Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 17: Ang Dakilang Plano ng Buhay at Kaligtasan


Kabanata 17

Ang Dakilang Plano ng Buhay at Kaligtasan

Ang ating Ama sa Langit ay naglaan ng plano para sa kanyang mga anak na lalake at babae upang maging kagaya ni Jesucristo at upang matamasa ang kadakilaan.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Noong 1874 pagkatapos ng kanyang pagdating sa Inglatera upang mangulo sa misyon sa Europa at sa okasyon ng kanyang ika-36 na kaarawan, kaagad sinulat ni Joseph F. Smith sa kanyang talaarawan:

“Ang panahon ay malamig, mapanglaw at walang sigla, isang angkop at tamang anibersaryo ng madilim at mahirap na panahon ng aking kaarawan; Noong panahong nakakulong ang aking ama [si Hyrum] at ang kanyang kapatid [si Joseph] sa bartolina alang-alang sa ebanghelyo at pinagtabuyan ang mga banal sa kanilang mga tahanan sa Missouri ng mga walang-awang mandurumog. Ang masiglang bahagi ng aking kaluluwa ay hindi kailanman napawi ang mga nagpapadilim na anino na ibinigay ng nakalulungkot na pangyayari ng makasaysayang panahong iyon.

“Gayon man ang maawaing kamay ng Diyos at ang kanyang napakabuting pagkalinga ay maliwanag na iniabot sa akin, simula pa man sa aking pagkabata, at ang aking mga araw ay naging mabuti at bumubuti sa pamamagitan ng pagpapakumbaba at pagsisikap na makamtan ang karunungan at kaligayahan sa kaharian ng Diyos; Ang mga layunin ng aking buhay ay naging malinaw na sa paglipas ng panahon at sa pagdami ng karanasan. Ang mga layuning iyon ay pagpapahayag ng ebanghelyo o pagtatatag ng kaharian ng Diyos dito sa mundo; Ang kaligtasan ng mga kaluluwa, at ang pinakamahalaga sa mga iyon para sa akin—ang kaligtasan ng aking sarili at ng mag-anak.”1

Na may kaalaman at pananalig, nagturo at nagpatotoo si Pangulong Joseph F. Smith sa walang hanggang plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit. “Walang anupaman sa silong ng langit,” ang sabi niya, “na siyang higit na mahalaga para sa akin o sa mga anak ng tao kaysa sa dakilang plano ng buhay at kaligtasan.2

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ginawa ng ating Ama sa Langit ang plano ng kaligtasan upang tayo ay madakila.

Ang Pinakamakapangyarihang Panginoon ay buhay; ginawa niya ang langit at ang lupa, at ang mga bukal ng tubig; at tayo ay kanyang mga anak, ang kanyang binhi, at hindi tayo narito dahil sa nagkataon lamang. Itinalaga ng Panginoon ang ating pagdating, at ang layunin ng ating pagkatao. Hinangad niya na matupad natin ang ating misyon, na maging ayon sa wangis at larawan ni Jesucristo, na, tulad niya, tayo ay maaaring maging walang-sala tungo sa kaligtasan, tulad niya, tayo ay maaaring mapuspos ng dalisay na katalinuhan sa kanang kamay ng Diyos, upang mailuklok sa mga trono at magkaroon ng nasasakupan at kapangyarihan sa kinalalagyan natin kung saan tayo ay tatawagin upang kumilos. Pinatotohanan ko ang doktrinang ito, sapagkat ipinaalam at ipinadarama sa akin ng Panginoon ang katotohanan nito mula sa aking uluhan hanggang sa aking talampakan.3

Papanagutin ang tao sa buhay na darating para sa mga gawaing ginawa niya sa buhay na ito, at mananagot siya sa mga bagay na ipinagkatiwala sa kanya dito sa mundo, sa harapan ng Hukom ng kapwa buhay at patay, ang Ama ng ating mga espiritu, at ng ating Panginoon. Ito ang hangarin ng Diyos, na isang bahagi ng kanyang dakilang layunin. Hindi tayo naririto upang mabuhay ng ilang buwan o taon, upang kumain, uminon at matulog, pagkatapos ay mamatay, mawala at maglahong tuluyan. Nilikha ng Pinakamakapangyarihang Panginoon ang tao hindi upang mabuhay nang panandalian lamang, walang silbi at hindi ganap nang ganito.4

Kung hindi pa natin nalalaman bago tayo dumating [sa mundo] ang pangangailangan ng ating pagdating, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng katawan, ang kaluwalhatian na matatanggap sa pagkakaroon ng angkan, ang dakilang layunin na mararating dahil sa pagsubok—tinimbang sa timbangan, sa paggamit ng makadiyos na katangian, makadiyos na kapangyarihan at kalayaang pumili na ipinagkaloob sa atin; upang, pagkatapos na magpakababa sa lahat ng bagay, katulad ni Cristo, makaaakyat tayo sa itaas [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:6] at maging katulad ng ating Ama, Ina, at Nakatatandang Kapatid, Pinakamakapangyarihan at Walang Hanggan!—ay hindi natin nanaising pumarito.5

Walang anupaman sa silong ng langit na hihigit pang mahalaga para sa akin o sa mga anak ng tao kaysa sa dakilang plano ng buhay at kaligtasan na siyang binalangkas sa langit sa simula pa at ipinasa-pasa sa pana-panahon sa pamamagitan ng pagbibigay ng inspirasyon sa mga banal na kalalakihang tinawag ng Diyos hanggang sa araw ng pagparito ng Anak ng Tao, sapagkat ang ebanghelyong ito at ang plano ng kaligtasang ito ay inihayag sa ating unang mga magulang. Dinala ng anghel ng Diyos sa kanila ang plano ng pagtubos at ang kaligtasan mula sa kamatayan at kasalanan na inihahayag sa pana-panahon sa pamamagitan ng banal na awtoridad sa mga anak ng tao, at hindi ito nagbabago. Simula pa man, wala na itong kalabisan o hindi kinakailangan; walang maiwawaksi rito; ito ay buong plano na ginawa sa simula pa ng karunungan ng Ama at nga mga banal para sa pagtubos ng sangkatauhan at ng kanilang kaligtasan at kadakilaan sa kinaroroonan ng Diyos. … Sa lahat ng henerasyon ng panahon, ang gayunding ebanghelyo, plano ng buhay at kaligtasan, ordenansa, nangalibing kasama ni Cristo (tumutukoy sa simbolo ng pagbibinyag), pag-alaala sa dakilang sakripisyo na inialay para sa kasalanan ng sanlibutan at para sa katubusan ng mga tao ay ipinasa-pasa sa pana-panahon mula pa sa panahon ng paglikha.6

Ito ang plano ng buhay na ipinanumbalik ng Pinakamakapangyarihan sa tao sa mga huling araw para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao, hindi lamang sa daigdig na darating ngunit sa atin ding buhay sa kasalukuyan, dahil itinatag ng Panginoon ang kanyang gawain nang sa gayon maaaring matamo nang lubusan ng kanyang mga tao ang mga biyaya ng buhay na ito; na sila ay maligtas sa buhay na ito sa kasalukuyan gayon din sa kabilang buhay, na kailangan nilang itatag ang pundasyon dito para sa kaligtasan mula sa kasamaan at sa lahat ng epekto at mga bunga nito, na maaari nilang makamtan ang pamana sa kaharian ng Diyos sa kabila nitong lambak ng kalungkutan. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.7

Tunay na nangusap ang Diyos sa Kanyang tagapaglingkod na si Joseph Smith, at ipinakita ang Kanyang sarili sa kanya; hindi lamang ang Ama, gayon din ang Anak. Ipinakita nila ang kanilang sarili sa kanya at binigyan nila siya ng mga kautusan at batas, Ebanghelyo at plano ng buhay na walang-hanggan. Hindi lamang pinag-isipang mabuti ng planong ito ang kaligtasan mula sa kasalanan at mula sa epekto ng kasalanan dito sa mundo at sa darating, ngunit gayundin ang kadakilaan, kaluwalhatian, kapangyarihan at nasasakupan, na darating sa mga anak ng Diyos dahil sa kanilang pagsunod sa mga batas at alituntunin ng ebanghelyo.8

Pumarito tayo sa mundo upang ihanda ang ating mga sarili para sa buhay na walang hanggan.

Ang layunin ng buhay natin dito sa mundo ay magkaroon ng ganap na kaligayahan at maging anak ng Diyos, sa tunay na kahulugan ng salita, bilang tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Jesucristo [tingnan sa Taga-Roma 8:14–17], upang maging mga hari at saserdote sa Diyos, upang magmana ng kaluwalhatian, nasasakupan, kadakilaan, mga trono at bawat kapangyarihan at katangian na nahubog at nakamtan ng ating Ama sa Langit. Ito ang layunin ng pagparito natin sa mundo. Upang makamtan ang kadakilaang ito, kailangan nating maranasan ang buhay o pagsubok dito sa mundo kung saan maaari nating mapatunayan na karapat-dapat ang ating sarili, sa tulong ng ating nakatatandang kapatid na si Jesus.9

Ang layunin ng ating pagparito sa mundo ay gawin ang kalooban ng ating Ama kung paano sa langit, gumawa ng kabutihan sa mundo, gapiin ang kasamaan at tapakan ang mga ito, talunin ang kasalanan at ang kaaway ng ating kaluluwa, pagtagumpayan ang kamalian at kahinaan ng aba, at naligaw na sangkatauhan sa pamamagitan ng inspirasyon ng Pinakamakapangyarihang Diyos at kanyang ipinakitang kapangyarihan, at sa gayon maging mga banal at tagapaglingkod ng Panginoon sa mundo.10

Lahat tayo ay mamamatay. Ngunit ito ba’y katapusan na natin? Kung mayroon tayong pinanggalingan bago tayo pumarito, tiyak na ipagpapatuloy natin ito sa panahong iwanan natin ang buhay na ito. Patuloy na mabubuhay ang espiritu na kagaya ng dati, na may karagdagang kapakinabangan na nakamtan sa panahon ng kanyang pagsubok. Kailangang-kailangang pumarito tayo sa mundo at magkaroon ng katawan; sapagkat kung wala tayong katawan hindi tayo maaaring maging katulad ng Diyos o katulad ni Jesucristo. … Itinalaga tayo na bumangon mula sa ating mga libingan katulad ni Jesus, at magkaroon ng imortal na katawan katulad niya—gayon nga, ang ating mga katawan ay maging imortal katulad ng katawan ni Jesus na naging imortal, na ang espiritu at katawan ay magsasamang muli at magiging isang buhay na nilalang, hindi mahahati, hindi mapaghihiwalay, walang hanggan.11

Inaasahan ko ang panahong ito sa oras na lumisan na ako sa mundong ito, doon ay maaari ko nang matamasa ang bawat kaloob at biyaya na naging dahilan ng aking kaligayahan sa daigdig na ito; lahat-lahat. Hindi ako naniniwala na may isang bagay na itinakda na siyang makapagpapaligaya o makapagpapasaya sa akin, na ipagkakait sa akin pagkatapos ng buhay na ito, kinakailangan lang na maging matapat ako; kung hindi ang kaligayahan ko ay hindi magiging ganap. … Tinutukoy ko ang kaligayahan sa karanasan sa pagsunod sa kalooban ng Diyos dito sa lupa, katulad sa langit. Inaasahan natin na mapapasaatin ang ating asawa sa kawalang hanggan. Inaasahan ko na kikilalanin kami ng aming mga anak bilang mga magulang nila sa walang hanggan. Inaasahan ko ito; wala na akong hinahanap pa. Kung wala ito, hindi ako magiging maligaya.12

Ang mga alituntunin ng ebanghelyo na siyang inihayag ng Panginoon sa mga panahong ito ang siyang gagabay sa atin patungo sa buhay na walang hanggan. Ito ang hinahangad natin, ang dahilan kung bakit nilikha tayo at ang mundo. Ang dahilan kung bakit tayo narito ay upang mapagtagumpayan natin ang bawat kamalian at maihanda ang ating sarili sa buhay na walang hanggan sa hinaharap. …

Ngayon maging matapat at mapagkumbaba tayo; ipamuhay natin ang relihiyon ni Cristo, iwaksi ang ating mga kamalian at kasalanan at ang kahinaan ng ating laman, at tumangan sa Diyos at sa kanyang katotohanan nang may buong puso, at may ganap na determinasyon na makipagbaka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya at manatiling matatag hanggang sa huli.13

Ang isa sa pinakamahalagang layunin ng ating buhay ay iayon ito sa larawan at wangis ni Jesucristo.

Naniniwala ako na ang ating Tagapagligtas ang siyang tanging buhay na halimbawa sa lahat ng laman. … Inutusan niya tayong gawin ang mga gawaing ginawa niya. Inaanyayahan niya tayo na sundin siya, katulad ng pagsunod niya sa kanyang Ama, na kung nasaan siya, maaaring naroon din tayo; at ang makasama siya, maaari tayong maging tulad niya.14

Ang mahalagang bagay na isasaalang-alang ay hindi kung gaano tayo katagal mabubuhay kundi kung gaano tayo natuto sa mga aral ng buhay, at sa pagtupad ang ating mga tungkulin at obligasyon sa Diyos at isa’t isa. Ang isa sa mga pinakamahalagang layunin ng ating buhay ay maiayon natin ang ating sarili sa larawan at wangis niya na nanahan sa laman nang walang bahid-dungis—busilak, dalisay at walang kasalanan! Pumarito si Cristo hindi lamang upang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan, kundi magpakita ng halimbawa sa lahat ng tao at itatag ang pamantayan ng pagiging ganap ng Diyos, ng batas ng Diyos, at ng pagsunod sa Ama.15

Walang doktrina ang makakapantay pa sa pagiging ganap ng doktrina ni Jesucristo. … Inihayag niya sa atin ang daan sa kaligtasan, mula sa simula, at sa lahat ng pasikut-sikot ng buhay patungo sa walang katapusang kadakilaan at kaluwalhatian sa kanyang kaharian, at sa panibagong buhay roon. …

Sa katunayan, maligaya ang isang tao na makatatanggap ng patotoong nakasisiya sa kaluluwa, at magiging panatag at hindi namaghahanap pa ng ibang daan para sa kapayapaan maliban sa mga doktrina ni Jesucristo. Itinuturo ng kanyang ebanghelyo sa atin na ibigin ang ating kapwa, gawin sa iba ang nais mong gawin ng iba sa iyo, maging matwid, maawain, mapagpatawad, at isagawa ang lahat ng mabuting gawa na pinlano para sa layuning paunlarin ang kaluluwa ng tao. …

… “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.” [Mateo 11:28] Ang kanyang panawagan sa lahat ng anak ng mga tao.16

Si Cristo ay dakilang halimbawa sa sangkatauhan, at naniniwala ako na ang sangkatauhan ay inordenan din simula pa upang maging tulad niya, katulad na siya ay inordenan sa simula pa na maging Manunubos ng tao. … Tayo ay nilikha … sa anyo ng Diyos, sa pisikal, at maaaring maging tulad niya sa espirituwal, at katulad niya sa pagkakaroon ng kaalaman, katalinuhan, karunungan at kapangyarihan.

Ang dakilang layunin ng ating pagparito sa mundo ito ay maging katulad ni Cristo, sapagkat kung hindi tayo magiging katulad niya, hindi tayo magiging anak na lalaki ng Diyos, at magiging mga kasamang tagapagmana ni Cristo.17

Sundin natin ang Anak ng Diyos. Gawin natin siyang halimbawa, at ating gabay. Tularan siya. Gawin ang kanyang ginawa. Maging tulad niya, hanggang sa abot ng ating makakaya na ganap at walang kasalanan.18

Mayroon tayong pag-asa ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan lamang ni Cristo at ng ating pagsunod sa Kanyang ebanghelyo.

Walang pangalang ibinigay, sa silong ng langit, maliban sa pangalan ni Jesucristo, upang kayo ay maligtas o madakila sa Kaharian ng Diyos.19

Ang taong nakapasa sa panahon ng kanyang pagsubok, at matapat, na natubos mula sa kasalanan ng dugo ni Cristo, sa pamamagitan ng mga ordenansa ng ebanghelyo, at makamit ang kadakilaan sa kaharian ng Diyos, ay hindi mas nakabababa subalit mas mataas pa sa mga anghel.20

Pumasok tayo sa kasunduan ng bago at walang hanggang tipan na nakikipagkasundo na susundin natin ang mga kautusan ng Diyos sa lahat ng bagay na kanyang iuutos sa atin. Ito ay walang hanggang tipan maging sa katapusan ng ating buhay. … Hindi natin kailanman makikita ang araw sa panahon ni sa kawalang hanggan, kung kailan hindi naman kinakailangan, at kung kailan hindi na kasiyahan at tungkulin para sa atin, bilang kanyang mga anak, na sundin ang lahat ng kautusan ng Panginoon sa walang katapusang panahon ng kawalang hanggan. Sa mga alituntuning ito, tayo ay nakikipag-ugnayan sa Diyos, at nananatiling naaayon sa kanyang mga layunin. Sa ganitong paraan lamang natin natutupad ang ating misyon, at makakamtan ang ating korona at kaloob na buhay na walang hanggan, na siyang pinakadakilang sa kaloob ng Diyos. May naiisip pa ba kayong ibang paraan?21

Walang kaligtasan kundi sa daan na itinuro ng Diyos. Walang pag-asa sa buhay na walang katapusan kundi sa pagsunod sa batas na kaakibat ng Ama ng buhay,” na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pag-iiba” [Santiago 1:17]; at wala nang iba pang daan kung saan matatamo natin ang liwanag at kadakilaan. Ang mga bagay na iyon ay walang pag-aalinlangan sa aking isipan; Alam ko na totoo ang mga ito.22

Ang lahat ng pagpapala, pribilehiyo, kaluwalhatian, o kadakilaan ay matatamo lamang dahil sa pagsunod sa batas kung saan ang mga ito ay ipinangako. Kung susundin natin ang batas, makatatanggap tayo ng gantimpala; subalit hindi natin ito matatanggap sa ibang paraan.23

Maging si Cristo ay hindi ganap sa simula; hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit tumanggap nang biyaya sa biyaya, at nagpatuloy sa pagtanggap nang higit at higit pa hanggang sa tanggapin niya ang kaganapan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:11–13]. Di ba’t gayon din dapat sa mga anak ng tao? Mayroon na bang mga taong ganap? Mayroon na bang taong nakatanggap ng kaganapan nang minsanan? Narating na ba natin ang punto kung saan maaari na nating matanggap ang kaganapan ng Diyos, ang kanyang kaluwalhatian, at kanyang katalinuhan? Hindi pa, at, gayunman, kung si Jesus, na Anak ng Diyos, at ang Ama ng Kalangitan at ng mundo kung saan tayo nananahan, ay hindi natanggap ang kaganapan sa simula, subalit umunlad sa pananampalataya, kaalaman, pang-unawa at biyaya hanggang sa matanggap niya ang kaganapan, hindi imposible para sa lahat ng kalalakihan na isinilang ng mga kababaihan na tumanggap nang kaunti rito, kaunti roon, taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, hanggang matanggap nila ang kaganapan, katulad ng natanggap niya ang kaganapan, at madakila kasama niya sa kinaroroonan ng Ama?24

Nabubuhay ako para sa sarili kong kaligtasan ngayon at sa susunod na buhay; ang kasunod ay para sa aking mga anak at ang kanilang mga pinakamamahal at pinakagigiliw na ina. Walang bagay rito sa mundo ang magagawa ko na makapagpapatibay ng maluwalhating layuning ito na matatawag na sakripisyo. Ito ay gawang bunga ng pag-ibig, isang layunin para sa buhay na walang hanggan at kaganapan ng kagalakan. “Siya na may buhay na walang hanggan ay mayaman.” [Doktrina at mga Tipan 6:7.]25

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Sino ang may-akda ng plano ng kaligtasan? Paano makatutulong sa atin ang kaalamang ito sa ating buhay dito sa mundo?

  • Ano ang mga layunin ng ating buhay dito sa mundo? Paano ipinakikita ng inyong buhay ang kaalamang iyon?

  • Bakit gayon ding plano ng kaligtasan ang inihahayag ng Panginoon sa bawat dispensasyon? Paano gumagawa ang plano ng ebanghelyo sa ating kaligtasan “sa buhay sa kasalukuyan gayon din sa buhay na darating”?

  • Bakit kinakailangan nating magkaroon ng katawan? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:33–34.) Paano natin magagamit ang mga katawang ito upang maisakatuparan ang kalooban ng Diyos?

  • Sa paanong paraan ang Tagapagligtas ay “dakilang halimbawa” natin? Ano ang gagawin natin upang maging alinsunod sa “larawan at wangis” ni Cristo at maging katulad niya?

  • Bakit kinakailangan ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos sa panahon at kawalang-hanggan? Paano nagiging “kasiyahan at tungkulin na rin” ang pagsunod sa Panginoon?

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng tumanggap nang “biyaya sa biyaya”? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:12.) Sa anong paraan kayo ay mas umunlad na tulad ng Tagapagligtas nang “kaunti rito at kaunti roon, taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin”?

  • Bakit hindi isang pagsasakripisyo ang paggawa natin kung ito ay ginagawa lamang para sa ating sariling kaligtasan o kaligtasan ng iba?

Mga Tala

  1. Talaarawan ni Joseph F. Smith, ika-13 ng Nob. 1874, sinipi sa Francis M. Gibbons, Joseph F. Smith; Patriarch and Preacher, Prophet of God (1984), 98.

  2. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon, (1939), 11.

  3. Gospel Doctrine, 6.

  4. Gospel Doctrine, 21–22.

  5. Gospel Doctrine, 13.

  6. Gospel Doctrine, 11.

  7. Gospel Doctrine, 72–73.

  8. Sa Conference Report, Oct. 1909, 3.

  9. Gospel Doctrine, 439.

  10. Gospel Doctrine, 249.

  11. Gospel Doctrine, 32–33.

  12. Gospel Doctrine, 65.

  13. Gospel Doctrine, 85.

  14. Gospel Doctrine, 13.

  15. Gospel Doctrine, 270.

  16. Gospel Doctrine, 127–28.

  17. Gospel Doctrine, 18.

  18. Gospel Doctrine, 180.

  19. Gospel Doctrine, 3.

  20. Gospel Doctrine, 18.

  21. Gospel Doctrine, 210.

  22. Gospel Doctrine, 503.

  23. Gospel Doctrine, 441.

  24. Gospel Doctrine, 68.

  25. Si Joseph F. Smith para sa isa sa kanyang mga anak, 1907, sinipi sa Life of Joseph F. Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1938), 454.

Christ and the Samaritan Woman

Si Cristo at any Babaing Samaritana, ni Carl Bloch. Itinuro ng Tagapagligtas sa babaing Samaritana malapit sa Balon ni Jacob na Siya ang Tagapagligtas ng sanlibutan (Tingnan sa Juan 4:5–30).