Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 45: Naghahatid ng Kapayapaan ang Ebanghelyo sa Daigdig sa mga Panahon ng Kaguluhan


Kabanata 45

Naghahatid ng Kapayapaan ang Ebanghelyo sa Daigdig sa mga Panahon ng Kaguluhan

Naghahatid ng kapayapaan ang ebanghelyo ni Jesucristo sa daigdig sa mga oras ng kaguluhan.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Sa loob ng ilang taon bago siya mamatay, madalas ikalungkot ni Pangulong Joseph F. Smith ang mga pighating nauugnay sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Maraming miyembro ng Simbahan ang nadamay sa digmaan sa magkabilang panig, at daan-daan ang namatay. Ilan din sa mga anak na lalaki ni Pangulong Smith ang naglingkod sa hukbong sandatahan, at ang isa sa kanila ay dalawang ulit na nasugatan sa pakikipaglaban.

Sa isang mensahe para sa Kapaskuhan sa mga Banal sa panahong ito, sinabi ng Unang Panguluhan: “Habang nagdiriwang sa pagsilang ng Isang Walang Kahalintulad, ang sigla ng ating kaligayahan ay nababawasan dahil sa ulap na hasik ng digmaan sa Europa, at ang ating mga awit at pagbati ng kagalakan at kabutihan ay nawawala sa tono dahil sa dagundong ng malalaking kanyon at daing ng mga sugatan at nag-aagaw-buhay, na umaalingawngaw mula sa malayo, ngunit nakapanglulumo sa ating mga kaluluwa habang ang masasamang balita ay dumarating mula sa ibayong dagat. Mga bansa na nag-aalsa laban sa ibang bansa, kapatid laban sa kapatid, ‘mga Kristiyano’ laban sa ‘mga Kristiyano,’ bawat isa ay humihingi ng tulong mula sa Diyos ng pag-ibig para sa kanilang madugong labanan at nagsasabing kaisa nila ang Prinsipe ng kapayapaan! Tunay na isang napakasamang panoorin itong lumalantad sa harap ng mga hukbo ng langit, isang korong umaawit ng walang kamatayang awit ng kabutihan para sa mga tao sa pagsilang ng sanggol sa Bethlehem!”1

Buhay pa si Pangulong Smith nang marinig ang balita tungkol sa paglagda ng kasunduan ng magkabilang hukbo na itigil ang digmaan na nagpahinto sa labanan at pagwasak ng buhay at ariarian. Ang kasunduang ito ay nilagdaan noong ika-11 ng Nobyembre, 1918, walong araw bago siya namatay.

Sa panahong ito ay itinuro niya sa mga Banal na ang tunay na kapayapaan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pagtanggap at pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. Si Joseph Fielding Smith, na kalaunan ay naging Pangulo ng Simbahan ay nagwika tungkol sa kanyang ama: “Siya ay malumanay at mabait. Isang maawaing tao, isang taong nagdurusa kasabay ng taong nagdurusa, handang tumulong sa pagpasan ng mga pasanin ng mga taong mahihina, at tumulong sa mga taong inaapi upang makabangon, wala nang makikita pang hihigit sa kanya sa kalipunan ng mga miyembro ng Simbahan. Siya ay isang tagapamayapa, isang taong nagmamahal sa kapayapaan.2

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Tanging ang ebanghelyo ni Jesucristo ang makapagdadala ng kapayapaan sa daigdig.

Tanging iisa lamang bagay ang makapaghahatid ng kapayapaan sa daigdig. Ito ay ang pagtanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo, naunawaan nang tama, sinunod at isinagawa ng lahat ng pinuno at mga tao. Ito ay ipinangangaral nang may kapangyarihan sa lahat ng bansa, lahi, wika at tao sa daigdig, ng mga Banal sa mga Huling Araw, at hindi na magtatagal ang mensahe ng kaligtasan nito ay titimo sa mga puso ng mga pangkaraniwang tao, na dahil sa kanilang katapatan at pagtitiyaga, pagdating ng panahon, ay tiyak na hindi lamang hahatol laban sa huwad na Kristiyanismo, kundi gayon din sa digmaan at gumagawa ng digmaan bilang mabigat na kasalanan laban sa sangkatauhan. Sa mga nakaraang taon, pinaniniwalaan na ang kapayapaan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng paghahanda para sa digmaan; ngunit dapat patunayan ng kasalukuyang tunggalian [Ikalawang Digmaang Pandaigdig] na ang kapayapaan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng paghahanda para sa kapayapaan, sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga tao sa kabutihan at katarungan, at pagpili sa mga pinunong gumagalang sa makatwirang kalooban ng mga tao.3

Nais natin ng kapayapaan sa daigdig. Nais natin magkaroon ng pagmamahalan at kabutihan sa buong mundo, at sa kalipunan ng lahat ng tao sa daigdig; ngunit ang diwa ng kapayapaan at pagmamahalan ay hindi darating sa daigdig hangga’t hindi tinatanggap ng sangkatauhan sa kanilang sarili ang katotohanan ng Diyos at ang mensahe ng Diyos, at kilalanin na ang kanyang kapangyarihan at awtoridad mula sa langit, at kailanman ay hindi matatagpuan sa karunungan lamang ng tao.4

Mahal ng Panginoon ang kapayapaan. Ang doktrina ng Tagapagligtas ng tao ay “Sa lupa’y kapayapayaan, at kabutihan sa mga tao,” pag-ibig, hindi nagkukunwaring pag-ibig. Ang pinakadakila sa lahat ng kautusan na ibinigay sa mga anak ng tao ay: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at pangunahing utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.” [Mateo 22:37–40.] Kung ang mga pangunahing bansa ng mundo ay may ganitong diwa ng pag-ibig, itong alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo; kung ang maluwalhating payong ito ay isinapuso ng mga pinuno ng mga bansang ito, hindi na sana kailanman nagkaroon ng digmaan, hindi na nasa kailanman nagkaroon ng pagdanak ng dugo, at hindi na sana kailanman nagkaroon ng pagkasira at pagkawasak at masasamang kalagayan na mayroon ngayon. Dahil ang mga tao sa daigdig ay walang ebanghelyo. Dahil hindi nila sinusunod ang katotohanan. Dahil wala sa kanila si Cristo, kaya’t sila ay naiwang nag-iisa, at ang mga pangyayari na ating nakikita ay mga bunga ng mali nilang mga asal at ng kanilang masasamang gawain.5

Mayroon lamang isang kapangyarihan, at isa lamang, na maaaring makapigil sa digmaan sa kalipunan ng mga bansa, at ito ay ang dalisay na relihiyon at walang dungis sa harapan ng Dios, ang Ama. Wala nang iba pa ang makagagawa nito.… Mayroon lamang isang lunas na makapipigil sa mga tao sa pakikipagdigma kapag naramdaman nilang gawin ito, at ito ay ang Espiritu ng Diyos, na nagbibigay inspirasyon na magmahal, at hindi mamuhi, na naghahatid sa lahat ng katotohanan, at hindi sa mali, na nag-uudyok sa mga anak ng Diyos na gumalang sa kanya at sa kanyang mga batas at ituring ang mga ito na mas mahalaga sa lahat ng iba pang bagay sa daigdig.

Sinabi sa atin ng Panginoon na … darating ang mga digmaan. Nalalaman natin ang mga ito ay darating, at na ang mga ito ay bigla na lamang puputok sa mga bansa sa mundo anumang oras. Naghihintay tayo sa pagdating ng kaganapan ng mga salita ng Panginoon. Bakit? Dahil ninais ito ng Panginoon? Hindi, tiyak na hindi. Dahil ba sa binalak na ito ng Panginoon noon pa, o kahit paano ay binalangkas ito? Hindi, hinding hindi. Bakit? Ito ay dahil hindi nakinig ang mga tao sa Panginoong Diyos, at alam niya ang magiging bunga nito, dahil sa mga tao, at dahil sa mga bansa sa mundo; kaya nga’t kaya niyang mahulaan ang mangyayari sa kanila, at ang kahihinatnan nila, at ang magiging bunga ng kanilang sariling mga kilos, hindi dahil ginusto nilang mangyari ang mga ito sa kanila, ngunit dinaranas at inaani lamang nila ang mga bunga ng sariling nilang mga kilos.

… ”Sa lupa’y kapayapayaan, at kabutihan sa mga tao,” ang ating sawikain. Ito ang ating alituntunin. Ito ang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. At samantalang sa palagay ko na ito ay mali, maling-mali, ang ipuwersa ang digmaan sa anumang bansa, o sa sinumang mga tao, naniniwala ako na mabuti at makatarungan para sa lahat ng tao na ipagtanggol ang kanilang sariling buhay at ang kanilang sariling kalayaan, at ang kanilang sariling tahanan, hanggang sa huling patak ng kanilang dugo. Naniniwala ako na ito ay tama, at naniniwala ako na itataguyod ng Panginoon ang sinumang tao sa pagtatanggol ng kanilang sariling kalayaan na sumamba sa Diyos alinsunod sa mga atas ng sarili nilang budhi, sinumang tao na nagsisikap pangalagaan ang kanilang asawa at mga anak mula sa pagkawasak ng digmaan. Ngunit hindi natin nais na madala sa kalagayan na kinakailangan nating ipagtanggol ang ating sarili.6

Kapag tinawag na maglingkod, panatilihing dalisay at walang bahid dungis ang inyong sarili sa sanglibutan.

Ipinapayo ko sa inyo aking mga kaibigan … na panatilihin ninyong nangingibabaw sa lahat ng bagay ang diwa ng pagiging makatao, ng pagmamahal, at pagpapanatili ng kapayapaan, na tawagin man kayo upang makipaglaban hindi nila maaalis, mapapawalang-bisa at mawawasak ang mga alituntuning inyong pinaniniwalaan, na ating tinatangkang ituro, at ating ipinapayong inyong panatilihin: kapayapaan at kabutihan sa lahat ng tao, bagaman tayo ay makipaglaban sa kaaway. Nais kong sabihin sa mga Banal sa mga Huling Araw na magpapalista, at kung kaninong serbisyo ay maaaring kailanganin ng kanilang bansa, na kapag sila ay naging sundalo ng Estado at ng Bansa na huwag nilang kalimutan na sila rin ay sundalo ng Krus, na sila ay mga ministro ng buhay at hindi ng kamatayan; at kapag sila ay nakipaglaban, makipaglaban sila sa diwa ng pagtatanggol ng kalayaan ng sangkatauhan kaysa sa layuning mawasak ang kalaban.7

Kapag ang ating mga kabataang lalaki … ay tinawag upang maglingkod sa hukbong sandatahan … ako ay umaasa at nananalangin na dadalhin nila ang Espiritu ng Diyos, at hindi ang diwa ng pagpapadanak ng dugo, ng pakikiapid, ng kasamaan, kundi ang diwa ng kabutihan, at espiritu na nag-aakay sa paggawa ng kabutihan, upang bumuo, upang makinabang ang daigdig, at upang hindi magwasak at magpadanak ng dugo.

Alalahanin ang mga taludtod sa banal na kasulatan … sa Aklat ni Mormon, tungkol sa mga dalisay na kabataang lalaki na tinalikuran ang digmaan at ang pagpapadanak ng dugo, namuhay nang malinis at dalisay, malaya mula sa nakaruruming kaalaman ng labanan, ng galit, o kasamaan sa kanilang puso; ngunit kung kinailangan ng pagkakataon, at sila ay tinawag upang ipagtanggol ang kanilang buhay, at ang buhay ng kanilang mga ama at ina, at ang kanilang mga tahanan, nakikipagdigma sila—hindi upang mangwasak kundi upang magtanggol, hindi upang magpadanak ng dugo kundi upang iligtas ang buhay ng walang malay at ng hindi lumalaban, at ng mga nagmamahal sa kapayapaan ng sangkatauhan [tingnan sa Alma 56:45–48].

Malilimutan ba ng mga kalalakihang iyon na nagmumula … sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga panalangin? Malilimutan ba nila ang Diyos? Malilimutan ba nila ang mga aral na tinanggap nila mula sa kanilang mga magulang at tahanan? Makalilimutan ba nila ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang mga tipan na ginawa nila sa mga tubig ng pagbibinyag, at sa iba pang sagradong lugar? O sila ba ay hahayo bilang mga lalaki—tunay na mga lalaki—ganap na lalaki, kagalang-galang, matapat, mabuti, at maka-Diyos? Ito ang aking ikinababalisa.

Nais kong makita ang kamay ng Diyos sa mga kilos ng mga kalalakihang nanggagaling mula sa Simbahan ni Jesucristo … upang tumulong na ipagtanggol ang mga alituntunin ng kalayaan at mahusay na pamahalaan para sa sangkatauhan. Nais kong makita silang mamuhay nang gayon na lamang na sila ay may pakikiisa sa Panginoon, sa kanilang mga kampo, at sa kanilang mga lihim na lugar, at sa gitna ng digmaan ay masasabi nila” “Ama, nasa inyong kamay ang aking buhay at aking espiritu!”

Nais kong makita ang mga kabataang lalaki na pupunta para sa layuning ito ay umalis na parang mga misyonero kapag sila ay ipinadala sa daigdig, daladala ang espiritu na nararamdaman ng isang mabuting ina kapag nahihiwalay siya sa kanyang anak, sa umaga ng kanyang pag-alis para sa kanyang misyon. Siya ay kanyang yayakapin nang lakip ang buong pagmamahal sa kaluluwa ng isang ina!

… Kung aalis lamang ang ating mga kabataang lalaki sa ganitong paraan, na dala nila ang diwa ng ebanghelyo at ang ugali ng tunay na Banal sa mga Huling Araw, anuman ang mangyari sa buhay, magkapagtitiis sila kasama ng mga pinakamagagaling. Makapagtitiis sila sa pagod at paghihirap hanggang sa maaaring mapagtitiisan ninuman, kung kinakailangan, at kapag sila ay susubukan mapananagumpayan nila ito! Dahil hindi sila natatakot sa kamatayan! Magiging malaya sila sa takot na mula sa pangamba para sa kanilang sariling buhay. Hindi nila kailangan pangambahan ang kamatayan, dahil ginawa nila ang kanilang gawain; naingatan nila ang kanilang pananampalataya, malinis ang kanilang puso, at karapat-dapat nilang makita ang Diyos!8

Maraming kasamaan ang sumusunod bilang bunga ng maayos na hukbo na may mga sandata para sa digmaan at nakikipaglaban, na higit pa sa kagalang-galang na kamatayan na maaaring mangyari sa pakikipagtunggalian sa labanan. Hindi gaanong mahalaga kung kailan aalis ang ating mga kabataang lalaki, o saan man sila pupunta, ngunit mahalaga sa kanilang mga magulang, kaibigan at kakilala sa katotohanan, at higit sa lahat sa kanilang sarili, kung paano sila kikilos doon. Sinanay sila sa buong buhay nila bilang miyembro ng Simbahan na maging dalisay at walang dungis mula sa mga kasalanan ng daigdig, igalang ang karapatan ng iba, maging masunurin sa mga mabubuting alituntunin, alalahanin na ang kabutihan ay isa sa pinakadakilang kaloob mula sa Diyos. Bukod pa rito, dapat nilang igalang ang kabutihan ng iba at mamatay nang isang libong ulit kaysa dumihan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paggawa ng nakamamatay na kasalanan. Nais nating maging malinis sila, sa kapwa isipan at kilos, nang may pananampalataya sa mga alituntunin ng ebanghelyo at sa mapagtubos na awa ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Ipatatanda natin sa kanila na sa tanging pamumuhay nang malinis at matapat lamang sila makatatamo ng kaligtasan na ipinangako sa pamamagitan ng pagbubuhos ng dugo ng ating Manunubos.9

Nagsisikap tayong mamuhay sa kapayapaan kasama ng lahat ng tao.

Pinapayuhan namin ang mga Banal sa mga Huling Araw na ipamuhay ang kanilang relihiyon; alalahanin ang mga tipang ginawa nila sa mga tubig ng pagbibinyag; igalang ang Panginoon at sundin ang Kanyang mga kautusan; hindi madaig ng mga kahangalan ng daigdig, kundi hangarin ang patnubay ng Banal na Espiritu, [at] mamuhay nang payapa kasama ng lahat ng tao.10

Inaanyayahan ng bagong taon at ng mga darating na taon ang mga naninirahan sa lahat ng lupain na magkaisa sa pagtatatag ng kapayapaan at sa pagkilala ng kapatirang pangdaigdigan. Ang away, galit, kasakiman, imoralidad ay mga kasamaan kailangang puksain mula sa bawat isa sa atin. Walang sinuman ang napakaaba o napakaliit upang tulungan. Mahalin ng bawat isa ang kanyang kapwa tulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili at ang mga kasalukuyang trahedya ay maglalaho, ang mga kahindik-hindik na mga pangyayari sa hinaharap ay maiiwasan, at “ang bawat tao sa lahat ng dako ay makakikilala ng isang kapatid at ng isang kaibigan.”

Ang isang tanyag na halimbawa ng tamang pamumuhay at marangal na pakikipagkapatiran ang ibinigay sa daigdig dalawampung siglo na ang nakalilipas ay kay Jesucristo. Ang kanyang mensahe ay kapayapaan at kabutihan. Ang kanyang batas ay nakasalig sa katarungan na matalinong ginagamit at sa kabutihang maalam na isinasagawa. Ang liwanag ang Kanyang pamantayan at ang katotohanan ay ang Kanyang turo.11

Sa kabila ng “pagiging di-makatao ng tao sa kanyang kapwa,” na kitang-kita sa nakatatakot na pakikibaka sa pagitan ng mga bansa na nangyayari ngayon, makatwiran na lamang nating tinatanggap ang kasalukuyang sanhi nito nang may kagalakan at pasasalamat, at inaaninag sa kakila-kilabot na ulap ng digmaan ang katiyakan ng kaganapan ng mga pangako ng palagiang kapayapaan sa nalalapit na pagdating mga ating Panginoon at Hari.12

Matibay kong … pinaniniwalaan ang alituntuning ito, na ang katotohanan ay nasa ebanghelyo ni Jesucristo, na ang bisa ng pagtubos, ang bisa ng kapayapaan, ang bisa ng kabutihan, pag-ibig, pag-ibig sa kapwa tao at pagpapatawad, ang bisa ng pakikipagkapatiran sa Diyos, ay nananahan sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa pagsunod dito ng mga tao. Samakatwid ay tinatanggap ko, at hindi ko lamang tinatanggap kundi aking pinapatunayan, na wala nang mas dakila pa sa mundo, ni sa langit, kaysa sa katotohanan ng ebanghelyo ng Diyos na kanyang binuo at ipinanumbalik para sa kaligtasan at pagtubos sa daigdig. At sa pamamagitan nito matatamo ng mga anak ng tao ang kapayapaan, at hindi ito mapupunta sa daigdig sa anupamang paraan.13

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Bakit tanging ang ebanghelyo lamang ni Jesucristo ang maaaring makapaghatid ng kapayapaan sa daigdig? Ano ang magagawa natin upang makatulong na makapaghatid ng kapayapaan sa mundo?

  • Saan nagsisimula ang kapayapaan? Paanong makapaghahatid ng kapayapaan sa ating bansa at sa ibayong dagat ang pagsunod sa dalawang dakilang kautusan?

  • Paano magiging “ministro ng buhay at hindi ng kamatayan” ang mga nagseserbisyo sa militar?

  • Paano madadala ng mga miyembro ang “diwa ng ebanghelyo at ang ugali ng tunay ng Banal sa mga Huling Araw” sa kanilang pagseserbisyo sa militar?

  • Kapag tinawag ang mga miyembro sa serbisyo-militar, anuanong mga paniniwala at pag-uugali ang makatutulong sa kanila upang hindi nila katakutan ang kamatayan?

  • Ano ang magagawa ng bawat isa sa atin upang lubos na “makapamuhay nang payapa kasama ang lahat ng tao”?

  • Ano ang naituturong halimbawa ng Tagapagligtas sa atin tungkol sa pamumuhay sa kapayapaan at kabutihan?

Mga Tala

  1. Sa Messages of the First Presidency of the Church of Jesus Christ of Latterday Saints, tinipon ni James R. Clarke, 6 na tomo (1965–75), 4:319.

  2. Life of Joseph F. Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1938), 440.

  3. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 421.

  4. Gospel Doctrine, 417–18.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1918, 170.

  6. Gospel Doctrine, 418–19, binago ang pagtatalata.

  7. Sa Messages of the First Presidency, 5:52.

  8. Gospel Doctrine, 423–25.

  9. Gospel Doctrine, 426.

  10. Sa Messages of the First Presidency, 4:211.

  11. Sa Messages of the First Presidency, 5:1–2.

  12. Sa Messages of the First Presidency, 4:348.

  13. Gospel Doctrine, 420.

Two Thousand Stripling Warriors

Dalawang Libong Kabataang Mandirigma, ni Arnold Friberg. Isinulat ni Helaman tungkol sa mga kabataang lalaking pinamunuan niya sa labanan: “Mas inisip pa nila ang kalayaan ng kanilang mga ama kaysa sa kanilang sariling mga buhay; oo, sila ay tinuruan ng kanilang mga ina, na kung hindi sila mag-aalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos” (Alma 56:47).