Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 12: Magiting sa Layunin ni Cristo


Kabanata 12

Magiting sa Layunin ni Cristo

Dapat tayong maging magiting sa layunin ni Cristo at tapat sa ating tipan, sa ating Diyos, at sa gawain sa Sion.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Sa taglagas ng 1857 si Joseph Smith, na 19 na taong gulang lamang, ay pauwi na galing sa misyon sa Hawaii. Umuwi siya sa pamamagitan ng daan sa San Francisco, Los Angeles, at San Bernardino. “Sa dakong timog ng California. Katatapos pa lamang sa paglalakbay sa di-kalayuan ng maikling hanay ng mga bagon at sa muling panandaliang paghimpil nito, ilang manliligalig na anti-Mormon ang dumating na sakay ng kabayo sa himpilan, sumusumpa at nagtutungayaw at nagbabanta sa gagawin nila sa mga ‘Mormon’. Nasa di-kalayuan si Joseph F. Smith mula sa himpilan na nangunguha ng kahoy na panggatong, gayunman, nakikita pa rin niya na ang ilang miyembro ng kanyang pangkat na maingat na bumababa sa may sapa, at nawala na sa kanyang paningin. Nang matanaw niya ang pangyayaring iyon, … naisip niyang, ‘Tatakas ba ako sa mga taong ito? Bakit ako matatakot sa kanila? Dahil dito lumakas siya patungo sa himpilan na dala-dala ang maraming kahoy na panggatong kung saan ang isa sa mga manunupil na kalalakihan, na may baril pa sa kanyang kamay, sumisigaw at nagtutungayaw tungkol sa mga ‘Mormon’, sa malakas na tinig ay sinabi kay Joseph F. Smith.1

“ ‘Ikaw ba ay “Mormon”?’

“At walang takot na dumating ang kasagutan, ‘Oho, ako nga ho, malalim na nakaugat, may di-matitinag na katapatan, at buung-buo.’

“Sa narinig na iyon ng mapanupil na lalaki sinunggaban siya sa kamay at sinabing:

“ ‘Aba, ikaw ang _____ _____ pinakanakalulugod na tao na nakilala ko! Kamayan mo ako, bata, nasisiyahan akong makita ang isang taong naninindigan sa kanyang pinaniniwalaan!”1

Si Pangulong Smith ay nabuhay nang tapat sa Panginoon kahit na ano pang hadlang o hirap. Si Charles W. Nibley, kaibigang matalik at Namumunong Obispo ng Simbahan, ay nangusap tungkol sa kanya, “Walang puso ang pumintig nang tapat kailanman sa bawat alituntunin ng pagiging isang tunay na lalaki at kabutihan at katarungan at awa nang higit sa kanya; ang dakilang pusong yaon, na bumalot sa kanyang kahanga-hangang katauhan, ay ginawa siyang pinakadakila, pinakamatapang, pinakamagiliw, pinakadalisay at pinakamahusay sa lahat ng kalalakihan na nabuhay sa kanyang panahon!”2

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Dapat tayong maging tapat sa ating tipan, sa ating Diyos, at sa layunin ng Sion.

Dapat tayong magpakita ng halimbawa; dapat tayong maging tapat sa pananampalataya. … Dapat tayong maging tapat sa ating tipan, tapat sa ating Diyos, at tapat sa isa’t isa, at sa kapakanan ng Sion, kahit na ano pa ang ibunga nito, kahit ano pa ang kahinatnan nito. … Ang taong nananatili sa kaharian ng Diyos, ang taong tapat sa mga taong ito, ang taong iningatang dalisay at walang bahid-dungis ang kanyang sarili mula sa sanlibutan, ay siyang taong tatanggapin ng Diyos, na itataas ng Diyos, na kanyang itataguyod at pauunlarin sa lupain, maging siya man ay nagtatamasa ng kanyang kalayaan o nasa bilangguan, walang pagkakaiba saanman siya naroon, magiging maayos pa rin siya sa huli.3

Nakikita nating kung saan tinatangay ang daigdig sa ngayon kung ang pag-uusapan ay relihiyon. Kung makukuha nila ito nang basta gayon na lamang, kung hindi ito nagiging sanhi ng kanilang pagsusumigasig, ay hindi sila mababahala sa pagkakaroon nang bahagya nito. Subalit hindi ito ang kalagayan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ni ang kalagayan ng buhay na relihiyon. Sapagkat nais kong sabihin sa inyo na ang relihiyon ni Cristo ay hindi ipinamumuhay lamang tuwing Linggo; hindi ito panandaliang relihiyon; ito ay relihiyon na hindi nagwawakas; at nangangailangan ng mga tungkulin ng mga nananampalataya rito tuwing Lunes, Martes, Miyerkules at lahat ng araw ng linggo na kasing tapat, kasing tibay, katulad sa araw ng Sabbath. At hindi ko ibibigay maging ang isang bagay na walang halaga katulad ng mga abo ng nasunog na dayami, para sa pang-Linggong relihiyon, o para sa relihiyong ginawa lamang ng mga tao, maging ng mga saserdote o karaniwang tao.

Ang aking relihiyon ay relihiyon ng Diyos. Ito ay relihiyon ni Jesucristo, kung hindi ito ay lubos na walang halaga sa akin, at ito rin ay walang halaga sa lahat ng iba pang tao, kung ang pinaguusapan ay relihiyon. Kung wala ito sa aking kaluluwa, kung hindi ko ito pinaniniwalaan nang buo kong kakayahan, pag-iisip at lakas at naging halimbawa nito, ipinamuhay ito, at iningatan ito nang ligtas sa aking puso sa lahat ng panahon ng aking buhay—sa mga araw ng paggawa gayon din sa araw ng Sabbath, nang lihim gayon din nang hayagan sa sariling bayan at sa ibang bansa, saanmang dako ay gayon pa rin; samakatuwid ang relihiyon ni Cristo, ang relihiyon ng mabuting paggawa, ang relihiyon ng kabutihan, ang relihiyon ng kadalisayan, ang relihiyon ng kabutihan, pananampalataya, kaligtasan mula sa mga temporal na kasalanan, at kaligtasan at kadakilaan sa kaharian ng ating Diyos—ang aking relihiyon ay hindi ang ebanghelyo ng Anak ng Diyos sa akin. Ito ang “Mormonismo”; at ito ang uri ng relihiyon na nais nating ituro sa ating mga anak. Dapat na tanggapin natin ito sa ating mga sarili at ituro ito mula sa ating puso tungo sa kanilang puso at mula sa ating damdamin sa tungo sa kanilang damdamin, at sa gayon mabibigyan inspirasyon nating sila dahil sa sarili nating pananampalataya at sa sarili nating katapatan at pananalig sa Simbahan.4

Tungkulin natin na tumayo nang matatag sa harap ng oposisyon.

Ang isa sa mga pinakamataas na katangian ng lahat ng tunay na pamumuno ay ang mataas na huwaran ng kagitingan. Kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa kagitingan at pamumuno, gumagamit tayo ng katagang naglalarawan ng uri ng pamumuhay na nagiging batayan ng mga tao sa pagbatid ng wastong landas ng tatahakin at matapat na paninindigan. Walang panahon sa Simbahan na hindi hiniling sa mga pinuno nito na maging magigiting na kalalakihan; hindi lamang magigiting kung ang pinaguusapan ay pagharap sa pisikal na panganib, kundi sila rin ay matatatag at tapat sa dalisay at matwid na pananalig.5

Nakapanghihinayang na may ilang Banal sa mga Huling Araw, na pinagsisikapan, kahit nailalagay sa panganib ang alituntunin, na pasikatin ang “Mormonismo”. Hinahangad nilang iayon ang ating relihiyon sa mga doktrina at naisin ng ibang tao. Tila mas abala sila sa pagkakaroon ng mabuting pakikipag-ugnayan sa mga tao ng daigdig, kaysa pamumuhay alinsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo. … Dapat alalahanin ng mga kapatid na yaon na ang mga teoriya ng matatalino sa sanglibutan ay hindi kailanman maisasama sa mga alituntunin ng ebanghelyo.…

… Ang maging isang Banal sa mga Huling Araw ay nangangailangan ng pagsasakripisyo ng mga makamundong pagnanasa at aliw; nangangailangan ito ng katapatan, lakas ng pagkatao, pagibig sa katotohanan, integridad sa prinsipyo at masigasig na hangaring makita ang matagumpay at patuloy na pagsulong ng katotohanan. Ito ay nangangahulugan na madalas tayong hindi naaayon sa karamihan ang ating posisyon. Nangangahulugan ito ng walang katapusang pakikibaka sa kasalanan at kamunduhan. Ito ay hindi madaling daan na babagtasin. … Subalit sa paggawa lamang ng mga bagay na ito maaari nating maitatag ang katotohanan, mahubog ang pagkatao at maingatang dalisay ang mga alituntunin ng ebanghelyo na ipinagkatiwala sa atin.6

May mga taong magigiting na ginagawa ang lahat ng magagawa nila upang magkaroon ng bunga ang kanilang pagpapagal. Lalabanan nila ang masasama at tututulan ang mga kamaliang ipinapataw sa kanila at sa iba; subalit kapag sila ay nadadaig, kapag nakikita nila na winawalang-halaga ang matwid na layunin, at ang masasamang tao ang siyang nagtatagumpay, sila ay sumusuko. Bakit pa tayo nakikipaglaban sa kasamaan? Iyan ang katanungang nangingibabaw sa kanilang mga isipan. Nakikita nila ang masasamang tao na tunay na nagtatagumpay. Nakikita nilang pinararangalan ng kanilang kapwa ang mga taong may masasamang reputasyon hanggang sa kanilang isipin na may matatamong gantimpala pala sa paggawa ng mali. Sa kanila, ang nakikita nilang pagkabigo ng layunin ay hindi nagbibigay ng pag-asa. Ito ay bigo na, ang sabi nila, at gawin na lamang natin ang nararapat dito at hayaan na ito. Sa kanilang puso sila ay nawalan nang pagasa. Ang ilan halos ay nag-aalinlangan sa mga layunin ng Diyos. Mayroon silang giting ng mga kalalakihan na may pusong matatapang subalit wala silang lakas ng pananampalataya.

Ibang-iba ito sa kalagayan ni Pablo! Nagpagal siya nang walang takot, inihatid niya ang banal na mensahe, napaglabanan niya ang kanyang kaaway, at nakitang sila ay nagtagumpay sa kanya. Ibinilanggo siya at hinamak ng mga nangangasiwa ng batas. Siya ay iginapos, at ang kamatayan ay nakaabang na sa kanya, subalit nanatili pa rin siyang magiting. Ang sa kanya ay magiting na pananampalataya. Basahin ang nakaaantig niyang mga salita na ipinadala sa mga taga-Efeso, na nakatala sa Mga Taga-Efeso 6:13, na ipinadala nang ang halos lahat ng kalalakihan ay nag-aakalang nabigo ang kanilang layunin. “Dahil dito magsikuha kayo ng buong kagayakan ng Diyos, upang kayo’y mangakatagal sa araw na masama, at kung magawa ang lahat, ay magsitibay.”

Matapos nating magawa ang lahat para sa katotohanan, at napaglabanan ang masama na dinala sa atin ng mga tao, at madaig ng kanilang pagkakamali, tungkulin pa rin nating tumayo. Hindi tayo maaaring sumuko; hindi tayo dapat bumagsak. Ang mga dakilang layunin ay hindi napagtatagumpayan sa isang salinlahi lamang. Ang tumatayong matatag sa harapan ng mga nakadadaig na pagsalungat, kapag nagawa na ninyo ang lahat, ay lakas ng pananampalataya. Ang lakas ng pananampalataya ay lakas ng pagunlad. Sumusulong ang mga taong nagtataglay ng banal na katangiang iyon; hindi sila mananatiling nakatayo lamang kung nanaisin nila. Hindi lamang sila mga nilalang na kanilang sariling kapangyarihan at karunungan; sila ay mga instrumento ng mataas na batas at ng banal na layunin.

Ang iba ay maaaring sumuko, iiwasan nila ang gulo. Ang mga taong iyon ang nagbabasa lamang ng kasaysayan, kung kanila ngang pinagsisikapang basahin o unawain ito; hindi nila makikita ang kamay ng Diyos sa mga gawain ng mga tao, sapagkat nakakikita lamang sila sa pamamagitan ng mata ng tao at hindi ng mata ng pananampalataya. Naglaho ang lahat ng lakas ng pakikipaglaban sa kanila—hindi nila binibigyang-halaga ang Diyos. Hindi nila isinuot ang kanyang buong baluti. Kung wala ito mapupuspos sila ng takot at pangamba, at sila ay manghihina. Sa gayong mga tao ang lahat ng bagay na nagdadala ng suliranin ay tila kinakailangan. Bilang mga Banal ng Diyos, tungkuling nating maging matibay kahit na nadadaig tayo ng masama.7

Kapag nagpasya ang isang tao na iwaksi ang daigdig at ang mga kahangalan at kasalanan nito, at makiisa sa mga tao ng Diyos, na pinararatangan ng masama saan mang dako, nangangailangan ito ng kagitingan, pagkalalaki, katatagan ng pagkatao, nakahihigit na katalinuhan at matibay na hangarin na hindi pangkaraniwan sa mga tao, sapagkat ang mga tao ay umuurong mula sa mga yaong hindi kilala, mula sa mga yaong hindi magbibigay ng papuri at parangal sa kanila, mula sa mga yaong sa anumang antas ay nakababawas sa tinatawag nilang karangalan o mabuting pangalan.8

Hayaang ang diwa ng ebanghelyong ito ay maitanim sa aking kaluluwa na kahit na mabuhay ako sa kahirapan, pagdurusa, paguusig, o sa kamatayan man, hayaang ako at ang aking sambahayan ay maglingkod sa Diyos at sundin ang kanyang mga batas. Gayunman, ang pangako ay pagpapalain kayo dahil sa pagsunod. Pararangalan ng Diyos ang yaong nagbibigay-parangal sa kanya, at aalalalahanin ang mga yaong inaalaala siya. Itataas at itataguyod Niya ang mga yaong nagtaguyod sa katotohanan at matatapat dito. Tutulungan tayo ng Diyos, samakatwid, na maging matapat sa katotohanan, ngayon at magpakailanman.9

Maaari tayong maging magigiting na mandirigma sa layunin ni Cristo.

Habang nakikinig sa mga kapatid ngayong hapong ito, nabaling ang aking isipan sa ilan sa mga kaibigan natin na pumanaw na. Kapag naaalaala at naiisip namin sina Pangulong Young, Heber C. Kimball, Williard Richards, George A. Smith, Orson Pratt, Parley Pratt, Pangulong John Taylor, Erastus Snow, at ang libu-libong matatapat at magigiting na Banal ng Diyos na dumaan sa mga pag-uusig sa Ohio, sa Missouri at sa Illinois, at ilang ulit na itinaboy sa kanilang mga tahanan, nang maraming ulit, at sa wakas itinaboy sa ilang, nang walang kaalaman, maliban sa mga pangako ng Banal na Espiritu sa kanilang mga puso, na sila ay makatatagpo ng isang lugar na makapagpapahinga ang kanilang mga paang pagod—itinaboy mula sa kanilang mga tahanan, sa kanilang mga kaanak, at kanilang mga kaibigan, na may halos walang maaasahan sa daigdig, kung ang pag-uusapan ay kaalaman ng tao o pagtanaw sa hinaharap, ng pagsapit sa kanlungan ng kapahingahan, subalit naglalakad sa mga kapatagan nang may mga paang pagod, ngunit may matibay na pagtitiwala sa Diyos at matatag na pananampalataya sa Kanyang salita—kapag naaalaala at naiisip namin ang mga ito, hindi namin nalilimutan ang matatapat na kalalakihan at kababaihan na nagsipagdaan dito. Hindi sila nanghina sa daan, hindi sila bumalik sa kanilang dating gawi o kinaugalian; hindi sila tumalikod mula sa katotohanan. Mas matindi ang pagsubok, mas mahirap na paglalakbay, mas malalaking hadlang, mas matatag at matibay ang hangarin nila.10

Ako ay naglingkod mula sa aking kabataan na kasama ang mga kalalakihang katulad nina Brigham Young, Heber C. Kimball, Willard Richards, George A. Smith, Jedediah M. Grant, Daniel H. Wells, John Taylor, George Q. Cannon, at Wilford Woodruff at ang kanyang mga kasamahan, at Lorenzo Snow at ang kanyang mga kasamahan, ang mga miyembro ng labindalawang apostol, ang pitumpu, at ang mataas na saserdote sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw nang mahigit sa animnapung taon, at, nawa’y ang aking salita ay marinig ng lahat ng dayuhan na naaabot ng aking tinig, nais kong magpatotoo sa inyo wala nang mas hihigit pa sa mga kalalakihang ito na aking nakilala sa buong buhay ko. Nakapagpapatotoo ako dahil kilala ko ang mga taong ito, lumaki na kasama sila mula nang ako’y sanggol pa, nakisalamuha sa kanila sa pagpupulong, sa panalangin at pagsusumamo, at sa paglalakbay mula sa isang pook patungo sa isa pa dito sa ating bansa, at paglalakbay sa mga kapatagan. Narinig ko silang magsalita sa pribado at sa publiko, at nagpapatotoo ako sa inyo na sila ay mga tao ng Diyos, matatapat na tao, mga dalisay na tao, maharlikang tao ng Diyos.11

Narito ang ating mga kapatid na babae na gumagawa sa gawain ng Samahang Damayan. … Narito ang ating mga kapatid na babae na may kaugnayan sa mga samahan ng Mutual Improvement at ang mga yaong nauugnay rin sa gawain sa Primarya at sa kapakanan ng ating panlinggong paaralan. … Natamo nilang lahat ang ating mga pagpapala, sapagkat may tiwala tayo sa kanila. Naniniwala tayo na nalalaman nila sa kanilang sarili ang katotohanan at hindi na kailangan pang umasa sa patotoo ng iba. Nalalaman natin ang kanilang katapatan ay hindi mapag-aalinlanganan, nalalaman natin na iniibig nila ang Diyos at ang katotohanan at na minamahal nila ang gawain nang higit sa kanilang sariling kapakanan. Kilala nating ang marami sa kanila at nalalaman natin na ang mga ito ang kanilang mga nadarama. Mahal natin sila, nasa kanila ang ating paggalang, ang buo nating pagtitiwala; darating sa kanila ang mga pagpapala ng Panginoon.12

Ang mga kapatid na babae ng Samahang Damayan, ay aktibo at matulungin sa tuwina, at matatagpuang naroroon kahit saang dako sa oras ng pangangailangan, tinutulungan ang mga maralita, inaalo ang mga nahihirapan, dinadalaw ang mga balo at ulila sa ama, at naglalakbay sa malayo na ibinabahagi ang mahahalagang tagubilin.13

Si Pangulong Heber C. Kimball ay isa sa mararangal na tao ng Diyos. Matatag at matapat sa bawat pagtitiwalang ibinigay sa kanila katulad ng bakal na matigas at matibay. Dalisay katulad ng gintong dinalisay. Walang takot sa mga kaaway o sa kamatayan. May matalas na pag-iisip, puspos ng diwa ng mga propeta. Binigyang inspirasyon ng Diyos. Matatag sa pagpapatotoo kay Cristo; habang-buhay, hindi nagbabagong kaibigan at saksi ng banal na tungkulin at misyon ni Joseph Smith. Siya ay tinawag sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, inordenan ng buhay na taong may-karapatan, at nabuhay at namatay na isang apostol ng Panginoong si Jesucristo.14

Naniniwala ako na ang mga kapatid sa Labindalawa na nasa kanilang kinalalagyan, na isinasagawa ang kanilang tungkulin, ay tumatayong matatag para sa pagsulong ng kaharian ng Diyos, at nagkakaisa sa kanilang mga pananaw at paggawa para sa pagtatatag ng Sion. … Sila ay karapat-dapat sa pagtitiwala ng mga Banal sa mga Huling Araw, matatag sa kanilang patotoo sa katotohanan, masisigasig at alisto sa kanilang pagbabantay at pangangalaga sa mga kapakanan ng Sion.15

Ngayon, pagpalain kayo ng Diyos. Nawa’y ang kapayapaan ay manahan sa inyong mga kaluluwa, at ang pag-ibig sa katotohanan ay mapasainyo. Nawa’y puspusin ng kabanalan ang lahat ng inyong landasin. Nawa’y mabuhay kayong matwid at tapat sa harapan ng Panginoon, ingatan ang pananampalataya, at maging matatag sa patotoo kay Jesucristo; sapagkat siya na magiting ay makatatanggap ng kanyang gantimpala. Pagpalain kayo ng Diyos, ang aking panalangin sa pangalan ni Jesucristo. Amen.16

Mga Mungkahi sa Pag-aaral.

  • Ano ang ibig sabihin ng maging magiting sa patotoo ni Cristo? Paano natin maipakikita sa ating pang-araw-araw na pamumuhay ang kahandaan ng maging tapat sa ating relihiyon at sa ating Diyos?

  • Bakit ang relihiyon ni Cristo ay “hindi relihiyon tuwing Linggo” lamang? Paano natin maituturo ang ating relihiyon sa ating mga anak “mula sa ating puso tungo sa kanilang puso at mula sa ating damdamin tungo sa kanilang damdamin”?

  • Paano natin sinusubukan bilang mga miyembro ng Simbahan na “pasikatin” ang ebanghelyo “na inilalagay sa alanganin ang alituntunin”?

  • Paano natin maipakikita ang tamang pagpaparaya sa mga palagay ng ibang tao at uri ng pamumuhay nang hindi isinasakripisyo ang katapatan sa alituntunin?

  • Paano natin maituturo ang mga alituntunin katulad ng kagitingan, katapatan sa alituntunin at matatag na pamumuhay ng ebanghelyo sa iba, kabilang na ang ating mga anak?

  • Anu-ano ang ilang mga paraan kung saan ang mga unang pinuno ng Simbahan ay matatag sa kanilang patotoo? Ano ang matutuhan natin hinggil sa pagiging magiting at matatag mula sa mga buhay ng mga pinunong ito?

  • Ano ang “magiting na pananampalataya”? Kailan ninyo ipinakita ang kagitingang ito sa panahon ng pagsalungat?

  • Paano tayo magiging magiting sa pagtupad ng ating tungkulin sa Simbahan?

  • Anu-anong mga pagpapala ang darating sa atin at sa ating pamilya bilang bunga ng ating magiting na pamumuhay ng ebanghelyo? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 14:7.) Ano ang mga walang hanggang kahihinatnan ng mga yaong hindi magiting sa patotoo ni Jesus? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 76:79.)

Mga Tala

  1. Charles W. Nibley, “Reminiscenes,” sa Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 518.

  2. Charles W. Nibley, “Reminiscenes,” 525.

  3. Gospel Doctrine, 257.

  4. Gospel Doctrine, 394–95; idinagdag ang pagtatalata.

  5. Gospel Doctrine, 155.

  6. ”Editor’s Table: Principle, Not Popularity,” Improvement Era, Hulyo 1906, 731, 733.

  7. Gospel Doctrine, 119–20.

  8. Gospel Doctrine, 211.

  9. Gospel Doctrine, 251.

  10. Deseret News: Semi-Weekly, ika-9 ng Ago. 1898, 1.

  11. Gospel Doctrine, 169.

  12. Sa Conference Report, Okt. 1906, 9.

  13. Sa Mga Mensahe ng Unang Panguluhan ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw, tinipon ni James R. Clark, 6 tomo (1965-75), 4:296.

  14. Gospel Doctrine, 198–99.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1906, 2.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1906, 8.

Apostle Paul writing

Nagsusulat si Apostol Pablo, ni Robert Barrett. Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith na si Pablo ay “nakagapos, at nakaabang ang kamatayan sa kanya, subalit nanatili siyang magiting. Ang ipinakita niya ay magiting na pananampalataya.” (Gospel Doctrine, 119).