Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 28: Ang Makasalanang Landas ng Pang-aabuso


Kabanata 28

Ang Makasalanang Landas ng Pang-aabuso

Hindi tayo kailanman dapat na mang-abuso ng iba bagkos ay magpakita ng habag at pagmamahal sa lahat, lalung-lalo na sa ating mga kamag-anak.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Si Pangulong Joseph F. Smith ay isang lalaking mapagmahal at maginoo na nagpahayag ng pagkalungkot sa anumang uri ng pang-aabuso. Naunawaan niya na ang karahasan ay magbubunga ng karahasan, at ang kanyang sariling buhay ay isang malinaw na pagpapakita ng habag at pagtitiis, pagmamahal at pang-uunawa.

Sa isang pagkakataon, sinabi ni Pangulong Smith: “Nasaksihan ko ang isang munting pangyayari sa gitna ng mga upuan sa aming pagpupulong kaninang hapon; isang maliit na bata ang nakaupo sa bangko katabi ng kanyang ina. May isang dumating at inalis ang bata sa kinauupuan nito at siya ang umupo doon, at hinayaan ang batang nakatayo. Nais kong sabihin sa inyo, mga kapatid kong lalaki at babae, na ang tanawing iyon ay nagdulot ng kirot sa aking puso. Hindi ko magagawa, sa anumang dahilan … na bigyang pagdurusa ang isang maliit na bata sa bahay ng Diyos, sa takot na makalilikha ito ng paniniwala sa kanyang isipan na hindi magandang lugar ang bahay sambahan, at higit na nanaisin nito na hindi pumasok dito, kaysa pumasok at masaktan.”1

Madalas na magbigay-payo si Pangulong Smith sa kanyang mga kapatid na lalaki at babae na pakitunguhan ang bawat isa nang may malaking kabaitan. Ang karahasan o asal na nakasisira sa ibang tao ay hindi niya maiisip. Ang mga asawang lalaki at babae ay dapat na lubusang bigyang-pagpapahalaga at turuan ang kanilang mga anak na igalang ang kanilang mga kamag-anak at ang lahat ng ibang tao.

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Dapat na pakitunguhan natin ang bawat isa nang may paggalang at kagandahang-loob.

Gapiin natin ang ating mga sarili, at humayo at gapiin ang lahat ng kasamaan na nakikita natin sa ating paligid, sa abot ng ating kakayahan. At gagawin natin ito nang walang karahasan; gagawin natin ito nang hindi lalabagin ang kalayaang pumili ng kalalakihan at kababaihan. Gagawin natin ito sa pamamagitan ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng pagtitiyaga, at ng pagpapatawad at ng hindi mapagkunwaring pag-ibig, na sa pamamagitan nito ay makukuha natin ang mga puso, ang mga damdamin at ang mga kaluluwa ng mga anak ng tao tungo sa katotohanan kagaya ng paghahayag nito sa atin ng Diyos.2

Nilikha tayo [ng Diyos] ayon sa sarili niyang anyo at wangis, at naririto tayong kalalakihan at kababaihan, mga magulang at mga anak. At dapat tayong maging lalong katulad niya—lalong katulad niya sa pagmamahal, sa pag-ibig sa kapwa tao, sa pagpapatawad, sa pagtitiyaga, sa mahabang pagtitiis at pagpapahinuhod, sa kadalisayan ng pag-iisip at kilos, katalinuhan, at sa lahat ng bagay, nang tayo ay maging karapat-dapat sa kadakilaan sa kanyang kinaroroonan.3

Ang mga magulang … ay nararapat na magmahalan at gumalang sa isa’t isa, at pakitunguhan ang isa’t isa nang may pinakamaayos na pakikitungo at pagrerespeto, sa lahat ng panahon. Dapat na pakitunguhan ng isang lalaki ang kanyang kabiyak nang may pinakamalaking pagpipitagan at paggalang. Hindi dapat na insultuhin ng isang lalaki ang kanyang kabiyak kailanman; hindi siya na dapat na magsalita tungkol sa kanyang kabiyak na tila ba wala itong halaga, bagkos ay pakitaan niya ito ng pinakamataas na pagpapahalaga sa tahanan, sa harap ng kanilang mga anak.… Ang babae ay dapat ding pakitunguhan ang kanyang asawa nang may pinakamalaking pagrerespeto at paggalang. Ang kanyang mga salita sa kanyang asawa ay hindi dapat na masakit at nangungutya. Hindi siya dapat magparinig ng mga pamimintas o pahiwatig sa kanyang asawa. Hindi niya dapat pagsalitaan ang kanyang asawa. Hindi niya dapat na tangkaing pukawin ang galit ng kanyang asawa o gawing hindi maganda ang mga bagay-bagay sa tahanan.Siya ay dapat na maging kagalakan sa kanyang asawa, at dapat na mamuhay at kumilos siya nang maayos sa tahanan upang ang tahanan ay maging pinakamasaya at pinagpala sa lahat ng lugar sa mundo para sa kanyang asawa. Ito ang dapat na kalagayan ng isang asawang lalaki at babae, ng ama, at ng ina sa sagradong loob ng yaong banal na lugar, ang tahanan.

Dahil dito ay magiging madali para sa mga magulang na itanim sa mga puso ng kanilang mga anak hindi lamang ang pag-ibig para sa kanilang ama at ina, hindi lamang ng paggalang sa kanilang mga magulang, ngunit pag-ibig at paggalang at pagpipitagan sa bawat isa sa mga anak sa tahanan. Ang maliliit na anak na lalaki ay rerespetuhin ang kanilang maliliit na kapatid na babae. Ang maliliit na batang lalaki ay rerespetuhin ang bawat isa. Ang mga batang babae ay igagalang ang bawat isa at ang mga batang lalaki at babae ay rerespetuhin ang isa’t isa, at pakikitunguhan ang isa’t isa nang may pagmamahal, ang yaong pagpipitagan at paggalang ay nararapat na ipakita sa tahanan sa panig ng maliliit na bata. Dahil dito … ang saligan ng isang tumpak na edukasyon ay nailatag na sa puso at isipan ng bata sa tahanan.4

Dapat na pakitunguhan ng mga lalaki ang kanilang mga kabiyak nang may kabaitan.

Isipin kung ano ang ibig sabihin ng paghawak sa mga susi ng kapangyarihan na—kung gagamitin sa katalinuhan at katuwiran— ay mangyayaring igagalang ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo! Iginagalang ba ninyo ang pagkasaserdoteng ito? … Magagawa ba ninyo, bilang isang elder ng Simbahan ni Jesucristo, na lapastanganin ang inyong kabiyak at mga anak? Magagawa ba ninyong iwanan ang ina ng inyong mga anak, ang asawa ng iyong sinapupunan, ang kaloob ng Diyos sa iyo, na higit na mahalaga kaysa buhay mismo? Gayon man, ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon.5

Hindi ko maunawaan kung paano magagawa ng isang lalaki na maging malupit sa sinumang babae, lalong-lalo na sa asawa ng kanyang sinapupunan, at ina ng kanyang mga anak, ngunit narinig ko na may mga taong tunay na marahas, ngunit sila ay hindi karapat-dapat na tawaging mga lalaki.6

Kapag naiisip ko ang ating mga ina, ang mga ina ng ating mga anak, at napagtatanto na sa ilalim ng inspirasyon ng Ebanghelyo ay namumuhay sila nang malinis, dalisay, at kagalang-galang, na tapat sa kanilang mga asawa, tapat sa kanilang mga anak, tapat sa kanilang mga paniniwala sa Ebanghelyo, o, gaanong ang aking kaluluwa ay dalisay na umiibig sa kanila; kayrangal at bigay ng Diyos, piling-pili, kanais-nais at kailangang-kailangan sila sa katuparan ng mga layunin ng Diyos at sa katuparan ng kanyang mga utos! Mga kapatid kong lalaki, magagawa ba ninyong pakitunguhan nang mali ang inyong mga kabiyak, ang mga ina ng inyong mga anak? Hindi ba ninyo magagawang pakitunguhan sila nang may pag-ibig at kabutihan? Hindi ba ninyo magagawang maging maginhawa at masaya sila sa abot nang inyong makakaya, na pinagagaan ang kanilang pasanin sa abot ng inyong lakas, at gawing kahali-halina ang buhay nila at ng kanilang mga anak sa kanilang mga tahanan? Paano ninyo magagawa ito? Paano magagawa ng isang tao na magkaroon ng marubdob na interes sa ina ng kanyang mga anak, at pati sa kanyang mga anak? Kung sumasaatin ang Espiritu ng Diyos, hindi natin magagawa ang kabaligtaran nito. Mangyayari lamang ito kapag tatalikod ang mga kalalakihan sa tamang espiritu, kapag lumilihis sila mula sa kanilang tungkulin, saka nila mapababayaan o hindi iginagalang ang sinumang kaluluwa na inatang sa kanilang pangangalaga. Tungkuling nilang igalang ang kanilang mga kabiyak at anak.7

Ang matatalinong kalalakihan, mga kalalakihang nagnenegosyo, mga kalalakihang humaharap sa palagiang gawain sa buhay, at kinakailangang gumugol ng lakas at pag-iisip sa kanilang mga gawain at tungkulin, ay maaaring hindi makatamasa ng malaking kasiyahan sa piling ng kanilang mag-anak subalit kung nasa kanila ang Espiritu ng Panginoon sa pagsasagawa ng kanilang tungkuling temporal, hindi nila kailanman pababayaan ang mga ina ng kanilang mga anak, ni ang kanilang mga anak.8

Mga ama at ina, huwag itataboy ang inyong mga anak.

O, mga kapatid kong lalaki, maging tapat sa inyong mga maganak, maging tapat sa inyong mga asawa at anak. Turuan sila sa landas ng buhay. Huwag silang hahayaan na maging malayo sa inyo upang hindi na nila pansinin ang mga alituntunin ng karangalan, kadalisayan o katotohanan.… Kung pananatilihin ninyong malapit sa inyong puso ang inyong mga anak na lalaki, sa inyong mga bisig; kung magagawa ninyong ipadama sa kanila na mahal ninyo sila, na kayo ang mga magulang at sila ang mga anak, at pananatilihin silang malapit sa inyo, hindi sila gaanong lalayo sa inyo, at hindi sila gagawa ng anumang mabibigat na kasalanan. Ngunit mangyayari ito kung itataboy ninyo sila mula sa inyong tahanan, itataboy sila mula sa inyong pagmamahal— doon sa kadiliman ng gabi sa lipunan ng mga makasalanan o walang dangal; kung napapagod na kayo sa kanila, o naiinis na kayo sa walang malay nilang ingay o gulo sa bahay, at sinabi ninyo, “Pumunta ka nga doon,” nasa ganitong pagtrato sa inyong mga anak ang nagtataboy sa kanila papalayo sa inyo.9

Ang ating mga anak ay kagaya rin natin; hindi tayo maaaring itaboy; hindi na tayo maaaring itaboy ngayon. Katulad din tayo ng ilang mga hayop dito sa mundo na kilala natin. Maaari ninyo silang suyuin; maaari ninyo silang gabayan, sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga panghalina sa kanila, at sa pamamagitan ng pagsalita nang mabuti sa kanila, ngunit hindi ninyo sila maaaring itaboy; hindi sila magpapataboy. Hindi tayo magpapataboy. Wala sa kinaugalian ng mga tao ang itaboy; wala ito sa kanilang pagkatao.…

Hindi ninyo maaaring pilitin ang inyong mga anak na lalaki o babae na mapunta sa langit. Maaari ninyo silang pilitin na mapunta sa impiyerno, sa pamamagitan ng paggamit ng mararahas na paraan sa pagsusumikap na gawin silang mabuti, na kayo mismo ay hindi kasing buti ng inaasahan sa inyo. Ang lalaking magagalit sa kanyang anak na lalaki, at tatangkain na iwasto ito habang galit siya, ay nasa napakalaking pagkakamali; higit siyang dapat kaawaan at higit siyang dapat hatulan kaysa anak na nagkamali. Maaari lamang ninyong iwasto ang inyong mga anak sa pamamagitan ng pagmamahal, ng kabutihan, ng pag-ibig na hindi mapagkunwari, ng panghihimok, at ng katuwiran.10

Mga ama, kung nais ninyo na ang inyong mga anak ay maturuan sa mga alituntunin ng ebanghelyo, kung hangad ninyo na ibigin nila ang katotohanan at unawain ito, kung hangad ninyo na maging masunurin at makiisa sila sa inyo, ibigin sila! At patunayan sa kanila na tunay na iniibig ninyo sila sa bawat salita at gawa ninyo para sa kanila. Para sa ikabubuti ninyo, para sa pagmamahalan na dapat mamagitan sa inyo at sa inyong mga anak na lalaki—gaano man kalihis ang kanilang landas, o ang isa o ang iba sa kanila, kapag nagsasalita o kinakausap ninyo sila, huwag itong gagawin nang may galit, huwag itong gagawin nang may kabagsikan, sa isang mapanghatol na diwa. Magsalita sa kanila nang malumanay; akbayan sila at umiyak kasabay nila kung kinakailangan at hayaan silang lumuha kasama ninyo kung maaari. Palambutin ang kanilang mga puso; turuan silang makadama ng pagmamahal sa inyo. Huwag gagamit ng pamalo o karahasan, ngunit … pakitunguhan sila sa katuwiran, sa panghihimok at tunay na pag-ibig.11

Nawa ay mamuhay ang mga ama sa Israel sa paraang dapat silang mamuhay; pakitunguhan ang kanilang mga kabiyak sa paraang dapat nilang pakitunguhan ang mga ito; gawin ang kanilang mga tahanan na komportable sa abot nang kanilang makakaya; pagaanin ang bigat na pasan ng kanilang mga asawa sa abot ng kanilang kakayahan; magpakita ng tamang halimbawa sa kanilang mga anak; turuan ang mga ito na samahan sila sa pananalangin, sa umaga at gabi, at sa tuwing uupo sila upang kumain, upang kilalanin ang awa ng Diyos sa pagkakaloob sa kanila ng pagkain at ng damit na kanilang isinusuot, at kilalanin ang kamay ng Diyos sa lahat ng bagay.12

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Ano ang ibig sabihin ng “gapiin natin ang ating sarili”? Paano natin “makukuha ang mga puso” ng ating mga anak at ng ibang tao tungo sa katotohanan?

  • Paano magagawa ng mga mag-asawa na pakitunguhan ang isa’t isa nang may “pinakamaayos na pakikitungo” at “pinakamalaking paggalang”? Anu-ano ang mga kapakinabangan ng paggawa nito? Kapag tinatrato ng mga magulang ang isa’t isa nang may pagpipitagan at paggalang, paano naaakpetuhan ng kanilang pag-uugali ang pag-uugali ng kanilang mga anak?

  • Anu-ano ang mga pinakamainam na paraan kung paano natin maiiimpluwensiyahan ang ating mga anak na mamuhay nang matwid? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:41–44.) Anuano ang ilang mapang-abusong pag-uugali na sumasalungat sa payong ito mula sa Panginoon?

  • Paano natin naitataboy kung minsan ang ating mga anak palayo sa atin? Ano ang maaaring mangyari sa atin at sa ating mga anak kapag itinataboy natin sila palayo?

  • Bakit ang isang magulang na iwinawasto ang kanyang anak sa galit ay higit na may pagkakamali kaysa anak? Anu-ano ang maaaring gawin ng isang magulang kapag nakadarama siya ng galit sa mga anak?

  • Paano pinakitunguhan ng Tagapagligtas ang maliliit na bata? (Tingnan sa Mateo 19:13–15; 3 Nephi 17:11–24.) Ano ang kanyang babala sa mga yaong nang-aabuso sa maliliit na bata?

  • Paano natin mapananatiling malapit ang ating mga anak sa atin at sa mga alituntunin ng ebanghelyo? Anu-ano ang mga biyayang dumarating sa mga yaong ginagawang “malapit sa [kanilang] mga puso” ang kanilang mga anak?

Mga Tala

  1. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 283.

  2. Gospel Doctrine, 253–54.

  3. Gospel Doctrine, 276.

  4. Gospel Doctrine, 283–84; idinagdag ang pagtatalata.

  5. Gospel Doctrine, 165.

  6. Gospel Doctrine, 352.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1915, 6–7.

  8. Gospel Doctrine, 285.

  9. Gospel Doctrine, 281–82.

  10. Gospel Doctrine, 316–17.

  11. Gospel Doctrine, 316.

  12. Gospel Doctrine, 288.

Christ with the Children

Si Cristo Kasama ang mga Bata,ni Harry Anderson. Inibig ni Jesucristo ang mga bata at nagturo na “sinomang magbigay ng ikatitisod sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, ay mabuti pa sa kanya kung bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking gilingang bato, at siya’y ibulid sa dagat” (Marcos 9:42).