Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 24: Pagsang-ayon sa mga Yaong Tinawag Upang Mamuno


Kabanata 24

Pagsang-ayon sa mga Yaong Tinawag Upang Mamuno

Dapat nating igalang at sang-ayunan sa katotohanan at sa gawa ang ating mga pinuno sa pagkasaserdote na tinawag upang mamuno.

Mula sa Buhay ni Joseph F. Smith

Sinang-ayunan ni Pangulong Joseph F. Smith ang kanyang mga pinuno sa pagkasaserdote sa kanyang puso at sa kanyang mga gawa. Paulit-ulit na sinasabi ng kanyang mga gawa ang matapat na mga salita ni Nephi: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon” (1 Nephi 3:7).

Noong Oktubre 1873, muli siyang tinawag ni Pangulong Brigham Young upang maglingkod ng misyon. Sinabi ni Joseph F. Smith tungkol sa panahong iyon: “Natawag akong maglingkod ng misyon makaraan akong magsaka nang apat na taon sa isang humisted at kinakailangan ko na manatili pa ng isang taon upang mabuo ang aking karapatan at matamo ang titulo sa lupa; ngunit sinabi ni Pangulong Young na kinakailangan niyang pumunta ako sa Europa sa isang misyon, upang pangasiwaan ang misyon doon. Hindi ko sinabi sa kanya, ‘Kapatid na Brigham, hindi ako maaaring umalis; may hinahawakan akong humisted, at kung ako ay aalis ay mawawala ang aking karapatan dito.’ Sinabi ko kay Kapatid na Brigham, ‘Opo, Pangulong Young; kung saan ninyo nais na pumunta ako, pupunta ako; nakahanda akong sumunod sa atas ng aking pinuno.’ At ako ay umalis. Nawala sa akin ang humisted, ngunit hindi ako kailanman dumaing tungkol dito; hindi ko inakusahan si Pangulong Young na nawalan ako dahil dito. Nadama ko na humarap ako sa isang higit na malaking gawain kaysa pagtatamo ng 65 ektarya ng lupa. Ipinadala ako upang ipahayag ang mensahe ng kaligtasan sa mga bansa sa daigdig. Tinawag ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa daigdig, at hindi ako huminto upang isaalang-alang ang sarili at ang maliliit kong pansariling mga karapatan at pribilehio; umalis ako ayon sa pagkakatawag sa akin, at sinang-ayunan at biniyayaan ako ng Diyos dahil dito.”1

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Itinataas natin ang ating mga kamay bilang tanda ng isang tipan na tulungan at sang-ayunan ang ating mga pinuno.

Sa aking pananaw, ang isa sa mga pinakamahalagang gawain sa mga komperensiya ng Simbahan ay yaong pagtaas natin ang ating mga kamay sa harapan ng Panginoon upang sang-ayunan ang mga awtoridad ng Simbahan at ang organisasyon sa pagkakatayo nito. Ngunit isa ito sa mga pinakamahalagang bagay na ginagawa natin na itinuturing na hindi mahalaga ng ilang tao. Sa ibang salita, may ilang tao na humahayo makaraang itaas ang kanilang mga kamay upang sang-ayunan ang mga awtoridad ng Simbahan at kinalilimutan na ito, at kikilos sa paraang tila dumaan sila sa isang gawain na hindi nila binigyan ng anumang halaga. Nakikita ko ito bilang isang maling alituntunin. … Ang mga yaong nakikipagtipan upang tuparin ang mga kautusan ng Panginoon, at pagkaraan ay nilalabag ang tipan na yaon sa pamamagitan ng hindi pagtupad sa mga kautusang yaon, ay katulad din sa mga yaong itinataas ang kanilang mga kamay bilang tanda ng isang tipan na tulungan at sang-ayunan ang mga awtoridad ng Simbahan at pagkatapos ay hindi naman gagawin ito. Ang alituntunin ay iisa sa dalawang halimbawang ito: ito ay paglabag sa tipan na ating ginagawa.2

Isang malaking pagkakamali sa harapan ng Makapangyarihan para sa isang tao na bumoto upang sang-ayunan ang mga awtoridad ng Simbahan at pagkatapos ay aalis at sasalungatin ang mga ito at yurakan ng kanilang mga paa ang mga payong ibinibigay ng mga ito; at hahatulan sila ng Panginoon dahil dito.3

Isang mahalagang tungkulin para sa mga Banal na bumoto upang sang-ayunan ang mga awtoridad ng Simbahan, at gawin ito hindi lamang sa pagtataas ng kamay, na tanda lamang, kundi sa gawa at sa katotohanan. Hindi dapat na magkaroon ng araw nang ang lahat ng mga tao na bumubuo sa Simbahan ay hindi itataas ang kanilang mga tinig sa panalangin sa Panginoon upang sang-ayunan ang Kanyang mga Tagapaglingkod na tinawag upang pamahalaan sila. … Ang kalalakihang ito ay dapat tamasain ang pananampalataya ng mga tao upang sang-ayunan sila sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin, at upang sila ay magkaroon ng lakas sa Panginoon. …

… Isang kautusan ng Panginoon na magtipon tayo upang … sang-ayunan ang mga awtoridad ng Simbahan, at sa ganito ay pinanariwa natin ang ating tipan na tulungan ang may awtoridad ng Diyos na Kanyang itinalaga sa daigdig para pamamahalaan ng Kanyang Simbahan. At hindi ko na maaaring bigyang-diin pa ang kahalagahan ng mga Banal sa mga Huling Araw na gumagalang at sumasang-ayon sa katotohanan at sa gawa ang kapangyarihan ng Banal na Pagkasaserdote na tinawag upang mamuno. Sa sandaling may isang diwa na pumasok sa puso ng isang miyembro upang huminto sa pagsang-ayon sa itinalagang mga awtoridad ng Simbahan, sa sandaling iyon ay sumakanya ang isang diwa na umaayon sa paghihimagsik o pagsalungat; at kung hahayaan niya ang diwang iyon na magkaugat sa kanyang isipan, dadalhin siya nito kinalaunan sa kadiliman at pagtalikod sa katotohanan.4

Maliwanag na nauunawaan na nagkakatipon tayo sa pangkalahatang komperensiya dalawang ulit sa isang taon para sa layuning ilahad ang mga pangalan ng mga yaong napili bilang mga namumunong opisyales ng Simbahan, at nauunawaan na ang mga yaong humahawak sa mga katungkulang ito ay nananalig sa tinig ng mga tao para sa pagpapatuloy ng kapangyarihan, ng mga karapatan at mga pribilehio na sumasakanila. Ang mga babaing miyembro ng Simbahan ay mayroon ding pribilehio sa pagboto upang sang-ayunan ang mga namumunong opisyales sa kanila katulad ng mga lalaking miyembro ng Simbahan, at ang boto ng isang kapatid na babaing mabuti ang katayuan sa Simbahan ay nabibilang na katulad sa boto ng isang kapatid na lalaki.5

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, sinasangayunan natin upang mga Pangkalahatang Awtoridad na tinawag upang mamuno.

Ngayon, bagamat ang mga kautusan ng Diyos ay para sa buong mundo, may ilang tanging kautusan na sumasaklaw sa mga Banal sa mga Huling Araw lamang. Anu-ano ang mga ito? Ang isa sa mga kautusan ay, dapat nating igalang ang mga yaong namumuno sa atin; sa ibang salita, dapat nating igalang ang Pagkasaserdote. Hindi ko hinihiling sa sinumang tao na igalang ako, hanggat hindi ko ganap na ginagawa ang diwa ng ating tungkulin at ang pagkasaserdote na aking hinahawakan. Walang sinumang miyembro ng Simbahan ang dapat na gumalang sa akin kung nagmamalabis ako sa pagkasaserdote at kapangyarihan na ipinagkaloob sa akin sa pamamagitan ng pagpili ng Diyos at tinig ng Simbahan. Ngunit kapag nagsasalita ako sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon alinsunod sa mga katungkulan ng aking pagkakatawag, nararapat sa bawat miyembro ng Simbahan na dinggin yaong aking sinasabi. Sapagkat ito ay sinabi ng Espiritu ng Diyos at alinsunod sa aking tungkulin, ito ang salita at kalooban ng Makapangyarihan.

“At anuman ang kanilang sasabihin kapag pinakikilos ng Espiritu Santo, ay magiging mga banal na kasulatan, ang magiging kalooban ng Panginoon, ang magiging kaisipan ng Panginoon, ang magiging tinig ng Panginoon, at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.

“Masdan, ito ang pangako ng Panginoon sa inyo; O kayo na aking mga tagapaglingkod.” [Doktrina at mga Tipan 68:4—5].

Pribilehio ng lahat na mabatid kung ako ay nagsasalita ng katotohanan ng Espiritu ng Diyos o hindi. Ibinigay sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang isang kautusan na dapat nating dinggin ang tinig ng Espiritu na ipinahahayag sa pamamagitan ng mga daluyan na itinalaga ng Diyos para sa pamamatnubay ng Kanyang mga tao. … Kapag ako ay nagbigay payo sa kawalang katuwiran, ako ay hahatulan. Walang sinumang makapagtuturo sa mga taong ito ng kasamaan at magtatagal sa ganito; sapagkat makikilala siya ng Diyos at ilalantad ang mga lihim ng kanyang puso; ang kanyang balakin at layunin ay maihahayag sa mga Banal, at siya ay tatayong hahatulan ng Espiritu ng Diyos sa harapan ng mga Banal. Kapag kinikilala ninyo … ang Pangulo ng Simbahan at siya at ang kanyang mga tagapayo bilang mga namumunong awtoridad, samakatuwid ang miyembro na hindi sumusunod sa kanilang payo ay dapat na kaawaan, sapagkat siya ay nagkakasala. Ang kalalakihang ito ay hindi magpapayo sa inyo nang mali. …

… Hindi ko kailanman ninais na makita ang pagdating ng araw na ang kalalakihang ito, na kung kanino ninyo ipinagkatiwala ang karapatan at kapangyarihang mamuno, ay itikom ang kanilang mga bibig upang hindi sila masaway at makagalitan ang kasalanan. … Tungkulin namin na gawin ito. Naririto kami para sa layuning iyon. Kami ay mga bantay sa mga tore ng Sion [tingnan sa Ezekiel 3:17–19]. Gawain at tungkulin namin na ilantad ang mga pagkakamali at kalokohan ng mga tao; at kung hindi ito tatanggapin ng mga tao, gawin nila ang nais nila at tanggapin nila ang magiging bunga nito. Ang mga yaong hindi sumusunod sa makatuwirang payo ang siyang maghihirap, at hindi ang mga yaong sumasaway sa kasalanan.6

Binabalak naming gampanan ang aming mga tungkulin ayon sa liwanag na mayroon kami, sa pamamagitan ng tulong ng mapagmahal na Ama. Wala akong binabalak na gawin nang walang ganap na katiyakan na ito ay tama, sa pamamagitan ng pakiisa ng aking mga tagapayo, sa aming pagkakasundo, at sa aming magkakatulad na pagkakaunawa. … Hindi ako nagbabalak na gumawa nang anuman, o pumayag na gawin o pahintulutan ang anumang bagay na makaaapekto sa kaharian ng langit ng Diyos sa lupa, maliban sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon, o malibang magkakasundo tayo rito, dahil, dito ay batid ko na magkakaroon tayo ng lakas sa ating likuran, na ang kapangyarihan ng Diyos ay sasaatin, at ang mga Banal ay sasang-ayunan tayo.7

Ang mga tao ay nawawalan ng kasiyahan sa isa’t isa, maaaring mawalan sila ng kasiyahan sa Panguluhan, sa Korum ng Labindalawa, o sa iba, at maaaring sabihin sa kanilang mga puso, “Hindi ko gusto ang taong ito; hindi ako naniniwala na siya ay talagang magaling, napakarami niyang pagkakamali at kahinaan, at dahil dito ay hindi ko magagawa at hindi ko gagawing kilalanin ang kanyang kapangyarihan, dahil wala akong pananalig sa taong iyan.” Walang pag-aalinlangang mayroon, marahil ay napakarami, na nakadarama nang ganito, ngunit ang suliranin ay … dahil lamang nawala sila ng kasiyahan sa isang tao at nagkikimkim ng kapaitan sa kanilang puso, nawalan sa kanilang paningin ang layunin ng Makapangyarihan; tumatalikod sila sa kapangyarihan ng Banal na Pagkasaserdote; at sa pamamagitan ng kanilang pagkabulag ay hinahayaan nila ang sarili na maligaw, at sa wakas ay tumalikod mula sa Simbahan.

Ngayon, ay paano ba dapat ito? Sasabihin ko sa inyo. Unanguna, dapat mabatid ng bawat tao na ang Ebanghelyo ay totoo, at ito ay pribilehiyo ng bawat isa na nabinyagan at tumanggap ng Espiritu Santo. Ang isang tao ay maaaring masaktan sa kanyang damdamin dahil sa mga personal na dahilan sa pagitan niya at ng [Pangulo ng Simbahan at ng kanyang mga Tagapayo]; maaaring mayroon siyang damdamin sa kanyang puso na nagbubunsod sa kanya na maniwalang hindi niya kami masasang-ayunan sa kanyang pananampalataya at panalangin; ngunit kung ganito ang kaso, ano ang bagay na dapat niyang gawin? Dapat sabihin niya sa kanyang puso “Itinatag ng Diyos ang Kanyang Kaharian, ang Kanyang Pagkasaserdote sa lupa; at sa kabila ng aking hindi pagkagusto sa ilang tao, batid ko na ang Ebanghelyo ay totoo at na ang Diyos ay kasama ng Kanyang mga tao; at na kung gagampanan ko ang aking tungkulin at tutuparin ang Kanyang mga kautusan, ang mga damdamin ng hindi pagkakagusto ay mapaparam, ang espiritu ng Panginoon ay mapapasaakin nang ganap upang guminhawa ako at hindi maglalaon ay makikita ko,—kung ako ay nasa kamalian, kung saan ako nagkamali, at pagkatapos ay pagsisisihan ko ito, sapagkat alam ko na ang bawat bagay na mali ay maaari pa ring maiwasto.” Sa palagay ko, ang lahat ng tao ay dapat na ganito ang maramdaman.8

Sang-ayunan natin ang ating mga lokal na namumuno at dinggin ang kanilang payo.

Katulad ng Panguluhan ng Simbahan ay namumuno sa buong Simbahan—sa lahat ng istaka, sa lahat ng purok, sa lahat ng lugar na may gawaing misyonero—ang kalalakihang ito [ang panguluhan ng istaka] ay namumuno sa istakang ito ng Sion, at sa lahat ng purok at mga sangay doon; at kung nananawagan sila sa mga tao upang sang-ayunan sila sa mga yaong bagay na tama, kung mabibigo ang mga tao na sang-ayunan sila, ang bunga nito ay mapupunta sa ulo ng mga tao at hindi sa ulo ng kalalakihang ito. Tungkulin nila sa sawayin ang kasalanan at kagalitan ang kawalan ng katuwiran. Tungkulin nila na magpayo at humikayat sa mga tao na maging matapat at masigasig sa buong istaka nila. … Nais kong maunawaan ninyo ito nang malinaw. … [Ang panguluhan ng istaka] ay may karapatang mamuno, magpayo, mangasiwa, at magbantay sa interes ng mga tao rito. …

… Mayroon tayong mga salitang nakasulat para sa halimbawa, para sa pagtuturo, para sa panghihikayat, para sa pagsaway, para sa pagpapayo at para sa panghihimok. Ang bawat tao ay dapat na basahin at unawain ito, at mababatid nila na ang mga orakulo ng Diyos ay nasa gitna nila. Ngunit kapag hindi nila binabasa ang salita ng Diyos o nauunawaan ito, kapag nagsasalita ang mga orakulo ay maaaring hindi nila pakinggan ang mga ito. Ang Panguluhan ng Istaka ang inyong orakulo dito. Pinili sila ng Panginoon. … Nararapat na sang-ayunan at tulungan sila, at pakinggan ang kanilang mga payo. Hindi nila kayo ililigaw; hindi nila kayo pamamatnubayan sa kasalanan; hindi sila magkakamali sa kanilang payo sa inyo; sapagkat sila ay tumatayong ilaw ng parola sa mga tao—hindi lamang ilaw ng parola, ngunit tumatayo sila sa kanilang katungkulan bilang mga pangulo ng Simbahan sa Istakang ito ng Sion, at ipapakita ng Diyos ang Kanyang sarili sa mga tao sa pamamagitan nila. Higit pa rito, isang karapatan ng bawat lalaki at babae na magkaroon ng paghahayag at katalinuhan mula sa Makapangyarihan, upang mabatid na ang kalalakihang ito ay mabubuti, at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin.9

Ang isang obispo ay namumunong opisyal sa kanyang purok, at kapag ang isang obispo ay nasa kanyang purok, ang kanyang mga tagapayo at ang mga miyembro ng kanyang purok ay nasa ilalim ng kanyang panguluhan. Hindi niya maaaring isuko ito. Hindi niya maaaring isalin ito sa iba; o, kung gagawin man niya, ay nilalabag niya ang isa sa mga sagradong alituntunin ng pamamahala ng pagkasaserdote.10

Mayroon isang tao na nagsasabing: “Wala akong tiwala sa obispo. Hindi ko gusto ang obispo. Hindi ako naniniwala sa kanya, hindi siya marunong; may pinapanigan siya; hindi siya makatarungan; at hindi ko siya sasang-ayunan sa kanyang tungkulin sa Simbahan.” … Huwag ninyong kalilimutan; [ang obispo at ang kanyang mga tagapayo] ay nandiriyan, hindi dahil sa pagnanais natin na ilagay sila riyan. Nandiriyan sila sapagkat itinalaga sila ng Panginoon bilang orden ng panguluhan sa purok, sa pamamagitan ng banal na kapangyarihan, at ang obispo ang humahawak ng kapangyarihan dito mula sa Diyos, hindi mula sa tao. …

Kapag ang isang tao nagsasabing: “Isa akong Banal sa mga Huling Araw; isa akong miyembro ng Simbahan na mabuti ang katayuan, dahil batid ko kung ano ang mga alituntunin ng ebanghelyo, at batid ko kung ano ang mga alituntunin ng pamamahala sa Simbahan,” para sa taong iyon na magsabing, “Sumasalungat ako sa obispo dahil hindi ko siya gusto” o “dahil, wala akong tiwala sa kanya,” ay patunay ng bagay na hindi niya nauunawaan ang alituntunin ng pamamahala at pagpapasailalim sa banal na kapangyarihan. Samakatuwid, siya ay nagiging maingay, matigas ang ulo, ayaw magpasailalim, hindi kanais-nais, at dapat na hatulan ayon sa kanyang mga ginagawa.11

Ang isang tao ay maaaring walang tiwala sa kanyang Obispo o sa isa sa dalawa nitong mga Tagapayo … ngunit dahil nadarama niya ito, magiging tama o naangkop ba para sa kanya bilang Elder sa Israel, na gawin ang sarili niyang tagahatol ng Obispo o ng kanyang mga Tagapayo at ng buong Simbahan? Kapag ang isang tao ay papasok sa ganitong paninindigan, magiging katulad siya ng ilang [mga tao na tumalikod mula sa Simbahan] … Sa palagay ba ninyo ay makumkumbinsi ninyo ang mga taong ganito ang paninindigan na tumalikod na sila sa Simbahan? Hindi; ang mga taong ito ay matatag ang paniniwala sa sarili nilang isipan na kahit kailan ay hindi sila tumalikod sa katotohanan o umalis sa Simbahan. … Kung itataas ko ang aking mga kamay laban sa aking Obispo, laban sa Labindalawa o sa Unang Panguluhan, dahi, hindi ko sila gusto, sa sandaling iyon ay inilalagay ko ang aking sarili sa paninindigang kinatatayuan ng mga taong ito, at marami pang mga yumao na, at nagsabing: “Tumalikod na sa katotohanan ang Simbahan, tumalikod na sa katotohanan sina Joseph Smith at Brigham Young, at John Taylor, ngunit matatag ako sa pananampalataya; ang lahat ng tao ay naligaw dahil hindi nila ako kinikilala.” Dito nakatayo ang isang taong naghihimagsik laban sa kapangyarihan ng Pagkasaserdote, at kasabay nito ay nagsusumikap na manatili sa pananampalataya. Kahit kailanman ay hindi nagkaroon nang higit sa isang tao na humawak sa mga susi ng kaharian ng Diyos tungkol sa daigdig.12

Samakatuwid, sinasabi ko sa inyo, igalang ang Panguluhan ng Istaka at ang inyong mga Obispo, at ang lahat na inilagay upang mamuno sa inyong gitna. Sang-ayunan sila sa kanilang mga tungkulin sa inyong pananampalataya at sa inyong mga panalangin, at ipakita sa kanila na tutulungan ninyo sila sa bawat mabuting salita at gawain, at bibiyayaan kayo ng Diyos dahil dito.13

Ang sang-ayunan ang ating mga pinuno ay patunay ng kabutihan, pananampalataya, at pakikipagkapatiran natin.

Naniniwala ako na tungkulin ng Simbahan na kilalanin at tanggapin ang bawat lalaking may hawak ng opisyal na posisyon dito, sa saklaw ng kanyang tungkulin at pagkatawag. Naniniwala ako sa doktrina na ang tungkulin ng isang guro ay kasing sagrado ng tungkulin ng isang apostol, sa saklaw ng mga tungkuling ipinagagawa sa kanya, na ang lahat ng miyembro ng Simbahan ay may tungkuling igalang ang guro na dumadalaw sa kanya sa kanyang tahanan, tulad ng paggalang niya sa tungkulin at payo ng namumunong korum ng Simbahan. Lahat sila ay may Pagkasaserdote; lahat sila ay gumagawa ng kanilang tungkulin, at lahat sila ay mahalaga sa kani-kanilang sariling lugar, dahil hinirang sila ng Panginoon at inilagay sila sa kanyang Simbahan. Hindi natin maipagwawalang-bahala ang mga ito; o, kung gagawin natin ito, ang kasalanan ay nasa ating mga ulo.14

Hindi natin dapat hayaan ang ating sarili na sa ating puso arawaraw ay bumulung-bulong at maghanap ng mali laban sa mga taong ipinakikilala sa atin upang sang-ayunan sa mga responsableng tungkulin. Kung mayroon tayo sa ating puso ng anumang bagay laban sa mga kapatid na ito, tungkulin natin, bilang matapat na mga miyembro ng Simbahan na, una, tulad ng tinatagubilin ng mga Banal na Kasulatan, makipagkita sa kanila nang sarilinan at ipaalam sa kanila ang inyong damdamin tungkol sa kanila at sabihin sa kanila ang dahilan nito; nang walang paghahangad sa ating puso na palakihin o dagdagan pa ang problema, bagkus ay dapat tayong makipagkita sa kanila sa diwa ng pagbabati at may pagmamahal ng isang kapatid, sa tunay na diwa ng isang Kristiyano, nang sa gayon kung may masamang damdamin man sa pagitan nating dalawa ay lubos itong mawawala; at kung mayroon man tayong usapin para sa ating kapatid, magkakaroon siya ng pagkakataon na iwasto ang kanyang pagkakamali. Dapat nating hangarin na mahalin ang isa’t isa at tanggapin ang bawat isa bilang mga anak ng Diyos at bilang kapatid sa layunin ng Sion.15

Mga kapatid, nais kong pasalamatan kayo sa … ganap na pagkakaisa na ipinakita dito sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay ng malaking kongregasyong ito. Batid kong ito ay patibay ng kabutihan, ng pananampalataya at ng pakikipagkapatiran mula sa malaking kongregasyong ito para sa lahat ng awtoridad, kapwa sa pangkalahatan at sa lokal, o sa pantulong na samahan, na ipinakilala sa inyo, at na tutuparin ninyong lahat ang pangako sa Panginoon at sa bawat isa sa pamamagitan ng pagtatas ninyo ng kamay, at inyong lahat sasang-ayunan at itataguyod ang mga pinunong ito sa lahat ng iba’t ibang samahan, mula sa una hanggang sa huli, na hindi kayo magsasalita ng masama sa likuran nila, na hindi kayo hahanap ng mali sa kanila nang walang dahilan, na hindi ninyo sasaktan ang kanilang impluwensiya o hahadlangan ang kanilang pag-unlad, o makikialam sa kanilang legal na gawain bagkus ay gagawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang makatulong sa kanila, upang makinabang sila, pagpalain, at mahikayat sila sa mabuting gawa kung saan sila abala.16

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Bakit ang pagsang-ayon sa ating mga pinuno ay “isa sa pinakamahalagang gawain sa komperensiya ng Simbahan”? Bakit makatutulong na isipin na ang pagsang-ayon sa ating mga pinuno ay isang “pakikipagtipan”?

  • Paano natin masasang-ayunan ang ating mga pinuno, nang hindi lamang sa “pagtaas ng kamay, na tanda lamang, kundi sa gawa at sa katotohanan”? Paano ninyo nakitang nakatulong ang inyong pananampalataya at panalangin sa inyong mga pinuno?

  • Ano ang mangyayari sa mga “huminto sa pangsang-ayon sa mga itinalagang awtoridad ng Simbahan”?

  • Paano ang mga Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa naging mga “bantay sa tore ng Sion”? Bilang mga bantay, ano ang kanilang tungkulin? Paano natin sila itataguyod at igagalang sa tungkulin nilan gito? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 107:22.)

  • Ano ang ilan sa mga responsibilidad ng panguluhan ng istaka? Sa paanong paraan tayo higit na magkapagtataguyod at sasangayon sa kanila?

  • Bakit mahalaga na malaman na ang obispo ang mayhawak ng awtoridad sa purok “mula sa Diyos, at hindi mula sa tao”? Paano natin mas mabuting masasang-ayunan ang mga obispado sa kanilang mga responsibilidad?

  • Paano naging “kasing sagrado ng tungkulin ng isang apostol, sa saklaw ng mga tungkuling ipinagagawa sa kanya”? Paano natin itataguyod at igagalang ang mga tagapagturo ng tahanan at dumadalaw na tagapagturo?

  • Paano patunay ng ating pananampalataya sa Panginoon ang pagtataguyod at paggalang sa ating mga pinuno?

Mga Tala

  1. Deseret News: Semi-Weekly, ika-28 ng Abr. 1816, 1.

  2. Deseret News: Semi-Weekly, ika-14 ng Mar. 1895, 1.

  3. Sa Collected Discourses by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostles, and Others, tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo (1987-92), 4:298.

  4. Deseret News: Semi-Weekly, ika-28 ng Hunyo 1896, 1.

  5. Gospel Doctrine,ika- 5 edisyon (1939), 158.

  6. Deseret News: Semi Weekly, ika-21 ng Ene. 1896, 1.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1902, 86–87.

  8. Deseret News: Semi Weekly, ika-21 ng Hunyo 1883, 1.

  9. Deseret News: Semi-Weekly, ika-21 ng Ene. 1896, 1.

  10. Gospel Doctrine, 185.

  11. Sa Messages of the First Presidency of the Church of Jesus Christ of Latterday Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo (1965–75), 5:83–85.

  12. Deseret News: Semi-Weekly, ika-26 ng Hunyo 1883, 1.

  13. Deseret News: Semi-Weekly, ika-31 ng Marso 1896, 1.

  14. Gospel Doctrine, 163–64.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, ika-21 ng Hunyo 1898, 1.

  16. Sa Conference Report, Oct. 1911, 130–31.

Joseph F. Smith and Joseph Fielding Smith

Si Pangulong Joseph F. Smith kasama ang kanyang anak na si Joseph Fielding Smith, na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong taong 1914 at pagkaraan ay naging pangsampung Pangulo ng Simbahan.