam sa pinakamataas na kahulugan ng salita; gamitin sa paglilingkod ang inyong oras, pangangatawan at isipan, at ang lahat ng inyong pagsisikap ay iukol sa mararangal na patutunguhan, nang sa gayon ay walang masayang sa mga pagsisikap na ito at walang pinaghirapang mababale- wala o mauuwi sa masama.

Hangarin ang pinakamahuhusay na samahan; maging mabait, magalang, kalugud-lugod, hinahangad na malaman ang anumang bagay na mabuti, at alamin ang mga tungkulin sa buhay upang maging isang pagpapala kayo sa mga taong nakakasalamuha ninyo, ginagawa ang lahat at pinakamabuti sa inyong buhay.14

Sa lahat ng ating pang-edukasyon at pagsisikap sa mundo, dapat tayong mangunyapit sa gabay na bakal.

Napakahalaga para sa mga Banal sa mga Huling Araw na laging sundin ang mga kinikilalang pamantayang pang-relihiyon at kabutihang asal ng buhay na itinakda ng makabagong paghahayag para maging gabay nila. Sa ibang salita, dapat silang mangunyapit sa bagay na napakagandang inilarawan bilang “gabay na bakal.”

Sa panahon ngayon na malakas ang hatak sa mga tao ng mga komersiyal, sosyal at samahang panghanapbuhay,… ang mga tungkulin at obligasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi maingat na maisasaisantabi para sa ibang pamantayan sa pamumuhay.

Nakakatakot na kadalasang tinatanggap ng mga tao bilang gabay nila ang karaniwang inaasal ng mga taong nasa paligid nila. Kung nagpapalayaw sa mga gawaing masama at nagkukulang sa wastong pagpipigil ang alinman sa mga samahang panghanapbuhay, sosyal at politikal, ito ay hindi dahilan para sila na nagsasabing mga Banal sa mga Huling Araw ay lumayo at sumunod sa agos kasama ng mga taong walang malasakit, suwail, o imoral.…

Hindi natin dapat kalimutan na tayo ay at dapat na kilalaning mga Banal sa mga Huling Araw, anuman ang gawain natin sa buhay, at kailanman ay di dapat tayong mawala sa moral at espirituwal na gabay na ipinataw sa atin ng Ebanghelyo. Ilan sa ating mga kabataang lalaki na nangawasak ang buhay ay matutukoy ang kasawian at pagbagsak nila sa unang hakbang na ginawa nila na tumulad sa mga nakakahalubilo nila sa kanilang mga temporal na mithiin.

May mga panahon ng pagpapakasaya na kadalasang umaabot sa kasukdulan na ang mga lalaki’t babae ay natatangay nito at nalilimutan ang lahat maliban sa mga bagay na nakapagbibigay sa kanila ng kasiyahan o makamundong pakinabang. Ang ilan pa nga ay hindi hihigit ang pamantayan sa pag-uugali doon sa makamundong popularidad. Pagkalipas ng mga alon ng kaguluhan, natatagpuan nila ang kanilang sarili hindi lamang sa walang direksiyon sa buhay, kundi kung minsan, wala nang pag-asang makaahon pa sa mga kasalanang kinalubluban.…

Napakahalaga sa lahat ng oras, at lalung-lalo na kapag ang ating mga nakakasama ay hindi nakapagbibigay sa atin ng moral at espirituwal na suporta na kailangan natin para umunlad, na magpunta tayo sa bahay ng Panginoon para sumamba at makihalo sa mga Banal, nang sa gayon ang kanilang moral at espirituwal na impluwensiya ay matulungan tayong itama ang mga mali nating impresyon at ibalik tayo sa buhay na kung saan ang mga tungkulin at obligasyon ay ayon sa atas ng ating konsensiya at tunay na relihiyon.

… Kaya nga, sa gitna ng mga tawag ng mundo at mga nakakasama natin ay huwag nating kalimutan ang pinakamahalagang tungkulin na utang natin sa ating sarili at sa ating Diyos.15

Mga Mungkahi Para sa Pag-aaral

  • Anu-anong karanasan ang nagturo sa inyo na ang lahat ng katotohanan ay “napapaloob sa ebanghelyo ni Jesucristo”?

  • Ano ang dapat nating gawin upang malaman natin ang mga alituntunin ng katotohanan? Anu-ano ang panganib sa pagpapabaya sa tungkuling ito? Anu-anong gantimpala ang ipinangako sa mga tao na nalaman ang katotohanan at lumalakad sa liwanag?

  • Ano ang posisyon ng Simbahan tungkol sa siyentipikong pagsasaliksik sa katotohanan? Paano sumasalungat ang mga teoriya at pilosopiya ng tao sa salita ng Diyos?

  • Anu-ano ang panganib sa pag-aaral para lamang matugunan ang “makalupang ambisyon”?

  • Sa paanong paraan tumitigil ang mga taong “umunlad sa antas ng katalinuhan”? Paano natin masisiguro na patuloy tayong natututo sa araw-araw? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:18–19.)

  • Bakit ang maging mangmang sa katotohanan ay “isa sa pinakamasama”? Paano natin pipigilin ang kasamaang ito”?

  • Paano ninyo “gagamitin sa paglilingkod ang inyong oras, pangangatawan at isipan”? Anu-anong pag-uugali at gawi ang makatutulong sa atin na “gawin ang lahat at pinakamabuti sa inyong buhay”?

  • Anu-ano ang panganib sa pagtanggap natin bilang ating gabay “ang karaniwang inaasal ng mga taong nasa paligid” natin sa pang-edukasyon at temporal na mithiin natin?

  • Sa “gitna ng mga tawag ng mundo at mga nakakasama,” ano ang magagawa natin para “huwag nating malimutan ang pinakamahalagang tungkulin na utang natin sa ating sarili at sa ating Diyos”?

Mga Tala

  1. “Editor’s Table,” Improvement Era, Dis. 1918, 174.

  2. Sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 tomo (1965–75), 4:146–47.

  3. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 122–23.

  4. A Journey to the South, “ Improvement Era, Dis. 1917, 102.

  5. Foreign Correspondence,” Millennial Star, ika-25 ng Mar. 1878, 187.

  6. Gospel Doctrine, 126.

  7. Gospel Doctrine, 38–39.

  8. Gospel Doctrine, 39.

  9. Gospel Doctrine, 353.

  10. Gospel Doctrine, 342.

  11. Gospel Doctrine, 342–43.

  12. Gospel Doctrine, 206.

  13. “Counsel to Returning Missionaries,” Millennial Star, ika-2 ng Okt. 1913, 646.

  14. Gospel Doctrine, 351–52.

  15. “Editorial Thoughts: Our Religious Identity,” Juvenile Instructor, Mar. 1912, 144–45.

first seminary building

Malapit sa Granite High School sa Lunsod ng Salt Lake, Utah.

Latter-day Saints’ University

Mga estudyanteng Banal sa mga Huling Araw sa Unibersidad sa Lunsod ng Salt Lake, Utah, 1903. Hinikayat ni Pangulong Joseph F. Smith ang mga Banal na “pagyamanin ang kanilang mga isipan ng pinakamahuhusay na kaalaman at katotohanan.… Walang sinumang maliligtas sa kamangmangan” (Gospel Doctrine, 206).