Kabanata 16
Pagkasaserdote, ang Banal na Pamamahala
Ang banal na pagkasaserdote ang kapangyarihan at lakas ng Diyos na isinalin sa tao upang pamahalaan at basbasan ang kanyang mga tao.
Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith
Sa gulang na 28, si Joseph F. Smith ay naglingkod bilang kalihim ng Kapulungan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa. Noong ika-1 ng Hulyo 1866, nang ang regular na pagpupulong ng Kapulungan ay patapos na, ipinahayag ni Pangulong Brigham Young sa kanyang mga kapatid: “Palagi kong nadarama na mabuting gawin ang ipinagagawa ng Espiritu sa akin. Naisip ko na ordenan si Kapatid na Joseph F. Smith sa pagiging Apostol at maging isa sa aking mga tagapayo.” Tinawag niyang isa-isa ang mga Kapatid na ipahayag ang kanilang damdamin tungkol sa pagkakatawag, at lahat sila ay pinagkalooban si Pangulong Young ng “taos pusong pagsang-ayon.”
Pagkaraan ay ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa ulo ni Joseph F., at sinabi ni Pangulong Young: “Kapatid na Joseph F. Smith, ipinapatong namin ang aming mga kamay sa iyong ulo sa pangalan ni Jesucristo, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Pagkasaserdote, inoordenan ka namin bilang isang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at upang maging isang tanging saksi sa mga bansa sa daigdig. Ibinubuklod namin sa iyong ulo ang lahat ng kapangyarihan, lakas at mga susi ng nitong banal na pagka-Apostol; at inoordenan ka namin bilang isang tagapayo sa Unang Panguluhan ng Simbahan at ng Kaharian ng Diyos sa daigdig. Ang mga pagpapalang ito ay ibinubuklod namin sa iyo sa panga lan ni Jesucristo at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Pagkasaserdote. Siya nawa.”1
Noong ika-8 ng Oktubre 1867, sinang-ayunan at inilaan si Joseph F. Smith bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isang pangkalahatang kumperensiya, isang mahalagang punto sa kanyang habangbuhay na paggawa bilang miyembro ng namamahalang mga pulong ng Simbahan. Sa loob ng kanyang paglilingkod nang higit sa 50 taon, ang kanyang malaking karanasan at karunungan ay pinakinabangan ng Simbahan sa buong mundo.
Mga Turo ni Joseph F. Smith
Ang pagkasaserdote ang kapangyarihan kung saan pinamamahalaan at binasbasan ng Diyos ang Kanyang mga tao.
Ang Banal na Pagkasaserdote ang kapangyarihan na isinalin ng Diyos sa tao, upang sa pamamagitan nito ay sabihin niya ang kalooban ng Diyos na katulad na rin kung naririto ang mga anghel upang sila mismo ang magsalita; upang sa pamamagitan nito ay magkaroon ng kapangyarihan ang mga tao na magbuklod sa lupa at ito ay pagbubuklurin sa langit, at upang magkalag sa lupa at ito ay kakalagan sa langit; upang sa pamamagitan nito ang mga salita ng tao, na sinalita sa paggamit ng kapangyarihan na ito, ay maging salita ng Panginoon, at batas ng Diyos sa kanyang mga tao, banal na kasulatan, at banal na mga atas. … Ito ang kapangyarihan kung paano ang Makapangyarihang Panginoon ay namamahala sa kanyang mga tao, at sa pamamagitan nito, sa darating na panahon, kanyang pamamahalaan ang lahat ng mga bansa sa mundo.2
Maraming bagay ang masasabi hinggil sa kapangyarihan at mga karapatan ng pagkasaserdote. Ito ang pinakadakilang alituntunin ng pamamahala at ng organisasyon, kung saan ang sigla at lakas ng mga tao ng Diyos sa lahat ng kapanahunan ay pinamatnubayan at pamamatnubayan. Ito ang alituntunin kung paano ang Makapangyarihang Diyos ay namamahala sa kanyang sansinukob. Ito ang alituntunin kung paano Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay pinamamahalaan. … Ito ang kapangyarihang ipinahayag at ipinanumbalik ng Diyos sa mga anak ng tao para sa kanilang pamamahala at pamamatnubay sa pagtatayo ng Sion at sa pangangaral ng Ebanghelyo sa mga bansa sa daigdig, hanggang sa ang bawat anak na lalaki at babae ni Adan ay magkaroon ng pribilehiyo na marinig ang salita ng Ebanghelyo, at madala sa kaalaman ng katotohanan, hindi lamang sa daigdig na ito, kundi sa daigdig ng mga espiritu.3
[Ang] Pagkasaserdoteng Melquisedec o Banal na Pagkasaserdote … ay ang kapangyarihan kung paano ang mga korum, na binubuo ng pagkasaserdote ng Simbahan, ay maaaring kumilos nang may karapatan sa pangalan ng Panginoon; o ang nagpapatakbo, namamatnubay, nanunupil o namamahalang ahensiya, karapatan o awtoridad, na ipinagkaloob sa Panguluhang Diyos at isinalin sa tao para sa layunin ng pagtuturo at pagpapasimula sa kanya sa Simbahan, paggabay sa espirituwal at sa temporal, pamamahala at pagdadakila.4
Itinatag ng Panginoon sa lupa ang Pagkasaserdote sa kabuuan Nito … sa pamamagitan ng tahasang paghahayag at kautusan mula sa langit; … itinatag niya ang isang sistema ng pamamahala na lagpas sa kakayahan, at higit kaysa karunungan at kaalaman at pang-unawa ng tao, sa ganyang antas, kung kaya’t tila imposible para sa isip ng tao, nang walang tulong ng Espiritu ng Diyos, na maunawaan ang kagandahan, lakas, at katangian ng Banal na Pagkasaserdote. Tila ba mahirap para sa mga tao na maunawaan ang mga gawain ng Pagkasaserdote, ang kapangyarihan nitong legal, ang saklaw at lakas nito; ngunit sa pamamagitan ng liwanag ng espiritu ay napakadaling maunawaan nito.5
Gaano man kalaki ang pagkukulang nila, ang mga tao ay pinagkalooban ng kapangyarihang ito, na sa pamamagitan nito ay maaari silang magsalita at kumilos sa ngalan ng Ama at ng Anak, at ang Diyos ay nakatali, kung sila ay nagsasalita sa pamamagitan ng kanyang Espiritu sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin bilang Kanyang mga tagapaglingkod, upang igalang at tuparin ang mga yaong sinabi nila, dahil sila ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan na ipinagkaloob Niya. … Mangyari pa, ang lahat ng bagay ay dapat gawin sa katuwiran. Walang sinumang tao ang makagagawa ng anumang bagay sa kawalang-katuwiran na igagalang ng Diyos. Ngunit kung ang isang tao na humahawak ng Pagkasaserdote ay ginagawa ang yaong matuwid, kikilalanin ng Diyos ito na tila ba Siya mismo ang gumawa nito.6
Ang pinakamahalagang bagay na pinag-uusapan ay ito: itinatag ng Panginoon ang kanyang Simbahan, binalangkas ang Pagkasaserdote, at iginawad ang karapatan sa ilang mga tao, mga kapulungan at korum, at tungkulin ang mga tao ng Diyos na mamuhay upang mabatid nila na ang mga ito ay katanggap-tanggap sa kanya.7
Bagamat ang pagkasaserdote ay ipinagkakaloob sa kalalakihan lamang, ang kalalakihan at kababaihan ang tumatanggap ng mga biyaya nito.
Sa simula, ang Pagkasaserdote ay ginamit ayon sa orden ng patriyarka; ang mga yaong humahawak nito ay ginagamit ang kanilang lakas unang-una ayon sa karapatan ng kanilang pagiging ama. Ganito rin sa dakilang Elohim. Ang pinakauna at pinakamalakas na karapatan sa kanilang pag-ibig, kabanalan at pagsunod ay batay sa katunayan na siya ang Ama, ang Manlilikha, ng buong sangkatauhan. … Ang taong humahawak ng pagkasaserdote ay katulad niya. Ngunit dahil ang kalalakihan sa daigdig ay hindi maaaring kumilos sa ngalan ng Diyos bilang kanyang kinatawan nang walang kapangyarihan, ang pagkakatalaga at pag-orden ay likas na sumusunod. Walang sinumang tao ay may karapatan na tumanggap sa kanyang sarili ng karangalang ito, maliban kung tawagin siya ng Diyos sa pamamagitan ng mga paraang kanyang kinikilala at binigyang kapangyarihan.8
Ang orden ng patriyarka ay may banal na simula at magpapatuloy sa panahon at kawalang-hanggan. … Ang kalalakihan, kababaihan at mga bata ay dapat na maunawaan ang orden at kapangyarihang ito sa mga tahanan ng mga tao ng Diyos, at hangaring gawin ito ayon sa nilalayon ng Diyos na gawin dito, isang kakayahan at paghahanda para sa pinakamataas na kadakilaan ng kanyang mga anak.9
Anumang mga karangalan, pribilehiyo, o kaluwalhatian ang matamo ng tao sa pamamagitan ng Pagkasaserdote, ang mga ito ay ibinabahagi at tinatamasa ng kanyang kabiyak. Dahil isa ito sa kanya kay Cristo, ang lahat ng kanyang karangalan ay karangalan nito, ang kanyang mga biyaya ay mga biyaya nito, ang kanyang kaluwalhatian ay kaluwalhatian nito, sapagkat sila ay iisa—hindi maghihiwalay. … Kagaya ng sinabi ni Pablo, “Ang babae ay di maaaring walang lalaki at ang lalaki ay di maaaring walang babae sa Panginoon.” [Tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:11.] Sa ibang salita, ang lalaki ay hindi maaaring makatamo ng kaluwalhatian, karangalan o kadakilaan nang wala ang babae, ni ang babae nang wala ang lalaki. Sila ay tanging mga bahagi ng iisang buo. … Ang Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos ay ipinagkakaloob sa lalaki, upang sa kanyang pagtamo ng ganoon din kabunyian at kaganapan, ay maaari siyang kumilos katulad ng pagkilos ni Cristo at ng Ama. … Samantalang ang lalaki … ang tahasang layunin na kung kanino ipinagkakaloob ang lakas at karangalan ng Pagkasaserdote, at siya ang aktibong kinatawan ng paggamit nito, ang babae ay nakikibahagi sa mga kapakinabangan, mga biyaya, mga lakas, mga karapatan at pribilehiyo nito, nang ang lalaki ang kabuuan ng kanyang sarili. … Ang lakas ay hindi ipinagkakaloob sa babae upang kumilos nang may kalayaan mula sa lalaki, ni ipinagkaloob ito sa lalaki upang kumilos nang may kalayaan mula kay Cristo.10
Ang kababaihan ay may pananagutan sa kanilang mga kilos kagaya rin naman ng mga lalaki na may pananagutan sa kanilang mga kilos, bagamat ang lalaki, na humahawak sa kapangyarihan ng pagkasaserdote, ay itinuturing na ulo, o pinuno. … Higit pa rito, kapag pinag-uusapan natin ang kalalakihan, pinag-uusapan din natin ang kababaihan, sapagkat ang kababaihan ay kabilang sa kalalakihan at hindi mawawalay na bahagi ng sangkatauhan.11
Ang mga susi ng pagkaserdote ay kinakailangan para sa pamamahala ng Simbahan.
Ang Pagkasaserdote sa pangkalahatan ang kapangyarihan na ibinigay sa tao upang kumilos sa pangalan ng Diyos. Ang bawat tao na inordenan sa anumang antas sa Pagkasaserdote ay may kapangyarihan na isinalin sa kanya.
Ngunit kinakailangan na ang bawat kilos na ginampanan sa ilalim ng kapangyarihan na ito ay dapat na gawin sa angkop na panahon at lugar, sa angkop na paraan, ay alinsunod sa angkop na orden. Ang lakas na pamangasiwaan ang mga gawaing ito ay bumubuo sa mga susi ng Pagkasaserdote. Sa kanilang kabuuan, ang mga susi ay hinahawakan ng iisang tao lamang sa bawat panahon, ang propeta at pangulo ng Simbahan. Maaari niyang isalin ang anumang bahagi ng lakas na ito sa iba, na sa kung saan ang taong iyon ay humahawak sa mga susi ng partikular na gawaing iyon. Sa gayon, ang pangulo ng isang templo, ang pangulo ng isang istaka, ang obispo ng isang purok, ang pangulo ng isang misyon, ang pangulo ng isang korum, at humahawak lahat sa mga susi ng mga gawaing ginagampanan sa partikular na katawan o lugar na iyon. Ang kanyang Pagkasaserdote ay hindi nadaragdagan sa pamamagitan ng tanging pagkakatalagang ito … ang pangulo ng korum ng mga elder, halimbawa, ay may Pagkasaserdote na hindi humihigit sa sinumang miyembro ng korum na yaon. Ngunit hinahawakan niya ang lakas ng pangangasiwa ng opisyal na gawain na ginagampanan sa … korum, o sa ibang salita, ang mga susi sa mga hangganan ng gawaing iyon.12
[Ang] Pangulo ang siyang tagapagsalita ng Diyos, ang tagapagpahayag, ang tagasalin, ang tagakita, ang Propeta ng Diyos sa buong Simbahan. Siya ang yaong humahawak ng mga susi ng Banal na Pagkasaserdoteng ito—ang mga susi na makapagbubukas ng mga pinto ng mga Templo ng Diyos at ng ordenansa sa Kanyang bahay para sa kaligtasan ng buhay at pagtubos ng patay. Siya ang yaong humahawak ng kapangyarihan ng pagbubuklod, na sa pamamagitan nito ang tao ay maaaring magbuklod sa lupa at ito ay ibubuklod sa langit, at sa pamamagitan nito ang mga tao na binigyang kapangyarihan at itinalaga niya na humahawak ng mga susi ay maaaring magkalag sa lupa at ito ay kakalagan sa langit. Ito ang orden ng Banal na Pagkasaserdote.13
Ang pagkasaserdote ay namamahala sa pamamagitan ng batas ng pag-ibig.
Ipinahayag ng Panginoon ang ang dakilang alituntunin ng organisasyon, na mamahala ng kanyang Simbahan, na itinatag ng Diyos sa kanyang Simbahan, ang kapangyarihan ng Banal na Pagkasaserdote, na iyong sa Mataas na Pagkasaserdote, ang pagka-Apostol, ang mga Pitumpu, at ang mga Elder, at pagkatapos ay ang organisasyon ng Mababang Pagkasaserdote—ang mga Obispo, ang mga Saserdote, ang mga Guro at ang mga Diyakono—itinatag ng Diyos ang mga organisasyong ito sa Simbahan para sa pamamahala sa mga tao. Para ano? Upang apihin sila? Hindi. Upang saktan sila? Hindi, isang libong ulit na hindi. Para ano? Upang sila at ang kanilang mga anak ay magkaroon ng kapakinabangan ng mga organisasyong ito para sa pagtuturo, para sa pangangaral, para sa pamamatnubay, para sa paghahayag, at para sa inspirasyon na gawin ang yaong kinakailangan ng Panginoon sa kanilang mga kamay, upang sila ay maging ganap sa kanilang mga buhay.14
Pinamamahalaan tayo ng batas, dahil iniibig natin ang isa’t isa, at pinakikilos ng mahabang pagtitiis at pag-ibig sa kapwa, at kabutihan; at ang buong organisayon ay nakabatay sa ideya ng pagpipigil sa sarili; ng alituntunin ng pagbibigayan, at sa pagnanais na magtiis dahil ginawan ng pagkakamali sa halip na gumawa ng pagkakamali. Ang ating mensahe ay kapayapaan sa mundo at kabutihan sa lahat ng tao; pag-ibig, pag-ibig sa kapwa at pagpapatawad, na dapat magpakilos sa lahat ng may kinalaman sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang atin ay isang Simbahan kung saan ang batas ay nangingibabaw, ngunit ang batas ay ang batas ng pag-ibig.15
Walang tao na dapat apihin. Walang kapangyarihan ng Pagkasaserdote ang maaaring ipamahala o gamitin sa anumang antas ng kawalang katuwiran, nang hindi magkakasala sa Diyos. Samakatuwid, kapag nakikitungo tayo sa mga tao ay hindi tayo dapat na makitungo sa kanila nang may masamang palagay tayo sa kanila.16
Walang sinumang tao na humahawak ng anumang kapangyarihan sa Simbahan ang makagaganap sa kanyang tungkulin nang nararapat sa pamamagitan ng anupamang espiritu maliban sa espiritu ng pagiging ama at pagiging kapatid sa mga yaong pinamumunuan niya. Ang mga yaong may kapangyarihan ay hindi dapat na maging mga mananakop, o mga diktador; hindi sila dapat na maging dominante; dapat nilang makuha ang mga puso, ang pagtitiwala at pagmamahal ng mga yaong pinamumunuan niya, sa pamamagitan ng kabaitan at hindi pakunwaring pag-ibig, sa pamamagitan ng kahinahunan ng espiritu, sa pamamagitan ng panghihikayat, sa pamamagitan ng halimbawa na hindi masisisi at hindi maabot ng di makatarungang pamimintas. Sa ganitong paraan, sa kabaitan ng kanilang mga puso, sa kanilang pag-ibig sa mga tao, gagabayan nila sila sa landas ng katuwiran, at tuturuan nila sila sa daan ng kaligtasan, sa pamamagitan ng pagsabi sa kanila, kapwa sa tuntunin at halimbawa: Sumunod kayo sa akin, katulad ng pagsunod ko sa ating pinuno.17
Igalang ang kapangyarihan at awtoridad ng banal na pagkasaserdote.
Isang tumpak na bagay para sa atin na tanggapin at igalang ang Banal na Pagkasaserdote na ipinanumbalik sa lupa sa dispensasyong ito, sa pamamagitan si Joseph, ang Propeta. Batid kong mabuti ito, sapagkat ito ay nilayon upang igalang ang katotohanan, at sang-ayunan ang Simbahan, at paunlarin ang kalalakihan sa kaalaman, sa mabubuting gawa, sa katapatan sa mga layunin ng Panginoon, at ito ay kinakailangan sa tamang pamamahala ng mga tao ng Diyos sa lupa, at sa ating mga pansariling pamamahala, sa pamamahala sa ating mga pamilya, sa pamamahala sa ating mga gawaing temporal at espirituwal, sa bawat isa sa atin o sa pangkalahatan.18
Igalang yaong kapangyarihan at awtoridad na tinatawag nating Banal na Pagkasaserdote, na alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos, at na ipinagkaloob sa tao ng Diyos mismo. Igalang ang Pagkasaserdoteng yaon. Ano ang Pagkasaserdoteng yaon? Ito ay hindi hihigit at hindi kukulangin sa banal na kapangyarihan na itinalaga sa tao mula sa Diyos. Ito ang alituntunin na dapat nating igalang. … Ang Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos ay hindi maaaring gamitin sa anumang antas ng kawalang katuwiran; gayundin namang ang kapangyarihan, ang kabutihan at kapangyarihan ay mapupunta sa isang taong masama, na mapagkanulo sa kanyang kaluluwa tungo sa Diyos at sa kanyang kapwa tao. Hindi mapupunta ang kapangyarihan at awtoridad nito sa isang hindi iginagalang ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagtupad sa mga kinakailangan ng kalangitan.19
Iginagalang ba ninyo ang pagkasaserdote? … Kayo ba, na humahawak ng Pagkasaserdote, at may karapatan at awtoridad mula sa Diyos na mangasiwa sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, ay lalabagin ang pagtitiwala at ang pag-ibig ng Diyos, ang pag-asa at hangarin ng Ama na nasa ating lahat? Sapagkat, sa pagkakaloob sa susi at biyayang ito sa inyo, inaasam at hinihintay niya sa inyo na gawin ang inyong tungkulin.20
Kung igagalang muna ninyo ang banal na Pagkasaserdote na nasa inyong sarili, igagalang ninyo ang yaong mga namumuno sa inyo, at sa yaong nangangasiwa sa iba’t ibang tungkulin, sa buong Simbahan.21
Hindi … mabuti na ang mga Banal sa mga Huling Araw at ang mga anak ng mga Banal sa mga Huling-araw ay ituturing na hindi mahalaga ang banal na alituntuning ito ng awtoridad na ipinahayag mula sa kalangitan sa dispensasyon kung kailan tayo nabubuhay. … Banal ito, at dapat na ituring na banal ng mga tao. Dapat na igalang at respetuhin nila ito, sa kung kanino man ito naroroon, at sa kung kaninumang tungkulin inilagay ito sa Simbahan. Ang kabataang lalaki at kabataang babae at ang mga tao sa pangkalahatan ay dapat na igalang ang alituntuning ito at kilalanin ito bilang isang bagay na sagrado, at hindi maaaring biru-biruin o banggitin nang walang paggalang nang hindi mapaparusahan. Ang pagwawalang bahala sa kapangyarihang ito ay naghahatid sa kadiliman at pagtalikod sa katotohanan, at pagkahiwalay mula sa lahat ng karapatan at pribilehiyo sa bahay ng Diyos; sapagkat sa pamamagitan ng kabutihan ng kapangyarihang ito na ang mga ordenansa ng ebanghelyo ay ginagampanan sa buong mundo at sa bawat sagradong lugar, at kung wala ito ay hindi maaaring gampanan ang mga yaon. Ang mga yaong humahawak ng kapangyarihang ito ay dapat na igalang ito. Dapat silang mamuhay sa paraang magiging karapat-dapat sila sa kapangyarihan na ipinagkaloob sa kanila at karapat-dapat sa mga kaloob na ibinigay sa kanila.22
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Ano ang pagkasaserdote? Para sa anu-anong layunin at isinalin ng Diyos sa tao ang kapangyarihan ng pagkasaserdote?
-
Paano natin “mauunawaan ang mga gawain ng Pagkasaserdote”?
-
Sa anu-anong paraan ang kalalakihan at kababaihan ng Diyos tumatanggap ng mga biyaya, lakas, at pribiliheyo ng pagkasaserdote?
-
Paano nabiyayaan ng pagkasaserdote ang inyong buhay? Paano nito nabiyayaan ang mga yaong nasa inyong tahanan?
-
Anu-ano ang mga susi ng pagkasaserdote? Bakit ibinigay ang mga ito? Sino ang humahawak sa lahat ng susi ng pagkasaserdote? Sino ang humahawak sa mga susi sa antas ng purok at istaka?
-
Sa anong diwa dapat na gampanan ng mga humahawak ng pagkasaserdote ang kanilang mga tungkulin? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:41—46.) Anong impluwensiya mayroon ang isang humahawak ng pagkasaserdote sa tahanan at sa Simbahan kapag nagpapakita siya ng “hindi pakunwaring pagibig” at “kahinahunan ng espiritu”?
-
Paano natin igagalang ang pagkasaserdote at ituturing na banal ito? Sa anu-anong paraan maaaring hindi natin pinahahalagahan ang banal na kapangyarihan na ito?
-
Paano ang halimbawa ng Tagapagligtas makatutulong sa atin na maunawaan kung paano gamitin at igalang ang kapangyarihan ng pagkasaserdote?