Kabanata 31
Pagsunod sa Batas ng Ikapu
Ang mga yaong sumusunod sa batas ng ikapu ay tumutulong upang matupad ang mga layunin ng Panginoon at may karapatan sa Kanyang mga biyaya.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Sa pagtatapos ng mga taong 1800, kinaharap ng Simbahan ang napakalaking pagkakautang, na humigit sa isang milyong dolyar. Ang saguting pinansiyal na ito ay ganap na nagpahirap kay Joseph F. Smith. Noong pangkalahatang pagpupulong ng Oktubre 1899, sinabi niya: “Nagkaroon na tayo ng napakaraming turo tungkol sa ating mga tungkulin bilang mga Banal sa mga Huling-araw, hindi lamang tungkol sa batas ng ikapu, ngunit hinggil din sa iba pang bagay, na kasing halaga ng batas ng ikapu. Walang bagay, gayunpaman, na mas mahalaga pa sa kapakinabangan ng Simbahan sa panahon ngayon kaysa pagsaalang-alang sa batas na ito, na kung saan ang mga panustos ay ilalagay sa kamalig ng Panginoon, upang matugunan ang pangangailangan ng mga tao.”1
Isang hapon pagkaraan ng pitong taon, umuwi si Pangulong Smith mula sa kanyang opisina at natagpuan ang kanyang anak na babaeng si Rachel sa harapang bulwagan ng Beehive House.
“Nasaan ang inyong ina?” tanong niya.
“Hindi ko po alam.”
“Saan kaya siya naroroon?”
“Hindi ko po alam.”
“Pupunta ba siya rito?”
“Hindi ko po alam, Tatay. Wala akong alam. Kauuwi ko lang galing sa paaralan.”
“Buweno, mahal,” wika niya, “Nais kong ang inyong ina ang unang makaalam, ngunit dahil wala kang nalalaman, sasabihin ko sa iyo.” Sa kanyang kamay ay may isang papel.
“Nakikita mo ba ang papel na ito?”
“Opo, Tatay.”
“Ibig sabihin nito na ang Simbahan sa wakas ay wala nang utang.” Ngumiti siya. “Ngayon ay may alam ka na!”2
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Ang pagsunod sa batas ng ikapu ay nagpapatibay sa ating katapatan sa kaharian ng Diyos.
Kinakailangan ng Diyos ang ikasampung bahagi ng ating tinubo na ilagay sa Kanyang kamalig, at ito ay ibinibigay bilang isang mananatiling batas sa lahat ng Istaka ng Sion.3
Sa pamamagitan ng alituntuning ito (ikapu) ang katapatan ng mga tao ng Simbahang ito ay masusubok. Sa pamamagitan ng alituntuning ito ay mababatid kung sino ang para sa kaharian ng Diyos at kung sino ang laban dito. Sa pamamagitan ng alituntuning ito ay makikita kung kaninong mga puso ang nakatuon sa paggawa sa kalooban ng Diyos at pagtupad sa kanyang mga kautusan, sa gayong paraan ay gagawing banal ang lupain ng Sion tungo sa Diyos, at kung sino ang sumasalungat sa alituntuning ito at ipinagkakait ang kanilang sarili mula sa mga biyaya ng Sion. May napakalaking kahalagahan na kaakibat ang alituntuning ito, sapagkat malalaman sa pamamagitan nito kung tayo ay matapat o hindi matapat. Sa ganitong aspeto ay kasing halaga ito ng pananampalataya sa Diyos, ng pagsisisi ng kasalanan, ng pagbibinyag para sa kapatawaran ng kasalanan, o ng pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo.4
Ang batas ng ikapu ay isang pagsubok kung saan ang mga tao, bilang indibiduwal, ay masusubok. Ang sinumang tao na mabibigong tumupad sa alituntuning ito ay makikilala bilang isang taong walang malasakit sa kapakinabangan ng Sion, na nagpapabaya sa kanyang tungkulin bilang miyembro ng Simbahan, at walang ginagawang anuman para sa katuparan ng temporal na pagsulong ng kaharian ng Diyos. Walang iniaambag, gayundin, tungo sa pagpapakalat ng ebanghelyo sa mga bansa sa daigdig, at pinababayaan niya yaong magbibigay sa kanya ng karapatan na tanggapin ang mga biyaya at ordenansa ng ebanghelyo.5
Ang pagtupad sa batas ng ikapu ay kusang loob. Maaari akong magbayad ng aking ikapu o hindi, ayon sa aking pasiya. Isa itong bagay ng pagpapasiya para sa akin, kung gagawin ko ito o hindi; ngunit, dahil nadarama ko na tapat ako sa Simbahan, tapat ako sa mga interes nito, naniniwala na tama at makatarungan na tuparin ang batas ng ikapu, ay ginagawa ko ito—sa gayunding prinsipyo na sa palagay ko ay tama para sa akin na tuparin ang batas ng pagsisisi, at ng pagbibinyag, para sa kapatawaran ng mga kasalanan.6
Tayo na hindi nakapagbayad ng ikapu noong nakaraan, at samakatuwid ay nagkautang sa Panginoon, na hindi na natin mabayaran, hindi na kinakailangan ng Panginoon na bayaran yaon, ngunit patatawarin tayo sa nakaraan kung matapat nating tutuparin ang batas na ito sa hinaharap. Ito ay mapagbigay at mabuti, at nagpapasalamat ako dito.7
Kagaya ng nasabi ko, at uulitin ko ito rito, ang isang lalaki o babae na palaging nagbabayad ng kanyang ikapu ay hindi kailanman tatalikod sa katotohanan. Hindi mahalaga kung gaano kaliit o kalaki ito; isa itong batas mula sa Panginoon; isa itong pinagkukunan ng pananalapi ng Simbahan; isa itong kinakailangan ng Diyos, at Kanyang sinabi na ang mga yaong hindi tutupad dito ay hindi karapat-dapat sa pamana sa Sion. Walang sinumang tatalikod sa katotohanan hangga’t nagbabayad siya ng ikapu. Makatarungan ito. Bakit? Sapagkat hangga’t may pananampalataya siyang magbayad ng kanyang ikapu, may pananampalataya siya sa Simbahan at sa mga alituntunin ng Ebanghelyo, ay mayroong kabutihan sa kanya, at mayroong liwanag sa kanya. Hangga’t ginagawa niya ito, ang manunukso ay hindi makagagapi sa kanya at hindi siya maililigaw.8
Ang ikapu ang batas ng Diyos sa pananalapi para sa Kanyang Simbahan at para sa pagpapala ng mga Banal.
Ang batas ng ikapu ang siyang batas ng pananalapi para sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling-araw. Kung wala ito, magiging imposible na magampanan ang mga layunin ng Panginoon.9
Ibinigay ng Panginoon … ang batas ng ikapu, upang magkaroon ng pantustos mula sa kamalig ng Panginoon upang maisagawa ang mga layunin na kanyang nakikita; para sa pagtitipon ng mahihirap, para sa pagpapakalat ng ebanghelyo sa mga bansa sa daigdig, para panustos ng mga yaong kinakailangang magbigay ng ganap na pagtuon, sa araw-araw, sa gawain ng Panginoon, at sa kanila na kinakailangang mabigyan ng ilang panustos. Kung wala ang batas na ito, ang mga bagay na ito ay hindi magagawa, gayundin namang ang mga templo ay hindi maitatayo at mapapanalanging maayos, o mapakain at madamitan ang mahihirap. Samakatuwid, ang batas ng ikapu ay kinakailangan para sa Simbahan, kung kaya’t labis na binigyan-diin ito ng Panginoon.10
[Ang ikapu] ay ginagamit upang magawa ang mga ordenansa sa bahay ng Panginoon sa mga … templo. Libu-libong dolyar mula dito ang ginagamit sa pagtuturo sa kabataan ng Sion at sa pagpapatakbo ng mga paaralan ng Simbahan. Libu-libong dolyar ang ginugugol upang mapakain at madamitan ang mahihirap, at mapangalagaan ang mga yaong umaasa sa Simbahan. Humihingi sila sa kanilang “ina” ng saklolo at tulong, at tumpak at tama para sa Simbahan na tustusan ang mga mahihirap at maralita nito, ang mahihina at kaawa-awa, hangga’t maaari.11
Inihayag ng Panginoon kung paano pangangalagaan at pangangasiwaan ang pondong ito [ikapu]; iyon nga, ng Panguluhan ng Simbahan at ng Mataas na Kapulungan (ibig sabihin, ang Labindalawang Apostol), at ang Panguluhang Obispado ng Simbahan. Sa palagay ko ay may karunungan dito. Hindi ipinahihintulot sa iisang tao na gugulin ito, o hawakan ito nang nag-iisa, hindi sa anumang paraan. Isinasalin ito sa labingwalong kalakihan, kalakihang may karunungan, may pananampalataya, may kakayahan, kagaya ng labingwalong kalalakihang ito. Sinasabi kong isinasalin ito sa kanila upang gugulin ang ikapu ng mga tao, at gamitin ito sa anumang layunin na sa kanilang paghahatol at karunungan ay magbibigay-katuparan sa pinakamalaking kabutihan para sa Simbahan; … ginugugol ang pondong ito ng ikapu ng kalalakihang ito na itinalaga ng Panginoon bilang may kapangyarihan na gawin ito, para sa mga pangangailangan at kapakinabangan ng Simbahan.12
Kinakailangan ng Panginoon … lalung-lalo na sa kalalakihang tumatayo sa pamunuan ng Simbahang ito at may katungkulan para sa paggabay at pagsubaybay sa mga tao ng Diyos na tiyakin nilang tinutupad ang batas ng Diyos [ikapu]. Tungkulin nating gawin ito.… Kinakailangang gawin ng mga namumuno ng Simbahan na magsalita tungkol sa alituntuning ito, upang hindi lamang magawa ng mga tao ang kanilang tungkulin hinggil sa batas na ito, kundi upang magkaroon sa kamalig ng Panginoon ng mga yaong pantugon sa pangangailangan ng mga tao; sapagkat ang mga pangangailangan ng Simbahan ay pangangailangan ng mga tao. Ang mga miyembro ng Simbahan ang bumubuo sa Simbahan, at samakatuwid, kung anumang sagutin mayroon ang Simbahan, nakaatang ito sa bawat miyembro ng Simbahan alinsunod sa kanyang kakayahan. Kinakailangang tiyakin sa atin ng Panginoon na tinutupad ng kanyang mga tao ang Kanyang batas.13
Nais kong sabihin sa aking mga kapatid sa umagang ito, na sa aking palagay, wala ni anumang panahon na ang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling-araw ay nabubuhay nang mabuting pamumuhay, nang may higit na katapatan at higit na pagsusumikap, kaysa ngayon. Mayroon tayong iba’t ibang paraan upang malaman ito. Ang isang pinakatumpak na paraan ng pag-aalam ay ang katunayan na tinutupad ang batas ng ikapu.… Isa itong mabuting tanda na ginagawa ng mga Banal sa mga Huling-araw ang kanilang tungkulin, na may pananampalataya sila sa Ebanghelyo, na nakahanda silang tuparin ang mga kautusan, at ipinamumuhay ang batas ng ikapu nang may higit na katapatan marahil kaysa anumang panahon noon.
Nais kong sabihin ang isa pang bagay sa inyo, at sinasabi ko ito bilang isang pagbati, at ito ay, nagawa natin, sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoon at katapatan ng mga Banal sa pagbabayad ng kanilang ikapu, na mabayaran ang lahat ng ating sagutin sa pagkakautang. Sa araw na ito, ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling-araw ay hindi magkakautang ng isa mang dolyar na hindi nito kayang bayaran. Sa wakas ay nasa katayuan na tayo na maaari tayong makapagbayad kaagad. Hindi na natin kinakailangang mangutang, at hindi na natin kakailanganin pa kung ang mga Banal sa mga Huling-araw ay magpapatuloy na ipamuhay ang kanilang relihiyon at tuparin ang batas na ito ng ikapu. Ito ang batas ng pananalapi para sa Simbahan.
Bilang karagdagan, nais kong sabihin sa inyo, maaaring hindi natin ito makamtan kaagad-agad, ngunit inaasahan naming marating ang araw na hindi na namin hihilingin pa sa inyo ang kahit na isang dolyar na abuloy para sa anumang layunin, maliban sa yaong taos puso ninyong ibibigay sa inyong pagpapasiya, sapagkat magkakaroon tayo ng ikapu sa kamalig ng Panginoon na sapat upang bayaran ang lahat ng kinakailangan para sa pagsulong ng kaharian ng Diyos.… Ito ang tunay na patakaran, ang tunay na layunin ng Panginoon sa pangangasiwa ng mga gawain ng Kanyang Simbahan.14
Ang pangunahing bagay tungkol sa ikapu ay ang pagsunod sa batas.
Walang pag-aalinlangan na marami pa ang mababasa mula sa kasulatan tungkol sa alituntunin ng ikapu, na inihayag sa atin ng Diyos sa dispensasyong ito, na kinakailangan niyang ipatupad sa atin, upang pakabanalin natin, sa pamamagitan ng pagsunod sa batas, ang lupaing ito upang ito ay maging tunay na lupain ng Sion para sa atin; at ang pangako ay, na kung susundin natin ang mga batas ng Diyos, kung ilalagay natin ang ating pananalig sa kanya, na kung magsisilapit tayo sa kanya ay lalapit siya sa atin, at pagkakalooban niya tayo ng kanyang pagkalugod at biyaya. Kanyang sasawayin ang mananakmal, at kanyang papangyarihing maging sagana ang lupa, at ito ay labis na mamumunga para sa tagapag-alaga, sa nagbubungkal ng lupa, at sa nagpapastol ng mga kawan. Pararamihin niya ang mga baka, at pasasaganain siya nang pakanan at pakaliwa, at magkakaroon siya ng kariwasaan, dahil inilalagay niya ang pananalig sa Diyos; lumalapit siya sa kanya, at nakahanda siyang patunayan sa kanya, kung hindi niya bubuksan ang mga dungawan sa langit at ihuhulog ang mga pagpapala sa kanya na walang sapat na silid na kalalagyan sa kanila [tingnan sa Malakias 3:10]. Tanggapin ang kasabihang ito ng bawat tao na tumanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo, at pakinggan ang mga salitang ito, sa buong kakayahan nila. May ilang tao na maaaring ituring na hindi mahalaga ang mga ito, at ang mga gumagawa nito, ay, walang pag-aalinlangan, na mabibigong makalapit, at hindi sila makasusubok sa Panginoon, hindi nila tutuparin ang mga kautusang ibinigay niya, at hindi nila mapapatunayan na sinasabi ng Diyos ang katotohanan, at kaya niyang isakatuparan ang kanyang mga salita at pangako sa kanyang mga tao kung handa silang sundin at tuparin ang kanyang batas.…
… May nakilala akong isang kapatid na lalaki—hindi ko na babanggitin ang kanyang pangalan, dahil isa siya sa libu-libo na makapagpapatunay ng ganito ring patotoo, hindi lamang sa pamamagitan ng salita ngunit sa pamamagitan ng patunay ng katipiran, ng kasaganaan, ng kaunlaran at ng pagsulong na pumalibot sa kanya sa gitna ng disyerto. Sa taggapas na ito ay nagkaroon siya ng malaking ani, dahil masaganang namunga ang kanyang mga sakahan, samantalang ang mga sakahan ng marami sa kanyang mga kapitbahay ay napuno ng mga damo, at ang kanilang ani ay kalahati o ikatlong bahagi lamang ng kanyang ginapas. Paano ninyo ipaliliwanag ito? Ipinaliliwanag ko ito sa pamamagitan ng katunayan na biniyayaan siya ng Diyos; kung kaya’y ganito siya, dahil isa siyang matalinong tao, isang tao na hindi lamang gumagawa nang may karunungan at kahusayan, ngunit nang may takot sa Diyos, at sa paghahangad ng kanyang puso na sundin ang kanyang mga batas.… Nagbabayad siya ng kanyang ikapu, naaalaala niya ang kanyang mga handog, masunurin siya sa mga batas ng Diyos, at hindi siya natatakot na magbigay ng patotoo sa kanyang mga kaibigan at kapitbahay na sa pamamagitan ng pagiging masunurin ay biniyayaan at iningatan siya ng Diyos, at ginawa siya kung ano siya ngayon. Hindi lamang siya nag-iisa; mayroon pang iba na umunlad sa ganoon ding paraan. At nagbibigay ako ng patotoo na dahil biniyayaan siya ng Diyos, at ang kanyang lupa, at ang kanyang gawain, na natanggap niya ang tubo na ito, at natamo ang mga biyayang hinangad at pinagpaguran niya. Gumawa siyang may pananalig sa Panginoon; at nakilala ng Diyos ang kanyang puso, at biniyayaan siya nang nararapat.15
Kung kaya’t dumating ang pagpapasiya na ang pangunahing bagay tungkol sa pagbabayad ng ikapu ay ang pagsunod sa batas, at na higit na maraming kabutihan ang darating sa atin sa pamamagitan ng pagsunod sa yaon kaysa sa sinuman. Maaaring kumita tayo ng libu-libong dolyar, at magbayad ng tapat na ikapu sa ating tinubo, kung kaya’t magiging malaking halaga ang ating ikapu; subalit ang kabutihan na darating sa atin sa pagiging masunurin sa batas ng Diyos ay higit na malaki, sa katapusan, kaysa sa kabutihan na maibibigay ng ating salapi para sa mahihirap. Siyang nagbibigay ng abuloy ay higit na binibiyayaan kaysa sa yaong tumanggap nito.
Ang suliranin ay, kapag nagiging mayaman ang isang tao, muli siyang nakadarama ng pagiging mahirap upang maging masunurin sa mga batas ng Diyos. Ginagawang pulubi ng kayamanan ang mga tao sa pakikitungo sa Pinakamakapangyarihan. Napakadaling magbayad ang isang taong mahirap ng ikapu at mag-ambag mula sa kaunting mayroon siya para sa kapakinabangan ng nangangailangan; ngunit kapag siya ay naging isang milyonaryo, o anumang antas na tulad nito, samakatuwid ang kanyang puso ay nagsisimulang maging makasarili. Ang bunga nito ay ipinagkakait niya sa kanyang sarili ang pagkakataon na tumanggap ng higit na malalaking pagpapakita ng kabutihan at awa ng Diyos sa kanya, na maaaring niyang matanggap sa pamamagitan ng higit na malaking kabutihan na maaari niyang gawin sa pamamagitan ng kanyang lumaking kabuhayan.
Ang pagsunod ang siyang kinakailangan ng Pinakamakapangyarihan. Pagsunod ang yaong kinailangan Niya kay Abraham. Nagsasalita ako ngayon hinggil sa pagsunod sa Diyos, at hindi sa tao; at hahamunin ko ang sinumang tao upang patunayan na ang pagsunod sa Diyos, maging sa pagbabayad ng ikapu, ay hindi higit na mabuti kaysa hindi pagsunod—higit na mabuti para sa tao mismo at para sa lahat ng tao. Kung ang isang tao ay masunurin sa batas ng ikapu, may karapatan siya mismo sa mga biyaya ng Diyos, at hangga’t sinusunod niya ito, ay may mga panustos sa kamalig ng Panginoon para sa pagpapakain ng mahihirap, para sa pagdadala ng Ebanghelyo sa ibang bansa, para sa pagtatayo ng mga templo, para sa katuparan ng Kanyang mga layunin; ngunit kung hindi siya masunurin sa batas na ito, samakatuwid ay walang anumang bagay roon, at siya mismo ay pagkakaitan ng biyaya na ipagkakaloob sana ng Panginoon sa kanya.16
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Ano ang batas ng ikapu ng Panginoon? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 119:3–4.) Anu-anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang ating ipinamumuhay kapag nagbabayad tayo ng ating ikapu? Bakit ang pagsunod sa batas ang “pangunahing bagay” tungkol sa pagbabayad ng ikapu?
-
Ano ang maaaring gawin ng mga miyembro ng Simbahan kung hindi sila nakapagbayad ng ikapu noong nakaraan at nagnanais na ngayon na tuparin ang kautusang ito? Anu-ano ang ilang dahilan at ang mga tao ay nagkukulang sa pagbabayad ng kanilang ikapu. Paano ang kariwasaan ay maaaring gawing “makasarili” ang puso?
-
Anu-ano ang ilan sa mga layunin na pinaggagamitan ng mga pondo ng ikapu? Paano nakatutulong ang ikapu na matugunan ang mga pangangailangang espirituwal at temporal ng mga miyembro ng Simbahan at ng iba?
-
Sino ang nagpapasiya kung paano ipamamahagi ang pondo ng ikapu ng Simbahan? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 120.)
-
Paano maituturo sa pamilya ang pagbabayad ng ikapu?
-
Anu-anong biyaya ang ipinangangako ng Panginoon sa mga yaong nagbabayad ng ikapu? (Tingnan din sa Malakias 3:10—12.) Kailan at paano kayo nabiyayaan sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ng ikapu?