Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 5: Ang Inspirasyon at Kabanalan ng mga Kasulatan


Kabanata 5

Ang Inspirasyon at Kabanalan ng mga Kasulatan

Nararapat na masigasig na pag-aralan ng mga miyembro ng Simbahan ang mga banal na kasulatan at masigasig ding ipamuhay ang mga alituntunin na itinuro sa mga pamantayang banal na kasulatan.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Sa buong paglalakbay patungo sa Lambak ng Salt Lake noong 1848, si Mary Fielding Smith kasama ang kanyang anak na si Joseph at ang iba pang miyembro ng mag-anak ay nag-aral ng mga banal na kasulatan sa tanglaw ng ilawan at liwanag na nanggagaling sa nagniningas na panggatong. Ito ang mga pinakaunang araw ng espirituwal na edukasyon ni Joseph na natanggap niya mula sa kanyang ina sa tolda, sa kampo, at sa parang.1 Sa paglipas ng panahon, naalaala ni Pangulong Joseph F. Smith: “Bata pa lamang ako ay nakintal na sa akin, nang malalim, na iniisip, at matatag na naniniwala, sa aking kaluluwa na ang mga pahayag na ibinigay kay at sa pamamagitan ni Joseph ang Propeta … ay mga salita ng Diyos, gaya ng mga salita ng mga sinaunang disipulo nang sila’y magpatotoo sa Ama at sa Anak. Ang impresyong iyon na nakintal sa akin sa aking pagkabata ay sumubaybay sa lahat ng panahon ng kasayahan at kahirapan nang mahigit animnapung taon ng tunay at kapaki-pakinabang na karanasan sa larangan ng misyon, sa lahat ng bansa ng daigdig, at sa sariling bayan sa gitna ng mga tagapaglingkod na binigyan ng karapatan ng Diyos.”2

Sa pangkalahatang komperensiya na nagaganap noong ika-10 ng Oktubre 1880, ang unang Panguluhan ng Simbahan—si Pangulong John Taylor at ang kanyang mga Tagapayong sina George Q. Cannon at Joseph F. Smith—ay iniharap sa Simbahan ang Mahalagang Perlas at ang ilang karagdagang bahagi ng Doktrina at mga Tipan “bilang mga paghahayag mula sa Diyos sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling araw, at sa buong daigdig.”3 Sa pamamagitan ng lubusang pagsang-ayon ng lahat, ang mga pahayag na ito ay tinanggap ng mga miyembro ng Simbahan, sa gayon, pinalalawak ang pamantayan ng mga banal na kasulatan ng Simbahan. Para kay Pangulong Smith, ang mga banal na kasulatan ay mananatiling di-pabagu-bagong pinagkukunan ng “kayamanang espirituwal.”4 Ginamit niya ang mga banal na kasulatan sa kanyang pagtuturo sa buong buhay niya, at habang pinagbubulay-bulay ang banal na kasulatan natanggap niya ang dakilang pahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan bahagi 138.

Mga Turo ni Joseph Smith

Ang mga banal na kasulatan ay naghahatid ng mga salita ng pag-ibig at kayamanang espirituwal.

Sa [mga yaong] nalilito kung ano ang gagawin sa lahat ng ibaibang turo na kasalukuyang umiiral sa daigdig, sinisabi ko: Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan, hanapin ang Diyos sa panalangin, at pagkatapos basahin ang mga doktrina na ipinahayag ni Cristo sa kanyang pangangaral sa bundok, na matatagpuan sa Mateo, at binanggit muli sa mga sinaunang banal sa lupalop na ito [ng Amerika.] (3 Nephi). Dahil pinag-aralan ang mga dakilang pamantayang ito, at sinaliksik malalim ang kahalagahan ng mga di-mapapantayang damdamin nito, maaari mong hamunin ang mga pilosipiya ng daigdig, o anumang moral na alituntunin ng daigdig na maglabas ng anumang bagay na kasinghalaga ng pangangaral sa bundok. Ang karunungan ng mga tao ay hindi maihahambing sa mga ito. Inaakay ng mga ito ang mga mapamayapang tagasunod ni Cristo na makahanap ng kapahingahan, at ginagawang maging ganap ang sangkatauhan katulad niya na ganap. Walang pilosopo ang nakapangusap nang katulad ng sinabi ni Jesus,”Magsiparito sa akin.” Mula sa simula ng daigdig hanggang sa kasalukuyang panahon, walang pilosopo ang nanawagan nang gayong salita ng pag-ibig sa mga tao, ni nagbigay ng katiyakan at nagpahayag ng kapangyarihan ng kanyang sarili upang magligtas. “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking pagpapahingahin,” ang kanyang panawagan sa lahat ng mga anak na lalaki at babae ng mga tao [Mateo 11:28].

Tinugon ng mga Banal sa mga Huling Araw ang panawagan, at libu-libo sa gayong paraan ang nakasumpong ng kapahingahan at kapayapaan na di-mahihigtan ng lahat ng pang-unawa; at sa kabila ng impluwensiya sa labas, mahigpit na pagsubok, ng kaguluhan at ng labanan, kanilang nalampasan ang mga ito. Sila ay napahinga sa kaalamang walang tao ang makapagpapahayag o makapagtuturo ng gayong doktrina; ito ang siyang katotohanan ng Diyos.5

Ang yaong nagpapakilala nang higit sa lahat ng inspirasyon at pagkabanal ng mga Banal na Kasulatan ay ang diwa kung saan nasulat ang mga ito at ang kayamanang espirituwal na dinadala ng mga ito sa mga yaong masigasig at maingat na nagbabasa ang mga ito. Ang ating pakikitungo, samakatuwid, sa mga Banal na Kasulatan ay nararapat na naaayon sa mga layunin kung bakit nasulat ang mga ito. Ang mga ito ay inilaan upang palawakin ang mga espirituwal na kaloob at upang ihayag at patibayin ang bigkis ng pakikipag-ugnayan sa pagitan niya at ng kanyang Diyos. Ang Biblia, katulad ng lahat ng iba pang Banal na Kasulatan, upang mapahalagahan ay kailangang pag-aralan ng mga yaong nahihilig sa espirituwal at ng mga naghahanap ng mga espirituwal na katotohanan.6

Ang pinakadakilang gawain na magagawa ng sangkatauhan sa daigdig na ito ay bihasain ang kanilang mga sarili sa banal na katotohanan, nang buung-buo, nang ganap, nang sa gayon ang halimbawa o kilos ng masasamang nilalang na nabubuhay sa daigdig ay hindi kailanman makapagpapaalis sa kanila mula sa kaalamang kanilang nakamtan. “Sa mga yapak ng ating Panginoon,” ang pinakadakila sa lahat ng mga guro na tinanggap ng daigdig na ito, ay siyang pinakaligtas at pinakatiyak na landas, na nalalaman ko upang tahakin dito sa daigdig. Masasaisip natin ang mga tuntunin, doktrina at ang banal na salita ng Panginoon, nang walang takot na mabibigo ang huwaran ng pagsasakatuparan at pagsasagawa ng kanyang mga sariling tuntunin at pagtupad sa kanyang mga sariling doktrina at hinihingi.7

Ang mga makabagong banal na kasulatan ay nagtuturo sa atin ng salita ng Diyos at nagpapatotoo na si Jesus ang Cristo.

Sa pamamagitan ng patotoo ng Banal na Espiritu ng Diyos sa akin, alam ko na ang aklat na ito, ang Aklat ng Doktrina at mga Tipan, na hawak ko sa aking mga kamay, ay salita ng Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith sa sanlibutan, at lalung-lalo na sa mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong daigdig, at na sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos naisalin niya ang aklat na ito (ang Aklat ni Mormon) mula sa orihinal nitong wika, at mula sa mga nakaukit sa mga laminang ginto sa wikang nababasa natin ngayon sa mga pabalat ng aklat na ito; at naglalaman ito ng kabuuan ng walang kamatayang Ebanghelyo. Aakayin nito ang mga tao sa pagtatamo ng kaalaman ng katotohanan upang mailigtas at maibalik silang muli sa harapan ng Diyos at makibahagi sa Kanyang kaluwalhatian at sa mga buhay na walang hanggan.8

Si Cristo ang siya ring gumiba ng mga hadlang ng libingan, napagtagumpayan ang kamatayan at ang libingan at bumangon. “ang pangunahing bunga ng nangatutulog.” [1 Mga Taga-Corinto 15:20.].… Nasaksihan at nagpatotoo ang [Kanyang] mga disipulo sa pagkabuhay na mag-uli, at ang kanilang patotoo ay hindi maaaring pag-alinlanganan. Samakatuwid ito ay tumatayong matatag, at totoo at tapat.

Subalit ito lang ba ang mga patunay na mayroon tayo na mapanghahawakan? Wala na bang iba maliban sa patotoo ng mga sinaunang disipulo upang dito isalalay ang ating mga pag-asa? Salamat sa Diyos at mayroon pa. At makatutulong sa atin ang karagdagang patunay na nasa atin na maging mga saksi sa katotohanan ng patotoo ng mga sinaunang disipulo. Dumako tayo sa Aklat ni Mormon; nagpapatotoo ito sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo sa payak at malinaw na mga salita; maaari tayong dumako sa Aklat ng Doktrina at mga Tipan na naglalaman ng mga pahayag sa dispensasyong ito, at matatagpuan natin dito ang malinaw at mahusay na pagpapaliwanag ng katibayan. Mayroon tayong patotoo ni Propetang Joseph Smith, ng patotoo ni Oliver Cowdery, at ng patotoo ni Sidney Rigdon, na nakita nila ang Panginoong Jesus—ang siya ring ipinako sa Jerusalem—at na inihayag niya ang Kanyang sarili sa kanila [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:22–24.]9

Ang Aklat ni Mormon [ay] isang aklat ng banal na kasulatan na isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, sapagkat ipinahayag ng tinig ng Diyos sa tatlong saksi na isinalin ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos at na ito ay totoo. Nagpahayag at nagpatotoo ang tatlong saksi sa katotohanan nito, at ang walong iba pang saksi, maliban pa kay Propetang Joseph Smith, ay nagpahayag na nakita nila ang mga lamina at nahawakan ang mga ito, at nakita ang mga nakaukit doon, na nalalaman nila na si Joseph Smith ang mayhawak ng mga lamina kung saan isinalin ang Aklat ni Mormon.10

Ang Aklat ni Mormon, kung saan naging instrumento si Joseph Smith sa mga kamay ng Diyos sa pagdadala sa henerasyong ito, ay naisalin na sa wika ng Aleman, Pranses, Danes, Swedish, Welsh, Hawai, Hindustani, Espanyol, at Olandes, at isasalin pa ang Aklat na ito sa iba pang mga wika, sapagkat alinsunod sa mga nilalaman nitong pagbabadya, at alinsunod sa mga pangako ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith, ito ay dadalhin sa lahat ng bansa, at lahi, at tao sa silong ng buong kalangitan, hanggang sa ang lahat ng anak na lalaki at babae ni Adan ay magkakaroon ng pribilehiyo na pakinggan ang ebanghelyo na ipinanumbalik sa mundo sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon.11

Na ipaaalam ng Diyos ang kanyang mga layunin sa mga Lamanita sa kanyang sariling takdang panahon at pamamaraan ay walang pag-aalinlangan sa mga isipan ng mga yaong naniniwala sa banal na pinagmulan ng Aklat ni Mormon—sapagkat sa aklat na iyon ang katotohanang ito ay ginawang lubos na malinaw, subalit kung paano niya gagawin ang gayon sa bawat detalye, at kung anong mga kaparaanan ang kanyang gagamitin upang matupad ang kanyang mga layunin sa bagay na ito, ay maaaring maging paksa ng haka-haka na lampas pa sa tunay na inihayag. Ang isa sa mga kaparaanan, na alam natin, ay ang mismong Aklat ni Mormon.12

Sinasabi ko sa aking mga kapatid na ang aklat ng Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng ilan sa mga pinakamaluwalhating alituntunin na inihayag sa sanlibutan, ang ilan ay inihayag nang may higit na kabuuan kaysa sa inihayag noon sa dagidig, at ito, sa katuparan ng pangako ng mga sinaunang propeta na sa mga huling panahon ihahayag ng Panginoon ang mga bagay sa sanlibutan na pinanatiling nakatago mula pa sa pagkakatatag niyon; at inihayag ang mga ito ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.13

Naniniwala ako sa pagiging Diyos ni Jesucristo, sapagkat higit kailanman ay mas malapit na ako sa pagkakaroon ng tunay na kaalaman na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos, sa pamamagitan ng patotoo ni Joseph Smith na nasa aklat na ito, ang Doktrina at mga Tipan, na Siya ay nakita niya, na Siya ay narinig niya, na nakatanggap siya ng mga tagubilin mula sa Kanya, na sinunod niya ang mga yaong tagubilin, at na siya ngayon ay tumatayo sa harapan ng daigdig bilang huling dakila, tunay, buhay na saksi ng pagiging Diyos ng misyon ni Cristo at ng Kanyang kapangyarihan upang tabusin ang tao mula sa kamatayang temporal at gayon din mula sa pangalawang kamatayan na kasunod ng sariling pagkakasala ng tao, sa di-pagsunod sa mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo.14

Pag-aralan ang mga pamantayang banal na kasulatan upang makamtam ang kaalaman ng salita ng Diyos.

Madalas kong matuklasan sa aking karanasan sa pagbabasa ng mga talata sa Banal na Kasulatan na dinadala ng Espiritu sa aking isipan ang bagong liwanag at ipinakikita sa aking pang-unawa ang mga kaisipan at pananaw na sa wari’y bago sa akin, bagama’t alam na alam ko na mga yaong Banal na Kasulatan at nabasa na ang mga ito nang maraming beses. Sa katunayan, may kakaiba akong natutuklasan kasabay ng pagbabasa ng Salita ng Diyos, na sa tuwing binabasa ko ito, sadyang nakapagpapanariwa ito ng kaluluwa, nakapagpapasigla ng espiritu ng tao, naglalapit sa kanya, kung maaari, sa bukal ng liwanag, katotohanan, karunungan, pag-ibig at kaalaman. Samakatuwid, makabubuti para sa mga Banal sa mga Huling Araw na basahin nang madalas ang salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia, sa Aklat ni Mormon at sa Doktrina at mga Tipan, at gayon din sa pagtalakay ng mga namumunong Elder ng Simbahan na may layunin na gawing malinaw ang mga batas ng Diyos sa ikauunawa ng mga anak ng mga tao.

At sa pagbabasa ng salita ng Panginoon dapat nating isaalangalang ang pagsasagawa nito sa ating buhay sa mga pangyayari at kalagayan kung saan natagpuan natin ang ating mga sarili, at dapat tayong magbulay-bulay kung nakasusunod ba tayo sa mga hinihingi ng Ebanghelyo o hindi, at kung nasa mga puso ba natin ang Espiritu na kasama ng gawain at salita ng Panginoon. Hindi tayo dapat magbasa upang masabi lamang na nagbabasa tayo; subalit dapat tayong magbasa nang may espiritu at pang-unawa, nang sa gayon ay makinabang tayo, at maihayag ang katotohanan, hangga’t maaari, sa ating ikauunawa, at maikintal ang mga ito sa ating mga isipan nang hindi na mawala pa ito sa atin, sa halip ay mapasaatin katulad ng isang batis na bumubukal tungo sa buhay na walang hanggan, at maging di-nagkukulang na pinagkukunan ng katotohanan, ng liwanag, ng kagalakan at ng kapayapaan na magpapatuloy sa ating mga puso.15

Nararapat na alamin hangga’t maaari ng lahat ng miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga salitang nakatala sa Bagong Tipan, lalung-lalo na ang tungkol sa mga yaong bagay na sinabi ng Tagapagligtas at itinala ng mga apostol. Ang Aklat ni Mormon ay nararapat basahin nang maingat, at ang Aklat ng Doktrina at mga Tipan ay nararapat basahin nang napakaingat ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga ito ang mga pamantayang banal na kasulatan ng Simbahan at naglalaman ang mga ito ng katotohanan, hindi kamalian, hindi mga salita at opinyon ng mga tao, hindi nobela o maikling kuwentong kinatha lamang, hindi pala-palagay, subalit katotohanan, salita ng Diyos, sapagkat ang salita ng Diyos ay katotohanan, at ang mga bagay na ito ang dapat na lubusang maunawaan ng ating mga anak, ng ating mga ama at ina. Alamin natin ang katotohanan sapagkat ang katotohanan ang siyang nagpapalaya sa atin at magpapalaya sa atin mula sa kamalian, mula sa pamahiin,mula sa maling tradisyon, mula sa maling agham, at mula sa mga maling palagay ng mga tao at walang kabuluhang pilosopiya ng daigdig. Kung matutuhan natin ang katotohanan, sa gayon tayo ay magiging malaya mula sa mga yaong mali at mula sa kapangyarihan ng kamalian na may malakas na impluwensiya sa daigdig.

Nais nating malaman ng ating mga anak ang katotohanan ng Diyos at hindi ang mga maling palagay ng sanlibutan at nais naming pag-aralan ninyo ang mga yaong aklat kung saan makatatamo kayo ng kaalaman ng salita ng Panginoon tungkol sa atin.

Ang ilan sa ating mga makatwirang tao ay nagbabasa ng marami sa mga aklat na inilalathala sa ngayon, na tinatawag nilang mga sikat na katha subalit wala silang oras na basahin ang Salita ng Panginoon. Magaganda ang karamihan sa mga aklat na ito, subalit kadalasan maraming mga ideya ang inilalahad sa mga magagandang salita, maaayos na pangungusap o damdamin katulad ng mga namukadkad na bulaklak sa tangkay na walang ugat. Ang tunay na katotohanan ay makakamtan mula sa mga aklat na pinagtibay natin bilang mga pamantayang banal na kasulatan ng Simbahan. Nakikita ko ang karamihan sa ating mga tao na higit na binabasa ang mga bagay na isinulat ng ilang kilalang may-akda ng mga aklat kaysa sa pagbabasa ng mga bagay ng Diyos. Hindi nila nalalaman ang isang bagay tungkol sa tunay na pinakadiwa ng Ebanghelyo ni Jesucristo, hindi nila nalalaman o nauunawaan ang isang bagay tungkol sa mga seremonya ng Pagkasaserdote at ng mga alituntunin ng pamamahala na inihayag ng Diyos sa mga anak ng tao upang mapanatili ang kaharian ng Diyos dito sa mundo. Mas nalalaman nila ang maraming bagay hinggil sa mga nobela kaysa sa Biblia, sa Aklat ni Mormon, at sa Doktrina at mga Tipan—oo, nang higit pa.16

Kagulat-gulat na marinig ang napakaraming katanungang patuloy na ipinadadala sa Panguluhan ng Simbahan, sa iba pang mga kapatid ko na nasa pamumuno, para sa kaalaman sa mga ilan sa mga pinakapayak na bagay na nauukol sa Ebanghelyo. Daan-daang katanungan, pakikipag-ugnayan, at liham ang ipinadadala sa amin oras-oras na humihingi ng kaalaman at tagubilin sa mga bagay na nakasulat nang malinaw sa mga pahayag ng Diyos—na nasa Aklat ni Mormon, sa Doktrina at mga Tipan, sa Mahalagang Perlas, at sa Biblia—nasa wari ang sinumang makababasa nito ay makauunawa.17

Mayroon tayong katotohanan sa ebanghelyo. Kung gayon ang pangyayari, ay nagpapatotoo ako na gayon nga, samakatuwid karapat-dapat ito sa bawat pagsisikap natin na unawain ang katotohanan, ang bawat isa para sa kanyang sarili, at ibahagi ito nang may espiritu at isagawa sa ating mga anak.… Nararapat itong gawin araw-araw, at sa tahanan, sa pamamagitan ng tuntunin, pagtuturo at pagpapakita ng halimbawa.… Maglaan ng sampung minuto sa pagbabasa ng isang kabanata mula sa mga salita ng Panginoon sa Biblia, sa Aklat ni Mormon, sa Doktrina at mga Tipan, bago kayo matulog, o bago kayo magsimula sa inyong pang-araw-araw na gawain. Pakainin ninyo ang sarili ninyong espiritu sa tahanan, gayon din sa mga pampublikong pook.18

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Paano “inaakay sa kapahingahan ang mga mapamayapang tagasunod ni Cristo” ng mga banal na kasulatan at ginagawa tayong maging ganap? Paano kayo tinutulungan ng mga ito na maging mapamayapang tagasunod ni Cristo?

  • Ano ang mga “layunin kung bakit [ang mga banal na kasulatan] ay nasulat”? Paano nito “napagtitibay ang bigkis ng pakikipag-ugnayan” sa pagitan natin at ng Diyos?

  • Ano ang naramdaman ninyo kapag pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan? Anong mga pag-uugali ang dapat na taglay natin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

  • Anong mga talata sa Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, o Mahalagang Perlas ang higit na nakapagpalakas ng inyong patotoo na si Jesus ang Cristo? Anong mga talata ang nakapagpalakas ng inyong patotoo sa banal na tungkulin ni Propetang Joseph Smith?

  • Paano ipinakikita nang malinaw sa kasalukuyan ang mga layunin ng Diyos sa mga inapo ng mga tao sa Aklat ni Mormon?

  • Ano ang ilang “pinakamaluwalhating alituntunin na inihayag sa daigdig na matatagpuan sa Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas? Anong kaibahan ang ginawa ng mga alituntuning ito sa inyong buhay?

  • Ano ang ibig sabihin nang basahin nang napakaingat ang mga banal na kasulatan? Bakit dapat nating gawin ito? Paano kayo naging matagumpay sa pagbabasa at pag-aaral ng mga ito?

  • Paano tayo makatitiyak na tayo at ang ating mga mag-anak ay hindi pinahihintulutang mauna ang mga kilalang aklat, palabas, at iba pang libangan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

  • Ano ang kahalagahan ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa sarili at sa mag-anak? Paano ninyo o ng iba pa matagumpay na naisama ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa inyong abalang personal at pang-mag-anak na pamumuhay?

Mga Tala

  1. Tingnan sa Edward H. Anderson, “A Biographical Sketch,” sa Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 529.

  2. Gospel Doctrine, 493.

  3. “Fiftieth Semi-Annual Conference,” Millennial Star, ika-15 ng Nob. 1880, 724.

  4. Gospel Doctrine, 45.

  5. Gospel Doctrine, 128.

  6. Gospel Doctrine, 45–46.

  7. Gospel Doctrine, 3–4.

  8. Sa Collected Discourse Delivered by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostles, and Others, tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo (1987-92), 5:29.

  9. Gospel Doctrine, 444–45; binago ang ayos ng pagtatalata.

  10. Gospel Doctrine, 466.

  11. Gospel Doctrine, 481.

  12. Gospel Doctrine, 378.

  13. Gospel Doctrine, 45.

  14. Gospel Doctrine, 495.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, ika-6 ng Peb. 1893, 2, idinagdag ang pagtatalata.

  16. “Reading,” Young Woman’s Journal, Ago. 1917, 412–13.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1915. 138.

  18. Gospel Doctrine, 301–2.

first Hawaiian Book of Mormon

Ang kopya ni Pangulong Joseph F. Smith ng unang edisyon ng Aklat ni Mormon sa wika ng mga taga-Hawai, 1905. Gayundin ang isinalin sa wika ng mga taga-Hawai na Doktrina at mga Tipan at Mahalagang Perlas, na ibinigay sa kanya sa araw ng paglalaan ng pook na pagtatayuan ng Templo sa Hawai noong 1915.