Kabanata 27
Ang Ating Gawain ay Magligtas ng mga Kaluluwa
Ang pinakamahalaga nating gawain ay ang gumawa para sa kaligtasan ng mga buhay at ng mga patay.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Sa buong buhay niya, si Joseph F. Smith ay naging masigasig sa paglilingkod sa kaharian ng Diyos, “palaging sabik sa pagsulong ng gawain ng Panginoon.”1 Sa isang natatanging komperensiya nang sang-ayunan siya bilang Pangulo ng Simbahan, hinikayat niya ang mga Banal: “Tungkulin nating gampanang masigasig ang gawain, na buo ang determinasyon at layunin sa puso na isulong ito, sa tulong ng Panginoon, at ayon sa inspirasyon ng Kanyang Espiritu, na tulad ng ginawa noon.”2
Hinimok niya ang mga Banal sa dumaraming bilang ng mga purok at sangay sa buong daigdig na paglingkuran at pagpalain ang iba sa anumang paraan na makakayanan nila. Samantalang pinamumunuan niya ang misyon sa Inglatera, si William Fowler, na miyembro ng Sheffield, ay naglahad ng kanyang nagawa upang maipalaganap ang mga gawain ng kaharian ng Diyos. Si Kapatid na Fowler na nakasagupa na ng maraming pagsubok at kahirapan noong sumapi siya sa Simbahan, ay nakabuo ng himno bilang pagpapahayag ng kanyang pananampalataya sa ebanghelyo at pasasalamat sa tinanggap niya. Si Pangulong Joseph F. Smith ay nasa pulong nang awitin ito sa unang pagkakataon. Ang himno ay nagsimulang maging pamilyar na mga salita sa mga Banal sa mga Huling Araw sa buong daigdig: “Salamat, O Diyos, sa Propeta” (Mga Himno).
Pinasalamatan ni Joseph F. Smith ang kontribusyon ng bawat matapat na Banal sa gawain ng Panginoon at nagnais na gugulin ang kanyang sariling buhay sa paglilingkod sa lahat ng tao, kapwa sa mga buhay at sa mga patay. Ibig na ibig niyang gumawa sa templo, kung saan naglingkod siya bilang rekorder ng templo; pinangasiwaan niya ang gawain sa templo sa Endowment House; at sa bandang huli siya ang naging pangulo ng Templo sa Salt Lake. Ang Genealogical Society ng Utah, na itinatag noong 1894, ay lumago sa ilalim ng kanyang pamamahala. Ang buhay ni Joseph F. Smith ay isang misyon para sa kapakanan at kaligtasan ng lahat ng tao, isang misyon na ipinagmamapuri niya sa mga Banal: “Walang ibang higit na dakila at higit na maluwalhati sa daigdig na tulad ng paggawa para sa kaligtasan ng mga buhay at para sa ikatutubos ng mga patay.”3
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Narito tayo sa mundo para gawin ang gawain ng Diyos.
Siya na nagsugo sa kanyang Bugtong na Anak sa daigdig upang isakatuparan ang misyon na kanya namang nagawa, ay isinusugo rin ang bawat kaluluwa na nakaririnig ng aking tinig, at gayon ang bawat lalaki at babae sa daigdig, upang isagawa ang isang misyon, at ang misyon na iyon ay hindi maisasagawa sa pagpapabaya; ni sa pamamagitan nang hindi pantay na pagpapahalaga; ni hindi rin ito maisasagawa sa kawalang-alam. Kailangan nating matutuhan ang ating tungkulin; pag-aralan ang mga kinakailangan na hinihiling ng Panginoon na gawin natin, at unawain ang mga responsibilidad na iniatang niya sa atin. Dapat nating matutuhan ang obligasyon natin sa Diyos at sa bawat isa, at na obligasyon din natin ang layunin ng Sion, na ipinanumbalik sa mundo sa mga huling araw. 4
Alalalahanin natin na ginagawa natin ang gawain ng Diyos—at kapag sinabi kong gawain ng Diyos, ang ibig kong sabihin ay ginagawa natin ang gawain ng Pinakamakapangyarihan na pinasimulan sa mundo para sa kaligtasan ng bawat isa sa atin. Ang bawat tao ay dapat gumawa para sa kanyang sariling ikabubuti at hanggat maaari para sa kabutihan ng iba. Walang anuman sa agham ng buhay ng tao ang gagawa lamang para sa kanyang sarili. Hindi nilayon na mag-isa tayo sa panahon ni sa kawalang-hanggan. Ang bawat indibiduwal ay isang yunit sa sambahayan ng pananampalataya, at ang bawat yunit ay dapat madama ang bahagi ng kanyang responsibilidad na umiinog sa kabuuan. Ang bawat indibiduwal ay kailangan maging masigasig sa pagsasagawa ng kanyang tungkulin. Sa paggawa nito, at sa pananatiling dalisay at walang-bahid mula sa sanlibutan, tinutulungan niya ang iba na mapanatiling dalisay at walang-bahid dungis ang kanilang sarili mula sa sanlibutan.5
[Ang ebanghelyo ni Cristo] ay isang buhay, pang-araw-araw na relihiyon, relihiyong para sa bawat oras. Kailangang gawin natin ang tama ngayon, sa oras na ito, sa linggong ito at sa taong ito; at magpatuloy sa bawat taon, na ipamuhay ang ating relihiyon— na siyang relihiyon ni Jesucristo—relihiyon ng kabutihan, ng katotohanan, ng awa, ng pagmamahal, pagpapatawad, kabaitan, pagsasama at kapayapaan sa mundo at kabutihan sa tao at sa buong daigdig. Ito ang ating misyon.6
Maluwalhati ang patutunguhan natin sa hinaharap; ginagawa natin ang isang maluwalhating gawain. Nararapat lamang na ibigay natin dito ang lahat ng ating atensiyon, ang buong buhay natin at ang lahat na ibinigay sa atin ng Panginoon, at kahit makasampung libong ulit pa. Tunay na wala itong kapantay, ito na ang kabuuan, wala itong katulad. Ito na talaga ito at wala nang iba pa. Ang ebanghelyo ay kaligtasan, at kung wala ito ay walang iba pang bagay na karapat-dapat na mapasaatin.7
Tungkulin ng bawat isa sa atin na gawin ang lahat ng ating magagawa upang kamtan ang ating kaligtasan.
Gawin ang ating kaligtasan na may takot at panginginig sa harapan ng ating Ama, at maging tapat hanggang sa wakas. Alalahanin na nagpatala kayo sa gawaing ito sa panahon at sa lahat ng kawalang-hanggan. Walang iiwas, walang aatras dito, maliban sa kasalanan, at pagkatapos ay darating ang kaparusahan ng paglabag. Ngunit kung umaasam kayo ng kadakilaan; kung umaasam kayong magkaroon ng mga ama at ina, kapatid, kamaganak at mga kaibigan; kung umaasam kayo ng kaluwalhatian, katalinuhan at mga buhay na walang katapusan, kailangan ninyo silang pagawain sa gawain ng Diyos; dahil hindi ninyo sila makakamtan sa labas ng gawaing ito. Samakatwid, hayaang matuon ang bawat simpatiya at interes sa mithiing ito. Ibuhos ninyo ang lahat ng inyong pagmamahal sa mithiing ito, at dito lamang. Hayaan ninyo ang mga bagay ng mundo.8
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan, at tunay na kailangan ito ng bawat lalaki at babae sa Simbahan ni Cristo upang gumawa ng kabutihan, upang sundin ang mga batas ng Diyos, at sundin ang mga kautusan na ibinigay niya, upang makamtan nila ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan sa buhay na ito.9
Naniniwala tayo na ang mga tao sa panahong ito ay dapat mamuhay at kumilos at makipag-ugnayan sa Diyos Ama at sa Anak, at dapat nilang makilala sila, dahil ang pagkakilala sa kanila ay buhay na walang hanggan. Naniniwala tayo na upang makilala sila at makaugnayan sila sa panahong ito na kinakailangang mamuhay tayo tulad ng mga Banal noong unang panahon, upang tamasahin natin ang mga biyayang tulad ng nakamtan nila, at maturuan Niya araw-araw, nang taludtod sa taludtod, nang tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon, hanggang sa magkaroon tayo ng lubos na kaalaman tungkol sa Ama at makilala natin Siya mismo. Imposibleng kilalanin ko siya para sa inyo, o ang sinuman na kilalanin siya para sa akin. Hindi ihahayag sa inyo ng Espiritu ng Diyos ang Ebanghelyo, hindi rin siya magpapatotoo sa inyo tungkol sa Ama, para sa akin. Hindi ko kayo maliligtas; hindi ninyo ako maliligtas. Walang sinuman ang maaaring maging tagapagligtas ng sinumang tao sa ganitong paraan. Subalit ang taong may patotoo ng Espiritu sa kanyang puso at may kaalaman tungkol sa mga unang alituntunin ng Ebanghelyo ay maaaring maghayag ng mga ito sa iba, at sa gayong paghahayag ay maaaring makumbinsi sa katotohanan ang isang kaluluwa at maakay na yakapin niya ito mismo. Ngunit ang kanyang pagsunod sa Ebanghelyo at ang sarili niyang mga gawain ng kabutihan ang magliligtas sa kanya, at hindi ang taong nagbigay ng patotoo sa kanya. Sa ganitong paraan lamang maliligtas ang isang tao.10
Hindi lamang kayo dapat maniwala, kundi dapat din ninyong sundin at gawin ang mga bagay na inuutos ng [Diyos]. Hindi lamang iyan ang gagawin ninyo, kundi kailangan ninyong ibigay ang inyong puso, ang inyong pagmamahal at inyong buong ka- luluwa na maluwag sa kalooban sa Diyos. Kailangan ninyong kalimutan ang inyong kagustuhan para sa kagustuhan ng Ama, at kailangan ninyong gawin ang lahat ng bagay na hinihiling Niya sa inyo, kung nais ninyong maligtas at madakila sa Kanyang kinaroroonan.11
Kinakailangan tayong gumawa upang iligtas ang sarili nating mag-anak.
O! Diyos, tulungan po ninyo akong hindi ko mapabayaang mawala ang sarili kong mag-anak. Hindi ko makakayang tiisin na mawala sila, sila na ipinagkaloob ng Diyos sa akin at pananagutan ko sa harapan ng Panginoon, at sila na umaasa sa akin para sa patnubay, para sa tagubilin, at para sa tamang impluwensiya. Ama, huwag po ninyong ipahintulot na mawalan ako ng interes sa kanila, sa pagsisikap na mailigtas ang iba. Ang pag-ibig sa kapwa ay nagsisimula sa tahanan. Ang walang hanggang buhay ay dapat na mag-umpisa sa tahanan. Labis akong makadarama ng pagkalungkot matapos kong mabatid, sa darating na panahon, na dahil sa kapabayaan ko sa tahanan, habang sinisikap na mailigtas ang iba, ay nawala ko sila. Ayokong mangyari iyon. Tinutulungan ako ng Panginoon na iligtas ang sarili kong maganak, hanggat tinutulungan nila ang isa’t isa. Batid kong hindi ko maililigtas ang sinuman, subalit matuturuan ko sila kung paano maligtas. Makapagpapakita ako ng halimbawa sa aking mga anak kung paano sila maliligtas, at tungkulin ko na unahin itong gawin. Higit akong may pananagutan sa kanila kaysa kaninuman sa daigdig. Kasunod nito, kapag naisakatuparan ko na ang gawain na dapat kong gawin sa aking sariling tahanan, ay ipaaabot ko naman sa iba ang kakayahan kong makatulong sa abot ng aking makakaya.12
Ang ating misyon sa daigdig na ito ay gumawa ng mabuti, wakasan ang kasamaan, dakilain ang katuwiran, kadalisayan, at kabanalan sa puso ng tao, at itanim sa isipan ng ating mga anak, higit sa lahat ng bagay, ang pag-ibig sa Diyos at sa kanyang salita, na mapapasa kanila bilang bukal ng liwanag, lakas, pananampalataya at kapangyarihan, inaakay sila mula pagkabata hanggang sa pagtanda, at ginagawa silang matibay na mananampalataya sa salita ng Panginoon, sa ipinanumbalik na ebanghelyo at Pagkasaserdote, at sa pagtatatag ng Sion, na hindi na kailanman magigiba o ibibigay sa ibang tao. Kung mayroon mang bagay akong ninanais na higit pa na nasa daigdig na ito, ito ay ang mapamalagi ang aking mga anak sa kaalaman at pananampalatayang ito, nang sa gayon ay hindi sila kailanman maililihis mula rito.13
Ang kaluluwa na nailigtas sa daigdig ay kasinghalaga sa paningin ng Diyos katulad ng kaluluwa na nailigtas sa tahanan. Subalit mayroon tayong gawain sa tahanan, sa pinto mismo ng ating tahanan; at hindi maaaring ipagwalang-bahala natin ang gawain na kinakailangang gawin sa ating mismong mga tahanan, at pagkatapos ay lalabas tayo sa daigdig upang gawin muna ang gawain na hindi na kinakailangan pang gawin. Gawin natin ang ating tungkulin sa lahat ng dako.14
Kinakailangan tayong gumawa para sa kaligtasan ng mga buhay at mga patay.
Itaguyod natin si Cristo, ang kanyang mga tao, at ang kanyang layunin sa kabutihan at pagtubos; itaguyod natin ang isa’t isa sa paggawa ng tama, at magiliw na pagpayuhan ang isa’t isa hinggil sa mga maling gawa, na tayo ay maging magkakaibigan at mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion, isa para sa isa’t isa, at nawa ay matulungan natin ang mahihina at mapalakas sila, palakasin ang loob ng mga nag-aalinlangan at bigyan sila ng liwanag sa kanilang tamang pang-unawa hangga’t magagawa ninyo, upang tayo ay maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos gaya ng mga tagapagligtas sa kalipunan ng mga tao. Hindi dahil sa may kapangyarihan tayong iligtas ang mga tao. Wala tayong kapangyarihang gawin ito; subalit mayroon tayong kapangyarihan upang ipakita sa kanila kung paano sila magtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ng Diyos. Maipakikita natin sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin upang maligtas, sapagkat may karapatan tayong gawin ito, may kaalaman at pang-unawa tayo kung paano ito gagawin, at isang pribilehiyo natin na ituro ito … sa pamamagitan ng halimbawa at gayundin sa pamamagitan ng tuntunin sa ating mga nakakahalubilo saan mang panig ng daigdig tayo naroroon.15
Ang ating misyon noon pa man ay iligtas ang sangkatauhan. Tayo ay gumagawa … upang dalhin ang mga tao sa kaalaman ng ebanghelyo ni Jesucristo, upang matulungan silang magsisi, upang mahikayat silang sumunod sa mga ipinatutupad ng batas ng Diyos. Sinisikap nating iligtas ang mga tao sa kamalian; hikayatin sila na lumayo sa masama at matutong gumawa ng mabuti.16
Ang ating misyon ay magligtas, mapangalagaan ang sinuman mula sa kasamaan, dakilain ang sangkatauhan, dalhin ang liwanag at katotohanan sa daigdig, manaig sa mga tao sa mundo upang makalakad nang matwid sa harapan ng Diyos, at maigalang siya sa kanilang mga buhay.17
Ang sukatan … ng kadakilaan ng ating kaluluwa ay … makikita sa ating kakayahan na magbigay-aliw at magpanatag ng kalooban ng iba, ating kakayahang tulungan ang iba, sa halip na tulungan lamang natin ang ating mga sarili at hilahin pababa ang iba sa kanilang pagpupunyagi sa buhay.18
Dapat nating laging sikapin na tulungan ang [iba] na magtagumpay —hindi ang sirain sila! Ang ating layunin ay buhay na walang hanggan—ang ating mithiin ay iangat ang sangkatauhan— hindi ang pabagsakin sila.19
Ang ating gawain ay iligtas ang daigdig, iligtas ang sangkatauhan; tulungan silang umayon sa mga batas ng Diyos at sa mga alituntunin ng kabutihan at ng katarungan at katotohanan, nang sa gayon ay maligtas sila sa kaharian ng ating Diyos, at maging, sa dakong huli, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng ebanghelyo, mga tagapagmana ng Diyos at mga kasamang tagapagmana ni Jesucristo. Iyan ang ating misyon.20
Hindi tayo matatapos sa ating gawain hanggang sa mailigtas natin ang ating mga sarili, at hangga’t hindi natin naililigtas ang lahat na umaasa sa atin; sapagkat sisikapin nating maging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion, gaya rin naman ni Cristo. Tinawag tayo sa misyong ito. Ang mga patay ay hindi magiging ganap kung wala tayo, ni tayo kung wala sila. May misyon tayong gagampanan para sa mga patay; may mga bagay na kailangan tayong gawin upang mapalaya ang mga tao na, dahil sa kanilang kamangmangan at sa mga di-magandang pangyayari sa kanilang buhay habang sila’y narito pa sa lupa, ay hindi pa handa para sa buhay na walang hanggan; kailangan nating buksan ang pinto para sa kanila, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ordenansa na hindi nila nagawa para sa kanilang mga sarili, at kinakailangan para sa paglaya nila mula sa “bilangguan,”upang magbangon at mangabuhay sa espiritu ayon sa Diyos, at mangahatulan ayon sa mga tao sa laman.21
Ang gawain para sa ating mga patay, na ipinababalikat sa atin ng Propetang Joseph na higit pa sa karaniwang kautusan, ay nagbibigay tagubilin sa atin na dapat nating saliksikin ang tungkol sa ating mga kamag-anak at ninunong nangamatay na hindi nagkaroon ng kaalaman sa ebanghelyo, ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Dapat nating matanggap ang mga sagrado at mahalagang ordenansa ng ebanghelyo na inihayag bilang napakahalagang sangkap sa kaligayahan, kaligtasan at ikatutubos ng mga nabuhay sa daigdig na ito nang hindi nila natutuhan ang ebanghelyo at namatay nang hindi nagkaroon ng kaalamang ito, at ngayon ay naghihintay sa atin, na kanilang mga anak, na nabubuhay sa panahon kung saan ang mga ordenansang ito ay maaaring isagawa, upang maisakatuparan ang kinakailangang gawain na magpapalaya sa kanila mula sa bilangguan. Sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap para sa kanila ay makakalag ang gapos ng kanilang pagkakaalipin, at maglalaho ang kadiliman na bumabalot sa kanila, upang sumikat ang liwanag sa kanila at maririnig nila sa daigdig ng espiritu ang gawain na isinagawa para sa kanila ng kanilang mga anak dito sa lupa, at magagalak silang kasama ninyong magagalak sa pagsasagawa ninyo ng mga tungkuling ito.22
Hindi kailanman dumating ang sandali at hindi kailanman darating ang sandali sa mga nagtataglay ng Pagkasaserdote sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na masasabi ng mga kalalakihan sa kanilang sarili na sapat na ang kanilang mga nagawa. Habang may buhay, at habang nagtataglay tayo ng kakayahan upang gumawa nang mabuti, upang gumawa para sa pagtatatag ng Sion, at para sa kapakinabangan ng buong sangkatauhan, dapat nating, gawin nang maluwag sa ating mga kalooban ang mga ipinagagawa sa atin upang maisakatuparan kaagad at nang may kasiyahan ang mga hinihingi ng ating tungkulin, maliit man ito o malaki.23
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Bakit mahalaga na malaman na ang bawat tao ay ipinadala sa daigdig “upang isagawa ang isang misyon”? Bakit imposible na magampanan natin ang ating misyon kung tayo ay “gagawa lamang” para sa ating mga sarili?
-
Paano natin magiging gawain ang gawain ng Diyos? Bakit ang gawain ng Panginoon ay karapat-dapat sa “lahat ng ating atensiyon”? Paano maipakikita ng ating mga pagpili ang ating matibay na pangako sa gawain ng Panginoon?
-
Ano ang kailangan nating gawin nang higit pa sa maniwala at sumunod upang “maligtas at maging dakila sa kinaroroonan ng [Diyos]”? Ano ang ibig sabihin para sa inyo ng ibigay ang “inyong puso, ang inyong pagmamahal at inyong buong kaluluwa na maluwag sa kalooban sa Diyos”? Sa kabila ng lahat ng ating pagsisikap, paano natin matatanggap ang kaligtasan? (Tingnan din sa 2 Nephi 25:23.)
-
Anong mga bagay ang dapat nating hangarin upang maitanim sa mga isipan ng mga miyembro ng ating mag-anak ang “higit sa lahat ng bagay”?
-
Paano natin mapagsisikapan na iligtas ang sarili nating mga kamag- anak at sa kabila nito ay magampanan pa rin ang ating mga pananagutan na makapaglingkod? Paano magiging pagpapala sa ating mag-anak ang paglilingkod natin sa iba na nasa Simbahan at sa lahat man ng dako?
-
Paano natin magagawang “dakilain ang sangkatauhan”? Ano ang magagawa natin upang matulungan ang iba na maging matapat sa mga batas ng Diyos?
-
Ano ang magagawa natin upang makalag ang “gapos ng pagkakaalipin” ng mga namatay na hindi nagkaroon ng kaalaman sa ebanghelyo? Ano ang inyong mararamdaman kapag nalaman ninyo na ang mga taong inyong tinutulungan ay “kasama ninyong magagalak sa pagsasagawa ninyo ng mga tungkuling ito”?
-
Bakit “ang sukatan … ng kadakilaan ng ating kaluluwa” ay makikita sa “ating kakayahang tulungan ang iba? Sa palagay ninyo, bakit ito nga ang sukatan ng kadakilaan ng ating kaluluwa? Paano at kailan kayo gumawa ng mga pagsasakripisyo para sa kabutihan ng iba? Ano ang inyong nadama nang gawin ninyo ito?