Kabanata 40
Ang Ama at ang Anak
Itinuturo sa atin ng makabagong pagpapahayag ang mahalaga at walang hanggang mga katotohanan tungkol sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Si Pangulong Joseph F. Smith ay madalas magbahagi ng nakaaantig na patotoo hinggil sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, ang pinakatampok na layunin ng ating pananampalataya. Sinabi niya, “Ako’y naniniwala nang buo kong kaluluwa sa Diyos Ama at sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.”1 Habang siya pa ay Pangulo ng Simbahan, hinangad niyang bigyang-linaw ang katauhan at mga ginagampanan ng Ama at ng Anak, lalo pa nga na ang ilang mga talata sa banal na kasulatan ay tumutukoy kay Jesucristo bilang Ama. Sa pagsisikap na tulungan ang mga Banal na higit na maunawaan ang mga banal na kasulatan hinggil sa Ama at sa Anak, ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa ay nagpalabas ng paglalahad ukol sa doktrina noong ika-30 ng Hunyo 1916 na pinamagatang “Ang Ama at ang Anak.” Ang pagpapahayag na ito ay nagbibigay-liwanag ukol sa pagkakaisa sa pagitan ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, at binigyang-linaw ang mga natatanging papel na ginagampanan ng bawat isa sa plano ng kaligtasan. Ipinaliliwanag din nito ang pagkakagamit ng salitang Ama sa banal na mga kasulatan na kapwa tumutukoy sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Ilang mga halaw mula sa paglalahad ang binabanggit sa kabanatang ito kabilang ang ilang mga turo ni Pangulong Smith, na nagpatibay na ang magtamo “ng kalaaman tungkol sa Diyos, at sa kanyang Anak na si Jesucristo, … ay ang una at huling aral ng buhay.” 2
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Ang makilala ang Diyos at si Jesucristo ay buhay na walang hanggan.
Ito ay katotohanan na batay sa banal na kasulatan, na ang buhay na walang hanggan ay ang makilala ang tanging tunay at buhay na Diyos at si Jesucristo na kanyang isinugo [tingnan sa Juan 17:3]. Naniniwala ako na ang mga Banal sa mga Huling Araw, sa pamamagitan ng mga turo ng banal na mga kasulatan at sa pamamagitan ng mga paghahayag na tinanggap nila sa pamamagitan ng tinig ni Propetang Joseph Smith, ay magagawang matutuhan ang tungkol sa tunay at buhay na Diyos at makilala Siya at gayundin ang Kanyang Anak na Kanyang isinugo sa daigdig, na ang makilala sila ay buhay na walang hanggan.3
Hindi lamang kinakailangan na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos subalit gayundin kay Jesucristo, ang kanyang Anak, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan at ang Tagapamagitan ng Bagong Tipan; at sa Espiritu Santo na nagpapatunay sa Ama at sa Anak, “hindi nagbabago sa lahat ng panahon at magpakailanman.” 4
Ang Ama ng ating mga espiritu ay isang walang hanggang katauhan na may katawang laman at mga buto.
Ang Diyos ay may katawang laman at buto. Siya ay binuong katauhan tulad natin, na ngayon ay nasa laman.… Tayo ay mga anak ng Diyos. Siya ay walang hanggang katauhan, na walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon. Siya ay hindi nagbabago mula pa noon, ngayon, hanggang sa magpakailanman.5
Hindi ako naniniwala sa doktrina na pinanghahawakan ng ilan na ang Diyos ay isa lamang Espiritu at dahil sa ganito niyang katangian ay pinupuno niya ang kalakhan ng kalawakan, at nasa lahat ng dako at matatagpuan saanman, o hindi matatagpuan saanman, sapagkat hindi ko ubod maisip na ganito nga ang katauhan ng Diyos, kung pinupuno niya ang kalakhan ng kalawakan at nasa lahat ng dako sa iisang panahon. Hindi makatwiran na isipin, bagay na salungat sa pisikal na katotohanan at sa larangan ng teolohiya, na kahit na ang Diyos ang Amang walang hanggan ay matatagpuan sa dalawang lugar, bilang isang indibiduwal, sa iisang panahon. Ito ay imposible. Subalit ang kanyang kapangyarihan ay umaabot sa buong kalakhan ng kalawakan. Ang kanyang kapangyarihan ay naipapaabot sa lahat ng kanyang mga nilikha, at naaabot ng kanyang kaalaman ang lahat ng mga ito, at pinamamahalaan niya ang lahat ng mga ito at nakikilala niya ang lahat.6
Ang Diyos ang Amang Walang hanggan, na kilala natin sa dakilang pangalan na “Elohim,” ay ang literal na Magulang ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, at ng mga espiritu ng sangkatauhan. Si Elohim ay ang Ama sa bawat kahulugan na si Jesucristo ay kinikilala bilang Ama, at maliwanag na Siya ang Ama ng mga espiritu.7
[Tayo] ay nananalangin sa Ama ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, siya na naging huwaran ng ating larawan at wangis, o pagkakasilang natin sa daigdig, at siya na ating kalarawan at kawangis, sapagkat tayo ay mga anak ng Diyos, at sa gayon ay kailangan na makawangis sa katauhan ang kanyang Anak, at gayundin sa espirituwal, kung atin lamang susundin ang mga alituntunin ng ebanghelyo ng walang hanggang katotohanan. Sapagkat tayo ay noon pa inordenan … upang maging katulad niya sa pamamagitan ng matalino at angkop na paggamit ng ating kalayaan sa pagpili.8
Ang Diyos, ang Amang walang hanggan, ay maalalahanin sa inyo sa tuwina. Siya ay maalalahanin sa kanyang mga tao sa buong lupaing ito, at kayo’y kanyang gagantimpalaan ayon sa inyong katapatan sa pagsunod sa mga batas ng kabutihan at ng katotohanan.9
Ang Diyos nating Ama sa Langit ang Tagapaglikha.
Ang Panginoong Pinakamakapangyarihan ang lumikha ng mundo, siya ang Ama ng lahat ng ating mga espiritu. May karapatan Siya na magdikta kung ano ang dapat nating gawin, at tungkulin natin na sumunod, at kumilos ayon sa kanyang mga kahilingan. Ito ay natural, at lubhang napakadaling maunawaan.10
Malinaw at paulit-ulit na pinagtitibay ng banal na mga kasulatan na ang Diyos ang Lumikha ng lupa at kalangitan at lahat ng bagay na naroroon. Sa diwa ng pagpapahayag na ito, ang Lumikha ay isang Tagapagbuo. Nilikha ng Diyos ang lupa sa paraan na ito ay binuo; subalit sadyang hindi niya ito nilikha, sa paraan na binuo mula sa wala ang mga elemento ng mga sangkap na bumubuo sa mundo, sapagkat “ang mga elemento ay walang hanggan” (Doktrina at mga Tipan 93:33).11
Utang ng [tao] sa Panginoong Pinakamakapangyarihan ang kanyang katalinuhan, at lahat ng bagay na nasa kanya, sapagkat ang lupa ay sa Panginoon at ang buong narito [tingnan sa Mga Awit 24:1]. Ang Diyos ang nagpasimula at nagplano sa lahat ng bagay.12
Mag-ingat sa mga tao na … magpapaisip o magpapadama sa inyo na ang Panginoong Pinakamakapangyarihan, na gumawa ng langit at lupa at lumikha ng lahat ng bagay, ay limitado sa kanyang kapangyarihan sa mga bagay na gaya ng kapasidad ng taong mortal.13
Si Jesucristo ang Panganay sa espiritu at ang Bugtong na Anak ng Diyos sa laman.
Sa mga espiritung anak ni Elohim, ang unang isinilang ay si Jehova, o si Jesucristo, at ang lahat ng iba pa ay sumusunod sa kanya.14
Hindi si Jesucristo ang Ama ng mga espiritu na nagkaroon at magkakaroon ng mga katawan sa mundong ito, sapagkat siya ay isa sa kanila. Siya ay Anak, gaya rin naman na sila ay mga anak ni Elohim.15
Si [Jesucristo] ay lubhang higit na dakila kaysa kaninuman at sa lahat ng iba pa dahil (1) sa Kanyang pagiging pinakamatanda o panganay; (2) sa Kanyang kakaibang katayuan sa laman bilang anak ng isang mortal na ina at ng isang imortal, o nabuhay na mag-uli at maluwalhating Ama; (3) sa Kanyang pagkakapili at pagkakaordena bilang nag-iisa at tanging Manunubos at Tagapagligtas ng sangkatauhan; at (4) sa Kanyang walang kapantay na kawalang-sala.16
Walang pag-aalinlangan sa isipan ng mga Banal sa mga Huling Araw hinggil sa pagiging buhay at sa katauhan ng Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan, na siyang Ama ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Walang pag-aalinlangan sa isipan ng mga Banal sa mga Hulling Araw na si Jesus ay Anak ng Diyos, ang bugtong ng Anak ng Ama sa laman.17
Si Jesucristo ay Anak ni Elohim kapwa anak sa espirituwal at sa laman; nangangahulugan na, si Elohim ay literal na Ama ng espiritu ni Jesucristo at gayundin ng katawan na taglay ni Jesucristo nang isagawa Niya ang Kanyang misyon sa laman, at ang katawan na namatay sa krus at pagkatapos ay bumangon sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli, at ngayon ay walangkamatayang katawan ng walang hanggang espiritu ng ating Panginoon at Tagapagligtas.18
Si Jesucristo ay isinilang ng kanyang ina na si Maria. Siya ay nagkaroon ng katawang laman. Siya ay ipinako sa krus; at ang kanyang katawan ay bumangon mula sa kamatayan. Kinalag niya ang gapos ng libingan, at nagbangon tungo sa panibagong buhay, isang nabuhay na kaluluwa, isang nabuhay na katauhan, isang tao na may katawan, na may mga bahagi at may espiritu—ang espiritu at ang katawan na naging buhay at walang-kamatayang kaluluwa.19
Ang Diyos Ama … ang Ama ng ating mga espiritu, at … ang Ama sa laman, ng kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo, na nagbigay ng banal na imortalidad sa mortal, na nag-uugnay sa pagitan ng Diyos at ng tao, ginawang posible para sa mortal na mga kaluluwa, na magdaranas ng kamatayan, na magtamo ng buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga batas. Tayo samakatwid ay, magsaliksik sa katotohanan at lumakad sa liwanag gaya ni Cristo na nasa liwanag, upang tayo ay makadama ng pakikipagkapatiran sa kanya, at sa bawat isa, nang sa gayon ay malinis tayo ng kanyang dugo mula sa lahat ng kasalanan.20
Ang Ama at ang Anak ay isa.
“ … Ako ay nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin, at ang Ama at ako ay isa.” [3 Nephi 11:27.] Hindi ako nababahala na ang sinumang matalinong tao ay magbibigay ng interpretasyon sa mga salitang ito na si Jesus at ang kanyang Ama ay isang katauhan, subalit sila ay isa lamang sa kaalaman, sa katotohanan, sa karunungan, sa pang-unawa, at sa layunin; tulad ng paghikayat ng Panginoong Jesus sa kanyang mga disipulo na maging isa sa kanya, at maging kaisa niya, upang siya ay maging kaisa nila. Sa ganitong kahulugan ko nauunawaan ang salitang ito, at hindi sa interpretasyon ng ilang tao na si Cristo at ang kanyang Ama ay isang katauhan. Ipinahahayag ko sa inyo na sila ay hindi isang katauhan, ngunit sila ay dalawang katauhan, dalawang katawan, magkahiwalay at magkabukod, at natatangi na gaya ng sinumang ama at anak.21
[Ang Ama at ang Anak] ay iisa—sa mga katangian. Sila ay iisa sa pagmamahal, iisa sa kaalaman, iisa sa awa, iisa sa kapangyarihan, iisa sa lahat ng bagay upang sila ay maging naaayon sa isa’t isa at makapangyarihan, maluwalhati at dakila, sapagkat sa kanila ay nagiging ganap ang lahat ng katotohanan, at lahat ng kabutihan.22
Si Jesucristo ay tinatawag na Ama.
Ang salitang “Ama” na tumutukoy sa Diyos ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan na may malinaw na mga magkakaibang kahulugan.23
Si Jesucristo ang Ama ng langit at lupa.
Si Jehova, na si Jesucristong Anak ni Elohim, ay tinatawag na “ang Ama,” at siya ring “ walang hanggang Ama ng langit at lupa” [tingnan sa Mosias 15:4; 16:15; Alma 11:38–39; Eter 4:7]. Katulad ng ganitong kahulugan si Jesucristo ay tinatawag na “Ang Amang Walang Hanggan” (Isaias 9:6; ihambing sa 2 Nephi 19:6).…
… Si Jesucristo na kilala rin nating Jehova, ang tagapagpaganap ng Ama, si Elohim, sa gawain ng paglikha.… Si Jesucristo, bilang Tagapaglikha, ay palaging tinatawag na Ama ng langit at lupa; at dahil sa ang Kanyang mga nilikha ay pangwalang hanggan Siya ay sadyang angkop na tawaging Walang Hanggang Ama ng langit at lupa.24
Si Jesucristo ang Ama ng mga taong sumusunod sa Kanyang ebanghelyo.
Ang [isa pang] kahulugan kung bakit itinuturing si Jesucristo bilang “Ama” ay tumutukoy sa relasyon sa pagitan Niya at sa mga tao na tumatanggap ng Kanyang Ebanghelyo at sa gayong paraan ay nagiging mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan.…
Na sa pamamagitan ng pagsunod sa Ebanghelyo ang mga tao ay maaaring maging mga anak ng Diyos, kapwa bilang mga anak ni Jesucristo, at, sa pamamagitan Niya, bilang mga anak ng Kanyang Ama, at ito ay isinasaad sa maraming mga paghahayag na ibinigay sa kasalukuyang dispensasyon [ tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:28–30; 34:1–2; 39:1–4; 45:7–8].…
Isang malinaw na paglalahad ang ibinigay kay Abinadi hinggil sa ugnayan sa pagitan ni Jesucristo bilang Ama at sa mga sumusunod sa itinatakda ng Ebanghelyo bilang Kanyang mga anak, mga dantaon bago isilang ang ating Panginoon sa laman: “ … At sino ang magiging binhi ni [Cristo]? Masdan, sinsabi ko sa inyo, na kung sino man ang makikinig ng mga salita ng mga propeta, … at maniniwalang tutubusin ng Panginoon ang kanyang mga tao, at umaasa sa araw na yaon para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, sinasabi ko sa inyo, na sila ang kanyang binhi, o sila ang mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos … “ (Mosias 15:10–13).
Ang mga tao ay maaaring maging mga anak ni Jesucristo sa pamamagitan ng muling pagsilang—isilang sa Diyos, tulad ng isinasaad ng binigyang-inspirasyon na salita [tingnan sa I Ni Juan 3:8–10].
Ang mga taong isinilang sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Ebanghelyo ay maaaring magtamo ng kadakilaan at maabot ang kalagayan ng Pagkadiyos sa pamamagitan ng matatag na pananalig sa kabutihan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:58; 132:17, 20, 37].…
Sa pamamagitan ng bagong pagsilang—sa tubig at sa Espiritu—ang sangkatauhan ay naging mga anak ni Jesucristo, ito’y sa pamamagitan ng inilaan Niyang mga pamamaraan “mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos” [Doktrina at mga Tipan 76:24; tingnan din sa I Mga Taga Corinto 4:15; Doktrina at mga Tipan 84:33–34; 93:21–22].…
Kung naaangkop na tukuyin ang mga taong tumatanggap at sumusunod sa Ebanghelyo bilang mga anak na lalaki at babae ni Cristo—at sa mga bagay na ito ang banal na mga kasulatan ay hindi maipagkakamali at hindi mapabubulaanan ni hindi rin ito maipagkakaila—sadyang naaangkop lamang na tukuyin si Jesucristo bilang Ama ng mga matwid, sila na naging Kanyang mga anak at Siya na kinilala bilang kanilang Ama sa pamamagitan ng ikalawang pagsilang—ang pagsilang sa pamamagitan ng pagbibinyag.25
Si [Jesucristo] ang saligan at pangulong bato ng ating relihiyon. Tayo ay itinuturing niyang sa kanya sa pamamagitan ng pagpapakupkop, malibing na kasama ni Cristo sa pamamagitan ng pagbibinyag, isilang na muli sa daigdig sa pamamagitan ng tubig at ng espiritu, sa pamamagitan ng mga ordenansa ng ebanghelyo ni Cristo, at dahil dito tayo ay nagiging mga anak ng Diyos, mga tagapagmana sa Diyos at mga kasamang tagapagmana ni Cristo sa pamamagitan ng ating pagpapakupkop at pananampalataya.26
Kung walang pagsisisi at pagbibinyag at pagtanggap sa Espiritu Santo, na siyang bumubuo sa bagong pagsilang, tayo ay hindi kapamilya ni Cristo, kundi mga dayuhan, malayo sa Diyos at sa kanyang mga batas, at sa kalagayang ito ng pagkahulog tayo ay mananatili, sa katawan man o sa espiritu, sa panahon at sa kawalang-hanggan, maliban na lamang kung magpapakita tayo ng pagsunod sa plano na ibinalangkas sa langit para sa ikatutubos at kaligtasan ng sangkatauhan.27
Alam ko na masusumpungan ko lamang ang [kaligtasan] sa pagsunod sa mga batas ng Diyos, sa pagtalima sa mga kautusan, sa pagsasagawa ng mga gawain ng kabutihan, pagsunod sa mga yapak ng ating nangungunang pinuno, na si Jesus na ating Dakilang Halimbawa at Pinuno ng lahat. Siya ang Daan ng buhay, siya ang Ilaw ng sanlibutan, siya ang Pintuan na kailangan nating pasukan, nang sa gayon ay magkaroon tayo ng puwang sa kanya sa kahariang selestiyal ng Diyos.28
Wala nang ibang pangalang ibinigay sa ilalim ng langit maliban dito kay Jesucristo na makapagliligtas o dadakila sa inyo sa Kaharian ng Diyos.29
Si Jesucristo ang Ama sa pamamagitan ng banal na pagkakaloob sa Kanya ng awtoridad.
Sa lahat ng Kanyang mga pakikitungo sa sangkatauhan si Jesus na Anak ay kumakatawan at kakatawan pa kay Elohim na Kanyang Ama sa kapangyarihan at awtoridad. Ito ay katotohanang umiral na noong si Cristo ay nasa Kanya pang pamamalagi sa buhay bago pa ang buhay na ito, kung saan Siya ay kilala bilang Jehova; gayundin sa panahon na Siya ay nagkatawang-tao sa lupa; at sa panahon ng Kanyang paglilingkod bilang isang espiritu sa daigdig ng mga patay; at magbuhat sa panahong iyon hanggang sa kalagayan Niya bilang nabuhay na mag-uli [tingnan sa Juan 5:43; 10:25, 30; 14:28; 17:11, 22; 3 Nephi 20:35; 3 Nephi 28:10; Doktrina at mga Tipan 50:43]. Samakatuwid ibinigay ng Ama ang Kanyang pangalan sa Anak; at si Jesucristo ay nagsalita at nagministeryo sa pamamagitan at sa pangalan ng Ama; at kapag kapangyarihan, awtoridad at Pagkadiyos ang pinag-uusapan ang Kanyang mga salita at gawa ay nagmula at mismong sa Ama.…
Wala sa mga pagsasaalang-alang na ito, gayunman, ang makapagpapabago sa pinakamaliit na antas sa banal na katotohanan hinggil sa literal na relasyon ng Ama at ng Anak sa pagitan nina Elohim at Jesucristo.30
Aking mga kapatid, alam ko na ang aking Manunubos ay buhay, Alam ko, gaya ng pagkaalam ko na ako ay buhay, na sa katauhan ay dinalaw niya ang tao sa ating panahon, at hindi na tayo ngayon nananalig lamang sa kasaysayan ng nakalipas sa tinataglay nating kaalaman, at ito ay pinatutunayan ng Espiritu ng Diyos, ibinubuhos sa puso ng lahat ng gumagawa ng tipan sa ebanghelyo ni Cristo. Subalit nasa atin ang pinanibago at bagong saksi at ang pagpapamalas ng makalangit na pangitain at ang pagdalaw ng Diyos Ama at si Cristong Anak dito sa lupa; at kanilang ipinahayag mismo ang kanilang katauhan, ang kanilang personalidad at kanilang ipinamalas ang kanilang kaluwalhatian. Kanilang iniunat ang kanilang mga kamay upang maisakatuparan ang kanilang gawain—ang gawain ng Diyos, at hindi gawain ng tao.… Ito ang aking patotoo sa inyo, aking mga kapatid, at ito ay aking pinatototohanan sa pangalan ng Panginoong Jesucristo.31
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Bakit itinuturing na buhay na walang hanggan ang makilala ang ating Ama sa Langit at si Jesucristo? Paano nakaaapekto ang pang-unawa natin sa kanila sa ating relasyon sa kanila?
-
Bakit mahalagang malaman na ang ating Ama sa Langit ay isang walang hanggang nilalang na may maluwalhati, at nabuhay na mag-uling katauhang may laman at buto?
-
Paano tayo nabibiyayaan dahil alam natin na ang Ama sa Langit ay ang Ama ng ating mga espiritu?
-
Ano ang ibig sabihin ng salitang “ang Tagapaglikha ay isang Tagapagbuo”?
-
Sa anong paraan naiiba si Jesucristo sa mga espiritung anak ng Ama sa Langit? Ano ang nagawa ng Tagapagligtas dahil siya ay isinilang sa lupa bilang Bugtong na Anak ng Ama sa laman?
-
Paanong iisa ang Ama sa Langit at si Jesucristo? Paano tayo magiging kaisa ng Ama at ng Anak? (Tingnan din sa Juan 17:12–24.)
-
Bakit kapwa tinawag ang Ama at ang Anak na Tagapaglikha? (Tingnan din sa Moises 1:32–33.)
-
Paano tayo nagiging mga anak na lalaki at babae ni Cristo? (Tingnan din sa Mosias 5:5–8.) Ano ang ating magagawa upang “manatili sa Ebanghelyo bilang mga anak na lalaki at babae ni Cristo”? (Tingnan din sa I ni Juan 2:3; 4:7–8.)
-
Bakit binibigkas ni Jesucristo ang mga salita ng Ama na para bang Siya ang Ama? Ano ang ipinapahiwatig nito tungkol sa relasyon ng Ama at ng Anak?