Kabanata 6
Pananampalataya: Ang Saligan ng Lahat ng Kabutihan
Ang pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, ang unang alituntunin ng ating relihiyon at ang saligan ng lahat ng kabutihan.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Itinuon ni Joseph F. Smith ang kanyang pananampalataya sa kanyang Ama sa Langit, sa Panginoong si Jesucristo, at sa simple at mga di-pabago-bagong katotohanan ng ebanghelyo. Nang bata pa si Joseph F. Smith, ang kanyang pananampalataya ay labis na pinatibay ng pagmamahal ng kanyang ina sa tungkulin at kabutihan.
Sinabi niya: “Naaalaala ko nang napakalinaw ang isang pangyayari na naganap sa panahon ng aking pagkabata. Ang aking ina ay balo, na may malaking pamilyang itinataguyod. Isang tagsibol [sa pagitan ng 1849 at 1852] nang buksan namin ang imbakan ng aming mga patatas, pinakuha niya ang kanyang mga anak na lalaki ng mga pinakamaiinam na patatas at dinala niya ito sa tanggapan ng ikapu; di-sapat ang mga patatas sa panahong iyon. Ako’y paslit pa lamang noon, at nagpapatakbo ng dalawang kabayo, na siyang humihila sa kariton. Nang kami’y paakyat na sa tanggapan ng ikapu, handa na upang ibaba ang mga patatas, isa sa mga klerk ang lumabas at sinabi sa aking ina, ‘Balong Smith, nakahihiya naman na kailangan pa ninyong magbayad ng ikapu.’ … Pinagsabihan niya ang aking ina dahil sa pagbabayad ng kanyang ikapu, sinabihan siya nang kung anu-ano subalit hindi siya sinabihang matalino at masinop, at sinabing may ibang taong malalakas at kaya pang magtrabaho na tinutustusan ng tanggapan ng ikapu. Hinarap siya ng aking ina at sinabing: ‘ … Ipagkakait mo ba sa akin ang biyaya? Kung hindi ako magbayad ng aking ikapu, inaasahan ko na hindi ibibigay ng Panginoon ang kanyang mga biyaya sa akin. Nagbabayad ako ng ikapu, hindi lamang dahil ito’y batas ng Diyos, subalit dahil umaasa ako ng biyaya sa paggawa nito.’ ”
Ipinaliwanag ni Pangulong Smith: “Umunlad siya dahil sinunod niya ang mga batas ng Diyos…. At ipinatala ng balong iyon ang kanyang pangalan sa aklat ng batas ng Panginoon. Ang balong iyon ay may karapatan sa mga pribilehiyo ng bahay ng Diyos. Walang ordenansa ng ebanghelyo ang maipagkakait sa kanya, sapagkat masunurin siya sa mga batas ng Diyos, at ginagawa niya ang kanyang tungkulin.1
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Kinakailangan na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo.
Naniniwala kami sa Diyos, ang Ama ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ang Tagapaglikha ng langit at lupa, ang Ama ng ating mga espiritu. Naniniwala kami sa kanya nang walang pag-aalinlangan, tinatanggap namin siya sa aming mga puso, sa aming banal na pananampalataya, sa aming buong pagkatao. Alam namin na minamahal niya tayo, at tinatanggap natin siya bilang Ama ng ating mga espiritu at Ama ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.2
Una … kinakailangang magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, pananampalataya na siyang unang alituntunin sa inihayag na relihiyon, at ang saligan ng lahat ng kabutihan.
Ang pananampalataya sa Diyos ay ang maniwala na siya nga, at “na siya ang natatanging pinakamataas na Gobernador at nag-iisang Nilalang, kung kanino ang lahat ng kabuuan at kaganapan at lahat ng mabuting kaloob at alituntunin ay nananahang malaya,” at kung kanino ang pananampalataya ng lahat ng karaniwang nilalang ay dapat na nakatuon sa buhay at kaligtasan; at ang isa pa, siya ang dakilang Tagapaglikha ng lahat ng bagay, siya ay makapangyarihan, nakaaalam ng lahat ng bagay at sa pamamagitan ng kanyang mga gawa at ng kapangyarihan ng kanyang Espiritu ay naroroon saanmang dako [tingnan sa Joseph Smith, tinipon., Lectures on Faith (1985), 10].
Hindi lamang kinakailangan na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, subalit gayon din kay Jesucristo, ang Kanyang Anak, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan at ang Tagapamagitan ng Bagong Tipan; at sa Espiritu Santo, na nagpapatotoo sa Ama at sa Anak, “na siya rin sa lahat ng panahon at magpakailanman.”3
Nasasalig ang ating pananampalataya kay Jesucristo sa saligan ng ating relihiyon, ang saligan ng ating pag-asa para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan, at sa kadakilaan pagkatapos ng kamatayan, at sa pagkabuhay na mag-uli mula sa kamatayan patungo sa buhay na walang hanggan. Ang ating pananampalataya sa mga doktrina na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith ay nagpapatitibay at nagpapalakas sa atin at itinatatag nang walang katanungan o pag-aalinlangan, ang ating pananampalataya at paniniwala sa banal na misyon ng Anak ng Diyos.4
Ang pananampalataya, ang sabi ni Pablo sa atin, ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita. [Tingnan sa Mga Hebreo 11:1] Ang pananampalataya sa Diyos [ay] ang sumasampalatayang may Diyos, at siya ang tagapagbigay-ganti sa kanilang nagsisihanap at nagmamahal sa Kanya. Inaakay ng pananampalataya sa Diyos ang mga tao sa lahat ng kaalaman at sa lahat ng kaganapan at sa buong katapatan sa harapan nila….
Lahat tayo ay katulad ng mga sanggol sa ating kaalaman o pang-unawa sa alituntuning ito ng ebanghelyo. Nagsisimula pa lamang tayo, na pinakamabuti para sa atin, na alamin ang ilang bagay tungkol sa alituntuning ito ng buhay at kaligtasan, ang alituntuning ito ng kapangyarihan. Sinabi sa atin na sa pamamagitan ng pananampalataya nalikha ang mga daigdig. Sino sa atin ang may pananampalataya na makagagawa ng marami sa kahit anong bagay? Kakaunti lamang ang ating pananampalataya kaya nga babahagya lamang nating naisasagawa ang mumunting alituntunin ng ebanghelyo na inihayag ng Diyos sa atin na kinakailangan sa kapayapaan at kasiyahang panlipunan. Mayroon tayong kaunting pananampalataya upang isagawa ang mumunting alituntuning ito na inihayag sa atin para sa pamamahala ng pang-araw-araw nating pamumuhay. Ang Panginoon ay kailangang maging mapagtiis sa atin at turuan tayo ng kaunti rito at kaunti roon, ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin nang sa gayon ay matamo natin sa wakas ang pananampalataya na ibinigay minsan sa mga Banal kung saan itinikom ang mga bibig ng leon at pinahina ang nagngangalit na apoy…. Sinikap ng ating dakilang guro, na si Jesucristo, … na ituro sa atin ang mga alituntunin ng mga ebanghelyo ng buhay at kaligtasan, na mga aituntunin ng kapangyarihan, itinuro Niya sa mga tao na bumangon mula sa kailaliman ng kalungkutan, mula sa pinakamababang kalagayan ng sangkatauhan patungo sa kataasan ng kaluwalhatian at kaalaman sa Diyos.5
Ang katotohanan ay, dapat na magkaroon muna ang bawat anak na lalaki at babae ng Diyos ng pananampalataya sa Diyos—pananampalataya na Siya nga, na Siya ay matwid, na Siya ay pinakamakapangyarihan, na pinamamahalaan Niya ang lahat ng bagay at na sa Kanya nananahan ang lahat ng kaganapan. Maaaring wala kayong kaalaman tungkol dito, subalit kailangan ninyong magkaroon ng pananampalataya na totoo ito. Ito ang unang alituntunin ng inihayag na relihiyon. Nasusulat na kung walang pananampalataya, sila ay hindi maaaring maging kalugod-lugod sa Diyos. Nasusulat din na ang matwid ay mabubuhay sa pananampalataya. Samakatuwid sinasabi ko na kinakailangang magkaroon ng pananampalataya sa Diyos ang lahat ng tao, ang siyang Lumalang at Lumikha ng lahat ng bagay, ang siyang Namamahala ng langit at lupa. Kung walang pananampalataya hindi malilikha ang mga daigdig; kung wala ito hindi makapananatili ang mga ito sa kanilang kinalalagyan, subalit sa pamamagitan ng pananampalataya ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari sa Diyos at sa tao.6
Ginawa ng Diyos, sa kanyang paghahayag sa tao, na napakapayak ang kanyang salita, na ang mga pinakahamak sa mga tao, na walang natatanging pagsasanay, ay maaaring magtamasa ng malaking pananampalataya, maunawaan ang mga turo ng ebanghelyo, at tamasahin nang hindi nagagambala ang kanilang mga pananalig na nauukol sa relihiyon.7
Walang pananampalataya ng tao, walang relihiyon ng tao, walang samahang panrelihiyon sa buong daigdig, ang maaaring umangat nang higit pa sa katotohanan . Ang katotohanan ang dapat na saligan ng relihiyon, o mawawalan ito ng kabuluhan at mabibigo sa layunin nito. Sinasabi ko na ang katotohanan ay nasa saligan, sa ilalim at itaas, at lubusan nitong palalaganapin ang dakilang gawaing ito ng Panginoon na itinatag sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang propeta.8
Ang pananampalataya, isang kaloob ng Diyos, ay makakamtan sa pamamagitan ng pagsunod.
Ang pananampalataya ay walang hanggang kaloob ng Diyos sa tao, na makakamtan lamang sa pamamagitan ng pagsunod, katulad din ng iba pang mga biyaya. Ang lalaki o babae sa Simbahang ito na nagnanais na pagyamanin ang kanyang pananampalataya sa maaaring pinakamataas na antas ay magnanais na sundin ang bawat pagsasagawa at ordenansa sa Simbahan na naaayon sa batas ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Sa mga bagay na ito, at sa pamamagitan ng mga ito, nagkakaroon ang tao ng lalong ganap na kaalaman ng mga layunin ng Diyos sa sanlibutan. Ang pinagyamang pananampalataya ay nangangahulugang pinalaking kapangyarihan, at kahit na hindi nagkaroon sa buhay na ito ng pagkakataon na gamitin ang lahat ng kapangyarihan na napasakanya sa pamamagitan ng pagpapayaman ng kanyang pananampalataya, ang mga kapangyarihang yaon ay maaaring magamit sa kanilang kaganapan sa kawalang-hanggan, kung hindi man sa panahong ito.9
Nasabi na minsan na ang pananampalataya ay kaloob ng Diyos, at gayon na nga; subalit ang pananampalataya ay hindi dumarating nang walang paggawa; hindi dumarating ang pananampalataya nang walang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.10
Ang pinakaunang misyon ng Simbahan ay ituro ang ebanghelyo ni Cristo sa daigdig. Mayroon itong mahalagang mensahe na ihahatid, na hindi lamang kinabibilangan ng espirituwal na kaligtasan ng mga tao, kundi ng kanila ring temporal na kapakanan. Hindi lamang ito nagtuturo na kinakailangan ang pananampalataya, kundi hinihingi rin ang mga gawa. Ang paniniwala kay Jesus ay mabuti, subalit nararapat itong buhay na katangian na humihikayat sa naniniwala upang isakatuparan ang kanyang sariling kaligtasan, at tulungan ang iba pa na gawin ang gayon din.11
Naniniwala kami na mahalagang ipamuhay ang ating relihiyon araw-araw sa isang linggo, bawat oras sa isang araw, at sa lahat ng sandali. Naniniwala at kumikilos nang naaayon, napalalakas tayo sa ating pananampalataya, lumalakas ang Espiritu ng Diyos na nasa atin, umuunlad ang ating kaalaman, at mas naipagtatanggol natin ang layunin kung saan tayo gumagawa.12
Idinadalangin ko na kayo, mga kapatid ko, na may mga anak sa Sion, at kung kanino nakaatang ang mas mabigat na tungkulin, turuan sila ng mga alituntunin ng ebanghelyo, turuan sila na magkaroon ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at sa pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan pagsapit nila ng walong taong gulang.13
Ang pananampalataya sa Diyos ay nagbibigay-lakas sa atin sa panahon ng kahirapan.
Upang matagumpay na mapaglabanan ang mga pagkabahala na tumutukoy sa mga tanong na nangangailangan ng panahon para sa kalutasan ng mga ito, ang lubos na pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos at ang pagtatagumpay ng kanyang gawain ay kinakailangan.14
Ang pangangailangan ng isang tao na magkaroon ng malalim na kaalaman sa katotohanan ay napakahalaga. Gayon din naman dapat magkaroon ang bawat Banal sa Huling Araw ng malalim na paniniwala sa katarungan ng Diyos, at lubos na pagtitiwala at pananampalataya sa kanya at sa kanyang awa. Upang maunawaan nang wasto ang ebanghelyo at masunod ang kanyang mga kautusan lubos na kinakailangan ang gayong kaalaman. Hayaang tanungin ng bawat tao ang kanyang sarili kung sa kanyang kaluluwa ay mayroong matindi at di-natitinag na paniniwala sa mga katotohanang ito. Mayroon bang anumang bagay o pangyayari ang maaaring dumating sa iyo … buhay ang makapagpapabago ng iyong pananampalataya sa mga layunin, at sa ganap na katarungan at awa, ng Panginoon, o sa makapagliligtas na kapangyarihan ng kanyang ebanghelyo, na siyang kanyang mensahe ng kaligtasan? Kung magkagayon ang inyong pananampalataya ay hindi nagkaugat nang malalim, at mayroong matinding pangangailangan upang kayo ay maniwala.
Maraming halimbawa ang mga banal na kasulatan ng mga kalalakihan na ang matibay na saligan ay ang mamuhay nang matatag, na may pananampalataya sa Diyos. Kinakailangan ito ng bawat kabataang lalaki na umaasa sa gayong haligi ng lakas.
Sa pagkawala ng lahat ng kanyang kayamanan, at sa labis at matinding pagdadalamhati na nangyari sa kanya sa pagkamatay ng kanyang mga anak, lubos pa ring nagtiwala si Job sa Pinakamakapangyarihan….
Kay Abraham, mayroon pa tayong isang halimbawa ng pagmamahal sa salita ng Diyos, at pananampalataya hanggang sa pagbabahagi ng kanyang kabutihan…. Sa kahandaan ni Abraham na magtiwala sa Diyos sa pinakamabigat na pagsubok na maaaring dumating sa isang ama—ang pagsasakripisyo sa kanyang anak—mapapansin natin ang malalim na pagkakaugat ng pananampalataya at nanahang pagtitiwala sa Pinakamakapangyarihan na gagawin at handa siyang tupdin ang kanyang mga pangako, kahit na imposibleng mangyari sa pinakamatitinding pagsubok ng buhay…. Ganyan ang gagawin niya sa lahat ng nagtitiwala sa kanya, sapagkat para sa lahat ang mga pangako.
Nagbibigay ang gayong kaalaman, pananampalataya, at pagtitiwala, ng mahalagang bahagi sa inihayag na relihiyon … nalaman ni Abraham ang dakilang katotohanan, na dapat din nating itanim sa ating mga puso, na ang Diyos ay makatarungan, at tutuparin ang kanyang mga pangako hanggang sa kahuli-hulihan. At sa gayon siya ay nabiyayaan, maging tayo rin sa panahon ng pagsubok, sapagkat nagtiwala siya sa Panginoon at sinunod ang kanyang tinig. Sinabi pa sa kanya, Ang wika ng Panginoon: “Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway; at pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa.” [Genesis 22:17–18.]
Ang kalagayang ito ay katulad din ngayon; maliban kung may tunay na kaalaman ang mga Banal na naaayon ang daang kanilang tinatahak sa kalooban ng Diyos, sila ay manlulupaypay sa pagsubok at manghihina sa pag-uusig…. Subalit, sa kabilang dako, sa pagtitiwalang ito sa Diyos na matibay nang nakatatak sa kanilang mga kaluluwa, kahit na anong mangyari, masaya pa rin silang ginagawa ang kanyang kalooban, na nalalaman nang walang pagaalinlangan na mapapasakanila sa huli ang mga ipinangakong biyaya. Sa gayon napagtatagumpayan ang daigdig at nakakamtan ang korona ng kaluwalhatian na siyang ibinigay ng Diyos sa mga yaong nagmamahal, nagpupuri at sumusunod sa kanya….
Walang sinumang tao ang makakamtan ang kabuuan ng mga pagpapala ng Diyos, maliban sa makalapit siya, sa anumang antas kahit papaano, sa pamantayan ng pananampalataya sa katarungan ng Diyos, na inilarawan sa mga halimbawang binanggit. Dapat na naitanim na niya sa kanyang kaluluwa ang paniniwala at pagtitiwala sa katarungan at awa ng Diyos. Dapat na gawin ng bawat isa ito sapagkat walang tao ang makakikilos para sa iba. Kailangang ituro sa mga klase at gamitin bilang halimbawa ang mga aralin sa mga kabataan ng Sion, na malakas na ipinatutuon sa kanilang mga isipan ang katotohanan na siyang tanging makapagpapalaya at makapagpapatayo sa kanila nang matatag sa pananampalataya. Hayaan na habang tinatawag silang sama-sama sa kanilang mga pagtitipon, ay maiharap nila ang kanilang sarili sa Diyos, at mapaalalahanan sa mabubuting bagay na kanyang ibinigay, sa paglalabas ng Aklat ni Mormon, sa mga pangyayari sa Kirtland, sa Sion [Jackson County, Missouri], sa Nauvoo, sa mga araw ng pagsubok sa panahon ng mga paglisan at paglalakbay, at sa ilang. Nang sa gayo’y mabilang nila ang mga awa ng Diyos sa kanyang mga pangako, at mamasdan kung paano nakabuti ang mga nagdaang paghihirap at matinding pagsubok sa kapakanan ng kanyang mga tao; at sa gayon ay makapagpanibago ng kanilang mga tipan, puspos ng malalalim na pagkakaugat, di-matitinag na pananalig sa kabutihan at awa ng Panginoon. Dapat na matutuhan ng bawat isa ang araling ito, dapat itong tumimo sa kanyang kaluluwa, nang napakalalim, at maging napakatatag na walang anumang bagay ang makapaghihiwalay sa kanya mula sa kaalaman sa pag-ibig ng Diyos, kahit na humadlang pa ang kamatayan at impiyerno….
Mabait ang Diyos; tinutupad niya ang kanyang mga pangako; ang lubos na pagtitiwala sa kanyang kabutihan at awa, ay wastong alituntunin. Samakatuwid, ibigay natin ang ating pagtitiwala sa Kanya.15
May mga taong palaging nagsasabi na ang mga kababaihan ay mas mahihinang nilalang. Hindi ako naniniwala rito. Sa pisikal, maaari nga; subalit sa espirituwal, moral, sa pagiging relihiyosa, at sa pananampalataya, anong uri ng lalaki ang maitatapat sa isang babaing tunay na naniwala? Si Daniel ay may pananampalataya na siyang nakapagligtas sa kanya sa yungib ng mga leon, subalit nakita ng mga kababaihan ang kanilang mga anak na lalaki na pinapatay, at tiniis ang lahat ng pagpapahirap na maaaring magawa ng mala-satanas na kalupitan dahil sa sila ay naniwala. Sila sa tuwina ang mas handang gumawa ng mga pagsasakripisyo, at siyang mga kasama ng mga kalalakihan sa katatagan, Kabanalan, moralidad, at pananampalataya.16
Ang tumayong matatag sa harapan ng nakadadaig na pagsalungat, kapag nagawa na ninyo ang lahat-lahat, ay lakas ng pananampalataya. Ang lakas ng pananampalataya ay lakas ng pag-unlad. Sumusulong ang mga taong nagtataglay ng banal na katangiang iyon; hindi sila mananatiling nakatayo lamang kung nanaisin nila. Hindi lamang sila mga nilalang ng kanilang sariling kapangyarihan at karunungan; sila ay mga instrumento ng mataas na batas at ng banal na layunin.17
Sa pamamagitan ng pananampalataya makapapasok tayo sa kapahingahan ng Diyos.
Ang mga sinaunang propeta ay nangusap tungkol sa “pagpasok sa kapahingahan ng Diyos” [tingnan sa Alma 12:34; Doktrina at mga Tipan 84:23–24]; ano ang ibig sabihin nito? Sa aking isipan, ang ibig sabihin nito ay pagpasok sa kaalaman at pag-ibig ng Diyos, na may pananampalataya sa kanyang layunin at sa kanyang plano, hanggang sa puntong nalalaman natin na tama tayo, at na hindi na tayo naghahanap pa ng iba, hindi tayo nagagambala ng magkabi-kabila ng lahat ng hangin ng aral, o sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian. Nalalamang natin ang doktrinang ito ay sa Diyos, at hindi na tayo nagtatanong pa ng kahit ano sa kahit kanino ng tungkol dito. Sila ay may karapatan na magbigay ng kanilang opinyon o ideya at ng kanilang mga di-inaasahang pagtugon. Ang taong nakarating sa gayong antas ng pananampalataya sa Diyos na ang lahat ng pag-aalinlangan at takot ay naiwaksi na mula sa kanya, ay nakapasok na sa “kapahingahan ng Diyos”.18
Kung wala ang tulong ng Espiritu Santo hindi malalaman ng tao ang kalooban ng Diyos, o na si Jesus ang Cristo—ang Manunubos ng sanlibutan, o ang landas na kanyang tinahak, ang mga gawain, kanyang isinagawa, o ang kanyang pananampalataya, ay katanggap-tanggap sa Diyos, at sa gayon ipinagkaloob sa kanya ang handog na buhay na walang hanggan, na siyang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.19
Hindi matatamo ng sinuman ang kaloob na buhay na walang hanggan maliban sa siya ay handang magsakripisyo ng lahat ng mga bagay rito sa mundo upang makamtan ito. Hindi natin magagawa ito hangga’t nakatuon pa rin ang ating mga damdamin sa daigdig.
… Subalit kung tayo’y mag-iipon ng ating mga kayamanan sa langit; kung aalisin natin ang ating mga pagmamahal sa mga bagay ng daigdig na ito, at sasabihin sa Panginoon nating Diyos, “Ama, huwag mangyari ang aking kalooban kundi ang iyo,” [tingnan sa Lucas 22:42] at nawa’y ang kalooban ng Diyos ay mangyari sa lupa katulad ng sa langit, at maitatag ang kaharian ng Diyos sa kapangyarihan at kaluwalhatian nito sa lupa. Ang kasalanan at si Satanas ay maitatali at mawawala mula sa mundo, at hangga’t hindi natin nakakamtan ang ganitong kalagayan ng isipan at pananampalataya hindi ito magaganap.20
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Ano ang pananampalataya? Bakit ang pananampalataya sa Diyos at kay Jesucristo ay “saligan ng ating relihiyon”?
-
Ano ang nalalaman natin tungkol sa Diyos at kay Jesucristo na nakatutulong sa atin na magkaroon ng pananampalataya sa katotohanan? Bakit kailangang nakabatay ang ating pananampalataya sa katotohanan? (Tingnan sa Alma 32:21.)
-
Paano nakakamtan ang pananampalataya? Paano natin mapayayaman at mapalalakas ang ating pananampalataya? Ano ang pagkakaugnay ng pananampalataya at mga gawa?
-
Paano natin mabisang matuturuan ang ating mga anak na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo?
-
Upang mapagtiisan ang paghihirap, bakit kailangang may pananampalataya ang bawat Banal sa mga Huling Araw sa “ganap na katarungan at awa” ng Panginoon at sa “makapagliligtas na kapangyarihan ng kanyang ebanghelyo”?
-
Ano ang matutuhan natin tungkol sa pananampalataya mula sa mga halimbawa nina Abraham, Job, at ng mga naunang pinuno at miyembro ng dispensasyong ito? Sa gitna ng inyong mga pinakamapanghamong karanasan, paano kayo pinalakas at pinagpala ng pagtitiwala ninyo sa Panginoon?
-
Bakit mahalaga para sa atin na malaman na ang landas na ating tinatahak ay “naaayon sa kalooban ng Diyos”? Paano natin malalaman ito?
-
Ano ang “lakas ng pananampalataya”, paano ito magiging mabisa sa ating pang-araw-araw na pamumuhay?
-
Bakit kailangang handa tayong isakripisyo ang lahat ng bagay dito sa mundo upang makamtan ang kaloob na buhay na walang hanggan?
-
Ano ang ibig sabihin ng pumasok sa kapahingahan ng Diyos? Paano tayo makapapasok sa kapahingahang ito sa ngayon?