Kabanata 15
Ang Kaligtasan ng Maliliit na Bata
Ang maliliit na bata na namamatay bago marating ang gulang ng pananagutan ay titutubos ng dugo ni Cristo.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Bagamat batid ni Pangulong Joseph F. Smith ang dalamhati, kalungkutan, at pagmamahal na kaakibat ng pagpanaw ng isang bata dahil sa sarili niyang karanasan, ang kanyang mga turo hinggil sa kaligtasan ng maliliit na bata ay nagbibigay ng inspirasyon at katiyakan. Mula 1869 hanggang 1898, inihatid niya sa libingan ang siyam sa sarili niyang maliliit na anak.
Matapos mamatay ang kanyang unang supling, na si Mercy Josephine, noong ika-6 ng Hunyo 1870, ipinahayag niya ang malaki niyang paghihinagpis: “O, Diyos lamang ang tanging nakaaalam kung gaano ko kamahal ang anak kong babae, at siya ang nagpasigla at nagbigay kagalakan sa aking puso. Noong umaga bago siya pumanaw, pagkatapos ng magdamag na pagbabantay sa kanya, dahil gabi-gabi ko siyang binabantayan, sinabi ko sa kanya, ‘Hindi yata nakatulog nang magdamag ang munti kong mahal.’ Umiling siya at sumagot, ‘Matutulog ako sa araw na ito, itay.’ O! nabagabag ako nang lubos sa mga salitang iyon. Batid kong hindi ako maniniwala na iyon ay tinig ng iba, na nangangahulugan iyon ng pagtulog dahil sa kamatayan, at siya nga ay natulog. At, O! ang liwanag sa aking puso ay naparam. Ang larawan ng langit na nakaukit sa aking puso ay halos mabura … kaloob ka mula sa langit na ibinigay upang aking pakamamahalin.”1
Noong ika-6 ng Hulyo 1879, isinulat ni Joseph F. Smith sa kanyang talaarawan ang tungkol sa kanyang kalungkutan sa pagkamatay ng kanyang anak na babaing si Rhonda: “Kinarga ko siya kasama ang isang unan at naglakad-lakad sa silid. Muli siyang nagkamalay ngunit sa loob lamang ng isang oras at namatay siya sa aking mga bisig noong ika-1:40 ng umaga. Ngayon ay Diyos lamang ang nakaaalam kung gaano katindi ang aming pagdadalamhati. Ito ang panlimang kamatayan sa aking pamilya. Lahat ay maliliit kong anak na pinakamamahal! O! Diyos tulungan kaming makayanan ang pagsubok na ito!”2
Ngunit nakasumpong siya ng kaginhawaan sa kaalaman na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, nasa mabuting kalagayan ang lahat ng kanyang mga anak. Sa pagkamatay ng kanyang anak na babaing si Ruth noong ika-17 ng Marso 1898, nakatanggap siya ng isang maluwalhating paghahayag: “O, kaluluwa ko! Nakikita ko ang aking sariling inang mapagmahal na nakaunat ang mga bisig upang yakapin ang tinubos na maluwalhating espiritu ng aking supling! O, Diyos ko! Sa maluwalhating pangitain na ito, nagpapasalamat ako sa Inyo! At nandoon ding magkakasama sa mansiyon ng aking Ama ang lahat ng aking mahal; hindi na mga musmos kundi mga pinakabanal na espiritu na may kapangyarihan at kaluwalhatian at kabunyian! Punong-puno ng katalinuhan, ng kagalakan at pagpapala, at katotohanan.”3
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Ang maliliit na bata na namamatay bago magkaroon ng pananagutan ay tinutubos.
Tungkol sa maliliit na batang namamatay nang sanggol pa lamang at kawalang malay bago nila marating ang gulang ng pananagutan, at nang walang kakayahang gumawa ng kasalanan, ipinahahayag sa atin ng ebanghelyo ang katotohanan na sila ay tinubos na, at si Satanas ay walang kapangyarihan sa kanila. Gayunding ang kamatayan ay walang kapangyarihan sa kanila. Tinubos sila ng dugo ni Jesucristo, at sila ay naligtas na kasing tiyak ng pagdating ng kamatayan sa mundo dahil sa pagkahulog ng una nating mga magulang. …
… Ang mahal nating mga kaibigan na nawalan ng kanilang maliliit na anak, ay may malaking dahilan upang magalak at magdiwang kahit na sa gitna ng malaking kalungkutan na nadarama nila sa loob ng ilang panahon dahil sa pagkawala ng munti nilang mahal. Batid nilang nasa mabuti silang kalagayan; mayroon silang katiyakan na ang maliit nilang anak ay namatay nang walang kasalanan. Ang ganitong mga bata ay nasa sinapupunan ng Ama. Mamanahin nila ang kanilang kaluwalhatian at kadakilaan, at hindi ipagkakait sa kanila ang mga biyaya na para sa kanila; dahil, sa pangangasiwa ng kalangitan, at sa karunungan ng Ama, na ginagawang maayos ang lahat ng bagay, ang mga yaong pumapanaw bilang maliliit na bata ay walang pananagutan sa kanilang pagyao, dahil sila, sa kanilang sarili, ay walang katalinuhan at karunungan upang pangalagaan ang kanilang sarili at maunawaan ang mga batas ng buhay; at sa karunungan, at habag at pangangasiwa ng Diyos, ang ating Ama sa Langit, ang lahat na dapat na natamo at natamasa nila kung nabigyan sila ng pagkakataon na mabuhay sa laman ay ipagkakaloob sa kanila sa kabilang buhay. Walang mawawala sa kanila sa pagkawala nila sa atin sa ganitong paraan. …
Habang iniisip ko ang mga bagay na ito, nakatatamo ako ng kunsuwelo sa katunayan na makikita ko ang aking mga anak na tumawid na sa tabing; nawalan ako ng ilan, at nadama ko ang lahat ng nadarama ng isang magulang, sa palagay ko, sa pagkawala ng aking mga anak. Lubha ko itong nadama, dahil mahal ko ang mga bata, at lalo kong kinagigiliwan ang maliliit, ngunit nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagkakaalam ko ng mga alituntuning ito, dahil sa ngayon ay mayroon na akong pananalig sa kanyang salita at sa kanyang pangako na mapapasaakin sa hinaharap ang lahat ng sa akin, at magiging lubos ang aking kagalakan. Hindi ipagkakait sa akin ang anumang pribilehiyo o anumang biyaya na karapat-dapat para sa akin at nararapat na ipagkatiwala sa akin. Bagkos, ang bawat kaloob, at ang bawat biyaya na maaaring maging karapat-dapat para sa akin ay mapapasaakin, maging sa panahon o sa kawalang-hanggan, at hindi mahalaga kung kailan man ito, basta’t kinikilala ko ang kamay ng Diyos sa lahat ng bagay na ito, at sinasabi sa aking puso, “Ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nagalis, purihin ang panagalan ng Panginoon” [tingnan sa Job 1:21]. Dapat na maging ganito ang ating pananaw tungkol sa ating mga anak, o sa ating mga kamaganak, o mga kaibigan, o anumang mga pagbabago sa buhay na ating dadanasin.4
Pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli, ang katawan ng isang bata ay lalaki upang pantayan ang katayuan ng espiritu.
Masisiyahan ba tayo na makita na ang mga batang ating inililibing sa kanilang kamusmusan ay mananatiling mga bata lamang, sa loob ng di mabilang na panahon ng kawalang-hanggan? Hindi! Ni ang mga espiritu na nasa tabernakulo ng ating mga anak ay masisiyahan sa manatili sa ganyang kalagayan. Ngunit batid natin na ang ating mga anak ay hindi pipilitin na manatiling mga bata sa katayuan sa lahat ng panahon, dahil ipinahayag mula sa Diyos, ang bukal ng katotohanan, sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa dispensasyong ito, na sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, ang isang batang inilibing sa kamusmusan ay babangon sa anyo ng isang bata gaya nang siya ay ilibing; pagkatapos ay magsisimula itong lumaki. Mula sa araw ng pagkabuhay na mag-uli, ang katawan ay lalaki hanggang sa marating nito ang ganap na sukatan ng katayuan ng espiritu nito, maging ito ay lalaki o babae. Kapag ang espiritu ay may katalinuhan ng Diyos at may paghahangad ng mga kaluluwang mortal, hindi ito masisiyahan sa anumang bagay na mas mababa dito. Maaalala ninyo na sinabi sa atin na ang espiritu ni Jesucristo ay dumalaw sa isa sa mga sinaunang propeta at ipinahayag ang kanyang sarili sa kanya, at ipinakita ang pagkakakilanlan sa kanya, na siya rin ang Anak ng Diyos na darating sa kalagitnaan ng panahon. Sinabi niyang siya ay magpapakita na may laman kagaya ng pagpapakita niya sa propeta [tingnan sa Eter 3:9, 16–17]. Hindi siya isang sanggol; malaki na siya, buo sa espiritu; na may anyo ng tao at anyo ng Diyos, na siya ring anyo nang siya ay dumating at tumanggap ng tabernakulo at pinalaki ito sa kabuuan ng katayuan ng kanyang espiritu.5
Ang bawat espiritu na dumarating sa daigdig upang tumanggap ng tabernakulo ay isang anak na lalaki o babae ng Diyos, at mayroon ng lahat ng katalinuhan at mga katangian na tinatamasa ng sinumang anak na lalaki o babae, maging sa daigdig ng mga espiritu, o sa daigdig na ito, maliban na lang nasa espiritu, at hiwalay sa katawan, wala lamang silang tabernakulo upang maging katulad ng Diyos Ama. Sinasabi na ang Diyos ay espiritu, at sila na sumasamba sa kanya ay dapat na sumamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan [tingnan sa Juan 4:24]. Ngunit siya ay isang espiritu na mayroong tabernakulo ng laman at mga buto, na mahahawakang katulad ng sa tao, samakatuwid upang maging katulad ng Diyos at ni Jesus, ang lahat ng tao ay kinakailangang magkaroon ng katawan. Hindi mahalaga kung ang mga tabernakulong ito ay tumanda sa mundong ito, o maghihintay na tumanda sa mundong darating, ayon sa salita ng Propetang Joseph Smith, ang katawan ay lalaki, maging sa panahon o sa kawalang-hanggan, hanggang sa marating ang kaganapan ng katayuan ng espiritu, at kung ang isang ina ay nawawalan ng kasiyahan at kagalakan ng pagpapalaki sa kanyang sanggol hanggang sa maging ganap na lalaki o babae sa buhay na ito, dahil sa pagdating ng kamatayan, ang karapatang ito ay ipanunumbalik sa kanya sa susunod na buhay, at higit na kasisiyahan niya ito kaysa maaari niyang mararanasan dito. Kapag gagawin niya ito roon, iyon ay kaakibat ng kaalaman na ang kalalabasan nito ay walang kabiguan; samantalang dito, ang kalalabasan ay hindi batid hangga’t hindi tayo pumapasa sa pagsubok.6
Ang mga espirtitu ng ating mga anak ay imortal bago sila napasaatin, at ang kanilang mga espiritu, pagkaraan ng kamatayan ng katawan, ay katulad noong bago sila pumarito. Sila ay katulad ng kung paano sila makikita kapag nabuhay sila sa laman, upang lumaki sa pagtanda, o mabuo ang kanilang mga katawang pisikal ayon sa ganap na katayuan ng kanilang mga espiritu. Kung makikita ninyo ang isa sa mga anak ninyong namatay, maaari magpakita sila sa inyo sa anyo na makikilala ninyo siya, sa anyo ng pagkabata; ngunit kung darating sila bilang tagapaghatid ng mensahe na naglalaman ng mahahalagang katotohanan, maaaring dumating ito katulad ng pagdating kay Obispo Edward Hunter ng espiritu ng kanyang anak na lalaki (na namatay noong siya ay maliit pang bata), na nasa kalagayan ng isang lalaking sapat ang gulang, at ipinakita ang sarili sa kanyang ama, at nagsabing: “Ako ang iyong anak.”
Hindi ito naunawaan ni Obispo Hunter. Pumunta siya sa aking ama at nagsabing: “Hyrum, ano ang ibig ipakahulugan nito? Inilibing ko ang aking anak noong siya ay maliit na batang lalaki, ngunit pumarito siya sa amin bilang isang lalaking sapat ang gulang—isang magiting at maluwalhating kabataan, at ipinakilala ang sarili bilang aking anak. Ano ang ibig ipakahulugan nito?”
Sinabi sa kanya ni Itay (si Hyrum Smith, ang Patriyarka) na ang Espiritu ni Jesucristo ay ganap nang malaki bago pa man siya isinilang sa mundo; at katulad din nito, ang ating mga anak ay ganap nang malalaki at narating na ang ganap nilang katayuan sa espiritu bago sila pumasok sa mortalidad, na siya ring katayuan na mapapasakanila makaraan silang pumanaw mula sa mortalidad, at ganito din silang makikita pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli, kapag natapos na nila ang kanilang misyon.
Itinuro ni Joseph Smith ang doktrina na ang isang sanggol na namatay ay babangon sa pagkabuhay na mag-uli bilang isang bata; at, habang itinuturo niya ang isang patay na bata sa ina nito, ay nagsabi sa kanya: “Magkakaroon ka ng kagalakan, ng pagkaaliw, ng kasiyahan sa pagpapalaki sa batang ito, pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli, hanggang sa marating nito ang kabuuan ng katayuan ng kanyang espiritu.” Mayroong pagbabalik, mayroong paglaki, mayroong pagkabuo, pagkaraan ng pagkabuhay na mag-uli mula sa kamatayan. Mahal ko ang katotohanang ito. Nagdudulot ito nang napakalaking kaligayahan at kagalakan at pasasalamat sa aking kaluluwa. Salamat sa Panginoon at kanyang inihayag sa atin ang mga alituntuning ito.7
Mabuti ang kalagayan ng lahat sa maliliit na batang yumao na.
Kapag natanggap natin ang patotoo ng espiritu ng katotohanan sa ating mga kaluluwa, batid natin na mabuti ang kalagayan ng lahat ng ating maliliit na batang yumao na. At hindi natin magagawa, kung maaari ang ganito, na mapabuti ang kanilang kalagayan; ni mapabuti sa kanilang kalagayan kung pababalikin natin sila rito, sa dahilang habang ang isang tao ay nasa mundo, na may katawang mortal, na napapaligiran ng mga kasamaan na nasa mundo, maaari siyang mapahamak at siya ay maharap sa panganib, at may mga pananagutan na nakaatang sa kanya na maaaring makapigil sa kanyang kaunlaran, kaligayahan at kadakilaan sa hinaharap.8
Napakahirap na bagay ang magsalita ng anuman sa panahon ng kalungkutan at pagdadalamhati katulad ngayon na makapagdudulot ng agarang ginhawa sa nalulumbay na mga puso ng mga yaong namimighati. Ang ganitong pagdadalamhati ay ganap na mapaparam lamang sa paglipas ng panahon at dahil sa impluwensiya ng mabuting espiritu sa mga puso ng mga yaong namimighati, na kung saan ay makakasumpong sila ng ginhawa at kasiyahan sa kanilang mga pag-asam para sa hinaharap. … Natutuhan ko na maraming bagay na higit na masama kaysa kamatayan. Dahil sa kasalukuyan kong mga damdamin at pananaw at pagkakaunawa na mayroon ako hinggil sa buhay ay kamatayan, higit kong pipiliin na sundan ang bawat anak kong patungong libingan sa kanilang kawalang malay at kadalisayan, kaysa makita silang lumaki sa ganap na pagkalalaki at pagkababae at wasakin ang kanilang mga sarili sa masasamang gawain ng mundo, kalimutan ang Ebanghelyo, kalimutan ang Diyos at ang plano ng buhay at kaligtasan, at tumalikod sa banal na pag-asa ng walang hanggang pabuya at kadakilaan sa mundong darating.9
Kapag tayo ay karapat-dapat, muli nating makakapiling ang ating mga anak sa likod ng tabing.
Ang Propetang Elijah ang magtatanim sa mga puso ng mga anak ng mga pangakong ibinigay sa kanilang mga ama, na magpapanimula sa dakilang gawain na gaganapin sa mga templo ng Panginoon sa Dispensasyon ng Kabuuan ng mga Panahon, para sa pagtubos sa mga patay at pagbuklod ng mga anak sa kanilang mga magulang, upang ang buong mundo ay hindi hagupitin ng isang sumpa at lubusang mawasak sa kanyang pagparito.10
Kung tayo ay mabubuhay at tatalikod sa katotohanan, tayo ay mawawalay sa loob ng hindi mabilang na panahon ng kawalanghanggan mula sa pakikisalamuha ng mga yaong minamahal natin. Mawawalan tayo ng karapatan sa kanila, at mawawalan sila ng karapatan sa atin. Magkakaroon ng hindi madaanang puwang sa pagitan natin at nila na hindi natin matatawid. Kung mamamatay tayo sa pananampalataya, matapos mamuhay nang matuwid, tayo ay kay Cristo, may katiyakan tayo sa walang hanggang pabuya, dahil sa pagkakahawak sa mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan at pagkakalooban ng kaluwalhatian, kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. Habang naglalakbay tayo sa laman, dinadanas natin sa malaking bahagi ng ating buhay ang kalungkutan; ang kamatayan ay nagpapahiwalay sa atin sa loob ng maikling panahon, ang ilang sa atin ay namamatay, ngunit darating ang panahon na muli nating makakasama ang mga yaong pumanaw na, at kasisiyahan ang pakikisalamuha sa isa’t isa magpakailanman. Ang paghihiwalay ay panandalian lamang. Walang kapangyarihan, samakatuwid, ang makapaghihiwalay sa atin. Dahil pinag-isa tayo ng Panginoon, mayroon tayong karapatan sa isa’t isa—isang hindi maitatatwang karapatan—dahil tayo ay pinag-isa ng lakas ng pagkasaserdote sa Ebanghelyo ni Cristo. Samakatuwid, higit na mabuting magkahiwalay sa buhay na ito sa loob ng maikling panahon, bagama’t kailangan nating danasin ang kawalan, kalungkutan, kahirapan, paggawa, pagiging balo, pagiging ulila at iba pang mga pagbabago, kaysa magkahiwalay sa loob ng kawalang-hanggan.11
Nilalang tayo sa wangis ni Cristo. Nakapiling natin ang Ama at ang Anak noong simula, bilang mga anak na lalaki at babae ng Diyos; at sa itinakdang panahon, dumating tayo sa daigdig na ito upang tumanggap ng mga tabernakulo, upang matulad tayo sa wangis at larawan ni Jesucristo at maging katulad niya; upang magkaroon tayo ng tabernakulo, upang danasin natin ang kamatayan kagaya ng pagdanas niya ng kamatayan, upang muli tayong bumangon mula sa patay kagaya ng kanyang pagbangon mula sa patay. … Ang isiping muli kong makakasama ang aking mga anak na nauna na sa akin sa likod ng tabing, at na muli kong makakasama ang aking mga kamag-anak ang mga kaibigan, kay laking kaligayahan ang idinudulot nito! Sapagkat batid kong makakasama ko sila roon. Ipinakita sa akin ng Diyos na ito ay totoo. Ginawa niyang malinaw ito para sa akin, bilang sagot sa aking panalangin at katapatan, kagaya ng pagawa niyang malinaw dito sa pagkakaunawa ng lahat ng tao na naghangad nang may pagsusumikap na makilala siya.12
[Sumulat si Pangulong Joseph F. Smith kay Elder Joseph H. Dean na nasa Oahu, Hawaii:] Nabalitaan ko nang may taos na pakikiramay ang pagpanaw ng inyong maliit na anak sa inyong tahanan. Marunong akong makiramay dahil dinanas ko mismo ang ganyang uri ng mapait na karanasan habang ako ay nariyan. Susulatan sana kita, ngunit dahil sa pagkakakikilala ko sa iyo, ipinasiya kong huwag na itong gawin. Sa ganyang mga pagkakataon, higit kong nanaisin na pumunta sa isang malayo, tahimik, at malungkot na lugar, na walang sinuman maliban sa Diyos na makakikita sa akin, at doon, damhin at pakiramdaman ang aking pamimighati nang nag-iisa, na Diyos lamang ang nakababatid nito. … Panahon, at tanging panahon lamang—yaong dakilang tagapaghilom ng mga sugat—ang makahahaplos sa aking kaluluwa, at sa aking palagay, tiyak na ganito rin ang iyong nadarama. Ngunit kapag ang masakit na pakikipagtunggali sa kapighatian ay lumipas na at ang kaluluwa ay ginawa nang payapa ng panahon at kapalaran, ang isang salitang angkop na binanggit ay maaaring tumimo sa mga ugat ng pakikipagkaibigan na dumadaloy mula sa puso tungo sa puso na may magkakatulad na kalungkutan. Tunay na batid ng Panginoon ang pinakamainam at batid natin na ang mga walang malay na kinuha mula sa daigdig, pagkaraan lamang ng pagsilang sa kanila, na hindi lamang nabahiran ng karumihan ng nahulog na mundong ito, ay babalik sa Kanya kung kanino sila nagmula, dalisay at banal, na tinubos mula sa simula ng sakripisyo ng isang nagsabing “sa ganito ang kaharian ng langit.” Ang taimtim at nagmumula sa pusong panalangin ko ay, O! Diyos tulungan akong mabuhay at maging karapat-dapat upang muli kong makapiling ang aking mga walang malay na anak sa kanilang tahanan sa inyo!13
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Anu-anong biyaya ang ipinangako sa maliliit na bata na namatay bago marating ang gulang ng pananagutan? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 29:46.) Paano ito nakapagdudulot sa atin ng ginhawa at pag-asa kapag nagdadalamhati tayo sa pagkamatay ng isang maliit na bata?
-
Kapag ang isang maliit na bata ay namamatay, ano ang kalagayan ng kanyang espiritu? Kailan lalaki at tatanda ang katawan ng bata?
-
Sino ang may pananagutan sa pangangalaga ng isang bata na namatay nang maaga? Anu-anong biyaya ang ipinangako sa susunod na buhay sa mga magulang na ang mga anak ay maagang namatay?
-
Paano ang pagkakaunawa sa mga alituntunin ng plano ng kaligtasan ay makapagbibigay ginhawa at makatutulong sa mga yaong nagdadalamhati dahil sa pagkamatay ng isang maliit na bata?
-
Paano ang mga ordenansa ng pagbubuklod sa templo ay makapagdudulot ng pag-asa sa mga magulang kapag ang isang bata ay namamatay? Ano ang dapat nating gawin upang muling makapiling ang namatay nating maliliit na bata?
-
Paano ang “isang salitang angkop na binanggit” ay makapagdudulot ng ginhawa sa isang nalulungkot na kaluluwa sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay? Paano tayo makapaghahandang bumanggit ng ganitong mga salita?