Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 32: Kalayaan sa Pamamagitan ng Pagsunod


Kabanata 32

Kalayaan sa Pamamagitan ng Pagsunod

Ginawa tayong malaya ng Diyos upang pumili sa mabuti o masama at tayo’y papananagutin sa paggamit ng katalinuhan at mga oportunidad na Kanyang ipinagkaloob sa atin.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Naniniwala si Pangulong Joseph F. Smith na ang kalayaan sa pagpili ng indibiduwal at ang indibiduwal na pananagutan ay hindi mapaghihiwalay, napakahalagang mga bahagi ng proseso upang ang mga anak ng Diyos ay maging katulad Niya. “Kailangan ninyo at kailangan ko na makamit ang mga pagpapala ng buhay na wlaang hanggan para sa ating mga sarili, sa pamamgitan ng pagsunod at awa ng Diyos,” paliwanag niya. May kapangyarihan tayong magpasiya sa ating mga sarili at maaari nating piliin ang masama o mabuti.… Kailangan nating matuto sa ating mga sarili na tumayo o bumagsak, lalaki man o babae.”1

Personal na humarap si Pangulong Smith sa mga miyembro ng kongreso ng Estados Unidos noong 1904 at mahigpit na nagpahayag tungkol sa karapatan ng mga miyembro ng Simbahan na gamitin ang kalayaan nila sa pagpili sa paggawa ng mga pansarili, pangrelihiyon, at pampulitikang pagpili. Noong ika-26 ng Marso 1907, ipinalathala ng Unang Panguluhan ang “Isang Pagpapahayag: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Daigdig,” na nagkakaisang pormal na sinang-ayunan sa pangkalahatang komperensiya noong Abril 1907. Muling binabanggit ang maraming mga pangunahing paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang pagpapahayag ay matibay na nagsasaad na: “Naniniwala kami sa kalayaan sa pagpili ng tao, at samakatuwid sa kanyang indibiduwal na pananagutan.”2

Naniniwala at itinuro ni Pangulong Smith na ang pagsunod sa mga batas ng ebanghelyo ni Jesucristo ang tanging paraan sa pagkakamit ng kalayaan na ipinangako ni Jesucristo: “Ang katotohana’y magpapalaya sa inyo” (Juan 8:32).

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Pinagkalooban tayo ng Diyos ng kaloob na kalayaan sa pagpili at tayo’y papanagutin sa ating mga pagpili.

Pinagkalooban ng Diyos ang lahat ng tao ng kalayaan sa pagpili at binigyan tayo ng pribilehiyo na makapaglingkod sa kanya o hindi makapaglingkod sa kanya, upang gawin ang tama o gawin ang mali, at ang pribilehiyong ito ay ibinigay sa lahat ng tao anuman ang kanilang pananampalataya, kulay o kalagayan. Ang mayayaman ay may ganitong kalayaan sa pagpili, ang mahihirap ay may ganitong kalayaan sa pagpili, at walang sinumang tao ang inaalisan ng anumang kalayaan ng Diyos upang hindi ito magamit nang lubusan at sa pinakamalayang paraan. Ang kalayaan sa pagpiling ito ay ipinagkaloob sa lahat. Ito ay biyaya na ipinagkaloob ng Diyos sa daigdig ng sangkatauhan, sa lahat ng kanyang mga anak. Subalit tayo’y hihingan niya ng pag-uulat kung paano natin ginamit ang kalayaan sa pagpiling ito, at tulad ng sinabi kay Cain, ganito rin ang sasabihin niya sa atin; “Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, di ba ikaw mamarapatin? At kung hindi ka gumawa ng mabuti, ay nahahandusay ang kasalanan sa pintuan” (Gen. 4:7).3

Tayo ay mga kinatawan, at maaari nating piliin o tanggihan ang ebanghelyo, tularan ang mga halimbawa ng Tagapagligtas o ni Lucifer. Nasa atin kung ano ang ating pipiliin. Tayo ay mga tagapagmana sa Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo, at may pribilehiyo na magtamo ng kaluwalhatian at kadakilaan sa kaharian kung saan ay nananahanan si Jesus at ang mga pinabanal, subalit nasasa atin kung ito ang ating pipiliin o tatanggihan; ipinahayag ng Diyos na wala Siyang hihingin mula sa atin maliban sa bagay na alam Niyang makakaya nating gawin. Kung Siya ay may hinihiling at may ipinagagawa sa atin na mahirap gawin, itinuturing ang mga ito na isang natural na bagay, pagkakalooban Niya tayo ng kalayaan upang maisagawa ang mga ito. Subalit maliban na tayo ay karapat-dapat, at maliban na gamitin natin ang lahat ng lakas at katalinuhan na likas nating taglay, ang bahagi ng pangako mula sa Kanya ay hindi matutupad, sapagkat ito ay batay na rin sa kundisyon na gagawin natin ang ating bahagi.4

Ipinagkaloob ng Panginoon sa mga anak ng tao ang kanilang kalayaan sa pagpili. Maaaring piliin ng mga tao ang mabuti o masama batay na rin sa kanilang sariling mga pagpili.… Tunay na pinananagot Niya tayo sa kanyang harapan at mananagot tayo sa kanya sa paggamit ng katalinuhan at ng mga oportunidad na ipinagkaloob niya sa atin dito sa laman.5

Hindi nanghihimasok ang Diyos sa ating kalayaan sa pagpili, subalit pinahihintulutan tayong maranasan ang mga magiging bunga ng ating mga pagpili.

Ang kalayaang pumili ng tao ay hindi pinanghihimasukan ng Diyos. Kung ang mga tao ay hindi magiging malaya na piliin ang tama at iwasan ang masama, o gayundin naman ang kabaligtaran nito, hindi kailanman magkakaroon ng kabutihan o dahilan man lamang upang sila ay mahatulan. Ngunit sa pagkakaroon ng kalayaan na makapamili, sila ay mga nilalang na nagkakaroon ng pananagutan, at samakatuwid ay tatanggapin nila ang mga magiging bunga ng kanilang mga ginagawa. Sila ay gagantimpalaan o parurusahan ayon sa kanilang mga gawa, kapag ang mga aklat ay bubuksan at sila’y hahatulan ayon sa mga bagay na nasusulat dito.

Walang pag-aalinlangan na magagawang hadlangan ng Diyos ang digmaan, pigilan ang krimen, puksain ang kahirapan, pawiin ang kadiliman, mapagtagumpayan ang kamalian, at gawin ang lahat ng bagay na maging maningning, maganda at masaya. Subalit kapapalooban ito ng pagkawasak ng mahalaga at pangunahing katangiang taglay ng tao—ang karapatan na malayang makapamili. Ito ay para sa kapakinabangan ng Kanyang mga anak upang kanilang makilala ang masama gayundin ang mabuti, ang kadiliman gayundin ang liwanag, ang kamalian gayundin ang katotohanan, at ang mga bunga ng paglabag sa mga walang hanggang batas. Dahil dito ay pinahihintulutan niya ang kasamaan na dulot ng Kanyang mga nilalang, subalit pipigilan ang mga bunga nito sa dakong huli para sa Kanyang sariling kaluwalhatian at sa pag-unlad at kadakilaan ng Kanyang mga anak, kapag kanilang natutuhan ang pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanilang dinaranas. Ang magkasalungat na karanasan sa daigdig na ito na mula sa pinaghalong lungkot at saya ay may katangiang nakapagtuturo, at siyang magiging daan sa pagtuturo sa sangkatauhan upang lubos na pasalamatan ang lahat ng tama at totoo at mabuti. Ang kaalaman ng Diyos sa mula’t mula pa ay hindi nangangahulugan na ang mga ginagawa Niya ay batay na rin sa Kanyang nakikini-kinita, ni hindi rin nito Siya ginagawang responsible sa kahit anumang antas hinggil sa mga bagay na ginagawa ng tao o ayaw gawin ng tao.6

Maraming bagay ang nangyayari sa daigdig na tila ba napakahirap sa karamihan sa atin na makakita ng matibay na kadahilanan upang kilalanin ang kamay ng Panginoon.… Ang tanging dahilan na aking natuklasan kung saan dapat nating kilalanin ang kamay ng Diyos sa ilang mga pangyayari ay ang katotohanan na ang bagay na nangyari ay ayon na rin sa kapahintulutan ng Panginoon. Kapag binigyang-daan ng dalawang tao ang simbuyo ng kanilang damdamin, ang kanilang kasakiman at galit, upang makipagtalo at makipag-away sa isa’t isa, at humantong ang away at pagtatalong ito sa pisikal na alitan at karahasan sa pagitan nilang dalawa, mahirap para sa akin na matuklasan ang kamay ng Panginoon sa ganitong uri ng gawain; maliban sa ang mga taong ito ay hindi nagkasundo, nakipag-away at nakipagtalo sa isa’t isa, ay tinanggap mula sa Diyos ang kalayaan nilang makapamili sa kanilang sarili upang gamitin ang kanilang sariling katalinuhan, upang sila mismo ang magpasiya sa pagitan ng tama at mali, at magpasiya ayon sa kanilang sariling hangarin. Hindi pinlano o nilayon ng Panginoon na ang dalawang taong ito ay mag-away, o magbigay puwang sa kanilang galit hanggang sa humantong ito sa karahasan sa pagitan nilang dalawa, at marahil, sa pagdanak ng dugo. Hindi kailanman nilayon ng Diyos ang ganitong bagay, ni hindi rin natin maisisisi ang ganitong mga bagay sa Pinakamakapangyarihan.…

Ang kalayaan sa pagpili na ipinagkaloob sa atin ng [Diyos] ay nagbibigay ng pagkakataon na tayo mismo ang magpasiya sa ating mga sarili—upang gawin ang mga bagay na hindi tama kung ito ang nais natin, na salungat sa mga batas ng buhay at kalusugan, na hindi matalino o maingat gawin—at ang bunga ay maaaring maging mapanganib sa atin, dahil sa ating kamangmangan o sa ating determinasyon na ipilit ang bagay na ating hinahangad, sa halip na bigyang-daan ang mga kahilingan na ipinagagawa ng Diyos sa atin.7

Daranasin ninyo ang bunga ng inyong sariling mga pagkakamali, ng inyong sariling mga kamalian, kahit pa magdulot ang mga ito ng kalungkutan, pagkakasakit, o kamatayan! Dahil dito, kinikilala ko ang kamay ng Panginoon sa kalayaan sa pagpiling ito na ipinagkaloob niya sa mga anak ng tao; subalit kinikilala ko ang kamay ng tao ayon na rin sa mga bunga ng kanyang sariling pagpili, kasunod ng kanyang hindi pagsunod sa batas ng Diyos. Hindi ko isinisisi sa Diyos Ama ang mga kahinaan, ang mga pagkakamali o kamalian, ang mga krimen at kasamaan ng tao, at ang masasama na umiiral sa daigdig.8

Dahil na rin [sa] taglay na kalayaan, at sa mga pagpapasiya na ginagawa ng tao kung kaya’t nagawa ang karamihan sa mga kasamaan na naganap sa daigdig—ang pagkakamartir ng mga Banal, ang pagkakapako sa krus ng Anak mismo ng Diyos, at halos lahat ng lubusang pagtalikod at paglayo mula sa gawain ng kabutihan, at mula sa mga batas ng Diyos, ay naganap dahil sa taglay na kalayaang ito at sa mga pagpapasiya na ginagawa ng tao. Ang Diyos ay naglaan ng mga kaparaanan ayon na rin sa kanyang walang hanggang karunungan at magiliw na awa at ipinakita ang daan sa mga anak ng tao kung saan, sa kabila ng taglay na kalayaan at sa mga sariling pagpapasiya na kanilang ginagawa, ay maaari silang indibiduwal na lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya at panalangin, at alamin kung ano ang dapat na magsilbing gabay at pamantayan nila sa pagpapasiya at paggamit ng karunungan; at nais kong huwag kalimutan ng mga Banal sa mga Huling Araw na ito ay kanilang pribilehiyo.9

Ang Simbahan ni Jesucristo ay hindi nanghihimasok sa kalayaan ng indibiduwal.

Ang Kaharian ng Diyos ay Kaharian ng kalayaan; ang ebanghelyo ng Anak ng Diyos ay ebanghelyo ng kalayaan.10

Makakikita ba kayo ng organisasyon, pansimbahan o labas man sa simbahan, na may katulad na perpektong pamamahala at organisasyon sa loob mismo nito gaya ng makikita sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na itinatag sa pamamagitan ng inspirasyon kay Propetang Joseph Smith? At ano ang layunin ng organisasyong iyon? Ito ba’y para sugpuin ang mga tao? Ito ba’y para saktan kayo? Ito ba’y para payukurin kayo sa lupa? Ito ba’y para pagkaitan kayo ng inyong mga kalayaan, ng inyong mga karapatan, ng inyong mga pribilehiyo? Ito ba’y para gawin kayong mga alipin, hamak na utusan, at yurakan ang inyong pagkatao? O ito ay para iangat ang antas ng inyong katalinuhan at pagkalalaki at palawakin ang inyong mga kalayaan, sapagkat walang kalayaan na tulad ng kalayaan na nagmumula sa ebanghelyo ni Jesucristo? Sapagkat masasabi ko sa inyo na walang taong malaya kapag siya ay nasa ilalim ng pagkakaalipin ng kasalanan at ng paglabag, ni hindi rin malaya ang sinumang tao kapag siya ay nasa ilalim ng pagkakaalipin ng kamangmangan alinsunod sa plano ng buhay at kaligtasan.11

Naniniwala ako na walang mas malaya, higit na nakapag-iisa o higit na matatalinong tao na matatagpuan saanmang sulok ng daigdig, na higit na malaya sa pagpili ng landas na kanilang tinatahak, sa gawain na kanilang ginagawa at sa lahat ng anumang bagay na may kinalaman sila, kaysa sa mga Banal sa mga Huling Araw. Walang miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na karapat-dapat, kahit saan mang panig ng daigdig ngayon na hindi gayon ang katatayuan dahil na rin sa katangian niyang nakapagsasarili, dahil na rin sa kanyang katalinuhan, karunungan at kakayahan na magpasiya sa pagitan ng tama at mali at sa pagitan ng mabuti at masama.12

Ang relihiyon ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nag-uugnay sa kasalukuyang pag-uugali gayundin sa kaligayahan sa hinaharap. Iniimpluwensiyahan ng relihiyong ito ang mga mananampalataya nito [mga naniniwala] sa lahat ng bagay na nakakaapekto sa pag-uugali ng tao. Ito ay para sa katawan at gayundin naman sa espiritu. Tinuturuan nito ang mga tao kung paano mamuhay at kumilos sa daigdig na ito upang maihanda sila sa tunay na kaganapan sa daigdig na darating. Ang Simbahan, samakatwid, ay nagtuturo hinggil sa mga bagay na temporal gayundin sa mga bagay na espirituwal, kung ang mga ito ay nauugnay sa Simbahan, sa mga pag-aari at institusyon nito at sa samahan ng mga tagasunod nito. Subalit hindi ito nanghihimasok sa kalayaan ng indibiduwal o nakikialam sa mga gawain ng estado. Ang kalayaan sa pagpili ng tao ay pangunahing alituntunin na, ayon sa mga doktrina ng Simbahan, kahit na ang Diyos mismo ay hindi hahadlang.13

Ang pagsunod, ang wastong paggamit ng kalayaan sa pagpili, ay naghahatid ng hindi mabilang na mga pagpapala.

May mga … tiyak na pagpapala na ipinagkakaloob lamang ng Diyos sa mga anak ng tao ayon na rin sa wastong paggamit ng kalayaan sa pagpiling ito. Halimbawa, walang sinumang tao ang maaaring magtamo ng kapatawaran ng kanyang mga kasalanan maliban lamang sa pagsisisi, at pagbibinyag ng isang tao na nagtataglay ng awtoridad. Kung nais nating maging malaya mula sa kasalanan, sa mga epekto nito, sa kapangyarihan nito, kailangan nating sundin ang batas na ito na inihayag ng Diyos, o hindi natin kailanman makakamit ang kapatawaran ng mga kasalanan. Samakatwid, bagama’t ipinagkaloob ng Diyos sa lahat ng tao, anuman ang kanilang kalagayan, ang kalayaang ito na pumili sa mabuti o masama, hindi niya ipinagkakaloob at hindi niya ipagkakaloob sa mga anak ng tao ang kapatawaran ng mga kasalanan maliban lamang sa pagsunod nila sa batas na ito.…

Ang lahat ng tao ay biniyayaan ng lakas ng mga pangangatawan, ng pag-iisip, at ng karapatan na gamitin ang kaalaman na ipinagkaloob sa kanila sa paraan na sa tingin nila ay makabubuti sa kanila, nang walang pagtatangi sa relihiyon. Subalit hindi pinahihintulutan at hindi pahihintulutan ng Diyos na ipagkaloob ang kaloob na Espiritu Santo sa sinumang lalaki o babae, maliban lamang sa pagsunod sa mga batas ng Diyos. Dahil dito, walang sinumang tao ang maaaring magtamo ng kapatawaran sa mga kasalanan; walang sinumang tao ang maaaring tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo; walang sinumang tao ang maaaring magkamit ng mga pahayag ng Diyos; walang sinumang tao ang maaaring tumanggap ng Pagkasaserdote, at ng mga karapatan, kapangyarihan at pribilehiyo nito; walang sinumang tao ang maaaring maging tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Jesucristo, maliban lamang sa pagsunod sa mga ipinatutupad ng langit. Ang mga ito ay panlahat na mga pagpapala, ang mga ito ay napakalalaki at hindi mabibilang na mga pribilehiyo na may kinalaman sa ebanghelyo at sa plano ng buhay at kaligtasan, na bukas at walang-bayad para sa lahat batay na rin sa itinakdang mga kundisyon, at walang sinumang mga tao sa ilalim ng langit ang maaaring makapagtamasa, maliban lamang sa paglakad sa landas na iginuhit ng Diyos kung saan maaari nilang matamo ang mga ito. At ang mga pribilehiyo at pagpapalang ito ay maaaring mawalan ng saysay matapos na matanggap ang mga ito, at marahil ay tuluyang maglaho sa kawalang-hanggan, maliban na lamang kung patuloy tayong matatag na maninindigan sa landas na iginuhit na dapat nating sundan.…

Ang araw ay sumisikat sa masasama at sa mabubuti; subalit ang Espiritu Santo ay bumababa lamang sa matutuwid at sa mga napatawad sa kanilang mga kasalanan. Ang ulan ay bumabagsak sa masasama at sa mabubuti; subalit ang karapatan ng Pagkasaserdote ay gaya ng hamog mula sa langit na nagpapadalisay sa mga kaluluwa ng mga taong tumatanggap lamang nito sa paraan na itinakda ng Diyos. Ang kabutihang-loob ng langit, ang pagkilala ng Pinakamakapangyarihan sa kanyang mga anak sa ibabaw ng lupa bilang kanyang mga anak na lalaki at babae, ay maaari lamang matiyak sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas na kanyang inihayag.14

Ang pinakamataas na antas ng kalayaan ay nagmumula sa pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang ganap na batas ng kalayaan. Ito ay nilayon upang akayin ang tao sa pinakamataas na estado ng kaluwalhatian, at dakilain siya sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit, “na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba.” [Santiago 1:17.]15

Naniniwala kami na ang kalooban ng Diyos ay dakilain ang lahat ng tao; na ang kalayaan na nagmumula sa pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo ang pinakamataas na antas ng kalayaan na maaaring dumating sa buhay ng tao. Walang kalayaan na tinatamasa ang mga tao o inaakala nilang tinatamasa nila sa daigdig na hindi nasasalig sa kalooban at batas ng Diyos, at isang pagkakamali na ituring na walang katotohanan ang pangunahing alituntunin at saligan nito. Ito ay kamalian na siyang umaalipin sa mga tao. Ito ay kawalang-katotohanan na nagpapababa sa sangkatauhan. Kamalian at ang kakulangan ng kaalaman sa mga batas ng Diyos at kalooban ng Diyos ang naglalagay sa tao sa hanay ng mababangis na uri ng nilikha; sapagkat sila ay walang mas mataas na katutubong gawi, walang mas mataas na prinsipyo, walang mas mataas na layunin, walang mas mataas na hangarin, maliban sa pagiging hayop, kung wala silang anumang inspirasyon na makukuha sa mas mataas na pinagmumulan kaysa sa tao mismo.16

Tanging sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ng Diyos, na ang mga tao ay makapananaig sa mga mumunting kahinaan ng mortalidad at sikaping ipadama ang wagas na pagmamahal na yaon, ang kawanggawa at pag-ibig na yaon, na dapat gumising sa mga puso at hangarin ng mga anak ng tao.17

Mga kapatid, gawin nating malaya ang ating mga sarili. Naninindigan ako—at sa palagay ko ay may karapatan akong gawin ito—na ako ay isang taong malaya, ayon na rin sa pagsunod ko sa mga kautusan ng Diyos. Kung gagawa ako ng mali, ako ay napaaalipin sa kamaliang iyon. Kung gagawa ako ng kasalanan, ako ay napaaalipin sa kasalanang iyon. Kung lalabag ako sa mga batas ng Diyos, ako ay mananagot sa Panginoon. Subalit ako’y naninindigan na kung pag-uusapan ang kalayaan, kalayaan na makapagpahayag, kalayaan na makapagpasiya, kalayaan na kumilos—batay sa lahat ng bagay na makapagbibigay ng kalayaan sa tao sa kalipunan ng mga tao, hindi ako naniniwala na may ibang tao sa mundo na higit na malaya kaysa sa akin. Oo, kaya kong gumawa ng kasalanan kung nanaisin ko. Katulad din ng sinumang tao malaya akong makagagawa ng kasalanan. Walang sinumang tao ang may karapatan na gumawa ng kasalanan; subalit ang lahat ng tao ay malaya na magagawa ang ganito kung nanaisin nila ito. Ipinagkaloob ng Diyos sa kanila ang kalayaan nila sa pagpili. Lumalabas ba ang pagkalalaki ko sa paggawa ng kasalanan dahil malaya kong nagagawa ito? Malaya akong makapupunta sa bar at makaiinom ng alak, kung ito ang pipiliin ko, o makapupunta ako sa sugalan para magsugal. Taglay ko rin ang kalayaan na may kinalaman sa mga bagay na ito tulad ng sinumang tao na nabubuhay sa mundo. Subalit sa sandaling gumawa ako ng ganitong bagay nagiging alipin at napaaalipin ako sa kasamaan. Sa kabilang dako, kung malinis ang aking budhi mula sa pagpunta sa mga bar, o sa paglalaro ng baraha, o sa pagsusugal, o sa iba pang mga krimen, hindi ako nagkakasala sa mga bagay na ito at tunay na ako ay isang taong malaya. Ginawa akong malaya ng katotohanan hinggil sa bagay na ito.18

Hindi natin ipinahahayag ang ebanghelyo na nagdadala ng takot. Hindi natin hinahangad na takutin ang mga kaluluwa ng mga tao. Hindi natin hinihilingan ang tao na maging mabuti dahil sa nakakatakot na sasapitin ng mga isinumpa. Hindi namin nais na kayo ay maging mabuti dahil natatakot kayo sa magiging kaparusahan ng masasama. Hindi namin nais na gawin ninyo ang tama dahil sa kaparusahang nakalakip sa paggawa ng mali. Nais naming piliin ninyo ang tama dahil ito ay tama, at dahil iniibig ng inyong puso ang tama, at dahil ito ang pinakamainam na dapat ninyong gawin. Nais namin na kayo’y maging tapat, hindi lamang dahil sa ito ay pinakamainam na panuntunan, subalit dahil kapag ginagawa ninyo ito ay iginagalang ninyo ang Diyos at isinasakatuparan ninyo ang Kanyang mga layunin sa inyong buhay; sapagkat “ang tapat na tao,” ito ay matanda, at marahil ay palasak na, sinasabing—” ang pinakamarangal na gawa ng Diyos.” Nais nating maging tapat dahil mahal natin ang Diyos, at hindi tayo magiging mga Banal ng Diyos [maliban] na tayo ay matapat. Dapat tayong maging mabuti dahil nais nating maging mabuti, at hindi dahil kinatatakutan natin ang magiging bunga ng kasamaan.19

Hindi tinatanggap ng Panginoon ang pagsunod mula sa mga tao maliban sa pagsunod na ipinagkaloob nila nang buong-puso at nang may kagalakan, at ang lahat ng iyon ang hinahangad ng kanyang mga tagapaglingkod. Ito ang pagsunod na dapat nating ipagkaloob, at kung hindi natin ito gagawin tayo ay nasa ilalim ng kapahamakan.20

Hindi lamang may katalinuhan si [Jesucristo], subalit ginamit Niya ang katalinuhang ito sa paggawa ng mabuti at sa pagpapalaya sa mga tao mula sa mga kamalian ng daigdig at sa masasamang nakaugalian ng mga ninuno. Ipinahayag Niya ang mga salita nang may katotohanan at kahinahunan, “Kung kayo’y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo’y tunay nga kayong mga alagad ko at inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo.” [Juan 8:31–32.] Walang tao na katulad ng Diyos maliban na siya ay malaya. Ang Diyos ay malaya. Bakit? Dahil tinataglay Niya ang lahat ng kabutihan, lahat ng kapangyarihan, at lahat ng karunungan. Taglay rin Niya ang Kanyang kalayaan sa pagpili, at ang kalayaan Niya sa pagpili ay ginagamit sa paggawa ng mabuti, at hindi sa paggawa ng masama. Dahil dito, walang sinumang tao ang maaaring maging katulad Niya hangga’t hindi niya napapasailalim ang kanyang sarili sa mga bagay na matwid, dalisay, at mabuti, at hangga’t hindi niya tinatalikuran ang kamalian at kasalanan at napagtatagumpayan ang kanyang sarili.…

Siya na madaling turuan at masunurin sa kalooban ng Diyos ay nagpapakita ng pinakamataas na uri ng katalinuhan sa mga tao. Siya na pinangingibabaw ang kanyang kuru-kuro na may pagsalungat sa mga hangarin at layunin ng Panginoon ang pinakamalayo sa lahat ng tao sa Diyos ukol sa ganitong bagay. Bagama’t siya ay maaaring hinubog at inanyuan sa larawan at wangis ng Ama, gayunman siya ay hindi tunay na katulad ng Anak maliban lamang na masabi niya sa kanyang puso, “Ama, huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.” [Lucas 22:42.] Kalooban ng Panginoon na dapat nating taglayin ang espiritung ito, at unawain ang katotohanang ito. Totoo na may isa lamang tayong Diyos, ang Ama, at ang lahat ng tao ay kailangan na magpasailalim sa Kanya at kinakailangan na sumunod sa Kanyang mga kautusan, nang sa gayon ay maging malaya sila at tunay na mga disipulo ni Cristo.21

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Ano ang kalayaang pumili? Sino ang may kalayaang pumili? Bakit maituturing na biyaya ang kalayaang pumili?

  • Paano inaasahan ng Diyos na gamitin natin ang ating kalayaan sa pagpili? Ano ang ipinangangako Niya sa atin kung pipiliin natin Siyang sundin? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 58:28.)

  • Bakit pinahihintulutan na pagdusahan natin ang mga bunga ng ating mga pagpili? Paano mababawasan ang ating karanasan sa mortal na buhay kung hahadlangan ng Diyos ang digmaan, pipigilin ang krimen, at pupuksain ang kahirapan? Ano ang inyong magiging reaksiyon sa tao na may pagkakamaling isinisisi sa Diyos “ang masasama na umiiral sa daigdig”?

  • Bagama’t pinahihintulutan ng Diyos ang kasamaan na dulot ng mga gawain ng Kanyang mga nilalang, anong katiyakan mayroon tayo na Kanyang “pipigilin ang mga bunga nito sa dakong huli”? (Tingnan din sa Mga Taga Roma 8:28; Doktrina at mga Tipan 98:3.)

  • Ano ang ibig sabihin ng “panghimasukan ang kalayaan ng indibiduwal”? Paano matutulungan ng mga magulang at pinuno sa Simbahan ang iba na maging masunurin nang hindi nanghihimasok sa kalayaan ng indibiduwal? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:34–46.)

  • Paano tayo tinutulungan ng Simbahan na maging tunay na malaya? Paano tayo pinipigilan ng kasalanan at kamalian?

  • Anong “dakila at napakahalagang” mga biyaya ang inyong natanggap nang piliin ninyong sundin ang mga batas ng Diyos? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21.)

  • Ano ang kaibahan ng sinusunod ang mga batas ng Diyos bunga ng pagmamahal kaysa dahil sa takot na maparusahan?

  • Paano natin matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas na maging higit na masunurin sa kalooban ng Ama?

Mga Tala

  1. Deseret News: Semi-Weekly, ika-11 ng Nob. 1873, 1.

  2. Sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 tomo (1965–75), 4:144; ang buong talumpati ay nasa mga pahina 143–55.

  3. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 49.

  4. Deseret News: Semi-Weekly, ika-3 ng Ene. 1871, 2.

  5. Sa Collected Discourses Delivered by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostles, and Others, tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo (1987–92), 2:297.

  6. Sa Messages of the First Presidency, 4:325–26.

  7. Gospel Doctrine, 56–57; idinagdag ang pagtatalata.

  8. Sa Messages of the First Presidency, 5:70–71.

  9. Gospel Doctrine, 48.

  10. Deseret News: Semi-Weekly, ika-2 ng Mar. 1867, 3.

  11. Sa Collected Discourses, 5:143.

  12. Gospel Doctrine, 492; binago ang ayos ng mga pagtatalata.

  13. Sa Messages of the First Presidency, 4:79.

  14. Gospel Doctrine, 49–50; idinagdag ang pagtatalata.

  15. Gospel Doctrine, 82.

  16. Gospel Doctrine, 53–54.

  17. Sa Conference Report, Okt. 1903, 2.

  18. Sa Collected Discourses, 4:410–11.

  19. Sa Collected Discourses, 3:217–18.

  20. Deseret News: Semi-Weekly, ika-11 ng Nob. 1873, 1.

  21. Sa Collected Discourses, 4:407.

Captain Moroni Raises the Title of Liberty

Itinaas ni Kapitan Moroni ang Bandila ng Kalayaan, ni Arnold Friberg. Ang mga miyembro ng Simbahan noong kapanahunan ng Aklat ni Mormon ay nagtipon sa kinaroroonan ng bandila ng kalayaan upang sumumpa na “pananatilihin nila ang kanilang mga karapatan, at kanilang relihiyon, upang pagpalain sila ng Panginoong Diyos” (Alma 46:20).