Kabanata 26
Paggalang sa Sabbath: Nang Malubos ang Inyong Galak
Ang Sabbath ay araw na itinalaga ng Diyos upang tayo ay sumamba, manalangin, at mag-ukol ng ating mga panalangin sa Kataas-taasan.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Nabatid at itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith ang napakalaking pananagutan ng mga Banal sa mga Huling Araw na igalang ang araw ng Sabbath. Itinuro niya sa mga Banal na sambahin ang Panginoon sa araw ng Sabbath at gamitin ang oras upang turuan at pagpalain ang kanilang mga pamilya. Sinabi Niya: “Sa mga araw ng Sabbath, kung ako rin lamang ang tatanungin, sa pagitan ng mga oras ng mga pulong sa Simbahan, mas nanaisin kong gamitin ang ganitong mga pagkakataon na maupo sa aking tahanan kasama ng aking pamilya at makipag-usap sa kanila, at makipagkuwentuhan sa kanila, at higit ko pa silang makilala. Mas gugustuhin kong gugulin hangga’t maaari ang ganitong pagkakataon sa araw ng Sabbath para sa layuning ito; upang mas makilala ang aking mga anak, mapalapit sa kanila, at mailapit sila sa mga banal na kasulatan, at umisip ng mga bagay-bagay maliban sa katuwaan at biruan at tawanan at pagsasaya, at ng mga bagay na tulad ng mga ito.”1
Itinuro rin niya ang mga kahihinatnan ng pagdungis sa araw na pinabanal ng Panginoon. Noong ika-12 ng Hunyo 1898, araw ng Linggo, sinabi niya sa Tabernakulo sa Lunsod ng Salt Lake: “Habang papunta ako sa pulong na ito ay nadaanan ko ang isa sa mga kapatid, at sinabi niya sa akin na sa pagdaan niya sa istasyon ng tren ay nakita niya ang malaking pulutong ng mga tao roon na handa na para magtungo sa mga pasyalan.… Kung mayroon man sa mga iyon na nagsasabing sila ay mga Banal sa mga Huling Araw, samakatuwid ang landas na tinatahak nila ngayon ay salungat sa batas ng Diyos, salungat sa mga tipan na kanilang ginawa sa tubig ng pagbibinyag, at salungat sa mga tipan na ginawa sa pinakasagradong mga lugar na pinahihintulutang pumasok ang mga Banal sa mga Huling Araw. Nilalabag nila ang araw ng Sabbath, hindi iginagalang ang kautusan ng Panginoon; pinatutunayan nilang sila ay hindi sumusunod sa batas, at ginagawa nila ang bagay na hindi kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, at mauuwi sa dakong huli sa kanilang ikapapahamak, kung hindi man sa kanilang lubusang pagtalikod.”2
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Itinalaga at pinabanal ng Panginoon ang isa sa pitong araw.
Ginawa o itinalaga ng Diyos ang araw ng Sabbath para sa araw ng pamamahinga, araw ng pagsamba, araw para sa mabubuting gawa, at para sa kababaang-loob at pagsisisi, at sa pagsamba sa Pinakamakapangyarihan sa espiritu at sa katotohanan.3
Nagkakaroon ng malawakang pagwawalang-bahala sa buong lupain hinggil sa pagsunod sa araw ng Sabbath. Ang utos na: “Alalahanin mo ang araw ng Sabbath upang ipangilin,” ay batas din sa panahong ito tulad noong ibigay ito sa Israel sa Bundok ng Sinai [Exodo 20:8].4
Ang Sabbath ay araw ng pamamahinga at ng pagsamba, hinirang at itinalaga sa pamamagitan ng natatanging kautusan ng Panginoon sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at dapat natin itong igalang at panatilihing banal. Dapat din nating ituro sa ating mga anak ang alituntuning ito.5
Ang isa sa pitong araw ay itinalaga at pinabanal para sa araw ng pagsamba, araw ng taimtim na pagninilay-nilay, araw ng pananalangin at pasasalamat, at pagtanggap ng Hapunan ng Panginoon bilang pag-alaala sa Kanya at sa kanyang walang-kapantay na pagbabayad-sala. Turuan natin ang ating mga anak na panatilihing banal ang Sabbath, at dapat nilang panatilihing banal ang araw ng Sabbath dahil nais nila itong gawin at dahil sa ito ay ipinag-uutos ng Diyos. Kasunod nito ay gagawin nilang maglibang at mamahinga, humanap ng pagbabago at kasiyahan, sa lehitimong paraan sa ibang mga araw.… Huwag nating dungisan ang Sabbath.6
Ano ang ating gagawin sa araw ng Sabbath?
Igalang ang araw ng Sabbath, at panatilihin itong banal. Sambahin ang Panginoon sa araw ng Sabbath. Huwag magtatrabaho. Huwag hangaring maghanap ng walang-kabuluhang mga kasiyahan sa Sabbath. Magpahinga at panariwain ang isipan sa pananalangin, pag-aaral, at magmuni-muni tungkol sa mga alituntunin ng buhay at kaligtasan. Ito ang mga lehitimong gawain sa araw ng Sabbath.…
Dalhin ng mga tao sa kanilang pag-uwi ang mensaheng ito, at iparating ito sa mga hindi nakadalong miyembro ng kanilang mga pamilya. Sabihin sa kanila na ang panguluhan ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling araw ay sumasalungat sa paglabag sa araw ng Sabbath.7
Ang pagsunod nang wasto sa araw ng Sabbath ay karaniwang tungkulin ng bawat Banal sa mga Huling Araw—at kabilang dito ang mga kabataang lalaki at babae at mga batang lalaki at babae. Maaaring tila ba kakatwa na kinakailangan pang ulit-ulitin ang madalas na pagbibigay-diin sa katotohanang ito. Subalit lumilitaw na may mga tao, at kung minsan ang buong pamayanan, ang nagwawalang-bahala sa tungkuling ito, at dahil dito ay nangangailangan na tumanggap ng pagpapahayag na ito.
Ano ang hinihingi na gawin natin sa araw ng Sabbath? Ang mga pahayag ng Panginoon kay Propetang Joseph ay napakalinaw hinggil sa paksang ito, at dapat na maging gabay natin ang mga ito, sapagkat ang mga ito ay mahigpit na umaayon sa mga turo ng Tagapagligtas. Narito ang ilan sa mga simpleng bagay na kinakailangang gawin:
Ang Sabbath ay itinakda sa inyo upang magpahinga mula sa inyong mga gawain.
Ang Sabbath ay natatanging araw para kayo ay sumamba, manalangin, at magpakita ng sigla at sigasig sa inyong pangrelihiyong pananampalataya at tungkuling—iukol ang mga panalangin sa Kataas-taasan.
Ang Sabbath ay araw kung kailan hinihilingan kayo na magalay ng inyong panahon at pansin sa pagsamba sa Panginoon, maging ito man ay sa pulong, sa tahanan, o saanman kayo naroroon— ito ang kaisipan na dapat umiral sa inyong isipan.
Ang araw ng Sabbath ay araw kung kailan, kasama ng inyong mga kapatid, kayo ay dapat dumalo sa mga pulong ng mga Banal, handang tumanggap ng sakramento ng hapunan ng Panginoon; ginagawa munang ipagtapat ang inyong mga kasalanan sa Panginoon at sa inyong mga kapatid, at pinatatawad ang inyong kapwa gaya nang inaasahan ninyong pagpapatawad sa inyo ng Panginoon.
Sa araw ng Sabbath ay wala kayong iba pang bagay na gagawin kundi ihanda ang inyong pagkain nang may katapatan ng puso upang ang inyong pag-aayuno ay maging ganap, at ang inyong kagalakan ay malubos. Ito ay tinatawag ng Panginoon na pagaayuno at panalangin [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:13–14].
Ang dahilan sa mga bagay na hinihinging gawin sa araw ng Sabbath ay malinaw ding nakasaad sa mga paghahayag. Ito ay may kinalaman sa pag-iingat ng isang tao sa kanyang sarili na magkaroon ng bahid-dungis mula sa sanlibutan; at sa layuning ito, ang mga Banal ay hinihilingan din ng magtungo sa panalanginan at ihandog ang kanilang sakramento sa araw ng Sabbath (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:9].…
Ang Panginoon ay hindi nalulugod sa mga tao na nakaaalam ng mga bagay na ito at hindi ginagawa ang mga ito.
Ang mga tao ay hindi nagpapahinga mula sa kanilang mga gawain kapag sila ay nag-aararo, at nagtatanim at naghahakot at naghuhukay. Hindi sila nagpapahinga kapag sila ay tumatayu-tayo sa bahay nang maghapon sa araw ng Linggo, gumagawa ng maliliit na gawain na sadyang hindi na nila magawa sa ibang mga araw.
Ang mga tao ay hindi nagpapakita ng sigla at sigasig sa kanilang pangrelihiyong pananampalataya at tungkulin kapag sila ay nagmamadaling umaalis nang Linggo ng umaga … upang magtungo sa mga lambak, sa pasyalan, at upang dalawin ang mga kaibigan o lugar na mapaglilibangan kasama ng kanilang asawa at mga anak. Hindi nila iniuukol sa ganitong paraan ang kanilang mga pananalangin sa Kataas-taasan.
Hindi sa paghahanap ng kasiyahan at libangan maaari nilang iaalay ang kanilang panahon at pansin sa pagsamba sa Panginoon; ni hindi rin sila samakatwid magagalak sa diwa ng pagpapatawad at pagsamba na nagmumula sa pagtanggap ng banal na sakramento.
Ang mga batang lalaki at mga kabataang lalaki ay hindi nagaayuno nang may katapatan ng puso upang ang kanilang kagalakan ay malubos kapag ginugugol nila ang araw ng Sabbath sa paglalakwatsa sa tindahan ng mga palamig o sa karinderya, naglalaro, o sumasakay sa kariton, namimingwit, namamaril, o sumasali, sa mga pisikal na pampalakasan, pagliliwaliw at paglabas-labas. Hindi ito ang paraan upang mapag-ingatan ang kanilang sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, subalit sa halip ito ay isang bagay na magkakait sa kanila ng masasaganang pangako ng Panginoon, magdudulot sa kanila ng lungkot sa halip na kagalakan, at kawalang-kapanatagan at pag-aagam-agam sa halip na kapayapaan na nagmumula sa mga gawain ng kabutihan.8
Nakakamit, o makakamit natin ang lahat ng kapakinabangan kung atin lamang iuukol ang bawat oras sa Sabbath sa ilang gawain, o ilang pagpupunyagi, o ilang pag-aaral, na makapagpapahusay sa ating mga isipan at higit na makapagtuturo sa atin sa mga tungkulin natin sa Simbahan, sa batas ng Simbahan, sa mga kautusan ng Diyos, at sa mga tuntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo.…
Ang aking paniniwala ay tungkulin ng mga Banal sa mga Huling Araw na igalang ang araw ng Sabbath at panatilihin itong banal, tulad ng ipinag-uutos ng Panginoon na dapat nating gawin. Magtungo sa panalanginan. Makinig sa mga tagubilin. Ibahagi ang inyong patotoo tungkol sa katotohanan, uminom sa bukal ng kaalaman at ng tagubilin, na maaaring mapasaatin mula sa mga taong binigyang-inspirasyon na magbigay sa atin ng tagubilin. Sa ating pag-uwi, magsama-sama kayong magpapamilya. Umawit tayo ng mga ilang awit. Magbasa tayo ng isa o dalawang kabanata sa Biblia, o sa Aklat ni Mormon, o sa aklat ng Doktrina at mga Tipan. Talakayin natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo na nauukol sa pagsulong sa pag-aaral ng banal na kaalaman, at sa ganitong paraan magagamit natin ang isa sa pitong araw.…
Sa palagay ko ay isang napakagandang bagay para sa atin na tipunin natin nang may pangangalaga at pagmamahal ang ating mga anak, kung baga, nang isang araw man lamang sa isang linggo, at turuan sila ng paggalang at katapatan, at pagpipitagan sa mga bagay na tama at banal at turuan sila na igalang ang matatanda at may karamdaman at maging mabuti sa taga ibang lugar na nasa loob ng ating mga pintuang daan.… Dapat natin silang turuan ng kagandahang-asal. Dapat nating turuan ang ating mga batang anak na lalaki na maging maginoo, at ang ating mga batang anak na babae na maging mayumi. At kapag binabanggit ko ang tungkol sa pagiging mayumi o maginoo, ang ibig kong tukuyin ay batang lalaki o babae, o lalaki o babae, na tunay na tumutupad na maging mayumi, maamo, mahinahon, mapagtiis, mapagmahal at mabait sa mga anak ng tao.…
Napakaraming magagandang bagay ang maaari nating gawin sa araw ng Sabbath na makapagpapaaliw, makapagbibigay-inte- res, at makapagtuturo sa ating mga anak sa tahanan, sa pagitan ng mga oras ng serbisyo.… Hayaan silang makapaglibang sa tamang oras, subalit turuan sila ng mas magagandang bagay sa araw ng Sabbath.9
Ang gabi ng Sabado ay maaaring matalinong italaga bilang panimula sa araw ng Panginoon.
Tungkulin ng mga miyembro ng Simbahan na maiplano nila ang kanilang gawain upang walang maging dahilan para maipagkait ang kabanalan ng araw ng Panginoon. Sa layuning ito papagtakdain ang mga batang lalaki at babae ng [oras] sa loob ng buong linggo, na malayang magagamit para sa mga paglilibang, na itinatalaga ang Sabbath para sa espirituwal na kalinangan at pagsamba. Mahalaga rin naman na maiplano natin ang ating mga paglilibang upang ang mga ito ay hindi makahadlang sa ating pagsamba.10
Ang gabi ng Sabado ay maaaring matalinong italaga bilang oras para sa mga makabuluhang pag-uusap o magkatuwang na pagbabasa bilang panimula sa araw ng Sabbath.11
Isang mainam na makabagong … kautusan ang maaaring mabasa nang ganito: Huwag magtrabaho nang sobra at mabalisa sa araw ng Sabado na magiging sanhi upang maipagkait sa araw ng Sabbath ang mga panalangin at pagsamba na sadyang para dito bilang araw ng pahinga.
Sa tahanan, ang araw ng Sabado ay itinatalaga para sa paglilinis ng bahay, para sa iba pang mga iluluto, para sa pagsusulsi, at lahat ng uri ng pagkukumpuni na maaaring iniisip gawin sa araw ng Sabbath. Sa trabaho, ang araw ng Sabado ay nakalaan para tapusin ang natitirang bahagi ng kabuuang gawain sa loob ng buong linggo.
Ang mga bunga ng ating mga pinaggagagawa sa huling araw ng linggo na sadyang madalas na nakikita sa panlulumo at pananamlay ng ating mga sarili at ang halos ganap na kawalang-lakas ay hindi naaayon sa diwa ng pagsamba. Walang pagod na pagod na lalaki o babae, sanhi ng labis na pagtatrabaho sa umaga ng Sabado at gabing-gabi ng Sabado, ang makasasamba nang wasto sa Diyos sa espiritu at sa katotohanan.12
Ang mga tao na laging dinudungisan ang araw ng Panginoon ay mawawalan ng Espiritu ng Panginoon.
Igalang ninyo ang araw ng Sabbath at panatilihin itong banal. Ito ba’y ginagawa natin? Kinakailangan ba itong gawin? Ito ay sadyang kinakailangang gawin nang sa gayon ay mamuhay tayo nang naaayon sa batas o mga kautusan ng Diyos. At kapag nagkakasala tayo sa paglabag sa batas o sa kautusang iyon, tayo ay nagkasala ng paglabag sa batas ng Diyos. At ano ang magiging resulta kung magpapatuloy na gawin ito? Susundan ng ating mga anak ang ating mga yapak; hindi nila igagalang ang utos ng Diyos na panatilihing banal ang isa sa pitong araw; at mawawalan ng espiritu ng pagsunod sa mga batas ng Diyos at sa Kanyang mga ipinapatupad, gaya rin ng ama na mawawalan nito kung patuloy niyang lalabagin ang mga kautusan.13
Ang mga tao na laging dinudungisan ang araw ng Panginoon ay hindi maibibilang sa pakikipagkapatiran, at ang mga miyembro ng Simbahan na ipinagwawalang-bahala ang pangmadlang pagsamba at pagtanggap ng Sakramento at hindi inaalala ang araw ng Sabbath upang ipangilin ito, ay magiging mahina sa pananampalataya at espirituwal na manghihina, at mawawalan ng Espiritu at ng tulong ng Diyos, at sa dakong huli ay mapawawalang- karapatan ang kanilang katayuan sa Simbahan at ang kanilang kadakilaan kasama ng mga masunurin at matatapat.14
Sinabi ng Panginoon, “Alalahanin mo ang araw ng Sabbath upang ipangilin.” Ito ay batas ng Diyos, hindi lamang sa kanyang mga tao, subalit sa lahat ng sangkatauhan. Ang miyembro ng Simbahan na hindi iginagalang ang araw ng Sabbath at hindi ito pinananatiling banal ay nagkakasala; siya ay hindi nagpapatuloy sa salita ng katotohanan; siya ay hindi tunay na disipulo ni Cristo; hindi niya makikilala ang katotohanan at ang katotohana’y hindi magpapalaya sa kanya maliban na malaman niya ito at ipamuhay ito.15
Ang mga teatro at iba’t ibang pampublikong mga libangan ay ginagawa ngayon sa araw ng Sabbath na salungat sa mga pahayag ng Panginoon, at patunay lamang na ang mga ito ay mabisang kasangkapan sa pagsira ng pananampalataya ng mga nakikibahagi sa gawaing ito. Dapat na pag-ingatan ng mga magu- lang ng mga kabataan sa Sion ang kanilang mga anak laban dito at sa lahat ng masasama, sapagkat sila ang mananagot kung maliligaw ang kanilang mga anak dahil sa kanilang kapabayaan.16
IIsang malaking tungkulin din ng mga Banal sa mga Huling Araw na igalang ang araw ng Sabbath, at gumanap sa mga tungkuling iyon na inaasahan sa kanila hinggil sa Sabbath, tulad ng tungkulin nila na maging tapat sa kanilang kapwa at dagdag pa rito ang pamumuhay nang matwid.… Tungkulin din ng mga magulang na magpakita ng halimbawa sa kanilang mga anak sa paggalang sa araw ng Sabbath, sa pagkakaroon ng pangmag-anak na panalangin, at sa pagganap sa bawat tungkulin bilang mga Banal sa mga Huling Araw. Ang ama at ina na nagwawalang-bahala na turuan ang kanilang mga anak at himukin sila na gawin ang kanilang mga tungkulin, ay mabubuhay nang may pagsisisi sanhi ng kanilang kahangalan.17
Ang mga gumagalang sa araw ng Sabbath ay nagtatamasa ng mga biyayang pangtemporal at pang-espirituwal.
Ang Linggo ay araw ng pamamahinga, pagbabago mula sa karaniwang mga gawain sa loob ng buong Linggo, subalit ito ay higit pa rito. Ito ay araw ng pagsamba, araw kung saan ang espirituwal na buhay ng tao ay mapagyayaman. Ang araw ng katamaran, araw ng pisikal na pagpapalakas ay sadyang madalas na lubhang naiiba sa araw ng pamamahinga na itinalaga ng Diyos. Ang pisikal na pagkahapo at katamaran ay hindi naaayon sa diwa ng pagsamba. Ang wastong pagganap sa mga tungkulin at mga pananalangin sa araw ng Sabbath, dulot ng pagbabagong hatid nito at espirituwalidad, ay magbibigay ng pinakamainam na pamamahinga na maaaring matamasa ng tao sa araw ng Sabbath.18
Taos-puso kong hinahangad … na tayo ay mapalakas sa ating pananampalataya; at na tayo ay mas magiging mabubuting Banal sa mga Huling Araw kaysa noong mga nagdaan. Isa ito sa mga pangunahing layunin ng ating sama-samang pagpupulong sa araw ng Sabbath.… Ako’y naniniwala na tayo ay nasanay na nagpupunta sa pulong nang walang anumang natatanging pagkabagbag ng puso. Maaaring ituring ito na masakit na salita, at maaaring hindi naman ito ginagawa ng iba sa atin, subalit ako ay kumbinsido na marami ang nagpupunta sa pulong nang walangsigla; nang walang natatanging layunin. Sa palagay ko ay dapat tayong magpunta sa pulong upang pasalamatan ang Panginoon na ating naaalaala ang araw ng Sabbath at ipamanhik natin na matutuhan ang Kanyang mga pamamaraan.…
Sa palagay ko ay dapat matatak sa lahat ang kaisipan na may bahagi sa gawaing ito [na] nakasalalay sa bawat indibiduwal. Dapat matanto ng bawat isa na aanihin niya kung ano ang kanyang itinanim. Samakatwid, ang bawat isa ay dapat gumawa nang may determinasyon at kapag nagkasama-sama tayo, ang bawat isa ay dapat magkaroon ng mapanalanging espiritu at ibuhos ang kanyang kaluluwa, hindi lamang para sa kanyang sarili, kundi sa buong Simbahan din. Kung ito ay ginagawa na, walang sinuman ang lilisan mula sa bahay dalanginan nang hindi nararanasan ang espiritu ng Diyos.19
Ngayon, ano ang pangako sa mga Banal na sumusunod sa Sabbath? Ipinahayag ng Panginoon na yayamang ginagawa nila ang mga bagay na ito nang may maligayang puso at mukha, ang kabuuan ng mundo ay mapapasakanila: “ang mga hayop sa parang at ang mga ibon sa himpapawid, at yaong umaakyat sa mga puno at lumalakad sa lupa; Oo, at ang damo, at ang mabubuting bagay na nanggagaling sa lupa, maging para sa pagkain o para sa kasuotan, o para sa mga bahay, o para sa mga kamalig, o para sa mga taniman, o para sa mga halamanan, o para sa mga ubasan.” [Doktrina at mga Tipan 59:16–17.]
Ang lahat ng bagay na ito ay ginawa para sa kapakinabangan at gamit ng tao upang makalugod sa mata at upang pasiglahin ang puso, upang palakasin ang katawan at pasiglahin ang kaluluwa. Ang lahat ay ipinangako sa mga sumusunod sa mga kautusan, at kabilang sa mga kautusan ang mahalagang kautusang ito, sundin nang naaayon ang araw ng Sabbath.…
Maglaro at maglibang tayo hangga’t gusto natin sa ibang mga araw, subalit sa araw ng Sabbath tayo ay mamahinga, sumamba, magtungo sa panalanginan, at tumanggap ng sakramento, kumain nang may katapatan ng puso, at mag-ukol ng ating mga pananalangin sa Diyos, upang mapasaatin ang kabuuan ng mundo, at upang magkaroon tayo ng kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.20
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Para sa anong mga layunin “itinalaga at pinabanal” ng Panginoon ang araw ng Sabbath? Ano ang mga biyaya sa pagkakaroon ng araw ng pamamahinga at pagsamba?
-
Ano ang ibig sabihin ng mamahinga mula sa ating mga gawain sa araw ng Sabbath? Ano ang mga “lehitimong gawain sa araw ng Sabbath”? Paano natin matuturuan ang mga miyembro ng ating mag-anak na igalang ang araw ng Sabbath?
-
Ano ang ibig sabihin ng maging “walang bahid-dungis mula sa sanlibutan”? Paano makatutulong ang pagsunod sa Sabbath upang magawa natin ito?
-
Paano nagiging bahagi ng pagsunod sa Sabbath ang galak at pagsasaya? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 59:13–14.) Paano nauuwi sa kalungkutan, pagkawala ng Espiritu, at pagtalikod sa katotohanan ang di paggalang sa Sabbath?
-
Ano ang mga pananagutan ng ating mga pamilya sa araw ng Sabbath? Sa araw ng Sabbath, paano natin matuturuan ang ating mga anak ng “pagpipitagan sa mga bagay na tama at banal”?
-
Paano maaaring makaragdag o makabawas ang ating mga gawain sa araw ng Sabado mula sa ating pagsamba sa araw ng Sabbath?
-
Ano ang ating pananagutan kapag tayo ay dumadalo sa mga Panlinggong pulong? Anong mga biyaya ang ating matatanggap kapag nasa atin ang tunay na diwa ng pagsamba sa ating mga pulong?
-
Anong espirituwal na mga biyaya ang ating matatamasa kapag iginagalang natin ang araw ng Sabbath? Ano ang mga ipinangakong temporal na biyaya sa atin? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:9–23.)