Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 7: Ang Maluwalhating Gawain ng Pagsisisi at Pagbibinyag


Kabanata 7

Ang Maluwalhating Gawain ng Pagsisisi at Pagbibinyag

Ang pagsisisi at pagbibinyag ay kinakailangan upang maging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Bininyagan si Joseph F. Smith noong ika-21 ng Mayo 1852 sa City Creek malapit sa hilagang silangang panulukan ng Temple Square sa Salt Lake City. Ang ordenansa ay isinagawa ni Pangulong Heber C. Kimball, miyembro ng Unang Panguluhan at matalik na kaibigan ng minartir na ama ni Joseph. Sa paglalarawan ng araw na ito, sinabi ni Joseph F. Smith: Naramdaman ko sa aking kaluluwa na kung nagkasala ako—at tunay namang ako ay may kasalanan—ay pinatawad na ako sa aking mga kasalanan; naantig ang puso ko, at nadama kong hindi ko kayang saktan ang pinakamaliit na kulisap sa aking paanan. Nadama kong sa wari’y nais kong gumawa nang mabuti saanmang dako sa kahit kanino at sa lahat ng bagay. Nakadama ako ng panibagong buhay, isang panibagong hangarin na gawin ang yaong tama. Wala nang natira ni kaunting hangarin para sa kasamaan sa aking puso. Ako ay isang paslit lamang, totoo ito, nang ako ay binyagan; subalit ito ang impluwensiya na dumating sa akin, at alam ko na galing ito sa Diyos, at noon at kahit kailan ay buhay na patotoo sa akin sa pagtanggap ko sa Panginoon.”1

Sa buong buhay niya, hinangad ni Pangulong Smith na tuparin ang mga tipan na ginawa niya nang siya’y binyagan. Itinuro niya na ang pagsisisi ng kasalanan ay kinakailangan sa pagtupad ng mga tipang ito: “Naniniwala ako sa alituntunin ng pagsisisi, sapagkat ginawa ko ito at alam ko na makabubuti ito. Kung sa isang masamang sandali ay nakapagsalita o nakagawa ako ng anumang bagay na nakasakit sa aking kapatid, hindi ako masisiyahan o hindi ko madaramang ako’y malaya mula sa ilang antas ng pagkaalipin hangga’t hindi ako nagtutungo sa kapatid na yaon na nagawan ko ng mali, magsisi ng aking kasalanan at itama iyon na kasama siya. Sa gayon mapapawi ang pasanin at madarama kong minsan pa ang mabuting bisa ng pagsisisi ng kasalanan.”2

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ang pagsisisi at pagbibinyag ay mga totoong alituntunin ng ebanghelyo.

Nais kong sabihin sa inyo na ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay palaging totoo—ang mga alituntunin ng pananampalataya sa Diyos, ng pagsisisi ng kasalanan, ng pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng kapangyarihan at karapatan ng Diyos, at ang pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo; nananatiling totoo ang mga alituntuning ito at palaging lubos na kinakailangan para sa kaligtasan ng mga anak ng tao, kahit na sino pa sila o nasaan man sila.… Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ang mga alituntuning ito ay kailangang-kailangan, sapagkat inihayag ng Diyos ang mga ito. Hindi lamang inihayag ni Cristo ang mga ito sa pamamagitan ng kanyang sariling tinig, at ng kanyang mga disipulo mula sa bawat salit salinlahi, sa nagdaang panahon, subalit sa mga huling araw na ito, sila (ang mga disipulo) ay nagsisimulang muli sa gayunding patotoo at inihahayag ang mga bagay na ito sa sanlibutan. Ang mga ito ay totoo ngayon katulad sa pagiging totoo ng mga ito noon, at kailangan nating sundin ang mga bagay na ito.3

Kailangan nating sundin ang kalooban ng Ama. Madalas kong naririnig na sinasabi ng mga tao, “Ang tanging hinihiling lamang sa tao sa daigdig na ito ay maging matapat at matwid,” at makakamtan ng taong yaon ang kadakilaan at kaluwalhatian. Datapwat ang mga yaong nagsasabi nito ay hindi naaalaala ang sinabi ng Panginoon, na “Maliban na ang tao’y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Diyos.” [Tingnan sa Juan 3:3.].… Kahit na gaano siya kabuti, gaano karangal, gaano katapat, kailangan niyang dumaan sa pintuan yaon upang makapasok sa kaharian ng Diyos. Hinihingi ito ng Diyos. Samakatuwid, kung tumatanggi siya o umaayaw na pumasok sa pamamagitan ng pintuan ng kulungan ng mga tupa, hindi siya magiging tagapagmana ng Diyos at mga kasamang tagapagmana ni Jesucristo.4

Ang pagsisisi ng kasalanan ay isang walang hanggang alituntunin at kasing halaga ng kinalalagyan nito, at higit na kinakailangang bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo katulad ng: “huwag kang papatay,” o, “huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap ko.”

Ang pagbibinyag para sa kapatawaran ng kasalanan, sa pamamagitan ng isang taong binigyang-karapatan, ay isang walanghanggang alituntunin, sapagkat pinlano ito ng Diyos, at iniutos ito, at saklaw rin si Cristo sa pagsunod nito; kailangan niyang sundin ito upang ganapin ng buong katwiran.5

Nagturo ang Panginoon ng pagsisisi ng kasalanan sa pamamagitan ni Joseph Smith, pagkatapos ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglubog kasama si Cristo, nangalibing na kalakip Niya sa tubig, sa libingang tubig, at bumangon muli mula sa libingang tubig na kahalintulad ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa kamatayan patungo sa pagkabuhay, pagbibinyag sa pamamagitan ng paglubog, at ang pagbibinyag ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, ang mga ito ay kinakailangan para sa kaligtasan ng mga anak ng mga tao.6

Ang tunay na pagsisisi lamang ang tinatanggap ng Diyos.

Ang mga tao ay maliligtas at madadakila lamang sa kaharian ng Diyos sa katwiran, samakatuwid dapat tayong magsisi ng ating mga kasalanan, at magsilakad sa liwanag katulad ni Cristo na nasa liwanag, nang sa gayon ay malinis tayo ng kanyang dugo mula sa lahat ng ating mga kasalanan, at upang magkaroon tayo ng pagkikipagkapatiran sa Diyos at tanggapin ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan.7

Ang pagsisisi ba ay naglalaman ng kalungkutan sa paggawa ng mali? Oo, subalit ito lang ba? Tiyak na hindi. Ang tunay na pagsisisi lamang ang tinatanggap ng Diyos, wala nang iba maliban sa tunay na pagsisisi ang makatutupad sa layunin ng pagsisisi. Samakatuwid ano ang tunay na pagsisisi? Ang tunay na pagsisisi ay hindi lamang kalungkutan sa mga kasalanan, at mapagpakumbang pagsisisi sa harapan ng Diyos, subalit ito ay nangangailangan ng pagtalikod mula sa mga kasalanan, pagtigil sa paggawa ng lahat ng masasamang gawi at gawain, isang lubusang pagbabago ng buhay, isang mahalagang pagbabago mula sa kasamaan patungo sa kabutihan, mula sa kinahiligan patungo sa kabanalan, mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Hindi lamang gayon, ngunit gumagawa ng pagsasauli hangga’t maaari, para sa lahat ng kamaliang ating nagawa, upang bayaran ang ating mga utang, at ibalik sa Diyos at sa tao ang kanilang mga karapatan—na siyang dapat nating bayaran sa kanila. Ito ang tunay na pagsisisi, at ang paggamit ng kahandaan at lahat ng lakas ng katawan at isipan ay hinihingi, upang buuin ang maluwalhating gawain ito ng pagsisisi; samakatuwid tatanggapin ito ng Diyos.8

Walang pagsisising galing lamang sa bibig ang tatanggapin ng Diyos maliban sa ito ay isagawa. Kailangan magkaroon ng mga gawa at ng pananampalataya; kailangan nating gumawa katulad sa pakunwaring gumagawa.9

Sino ang makapagsasabi sa kanyang puso, sa harapan ng Diyos at tao na, “ako ay tunay na nagsisi ng lahat ng aking mga kasalanan,” … Ako ay maraming kahinaan at kamalian, ako ay maraming kahinaan na katulad ng marami sa inyo, at hindi ko nalalaman kung may mas higit pa akong kahinaan sa marami sa inyo.… Hindi ko pa lubusang naipamumuhay nang naaayon at naipagmamapuri ang pangalawang alituntuning ito ng ebanghelyo ni Jesucristo; at nais kong makita ang taong nakagawa nito. Nais kong makita ang isang nangangaral na nakagawa nito. Ngunit pinagsisikapan ko, nais kong malaman ninyo, mga kapatid ko?10

Hindi ninyo maisasama ang isang mamamatay-tao, … ang isang mapakiapid, ang isang sinungaling, o ang isa na noon o sa buong buhay niya rito ay naging kasuklam-suklam, at dahil lamang sa pagsasagawa ng isang ordenansa ng ebanghelyo, ay malilinis siya sa kanyang kasalanan at maisasama siya sa kinaroroonan ng Diyos. Hindi nagtatag ng gayong uri ng plano ng Diyos, at hindi ito maaaring gawin. Sinabi niya na kayo ay magsisisi ng inyong mga kasalanan. Ang masasama ay kinakailangang magsisi ng kanilang mga kasalanan. Yaong mga mamamatay na walang kaalaman sa ebanghelyo ay darating sa kaalaman niyon, at ang mga yaong nagkasala laban sa liwanag ay pagbabayaran ang katapus-tapusan para sa kanilang pagkakasala at paglisan nila mula sa ebanghelyo, bago sila muling makabalik dito. Huwag kalimutan yaon. Huwag kalimutan ito, kayong mga elder sa Israel, ni kayo, mga ina sa Israel; at, kapag hinangad ninyo na iligtas ang sinumang buhay o patay; pakatandaan na magagawa lamang ninyo ito dahil sa alituntunin ng kanilang pagsisisi at pagtanggap sa plano ng buhay.11

Ang oras ng pakikipagsundo ay dumating na … na tayo … ay magsusumamo sa Panginoon para sa diwa ng pagsisisi, at, dahil natamo na natin ito, ay susundin ang mga pang-uudyok nito; nang sa gayon sa pagpapakumbaba ng ating mga sarili sa harapan niya at paghahangad ng kapatawaran sa isa’t isa, maibibigay natin ang yaong pag-ibig sa kapwa at pagiging mapagbigay sa mga yaong naghahangad ng ating pagpapatawad na atin ding hinihingi at inaasahan mula sa Langit.12

Habang may buhay may pag-asa, at habang may pagsisisi ay may pagkakataon upang mapatawad, at kung may kapatawaran, may pagkakataon para sa pag-unlad at pagbabago hanggang sa matamo natin ang ganap na kaalaman hinggil sa mga alituntuning ito na makapagdadakila at makapagliligtas sa atin at makapaghahanda sa atin upang makapasok sa kinaroroonan ng Diyos Ama.13

Sa pamamagitan ng pagbibinyag makapapasok tayo sa Simbahan at kaharian ng Diyos.

Sapagkat nakapagsisi na, ang susunod na bagay na kinakailangan ay pagbibinyag, na isang mahalagang alituntunin ng ebanghelyo—walang sinuman ang makapapasok sa tipan ng ebanghelyo nang wala ito. Ito ang pintuan sa Simbahan ni Cristo, hindi tayo makapapasok dito sa ibang daan, sapagkat sinabi ni Cristo, “ang pagwiwisik,” o “pagbubuhos,” ay hindi pagbibinyag. Ang pagbibinyag ay nangangahulugan ng paglubog sa tubig, at kailangang pangasiwaan ng isang tao na may karapatan, sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Ang pagbibinyag kung walang banal na karapatan ay walang bisa. Sagisag ito ng paglibing at pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo, at dapat na isagawa na kahalintulad nito, sa pamamagitan ng isang taong naatasan ng Diyos, sa pamamaraang inilarawan, kung hindi ito ay ilegal at hindi Niya tatanggapin, ni magkakabisa sa kapatawaran ng mga kasalanan, na siyang layunin kung bakit ito pinlano, subalit sinuman ang may pananampalataya, tunay na nagsisisi at “nangalibing na kalakip ni Cristo sa bautismo,” sa pamamagitan ng isang taong may karapatan, ay makatatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan, at may karapatan sa kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.14

Tayo ay bininyagan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Tayo ay tinanggap sa Simbahan at Kaharian ng Diyos sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at sinamba natin ang Ama. Hinangad natin na sundin ang Anak at sundan ang kanyang mga yapak.15

Tungkulin ng mga Banal sa mga Huling Araw na ituro ang katotohanan sa kanilang mga anak, turuan sila sa daan na dapat nilang lakaran, ituro sa kanila ang mga unang alituntunin ng ebanghelyo, ang pangangailangan ng pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at para maging miyembro ng Simbahan ni Cristo.16

Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng isang taong may karapatan, ay totoong alituntunin, sapagkat itinuro ito ni Cristo; sinunod ito ni Cristo, at hindi nabigo, sa lahat ng bagay, na gawin ito—hindi dahil sa Siya ay makasalanan at kinakailangang mabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan, subalit kinakailangang gawin lamang niya ito upang ganapin ang buong katwiran; gayon nga, upang tuparin ang batas.17

Si Jesus man sa kanyang sarili ay sinunod ang ordenansa ng pagbibinyag; pinasimulan niya ang sakramento sa hapunan ng Panginoon, at inordenan ang seremonya nito; at nagsagawa ng iba pang ritwal na naisip niyang kinakailangan sa kaligtasan ng tao. Sa usapin tungkol kay Nicodemo, lubos niyang binigyangdiin ang pagbibinyag kaya pinapangyari niya na ang ipanganak ng tubig at ng Espiritu ay kinakailangan sa kaligtasan ng tao [tingnan sa Juan 3:1–5.]18

Nakikita, sa ilan sa ating mga tao, ang di-sapat na pagkaunawa sa kabanalan ng pagsasagawa ng ilan sa mga ordenansa ng Banal na Pagkasaserdote. Totoo, ang mga pangangasiwa ng mga yaong binigyan ng karapatan sa atin ay hindi isinasagawa nang may … maringal na pagtatanghal at makamundong seremonya … , subalit ang katotohanang ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang may hawak ng Pagkasaserdote ay sapat na upang isagawa ang kahit ano at bawat ordenansa sa pamamagitan ng wastong karapatan na nasa Simbahan ay isang pangyayaring may napakalaking kahalagahan. Sa pagsasagawa ng kahit anong ordenansa, ang taong namumuno ang siyang nagsasalita at kumikilos, hindi dahil sa kanyang sarili at sa kanyang personal na karapatan, kung hindi sa pamamagitan ng kabanalan ng kanyang ordinasyon at pagkakahirang bilang kinatawan ng mga kapangyarihan ng langit. Hindi natin … ginagawang kagila-gilalas na pagtatanghal ng ordenansa ng pagbibinyag; subalit ang kapayakan ng kaayusan na itinatag sa Simbahan ni Cristo ang higit na nararapat idagdag dito kaysa alisin mula sa banal na katangian ng ilang ordenansa.19

Dadakilain ng Diyos ang mga yaong nagsisi, nabinyagan, at nagpatuloy nang matapat.

May mga biyayang nauukol sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa daigdig na darating, na hindi makukuha ng personal na impluwensiya, ni maaaring mabili ng salapi, at na hindi makakamtan ng sinuman sa pamamagitan ng kanyang sariling katalinuhan o karunungan maliban sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tunay na ordenansa, batas, at kautusan na ibinigay. At makabubuti, sa aking palagay, para sa mga Banal sa mga Huling Araw na patuloy na alalahanin na ang mga di-matatayang biyaya ng ebanghelyo ay ipinagkakaloob sa kanila sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya, na ang kapatawaran sa mga kasalanan ay natamo sa pamamagitan ng binyag at pagsisisi, at na sa pamamagitan lamang ng patuloy na katapatan, mapananatili nila ang mga kaloob at biyaya na nauukol sa buhay na walang hanggan.20

Sa gayon, ang masasabi namin sa inyo na mga nagsipagsisi ng inyong mga kasalanan, na nangalibing kasama ni Cristo sa pagbibinyag, na ibinangon mula sa libingang tubig sa panibagong buhay, ipinanganak ng tubig at ng Espiritu, at ginawang mga anak ng Ama, mga tagapagmana at mga kasamang tagapagmana ni Jesucristo—sinasabi namin sa inyo, kung susundin ninyo ang mga batas ng Diyos, at titigil sa paggawa ng kasamaan, … at may pananampalataya sa Diyos, naniniwala sa katotohanan at tinatanggap ito, at naging matapat sa harapan ng Diyos at tao, upang kayo ay mailuklok sa kataasan, at ilalagay kayo ng Diyos sa unahan, na kasing tiyak sa pagsunod ninyo sa mga kautusang ito. Sinuman ang susunod sa mga kautusan ng Diyos, kahit na kayo o ang iba pang tao, sila ay babangon at hindi babagsak, sila ang umaakay at hindi tagasunod, sila ay hahayo pataas at hindi pababa. Dadakilain sila at pauunlarin ng Diyos sa harapan ng mga bansa ng mundo, at ibibigay niya ang kanyang opisyal na pagsang-ayon sa kanila, pangangalanan sila na kanya. Ito ang aking patotoo sa inyo.21

Ito ang ebanghelyo ni Jesucristo, na makilala ang tunay na nagiisang Diyos at buhay na Diyos at ang kanyang Anak na kanyang sinugo sa sanlibutan, na ang gayong kaalaman ay dumarating sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng kanyang kautusan, pananampalataya, pagsisisi ng kasalanan, pagbibinyag sa pamamagitan ng paglubog sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay sa pamamagitan ng dakilang karapatang ibinigay at hindi ng kagustuhan ng tao. Ito, sa gayon, ang ebanghelyo ni Jesucristo na siyang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas: pagsunod sa katotohanan, pagpapasakop sa kaayusang itinatag ng Diyos sa kanyang bahay, sapagkat ang bahay ng Diyos ay isang bahay ng kaayusan at hindi isang bahay ng kaguluhan.22

Pinatototohanan namin na ang mga hadlang na humihiwalay sa tao mula sa Diyos ay napagtagumpayan na, na muling ipinabatid ng Panginoon ang kanyang kalooban sa tao. “Subalit,” ang sabi ng isa, “Paano namin makikilala ang mga bagay na ito? Paano natin malalaman na hindi tayo nalilinlang?” Sa lahat ng gayon sinasabi namin, magsisi ng inyong mga kasalanan nang buong katapatan, at humayo at magpabinyag at mapatungan ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo, at ang espiritung iyon ay magpapatotoo sa inyo ng katotohanan ng aming patotoo, at kayo ay magiging saksi nito katulad namin, at makatatayo nang walang takot at makapagpapatotoo sa sanlibutan katulad namin.23

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Ano ang “tunay na pagsisisi”? Bakit nauuna ang pagsisisi sa pagbibinyag?

  • Paano tayo naaapektuhan kapag hindi natin sinusunod ang batas ng Diyos? Bakit mas mabuting sumunod sa Diyos kaysa sa magkasala na iniisip na magsisisi na lang sa bandang huli?

  • Paano nakapagbibigay sa atin ng pag-asa ang alituntunin ng pagsisisi? (Tingnan din sa Moroni 7:41.) Paano mauunawaan nang wasto ang pagsisisi bilang “pagkakataon sa pag-unlad at pagbabago”?

  • Ano ang inyong naramdaman sa kaalamang ang isang taong inatasan ni Jesucristo ang siyang nagbinyag sa atin sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:73.) Ano ang naramdaman ninyo nang kayo’y binyagan o kapag dumadalo kayo sa mga pagbibinyag ng ibang tao?

  • Bakit ang kapangyarihan at karapatan ng pagkasaserdote upang magbinyag ay mas higit na mahalaga sa ordenansa ng pagbibinyag kaysa sa anumang “maringal na pagtatanghal at makamundong seremonya”? Paano natin mapangangalagaan at maipagmamapuri ang kapayakan ng ordenansa ng pagbibinyag?

  • Anong mga kaalaman at biyaya ang inyong natanggap sa pamamagitan ng pagsisisi at pagpapabinyag? Paano ninyo mapananatili ang mga biyayang iyon?

  • Anong mga tipan ang ginawa natin nang tayo’y binyagan? (Tingnan din sa Mosiah 18:8–10; Doktrina at mga Tipan 20:37.) Mula nang kayo’y mabinyagan, paano ninyo tinupad ang inyong mga tipan sa Tagapagligtas?

Mga Tala

  1. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 96.

  2. Deseret News: Semi-Weekly, ika-3 ng Ene. 1983, 2.

  3. Gospel Doctrine, 3.

  4. “The Gospel in Precept and Example,” Millennial Star, ika-15 ng Mar. 1906, 162.

  5. Gospel Doctrine, 11–12.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1911, 6.

  7. Gospel Doctrine, 250–51.

  8. Gospel Doctrine, 100–101.

  9. Deseret Evening News, ika-31 ng Dis. 1870, 2.

  10. Sa Collected Discourses Delivered by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostles, and Others, tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo (1987–92), 2:300.

  11. Gospel Doctrine, 95.

  12. Sa Messages of the First Presidency of the Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo (1965–75), 3:243.

  13. Gospel Doctrine, 27–28.

  14. Gospel Doctrine, 101.

  15. Gospel Doctrine, 139.

  16. Gospel Doctrine, 291.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1912, 9.

  18. Gospel Doctrine, 212.

  19. Gospel Doctrine, 142–43.

  20. Gospel Doctrine, 48–49.

  21. Gospel Doctrine, 312.

  22. Sa Messages of the First Presidency, 5:9.

  23. Deseret News: Semi-Weekly, ika-1 ng Dis. 1868, 2.