Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 13: Manindigan sa Katotohanan Upang Hindi Kayo Malinlang


Kabanata 13

Manindigan sa Katotohanan Upang Hindi Kayo Malinlang

Kailangan nating mamuhay alinsunod sa dalisay, makatotohanang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo at iwasan ang kabulaanan at kamalian ng mga manlilinlang.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Limang buwan pa lamang ang nakalipas mula ng umuwi si Joseph F. Smith galing sa kanyang misyon sa Great Britain nang muling tawagin ni Pangulong Brigham Young na maglingkod sa kanyang pangatlong misyon—ang pangalawa niya ay sa Isla ng Hawaii. Dahil sa kanyang katatasan sa wika ng mga taga-Hawaii, inatasan siya ni Pangulong Young na maglingkod bilang tagapagsalin nina Elder Ezra T. Benson at Elder Lorenzo Snow, mga miyembro ng Korum ng Labindalawa. Noong umalis sila patungong Hawaii. Noong tagsibol ng 1864, si Joseph F. Smith ay 24 na taong gulang pa lamang.

Ang sabi ni Joseph F. Smith tungkol sa misyong ito ay: “Ang pinakamahalagang layunin ng tungkuling ito ay hadlangan ang panlilinlang na ginagawa ng [isang] impostor … na nanlilinlang sa … mga katutubong miyembro ng Simbahan, hindi lamang hinggil sa mga bagay ng doktrina, kundi ang kakaibang maling pagpapakita ng kanyang kapangyarihan at karapatan. Pinanibagong-tatag niya ang Simbahan alinsunod sa kanyang sariling pag-iisip, nag-ordena ng Labindalawang Apostol at iba pang pinuno, ipinagbibili sa kanila ang kanilang pagkaka-ordena, at ipinipilit ang sarili sa mga tao bilang nangungulong saserdote at hari, na dapat siyang bigyan at pakitaan nila ng paggalang. Hinarap namin siya, sinabi ang kanyang maling gawain at masigasig na nagpagal upang mabawi siya ngunit nagpatuloy pa rin siya sa maling gawain at hindi nagsisi at dahil dito siya ay itiniwalag sa Simbahan. Pinagsikapan naming bawiin ang mga yaong kanyang iniligaw, at sa gawaing ito kami ay labis na nagtagumpay dahil sa mga biyaya ng Diyos.”1 Matapos makaalis sina Elder Benson at Elder Snow sa pulo, nanatili pa rin doon si Joseph Smith hanggang sa sumunod na taglamig upang ipagpatuloy na isaayos ang mga gawain ng Simbahan. Sa panahong ito, pinayuhan niya ang mga miyembro ng Simbahan na naakay sa kamalian ng taong ito na tumalikod sa katotohanan at nagnanais magsisi. At simula noon itinuro ni Pangulong Smith sa mga Banal ang kahalagahan ng pagkilala at pagtutol sa mga maling turo.

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay kailangang maging matatag sa katotohanan kahit ano pa ang mangyari.

Dapat sa panahong ito ay magkaroon na tayo ng sapat na karanasan upang malaman na walang tao, walang maliit na grupo ng mga tao at walang lihim na samahan ang makapagsasama ng kanilang lakas at kapangyarihang sapat upang ilihis ang mga layunin ng Pinakamakapangyarihan, o baguhin ang landas ng Kanyang gawain. Maraming bilang na ng mga tao ang nagtangka sa mga nagdaang panahon, at nakintal nang mali sa isipan ng mga taong ito ang ideyang makagagawa sila ng isang kahanga-hangang pagbabago sa Simbahan; inaasahan nilang sa madaling panahon ang lahat ng tao ay tatalikdan ang kanilang pamantayan, ang pamantayan ng katotohanan kung saan sila ay natipon at nagsamasama mula pa pagsisimula ng Simbahan hanggang ngayon. Iniisip ng mga taong ito na susundin ng mga tao ang mga “bagong pastol,” subalit nakilala ng mga tao ng Diyos ang tinig ng tunay na pastol, at hindi nila diringgin ang tinig ng iba ni pakikinggan ang kanyang mga payo na inaako ang karapatan na hindi sa kanya. Hindi nila susundin ang mga ito. Nalalaman ng mga Banal sa mga Huling Araw ang diwa ng ebanghelyo; nauunawaan nila ang diwa ng katotohanan. Natutuhan nila ang kanilang tungkulin, at naninindigan sila sa katotohanan, kahit na ano pa ang mangyari.

Mula noon hanggang ngayon, kailangan nating harapin ang buong daigdig, ang buong sanlibutan, na bahagyang iniayos upang labanan ang gawain ng Panginoon, hindi lamang dahil sa pagkapoot, hindi lamang sa naisin o hangarin ng kanilang mga puso na gumawa ng masama o labanan ang katotohanan, subalit dahil wala silang alam sa katotohanan, at dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa. Marami ang nalilinlang ng mga tinig ng huwad na pastol, at naaakay ng maling impluwensiya. Sila ay nalinlang, hindi nila nalalaman ang katotohanan; hindi nauunawaan ang kanilang ginagawa at, samakatwid, sila’y iniayos, katulad noon, laban sa katotohanan, laban sa gawain ng Panginoon; katulad din noon sa simula. Mula sa araw na unang inihayag ni Propetang Joseph Smith ang kanyang pangitain hanggang sa ngayon, ang kaaway ng lahat ng kabutihan, ang kaaway ng katotohanan, ng kabanalan, ng karangalan, katwiran, at kadalisayan ng buhay; ang kaaway ng nag-iisang tunay na Diyos, ang kaaway sa tuwirang paghahayag mula sa Diyos at sa mga inspirasyon na nanggagaling sa kalangitan patungo sa tao, ay iniayos laban sa gawaing ito.

Hindi pa kayo nakatatagpo ng kaibigan sa kabutihan, kaibigan sa paghahayag, kaibigan sa Diyos, kaibigan sa katotohanan, kaibigan sa matwid na pamumuhay at pagiging dalisay ng buhay, o siya na nakatuon sa kabutihan at may sapat na katalinuhan upang maunawaan ang katotohanan mula sa kamalian at liwanag mula sa kadiliman—sinasabi ko na hindi pa kayo nakatatagpo ng mga gayon katulad ng iniayos laban sa layunin ng Sion. Ang inayos laban sa layunin ng Sion ay iayos laban sa Diyos, laban sa paghahayag mula sa Diyos, laban sa espiritu na umaakay sa mga tao sa lahat ng katotohanan na nagmumula sa pinagkukunan ng liwanag at katalinuhan, laban sa alituntuning yaon na nagdadala sa mga tao nang sama-sama at nagiging dahilan upang iwaksi nila ang kanilang mga kasalanan, hangarin ang kabutihan, ibigin ang Diyos nang buo nilang puso, pag-iisip at lakas, at ibigin ang kanilang kapwa katulad sa kanyang sarili.2

Mag-ingat sa mga maling turo.

May ilang tao na hinahanggahan ang kapangyarihan ng Diyos sa kapangyarihan ng mga tao, at ang ilan ay nasa kalipunan natin at sila ay nasa kalipunan ng ating mga guro sa paaralan. Hindi nila kayo papaniwalain sa mga ulat na binigyang-inspirasyon sa mga Banal na Kasulatan, na ang mga hangin at alon ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos, at ang paniniwala sa pag-angkin ng Tagapagligtas sa pagpapalayas ng mga diyablo, pagbabangon ng patay, o pagsasagawa ng mga kahina-hinalang bagay, kagaya ng pagpapagaling sa may ketong, ay gawa-gawa lamang. Papaniwalain nila kayo na ang Diyos at ang kanyang Anak na si Jesucristo ay hindi nagpakita ng personal kay Joseph Smith, na ito ay likhang-isip lamang, subalit higit tayong nakaaalam; ang patotoo ng Espiritu ay nagpatotoo na ito ang katotohanan. At sinasabi ko, mag-ingat sa mga taong dumarating sa inyo na may maling paniniwala na ang mga bagay ay nangyayari dahil sa mga batas ng kalikasan at na ang Diyos ay walang kapangyarihan.3

Sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang pangangaral ng mga maling doktrina na nagbabalat-kayo bilang katotohanan ng ebanghelyo, ay maaaring makita mula sa dalawang uri ng mga tao at sadyang nagmula lamang dito; sila ang mga:

Una—Ang mga mangmang na wala nang kalunasan, na ang kakulangan sa katalinuhan ay sanhi ng kanilang katamaran at pagwawalang-bahala, gumagawa subalit sa mahinang kakayahan, kung nagsisikap nga sila kahit paano, upang pagbutihin ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral; yaong mga nagkaroon ng malubhang sakit na maaaring mauwi sa walang lunas na karamdaman—katamaran.

Pangalawa—Ang palalo at nagmamalaki sa kanilang mga nagawa, na naniniwalang nakahihigit sila sa kaalaman o pangunawa; na siyang nagpapaliwanag sa pamamagitan ng nilikha nilang sariling pamantayan; na siyang naging kautusan sa kanilang sarili; at nagkukunwaring nag-iisang hukom ng kanilang sariling gawain. Higit na mapanganib na mangmang kaysa sa una.

Mag-ingat sa mga tamad at palalo.4

Nararapat na ang mga Banal sa mga Huling Araw sa panahong ito ay matatag na sa pananalig na itinatag ng Diyos ang kanyang Simbahan sa mundo sa huling pagkakataon, upang manatili, at hindi na muling maibabagsak o mawawasak pa at na ang bahay ng Diyos ay isang bahay ng kaayusan, ng batas, na ang mga uri ng tao na walang magawa at nagdudulot ng kaguluhan, na dahil sa kamangmangan at pagkamakasarili, ay naging mga taong walang kabuluhan at nagsasalita nang walang saysay subalit nagkukunwaring mayroong mga kapangyarihang magpropesiya at mayroong iba pang mga espirituwal na biyaya at kaloob ay hindi dapat magkaroon ng impluwensiya ito sa mga Banal sa mga Huling Araw, ni magambala ang mga Banal sa kanilang espiritu ng mga gayong uri ng tao at ng kanilang mga teoriya. Ang Simbahan ni Cristo ay kasama ng mga Banal. Ibinigay ng Panginoon sa Simbahan ang batas ng Diyos para sa sarili nitong pamamahala at pagpapanatili nito. Nagtataglay ito ng lahat ng paraan para sa pagtatama ng bawat kamalian o pagsasamantala na maaring maganap sa tuwina, at yaon ay nang walang kaguluhan, o maging paghihimagsik; ito ay magagawa sa pamamagitan ng proseso ng ebolusyon—ng pagbabago, ng pagpapalawak ng kaalaman, karunungan, pagtitiis at pag-ibig sa kapwa.

Ang mga namumunong Korum ng Simbahan ay binubuo kahit kailan ng mga kalalakihan, pinipili sila sa kaparaanang makatitiyak ang mga Banal na ang buong karunungan, katwiran at matapat na pagtupad sa tungkulin, ay maipakikita sa pamamalakad ng mga yaon na siyang pinagkatiwalaan sa pamamahala sa mga gawain ng Simbahan.5

Mula sa panahon ni Hiram Page (Doktrina at mga Tipan, Bahagi 28), sa magkakaibang panahon nagkaroon ng mga pagpapakita mula sa mga mapanlinlang na espiritu sa mga miyembro ng Simbahan. Minsan dumarating ang mga ito sa mga kalalakihan at kababaihan na dahil sa kasalanan ay naging madaling mahuli sa bitag ni Satanas. At naililigaw rin minsan ang mga taong nagmamataas sa kanilang mahigpit na pagsunod sa mga patakaran at ordenansa at seremonya ng Simbahan ng mga mapanlinlang na espiritu, na gumagamit ng impluwensiya na ginaya sa mga yaong nagmumula sa Diyos na maging ang mga taong ito, na iniisip na sila’y “mga hinirang” ay nahihirapang makilala ang mahalagang pagkakaiba [Mateo 24:24]. Binago ni Satanas ang kanyang kaanyuan na sa wari’y “anghel ng kaliwanagan” [2 Mga Corinto 11:14; 2 Nephi 9:9].

Kapag ang mga pangitain, panaginip, wika, propesiya, impresyon o anumang di-pangkaraniwang kaloob o inspirasyon ay naghahatid ng ilang bagay na hindi naaayon sa mga tinanggap na pahayag ng Simbahan o laban sa mga pagpapasya ng mga itinalagang awtoridad, maaaring malaman ng mga Banal sa mga Huling Araw na hindi ito galing sa Diyos, kahit na ito pa ay ipinakikitang tila wasto. Nararapat din nilang maunawaan na ang mga tagubilin sa pagpapatnubay ng Simbahan ay darating sa pamamagitan ng pahayag, sa pamamagitan ng propeta o Pangulo ng Simbahan. May karapatan ang lahat ng matatapat na miyembro sa pagbibigay-inspirasyon ng Banal na Espiritu para sa kanilang sarili, pamilya at para sa mga yaong hinirang at inordenan upang mamuno. Subalit ang anumang bagay na salungat sa yaong nanggagaling mula sa Diyos sa pamamagitan ng Pangulo ng Simbahan ay hindi dapat tanggapin na nararapat sundin o paniwalaan.6

Ang mga kaloob na Espiritu at ang mga kapangyarihan ng banal na Pagkasaserdote ay sa Diyos, ibinigay ang mga ito para sa pagpapala ng mga tao, para sa kanilang ikahihikayat, at para sa ikalalakas ng kanilang pananampalataya. Lubusan itong nalalaman ni Satanas, at dahil dito hinangad niya sa pamamagitan ng panggagaya ng mga himala ang bulagin at linlangin ang mga anak ng Diyos. Alalahanin kung ano ang nagawa ng mago ng Egipto sa kanilang pagsisikap na linlangin si Faraon na ginaya ang banal na misyon nina Moises at Aaron …

Maaaring manggaling sa masama ang kapangyarihang makagawa ng mga kababalaghan ay inihayag ni Cristo sa kanyang propesiya hinggil sa dakilang paghuhukom: “Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipaghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” (Mat. 7:22-23.)

Ang panganib at kapangyarihan sa kasamaan ng panggagaway ay hindi gaano sa panggagaway mismo kundi sa kahangalan sa pagiging handang maniwala na siyang ibinibigay ng mga mapamahiing tao sa mga pag-angking ginagawa para sa kapakanan nito. Nakapangingilabot na paniwalaan na masasaktan ng diyablo ang isang walang-salang lalaki o babae, lalo na kung siya ay miyembro ng Simbahan ni Cristo—[maliban kung] ang lalaki o babaing yaon ay maniniwalang sila ay mapipinsala ng gayong impluwensiya at ng gayong pamamaraan. Kung paniniwalaan nila ang gayong ideya, samakatuwid sila ay nanganganib na sumuko sa kanilang mga sariling pamahiin. Walang kapangyarihan sa panggagaway, kung hindi ito paniniwalaan at tatanggapin.7

Iwasan ang mga gawing pangrelihiyon.

Mga kapatid, huwag magkaroon ng mga gawing panrelihiyon. Ang mga gawi ay mapanganib sa Simbahan ni Cristo. Ang mga ito ay mapanganib dahil nagbibigay ang mga ito ng labis na pagkilala sa ilang alituntunin o ideya habang kinaliligtaan o pinaliliit ang kahalagahan ng ibang alituntunin na kasing halaga, kasing kinakailangan, nakapagliligtas katulad ng mga kinakatigang doktrina o kautusan.

Nagbibigay ang mga gawing [panrelihiyon] sa mga yaong pinalalala ito ng maling pananaw sa ebanghelyo ng Manunubos; binabaligtad at inaalis sa pagkakaugnay ang mga alituntunin at turo nito. Hindi na likas ang pagkukuru-kuro. Ang bawat alituntunin at pagsasagawa na inihayag mula sa Diyos ay kinakailangan sa kaligtasan ng tao, at ang ilagay ang isa sa kanila nang hindi nararapat sa unahan, itinatago at pinalalabo ang lahat ng iba pa ay hindi katalinuhan at mapanganib, inilalagay nito sa alanganin ang ating kaligtasan sapagkat pinadidilim nito ang ating isipan at nilalambungan ang ating pang-unawa. Ang gayong palagay kahit saan pa ito nakaturo, ay nagpapakitid ng pananaw, nagpapahina ng ating espirituwal na pang-unawa, at nagpapadilim ng isipan, ang bunga niyon ay inilalagay ng taong naapektuhan ng kasamaan at pagpapakitid ng pananaw na ito ang kanyang sarili sa kalagayang matutukso siya ng kasamaan, o, dahil sa kalabuan ng paningin o kabaligtaran ng pananaw, ay hinahatulan nang mali ang kanyang mga kapatid at nagbubukas ng daan sa diwa ng pagtalikod sa katotohanan. Hindi siya naging matwid sa harapan ng Panginoon.

Napapansin natin ang suliraning ito: na mahilig humatol at tumuligsa ang mga Banal na may mga gawi sa kanilang mga kapatid na hindi masigasig sa isang detalye ng kautusan ng kanilang paboritong teoriya o alituntunin na katulad nila. Ang taong ang nasa isip lamang ay ang salita ng karunungan, ay maaaring makakita ng di-mabilang na pagkakamali sa bawat iba pang miyembro ng Simbahan na isinasaalang-alang ang mga ideyang liberal dahil sa kahalagahan ng iba pang doktrina ng ebanghelyo.

May isa pang bahagi ang suliraning ito — maaaring akalain ng taong may ganitong gawi ang kalagayang “Ako ay mas banal sa inyo,” maging mapagmataas at mayabang at tumingin nang may pag-aalinlangan, kung walang pagdaramdam, sa kanyang mga kapatid na hindi gaanong ganap na naipamumuhay ang isang tanging batas na iyon. Ang damdaming ito ay nakasasakit sa kanyang mga kapwa tagapaglingkod at nagkakasala sa Panginoon. “Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang mapagmataas na diwa ay sa pagkabuwal.” (Mga Kawikaan 16:8.)

Mayroong ilang dakilang katotohanan sa plano ng pagtubos na napakahalaga. Hindi sila maaaring balewalain; at wala nang iba pa ang maaaring ilagay sa unahan ng mga ito. Ang pagiging ama ng Diyos, ang kapangyarihan ng pagbabayad-sala ng ating Panginoon at Tagapagligtas, ang pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw na ito, ay dapat nating tanggapin ng ating buong puso. Hindi natin mapupunan ang kawalan ng pananampalataya sa mga kinakailangang doktrinang ito sa pamamagitan ng ganap na pangingilin mula sa mga bagay na hindi nakapagpapalusog, sa mahigpit na pagbabayad ng ikapu sa ating “anis at ng komino” [tingnan sa Mateo 23:23], o sa pagsasagawa ng ibang panlabas na ordenansa. Ang pagbibinyag kung walang pananampalataya sa Diyos ay walang kapakinabangan.8

Ang pagkakaroon ng katotohanan ay nagpapalaya sa atin mula sa kasalanan at kadiliman.

Upang hindi tayo malinlang, maakay sa kamalian, na napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabi-kabila ng lahat na hangin ng aral, ng mga hangal na maling palagay, o ng mga daya ng mga tao, o sundin ang maling panawagan na, Narito ang Cristo, o nariyan [tingnan sa Mateo 24:2-3], ay itinatag ng Diyos ang tunay na ayos ng pakikipag-ugnayan sa pagitan Niya at ng tao, at itinatag ito sa kanyang Simbahan, at dahil sa katotohanang ito ang lahat ng sangkatauhan ay gagawa nang mabuti upang sumunod, at baka sila malinlang. Ang mga bagay na naaayon dito ay sa Diyos, ang mga bagay na salungat dito ay mula sa ibaba.9

Ang araw-araw na ugali … ng paghahangad ng banal na awa at kapatawaran habang tayo ay nabubuhay ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihan na makatakas sa mga kasamaan, na maaaring mapaglabanan lamang sa pamamagitan ng maingat na pagtalikod mula sa mga ito.10

Hindi maaaring mangyari sa isang taong tinatamasa ang Banal na Espiritu ng Diyos na maniwala na ang mga impluwensiya [ng panggagaway at ng iba pang kasamaan] ay may bisa sa kanya. Ang pagtamasa ng Banal na Espiritu ay isang ganap na patunay laban sa lahat ng impluwensiya ng kasamaan.11

Naniniwala ako na lahat halos ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tumitibay sa kanilang pananampalataya. Naniniwala rin ako na ang lahat halos ng mga Banal sa mga Huling Araw ay marurunong na, na sila ay may sapat na katalinuhan at sapat na bahagi ng Espiritu ng buhay na Diyos sa kanilang mga puso, upang magpasya sa pagitan ng katotohanan at kamalian, sa pagitan ng tama at mali, at sa pagitan ng liwanag at kadiliman; masasabi kong naniniwala ako na may sapat na silang pang-unawa upang sumunod sa payak, dalisay, totoong alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, sa pagpili nito sa lahat ng pamali-maling palagay ng mga pilosopo, o ng mga siyentipiko, o ng sino pa man. Walang agham, ni pilosopiya na makahahalili sa katotohanan ng Pinakamakapangyarihang Diyos.

Sinabi ng Panginoon, “Ang salita ko’y katotohanan” [tingnan sa Juan 17:17], at tunay nga ito; at naniniwala ako na nalalaman nang sapat ng mga Banal sa mga Huling Araw ang hinggil sa salita ng Diyos na sa sandaling makita nila ito, alam nila na ito ang Kanyang salita at lumalayo kung hindi naman; at na sila ay mananatili sa salita ng Diyos, sapagkat ito ang katotohanan. Katulad ng sinabi ng Tagapagligtas, “Kung kayo’y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo’y tunay nga kayong mga alagad ko; at inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo” [tingnan sa Juan 8:31–32].

Naniniwala ako na ang mga Banal sa mga Huling Araw, at lalung-lalo na ang mga namumunong kalalakihan ng Israel, ay may sapat na kaalaman at pang-unawa sa mga alituntunin ng ebanghelyo kaya nalalaman nila ang katotohanan, at ginawang silang malaya ng pagkakaroon nito—malaya mula sa kasalanan, malaya mula sa kamalian, malaya mula sa kadiliman.12

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Paano tayo makaiiwas na “malinlang ng tinig ng mga huwad na pastol” at makilala ang tinig ng Tunay na Pastol? Paano ito makatutulong sa atin na “manindigan sa katotohanan, kahit na ano pa ang mangyari?”

  • Paano tayo personal na maninindigan laban sa mga yaong impluwensiya sa ating komunidad na “iniayos laban sa gawain ng Panginoon”?

  • Sa anong mga kaparaanan sinisikap ng mga tao na “hanggahan ang kapangyarihan ng Diyos sa kapangyarihan ng mga tao”?

  • Paano tayo naaakay ng kapalaluan sa kamalian? Paano rin nagagawan ng katamaran ang gayon ding bagay? Bakit napakahalagang hindi tayo malinlang ng “pangangaral ng mga maling doktrina” ng “tamad at palalo”?

  • Anong babala ang ibinigay ng Panginoon hinggil sa mga yaong “nagkukunwaring may kapangyarihang magpropesiya”?(Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 42:11.)

  • Paano nagiging panganib ang mga gawing panrelihiyon sa bawat isa at sa Simbahan? Bakit hindi sapat na kabayaran ang mahigpit na pagsasagawa ng kahit anong “panlabas na ordenansa” para sa kawalan ng pananampalataya sa “mga mahahalagang doktrina”?

  • Paano natin maiiwasang malinlang at maakay “dito’t doon at dinadala sa magkabi-kabila ng lahat ng hangin ng aral”?

  • Paano nakapagpapalaya sa atin ang pagkakaroon ng katotohanan? Paano natin magagamit ang kaloob na Espiritu Santo upang matulungan tayo na makilala ang mabuti sa masama at mapaglabanan ang lahat ng masasamang impluwensiya?

Mga Tala

  1. Sa Mga Mensahe ng Unang Panguluhan ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw, tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo (1965–750, 4:20–21).

  2. Sa Conference Report, Abr. 1909, 3-4; idinagdag ang pagtatalata.

  3. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 372.

  4. Gospel Doctrine, 373.

  5. Gospel Doctrine, 381.

  6. Sa Messages of the First Presidency, 4:285.

  7. Gospel Doctrine, 376–77.

  8. Gospel Doctrine, 116–17.

  9. Gospel Doctrine, 381.

  10. Gospel Doctrine, 374.

  11. Gospel Doctrine, 377–78.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1911, 7; idinagdag ang pagtatalata.