Kabanata 10
Tinubos ni Jesucristo ang Buong Sangkatauhan mula sa Kamatayang Temporal
Napagtagumpayan nang walang-pasubali ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang kamatayang temporal at nagbigay sa lahat ng tao ng kaloob na pagkabuhay na mag-uli at kawalang-kamatayan.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Bilang isang misyonero at sa buong buhay niya, ibinahagi ni Joseph F. Smith ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ng kaligtasan sa mga yaong makikinig. Itinuro niya na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang siyang pangunahin at pinakamahalagang gawa sa lahat ng kasaysayan ng tao.
Napagtagumpayan nang walang-pasubali ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang kamatayang temporal at naglaan sa lahat ng tao ng kaloob na pagkabuhay na mag-uli at kawalang-kamatayan. Bilang karagdagan, napagtagumpayan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang kamatayang espirituwal sa pamamagitan ng pagtubos sa atin mula sa ating mga kasalanan at pinapangyaring posibleng matamo ang kadakilaan kung tayo ay magsisisi at susundin ang mga kautusan. Ang mga walang-pasubaling bahagi ng Pagbabayad-sala ay ilalahad sa kabanatang ito; ang mga may-pasubaling bahagi ay ilalahad sa kasunod na kabanata.
Sa pagkamatay ng kanyang 19 na taong gulang na anak na si Alice, ang kanyang pinakamamahal na si Alibo,” noong ika-29 ng Abril 1901, ipinarating ni Joseph F. Smith ang kanyang pananalig sa Pagbabayad-sala sa isang liham sa kanyang anak na lalaki: “Ang ating mga puso ay nananatili pa ring nakatungo sa lupa kung saan ang mga labi ng ating Mapagmahal na dalaga at ng yaon sa kanyang maliliit na kapatid na lalaki at babae ay namamahinga na sa alabok.… Subalit gagawin natin ang lahat ng ating makakaya, sa pamamagitan ng tulong ng Panginoon, at mula sa ating mga puso nadarama natin na ang ating mga nangatulog na kayamanan ay naroon lahat sa Kanyang Banal na pangangalaga at dimaglalaon ay gigising mula sa alabok tungo sa kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan. Kung hindi dahil sa mahalagang katiyakan at maluwalhating pag-asa sa Ebanghelyo ni Cristo, ang buhay ay hindi lamang walang kabuluhan, subalit ito ay magiging masama o kahiya-hiya at kasumpasumpang komedya o walang-saysay na palabas! Ngunit, laking aliw naibibigay, ang Manunubos ko’y buhay! Salamat sa Diyos.”1
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Isinagawa ni Jesucristo ang maluwalhating pagtubos para sa kaligtasan ng sangkatauhan.
Naniniwala kami sa Panginoong Jesus at sa kanyang banal, makapangyarihang misyon sa daigdig, at sa pagtubos, ang kahangahanga, maluwalhating pagtubos, na kanyang isinagawa para sa kaligtasan ng mga tao.2
Hindi natapos ni Jesus ang kanyang gawain nang paslangin ang kanyang katawan, ni natapos ito makaraan ang kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay; bagaman naisagawa niya ang layunin kung bakit siya pumarito sa mundo, hindi niya natapos ang lahat ng kanyang gawain. At kailan niya ito matatapos? Hangga’t hindi niya natutubos at naililigtas ang lahat ng anak na lalaki at babae ng ating amang si Adan na isinilang o isisilang pa lamang dito sa mundo hanggang sa katapusan ng panahon, maliban sa mga anak na lalaki ng kapahamakan. Iyan ang kanyang misyon.3
Si Jesucristo, ang Anak ng buhay na Diyos, ay tunay na huwaran para sa lahat ng tao upang sundin, ang halimbawa para sa lahat ng tao. Hindi Siya makasalanan; Hindi Siya masama. Sa Kanya ay walang anumang kasamaan, ni kawalang-paniniwala, ni kahangalan o anuman. Siya ay lubusang napagkalooban ng karunungan ng Diyos mula sa Kanyang pagsilang hanggang sa kanyang kamatayan, at matapos ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli tinaglay Niya ang kaluwalhatian ng Ama, at naging tulad ng Diyos sa kanyang sarili, nagtataglay ng kapangyarihan katulad ng pagtataglay ng Diyos ng kapangyarihan, sapagkat inihayag Niya na ang lahat ng kapangyarihan ay ibinigay sa Kanya, at Siya ay uupo sa kanang kamay ng Pinakamakapangyarihan, at Siya ang ating Tagapamagitan, ang ating Nakatatandang Kapatid, at dapat natin Siyang sundin at wala nang iba pa.4
Walang ibang pangalang ibinigay sa silong ng langit subalit ang yaong kay Jesucristo lamang, upang kayo ay maligtas o madakila sa kaharian ng Diyos.5
May mga dakilang katotohanan sa plano ng pagtubos na napakahalaga. Hindi maaaring ipagwalang-bahala ang mga ito; wala nang iba pa ang maaaring ilagay sa unahan nito. Ang pagiging ama ng Diyos, ang bisa ng pagbabayad-sala ng ating Panginoon at Tagapagligtas, ang pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw na ito, ay dapat na tanggapin natin nang buong puso.6
Ang Pagkahulog ni Adan ang nagdala ng kamatayan sa daigdig.
Ang kamatayan ay hindi lamang pagkatakot o pagdurusa. Nauugnay rito ang ilang pinakamalalim at pinakamahalagang katotohanan ng buhay ng tao. Bagaman lubhang napakasakit sa mga yaong magdaranas ng pagkawala ng mga mahal sa buhay, ang kamatayan ay isa sa napakadakilang pagpapala sa plano ng Diyos.
Tayo ay isinilang upang mapasaatin ang mortalidad, gayon nga, upang mabihisan natin ang ating mga espiritu ng katawan. Ang gayong pagpapala ang siyang unang hakbang patungo sa katawang walang-kamatayan, at ang pangalawang hakbang ay kamatayan. Ang kamatayan ay naroon sa landas ng walang hanggang pag-unlad; at bagaman mahirap pasanin, walang sinuman na naniniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo, at lalung-lalo na sa pagkabuhay na mag-uli, ang nanaising baguhin ang anuman hinggil dito.… Ang kamatayan ay tunay na kinakailangan at isang pagpapala rin, at … hindi tayo masisiyahan at hindi tayo maaaring masiyahan at maging napakaligaya kung wala ito.7
Nang ang tao [si Adan] ay lumabag sa makalangit na batas, na nagbabawal na kainin niya ang mga elemento ng mundong ito, upang maging bahagi siya ng mundo, makamundo, sa gayon dinala niya sa kanyang sarili ang temporal na kamatayan, katulad nang sinabi ng Diyos na gagawin niya, kung kakainin niya ang “ipinagbabawal na bungang-kahoy.”8
Sapagkat kamatayan ang kaparusahan sa batas na nilabag, ang tao ay walang kapangyarihan na makaiwas, sa utos ng Diyos na “Sa araw na kumain ka niyon ikaw ay tiyak na mamamatay,” [Moises 3:17] at ang kaparusang ito ay naangkop sa lahat ng laman, sa lahat ng nilalang na walang-kakayahan at umaasa na katulad niya sa bagay na ito.9
Tinawag tayong mga mortal na nilalang dahil nasa atin ang mga binhi ng kamatayan, subalit sa katotohanan tayo ay mga imortal na nilalang, dahil nasa atin din ang binhi ng buhay na walang hanggan. Ang tao ay dalawang nilalang, na binubuo ng espiritu na siyang nagbibigay ng buhay, lakas, katalinuhan at kakayahan sa tao, at ang katawan na siyang pinananahanan ng espiritu at iniangkop sa anyo nito, iniaayon sa mga pangangailangan nito, at kumikilos nang naaayon dito at sa buong kakayahan nito ay nagbigay ng pagsunod sa kagustuhan ng espiritu. Ang dalawa kapag pinagsama ay bubuo ng buhay na kaluluwa. Ang katawan ay umaasa sa espiritu, at ang espiritu sa panahon ng pananahan nito sa katawan ay napasailalim sa mga batas na isinasagawa at pinamamahalaan ito sa mortal nitong kalagayan. Sa likas na katawang ito narito ang mga binhi ng kahinaan at pagkabulok, na, kapag ganap nang hinog o pinitas nang wala sa panahon, sa wika ng banal na kasulatan, ay tinawag na “temporal na kamatayan.”10
Ang lahat ng taong isinilang sa daigdig ay mamamatay. Hindi na mahalaga kung sinuman siya, ni nasaan man siya, kahit na ang kanyang pagsilang ay sa kalipunan ng mayayaman o maharlika, o sa kalipunan ng mga aba at maralita sa daigdig, ang mga araw niya dito sa mundo ay bilang ng Panginoon at sa takdang panahon mararating niya ang katapusan. Nararapat nating isipin ang tungkol dito. Hindi upang humayo tayo na may mabibigat na puso o may malulungkot na mukha; hindi sa anuman. Natutuwa ako na ako ay isinilang upang mabuhay, upang mamatay, at upang mabuhay muli. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa katalinuhang ito. Nagbibigay ito sa akin ng kagalakan at kapayapaan na hindi maibibigay ng daigdig, ni maaaring makuha ng daigdig. Inihayag ito ng Diyos sa akin, sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nalalaman ko na totoo ito. Samakatuwid, wala akong dapat ikalungkot, walang bagay na makapagpapadalamhati sa akin.
Ang lahat ng dapat kong ginagawa dito sa daigdig ay tinatantiya upang mapasigla ang aking espiritu, upang makapagbigay sa akin ng kagalakan at kapayapaan, pag-asa at kaaliwan sa kasalukuyang buhay na ito, at sa maluwalhating pag-asa ng kaligtasan at kadakilaan sa kinaroroonan ng aking Diyos sa daigdig na darating. Wala akong dahilan upang magdalamhati, kahit na sa kamatayan. Totoo ito, kahinaan ko ang manangis sa pagkamatay ng aking mga kaibigan at kaanak. Maaari akong maiyak kapag nakikita ko ang pagdadalamhati ng iba.
Mayroon akong awa sa aking kaluluwa para sa mga anak ng mga tao. Maaari akong umiyak kasama nila kapag sila’y umiiyak; Maaari akong magalak kasama nila kapag sila’y nagagalak; subalit wala akong dahilan upang magdalamhati, ni maging malungkot dahil ang kamatayan ay dumarating sa daigdig. Ako ay nangungusap ngayon hinggil sa temporal na kamatayan, ang kamatayan ng katawan.… Nalalaman [ng mga Banal sa mga Huling Araw] na yayamang ang kamatayan ay dumating sa kanila dahil sa paglabag ni Adan, kaya nga sa kabutihan ni Jesucristo ang buhay ay darating sa kanila, kahit na mamatay sila, sila ay mabubuhay muli.11
Napagtagumpayan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang temporal na kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng tao.
Ang kamatayan ay dumarating sa atin nang hindi ginagamit ang ating kalayaan sa pagpili, wala tayong kapangyarihan na dalhin ito sa ating sarili sa simula pa; dumating ito dahil sa paglabag ng ating mga unang magulang. Samakatuwid, ang tao, na walang kapangyarihan na dalhin ang kamatayan sa kanilang sarili, ay walang kapangyarihan na muling buhayin ang kanyang sarili; sapagkat katulad ng siya ay namatay dahil sa bunga ng pagkakasala ni Adan, siya ay muling mabubuhay, gustuhin man niya o hindi, sa kabutihan ni Jesucristo, at ng kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli. Ang lahat ng taong mamamatay ay mabubuhay na muli.12
Si Jesucristo … ang pangunahing bunga ng pagkabuhay na mag-uli mula sa nangatulog, katulad ng Siya ay bumangon, gayon din ibabangon niya ang lahat ng mga anak ng kanyang Ama kung kanino dumating ang sumpa kay Adan. Dahil sa isang tao dumating ang temporal na kamatayan sa lahat ng tao, kaya nga sa kabutihan ni Cristo ang lahat ay mabubuhay, sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli, mula sa pagkamatay ng lahat ng tao; maging sila man ay mabuti o maging sila man ay masama, maging sila man ay itim o puti, nasa pagkaalipin o malaya, marunong o mangmang, o maging sila man ay bata o matanda, hindi na ito mahalaga [tingnan sa 1 Mga Corinto 15:21–22; Alma 11:44.] Ang kamatayan na dumating dahil sa pagkahulog ng ating mga unang magulang ay pinalis nang lubusan ng pagkabuhay na mag-uli ng Anak ng Diyos, at kayo at ako ay hindi makaiiwas dito.13
Nalalaman nating lahat na [ang Anak ng Diyos] ay itinaas sa krus, na siya ay pinalagpasan ng sibat sa kaniyang tagiliran, at umagos ang dugo ng kanyang buhay mula sa kanyang katawan, at na siya humaluyloy sa krus at nalagot ang hininga, na ibinaba ang kanyang katawan mula sa krus … at binalot ng isang malinis na kayong lino at inilagay sa isang bagong libingang hinukay sa bato, na doo’y wala pang nalilibing.14
Si Cristo ang siyang sumira ng mga hadlang sa libingan, napagtagumpayan ang kamatayan at ang libingan at lumabas “ang pangunahing bunga ng nangatutulog.” [1 Mga Taga-Corinto 15:20.]15
Dumating siya rito sa daigdig … na may taglay na dalawang kapangyarihan—kapangyarihang mamatay na kanyang namana sa Kanyang ina, at ang kapangyarihan na paglabanan ang kamatayan, kung nanaisin Niya ito, na Kanyang namana sa Kanyang Ama. Sa gayon mayroon Siyang kapangyarihan na makalampas sa pagsubok ng kamatayan, upang danasin Niya ito para sa lahat ng tao, at lumabas mula sa libingan patungo sa panibagong buhay— isang nabuhay na mag-uling nilalang, na magbibigay ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan, upang ang lahat ng tao ay maaaring lumabas sa libingan patungo sa buhay na walang hanggan, kung susundin nila Siya. Sila ay lalabas sa papaano mang paraan, maging sa sisidlan man ng karangalan o sa sisidlan ng kahihiyan. Sila ay lalabas mula sa libingan sa kagustuhan man nila o hindi. Hindi nila maiiwas ang kanilang mga sarili. Wala tayong magagawa sa sumpa ng mortal na kamatayan na dumating sa atin, ni maaari nating iwasan o hadlangan ang pagkabuhay na mag-uli ng katawang ito mula sa yaong libingan, sapagkat katulad sa ang Diyos ay bumangon mula sa mga patay, gayon din ang buong sangkatauhan.16
Bukod-tangi tayong naniniwala na si Jesucristo ang siyang tunay, at nag-iisang tunay na halimbawa ng pagkabuhay na mag-uli ng mga tao mula sa kamatayan, patungo sa buhay. Naniniwala tayo na wala nang iba pang anyo ng pagkabuhay na mag-uli mula sa kamatayan patungo sa buhay, na katulad sa Kanyang pagbangon, at katulad na napanatili niya ang kanyang pagkakakilanlan, maging ang mga pilat ng mga sugat sa kanyang mga kamay at paa at tagiliran, upang mapatunayan niya ang kanyang sarili sa mga yaong nag-aalinlangan hinggil sa pagkakaroon ng pagbangon mula sa mga patay, na tunay na siya nga, ang Panginoon na ipinako, inilibing sa libingan, bumangon muli mula sa kamatayan patungo sa buhay, gayon din ang mangyayari sa inyo at sa lahat ng anak na lalaki at mangyayari sa inyo at sa lahat ng anak na lalaki at babae ni Adan, na isinilang sa daigdig.17
Lalabas tayo mula sa libingan, kung kailan ang pakakak ay tutunog, at ang mga katawan nating ito ay babangon at ang ating mga espiritu ay muling papasok sa kanila, at sila ay magiging kaluluwang may buhay, hindi na kailanman paglalayuin o paghihiwalayin, subalit upang hindi na mapaghiwalay, maging walang kamatayan, walang hanggan.18
Ang mga elemento na bumubuo sa temporal na katawang ito ay hindi mawawala, mananatiling umiiral, subalit sa araw ng pagkabuhay na mag-uli ang mga elementong ito ay magsasama-samang muli, buto sa buto, at laman sa laman. Ang katawan ay lalabas katulad nang ito ay inihimlay, sapagkat walang paglaki o pag-unlad sa libingan. Katulad ng ito ay inihimlay, gayon din ito babangon, at ang pagbabago tungo sa kaganapan ay darating sa pamamagitan ng batas ng pagsasauli. Subalit magpapatuloy ang espiritu sa paglago at paglaki, at ang katawan, pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ay unti-unting lalaki sa ganap na taas ng tao.19
Magsasamang muli ang espiritu at ang katawan. Makikita natin ang isa’t isa sa laman, sa gayunding katawan na mayroon tayo dito sa mundo. Ang ating mga katawan ay lalabas katulad nang ito ay inihimlay, bagaman mayroong pagsasauli na isasagawa; ang bawat kapansanan na sanhi ng sakuna o ng iba pang paraan, ay ibabalik at ilalagay sa kinalalagyan nito. Ang bawat biyas at kasu-kasuan ay ibabalik sa wastong pangangatawan. Makikilala natin ang isa’t isa at malulugod sa samahan ng isa’t isa sa buong panahon ng kawalang hanggan, kung sinusunod natin ang batas ng Diyos.20
Napakaluwalhating isipin nito, sa akin lamang, at dapat na gayon din sa lahat na dala-dala ang katotohanan o tinanggap ito sa kanilang mga puso, na ang yaong mahihiwalay sa atin sa mundo, ay muli nating makasasalubong at makikita nang tulad sa dati. Masasalubong natin ang siya ring nilalang na nakasama natin dito sa mundo—hindi ibang kaluluwa, ibang nilalang, o gayon ding nilalang sa ibang anyo, kung hindi sa gayon ding pagkikilanlan at gayon ding anyo at wangis, ang tao ring kilala natin at nakasama sa ating buhay rito sa mundo, maging sa mga sugat sa katawan. Hindi dahil ang tao ay mananatiling may mga pilat, sugat, kapinsalaan, kakulangan o kahinaan, sapagkat ang mga ito ay aalisin sa kanilang landas, sa kanilang takdang panahon, alinsunod sa awa’t tulong ng Diyos. Ang mga kapansanan ay tatanggalin; ang kakulangan ay aalisin, at makakamtan ng mga kalalakihan at kababaihan ang kaganapan ng kanilang espiritu, sa kaganapan ng pinlano ng Diyos sa simula pa. Layunin niya na ang mga kalalakihan at kababaihan, ang kanyang mga anak, ay isilang upang maging mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Jesucristo, na gagawing ganap, sa pisikal gayon din sa espirituwal, sa pamamagitan ng pagsunod sa batas kung saan, naglaan siya ng mga kaparaanan upang dumating ang kaganapan sa lahat ng kanyang anak.21
Hangga’t ang mga yugto ng walang-hanggang pag-unlad at pagtatamo ay ipinaaalam sa pamamagitan ng banal na paghahayag, nararapat nating maunawaan na ang mga nabuhay na maguli at naluwalhating nilalang lamang ang maaaring maging mga magulang ng mga anak na espiritu. Ang mga dinakilang kaluluwa lamang ang nakaaabot sa kaganapan sa itinalagang kinalalagyan ng buhay na walang hanggan; at ang mga espiritung isinilang sa kanila sa mga daigdig na walang hanggan ay dadaan sa tamang pagkakasunod-sunod sa pamamagitan ng ilang yugto o kalagayan kung saan nakamtan ng mga naluwalhating magulang ang kadakilaan.22
Hindi ako mag-iisip pa ng ibang mas kanais-nais na bagay kaysa sa yaong ibinigay sa atin sa ebanghelyo ni Jesucristo—na kahit tayo ay mamamatay, gayon pa man mabubuhay tayong muli, at kahit na tayo ay mamamatay at mauuwi sa mga likas na elemento kung saan binuo ang ating mga katawang-lupa, gayon man ang mga elementong ito ay muling ibabalik sa isa’t isa at muling bubuuin, at muli tayong magiging kaluluwang may-buhay katulad ng ginawa ng Tagapagligtas sa harapan natin; at dahil nagawa na niya ito sa kanyang sarili ay pinapangyari rin ito para sa ating lahat.23
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Ano ang “banal, nakapagliligtas na misyon” ni Jesucristo sa plano ng pagtubos?
-
Bakit kailangang “tanggapin natin nang buong puso” ang katotohanan at kapangyarihan ng Pagbabayad-sala? Anong mga biyaya ang dumarating sa mga yaong gumagawa nito?
-
Papaanong “dalawang nilalang” ang tao? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:15–16.) Anong mga biyaya ang dumarating sa atin dahil nalalaman natin ito?
-
Ano ang temporal na kamatayan? Paano nakatutulong sa inyo na malaman na “ang kamatayan ay nasa landas ng walang hanggang pag-unlad?
-
Anong mga doktrina ang nakatulong sa atin upang mapawi ang ating takot sa temporal na kamatayan sa ating mga buhay? Bakit tayo makapagsasaya na tayo ay “isinilang upang mabuhay, upang mamatay, at upang mabuhay na muli”?
-
Sa paanong paraan “nagtaglay ng dalawang kapangyarihan” si Jesucristo?
-
Ano ang ibig sabihin ng mabuhay na mag-uli? Sa anong anyo lalabas ang ating mga katawan kapag tayo ay nabuhay na mag-uli?
-
Ano ang mararamdaman ninyo kapag naunawaan ninyo na si Jesucristo ang naging dahilan upang tayo ay mabuhay na maguli at mabuhay magpakailanman? Paano nakatutulong sa inyo ang pagkaunawang ito na tuparin ang mga tipan na ginawa natin sa Diyos?
-
Bakit napakahalaga na maalaala natin na isang araw tayo ay tiyak na mamamatay at mabubuhay na mag-uli?