Kabanata 3
Tunay, Tapat, Taimtim na Panalangin
Nanggagaling mula sa puso ang matapat na panalangin sa Diyos sa pangalan ni Jesucristo.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Sa Taglagas ng 1847, ang siyam na taong gulang na si Joseph F. Smith; ang kanyang balong ina, Mary Fielding Smith; ang kanyang tiyo na si Joseph Fielding ay humimpil sa may Ilog ng Missouri patungo sa Winter Quarters. Natuklasan nila kinabukasan na nawawala ang pinakamaiinam nilang kapong baka.
Matagal at nahirapan sa paghahanap si Joseph F. at ang kanyang tiyo sa mga kapong baka, na “pinagpawisan nang labis, napagod, nanghina ang loob at halos manlumo.” Sinabi ni Joseph F.: “Sa nakaaawang kalagayang ito, ako ang unang bumalik sa aming mga kariton, at nang papalapit na ako, nakita ko ang aking ina na nakaluhod na nanalangin. Huminto ako saglit at dahandahang lumapit upang marinig ang kanyang pagsusumamo sa Panginoon na huwag kaming pahintulutang maiwan sa kalunoslunos na kalagayang ito, subalit gabayan kami na mabawi ang aming mga nawawalang kapong baka, nang sa gayon ay maipagpatuloy namin ang aming paglalakbay nang ligtas. Nang tumayo siya sa kanyang pagkakaluhod nakatayo ako sa di-kalayuan. Ang unang ekpresyon na nakita ko sa kanyang magiliw na mukha ay ang kanyang nakahahalinang ngiti, na kahit pinanghihinaan na ako ng loob, ay nagbigay sa akin ng panibagong pag-asa at katiyakan na di ko nadama noon.”
Masaya niyang niyaya si Joseph at ang kanyang tiyo na maupo at kumain ng agahang inihanda niya at sinabing, “Maglalakad-lakad lang ako sandali sa labas at susubukan ko kung mahahanap ko ang mga kapong baka.” Sa kabila ng pagtutol ng kanyang kapatid na ang paghahanap pa ay wala nang saysay, umalis pa rin si Mary, iniwanan siya at si Joseph F. upang kumain ng agahan. Nasalubong niya ang isang kalapit na tagapag-alaga ng mga hayop na itinuro na nakita niya ang mga nawawalang kapong baka sa kabilang daan na kanyang tinatahak. Sinabi ni Joseph F., “Narinig namin nang malinaw ang kanyang sinabi, subalit nagpatuloy si ina sa paglalakad, at di man lang lumingon sa kanya.” Di-nagtagal sinenyasan niya si Joseph F. at ang kanyang tiyo, na siyang tumakbo sa lugar kung saan siya nakatayo. Doon nakita nila ang mga kapong baka na nakatali sa sanga ng puno ng willow.
Kalaunan sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith, “Ito ang isa sa mga unang praktikal at positibong pagpapakita ng pagiging mabisa ng panalangin na aking nasaksihan. Nakagawa ito ng di-mabuburang impresyon sa aking isipan, at siyang pinagmumulan ng kaaliwan, katiyakan at patnubay sa akin sa buong buhay ko.”1
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Alamin kung paano lapitan ang Diyos sa panalangin.
Idinadalangin ko na malaman ninyo kung paano lapitan ang Diyos sa panalangin. Hindi isang mahirap na bagay ang matutuhan kung paano manalangin. Hindi ang mga salitang ginagamit natin karaniwan ang bumubuo sa panalangin. Ang panalangin ay hindi naglalaman ng mga salita lamang. Ang tunay, tapat, taimtim na panalangin ay mas nabubuo sa damdaming nagmumula sa puso at sa kaibuturang hangarin ng ating espiritu na manalangin sa Panginoon nang may pagpapakumbaba at pananampalataya, upang matanggap natin ang kanyang mga pagpapala. Hindi mahalaga kung gaano kasimple ang mga salita, kung tunay ang ating hangarin at lumalapit tayo sa Panginoon nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu upang humingi sa kanya ng mga yaong kailangan natin.2
Hindi siya malayo. Hindi siya mahirap lapitan, kung gagawin lamang natin ito nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, katulad ng ginawa ni Nephi noong sinauna. Ito ang paraan kung saan si Joseph Smith, sa kabataan niya, ay lumapit sa Kanya. Nagtungo siya sa kakahuyan, lumuhod, at nang may pagpapakumbaba ay mataimtim siyang nanalangin upang malaman kung anong simbahan ang katanggap-tanggap sa Diyos. Nakatanggap siya ng sagot sa kanyang panalangin, na kanyang inialay mula sa kaibuturan ng kanyang puso, at natanggap niya ito sa paraang hindi niya inaasahan.
Mga kapatid ko, huwag matutong manalangin sa pamamagitan ng inyong mga labi lamang. Huwag memoryahin ang panalangin, at sabihin ang mga ito araw-araw at gabi-gabi. Iyan ang bagay na pinakaayaw ko. Totoo na napakaraming tao ang nagkaroon ng ugaling pag-uulit sa gayon at gayun ding panalangin. Nagsisimula sila sa isang punto, at nababanggit na nila ang lahat ng gayun ding punto sa kanilang panalangin hanggang sa pagtatapos ng panalangin; at kapag tapos na silang manalangin, hindi ko alam kung pumaitaas ito lampas sa kisame ng silid o hindi.3
Mga kapatid ko, alalahanin at manawagan tayo sa Diyos at manalangin nang taimtim para sa kanyang pagpapala at kanyang pagsang-ayon sa atin. Gawin natin ito, gayon man, sa karunungan at kabutihan, kapag nananalangin tayo, dapat tayong manawagan sa Kanya sa di-pabagu-bago at may kadahilanang paraan. Hindi tayo dapat humingi sa Panginoon ng mga yaong di-kinakailangan o hindi makabubuti sa atin. Nararapat tayong humingi ng mga yaong kailangan lamang natin, at nararapat tayong humingi nang may pananampalataya, “na walang anumang pag-aalinlangan, sapagkat yaong nag-aalinlangan”, katulad ng sinabi ng apostol, “ay katulad ng isang alon sa dagat, na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabi-kabila. Sapagkat huwag isipin ng taong yaon na siya’y tatanggap ng anumang bagay sa Panginoon” [James 1:6-7]. Subalit kapag hihingi tayo sa Diyos ng mga biyaya, humingi tayo nang may pananampalataya ng ebanghelyo, sa pananampalatayang iyon na kanyang ipinangakong ibibigay sa mga yaong maniniwala sa kanya at sinusunod ang kanyang mga kautusan.4
Ako ay lubos na humanga at nadama ang impluwensya ng Espiritu dahil sa pamamaraan [ni Pangulong Heber C. Kimball] ng pananalangin niya sa kanyang pamilya. Hindi pa ako kailanman nakarinig sa ibang tao ng gayong pananalangin katulad ng ginawa niya. Hindi siya nangungusap sa Panginoon kagaya sa isang nilikhang nasa malayo, subalit wari’y nakikipag-usap sa kanya nang harapan. Maraming beses nang naitanim sa aking isipan ang ideya tungkol sa aktuwal na pagharap ng Diyos habang nakikipag-usap siya sa kanya sa panalangin, at hindi ko maiwasang tumingin upang tingnan kung siya nga ay tunay na naroroon at makikita.5
Magtungo sa tuwina sa Panginoon nang may pagpapakumbaba at pananampalataya.
Tinanggap natin … nang walang tanong-tanong ang mga doktrina na itinuro sa atin ng Propetang Joseph Smith at ng Anak mismo ng Diyos, na manalangin tayo sa Diyos, ang Walang Hanggang Ama, sa pangalan ng kanyang bugtong na anak, kung kanino ang ating amang si Adan at ang kanyang mga inapo ay nanalangin din mula sa simula.6
Sa palagay ko makabubuti para sa atin na piliing mabuti o nang maingat ang ating mga salita kapag nananalangin tayo sa Panginoon. Naririnig Niya ang ating panalangin na nasa lihim, at tayo’y kanyang bibiyayaan nang hayagan. Hindi natin kailangang magsumamo sa kanya nang may maraming salita. Hindi natin siya dapat panghinawain ng ating mahahabang panalangin. Ang kailangan natin at ang dapat nating gawin bilang mga Banal sa mga Huling Araw, para sa ating kabutihan, ay magtungo sa tuwina sa kanya, patunayan sa kanya na maalaala natin siya at na pumapayag tayo na taglayin sa ating sarili ang kanyang pangalan, susundin ang kanyang mga kautusan, gumagawa ng kabutihan; at ninanais natin ang kanyang Espiritu upang tulungan tayo. At, kung tayo ay may suliranin, magtungo sa Panginoon at manalangin nang walang paliguy-ligoy at sabihin nang malinaw ang ating hangarin upang matulungan tayo sa ating suliranin; at hayaang magmula sa puso ang panalangin, hindi sa mga salitang paulit-ulit, na hindi pinag-iisipan o walang damdamin sa paggamit ng yaong mga salita.
Sabihin natin ang mga simpleng salita, sinasabi ang ating pangangailangan, na mas tunay na kaaya-aya sa Tagabigay ng lahat ng mabuti at ganap na kaloob. Naririnig Niya ang nasa lihim; at nalalaman niya ang mga naisin ng ating mga puso bago tayo humingi, subalit ginawa niya itong obligasyon natin, at isang tungkulin na mananawagan tayo sa kanyang pangalan—magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsituktok at kayo’y bubuksan [tingnan sa Mateo 7:7]. Samakatuwid, ginawa ng Panginoon itong isang mapagmahal na tungkulin na dapat natin siyang alalahanin, na dapat nating patunayan sa kanya sa umaga, tanghali, at gabi, na hindi natin nalilimutan ang Tagabigay ng lahat ng mabubuting kaloob sa atin.7
Masdan ang dakilang kautusan na ibinigay ng Panginoon, palaging alahahanin ang Panginoon, manalangin sa umaga, at sa gabi, at sa tuwina’y alalahaning pasalamatan siya sa mga biyayang natanggap ninyo sa bawat araw.8
Walang hangganan ang dapat na o ang maaaring italaga sa paghahandog ng panalangin at pagbibigay ng papuri sa Tagabigay ng Mabuti, sapagkat inutusan tayong manalangin nang walang patid, at walang espesyal na karapatan ng Pagkasaserdote o posisyon sa Simbahan ang kailangan sa paghahandog ng panalangin.9
Maaaring mag-ayuno at manalangin ang isang tao hanggang sa mapatay niya ang kanyang sarili, at hindi na ito kinakailangan pa; ni karunungan ang gawin ito. Sinasabi ko sa aking mga kapatid, kapag sila ay nag-aayuno, at nananalangin para sa mga maysakit at para sa mga yaong nangangailangan ng pananampalataya at panalangin, huwag lumampas sa kung ano ang pamamaraan at nararapat sa pag-aayuno at pananalangin. Maririnig ng Panginoon ang isang simpleng panalangin na inihandog na may pananampalataya, sa kalahati lamang ng isang dosenang salita, at tatanggapin niya ang pag-aayuno na hindi na maaaring maipagpapatuloy pa ng mahigit sa dalawampu’t apat na oras, na kasing bilis at bisa ng pagsagot niya sa isang panalangin na may libong mga salita at pag-aayuno ng isang buwan.10
Ano ang gagawin natin kung nakaliligtaan natin ang ating mga panalangin? Magsimula tayong manalangin muli. Kung pinababayaan natin ang iba nating tungkulin, hangarin natin sa Panginoon ang kanyang Espiritu, nang sa gayon ay malaman natin kung saan tayo nagkamali at nawala ang ating mga pagkakataon, o palampasin na lamang ang mga ito nang hindi nagamit o napakinabangan. Hangarin natin sa Panginoon nang may pagpapakumbaba, determinadong iwaksi ang lahat ng hadlang sa pagtanggap natin ng katalinuhan at liwanag na kailangan natin, at sagot sa ating mga panalangin, nang sa gayon ay malapitan natin siya na nagtitiwalang bubuksan niya ang kanyang tainga sa ating mga panalangin, na ibabaling ang kanyang puso sa atin nang may awa, nang sa gayon ay mapatawad ang ating mga kasalanan, maliwanagan ang ating mga isipan sa pamamagitan ng impluwensiya at kapangyarihan ng Diyos, nang sa gayon ay maunawaan natin ang ating tungkulin at magkaroon ng hangarin o pagnanais na gawin ito, hindi upang ipagpaliban, hindi upang ipagwalang-bahala ang tungkuling ito.11
Dapat na dala-dala natin ang diwa ng panalangin sa lahat ng tungkulin na dapat nating gampanan sa buhay na ito. Bakit nararapat na gawin natin ito? Ang isa sa mga simpleng dahilan na humihikayat sa aking isipan nang may malakas na puwersa ay na lubos na umaasa ang tao sa Diyos! Wala tayong magagawa kung wala siya; gaano kaunti ang magagawa natin kung wala ang kanyang maawaing pangangalaga para sa ating kapakanan!12
Kung hindi ninyo nalilimutang manalangin, hindi kayo kalilimutan ng Diyos, at hindi Niya ilalayo ang Kanyang sarili mula sa inyo kung hindi ninyo ilalayo ang inyong sarili sa Kanya. Bakit tumatalikod sa katotohanan ang mga tao? Bakit nawawalan sila ng pananampalataya? Bakit naging madilim ang kanilang mga isipan? Dahil sila ay nawala sa tamang landas; pinababayaan nila ang kanilang mga tungkulin at kinalimutang manalangin, at kilalanin ang Panginoon at inilayo Niya ang Kanyang Espiritu mula sa kanila at naiwan sila sa kadiliman.… [Hindi ito mangyayari] sa taong nananalangin sa umaga, tanghali at gabi at nagpapakumbaba ng sarili sa harapan ng Panginoon, at nananalangin sa Panginoon sa kanyang pag-unlad katulad ng pananalangin niya sa Kanya sa panahon ng kanyang paghihirap. Ang taong iyon ay hindi kailanman tatalikod sa katotohanan.13
Ang tahanan ay templo ng mag-anak sa panalangin at pagpuri sa Diyos.
Ang tipikal na tahanan ng “Mormon” ay templo ng mag-anak, kung saan ang mga miyembro ng pamilya ay nagtitipon, umaga at gabi, sa pananalangin at pagpuri sa Diyos, na inihahandog sa pangalan ni Jesucristo, at madalas na sinasamahan ng pagbabasa ng banal na kasulatan at pag-awit ng mga awiting espirituwal.14
Napakasimpleng bagay ang manalangin, subalit ang tungkuling ito ay kinaliligtaan ng maraming tao o ng maraming tahanan. Nalilimutan ng mga magulang na tawaging sama-sama ang kanilang kasambahay at manalangin sa mga pagpapala sa kanila ng Diyos; madalas silang nagmamadali, o natataranta nang labis sa mga gawain ng buhay na ito, na nalilimutan ang mga obligasyon nila sa Pinakamakapangyarihan. Ang panalangin ng maganak ay maaaring ipalagay ng ilang mga Banal sa mga Huling Araw na isang napakasimpleng bagay, subalit ang kaligtaan ito ay magbubunga ng mga napakamabibigat na resulta.… Naaalaala lamang Siya ng ilang Banal sa mga Huling Araw kapag nadadaig sila ng kahirapan; sa kasaganaan ay nalilimutan siya nila. Ngayon ay maaaring magpasya ang Panginoon na kalimutan tayo kapag kailangang-kailangan natin ang kanyang tulong, at kung gagawin niya ito, matatagpuan natin ang ating mga sarili sa malungkot na kalagayan. Huwag kalimutan ang Diyos; hanapin Siya sa pamamagitan ng panalangin sa araw at gabi.… Maging madasalin bumagyo man at umaraw, at kapag dinadaig kayo ng kadiliman, tiyak na darating ang tulong.15
Mga ama, manalangin kasama ng inyong mag-anak; yumukod na kasama nila sa umaga at sa gabi; manalangin sa Panginoon, pasalamatan siya sa kanyang kabutihan, awa at pagiging mabuting Ama, katulad ng ating mga ama at ina dito sa mundo na naging napakabuti sa ating mahihirap, hindi masunurin at suwail na mga anak.
Nananalangin ba kayo? Ano ang mga idinadalangin ninyo? Idalangin ninyo na maalaala kayo ng Diyos, nang sa gayon ay pakinggan niya ang inyong mga panalangin, at na pagpalain kayo ng kanyang Espiritu, at akayin niya kayo sa lahat ng katotohanan at ipakita sa inyo ang tamang daan; na babalaan niya kayo laban sa mga mali at patnubayan kayo sa tamang daan; nang sa gayon ay hindi kayo maligaw, nang hindi kayo mapunta sa maling daan patungo sa kamatayan, subalit manatili sa makitid na daan.16
Kapag ang isang maliit na bata ay yumuyuko sa ganap nitong kasimplehan at humihingi sa Ama ng biyaya, naririnig ng Ama ang tinig, at sasagot nang may pagpapala sa kanyang ulunan, sapagkat ang bata ay walang-malay at nananalangin nang may buong tiwala at pananalig. Ito ang mga simpleng alituntunin na hinahangad ko na tumimo sa inyong mga isipan. Ang mga ito ay simple lamang, subalit mahahalaga, at kinakailangan.17
Inutusan tayo na manawagan sa Diyos sa pangalan ni Jesucristo. Sinabihan tayo na dapat nating siya alalahanin sa ating mga tahanan, panatilihing panariwain ang kanyang banal na pangalan sa ating mga isipan, at magbigay-pitagan sa kanya sa ating mga puso; dapat tayong manalangin sa kanya sa tuwina, sa bawat araw, at, sa katunayan, sa bawat sandali ng ating mga buhay ay dapat tayong mabuhay nang sa gayon ang mga naisin ng ating mga puso ay magiging isang panalangin sa Diyos para sa kabutihan, katotohanan, at kaligtasan ng mag-anak ng sangkatauhan.18
Hayaang ang inyong kaluluwa ay mabuhos sa panalangin para sa kabutihan ng iba.
Kapag tayo ay nagsasama-sama, ang bawat isa ay dapat na magkaroon ng madasaling espiritu at ibuhos ang kanyang kaluluwa, hindi lamang para sa kanyang sarili, subalit para rin sa buong simbahan. Kung ginagawa ito, walang sinuman ang uuwi mula sa bahay-sambahan nang hindi nararamdaman ang espiritu ng Diyos.… [Kapag inihahandog ang panalangin,] ang bawat isa … ay dapat na sinasang-ayunan ito sa pamamagitan ng pagsasabi … ng amen.19
Kapag ang isang tao ay naghahangad ng espiritu ng karunungan at inspirasyon mula sa Pinakamakapangyarihan, … itataas siya ng Panginoon sapagkat mayroon siyang takot sa Diyos sa harap ng kanyang mga mata, sapagkat iniibig niya ang kanyang kapwa na gaya ng kanyang sarili, at hindi siya nananalangin ng: “O Panginoon, pagpalain ninyo ako at ang aking asawa, ang aking anak na si Juan at ang kanyang asawa; kaming apat at wala nang iba pa. Amen.” Ang taong iyon ay di dapat manalangin nang ganito, subalit dapat na nananalangin siya para sa kapakanan ng Sion, at para sa pagkakaroon ng mahabang buhay ng mga yaong ibinangon ng Panginoon upang maging pinuno, tagapayo at tagapagturo natin sa mga alituntunin ng Ebanghelyo. Nananalangin siya para sa kanyang mga kapitbahay.20
Ang taong madasalin sa harapan ng Panginoon ay nagbibigay ng halimbawa sa lahat ng nakakikita at nakaaalam ng kanyang ginagawa.21
Hindi ako kailanman nananalangin sa Panginoon nang hindi inaalaala ang Kanyang mga tagapaglingkod na nasa mga bansa ng mundo na ipinangangaral ang Ebanghelyo. Ang nilalaman ng aking panalangin ay, “O Diyos, panatilihin silang dalisay at walang-bahid dungis mula sa sanlibutan; tulungan ninyo sila na mapanatili ang kanilang katapatan, na hindi sila mahulog sa mga kamay ng kanilang mga kaaway at madaig; akayin sila sa matatapat ang puso.” Ito ang aking panalangin magmula nang ako ay magmisyon, at magpapatuloy ako na mananalangin nang gayon habang ako ay nabubuhay.22
[Para sa kanyang misyonerong anak na si Joseph Fielding, sumulat si Joseph F. Smith noong ika-18 ng Hulyo 1899:] Ang aming mga puso ay puspos ng pagpapala para sa iyo at … kasama ang lahat ng iyong mga kasamang misyonero, inaalaala namin kayo sa Panginoon sa tuwing kami ay mananalangin. O! Diyos, aking Ama, pagpalain, aluin, itaguyod at gawing kapakipakinabang ang aking mga anak na lalaki, at ang lahat ng iyong mga tagapaglingkod na nagmimisyon. Kapag isinara ang mga pinto sa kanilang harapan, bigyan sila ng maawain, mapagtiis at mapagpatawad na mga puso. Kapag sila’y pinakitunguhan nang malamig at nang may panglalait ng mga mapanghamak na tao, painitin ninyo sila ng inyong natatanging pagmamahal, kapag trinato nang malupit at inuusig nawa’y naroon kayo upang pangalagaan sila ng inyong kapangyarihan. Ipaalam ninyo sa inyong tagapaglingkod na Kayo ay Diyos at iparamdam ang inyong kaluwalhatian. Busugin sila ng espirituwal na buhay at ng ganap na pag-ibig na nagwawaksi ng lahat ng takot at nawa’y ibigay lahat ang kailangan ng kanilang katawan. Tulungan silang punuin ang kanilang isipan ng mga magagamit na kaalaman at mapanatili sa kanilang alaala ang inyong katotohanan katulad ng isang balon na puno ng kayamanan. Nawa’y maging mapagkumbaba sila sa harapan Ninyo at maamo at mababang-loob katulad ng inyong maluwalhating Anak! Magtiwala sa Inyo, sa inyong salita, at sa in-yong mabubuting pangako. At nawa’y ang karunungan at paghahatol, katalinuhan at talas ng pag-iisip, pagpapasya at pag-ibig sa kapwa, katotohanan at kadalisayan, at karangalan at dignidad ang maging katangian ng kanilang pagmiministeryo at bihisan sila ng banal na kasuotan. O, Diyos, pagpalain ninyo nang sagana ang inyong mga batang tagapaglingkod ng mga kinakailangang kaloob at biyaya at banal na kaisipan, at kapangyarihan upang maging inyong mga Anak sa gawa!23
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Ano ang ibig sabihin ng “magsumamo sa Panginoon nang may pagpapakumbaba at pananampalataya”? Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu? Paano nakatutulong sa atin ang pagkakaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu upang makalapit sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin?
-
Bakit mahalaga ang pananampalataya kapag tayo ay nananalangin? (Tingnan din sa Helaman 10:5) Bakit dapat nating iwasan ang mga paulit-ulit na panalangin? Ano ang magagawa natin upang mas maging makabuluhan ang ating mga panalangin?
-
Bakit dapat na handa tayong “iwaksi ang lahat na magiging hadlang” sa pagtanggap ng sagot sa panalangin? Ano ang ilan sa mga hadlang na ito?
-
Paano natin madadala sa ating sarili ang diwa ng panalangin sa lahat ng tungkulin na kailangan nating gawin sa buhay?
-
Anong “mabibigat na resulta” ang maaaring makaharap natin kung kinaliligtaan natin ang ating panalanging pang-mag-anak?
-
Bakit napakabisa ang panalangin ng isang bata? Paano tayo mas magiging katulad ng isang bata sa ating mga panalangin?
-
Bakit mahalagang “sinasang-ayunan” ang mga panalangin ng iba “sa pamamagitan ng pagsasabi ng amen”?
-
Bakit mahalagang manalangin para sa iba? Paano pinagpapala ang mga pangkalahatan at lokal na pinuno ng Simbahan ng pananalangin para sa kanila? Paano tayo binibiyayaan nito at ang ating pamilya?