Kabanata 48
Pagkakasumpong ng Kapahingahan kay Cristo
Ang mga tumatangap ng patotoo ni Jesucristo ay nakatatagpo ng kapahingahan at kapayapaan sa kanilang kaluluwa.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Si Pangulong Joseph F. Smith ay namatay noong ika-19 ng Nobyembre 1918, matapos maglingkod bilang Pangulo ng Simbahan simula noong 1901. Malakas, matatag, at taos-puso sa paggawa ng gawain ng Panginoon, inilaan niya ang kanyang buhay sa pagtuturo ng katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Isa siyang mangangaral ng kabutihan, isang propeta ng Diyos, na naghimok sa mga Banal na, “Sumunod kayo sa akin tulad ng pagsunod ko sa ating pinuno, ang Manunubos ng daigdig.”1
Sinabi ni Pangulong Heber J. Grant, na humalili kay Joseph F. Smith bilang Pangulo ng Simbahan, sa serbisyo niya sa libing: ‘Sa loob ng 36 na taon ay kapiling ko siya, una noong siya ay tagapayo, at pagkaraan nang siya ay Pangulo ng Simbahan. Sa loob ng mga taong ito wala akong alam na anumang bagay sa buhay niya, ni salita o kilos, na hindi karapat-dapat sa isang tunay na tao. Masasabi ko nang buong katapatan, ‘Siya ang uri ng lalaki na gusto kong tularan.’ Habang nakatayo rito sa kanyang libingan, hindi kayang sabihin ng mga salita ang pagnanais kong na magkaroon ng kapangyarihan at kakayahan na maging kasing buti, kasing mapagbigay, kasing mapagpatawad, kasing tapang at marangal, at kasing totoo niya, at sa lahat ng bagay ay yumapak sa kanyang mga yapak. Wala na akong hihilingin pa.
“ … Dahil wala pang nabuhay na tao ang may higit na makapangyarihang patotoo tungkol sa buhay na Diyos at tungkol sa ating Manunubos kaysa kay Joseph F. Smith. Mula sa aking pagkabata binigyang kasiyahan na niya ang aking pagkatao sa pamamagitan ng ibinibigay niyang patotoo sa lahat ng nakadadaupang-palad niya, nagpapatotoo na alam niya na buhay ang Diyos at na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos, ang Manunubos ng daigdig. Ang diwa ng inspirasyon na nasa taong ito ay tumimo sa aking puso at sa puso ng marami pang iba. Minahal ko si Joseph F. Smith nang higit kaysa iba pang lalaking nakilala ko. Basbasan nawa ng Diyos ang kanyang alaala.”2
Ang sumusunod na patotoo ay kinuha mula sa isang talumpating binigkas ni Pangulong Smith sa Provo, Utah noong ika-13 ng Enero 1907.3
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Pumapasok tayo sa kapahingahan ng Panginoon habang isinusuko natin ang ating kaluluwa sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo.
Nais kong magbasa mula sa mga sulat ni Moroni, kung saan sinipi niya ang mga turo ng kanyang amang si Mormon.
“At ngayon, ako, si Mormon, ay isinusulat ang ilan sa mga salita ng aking amang si Mormon, na kanyang winika hinggil sa Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig sa kapwa-tao. …
… Ako ay mangungusap sa inyo na nasa Simbahan, na mga mapamayapang tagasunod ni Cristo, at na nagkaroon ng sapat na pag-asa kung saan kayo ay makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon, simula sa panahong ito hanggang sa kayo ay mamahingang kasama niya sa langit.” [Moroni 7:1, 3.]
…Ano ang ibig sabihin ng makapasok sa kapahingahan ng Panginoon? Sa ganang akin, ang ibig sabihin nito ay sa pamamagitan ng pag-ibig ng Diyos nabawi Niya ako, nang sa gayon ay madama ko ang kapahingahan ko kay Cristo, na hindi na ako mapatatangay sa magkabikabila ng lahat ng hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian; at ako ay matatag na makatayo sa kaalaman at patotoo ni Jesucristo, na walang kapangyarihan ang makapagpapabaling sa akin mula sa tuwid at makipot na daan patungo sa harapan ng Diyos, upang matamasa ang kadakilaan ng Kanyang maluwalhating kaharian; na mula sa oras na ito ay tatamasahin ko ang kapahingahang ito hanggang sa mamahinga akong makasama Niya sa langit.
Nais kong itanim ang ideyang ito sa inyong mga isipan, dahil nais kong maunawaan ninyo na ito ang kahulugan na sinadyang ipakahulugan ng mga salitang, “pumasok sa kapahingahan ng Diyos.” Tinitiyak ko sa inyo na ang taong hindi ganap na nakatayo sa doktrina ni Cristo, na hindi pa isinusuko ang buong kaluluwa sa Panginoon, at sa Ebanghelyong itinuro Niya sa daigdig, ay hindi pa nakapapasok sa kapahingahang ito. Nasa laot pa siya, sa madaling salita, pagala-gala, hindi mapalagay, nagkukulang sa katatagan, nagkukulang sa pananampalataya na hindi matitinag, handang makuha ng pandaraya at katusuhan na naghihintay upang makalinlang at magkapag-akay sa kamalian at kadiliman. Samantalang siya na nakatanggap ng patotoo ni Jesucristo sa kanyang puso, siya na nagbigay ng lahat ng mayroon siya sa kaharian ng Diyos at sa kalooban ng Ama, ay matatag na. Ang kanyang puso ay may kinikilingan na; may desisyon na siya; wala na siyang alinlangan; nawala na ang lahat ng takot niya; kilala niya kung kanino siya magtitiwala; ganap nang matatag ang kanyang mga layunin at kanyang determinasyon na para sa kanya at sa kanyang sambahayan ay paglilingkuran niya ang Diyos, tutuparin ang Kanyang mga kautusan at lumakad, hangga’t maaabot ng kakayahan ng taong lumakad, nang dalisay sa buhay, sa paggalang, katapatan at katwiran sa harapan ng Panginoon.
Pinasasalamatan ko ang aking Diyos na ang diwang ito at ang magulong damdamin ko hinggil sa gawain na ginagawa natin ay nawala na sa aking isipan; at binigyan ako ng Diyos ng katiyakan na higit pa sa lahat ng bagay na nauugnay dito. Nagsasaya ako sa Ebanghelyo; nagsasaya ako sa patotoo ng Espiritu ng Diyos sa aking puso; nagsasaya ako sa patotoo ni Propetang Joseph Smith; nagsasaya ako sa lahat ng alituntunin ng Ebanghelyo ni Jesucristo na nalaman natin, hanggang sa abot ng aking kaalaman. Wala na akong hihilingin pa, wala na akong higit pang nanaisin kaysa sa ipinahayag na mga alituntunin ng buhay at kaligtasan tungkol sa dakilang plano ng pagtubos na ipinanumbalik sa mundo sa mga huling araw …
Nagsisikap tayong sundin ang mataas na pamantayan ng moralidad na itinatag ng ating Tagapagligtas.
… Kapag may matibay na pagpapasiya na tayo na paglilingkuran natin ang Diyos at susundin ang Kanyang mga utos, ano ang magiging bunga nito? Ano ang kahihinatnan nito? … Ang mga tao ay mapupuspos ng diwa ng pagpapatawad, ng pag-ibig sa kapwa tao, ng awa, at hindi mapagkunwaring pag-ibig. Hindi sila maghahanap ng dahilan para awayin ang isa’t isa; na pagsamantalahan ang mahihina, ang walang ingat, o ang mangmang; kundi igagalang nila ang mga karapatan ng mga mangmang, ng mahihina, at yaong umaasa at nasa kanilang awa, tulad ng paggalang nila sa kanilang sarili; ituturing nilang sagrado ang kalayaan ng kanilang kapwa tao nang tulad sa kanilang sariling kalayaan; pahahalagahan nila ang kabutihan, dangal at integridad ng kanilang kapwa at mga kapatid tulad ng kanilang pagpapahalaga at pagtuturing na sagarado sa mga ito.
Hindi natin agad-agad maituturo ang mataas na pamantayan ng kaganapan na ipinalaganap Niya. At samantalang batid natin na ngayon ay hindi nating kayang matamo ang kaganapang ito, at hindi kayang maunawaan ito nang buo, gayunman ang layunin ay naroon, ang pamantayan ay nasa harapan natin. Pinananabikan natin ang panahon kung kailan maaari na nating maabot ang maluwalhati at sakdal na pamantayan na iniharap sa atin sa pamamagitan ng halimbawa, ng buhay, at misyon ng Panginoong Jesucristo. Bagaman nagkukulang tayo sa ganap na pamantayan na ipinakita ng Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo, gayunman magsisisi tayo sa ating mga pagkukulang, at pag-iibayuhin ang ating deteminasyon, at daragdagan ang ating pagsisikap sa hinaharap. Oo, sa sandaling ito pag-iibayuhin natin ang ating pagsisikap, sisikaping mapagtagumpayan ang ating mga kahinaan, at magawa ang halimbawang ipinakita sa atin ng Anak ng Diyos.
Ito ang Ebanghelyo ni Jesucristo, at ito ang tamang doktrina. Ang taong susunod dito, lubos na tatanggap nito, at pakamamahalin ang diwa nito sa kanyang puso; na mayroong pagnanais na ito sa kanyang puso at naghahangad nito nang higit pa sa anumang bagay, ay magpapatuloy sa pananampalataya, mula sa pagasa hanggang sa kaalaman, mula sa pag-unawa hanggang sa karunungan at kapangyarihan, at sa wakas sa kadakilaan at kaluwalhatian ng kaharian ng ating Diyos; at walang kapangyarihan sa ilalim ng kahariang selestiyal ang maaaring makapigil sa kanyang pag-unlad, kung kanya lamang pagsisikapang sundin ang mga batas at utos ng Diyos. …
… Kapag nagpasiya tayo, tulad ng ginawa ni Josue noong sinauna, na paglilingkuran natin ang Diyos sa araw na ito, at mula sa araw na ito ay paglilingkuran natin Siya at tutuparin ang Kanyang mga utos, kung magkagayon ay sinisimulan na nating ihiwalay ang kadiliman mula sa liwanag, ang mabuti sa masama, ang tama sa mali, ang yaong dalisay sa yaong hindi dalisay; at mula sa sandaling iyon ang ninyong pagnanais para sa kabutihan ay lalakas nang lalakas, at mas huhusay kayo sa paggawa ng kabutihan at sa pagsasagawa ng layunin ng Diyos, sa pagdaig sa ating sariling kahinaan, kasukat ng inyong pagsisigasig sa pagtalikod sa kasamaan at pagpili sa kabutihan, sa pagnanais ng kabutihan at pag-iwas sa masama, at pagtalikod sa mundo at mula sa pagnanasa ng mga makamundong tao, at pagtulong sa paggawa ng mga bagay na itinakdang makadadakila sa tao, upang itaas ang mithiin ng tao, itaas ang kanyang layunin at palawakin ang kanyang pag-ibig sa kapwa, ang kanyang pag-ibig at pagpapatawad. Pagkatapos ay nakakikilala na kayo ng liwanag, tulad ng sinabi ng propeta; madali ninyong magagawa ito, tulad ng kakayahan ninyong makilala ang liwanag ng araw mula sa kadiliman ng gabi. [Tingnan sa Moroni 7:14–15.] …
Tayo ay umuunlad mula sa biyaya sa biyaya hanggang sa tanggapin natin ang kaganapan at maging kasamang tagapagmana ni Cristo.
Hayaang ninyong basahin ko sa inyo ito:
“Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon, ito ay mangyayari na ang bawat kaluluwa na tatalikod sa kanyang mga kasalanan at lalapit sa akin, at mananawagan sa aking pangalan, at susunod sa aking tinig, at susunod sa aking mga kautusan, ay makikita ang aking mukha at malalaman na ako na nga.” [Doktrina at ma Tipan 93:1.]
Ito ang salita ng Panginoon. Hindi madali para sa tao na makita ng mukha ng Diyos at malaman na Siya nga, siya na hindi tumatalikod sa kasalanan, hindi lumalapit sa Diyos, hindi tumatawag sa kanyang pangalan, siyang hindi sumusunod sa tinig ng Diyos, siyang hindi tumutupad sa Kanyang mga utos. Makikita ba niya ang mukha ng Diyos, at makikilala Siya? Hindi, walang ganitong pangako; ngunit ang kabaliktaran nito. Siyang “lumalapit sa akin;” siya na “tumatalikod sa kanyang mga kasalanan;” siya na “tumatawag sa kanyang pangalan;” siya na “sumusunod sa aking tinig;” siya na “tumutupad ng aking mga utos.” Siya ang “makakikita sa aking mukha,” sinabi ng Diyos, siya ang makakikilala na “ako nga,” at hindi lamang makikilala na “ako nga,” bagkus ay malalaman niya na “ako ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig.” [Doktrina at mga Tipan 93:2.]
Napakaluwalhating pangako na iniaalay sa mga anak ng Diyos. … Kung si Jesucristo, ang bugtong ng Ama sa laman, ay hindi tumanggap ng kaganapan sa simula, at tinawag na Anak, subalit nagpatuloy na tumanggap nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin Niya ang kaganapan, malinaw na siya na lalakad sa Kanyang mga yapak, susunod sa Kanyang mga tuntunin, at ipamumuhay ang Kanyang plano para sa buhay at kaligtasan, ay makatatanggap nang biyaya sa biyaya, at magpapatuloy nang biyaya sa biyaya; uunlad mula sa hindi pagiging ganap hanggang sa kaganapan, at makatanggap nang kaunti rito at kaunti roon hanggang sa matanggap niya ang kaganapan tulad ng pagkatanggap ng Anak ng Diyos ng kaganapan; at gayon tulad ng Anak ng Diyos, tagapagmana ng Diyos, kasamang tagapagmana ni Jesucristo. [Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:11–14.] Hindi ko makayanang bigkasin ang ideya at damdaming nagniningas sa aking kaluluwa na pinukaw ng salitang ito ni Cristo, ang maluwalhating pagkakataon na ito na ibinigay sa akin sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos, sa pamamagitan ng pagtupad sa salita ng Panginoon, at ang maluwalhating pagkakataon na mapangibabawan ng kaganapan ng kaluwalahatian ng Diyos, isang kaganapan ng kaalaman ng katotohanan, kaganapan ng kapangyarihan, kaganapan ng karunungan, ang pakakaroon ng kapangyarihan at pamamahala at kaluwalhatian na tulad sa Ama.
Hindi ba ito nagbibigay sa inyo ng dahilan upang mabuhay, isang bagay na mimithiin? Hindi ba walang kasukat ang halaga ng gantimpalang ito na iniaalay sa inyo; inaalay sa inyo sa pamamagitan ng inyong pagsunod, inyong katapatan, inyong pagtanggap ng liwanag, sa paglalakad sa liwanag tulad ni Cristo na nasa liwanag; nang kayo ay magkaroon ng pakikipagkapatiran sa Kanya; malinis kayo ng dugo ni Jesucristo sa lahat ng inyong kasalanan? Nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa kanyang banal na Ebanghelyo; nagpapasalamat ako sa Kanya para sa layuning ito, at ang pag-asang ito na nagpasigla sa aking kaluluwa na maging karapat-dapat para sa aking Ama at aking Diyos; karapat-dapat na manahanan kasama Niya, karapat-dapat sa kadakilaan sa Kanyang kaharian, at Siya ay makapiling at ang Kanyang kasihan sa loob ng hindi mabilang na panahon sa kawalang-hanggan.
Alam ko na dahil sa Ebanghelyo ni Jesucristo matatamo ko ang kadakilaan, at wala nang paraan pa na ibinigay upang maligtas ang tao; walang plano pang inihayag sa daigdig na makadadakila at tao na makapagpapabalik sa kanya sa harapan ng Diyos. Wala nang iba pang paraan. …
Lahat ba ng bagay ay ipinahayag na? Hindi pa. May iba pa bang bagay na ihahayag ng Diyos sa Kanyang mga anak? Oo, marami pa; ngunit hindi pa tayo handa para sa higit pang liwanag na darating; sapagkat siyang binigyan ng marami ay marami ang hihingin; at marami nang ibinigay sa atin, at mas maraming hiningi sa atin ang Diyos ngayon kaysa sa naibibigay natin sa Kanya. Hindi tayo lalakad sa liwanag tulad Niya na nasa liwanag; hindi natin susundin ang katotohanan tulad ng hinihingi niyang sundin natin. Bumibigay tayo sa ating sariling kahinaan; bumibigay tayo sa tukso na pumapaligid sa atin, at sa ating sariling pagnanasa, sa ating sariling kasakiman, at sa ating pagnanasa sa laman sa halip na pangibabawan ang ating mga kahinaan sa mortalidad at sabihin sa ating kaluluwa, “Sa gayong akin, maglilingkod ako sa Diyos, tuparin ang kanyang mga utos, at lumakad ng walang kasalanan sa Kanyang harapan.” Hindi natin ginagawa ito; gayunpaman ang mga Banal sa mga Huling Araw ang pinakamahusay na tao sa mundo. Namumuhay tayong malapit sa pamantayang ito kaysa sa ibang tao sa mundo ngayon, sa kabila ng ating kahinaan at kakulangan.
Lahat ng kapayapaan at kaligayahan ay posible sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Ngayon, pagpalain nawa kayo ng Panginoon. Nawa’y mapasainyo ang kapayapaan, mga kapatid. Magkaroon ng pananampalataya sa Ebanghelyo sa inyong puso. Malaman na ang relihiyong ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Joseph Smith, ay ang relihiyon ng Diyos, batas ng Diyos at hinihingi ng Diyos sa Kanyang mga anak sa mundo, at ito ay higit pa kaysa anumang bagay. Ito ay higit pa kaysa sa atin; ito ay higit pa kaysa daigdig; ito ay higit pa kaysa ginto at pilak, mga bahay, at lupain; higit pa kaysa buhay sa mundo, dahil dito hindi lamang tayo nakatitiyak para sa ating sarili at sa ating karapatan at pribilehiyo, bagkus ay tiyak din tayo sa kaloob ng buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa kaloob ng Diyos.
Wala makatutulad dito. Ito ang pinakamalaking bagay sa daigdig—ang pinakamahalagang bagay sa mundo—ito ang pinakamalaking bagay para sa atin sa buong mundo—[ito] ang katotohanan ng Diyos, ang relihiyon ni Jesucristo, ang doktrina ng pagtubos at kaligtasan mula sa kasalanan, mula sa ating sariling kahinaan, at ang ganap at perpektong pagsasama ng espiritu, at ng gawa, at kaalaman, at kapangyarihan, at karunungan ng Diyos,ang tagabigay ng lahat ng mabuti. Kapayapaan ay sumainyo, at nawa’y ang mga pagpapala ng kalusugan at pag-ibig ay nanagana sa inyong buhay, sa lahat ng uri ng kabuhayan, sa lahat ng gawaing inyong ginagawa, na magkaroon kayo ng takot sa Diyos sa inyong mga mata sa lahat ng oras.
Ngunit hindi ko nais na isipin ninyo sa isang saglit na ang relihiyon ni Jesucristo ay nakasasagabal o pabigat para sa inyo. Hindi ito ganito. Sinabi ng Diyos, “Sapagkat malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.” [Mateo 11:30.] Ito ay pagtubos sa kasalanan. Ang alipin ay hindi siyang tinubos at pinalaya mula sa pagkaalipin ng kasalanan, kundi siyang nananatiling may pinagkakautangan at bilanggo sa kasalanan. Siya ang alipin; siya ang nakatali; sa ganyang kalagayan siya ang nangangailagan ng awa, ating simpatiya. Siya ang dapat nating tulungang makalaya mula sa pagkaalipin at kasalanan, upang makatamasa ng kalayaan mula sa kasalanan at paglabag.
Kaya ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos, kahit noon pang Siya ay nasa mundo, ang kaya Niya ngayon, na matamasa ang lahat ng maaaring matamasa ng mabubuting tao; at walang anumang bagay na hindi Niya makukuha na kapakipakinabang. Ang ganito ay maaari rin sa mga Banal sa mga Huling Araw. “O,” sinabi ng isa, ‘kung ipamumuhay ko ang inyong relihiyon tulad ng sinabi mo sa akin, hindi na ako makapaglilibang, lahat ng kasiyahan ko ay mahihinto na.” O, hangal. Matatamasa ko ang lahat ng karapatdapat, lahat ng mabuting kasiyahan na maaaring matamasa ng sinumang tao sa mundo ng Diyos; at kung mas tapat ako kaysa aking kapatid sa pagtupad sa mga kautusan ng Diyos, makatatamasa ako ng higit pa sa matatamasa niya. Kasukat sa inyong katapatan, pag-unlad sa kaalaman tungkol sa Diyos, makatatamasa kayo ng kaligayahan, dalisay at malinis, sapagkat ang Ebanghelyo ang nagbibigay ng tunay na kaligayahan, at tunay na kalayaan at paglaya mula sa gapos ng kasamaan, at sa apdo ng kapaitan.
Tulungan nawa tayo ng Diyos na makita ang katotohanan, at ang liwanag tulad ng liwanag sa umaga at makilala ito nang mabuti tulad nang pagkakakilala natin sa liwanag ng araw mula sa kadiliman ng gabi, ito ang aking panalangin, sa pangalan ni Jesucristo. Amen.
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Ano ang ibig sabihin ng “pumasok sa kapahingahan ng Panginoon”? Paano natin matatamo ang kapahingahang ito?
-
Paano natin isusuko ang ating buong kaluluwa sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo?
-
Ano ang maaari nating gawin upang maabot ang “sakdal na pamantayan” na ibinigay sa atin ng Tagapagligtas?
-
Ano ang ibig sabihin ng magpatuloy nang “biyaya sa biyaya”? Ano ang magagawa natin upang matiyak na magpapatuloy tayo sa ganitong paraan hanggang matamo natin ang kaganapan?
-
Anong maluwalhating mga pangako ang ibinigay sa mga nagsisikap na maging tulad ng Tagapagligtas?
-
Habang lumalaki ang pananampalataya ninyo kay Jesucristo, paano Niya napagagaan ang inyong mga pasanin at paano Niya kayo nabigyan ng kapahingahan? (Tingnan din sa Mateo 11:28–30.)
-
Anu-anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo upang inyong maunawaan na lahat ng kapayapaan at kaligayahan ay matatagpuan sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo?
-
Paano kayo natulungan ng pag-aaral ninyo sa ebanghelyo ni Jesucristo, tulad ng itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith, na higit na matuto tungkol sa Diyos? madama ng tunay na kaligayahan at kapayapaan? lalong maging tulad ng Tagapagligtas?