Kabanata 23
Pagtanggap ng Patotoo Tungkol kay Jesucristo
Kinakailangan na magkaroon tayo ng patotoo kay Jesucristo sa ating mga puso at gawin ang mga bagay na Kanyang ipinag-uutos.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Sa loob ng panahon ng kanyang pagmiministeryo, si Pangulong Joseph F. Smith ay nagpatotoo na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos. Itinuro niya na maaaring matanggap ng lahat ng anak na lalaki at babae ng Diyos ang personal na pahayag na ito, ang kaloob na ito ng Espiritu.
“Nang magsimula ako sa pagmiministeryo noong ako ay bata pa,” paliwanag niya, “madalas kong hanapin at hilingan ang Panginoon na ipakita sa akin ang ilang mga kagila-gilalas na bagay, nang sa gayon ay makatanggap ako ng patotoo. Subalit ipinagkait ng Panginoon ang mga kagila-gilalas na bagay sa akin, at ipinakita sa akin ang katotohanan, nang taludtod sa taludtod, nang tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon, hanggang sa maipaalam niya sa akin ang katotohanan mula sa aking ulo hanggang sa aking talampakan, at hanggang sa tuluyang maglaho sa akin ang alinlangan at takot. Hindi niya kinailangan na magpadala ng anghel mula sa kalangitan upang gawin ito, ni hindi rin niya kinailangan na makapangusap nang may pakakak ng arkanghel. Sa pamamagitan ng mga pagbulong ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu ng buhay na Diyos, ipinagkalob niya ang patotoo na aking tinataglay. At sa pamamagitan ng ganitong alituntunin at kapangyarihan ay ipinagkakaloob niya sa lahat ng anak ng tao ang kaalaman ng katotohanan na mananatili sa kanila, at magagawa nitong ipaalam sa kanila ang katotohanan, tulad ng kung paano ito nalalaman ng Diyos, at gawin ang kalooban ng Ama tulad ng kung paano ito ginagawa ni Cristo.”1
Nagpatotoo si Pangulong Smith na: “Natanggap ko ang patotoo ng Espiritu ng Diyos sa aking sariling puso, na nakahihigit sa lahat ng iba pang mga patunay, sapagkat pinatototohanan nito sa akin, sa buo kong kaluluwa, ang pagiging buhay ng aking Manunubos na si Jesucristo. Alam ko na siya ay buhay, at siya ay tatayo sa lupa sa huling araw, na siya ay patutungo sa mga tao na magsisipaghanda para sa kanya.”2
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Ang patotoo kay Jesucristo ay dumarating bilang maluwalhating kaloob ng Diyos.
Itinuturing ko na ang bawat alituntunin ng Ebanghelyo na ating tinanggap ay isa mismong maluwalhating kaloob ng Diyos sa mga anak ng tao. Ang kaloob na karunungan, ang kaloob na pag-unawa, ang kaloob na propesiya, ang kaloob na mga wika, ang kaloob na pagpapagaling, ang kaloob na patotoo, ang kaloob na kaalaman, ang lahat ng ito ay nilayon ng Pinakamakapangyarihan na dumating sa atin sa pamamagitan ng ating pagsunod sa mga alituntunin ng buhay at kaligtasan.3
Hindi natatanggap ng mga tao ang kaloob na … patotoo ng Espiritu ng Buhay na Diyos sa kanilang mga puso, [maliban] na hangarin nila ito. Ang alituntunin ay: Magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan; magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong [tingnan sa Mateo 7:7—8]; at kung nais ninyo ng karunungan, hilingin ninyo ito, tulad ng ginawa ni Salomon; kung nais ninyo ng kaalaman at ng patotoo ng espiritu sa inyong mga puso, masigasig na hanapin ito. Ilagay ang inyong sarili sa lugar na kung saan ay magiging karapat-dapat kayo na tanggapin ito, pagkatapos ay darating ito sa inyo bilang kaloob ng Diyos, at ang kanyang pangalan ay nararapat na purihin sa pagbibigay ng kaloob na ito.4
[Ang patotoo] ay dumarating sa atin … dahil iniaayon natin ang ating mga sarili sa alituntunin ng pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos. Naniniwala tayo, pinagsisisihan natin at ipinagtatapat ang ating mga kasalanan, ginagawa natin ang mga bagay na hinihingi ng Panginoon upang matanggap ang kapatawaran sa ating mga kasalanan, at sa gayon ay mapasasaatin ang kaloob na Banal na Espiritu. Ang ating mga isipan ay umaayon sa Espiritu ng Diyos, at sa pamamaraan na itinalaga ng Diyos upang maihayag ang Kanyang kaisipan sa mga anak ng tao.
Ngayon, isang napakalaking bagay sa isang tao na matanggap ang patotoo sa kanyang puso tungkol sa banal na misyon ng Anak ng Diyos at sa banal na misyon ni Propetang Joseph Smith.… Nadarama natin sa ating mga kaluluwa ang katotohanan ng mga alituntunin na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, at nadarama natin ito sapagkat ating inilalagay, kahit sa ilang antas man lamang, ang ating mga sarili sa pakikipag-ugnayan sa Espiritu at naririnig ang tinig nito kapag nakikipag-usap ito sa atin. Ang Espiritu ng Diyos ay nakikipagusap sa ating mga espiritu. Ang Panginoon ay hindi nakikipag-ugnayan sa atin nang napakadalas sa pamamagitan ng likas nating mga pandama, ngunit kapag Siya ay nakikipag-usap, Siya ay nakikipag-usap sa imortal na aspeto; tinatanggap ng espiritu ng tao ang mga komunikasyon na ipinadadala ng Panginoon sa Kanyang mga anak, at samakatuwid ay kinakailangan nating umayon upang matanggap ang mga ito.5
Kailangan nating makamit ang liwanag na ito [ng patotoo] sa pamamagitan ng paghahayag, hindi natin magagawa ito sa pamamagitan ng ating sariling karunungan. Pagkakalooban tayo ng Diyos ng kaalaman at pang-unawa, aakayin niya tayo sa landas ng katotohanan kung ibibigay natin ang ating buong pagtitiwala sa kanya at hindi sa tao.6
Ang kaloob mula sa Diyos, kung pababayaan, o gagamitin nang hindi karapat-dapat, ay kusang maglalaho; ang patotoo sa katotohanan ay hindi mananatili sa isang tao na, hindi ginagamit ang sagradong kaloob, matapos itong matanggap, sa kabutihan ng indibiduwal at pangkalahatang pagsulong.7
Ang walang pag-aalinlangan na katiyakang ito, na nakakamit sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagsunod at pagsasagawa sa mga alituntunin ng buhay na walang hanggan, ay patuloy na pinagtitibay, tulad noong mga nagdaan, nang “taludtod sa taludtod, at tuntunin sa tuntunin,” sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Banal na Espiritu, na siyang patuloy at maaasahang pinagmumulan ng katalinuhan, ng kagalakan at kasiyahan, higit na pinalalapit sa Diyos ang tao na nagtataglay nito, at sa dakong huli ay magpapakita siya tulad ng kanyang Lumikha.8
Ang Espiritu Santo ay nagpapatunay sa ating mga puso na si Jesus ang Cristo.
Si Jesus … ang ating pinuno, siya ang ating halimbawa. Ang landas na kanyang nilakaran ay kinakailangan nating lakaran, kung tayo ay umaasam na makapanahanan, at maputungang kasama niya sa kanyang kaharian. Kailangan nating sumunod at ibigay ang ating tiwala sa kanya, nalalaman na siya ang Tagapagligtas ng daigdig.
Hindi mahirap para sa akin na paniwalaan ito; Nabasa ko ang Biblia kung saan ay natagpuan ko ang mga pagsasalaysay ng marami sa kanyang mga gawain, kawikaan, tuntunin, at halimbawa. At hindi ako naniniwala na ang sinumang matwid, matapat na lalaki o babae, na nagtataglay ng pangkaraniwang talino, ay makababasa ng mga ebanghelyo ng Bagong Tipan at ng mga patoto na ibinigay ng Tagapagligtas doon, nang hindi man lamang niya madarama na siya nga ang mismong tinutukoy dito. Sapagkat ang bawat matwid at matapat na tao ay naiimpluwensiyahan, humigit kumulang, ng Banal na Espiritu, at ang banal na sugong ito sa mga puso ng mga taong ito ay nagpapatunay sa salita ng Diyos; at kapag nabasa nilang lahat ang mga kasulatang ito na ibinigay sa pamamagitan ng inspirasyon, nang may matapat na puso at diwa ng kaamuan, hubad sa mga pagbibigay ng maling opinyon at maling palagay na nagmumula sa mga tradisyon at maling pagtuturo, magpapatunay ang Espiritu ng Panginoon sa pamamagitan ng isang malinaw na mensahe na magpapaalab sa isang matibay na patotoo, samakatuwid, ako ay naniniwala na si Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas, ang Bugtong na Anak ng Ama; at ito ay sa pamamagitan na rin ng pagbabasa ng Biblia.
Subalit tayo ba ay nananangan sa Biblia para sa matibay na patotoo at kaalamang ito? Hindi, salamat sa panginoon at hindi lamang tayo dito nananangan. Ano pa ba ang mayroon tayo upang maibahagi ang kaalamang ito at mapatibay ang patotoong ito? Nasa atin ang Aklat ni Mormon, ang “talaan ni Ephraim,” na dumating sa atin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, na nagpapatotoo rin sa kanya, at naghahayag ng salaysay ng kanyang misyon at pakikisalamuha sa mga nanirahan sa kontinenteng ito, matapos ang kanyang pagkabuhay na muli mula sa mga patay, noong magtungo siya sa lupaing ito upang dalawin ang kanyang “ibang mga tupa,” upang pagsamahin sila sa isang kawan, na sila ay kanya ring maging mga tupa at siya bilang kanilang dakilang pastol. Maliban sa matibay na patotoo na taglay mismo ng Aklat na ito, nasa atin ang kalakip na patotoo niya na nagsalin nito, na tinatakan ang kanyang patotoo ng kanyang sariling dugo; gayundin ang patotoo ng ibang mga saksi, na nagpatotoo sa buong daigdig na kanilang nakita ang mga lamina at ang mga nakaukit doon, kung saan nagmula ang Aklat na isinalin. …
Narito, kung gayon, ang dalawang saksi—ang Biblia at ang Aklat ni Mormon, kapwa nagpapatunay sa iisang katotohanan, na si Jesus ang Cristo, na siya ay namatay at muling nabuhay, matapos makalagan ang mga gapos ng kamatayan at napagtagumpayan ang libingan. Ang huling karagdagang patunay na ito na taglay ng mga Banal sa mga Huling Araw hinggil sa katotohanang ito ay higit pa sa tinataglay ng Kristiyano sa daigdig na hindi naniniwala sa Aklat ni Mormon.
Subalit ito na nga ba ang lahat? Hindi. Mayroon pa tayo ritong isang aklat, ang Doktrina at mga Tipan, na naglalaman ng mga pahayag mula sa Diyos sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, na nabuhay sa atin mismong kapanahunan. Ang mga ito ay mga salita ni Cristo, nagpapahayag na siya rin mismo ang nagtungo sa mga Judio, na ipinako sa krus, nahimlay sa libingan, kinalag ang mga gapos ng kamatayan at bumangon mula sa libingan. … Narito, kung gayon, ang isa pang patotoo ng banal na katotohanang ito; Dahil dito kami ay may tatlong saksi. Sa bibig ng dalawang saksi o ng tatlo, ayon sa pagkakasabi sa atin, ay papagtibayin ang bawat salita; at sa pamamagitan ng patotoo ng dalawa o tatlong saksi tayo ay mapawawalang-sala, o mahahatulan.
Subalit kuntento na ba ako rito? Maaaring maging kuntento na ako rito, kung hindi na ako makatatanggap ng dagdag na liwanag o kaalaman. Ngunit kapag dumarating ang mas dakilang liwanag, at magkakaroon ako ng pribilehiyo na magtaglay nito mismo sa aking sarili, hindi ko magagawang manatiling kuntento sa mas maliliit na bagay nang ganoon na lamang. Hindi tayo kailanman magiging kuntento ni magiging masaya sa kabilang buhay, maliban na matanggap natin ang kaganapan ng liwanag at mga biyaya na inihanda para sa mabubuti. …
Ipinagkaloob sa atin na malaman ang mga bagay na ito mismo sa ating mga sarili. Sinabi ng Diyos na ipakikita niya ang mga bagay na ito sa atin; at dahil sa layuning ito ang Espiritu Santo ay ipinagkaloob sa lahat ng karapat-dapat na nagpapakita ng pagsunod, na nagpapatotoo sa Ama at sa Anak, at naghahatid ng mga bagay ng Diyos at ipinakikita ang mga ito sa tao. Ang dati na nating matibay na paniniwala hinggil sa katotohanan ay pinagtitibay ng Espiritu Santo, binibigyan tayo ng walang pag-aalinlangang katiyakan tungkol sa pagiging tumpak ng mga ito, at sa pamamagitan nito ay nagtatamo tayo ng personal na kaalaman, hindi tulad ng isang tao na sinabihan lamang kaya niya ito nalaman, subalit dahil sa ito ay kanyang nakita, nadama, narinig, at nalaman niya mismo sa kanyang sarili.
Bukod dito, sa pagtayo ko sa inyong harapan, aking mga kapatid, bilang isang hamak na kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, ako ay nagpapatotoo, hindi dahil sa kaalaman na maaaring nakuha ko sa mga aklat, ngunit sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Diyos sa akin, na si Jesus ang Cristo. Alam ko na ang aking Manunubos ay buhay; alam ko na pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, gayon ma’y makikita ko ang Diyos sa aking laman, at siya ay aking mamamasdan at hindi ito maaaring gawin ng iba para sa akin. Ang liwanag na ito ay dumating sa akin, at ito’y nasa aking puso’t isipan, at sa pamamagitan nito ako ay nagpapatotoo, at alam ko kung ano ang aking sinasabi. …
Ako ba’y nag-iisa? Hindi. Libu-libong tao ang maaaring makapagbigay ng ganitong patotoo. Nalalaman din nila ito sa kanilang mga sarili; ipinakita ito ng Diyos sa kanila, tinanggap nila ang Espiritu Santo, na siyang nagpatunay ng mga bagay na ito sa kanilang mga puso, at sila rin ay hindi umaasa lamang sa mga aklat, o sa mga salita ng ibang tao, sapagkat sila mismo ay tumanggap ng kaalaman mula sa Diyos, at nalalaman nila tulad ng kung paano niya ito nalalaman at nakikita nila tulad ng kung paano niya ito nakikita hinggil sa malilinaw at mahahalagang bagay na ito.9
Ang patotoo kay Jesucristo ay nagbibigay-inspirasyon sa atin upang gawin ang mga bagay na Kanyang ipinag-uutos.
Pinag-uusapan natin ang tungkol sa Tagapagligtas, kay Jesus na Anak ng Diyos, at nadarama na tayo ay ligtas at matiwasay sa kanya, at hindi matitinag ang ating mga paa sa pundasyon ng walang hanggang katotohanan kapag nasa ating mga puso ang espiritu ni Cristo.
Nais kong sabihin sa aking mga kapatid, na kung mayroon mang isang tao sa daigdig na lubos at buong-puso niyang natanggap sa kanyang kaluluwa ang pag-ibig ni Cristo nang higit pa kaysa akin, ikagagalak kong makita siya, ikagagalak kong makasalamuha ang ganitong uri ng tao. Si Cristo ay tunay na Tagapagligtas ng aking kaluluwa, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Isinakripisyo niya ang kanyang buhay para sa atin upang tayo ay maligtas, kinalag niya ang mga gapos ng kamatayan, at napagtagumpayan ang libingan, at nag-aanyaya na tayo ay sumunod sa kanya. Siya ay nagbangon mula sa kamatayan upang muling mabuhay, ipinahayag na siya ang daan tungo sa kaligtasan, ang ilaw at ang buhay ng daigdig, at pinaniniwalaan ko ito nang buo kong puso. Hindi ko lamang ito pinaniniwalaan, ngunit kung gaano ko nalalaman na sumisikat ang araw, alam ko rin na ang maniwala sa kanya ay nagtutulak sa mabuti at hindi sa masama; at dahil sa nalalaman ko na nag-uudyok ang kanyang espiritu tungo sa malinis na pamumuhay, sa pagkakaroon ng dangal, sa paglakad nang matwid, sa katapatan, at sa kabutihan, at hindi sa kasamaan, alam ko ring sa pamamagitan ng lahat ng patunay ay maaari kong maabot ang kaalaman na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.
Subalit sa kabila ng lahat ng ito, taglay man ang katiyakang ito sa aking puso at kaalaman na aking tinanggap, kung ako ay titigil na lamang dito, anong buti ang idudulot nito sa akin? Ano ang magiging buti ng kaalamang ito sa akin? Mayroon bang kapakinabangan na makukuha sa pagkakaroon lamang ng kaalamang ito? Ito ang magiging kapakinabangan nito, na matapos matanggap ang patotoong iyon sa aking puso, matapos matanggap sa aking kaluluwa ang patotoo ng espiritu ng buhay na Diyos, na si Jesus ang Cristo, at ako ay tumigil na lamang doon at hindi na nagpatuloy, ang patotoong ito mismo sa aking kaluluwa ay magdaragdag sa aking walang hanggang kapahamakan. Bakit? Sapagkat hindi lamang natin tungkulin na malaman na si Jesus ang Cristo kundi mapanatili ang impluwensiya ng kanyang espiritu sa ating mga kaluluwa. Hindi lamang kailangan na magkaroon ng patotoo sa kanya sa ating mga puso, subalit kinakailangan na gawin natin ang mga bagay na kanyang ipinag-uutos, at ang mga gawa ng kabutihan na kanyang ginawa, nang sa gayon ay makamit natin sa kadakilaan ang mga inilaan para sa kanyang mga anak na gumagawa nang mabuti at naniniwala; at ang mga taong hindi gagawa nito ay tiyak na mabibigo. “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” [Mateo 7:21.]
Sinabi ng Tagapagligtas: “Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin kayong manggagawa ng katampalasanan.” [Mateo 7:22—23.] At bakit? Sapagkat ipinahahayag ninyong ako’y mahal ninyo, ngunit ito’y galing lamang sa inyong mga labi, ipinahayag ninyong ako’y tinaggap ninyo, ngunit ito’y galing lamang sa inyong mga bibig, o galing lamang sa inyong mga salita, subalit hindi ninyo ginawa ang mga bagay na aking ipinag-uutos; hindi ninyo pinagsisihan ang inyong mga kasalanan, hindi ninyo inibig ang Diyos nang buong puso, pag-iisip at lakas ninyo, hindi ninyo nagawang ibigin ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili, hindi ninyo nagawang magpabinyag sa taong may awtoridad na magbinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan; hindi ninyo nagawang tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay; hindi ninyo nagawang mapabilang sa aking mga tao; hindi kayo sumama sa aking kawan; hindi kayo napabilang sa aking mga pinili, at hindi ko kayo nakikilala, magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” Ang malaman ang paggawa ng mabuti at hindi pa rin ito ginagawa ay isang kasalanan. (Santiago 4:17). Ito ang mangyayari sa mga taong naniniwala lamang. Kung kayo ay naniniwala, bakit hindi ninyo gawin ang mga bagay na kanyang hinihingi? …
… Hindi sapat lamang na akalain ninyo na kayo ay mga Banal sa mga Huling Araw samantalang sa inyong mga pag-uugali, sa takbo ng inyong buhay, sa inyong mga gawain o kilos, ay pinamamarisan ninyo … ang mga hindi naniniwala sa Diyos at sa banal na misyon ni Jesucristo. Hindi ito sapat. Kayo’y pagsasamantalahan ng diyablo, kayo’y kanyang ililigaw, at kayo’y kanyang wawasakin kung hindi ninyo pagsisisihan ang mga gawain o kilos na hindi naaayon, o salungat, sa ebanghelyo na inyong tinanggap.10
Dapat nating mahalin ang Tagapagligtas nang buo nating puso’t kaluluwa.
Ang dalisay na patotoo ay isang matibay na proteksiyon sa lahat ng oras.11
Aking mga kapatid, ninanais kong ibahagi ang aking patotoo sa inyo; sapagkat ako ay nakatanggap ng katiyakan na bumalot sa aking buong pagkatao. Ito ay tumimo nang malalim sa aking puso; ito’y nanuot sa bawat himaymay ng aking kaluluwa; dahil dito ay nadarama kong sabihin sa mga taong ito, at isang malaking kasiyahan para sa akin na magkaroon ng pribilehiyo na sabihin ito sa buong daigdig, na inihayag ng Diyos sa akin na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos, ang Manunubos ng daigdig.12
Lubos ang aking pagtitiwala kay [Jesucristo]. Ang buo kong puso’t kaluluwa ay puno ng pagmamahal para sa kanya. Ang aking pag-asa ay nasasalig sa Kanyang dakilang katangian at sa Kanayang salita. Siya ay hindi nagkasala. Siya ay walang bahid-dungis, at nagtataglay ng kapangyarihan tungo sa buhay na walang hanggan; binuksan Niya ang daan mula sa libingan tungo sa buhay na walang katapusan para sa akin at sa lahat ng mga anak ng tao. Ang aking pagtitiwala sa Kanya ay walang hangganan. Ang pagmamahal ko sa Kanya ay higit pa sa lahat ng bagay sa mundo, kapag tinataglay ko ang Espiritu ng Ebanghelyo tulad ng nararapat, at para sa akin Siya ang una at nangingibabaw. Siya ang pinakadakila sa lahat ng pansamantalang namalagi sa daigdig nating ito, at Siya ay pumarito upang maging tanglaw, gabay at halimbawa natin, at tungkulin natin na sumunod sa Kanya.13
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Ano ang patotoo? Paano tayo makatatanggap ng patotoo tungkol kay Jesucristo? Anong bahagi ang ginagampanan ng “pagsunod sa mga alituntunin ng buhay at kaligtasan” sa pagpapalago ng patotoo?
-
Paano lumago ang inyong patotoo nang “taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin”? Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga tumatanggap ng patuloy na mga paghahayag ng Banal na Espiritu?
-
Sa ilalim ng anong mga kalagayan maaaring mawala ang kaloob na patotoo? Paano natin mapangangalagaan ang ating mga patotoo? Ano ang mga kahihinatnan ng hindi natin pangangalaga sa ating mga patotoo?
-
Paano natin maipakikita ang pagtanaw ng utang na loob para sa kaloob na patotoo?
-
Paano nakatutulong sa atin ang pag-aaral ng banal na mga kasulatan sa pagkakaroon ng patotoo kay Jesucristo? Sa anong diwa dapat natin pag-aralan ang mga banal na kasulatan upang lumago ang ating mga patotoo?
-
Paano tayo magkakaroon ng personal na kaalaman na si Jesus ang Cristo, “hindi tulad ng isang tao na sinabihan lamang kaya niya ito nalaman, subalit dahil sa ito ay … nalaman niya mismo sa kanyang sarili”?
-
Paano nakahihigit sa lahat ng iba pang mga patunay ang patotoo na tinanggap sa pamamagitan ng Espiritu Santo? Nang kayo ay mapagpala ng patotoo mula sa Espiritu Santo, ano ang inyong nadama?
-
Bakit kailangang gawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Tagapagligtas gayundin ang maniwala sa Kanya? Paano napalakas ng mga gawain ng kabutihan ang inyong patotoo? Paano natin “mapananatili ang impluwensiya ng espiritu ng [Tagapagligtas] sa ating mga kaluluwa”?
-
Paano naantig ang inyong puso ng malakas na patotoo ni Pangulong Smith tungkol sa Tagapagligtas? Paano kayo napagpala ng mga patotoo ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol? Sa pagbabahagi natin ng ating mga patotoo, bakit dapat nating ituon ang ating isipan kay Jesucristo?