Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 34: Mga Banal na Templo ng Panginoon


Kabanata 34

Mga Banal na Templo ng Panginoon

Isinasagawa natin sa mga banal na templo ang mga ordenansa ng kaligtasan para sa mga buhay at patay, at gumagawa tayo ng mga tipan na dapat nating matapat na sundin sa buong buhay natin.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Sa paglalaang ginawa sa Tabernakulo ng Istaka ng Uintah sa Vernal, Utah noong Agosto, 1907, sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith sa mga nagkatipong Banal na hindi siya magtataka kung balang araw ay isang templo ang itayo sa gitna nila.1 Noong Nobyembre 1997, ang minodelong tabernakulo ay inilaan bilang Templo ng Vernal Utah. Ito ang ikalimampu’t isang templo ng Simbahan.

Ang buhay at ministeryo ni Joseph F. Smith ay may kaugnayan sa gawain sa templo. Nagsimula ang mga personal na karanasan niya sa Nauvoo noong taglamig ng 1845–46 nang ang kanyang ina at kapatid na si Mercy R. Thompson ay “abalang-abala sa mga gawain sa templo.” Di nagtagal ay sinabi ni Pangulong Smith na, “Doon pinagbuklod ang mga anak ng aking ama sa kanilang mga magulang.”2 Naroroon siya noong 1853 nang ilatag ang batong panulok ng Templo ng Salt Lake, at naroroon din siya nang ilaan ito noong 1893. Sa paghihintay sa araw ng paglaan ay nasabi niya: “Sa loob ng apatnapung taon, ang mga pag-asa, naisin, at paghihintay ng buong Simbahan ay naka-sentro sa pagyari ng malaking gusaling ito.… Ngayong tapos na sa wakas ang malaking gusaling ito at handa nang gamitin para sa mga dakilang layunin, kailangan pa bang sabihin na tayo’y nalalapit na sa isang pangyayaring ang kaganapan ay napakahalaga para sa atin bilang mga tao?”3 Naglingkod siya bilang pangulo ng Templo ng Salt Lake mula 1898 hanggang 1911 kung saan ang siyam na taon ng mga taong iyon ay nasa paglilingkod siya bilang Pangulo ng Simbahan.

Kasama si Pangulong Smith sa paglalaan sa mga Templo ng St. George, Logan, at Manti. Noong 1913, inilaan niya ang lugar na pagtatayuan ng ikaanim na templo ng Simbahan sa Cardston, Alberta, Canada; at noong 1915 ay inilaan niya ang lupain sa kanyang mahal na inaring bayang tinubuan, ang Hawaii, para sa kauna-unahang templong itinayo sa labas ng Hilagang Amerika. Gayunman, batid niya na nagsisimula pa lamang ang Simbahan sa pagtatayo ng mga templo: “Nakikita ko ang pangangailangan ng pagpapatayo ng iba pang mga templo … na inilaan sa Panginoon para sa pagsasagawa ng mga ordenansa sa bahay ng Diyos, nang sa gayon mapasa mga tao ang mga pagpapala ng bahay ng Panginoon na hindi na kailangan pang maglakbay nang daan-daang kilometro para sa layuning iyon.”4

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ang mga templo ay para sa pagsasagawa ng mga banal at nakapagliligtas na mga ordenansa.

Abala tayo sa mga gawain sa templo. Nakapagpatayo tayo ng apat na templo sa lupaing ito, at nakapagpatayo tayo ng dalawa pang templo sa silangang bahagi ng bansa bago tayo pumarito sa Salt Lake. Noong buhay pa si Propetang Joseph Smith, isa sa mga templong ito ay naitayo at nailaan, samantalang ang saligan at pader ng isa pa ay naitayo na rin nang siya ay mamatay na isang martir. Natapos ito sa pagsisikap ng mga tao habang dumaranas ng matitinding pagsubok at kahirapan, at ito’y nailaan sa Panginoon. Ang mga ordenansa ng bahay ng Diyos ay pinangasiwaan doon gaya nang itinuro mismo ni Propetang Joseph Smith sa mga namumunong awtoridad ng Simbahan.… Walang pagkakaiba ang ebanghelyo noon sa ebanghelyo ngayon at wala ring pagkakaiba ang mga ordenansang pinangangasiwaan ngayon, para sa mga buhay at patay, na pinangasiwaan noon mismo ng Propeta at iginawad sa Simbahan sa pamamagitan niya.5

Inaasam naming masilayan ang panahon kung kailan makapagtatayo ng mga templo sa iba’t ibang dako ng lupain saanman kailangan ang mga ito para sa kaginhawaan ng mga tao; sapagkat alam namin na isa sa pinakamahalagang tungkuling nakaatang ngayon sa mga tao ng Diyos ay ibaling ang kanilang mga puso sa kanilang mga ama, at na isagawa nila ang mga kinakailangang gawain para sa kanila upang sama-sama silang mabuklod ng Bago at Walang Hanggang Tipan sa bawat henerasyon.6

Ang mga templo ay hindi bukas sa publiko. Ang mga ito ay para sa pagsasagawa ng mga banal na ordenansa na isinasaalangalang ang kaligtasan ng mga taong buhay at patay na. Ang mga pangunahing seremonya ay pagbibinyag, endowment, kasal, pagbubuklod. Karamihan sa gawaing ito, na alang-alang sa mga patay na, ay karaniwang may tumatayong kinatawan para sa kanila. Sa mga Banal ng mga Huling Araw, may pag-asa ng kaligtasan para sa mga taong nagsilisan na sa buhay na ito na mga hindi nagsisunod sa ebanghelyo, kung sila ay susunod sa mga itinakda ng ebanghelyo sa kabilang daigdig na siyang lugar ng mga espiritu ng mga taong namatay na. Ang ebanghelyo ay ipangangaral sa kanila ng mga tagapaglingkod ng Panginoon na naroon na sa paraiso, at sila na sasampalataya at magsisisi ay maaaring binyagan dito sa mundo sa pamamagitan ng mga kakatawan sa kanila. Matatanggap nila sa ganoon ding paraan ang iba pang tulong na ang layon ay magawang dakilain at luwalhatiin sila.7

Walang tao ang makapapasok sa Kaharian ng Diyos maliban sa pasukan at sa paraang inalay ni Jesucristo sa mga anak ng tao.… Wala ni isang kaluluwa na nabuhay at namatay sa mundong ito ang hindi magkakaroon ng pagkakataong marinig ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kung ito ay tatanggapin at susundin nila, ang mga ordenansa ng ebanghelyo ay isasagawa para sa at alangalang sa kanila ng mga kaanak, o mga inapo ng susunod na henerasyon; nang sa gayon ang lahat ng batas at hinihingi ng ebanghelyo ni Jesucristo ay maisagawa. Gayundin, nang matupad ang mga pangako at hinihingi para sa kaligtasan ng kapwa buhay at patay. 8

Samakatwid, ang lalaki at babae na mga Banal sa mga Huling Araw, na hindi nakikita ang pangangailangan para sa mga ordenansa sa Bahay ng Diyos, sila na hindi tumutugon sa mga hinihingi ng ebanghelyo sa lahat ng ritwal at ordenansa nito, ay hindi magkakaroon ng tamang pang-unawa sa dakilang gawaing ipinagkatiwala sa mga Banal sa mga Huling Araw sa panahong ito, ni hindi nila matatamasa ang biyayang bunga ng pagsunod sa isang batas na nakahihigit sa tao.9

Huwag hayaan ang sinuman na basta balewalain ang mga ordenansa sa bahay ng Diyos.10

Hindi tayo nabubuhay sa mundong ito na para lamang sa ilang miserableng taon, kundi para sa buhay na walang hanggan, at nais nating matamasa ang lahat ng biyaya sa kawalang-hanggan. Ngunit, maliban kung pagtibayin tayo ng kapangyarihan ng pagbubuklod na ibinigay ng Anak ng Diyos kay Apostol Pedro, hindi natin maaangkin ito. Maliban kung mapasa atin ito nang naaayon sa panuntunang iyon, sa kabilang buhay ay wala tayo ni ama, ina, kapatid, asawa, anak, o mga kaibigan o yaman, o dangal man lamang, sapagkat ang lahat ng makalupang “kasunduan, tipan, pagkakabigkis, pananagutan, sumpaan, panata, kaugnayan, at samahan, “ [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:7] ay nagtatapos sa libingan, maliban sila na mga nabuklod at pinagtibay ng kapangyarihan ng Diyos.11

Pumasok tayo sa templo nang may tunay na determinasyong gawin ang kalooban ng Diyos.

Isang lalaki … ang dumating na dala ang isang rekomendasyon mula sa Obispo.… At nagnais na mabigyan ng pribilehiyong mabinyagan para sa ilang kaanak na namatay na. Sapagkat dumating na may rekomendasyon, ito’y nagawa niya. Nabinyagan siya para sa kaanak na namatay na. Pagkatapos ay patuloy na natanggap niya ang iba pang ordenansa para sa kanila. Nang matapos, kaagad itong nagsabi ng kanyang determinasyong tumiwalag sa Simbahan. Ngayon, hanga din naman ako sa kawawang taong iyon, dahil nga sa determinasyon niyang gawin ang lahat para sa mga namatay nang kaibigan bago niya pagkaitan ang sarili ng pribilehiyong maisagawa ito. Maaaring sabihin ng iba, “Tatanggapin ba ng Panginoon ang gawaing iyon?” Marahil, maaari pa kung ang mga patay ang pag-uusapan. Nakatala na ito at ang seremonya ay naisagawa ayon sa batas na itinakda ng Diyos. Ang lahat ay naisagawa sa wastong paraan, at sa ilalim ng tagubilin ng may tunay na awtoridad, kaya nga, bakit hindi ito katanggap-tanggap kung ang mga patay ang paguusapan? Ngunit gaano naman ang pakinabang ng lalaki sa kanyang ginawa? Hindi gaano. “Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kaniyang buhay?” [Marcos 8:36.]

Ang pakahulugan nito sa isang taong naghahangad na makamit ang mga pribilehiyo sa bahay ng Panginoon na nagkukunwari ay ito: Ang mga taong nagtatangkang linlangin ang Diyos sa pamamagitan ng pagkukunwari upang makapagnakaw ng pribilehiyo at biyaya mula sa bahay ng Diyos ay wala ring mapakikinabangan sa bandang huli. Kung nais nating matanggap ang mga biyaya at ordenansa sa bahay ng Diyos, tanggapin natin ito nang may tapat na puso, at pumasok tayo sa bahay na iyon nang may totoo at tunay na determinasyong gawin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay na ito, hindi lamang pansamantala kundi sundin ang mga utos Niya sa atin habambuhay. Hangga’t tinatamasa natin ang tamang espiritu, ang mga biyayang ito ay mananatili sa atin, kikilalanin tayo ng Diyos na Kanyang mga anak; at tanging sa paglayo sa tamang landas at hindi pagtupad sa ating tungkulin, ilalayo ng Diyos ang Kanyang espiritu at iiwan tayong mag-isa.…

Kung nadama ko sa aking puso na nagkasala ako sa aking kapatid; o sumuway sa alinman sa mga batas ng Diyos; o nailagay ko sa kahihiyan ang sinumang miyembro o nangungulo sa Simbahan ng Diyos, nararapat na madama ko na tungkulin kong magsadya at itama ang aking pagkakamali bago ako magpunta sa bahay ng Diyos … kung nagkasala ako sa inyo; kung napagkaitan ko kayo ng anumang karapatan; kung hindi ako naging tapat sa aking mga pangako sa inyo, o kung nakagawa ako ng anumang bagay na nakapagpapababa sa akin sa paningin ng Diyos o aking mga kapatid, kailangan kong magsadya at magbayad-pinsala bago ako magpunta sa bahay ng Diyos. Ngunit hindi ko gustong gawin ito para lamang makapasok doon. Dapat na naisin kong gawin ito dahil tungkulin ko ito; at upang maging karapatdapat na magpunta roon, at makatindig anumang oras sa mga sagradong lugar ng Panginoon, kailangang itama ko ang anumang maling nagawa ko sa aking kapatid.

Kailangan kong igalang sila na mga karapat-dapat igalang. Kailangan kong igalang ang Diyos Ama ngayon at magpakailanman. Ito ang dapat na maging tuntunin ko sa paggawa ng tama, ang magbayad-pinsala at ayusin ang mga problema. Nakarating sa pandinig ko ang tungkol sa mga kapatid natin na magkakamag-anak, na nabuklod sa bago at walang hanggang tipan na mga hindi magkasundo, may sama ng loob na kinikimkim sa kanilang mga puso at walang ibig magpakumbaba at aminin ang kanyang mga pagkakamali, o kaya’y sumubok na makipagkasundo, pinalalaki ng bawat isa ang kahinaan ng kanyang kapwa at kasabay niyon ang hindi pagpansin sa sarili nilang pagkakamali at kahinaan. Sa kabila nito, kapag pinagkaitan sila ng pribilehiyong makapunta sa bahay ng Diyos, ang pakiwari nila ay maling-mali ang trato sa kanila.

Ngunit tatanungin ko kayo, ang mga ganoong tao ba ay karapat-dapat na pumunta roon? Ang isang tao ba na may kinikimkim na sama ng loob sa kanyang kapwa at ayaw magpatawad o makipagkasundo, ay karapat-dapat pumasok sa bahay ng Diyos? At gayunman, hindi natin maipagkakaila ang mga tulad niya. May daan-daang tao na pupunta roon na nasa gayunding kalagayan, kahit na anupaman ang gawin o sabihin natin. Makakaasa ba sila na makakasama ang Diyos at mapasa kanila ang Kanyang kaluwalhatian? Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili. Kapag tayo’y karapat-dapat ipakikita ng Diyos ang Kanyang sarili sa atin. Kapag tayo’y handa, makikita natin Siya bilang Siya at makikilala natin Siya, at tayo rin ay makikilala niya. Ngunit mangyayari lamang ito kapag tayo’y karapat-dapat, at hindi sasapit iyon hangga’t hindi tayo nagiging karapat-dapat.12

Maging tapat sa mga tipang ginawa ninyo sa bahay ng Panginoon.

Tungkol sa ating relihiyon, o mga walang hanggang tipan, wala tayong pakikipagkasunduang gagawin o magpapalit-palit ng mga alituntunin; ang mga ito ay mula sa Diyos at nakasalig sa bato ng walang hanggang panahon; magpapatuloy at iiral ito gumuho man at masira ang mga imperyo, kapangyarihan at bansa; at sa tulong ng Pinakamakapangyarihan sa lahat ay sagrado nating babantayan ang ating mga tipan at itataguyod ang ating mga interes at magiging tapat sa ating Diyos, habang patuloy sa pag-iral ang panahon o hanggang sa magwakas ang kawalang-hanggan.13

Ngayon, pinagpapala kayo ng Panginoon, at sa pangalan ng Panginoon binabasbasan ko kayo — ang kongregasyong ito, ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon gaya ng tunay na sinaunang Israel na mga pinagtipanang tao ng Diyos, sapagkat tinanggap ninyo ang dakilang Ebanghelyo ni Jesucristo, na susundin ninyo ang mga utos ng Diyos, na tatalikdan ninyo ang masama. Alam ninyo ang nagawa ninyo; alam ninyo ang uri ng tipang pinasok ninyo sa harapan ng Diyos at mga saksi at sa harapan ng mga anghel sa langit; at, dahil dito, kayo ay nabubuklod ng bago at walang hanggang tipan at tunay na mga pinagtipanang tao ng Diyos sa mga huling araw.14

Sapagkat tinulungan ako ng Panginoon na maging tapat sa mga tipang ginawa ko noong mga nakalipas na panahon, sa Kanya at sa inyo,… kaya nga, sa tulong Niya at ng Kanyang mga biyaya ay nangangako ako na magiging tapat sa hinaharap ng buong buhay ko, pahintulutan man akong mabuhay nang matagal o hindi. Habang ako’y buhay, nais kong maging totoong tao, isang taong matapat at makakaharap sa buong sangkatauhan at, sa huli, isang taong makatitindig sa harapan ng Diyos, ang hukom ng mga buhay at patay, at hindi manliliit dahil sa mga nagawa ko sa mundo.

… Ang dalangin ko na nawa’y maging tapat kayo sa inyong mga tipan; maging tapat sa mga tipan ninyo noong binyagan kayo, noong nagsipasok kayo sa bahay ng Panginoon, at maging tapat sa lahat ng obligasyong nasalin sa inyo. Para maging tunay na mga Banal sa mga Huling Araw, ang mga lalaki’t babae ay kailangang mga palaisip at manggagawa; kailangang sila’y mga lalaki’t babaing tinitimbang ang mga bagay-bagay sa kanilang mga isipan, mga lalaki’t babaing maingat na isinasaalang-alang ang landas ng kanilang buhay at ang mga alituntuning niyakap nila. Hindi magiging tapat na mga Banal sa mga Huling Araw ang mga tao maliban kung pag-aaralan at mauunawaan nila, kahit papaano, ang mga alituntunin ng ebanghelyo na tinanggap nila.… Kapag nauunawaan ng mga tao ang ebanghelyo ni Jesucristo, makikita ninyo silang lumalakad nang naaayon sa mga salita ng Panginoon, at batas ng Diyos, mahigpit na sumusunod sa yaong hindi nagbabago, makatwiran, mabuti, at katanggap-tanggap sa Panginoon sa tunay na kahulugan ng salita, na ang tanging sinasang-ayunan ay yaong tama at nakasisiya sa paningin ng Diyos; sapagkat ang nakasisiya lamang sa Kanya ay ang mga bagay na tama.15

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Bakit tayo nagtatayo ng mga templo? Anu-anong biyaya ang natatanggap natin kapag dumadalo tayo sa templo at tumutupad sa ating mga tipang ginawa doon? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:10–23.) Anong nararamdaman ninyo kapag dumadalo kayo sa templo?

  • Sa paanong paraan kung minsan “pinawawalang kabuluhan ang mga ordenansa sa bahay ng Diyos” ng mga tao?

  • Ano ang ibig sabihin para sa inyo ng “matamasa ang lahat ng biyaya sa kawalang-hanggan’? Paano tayo natutulungan ng mga ordenansa sa templo na isagawa ito? Paano nakatutulong na matanim sa ating isipan ang “kataimtiman ng kawalanghanggan” sa pamamagitan ng palagiang pagdalo sa templo? (Doktrina at mga Tipan 43:34).

  • Ano ang ibig sabihin na maging karapat-dapat sa pagpunta sa bahay ng Diyos? Ano ang maaari nating gawin para higit nating maihanda ang ating sarili sa pagdalo sa templo? Bakit hindi tayo maaaring “makapagnakaw ng mga pribilehiyo at biyaya mula sa bahay ng Diyos”?

  • Ano sa palagay ninyo ang hinihingi sa inyo upang maging tapat sa mga tipang ginawa ninyo sa templo?

  • Ano ang magagawa natin upang matugunan ang hamon ni Pangulong Smith na maging mga “palaisip, at manggagawa”?

  • Paano natin maipakikita ang paggalang sa bahay ng Diyos? Paano matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na matutuhang igalang ang mga templo?

Mga Tala

  1. Pangkasaysayang Talaan ng Istaka ng Uintah: 1905—1909, Pangtatluhang buwang Komperensiya, ika-25 ng Agosto 1907, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 246.

  2. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 197.

  3. Sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 tomo (1965–75), 3:241–42.

  4. Sa Conference Report, Abril 1901, 69.

  5. Gospel Doctrine, 470.

  6. Gospel Doctrine, 471.

  7. Sa Messages of the First Presidency, 4:249–50.

  8. “Latter-day Saints Follow Teachings of the Savior,” Scrap Book of Mormon Literature, 2 tomo (n.d.), 2:561–62.

  9. Gospel Doctrine, 213.

  10. Gospel Doctrine, 5.

  11. Deseret News: Semi-Weekly, ika-11 ng Nob. 1873, 1.

  12. Deseret News: Semi-Weekly, ika-21 ng Mar. 1893, 2; idinagdag ang pagtatalata.

  13. Sa Messages of the First Presidency, 2:346–47.

  14. Sa Messages of the First Presidency, 4:186.

  15. Sa Conference Report, Okt. 1910, 3–4.

Vernal Utah Temple

Ang Templo ng Vernal Utah. Noong 1997, binago ang pagkakayari ng dating Tabernakulo ng Uintah upang maging Templo ng Vernal Utah.